Mga Alaala sa Paris [at iba p...

By miko__akihiro

871 46 14

Mga maikling kuwento ni Mark Aldeme D. Siladan [tunay kong pangalan] na nailathala sa Liwayway, ang nangungun... More

Paunang Salita
Mga Alaala sa Paris
Agawin Mo Ako sa Diyos
Ang Sining ng Pagpapalaya
Isang Araw sa Sementeryo
Arianne
Ang Diary sa Lilim ng Cherry Tree
Mga Sulat Mula sa Isang Anghel
Isang Perpektong Pasko
Ang Liham ng Pamamaalam
Ang Lasa ng Tinola

Ikalabing-apat ng Pebrero

27 2 0
By miko__akihiro


KANINA PA hinihintay ni Febby ang pagdating ng boyfriend niyang si Hubert sa restaurant kung saan magaganap ang kanilang dinner date. Ang sabi nito ay susunduin siya nito subalit tinawagan siya nito at sinabing mauna siya sa restaurant at susunod na lang ito. Ngunit mahigit dalawang oras na siyang naghihintay ay wala pa rin ito.

Alas-siyete ang usapan nila at alas-nuwebe y medya na. Ilang magkasintahan na ang pumasok at lumabas sa restaurant pero ni anino ni Hubert ay hindi niya nakita. Ilang text message na ang ipinadala niya rito pero hindi ito nagre-reply. Nagri-ring naman ang cell phone nito pero hindi nito sinasagot ang mga tawag niya. Kinontak din niya ang kilala niyang mga kaibigan nito pati na ang pamilya nito pero wala siyang nakuhang impormasyon mula sa mga ito.

Ano na kaya ang nangyari sa lalaking 'yon? tanong niya sa sarili.

Maraming mga bagay ang pumapasok sa isip niya—mga posibleng nangyari dito at mga hinala. Kinakabahan siya dahil baka may masamang nangyari dito. Naiinis at nagagalit naman siya sa naisip na baka may kasama itong iba.

Nagdesisyon siyang lumabas sa restaurant. Uuwi na lang siya. Natagpuan niya ang sarili niyang umiiyak habang nag-aabang ng sasakyan sa waiting shed. Mas nangibabaw kasi ang hinala niya na may ibang ka-date si Hubert. Sana lang ay hindi totoo iyon. Tila wala sa sariling naglakad siya patungo sa kung saan. Hindi niya alam kung saan pupunta.

Nakakainis ka, Hubert! 'Pag napatunayan ko lang na totoo ang hinala ko, makikipag-break ako sa 'yo. Para ano pa na magpatuloy tayo sa relasyon natin kung meron ka namang iba?

Napasigaw siya kasabay ng paghinto sa paglalakad nang muntik na siyang mabangga ng sasakyan. Mabilis namang bumaba ang lalaking nagmamaneho ng kotse. Pinahid niya ng mga palad ang luha niya at inihanda ang sarili sa pagtutuos nila nito.

"Miss, s-sorry," nauutal na hinging-paumanhin nito nang makalapit sa kanya, halatang kinakabahan. Pero sa kabila niyon ay hindi nabawasan ang kaguwapuhan nito. Tila nawala ang paghanda niya sa sarili, wala siyang maisip na sasabihin. "A-Are you, okay?" segundang tanong nito.

"Sa tingin mo, okay lang ang isang tao na muntik nang mabangga ng sasakyan?"

"I-I'm really sorry. Mabuti pa siguro, dalhin kita sa ospital."

"Hindi na. Okay lang ako."

"Akala ko ba hindi ka okay?"

"Bakit, nakasisiguro ba ako na sa ospital mo talaga ako dadalhin? Baka mas hindi ako magiging okay sa kung saan mo man ako dadalhin, ano?"

"Miss, wala akong masamang balak sa 'yo, okay? Sobrang kinabahan kasi ako dahil muntik na kitang mabangga." Mukhang sinsero ito. At nag-aalala. "I'm sorry. Para kasing wala ako sa sarili habang nagmamaneho kanina."

