Mga Alaala sa Paris [at iba p...

By miko__akihiro

871 46 14

Mga maikling kuwento ni Mark Aldeme D. Siladan [tunay kong pangalan] na nailathala sa Liwayway, ang nangungun... More

Paunang Salita
Mga Alaala sa Paris
Agawin Mo Ako sa Diyos
Ang Sining ng Pagpapalaya
Isang Araw sa Sementeryo
Arianne
Ang Diary sa Lilim ng Cherry Tree
Mga Sulat Mula sa Isang Anghel
Isang Perpektong Pasko
Ang Liham ng Pamamaalam
Ikalabing-apat ng Pebrero

Ang Lasa ng Tinola

47 3 0
By miko__akihiro


PUMASOK si Rey sa karinderyang nasa tapat ng pamantasan kung saan siya nag-aaral. Maraming kumakain doon kapag oras ng pananghalian. Dumiretso siya sa kinapupuwestuhan ng mga ulam.

"Hindi ka ba nagsasawa riyan?" tanong ng nagbabantay roon, tinutukoy ang in-order niyang tinolang manok.

"Bakit naman ako magsasawa rito, Loisa? Alam mo namang kaya kong ulamin ito habambuhay, hindi ba?"

"Oo na. O, siya, heto na ang order mo."

"Salamat. Ang ganda mo talaga!"

"Hindi mo na kailangang mambola para makalibre."

"Talaga? Libre na naman ito?"

"Ano pa ba sa palagay mo? Nakakahiya naman kay Tita Digna kung sisingilin pa kita, ano?"

"Hay naku, pagpasensiyahan mo na iyang anak ko, hija," sabad ng kanyang tiyahin na itinuturing siyang tunay na anak. Galing ito sa kusina. Nagluluto ito ng ilang ulam para sa karinderya, kasama ang paborito niyang tinolang manok.

Namatay sa aksidente ang kanyang mga magulang. Kasama rin siya ng mga ito sa bus na nahulog sa bangin at sumabog ngunit mapalad at himala siyang nakaligtas. Sampung taong gulang pa lang siya noon. Kinupkop at kalaunan ay inampon siya ng kanyang tiyahing kapatid ng kanyang ina at ng asawa nito. Walang anak ang mag-asawa. May deperensiya ang kanyang tiyuhing namayapa na noong isang taon. Iniuwi siya ng mga ito sa probinsiya. Itinuring niyang tunay na mga magulang ang mga ito.

"Alam ko namang may pagkamakakalimutin siya, Tita," ani Loisa.

"Nagkukunwaring nakalilimot," pagtatama ng kanyang tiyahin.

"Sinabi n'yo pa. Sanay na po ako riyan. Huwag lang sanang matuluyan."

"At aminin mo, kahit hindi namin pagmamay-ari ang karinderyang ito, ililibre mo pa rin ako," aniya.

"At bakit naman, aber?"

"Dahil nakabibighani ang aking kaguwapuhan."

"Pakisabi po sa mokong na iyan, Tita Digna na ang presko at ang kapal niya."

"O, narinig mo iyon, Rey? Ang presko at ang kapal mo raw. At totoo ang sinabi niya."

"Sige, 'Nay, kampihan mo pa 'yan kaysa sa akin," kunwari ay nagtatampong wika niya. Alam niyang magkasundo ito at si Loisa. Alam niyang kapag nag-aasaran sila, ang dalaga ang kinakampihan ng kanyang tiyahin.

"Nahihirapan na nga ako kung saan kukuha ng pambayad ng tuition, pagbabayarin mo pa ako kung sakali," ani Loisa. "Pero sige, oo na, guwapo ka na."

"Hay, mabuti na lang, crush mo ako."

"Anong crush kita? Hindi kaya."

"Anong hindi? Naguguwapuhan ka sa akin, hindi ba?"

"Naguguwapuhan lang, crush agad? Kumain ka na nga."

"Hindi ako kakain hangga't hindi mo inaamin na crush mo ako."

Hinila nito ang kuwelyo ng uniporme niya. "Ang daming kumakain. Hindi ka ba nahihiya?" bulong nito.

"Ang alam ko, magugutom ako kung hindi ako makakakain. Sigurado iyon."

"Malamang. Pero bahala ka. Ikaw naman ang magugutom. Hindi ako." Binitawan nito ang kuwelyo niya.

"Oo na. Kung ayaw mong umamin, halata naman. At balang-araw, aamin ka rin. Alam ko iyon," paniniguro niya.

