Mga Alaala sa Paris [at iba p...

By miko__akihiro

871 46 14

Mga maikling kuwento ni Mark Aldeme D. Siladan [tunay kong pangalan] na nailathala sa Liwayway, ang nangungun... More

Paunang Salita
Mga Alaala sa Paris
Agawin Mo Ako sa Diyos
Ang Sining ng Pagpapalaya
Isang Araw sa Sementeryo
Arianne
Ang Diary sa Lilim ng Cherry Tree
Mga Sulat Mula sa Isang Anghel
Isang Perpektong Pasko
Ikalabing-apat ng Pebrero
Ang Lasa ng Tinola

Ang Liham ng Pamamaalam

34 2 0
By miko__akihiro


MINAMAHAL kong Clarissa,

Hindi ko alam kung bakit sumulat pa ako sa iyo kahit alam kong hindi mo na rin naman ito mababasa. Siguro may mga gusto pa akong sabihin sa iyo na hindi ko nasabi noon. Ngunit kahit nasabi ko na siguro sa iyo, nais ko pa ring ulitin dahil hindi ako magsasawang sabihin sa iyo ang mga salitang iyon. Lalo na ang mga katagang "Mahal kita."

Mahigit dalawang taon na ang nakalipas subalit hindi pa rin kita makalimutan, Clarissa. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano mabubuhay mula noong wala ka na sa piling ko. Naging miserable ang buhay ko buhat nang iniwan mo ako. Pero huwag kang mag-alala, hindi kita sinisisi. Alam ko naman na hindi mo sinadya ang iwan ako. Nagtatampo lang ako dahil madaya ka. Akala ko ba magkakasama tayo habambuhay? Pero bakit mo ako iniwan?

Alam kong ako ang dapat na humingi ng tawad sa iyo dahil alam kong hindi ka masaya na makita akong ganito. Malungkot, hindi ngumingiti, hindi tumatawa, laging seryoso. Patawarin mo ako kung lagi pa rin kitang naiisip at dahil diyan, hindi ako nagiging masaya. Kahit na ang mga masasayang alaala natin ang iniisip ko, hindi ko pa rin magawang ngumiti.

Hindi ko na maalala kung kailan ako huling ngumiti, tumawa, o humalakhak mula nang mawala ka, Clarissa. Ngumingiti lang ako kapag pinapanood ko ang sunrise dahil sabi mo dapat ngumiti kapag pinapanood iyon kasi ibig sabihin niyon ay bagong araw, bagong simula, bagong buhay. Kaya dapat ngumiti. Pero hindi ko alam kung ngumingiti nga ba talaga ako kapag pinapanood ko ang sunrise. Ang alam ko, umiiyak ako kapag pinapanood ko ang sunset dahil wala ka na upang samahan akong panoorin iyon. At alam kong hindi ka na darating.

Huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang maging masaya. Lahat-lahat. Pero sa ngayon, hindi ko pa kaya. Pero sana, magawa ko. Pasensiya ka na kung hanggang ngayon ay sa iyo pa rin umiikot ang mundo ko.

Ikaw pa rin ang mundo ko, Clarissa. Kung nandito ka lang ngayon, may katabi sana akong humiga sa damuhan at tumingin sa mga bituin habang magkahawak ang ating mga kamay. Madalas tayong naghahanap ng hugis ng puso sa mga bituin. Connect the stars. Parang connect the dots. Naalala ko rin ang tanong mo noon kung alam ko kung ilan kaya ang mga bituin. Ang sabi ko, hindi ko alam kasi hindi naman sila mabilang. Pero sabi mo, sobra sa billion. Kaya ang sabi ko, zillion.

Naalala ko pa ang sinabi ko sa iyo noon na sana laging mag-uumpisa at magtatapos ang bawat araw na magkasama tayo. Pero hindi na mangyayari iyon. Dahil wala ka na.

Labis akong nagpapasalamat dahil dumating ka sa buhay ko, Clarissa. Hindi kita kalilimutan pero kailangan ko nang magpaalam dahil alam kong hindi ka na babalik. Ngunit alam ko rin na balang araw ay magkikita uli tayo. Mahal pa rin kita, Clarissa.

Hanggang dito na lang. Paalam.