Saka niya naisip na tumawid pala siya patungo sa kabilang kalsada kanina. Wala rin siya sa sariling naglalakad. May kasalanan din siya. Pero hindi siya sinita nito tungkol doon. Natahimik siya nang ilang sandali.

"Pasensiya ka na sa sinabi ko," mahinahong wika niya. "Sige na, okay na ako. Wala naman akong galos o gasgas. Talagang na-shock lang ako. Pero hindi na ngayon. Baka may pupuntahan ka pa. Nakaiistorbo ako. Sorry din pala."

"No, you don't have to," kaagad na sabi nito. "Kasalanan ko 'to. At wala akong pupuntahan. I mean, pauwi na rin ako."

"Naihatid mo na ba 'yong ka-date mo kaya uuwi ka na?"

"Ka-date?" Ngumiti ito.

"Ang ibig kong sabihin, girlfriend mo."

Natawa ito. "Mabuti ka pa, alam mong may girlfriend ako. Wala akong girlfriend at wala rin akong ka-date. Por que ba nakapula ngayong Valentine's Day, may date agad? Hindi ba puwedeng ito na lang ang damit na puwede kong isuot dahil nasa laundry na lahat?"

Natawa siya sa sinabi nito. Tila nahawa naman ito sa tawa niya.

"Can we talk more?" tanong nito kapagkuwan.

"Sure ka?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Bakit naman hindi? Ano, saan tayo?"

"Saan tayo...?"

"Saan tayo puwedeng mag-usap?" dugtong nito. "In a pizza parlor perhaps? Saan mo ba gusto?"

Nag-isip siya. Mukhang mahilig itong kumain ng pizza. "Sige," pagpayag niya. Pasalamat ito dahil paborito niya ang pizza. Pero teka muna, bakit ba siya pumayag? Mukhang wala naman itong gagawing masama sa kanya. Kung mayroon man, magagamit niya ang mga natutunan niyang self-defense.

Pinasakay siya nito sa magara nitong kotse. Ito pa ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Marami silang napagkuwentuhan habang nasa biyahe. Paunti-unti ay gumaan ang loob nila sa isa't isa. Sandali pa ay nakarating na sila sa tapat ng isang pizza parlor.

"Yohan Balesteros." Marahil naisip nito na kanina pa sila nagkukuwentuhan pero hindi man lang nila alam ang pangalan ng isa't isa. Kaya nagpakilala ito.

Nagpakilala rin siya. "Febby Hernandez."

Kasabay ng pagdikit ng kanilang mga palad ang ilang segundong paghinang ng kanilang mga mata.


IKINUWENTO ni Yohan ang tungkol sa kanyang buhay-pag-ibig nang tanungin siya ni Febby tungkol doon. Nasa loob na sila ng Valentin's Pizza at nasa harap na nila ang kani-kanilang mga in-order.

"Actually, may girlfriend ako," pagsimula niya.

"Sabi mo kanina, wala."

"Nang tinanong mo ako kanina, wala na kami."

"Ibig sabihin, kanina lang kayo nag-break?"

Tumango siya. "Ex ko na siya." Ngumiti siya. Nahalata kaya nito na mapait iyon? "Ikaw, kumusta ang Valentine's Day mo?"

"Hindi okay. Hindi okay ang puso ko," malungkot na turan nito.

"Mukha ngang hindi. Namumula ang mga mata mo. Parang umiyak ka."

"Hindi ako umiyak. Napuwing lang."

"Narinig ko na ang rason na 'yan. 'Yong totoo?"

"Ang totoo, hindi ako sinipot ng boyfriend ko sa date namin ngayon."

"Bakit?"

"Hindi ko alam sa kanya. T-in-ext ko siya, tinawagan, pero walang sagot."

"Baka naman may importanteng lakad at ayaw paistorbo."

