Eternal Love (Published Under...

By CDLiNKPh

144K 1K 258

No choice si Alice kundi ang maging baby sitter ng makulit na batang si Jason. 10 years old lang ito pero par... More

Chapter 1: Jason (07/17/2016) (SAMPLE CHAPTER)
Chapter 2: Male Yandere (07/23/2016) (SAMPLE CHAPTER)
Chapter 3: Break-Up (SAMPLE CHAPTER)
Chapter 4: Planet Nexus (SAMPLE CHAPTER)
Where to read?

Chapter 5: Trust (SAMPLE CHAPTER)

4.6K 135 39
By CDLiNKPh

Trust

Alice's Dream...

"Ano ang nabalitaan kong nais mong gawin, Queen Aphrodite? Ang ipasok pa lang sa kaharian si Xenon bilang isang kabalyero ay malaking pagkakamali na. Pagkatapos ngayon ay gagawin mo pa siyang hari?" Hindi makapaniwalang pagkompronta sa kanya ng kababata niyang si Harris.

"Hindi ako nasisiraan ng bait, Harris. Alam mong noon pa lang ay may tama na akong paghusga sa mga taong pinagkakatiwalaan ko. Naging mabuting knight si Xenon sa ilang taon na paninibilhan niya sa akin. At ngayon ay siya ang may pinakamalaking potensyal na nakikitaan ko para mamuno sa buong kaharian," kalmadong sagot ni Queen Aphrodite na hindi man lang nadadala sa init ng ulo ng kausap nito.

"Pero alam mong isa siyang pusakal, mahal na reyna. Marami na siyang napatay at base sa galit niya para sa mga tao ay maaaring gamitin niya ang kapangyarihan niya para maghiganti!"

"Hindi gagawin ni Xenon ang bagay na iyon, Harris. Napaimbestigahan mo na siya, hindi ba? Lahat ng mga tao at halimaw na napatay niya ay hindi siya ang nag-umpisa. Pinagtatanggol lamang niya ang sarili niya dahil gusto siyang patayin ng mga ito."

"Kahit pa ganoon, may dahilan ang mga tao kung bakit nila tinataboy si Xenon. Dahil malas siya, mahal na reyna! Nag-iisang anak siya ng hari ng impyerno! O baka naman nabubulagan ka lang dahil sa pag-ibig mo sa kanya? Nauuto ka niya sa kabila ng katalinuhan mo!"

Hindi na nakapagpigil pa si Aphrodite at isang malakas na sampal na ang pinadapo niya sa mukha ni Harris.

"Baka nakakalimutan mo na ako pa rin ang reyna sa kaharian na ito, Harris? Hindi purkit magkababata tayo ay hindi mo na ako dapat na galangin." Tinitigan niya ng seryoso si Harris. Pinakikita rito kung ano siya sa palasyo na iyon kaya naman nanahimik ito.

"Pero marahil nga ay tama ka, Harris. Mahal ko nga si Xenon kaya gusto ko siyang pagkatiwalaan. Pero hindi lang iyon ang nakikita kong dahilan para piliin sya bilang hari. Marami akong bagay na nakikita sa kanya na hindi ninyo nakikitang lahat. Lalo ka na dahil puro lamang galit ang pinaiiral mo para sa kanya kaya naman kahit ano pa ang gawin niya ay palagi na lang masama sa paningin mo. Nakapagdesisyon na ako at ako ang masusunod. Si Xenon ang magiging hari at wala nang iba pa." Puno ang paninindigan sa tono ng boses ni Aphrodite. Iyon ang desisyon na walang kahit na sinumang makakabali.

Hindi naman makapaniwala si Harris na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa siyang saktan ng kababata para lang sa isang estranghero.

"Wala na akong magagawa kung iyan ang desisyon ninyo, mahal na reyna. Pero gusto ko lang malaman mo na darating din ang araw na pagsisisihan mo ang pagpili sa kanya!" Iyon lamang at mabigat pa rin ang mga yabag na umalis si Harris sa harapan niya.

Napabuntong-hininga na lang si Aphrodite. Ayaw naman niya na magtalo sila ni Harris. Mahalaga ito sa kanya bilang kaibigan pero sumobra na talaga ito.

"Lumabas ka na riyan, Xenon. Wala na si Harris." Binalingan na niya ang nagtatagong si Xenon. Alam niya na kanina pa ito nakikinig sa usapan nila ni Prince Harris sa greenhouse na iyon.

"Paano mong nalaman na nandito ako?" nagtatakang tanong nito.

"Dahil alam ko ang amoy mo, Xenon. Nakalimutan mo na ba na malakas ang pang-amoy ko?" nakangiting sabi niya.