Laging nagmamahal,

Nathan


Hindi ko napigilan ang pagpatak ng mga luha ko habang sinusulat ko ang liham ng pamamaalam para kay Clarissa. Bumalik sa isip ko ang mga araw na magkasama kami. Masasaya ang mga alaalang iyon pero hindi ko talaga magawang ngumiti. Wala na si Clarissa. At hindi na siya babalik.

Isang gabi, nabangga ng malaking truck ang kotseng minamaneho niya. Isinugod siya sa ospital pero dead on arrival.

Sinisi ko ang sarili ko sa nangyari sa kanya. Sana hinatid ko na lang siya sa kanila nang gabing iyon. Kahit hindi siya pumayag na ihatid ko siya, dahil alam niyang pagod ako sa trabaho, sana pinilit ko siya. Pero wala na akong magawa. Nangyari na ang nangyari. Matagal nang naging bahagi iyon ng nakaraan.

Akmang itatali ko na sa hawak kong lobo ang papel na naglalaman ng sulat nang biglang humangin ng malakas at nakawala sa kamay ko ang papel at lumipad iyon. Hinabol ko pero hindi ko naabutan. Mabilis na tinangay iyon ng hangin. Hanggang sa nawala iyon sa aking paningin.

Balak ko sanang paliparin ang sulat kasama ng balloon, baka-sakaling makaabot sa langit at mapasakamay ni Clarissa at mabasa niya. Pero wala na. Lumipad na ang papel, nilipad ng malakas na hangin palayo at hindi ko na alam kung saan napunta.

Hinayaan ko na lang iyon, binitawan ko ang lobo, at naglakad ako sa dalampasigan. Inabala ako ang aking mga mata sa magagandang tanawin pero hindi ko pa rin magawang maging masaya. Umupo ako sa buhangin at malungkot na tumingin sa kalangitan. Iniisip ko si Clarissa. Kumusta na kaya siya roon? Sana hindi niya ako nakikita para hindi niya malaman na malungkot ako. Dahil sigurado akong malulungkot siya kapag nakikita niya akong malungkot.

Umiyak na naman ako habang tinitingnan ang papalubog na araw. Lumipas na naman kasi ang isang araw na wala si Clarissa. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako ganito. Siguro nga ay mamamatay akong dala-dala ang mga alaala namin ni Clarissa. Mamamatay ako na si Clarissa lang ang laman ng puso ko.

Noong nawala siya, para na rin akong namatay. Namatay ang puso ko buhat nang iniwan niya ako.


BUMANGON ako upang buksan ang bintana. Nasa isang kuwarto ako ng mini-hotel ng beach resort na kinaroroonan ko. Nandito ako para makalimutan si Clarissa, para magpaalam na sa kanya. Pero hindi ko talaga kayang gawin.

Nakangiting tiningnan ko ang sunrise. Pero alam ko sa sarili ko na hindi talaga ako nakangiti. Kaya unti-unti ay pinalis ko ang ngiti sa aking mga labi. Kasunod niyon ay ang pagpatak ng mga luha ko.

Pasensiya ka na, Clarissa. Ayaw kong lokohin ang sarili ko. Hindi ko talaga kayang ngumiti. Patawarin mo ako. Gusto kong kalimutan ka na pero hindi ko magawa. Dahil mahal pa rin kita. Pero kailangan na kitang kalimutan. Kailangan ko nang magpaalam sa iyo. Dahil gusto kong ngumiti uli. Gusto kong maging masaya uli. At alam ko na iyon din ang gusto mong mangyari.

Hindi ko na pinanood ang sunset. Dahil ayaw ko nang umiyak. Kinagabihan ay lumabas ako at nag-ikot-ikot sa resort. Nadaanan ko ang isang bar/restaurant kung saan may acoustic band na tumutugtog. Napatigil ako sa tapat niyon dahil sa magandang boses ng vocalist ng banda.

Tila may humila sa akin papasok doon at natagpuan ko na lang ang aking sarili na nasa loob na ng bar/restaurant at nakatingin sa kumakanta na isang napakagandang babae. Kinakanta niya ang isang popular na kanta tungkol sa pag-ibig.