Hindi na ito nagsalita. Naiiling at natatawa ang kanyang ina sa kanilang dalawa. Binuhat niya ang tray na kinalalagyan ng mga order niya at dinala iyon sa bakanteng mesa na malapit sa bintana.

Habang kumakain ay napansin niya ang isang dalagang nakaupo sa harap ng mesang katapat ng mesang kinapupuwestuhan niya. Nagtagpo ang kanilang mga mata nang mag-angat ito ng tingin.

Bumilis ang tibok ng puso niya. Napakaganda kasi nito. Nginitian at kinawayan niya ito. Ngunit binalewala siya nito. Ibinalik nito ang pansin sa kinakain nito. Mukhang suplada ito. Pero natabunan iyon ng taglay nitong kagandahan.

Patingin-tingin siya sa dalaga. Nahuhuli rin niya itong nakatingin sa kanya. Umiiwas naman ito kaagad sa tuwing nagkatitinginan sila. Napangiti lang siya nang inirapan siya nito nang kinindatan niya ito.

Mukhang kanina pa ito nandoon. Binilisan niya ang pagsubo. Nilapitan niya ito pagkatapos niyang kumain.

"Hi!" bati niya rito. Umupo siya sa tapat nito. Kaaalis lang ng kasama nitong kumain sa mesa.

Isang matipid na ngiti ang itinugon nito.

"Kumusta?" basag niya sa katahimikang namagitan sa kanila.

"Kumusta?" ulit nito sa sinabi niya. "Magkakilala ba tayo?"

"Hindi."

"Hindi naman pala. Kung makapangumusta ka kasi parang matagal na tayong magkakilala."

"Hindi ba puwedeng kumustahin ang isang tao kapag hindi mo siya kakilala?"

Tila nag-isip ito ng maisasagot. "P-Puwede naman."

"Puwede naman pala. Bakit nagtataka ka pa na kinukumusta kita?"

"Feeling close ka kasi."

"Okay. Inaamin ko. Feeling close ako. Pero kinukumusta lang naman kita kung ano ang nararamdaman mo, kung ano ang pakiramdam mo sa mga oras na ito. At puwede naman tayong maging close, hindi ba?"

"Parang sigurado kang magiging close tayo, ah! Sa palagay mo, sasang-ayon ako sa iyo?"

"Alam kong sasabihin mong "hindi" pero alam ko, "oo" ang gusto mong sabihin."

"Ayos ka rin, ah! Makulit ka siguro, ano? Bakit ko pa ba tinanong? Halata naman." Sumubo ito ng kanin na hinaluan nito ng ulam.

Napatingin siya sa kinakain nito. "Paborito mo ba ang tinolang manok?" tanong niya.

Lumunok ito bago sumagot. "Kapag inuulam mo ba ang isang ulam, paborito mo na kaagad? Hindi ba puwedeng gusto mo lang subuking ulamin?"

"Pasensiya ka na," natatawang sabi niya.

Nagpatuloy ito sa pagkain. Tila binibilisan nito upang mabilis maubos. Tumayo ito pagkatapos uminom ng soft drinks.

Tumayo rin siya. "Aalis ka na?"

"Oo. Tapos naman na ako. Marami pang kakain. Isa pa, napapansin kong kanina pa patingin-tingin sa akin iyong nasa counter. Mukhang may gusto sa iyo. Baka girlfriend mo siya. Baka kung ano'ng gawin niya sa akin mamaya."

Tiningnan niya ang tinutukoy nito na abala sa mga kustomer. "Ah, si Loisa? Wala 'yan. Kaibigan at kaasaran ko 'yan dito."

"Kailangan ko nang umalis. Nakalimutan ko kasing gawin ang assignment para sa susunod na klase. Pasensiya ka na."

"Teka, anong year ka na pala?"

"Fourth year. Transferee. Ikaw?"

"Graduating ka na pala."

"Hindi pa."

"Bakit? Ah, kasi irregular ka."

Tumango ito. "Bukod doon, limang taon kasi ang kurso ko. Civil Engineering."

"Iyong sa akin naman, Information Technology. Second year. Rey nga pala," pagpapakilala niya sabay lahad ng kamay.

Hindi nito tinanggap ang kamay niya. Ngunit nagpakilala ito. "Irene." Pagkatapos ay nagpaalam itong lalabas na.

Nakangiting sinundan niya ito ng tingin. Kapagkuwan ay umakyat naman siya sa kuwarto niya. Tatlong palapag ang bahay nila. May karinderya sa ibaba samantala ang ikalawa at ikatlo naman ay may mga kuwarto para sa mga bed spacer. Ang kanyang silid ay nasa pinakataas na palapag. Magpapahinga muna siya. Alas-tres pa naman ang klase niya mamayang hapon.