"Ewan. Bahala siya."

"Pero kung ako sa kanya, mas uunahin ko ang girlfriend ko. Mas importante sa akin 'yon," seryosong sabi niya.

"Bakit ba kayo nag-break?" tanong nito.

"Dumaan ako kanina sa mall. Nakita ko siya, kasama ang ex-boyfriend niya. Magkahawak-kamay silang naglalakad. Masaya sila. Ang sabi niya, hindi raw kami matutuloy ngayon dahil may importante siyang lakad. Inintindi ko. Pero 'yon nga ang nakita ko. Nilapitan ko sila at kinausap nang maayos. Pinili niya ang ex niya. Matagal na pala silang nagkikita. Masakit. Sobrang saklap. Pakiramdam ko, parang hiniwa ang puso ko. Katulad nito," aniya sabay angat ng isang slice ng pizza.

"Hugot?"

"Pakiramdam ko rin, parang binunot ni Kupido ang pinana niyang arrow sa puso ko. Dumugo. Humapdi. Pero mas mabuti na 'yong nalaman ko ang totoo habang maaga pa, hindi ba?"

"Tama ka. Kung mangyayari sa akin 'yon, malamang hindi ako makakangiti," seryosong sabi nito.

"Sana naman hindi mangyari sa 'yo. Sorry nga pala uli kanina, ha? Muntik na kitang mabangga."

"Kalimutan na natin 'yon," sabi nito bago muling kumagat ng hiniwang pizza.

"Thank you," pagpapasalamat niya. "Napansin mo ba na ang bilis nating makagaanan ng loob ang isa't isa?" pag-iba niya sa usapan.

Tila nag-isip pa ito. "Medyo."

"Medyo lang?"

"Oo na. Para tumigil ka na," natatawang sabi nito.

"Sa tingin mo, bakit kaya?"

"Ano na naman? Alam mo ikaw, kabi-break n'yo lang ng girlfriend mo, dumidiskarte ka na agad."

"Dumidiskarte na ba 'yon?" natatawang sabi niya. "But you know what, I'm sad now."

"Sad pero ngiting-ngiti ka riyan. Tumatawa ka pa nga. Ganyan ba ang sad?"

"Pinapasaya ko lang ang sarili ko. Thank you."

"Thank you para saan?"

"For being with me tonight. For trusting me. Kahit hindi mo pa ako gaanong kilala, sinamahan mo ako sa aking pag-iisa."

"Maliit na bagay. Pareho lang naman tayong nag-iisa."

"Puwede pala 'yon, ano? You can trust someone kahit hindi mo pa siya lubusang kilala."

"Oo naman. Minsan, mas mapagkakatiwalaan pa nga ang mga taong sandali mo pa lang nakikilala kaysa sa matagal na. Alam mo, malungkot din ako ngayon. Hindi man niya naalala na Valentine's Day ngayon, sana maalala man lang niya na birthday ko."

"Birthday mo ngayon?"

"Kaya "Febby" ang pangalan ko. Galing sa February."

"Happy birthday pala."

"Thanks," matipid na pagpapasalamat nito. Pagkatapos ay iniba uli nito ang usapan. "Naku, ubos na 'yong pizza ko. Puwede na akong umuwi."

"Nagpalibre ka lang talaga ng pizza ha?" biro niya. Siya ang nagbayad ng mga in-order nila.

"Oo, ganito talaga ako. Mahilig sa libre."

Natawa siya. "Ihahatid na kita sa inyo."

"Huwag na. Kaya ko nang umuwi. At saka malapit na ang fiesta sa amin. Ayokong malaman mo kung saan ako nakatira baka mamiyesta ka pa. Hindi kami naghahanda. Nakakahiya."

"Ano naman kung wala? Ayos lang 'yon," pagsakay niya. Mukhang nagbibiro lang naman ito.

"Gusto mo talaga akong ihatid, ano? Sige na nga. Tatanggi pa ba ako sa isa pang libre?"