NAGPALAKPAKAN ang lahat ng mga nasa bar/restaurant pagkatapos niyang kumanta. Natagpuan ko ang sarili ko na sumasabay rin sa mga pumapalakpak habang nakangiti.

"Nakakatawa man pero inaalay ko ang kantang 'yon sa isang taong hindi ko kilala. Kung sino ka man, kung nasaan ka man, gusto kong malaman mo na nagpapasalamat ako sa 'yo dahil may isang napakaimportanteng bagay na nagbalik sa akin na akala ko ay hindi na babalik pa. Maraming salamat sa 'yo."

Hindi ko alam kung bakit parang tinamaan ako sa sinabi niya. Bakit ba ganoon kaagad ang naramdaman ko? Hindi naman siguro ako ang tinutukoy niya. Pero ang sabi niya, hindi niya kilala kung sino ang taong iyon. Weird. Bigla tuloy akong nagkainteres sa kanya. Gusto ko siyang makilala.

Um-order ako ng pagkain at nanatili ako sa bar/restaurant upang panoorin pa siyang kumanta. Pagkatapos ng huling kanta, nagpasalamat siya pati ang mga kabanda niya. Kasunod niyon ay umakyat ang host at pinasalamatan ang acoustic band na Twilight Charm. Kapagkuwan ay tumungo naman ang banda sa backstage.

Ilang sandali pa ay tumungo rin ako sa backstage upang puntahan siya. Nagtanong ako sa mga kabanda niya kung puwede ko siyang makausap. Sabi ng isang bandmate niya, nag-CR daw siya. Aalis na sana ako pero sinabi nila na hintayin ko na lang daw ang kapatid nila.

Nalaman ko na magkakapatid pala ang banda. Apat sila at siya ang nag-iisang babae. Pangatlo siya. Kapag nanligaw pala ako sa kanya ay dadaan muna ako sa dalawang kuya at sa nakababatang kapatid niya. Mukha naman silang mababait. Nagpakilala sila sa akin.

Pero teka, bakit panliligaw kaagad ang naiisip ko? Ni hindi ko pa nga alam kahit ang pangalan niya. Ayaw kong itanong sa mga kapatid niya. Gusto kong sa kanya mismo.

Nang makabalik siya sa backstage ay namangha ako sa kanya. Lalo pala siyang gumaganda kapag nasa malapitan.

"May gusto palang makipagkilala sa 'yo," sabi ng pangalawang kuya niyang si Benjie.

"Oo nga," sang-ayon naman ng panganay na si Andy. "Kanina ka pa niya hinihintay," dugtong pa nito.

"Mukhang naiinip na nga si Kuya. Ang tagal mo naman kasi, Ate," sabi naman ng bunso na si Jaypee.

"Hindi naman," nakangiting sabi ko.

"O, hindi naman pala. Kayo talaga," sabi niya sa mga kapatid, saka bumaling sa akin. "Hello!"

"Hi!" ganting-bati ko. Nakita kong nag-thumbs up sa akin ang mga kapatid niya bago nag-usap-usap ang mga ito.

"Ano nga pala ang sadya mo bukod sa makipagkilala sa akin?"

"Gusto kong malaman mo, nang una ko pa lang marinig ang boses mo kanina, fan mo na kaagad ako."

"Fan talaga? Thank you naman kung totoo 'yan."

"Believe me. Totoo ang sinabi ko. Promise. Peksman."

"Sige na, naniniwala na ako."

"Ako nga pala si Nathan."

Kumunot ang noo niya habang nakatingin sa akin na tila may naalala sa pangalan ko. Pero kaagad ay muli siyang ngumiti. Weird.

"Charmaine," pagpapakilala niya.

"Your name is very charming. Kasing-charming mo."

"Hindi na kita tatanungin kung totoo ang sinabi mo o hindi dahil halata namang totoo," natatawang sabi niya. Natawa na rin ako. Nakahahawa kasi ang tawa niya.

"Siguro, sa pangalan mo nanggaling ang pangalan ng banda n'yo. Tama ba ako?"

"Oo. Twilight Charmaine ang first name ko."

Napangiti ako. "Cute," sabi ko at nagpaalam sa kanya upang umalis. "'Nice meeting you," pahabol ko. Nagpasalamat din ako sa oras na binigay niya sa akin.