Hindi nawala ang ngiti niya tulad ng pananatili sa isip niya ng dalagang nakilala niya kanina. Nakaidlip at nagising siyang ito ang iniisip.


INABANGAN ni Rey si Irene sa kanilang karinderya kinabukasan ng tanghali. Hinanap niya ito kahapon sa campus subalit hindi niya nakita. Hindi kasi niya naitanong kung ano ang kurso nito kaya hindi niya alam kung saang departamento niya ito matatagpuan.

"Balak mo bang maging guwardiya?"

Nilingon niya si Loisa. "Guwardiya?"

"Kanina ka pa kasi rito sa pinto. At kanina pa humahaba 'yang leeg mo."

"Ikaw yata ang may balak na maging guwardiya. Mukhang kanina mo pa ako binabantayan, eh. Hinihintay ko 'yong magandang babaeng kausap ko kahapon."

Inayos nito ang sarili. "Mas maganda pa ba 'yon sa akin?"

"Naku! Tinatanong pa ba 'yan? Natural, walang-wala ka ro'n."

Hinampas siya nito. "Grabe ka talaga! Akala mo naman kung sino kang guwapo! Hindi kayo bagay!" Tinarayan at iniwan siya nito. Bumalik ito sa counter. Marami na ang pumipilang kustomer.

Tinawanan niya ito. Lagi niya itong inaasar at inaasar din siya nito. Madali itong mapikon pero mabilis din namang lumilipas. Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon, pakiramdam niya ay hindi ito gumanti sa pang-aasar niya. Mukhang hindi rin ito napikon. Tama kaya siya sa naisip niya na parang nagseselos ito?

Isa sa mga boarder nila si Loisa. Kaedad niya ito. Management Accounting ang kinukuha nitong kurso. Mula ito sa mahirap na pamilya. Nang minsang nakiusap ito na kung puwede ay sa susunod na buwan ito magbabayad ng boardinghouse ay sinabihan ito ng kanyang tiyahin na hindi na ito sisingilin pero pagtatrabahuhan nito iyon. Kaya tumutulong ito sa karinderya.

Hayan na siya! nasasabik na sabi niya sa isip nang makita ang dalagang hinihintay niya. Nilapitan niya ito kaagad. "Magandang tanghali!" bati niya rito.

"Magandang tanghali naman," ganting-bati nito.

"Siguro naman, puwede na kitang kumustahin?"

Ngumiti ito, tila pinipigilan ang sariling matawa. "Mabuti naman ako," sagot nito.

Sumunod siya rito nang magpatuloy ito sa paghakbang. Tumungo ito sa counter. Pinili nito ang tinolang manok. Iyon din ang in-order niyang ulam.

Umupo siya sa harap nito sa mesang kinapupuwestuhan nito. Naabutan niyang naglalagay ito ng sabaw ng tinola sa kanin. Ayaw man nitong aminin, sa palagay niya ay paborito talaga nito ang ulam na iyon.

Maliban doon, tinanong niya ito tungkol sa ibang mga paborito nitong bagay. Nagbalik-tanong naman ito sa kanya tungkol sa mga iyon. Nawili sila sa pagkukuwentuhan at hindi nila namalayang tapos na pala silang kumain.

Mula noon ay halos palagi na silang nagkikita araw-araw sa pamantasan. Tuwing tanghalian kapag may klase ay wala itong liban sa karinderya at halos araw-araw din nitong ulam ang tinolang manok.

Sa pagdaan ng bawat araw ay lalong naging malapit sila sa isa't isa tulad ng pagkakalapit ng boardinghouse na tinitirhan nito sa boardinghouse nila. Sa boardinghouse pala sana nila ito ookupa ngunit puno na nang magtanong ito.

Marami silang nalaman tungkol sa isa't isa. Ipinakilala niya rito ang kanyang tiyahin bilang ina. Ipinakilala rin niya ito kay Loisa na napansin niyang nag-iba ang reaksiyon ng mukha sa tuwing nakikita nitong magkasama sila ni Irene.

Isang araw ay tinanong niya uli ito kung paborito nito ang tinolang manok.

Tinanong din siya nito. "Naniniwala ka ba na ang nangyari kahapon ay maaaring mangyari ulit ngayon?"

"Oo naman. Sabi nga nila, umuulit ang kasaysayan. History repeats itself."