Hindi ito sumagot. At sa halip ay umupo sa batuhan ang lalaki. Nasa balikat nito ang alaga nilang ibon na si Lorus.

"Kumusta na si Lorus? Naghilom na ba ang mga sugat niya?" Pagbubukas niya ng usapan.

Dati pa ay tahimik at hindi na talaga masalitang tao si Xenon kaya kadalasan ay siya ang nauunang kumausap dito.

"Hindi kaya tama si Prince Harris? Hindi kaya nagkamali ka lang sa pagpili mo sa akin?" seryosong tanong ni Xenon maya-maya.

"Pinagdudududahan mo ba ang kakayahan mo, Xenon?" pag-uusig niya rito.

"Hindi naman sa gano'n pero alam mong totoo ang sinasabi nila. Marami na akong napatay. Madilim na ang mundo ko. Paano kang nakakasiguro na hindi ko nga gagawin ang paghihiganti na sinasabi nila?"

"Dahil alam kong mabuti kang nilalang, Xenon. Ang mga tao, madalas na hinuhusgahan ang iba dahil lang sa mga bagay na nakikita ng mga mata nila. Kung ano ang nagawang masama ng isang tao ay iyon lang ang mahalaga sa kanila pero ang dahilan kung bakit ginawa ng taong iyon ang bagay na 'yon ay ni hindi na sila nag-aabala pang alamin. Pero iba ako sa kanila, Xenon. Nakita ko ang malinis na puso mo. Kung madilim na ang mundo mo, handa akong maging ilaw para sa 'yo. Patunayan mo sa kanilang lahat na hindi ka katulad ng iniisip nila. Patunayan mo na kaya mo. Dahil ikaw ang lalaking pinili ko, Xenon... At alam ko na hindi ko pagsisisihan ang bagay na iyon kahit na kailan."

Natigilan naman sa mga salitang iyon si Xenon. Sa buong buhay nito ay ngayon lamang may nagtiwala rito.

"Aphrodite..."

"Xenon..."

Unti-unting naglapit ang labi ng dalawa sa isa't-isa at parehas nilang pinagsaluhan ang isang matamis na halik ng dalawang taong nagmamahalan...

DOON NA unti-unting nagmulat ang mga mata ni Alice mula sa kanyang pagtulog. Katulad ng palaging eksena sa umaga ay tumutunog na naman ng malakas ang alarm clock niya at iyon na naman ang rason kung bakit naputol ang panaginip niya.

Malinaw na malinaw pa rin sa isip niya ang halik na nakita niya sa panaginip niya. Parang totoong-totoo iyon at nararamdaman pa rin niya.

Ang malabong paningin ay unti-unting luminaw at nanlaki pa ang mga mata niya nang mapansin na nasa ibabaw na naman pala niya si Jason at nakamasid sa pagtulog niya.

Kaya naman pala parang may mabigat sa ibabaw niya! At bukod doon ay pinaglalaruan pa nito ng pentel pen ang mukha niya!

Agad siyang bumangon at itinulak ito palayo sa ibabaw niya. Saka siya dumiretso sa salamin at nakita ang karumal-dumal na ginawa nito sa mukha niya.

"Anong ginawa mo sa mukha ko? Bwisit ka talagang bata ka!" inis na sabi niya.

"Dapat nga ay magpasalamat ka pa dahil gumagawa ako ng paraan para gisingin ka. Dapat siguro itapon mo na iyang alarm clock mo dahil wala rin namang silbi. Kahit na tumutunog na nang malakas ay hindi ka pa rin naman bumabangon. Hindi ka rin nagigising kapag wala ang tulong ko," nakangising sabi nito.

"Kung ganoon ay MARAMING SALAMAT, ha! Mabuti at nandiyan ka para araw-araw na sirain ang umaga ko! Ang ganda-ganda na ng panaginip ko, eh. Alam mo bang nagki-kiss na kami ni Xenon sa panaginip ko?" sarcastic na sabi niya.

Para namang gulat na gulat si Jason sa narinig sa kanya.

"X-Xenon?" anas nito.

"Oo, Xenon. Siya iyong lalaking palagi kong nakikita ko sa panaginip ko. Sa tingin ko nga ay siya rin iyong kasintahan ko noong nakaraang buhay ko, eh. Ang romantic, hindi ba? Alam ko na darating ang araw na magkikita rin kaming ulit. At kapag nangyari iyon ay hinding-hindi ko na siya papakawalan kasi ang gwapo-gwapo ni Xenon, Jason! Matangkad, matipuno ang katawan at kayumanggi ang balat. Lalaking-lalaki talaga siya! Hayy, siya na siguro ang soulmate ko. Sana magkita na kami ulit!" Nag-umpisa nang mangarap si Alice.