Hinatid ni Yohan si Febby sa bahay ng mga ito. Isang simpleng bungalow house iyon. Pinapasok pa siya nito sa loob at ipinakilala sa mga magulang at mga kapatid nito. Parang gusto pa niyang tumagal doon. Pero nagpaalam na siya upang umuwi. Kailangan na niyang makapag-isip.

Habang-daan ay bumalik sa isip niya ang nangyari kanina tungkol sa ginawa sa kanya ng girlfriend niyang si Tanya, na ex-girlfriend na niya ngayon. Pagdating sa bahay niya, umiyak at ibinuhos niya ang lahat ng sama ng loob niya.

Nagpasalamat siya dahil nakilala niya si Febby. Kahit papaano ay nabawasan nang kaunti ang kalungkutan niya. Sa kabila ng pagtulo ng mga luha niya ay napangiti siya nang maalala ang mga kuwentuhan nila ni Febby. Hindi man masyadong maganda ang una nilang pagkikita pero kaagad namang napalitan iyon ng mabuti nilang pag-uusap.

Nanghihinayang siya sa tatlong taong pagiging magkasintahan nila ni Tanya subalit dapat na niyang kalimutan ito. Alam niyang hindi ganoon kadali iyon. Bago pa lang ang sugat sa puso niya. Mahapdi pa. Hindi pa siya makapag-move on. Pero darating ang araw na magagawa rin niya iyon.


INASAHAN ni Febby ang text o tawag ng nobyo niyang si Hubert bago matapos ang Valentine's Day pero nakatulog na siya ay wala pa rin siyang natanggap na mensahe o tawag mula rito.

Paggising niya kinabukasan, ang cell phone kaagad niya ang kanyang hinagilap pero wala pa ring text o missed call mula kay Hubert. Hindi na nga maganda ang gabi niya kagabi, hindi pa rin maganda ang umaga niya nang araw na iyon. Pero nang sumagi sa isip niya si Yohan, kahit papaano ay nabawasan ang inis niya.

Tatawagan na sana niya si Hubert pero himalang tinawagan siya nito. Kaagad niyang sinagot ang tawag at tinanong kung anong nangyari dito kagabi. Wala itong ibang sinabi kundi magkita sila mamayang hapon sa lugar na sinabi nito at kaagad nitong pinutol ang tawag. Nadagdagan ang inis niya rito. Ano ba talaga ang problema nito?

Gusto niyang malaman ang sagot sa tanong niya kaya kinahapunan ay pumunta siya sa restaurant na sinabi nito. Kaagad niyang nakita roon si Hubert. Subalit hindi ito nag-iisa. Tila pinukpok ng martilyo ang puso niya nang makita niyang may kasama itong babae. Nang makalapit siya sa mga ito ay kaagad niyang inusisa si Hubert.

"Sino siya?" tanong niya sa mahinahong paraan pero unti-unting nadudurog ang puso niya. Sana lang mali ang naisip niyang isasagot nito.

"She's my ex-girlfriend," sagot nito. "But now, she's my girlfriend again."

Awtomatikong pumatak ang luha niya. Tumakbo kaagad siya palabas. Hindi na niya kailangan ng paliwanag ni Hubert. Nakipagbalikan ito sa dating nobya nito. Para ano pa na manatili siya roon? Para makipag-tsikahan pa sa mga ito? Ayaw na niyang marinig ang iba pang kuwento. Alam niya na ang ibig sabihin niyon ay hindi na siya mahal ni Hubert. Minahal ba talaga siya nito sa loob ng tatlong taon na naging sila?

Nagkamali siya noon nang sinabi niya sa sarili na si Hubert ang destiny niya. At tama ang hinala niya kagabi na may kasama itong ibang babae. Sana man lang sinabi na nito iyon kagabi pa para hindi na siya umasa pa.