"Pero hindi history ang tinutukoy ko. Ang ibig kong sabihin, naitanong mo na sa akin kung paborito ko ang tinolang manok." Sumubo ito ng pagkain.

"Tinatanong uli kita ngayon. Aminin mo na kasing paborito mo ang tinolang manok."

"Ano ngayon kung paborito ko ang tinolang manok?"

"Kung ganoon, pareho tayo nang paborito."

"Ganoon ba?"

"Bakit mo paborito ang tinolang manok?" usisa niya.

"Gusto ko lang ang lasa ng tinola," tugon nito. "Isa pa, paborito ko kasi ang Noli Me Tangere."

Ngumiti siya. "Ipinaghain ni Kapitan Tyago si Crisostomo Ibarra ng tinolang manok noong bagong dating siya galing sa Europa, hindi ba?"

"Ganoon na nga. Ipinaluto iyon ng kapitan para kay Ibarra."

"Puro masasarap na bahagi ng manok ang ibinigay para kay Ibarra samantalang hindi magagandang bahagi naman ang napunta kay Padre Damaso na ikinasama ng loob nito," natatawang kuwento pa niya. "Alam mo, paborito ko rin kasi ang Noli."

"Ikaw, bakit mo naman paborito ang tinolang manok?" tanong nito.

"Dahil ito ang paboritong niluluto ng nanay ko. Dahil siya ang nagluto nito."

"Talaga?" tanging nasabi nito, saka natahimik. Napansin niyang pumatak ang mga luha nito.

"Umiiyak ka ba?" paniniguro niya.

"Wala ito," sagot nito habang pinapahid ang mga luha.

"Na-touch ka sa sinabi ko, ano?"

"Bakit naman ako mata-touch? Parang 'yon lang."

"Aminin mo na kasi. Sabihin mo na ang totoo."

"Gusto mo ba talagang malaman ang totoo?"

"Oo naman."

Huminga ito nang malalim bago nagpatuloy. "Ang totoo kasi niyan, nagsinungaling ako sa 'yo."

"Sinasabi ko na nga ba, na-touch ka sinabi ko."

"Hindi 'yon."

"Hindi 'yon? Kung ganoon, ano ang ibig mong sabihin?"

"Gusto sana kitang makausap."

Bigla siyang nasabik sa sinabi nito. "May aaminin ka sa akin?"

"Oo."

"Puwede mo namang sabihin ngayon."

"Puwede bang mag-usap tayo sa ibang lugar? Doon ko sasabihin."

"Saan mo ba gusto?"

"Hindi rito."

"Ayaw mo ba sa maraming tao? Dapat ngang ipaalam mo sa lahat ang nararamdaman mo. Dapat ngang isigaw mo sa buong mundo ang ibinubulong ng damdamin mo. Dapat malaman ng lahat ang nilalaman ng puso mo."

"Ano ba ang pinagsasabi mo? Kung ano man 'yang iniisip o inaakala mo, nagkakamali ka."

"Kung ganoon, wala kang gusto sa akin?"

Umiling ito. "Gusto naman kita," bawi nito bigla.

Bumalik ang nawalang sigla niya. "Talaga?"

"Bilang kadugo ko."

Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. "Kadugo?"

"Ang tunay na dahilan kung bakit paborito ko ang tinola ay tulad din ng dahilan mo. Magpinsan tayo, Rey."

Hindi siya makapaniwala sa narinig niyang iyon mula rito. "M-Magpinsan tayo?"

"Anak ako ng kapatid ng tunay mong ina."

Napalingon sila sa pinanggalingan ng narinig nilang nabasag na mga gamit. Nakita nilang nakatayo sa likuran nito ang kanyang tiyahin na halatang nagulat habang nakatingin sa plato at mangkok sa paanan nito. Kapag wala na kasi itong ginagawa sa kusina ay nagliligpit din ito ng pinagkainan ng mga kustomer. Tumayo siya at tinulungan ito sa pagpulot ng nagkapira-pirasong mga babasaging gamit.

Narinig ng kanyang tiyahin ang sinabi ni Irene at ipinagtapat nitong totoo iyon. Inamin nito na minsan ay nagkasala ito sa asawa nito. Alam din ng kanyang tiyuhin na nagkaanak ito sa ibang lalaki. Nakasama nito ang anak sa loob ng siyam na taon subalit dinala ito ng ama nito sa ibang bansa at hindi na bumalik. Binalikan nito ang asawa nito na binigyan naman ito ng isa pang pagkakataon.