"'Nice meeting you, too." Pinaalalahanan pa niya akong mag-ingat. Sana raw ay magkita uli kami.

Nagpaalam at nagpasalamat din ako sa mga kapatid niya bago umalis.


PAGKALIPAS ng ilang araw mula nang tumungo ako sa resort ay patuloy pa rin akong binibisita ni Clarissa sa alaala ko. Pero paminsan-minsan ay ngumingiti na ako. Ngumingiti ako kapag naiisip ko si Charmaine.

Sinikap kong ayusin ang sarili ko. Naisip kong muling bumalik sa trabaho. Nagulat ang lahat ng nasa publishing company nang bumalik ako. Nakangiting sinalubong ako ni Papa pagpasok ko sa opisina. Si Mama ay kasalukuyang nagbabakasyon sa kapatid niya sa California. Kung nandito lang siya, tiyak na matutuwa rin siya.

Sa wakas, nakabalik na uli ako sa trabaho. Nagpa-publish kami ng romance at horror novels, magazines at children's books. Romance novels ang pinakamabili. Sa katunayan, ang ibang istorya ay ginawa nang pelikula at teleserye.

Mahal na mahal ako ng mga magulang ko kahit hindi nila ako kadugo. Oo, ampon lang ako. Hindi ako lumaki sa tunay kong mga magulang. Galing ako sa isang orphanage. Sabi ng mga taga-bahay ampunan, patay na raw ang tunay kong mga magulang. Six months old pa lamang daw ako noong nasunog ang bahay namin. Isang kapitbahay namin ang nagbigay sa akin sa ampunan. Inampon ako nina Mama at Papa noong limang taong gulang ako. Hindi sila magkaanak. Bilang ganti ay minahal ko rin sina Mama at Papa na parang tunay kong mga magulang. Sila ang mga magulang ko.

Pagkatapos ng unang araw ng pagbabalik ko sa trabaho, niyaya ko ang kaibigan kong si Travis na uminom sa bar. Kaibigan ko si Travis mula noong college. Medyo nagulat siya dahil ngayon lang uli ako nagyayang uminom sa bar. Mula noong nangyari ang nangyari kay Clarissa ay madalas na akong nagkukulong sa kuwarto ko at doon umiinom.

At sa bar kung saan kami pumunta, doon ko muling nakita si Charmaine. Pagkarinig ko pa lang ng boses niya ay alam kong siya na iyon. Hindi nga ako nagkamali. Medyo nalungkot lang ako dahil sa kinanta niyang For All of My Life. Iyon kasi ay theme song namin ni Clarissa.


HINDI ko pinansin ang kalungkutang nadarama ko. Sinabi ko kay Travis na kilala ko ang vocalist ng acoustic band na nagpe-perform. Kinuwento ko kay Travis kung saan ko unang nakita at kung paano ko nakilala si Charmaine. Sabi ni Travis, marahil ay si Charmaine ang dahilan kung bakit unti-unti akong bumabalik sa dating ako. Sinang-ayunan ko na lang ang sinabi niya.

Pagkatapos tumugtog ng banda ay lumapit ako sa kanila, kasama si Travis. Ipinakilala ko sa kanya at sa mga kapatid niya ang kaibigan ko. Napansin ko na naman ang weird na tingin niya sa akin. Ang tingin na parang kilala niya ako na hindi. Hindi ko maintindihan.

Nagkumustahan kami at nalaman ko na weeknights silang tumutugtog sa bar na iyon sa Quezon City at weekends naman sa restaurant/bar sa resort sa Bulacan. Bago ako nagpaalam na umalis ay hiningi ko ang cell phone number niya. Mula noon ay tini-text at tinatawagan ko na siya. Mula rin noon ay tuloy-tuloy na ang muling pagngiti at pagtawa ko. Araw-araw ay para bang inspired ako palagi.

Isang araw ay tinanong ko siya kung kailan siya may libreng oras. Sabi niya, libre siya kapag araw ng Miyerkules. Wala silang gig sa araw na iyon.