Pagdating sa bahay ay nagkulong siya sa kuwarto niya. Napaupo siya sa isang sulok at umiyak. Naisip niya si Yohan. Kanina pa niya nararamdaman ang na parang pizza na hiniwa ang puso niya. Kanina pa niya nararamdaman na parang binunot ni Kupido ang arrow sa puso niya. Tulad ng mga nararamdaman ni Yohan.

Ilang sandali pa ay nakatanggap siya ng text message mula kay Hubert: I'm sorry, Feb. Hindi ko kaagad sinabi sa 'yo dahil kahit sinira ko ang Valentine's Day mo, ayokong sirain ang birthday mo. Belated happy birthday.

Inihagis niya ang cell phone niya. Wala siyang pakialam kung masira man iyon. Mag-iipon na lang siya upang makabili ng bago. Pinagmumura niya si Hubert sa isip niya. Sinayang nito ang pag-ibig niya. Dapat na niyang putulin ang pag-ibig niya para dito dahil hindi ito nararapat para sa pag-ibig niya.


IKALABING-APAT ng Pebrero na naman pagkalipas ng isang taon at walang ka-date si Febby. Ano naman ngayon? Ang mahalaga, kahit wala siyang ka-date ay payapa ang kalooban niya. Hindi tulad noong isang taon na may ka-date dapat siya pero hindi siya sinipot nito. Ngayon, wala siyang iniisip na mga negatibo, wala siyang hinala.

Ang balita niya ay nag-migrate na sa Thailand si Hubert at ang ex-girlfriend nito na naging girlfriend uli nito at sa huli ay naging asawa nito. Hindi na niya inalam kung sino ang babaeng iyon, kahit man lang pangalan, dahil hindi siya interesado. Pero tanggap na niya ang lahat. Marahil ang mga ito talaga ang nakatakda para sa isa't isa.

Siya kaya, sino kaya talaga ang nakatakda para sa kanya? Nasa bus kaya ito na sinasakyan niya ngayon? O baka naman bumaba na kanina. Siguro, oo. Siguro, hindi.

Pauwi na siya nang gabing iyon mula sa pamamasyal nang mag-isa. Na-miss niya kasi ang Pilipinas. Kahapon siya dumating mula sa Spain. Isang linggo pagkatapos ng masakit na nangyari sa kanya noon ay tinanggap niya ang alok na trabaho ng kaibigan niyang nasa Espanya. Ayaw niyang tanggapin iyon noong una dahil ayaw niyang mawalay kay Hubert. Pero dahil sa ginawa ni Hubert sa kanya, na pinagtatawanan na lang niya ngayon sa tuwing maaalala niya, ay tinanggap na niya ang trabaho.

Pinara niya ang sinasakyang bus nang namataan niya ang Valentin's Pizza. Naalala niya si Yohan. Napangiti siya. Ni isang saglit, kahit hindi na nasundan ang una nilang pagkikita at wala silang naging kumonikasyon, hindi ito naalis sa isip niya. Kahit ilang sandali lang silang nagkasama at nagkausap noon ay nagmarka si Yohan sa isip niya. Pati na rin siguro sa puso niya.

Pumasok siya sa pizza parlor. Kaagad niyang napansin ang isang lalaking nakaupo patalikod sa kanya. Hindi niya alam kung bakit sa lahat ng taong nandoon ay ang lalaking iyon ang kaagad niyang napansin. Mukha kasing pamilyar sa kanya ang likod nito. Tila may nag-uutos sa kanya na lapitan ito. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Na-weird-an siya sa sarili.

Nilapitan niya ito. Kaagad na inangat ng lalaki ang mukha nito. Nang magtagpo ang kanilang mga mata, sabay silang napangiti.

"Febby?" tawag sa kanya nito.

"Yohan?" tawag din niya rito.

Tumayo ito at niyakap siya. Hindi niya alam kung bakit kaagad din siyang gumanti. Na-miss ba niya ito? Siguro nga. Ilang segundo silang nagyakap. At nalaman niya na masarap palang kayakap ito.