"Wala na si Papa," imporma ni Irene. "Namatay siya dahil sa kanser. Noong nagkasakit siya ay iniwan siya ng babaeng kinakasama niya. Sinabi niyang umuwi ako sa Pilipinas at ihingi siya ng tawad sa 'yo," anito sa ina.

Lumuluhang niyakap ng ina nito si Irene. "Patawarin mo ako, anak. Patawarin mo ako kung hindi kita sinundan sa Amerika, kung hindi man lang kita kinumusta, kung hindi kita kaagad nakilala. Lalo ka pa kasing gumanda. Pero kailanman ay hindi ka nawala sa isip at puso ko."

"Gusto ko mang umuwi rito noon upang makita at makasama ka pero wala akong magawa dahil ayaw ni Papa. Kapag nami-miss kita, pumupunta ako sa mga Filipino restaurant doon at kumakain ng tinola. Pero mas hinahanap ko ang lasa ng tinolang luto ninyo, 'Nay," umiiyak na wika ni Irene.

Matagal na nagyakap ang tunay na mag-ina. Masaya siya para sa mga ito dahil alam niyang mapapawi na ang pangungulila ng mga ito sa isa't isa. Natawa naman siya sa kanyang sarili dahil inakala niya na ang mabilis na pagtibok ng puso niya sa tuwing naiisip at kasama niya si Irene ay nangangahulugang pag-ibig. Subalit nagkamali siya. Lukso pala iyon ng dugo.

Nang magtagpo ang mga mata nila ni Loisa ay nagkangitian sila. Nagbago ang tingin niya para sa dalaga nang mga sandaling iyon. Siguro naman ay hindi na siya nagkakamali sa naisip niyang ibig sabihin ng mabilis na pagtibok ng puso niya para dito.

Kapagkuwan, tulad ng mga kustomer na nandoon, tinutukan nila ang tila masayang pagtatapos ng isang pelikula tungkol sa madamdaming kuwento ng muling pagtatagpo ng nagkawalay na mag-ina. Napuno ng luha ng kaligayahan at inspirasyon ang buong karinderya.


[Published: April 18, 2016]

Continue Reading

You'll Also Like

15.1K 228 30
Some Chenford stories.
40.7K 208 5
JoeZ😈 βš οΈα€‘α€•α€Όα€¬α€…α€¬α€•α€±α‹α€‘α€α€―α€šα€°α€›α€”α€Ία€™α€žα€„α€Ία€·α€α€±α€¬α€Ία€•α€«α‹α€™α€’α€­α€”α€Ία€Έα€€α€»α€„α€Ία€·αŠα€‘α€œα€­α€―α€™α€α€°α€‘α€”α€­α€―α€„α€Ία€€α€»α€„α€Ία€·α€…α€±α€¬α€Ία€€α€¬α€Έα€α€Όα€„α€Ία€Έα€™α€»α€¬α€Έα€•α€«α€α€¬α€™α€­α€―α€· α€‘α€†α€„α€Ία€•α€Όα€±α€™α€Ύα€–α€α€Ία€€α€Όα€•α€«α€›α€”α€Ία‹βš οΈ
118K 17.6K 92
Short Story and Os book Cover credit: @sidnaaz_alaxy
42.9K 2.9K 35
Β« αž αžΉαž€ αž’αŸ’αž αžΉαž€ αŸ— αžαŸ’αž‰αž»αŸ†αž˜αž·αž“αž…αž„αŸ‹αž”αžΆαž“αž”αŸ‚αž”αž“αž·αž„αž‘αŸ αžαŸ’αž‰αž»αŸ†αž…αž„αŸ‹αž²αŸ’αž™αž”αŸ‰αžΆαžŸαŸ’αžšαž‘αžΆαž‰αŸ‹αžαŸ’αž‰αž»αŸ†αž€αŸ’αž“αž»αž„αž“αžΆαž˜αžŸαŸ’αž“αŸαž αžΆαž˜αž·αž“αž˜αŸ‚αž“αžšαžœαžΆαž„αž”αŸ‰αžΆαž€αžΌαž“ Β» Β« αžšαžœαžΆαž„αž™αžΎαž„αž‘αŸ…αž˜αž·αž“αžšαž½αž…αž‘αŸαž‡αž»αž„αž‚αž»αž€ αž”αŸ‰αžΆαž˜αž·αž“αž”αžΆαž“αž‚αž·αžαž›αžΎαž―αž„αž›αžΎαžŸαž–αžΈαž…αŸ†αžŽαž„αž”αŸ‰...