Niyaya ko siyang mag-dinner sa isang restaurant. Sinundo ko siya sa kanila. Marami kaming napagkuwentuhang mga bagay tungkol sa mga buhay namin. Ulilang lubos na rin pala siya at silang magkakapatid na lang ang nagtutulungan sa isa't isa.

Mas marami kaming napagkuwentuhan nang tumungo kami sa isang park nang mga sumunod na linggo. Ako ang nagyayang pumunta roon. Gusto ko kasing humiga sa damuhan at tingnan ang mga bituin at maghanap ng hugis-puso sa pamamagitan ng pagdugtong-dugtong ng mga nagkalat na bituin. At nakita ko na naman ang weird na tingin sa akin ni Charmaine na muli kong binalewala.

Naalala ko na naman si Clarissa. Pero nang mga sandaling iyon ko lang naalala na iyon ang hilig niya na nakahiligan ko na rin dahil nahawa ako sa kanya. Akala ko, hindi ko na magagawa iyon dahil wala na siya. Pero nagawa ko uli, kasama si Charmaine.

Kinuwento ko kay Charmaine ang tungkol kay Clarissa. Habang nagkukuwento ako ay tila may iniisip siya, may ina-analyze na kung ano.

Nagpatuloy lang ako sa pagsasalita. "Alam mo, mas mabuti pa nga na iniwan niya ako dahil ayaw na niya sa akin, na hindi na niya ako mahal, na may mahal na siyang iba, na niloko niya ako, na masama pala siyang babae. Sana ganoon na lang ang nangyari. Para magalit ako sa kanya. Baka madali ko siyang makalimutan. Hindi tulad ng nangyari sa kanya. At napakabait pa niya. Wala akong mahanap na kapintasan niya para magalit ako sa kanya, para madali ko siyang makalimutan. May sinulat nga ako para sa kanya. Isang liham ng pamamaalam. Nakasulat doon ang mga nais kong sabihin sa kanya pagkatapos niyang lumisan."

Tila nagulat siya sa huling sinabi ko. "Nasa akin ang sulat na 'yon. Ikaw nga si Nathan. Ang Nathan na nagsulat ng liham na nagpabalik sa akin ng isang napakaimportanteng bagay na akala ko ay hindi na babalik pa."

Naalala ko ang sinabi niya pagkatapos niyang kantahin ang Love Moves in Mysterious Ways. Inaalay raw niya ang kanta sa isang taong hindi niya kilala at nagpapasalamat siya sa taong iyon dahil may isang napakaimportanteng bagay na nagbalik sa kanya.

Marami naman daw kasing Nathan sa mundo kaya naisip niya na hindi ako ang Nathan na nagsulat ng liham. Ngunit ako pala ang tinutukoy niya. Para sa akin pala ang kantang iyon. Kaya pala parang tinamaan ako sa sinabi niya noon. Kaya pala parang ang weird ng mga tingin niya sa akin.

"Napulot ko ang sulat mo para sa kanya. Ang weird nga kasi parang dinala 'yon ng hangin patungo sa akin. Parang eroplanong nag-landing 'yon sa tabi ko. Pinulot ko 'yon bago mabasa ng alon. Alam mo ba kung ano ang importanteng bagay na bumalik sa akin pagkatapos kong basahin ang sulat na 'yon?" Bago pa ako nagsalita ay sinagot na niya ang sariling tanong. "Pag-ibig."

"Ano ba ang nangyari? Puwede ko bang malaman?"

"May inibig ako noon. Pero niloko lang niya ako. Ipinagpalit ako sa ibang babae. Isang cliché love story, hindi ba? Isang malungkot at gasgas na kuwento ng sawing pag-ibig," natatawang sabi niya. "Labis akong nasaktan noon at sinabi ko sa aking sarili na hindi na ako iibig muli. Natakot ako na muling masaktan. Pero nang mabasa ko ang sulat mo para sa kanya, na-realize ko na may lalaki pa palang totoo kung magmahal. Gaya ng lalaking nagsulat ng liham na nabasa ko. Na walang iba kundi ikaw. Naantig ang damdamin ko sa nabasa ko at ginising ang natutulog kong puso. At ang weird doon, pakiramdam ko, na-in love ako sa nagsulat ng liham."