Um-order ito ng paborito niyang Hawaiian pizza. Nag-usap sila. Nagkumustahan.

"Nakalimutan mo na ba siya?" Humingi siya ng paumanhin sa pag-usisa niya sa ex-girlfriend nito.

"Oo," masayang sagot nito. "Ang balita ko, nasa Thailand na siya. Doon sila nag-migrate ng ex-boyfriend niya na naging boyfriend niya uli at asawa na niya ngayon."

"Thailand? Alam mo ba ang pangalan ng ex niya na binalikan niya na naging asawa niya?"

"Naalala ko pa nang kinuwento niya sa akin. It's Hubert Villaraza."

Parang wala na siyang naramdaman nang marinig ang pangalang iyon. Ngumiti siya. "'Buti ka pa, kinuwento niya sa 'yo ang tungkol sa ex niya. Sa akin naman, walang kinuwento. Pero okay lang. Ayos na ayos na ako ngayon. By the way, ex ko si Hubert."

"Ibig palang sabihin...?"

Nakangiting tumango siya. Sabay silang natawa.

"Pinuntahan kita sa inyo pero wala ka na. Nasa Spain ka na raw," anito.

Ikinuwento niya ang dahilan kung bakit tumungo siya sa Spain. At marami pa silang bagay na napagkuwentuhan. Hanggang sa hindi na nila namalayan ang oras, magsasara na pala ang Valentin's Pizza.

Hinatid siya ni Yohan sa kanila. Bago bumaba sa kotse ay sinabi nito na, "Happy birthday."

"Akala ko, nakalimutan mo."

"Hindi. Gaya ng hindi ko paglimot sa 'yo," seryosong sabi nito habang tinitingnan siya sa mga mata.

Naiilang tuloy siya. "Seryoso?" tanong niya kahit nararamdaman niya sa puso niya na totoo ang inamin nito. Hindi rin pala siya nawala sa isip nito.

"Oo naman. Happy Valentine's Day. Mukhang masaya na ang Valentine's mo ngayon."

"Oo. Okay na kasi ang puso ko. Happy Valentine's din."

"Pangalawa na 'to, ano?" tanong nito.

"Pangalawang ano?" kunot-noong balik-tanong niya.

"Pangalawang date natin. Iyong una, noong una nating pagkikita."

"So, hindi ko namamalayan, nag-date na pala tayo noon at nagdi-date uli tayo ngayon, gano'n ba?"

Sa halip na sagutin ang tanong niya ay sumeryoso ito. "Febby, will you be my Valentine date for the rest of my life?"

Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon mula rito. Malamig ang aircon sa kotse nito pero bigla siyang pinagpawisan. Hindi alam ng bibig niya kung ano ang sasabihin pero kanina pa atat na atat sumagot ang puso niya. Ang puso niyang tila muling pinana ni Kupido.

Hindi na talaga siya nakapagsalita. Sunod-sunod na lang siyang tumango-tango.

"I promise that I will take care of you and I will love you every day of my life," pangako nito. "Hindi lang every day, pati na every morning, every noon, every afternoon, every twilight, every night, every midnight, at every dawn," dagdag pa nito.

"Ano pa ang hinihintay mo? Halikan mo na ako." Hindi na niya hinintay na dumampi ang mga labi ni Yohan sa mga labi niya. Siya na ang unang humalik dito.


[Published: February 15, 2016]

Continue Reading

You'll Also Like

26.8K 361 58
A WOSO Oneshot book Oneshots of favourite Women's footballers Mainly the Lionesses, Arsenal Women's team,Chelsea Women's team, Man City Women's team...
131K 5.5K 49
A fire incident at his(Kim Jae-soo) husband's home while he (Baek Ji-Hu )was away made Kim Jae-soo return to his third year of university (he was reb...
27.9K 1.4K 8
မိထွေးရဲ့သားကို ချစ်မိသွားပြီ BL Fiction shorts stories လေးပါ။