"In love?" Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. "Ibig sabihin, mahal mo na ako? Hindi ko na pala kailangang manligaw sa 'yo kung gano'n?" pabirong sabi ko.

"May balak kang ligawan ako?" tila hindi rin makapaniwalang sabi niya. "Pero alam kong mahal mo pa rin siya. Alam kong hindi mo pa rin siya makalimutan," seryosong sabi niya.

Sasabihin ko sana na unti-unti akong bumalik sa dating ako mula nang makilala ko siya pero napaisip ako. Nakalimutan ko na nga ba talaga si Clarissa? O masaya lang ako dahil kay Charmaine? Paano kapag umalis si Charmaine? Babalik kaya ako sa naging ako nang iniwan ako ni Clarissa?

Bigla akong naguluhan. Hindi na tuloy ako nakapagsalita.


NANG MGA sumunod na araw ay niyaya ko naman si Charmaine na pumunta sa resort kung saan ko siya unang nakita. Ang sabi ko ay may sasabihin ako sa kanya. Sinabi ko rin sa kanya na dalhin niya ang sulat ko para kay Clarissa.

Masaya ako dahil dumating siya. Tumungo kami sa tabing-dagat nang dapithapong iyon.

Itinali ko sa hawak kong lobo ang sulat ko para kay Clarissa. Hindi na humangin ng malakas, hindi nakawala ang papel sa kamay ko. Nang maitali ko na ay pinakawalan ko ang asul na lobo. Kasama sa pagpapakawala ko sa balloon ang mga alaala namin ni Clarissa.

Batid kong paminsan-minsan ay babalik pa rin sa isip ko ang mga alaala. Siguro nga hindi talaga posibleng makalimutan ang nakaraan. Masaya man o hindi, siguro espesyal pa rin ang mga alaala. Minsan, nakakalimutan ng isip pero lagi lang na nasa puso. At minsan, naaalala mo lang ang nakalipas subalit hindi na kasama ang damdamin.

Nakangiti ako habang tinatanaw palayo ang lobo na may nakataling liham ng pamamaalam hanggang sa nawala iyon sa paningin ko. Kapagkuwan ay ibinaling ko ang aking mga mata kay Charmaine.

"Kaninang umaga, pinanood ko ang sunrise. Ngumiti ako. At alam kong nakangiti na talaga ako. Dahil 'yon sa 'yo, Charmaine. Mahal kita. Pero baka iniisip mo na ginagamit lang kita para makalimutan ko si Clarissa. Hindi, Charmaine. Mahal talaga kita. Bilang ikaw. Maniwala ka sana."

"Naniniwala ako sa 'yo, Nathan. Susubukan kong magmahal uli. Sana ngayon ay hindi na ako muling mabigo. Pero kung mangyari man, nakahanda na ako."

"Hinding-hindi mangyayari 'yon, Charmaine. Sa piling ko ay hinding-hindi ka na mabibigo. Mamahalin kita ng buong-puso." Niyakap ko siya at hinalikan sa mga labi. Buong-puso rin siyang gumanti.

Sabay naming pinanood ang paglubog ng araw. Wala na ni isang patak ng luha na lumabas mula sa mga mata ko. Dahil alam kong lilipas ang araw na may makakasama ako. At naniniwala akong hindi na ako kailanman mag-iisa.    


[Published: January 18, 2016]

Continue Reading

You'll Also Like

118K 17.6K 92
Short Story and Os book Cover credit: @sidnaaz_alaxy
17.5K 366 35
what if the rookie had a group chat
Fate By v xxxiri v

Short Story

23.3K 1.8K 13
"𝚆𝚑𝚎𝚗 𝚠𝚒𝚕𝚕 𝚝𝚑𝚎𝚢 𝚜𝚝𝚘𝚙 𝚑𝚊𝚝𝚒𝚗𝚐 𝚖𝚎 ?" 𝙰 𝟷𝟻 𝚢𝚎𝚊𝚛 𝚘𝚕𝚍, 𝚅𝚒𝚜𝚑𝚗𝚞 𝚊𝚜𝚔𝚎𝚍 𝚌𝚛𝚢𝚒𝚗𝚐 𝚑𝚒𝚜 𝚑𝚎𝚊𝚛𝚝 𝚘𝚞𝚝. "𝚆...