"Hmmm... Kapag nagkita ba kayo ulit ay sigurado ka nang siya na talaga ang lalaking pakakasalan mo?" tanong nito na parang inoobserbahan lang kung ano ang isasagot niya.

Himala. Parang hindi yata ito nagselos ngayon na nagkukwento siya ng ibang lalaki rito. Kapag kasi nagsasabi siya ng mga crush niya rito ay katakot-takot na panlalait ang mga sinasabi ni Jason tungkol sa mga iyon. Kesyo raw malamya kung kumilos na parang bakla at hindi naman daw gwapo. Madalas ay pinapagalitan pa siya nito na para bang ito ang mas matanda kaysa sa kanya. Bakit daw ang hilig niya sa mga pogi nga ay playboy naman at hindi siya kayang ipagtanggol.

Ang sabi pa nito ay hindi pa raw ba siya nadadala sa pagkakabigo niya kay Ram?

Ilang buwan na rin naman ang nakalipas simula no'ng mag-break sila. Maayos na rin ang lagay nito at nagpunta na ito sa ibang bansa pagkatapos nitong magpagaling. Ni hindi na nga siya kinontak pa ulit ng lalaki. Nakalimutan na rin siguro siya nito kaya bakit naman niya sasayangin ang oras para isipin pa ito?

"Oo, Jason! Kapag nakita ko ulit si Xenon sa panahong ito ay sisiguraduhin ko sa 'yo na siya na ang lalaking pakakasalan ko. Kahit sino pa siya, gagawin ko ang lahat para maalala niya rin ako. Kaya ikaw na bata ka, tigil-tigilan mo na ako at maghanap ka na lang ng girlfriend do'n sa mga kalaro mo. Ang bata-bata mo pa, ako pa ang gusto mong patulan. Hay naku, naloloka ako sa 'yo. Makaligo na nga at baka malate pa ako!" Iyon lang at umalis na siya sa harapan nito at pumasok na lang sa loob ng banyo.

Seryoso naman ang naiwang si Jason.

Kung alam mo lang, Alice na hindi mo na kailangan pang hanapin si Xenon dahil nandito lang ako sa tabi mo. Matagal na...

Iyon ang tumatakbo sa isipan ni Jason. Isang bagay na hindi niya masasabi kay Alice.

SA SCHOOL...

"Amboring, 'no? Wala ng prince ang school simula nang mawala si Ram," sabi ng bobitang si Rizza.

Tiningnan ito ng masama nina Carla at Yuri.

"Ay, sorry. He-he-he..." Saka tumawa na lang si Rizza dahil narealize nito na ando'n nga pala siya. Ang isa sa mga babaeng pinaasa ng playboy na si Ram.

"Guys, huwag na ninyong awayin si Rizza. Ayos na ako," natatawa na lang na sabi ni Alice sa mga kaibigan niya.

"Alice, sigurado ka ba talaga na nakaget-over ka na sa ginawa ni Ram sa 'yo? Baka kasi hanggang ngayon ay broken hearted ka pa rin," nag-aalalang tanong pa rin ni Carla.

"Gaya ng sinabi ko ay ayos na ako. Isa pa, ang tagal na nun, 'no. Saka naaksidente naman siya. Hindi ko man gusto ang nangyari sa kanya ay pakiramdam ko, sa nangyari sa kanyang iyon ay parang pinagbayaran na rin niya ang mga kasalanan niya sa akin at pati na rin sa ibang mga babae na niloko lang niya. Kaya mabilis din akong nakapag-move-on. Hindi lang naman siya ang lalaki sa mundo," sabi niya.

"Sabagay..." Sabay-sabay pa ang tatlo.

Nang mapadaan sila sa bulletin board.

Doon nakalagay ang ratings ng mga estudyante sa nakalipas na ability test. Ang ability test ay parang survey na rin ng school nila kung ano ang mga natutunan ng mga estudyante sa mga nakalipas na taon. Pang-4th year highschool ang exam na iyon na binubuo ng mga tanong tungkol sa general knowledge, math, science, english at iba pang mga komplikadong bagay tungkol sa mga pinag-aralan nila noon. Duguan ang exam na iyon dahil 1,000 questions ba naman.

Tumingin sila sa mga ratings at nakita nila ang pangalan nilang apat sa pinakababa. 200 points ang nakuha niya. Si Yuri 199, si Carla 198 at si Rizza naman ay 150. Ayos, ah. Lumaktaw lang ng konti si Rizza pero halos magkakasunod na ang mga scores nila.

Patunay lang na pare-pareho silang bubu. Ni hindi man lang umabot sa kalahati ang mga nakuha nilang scores. Kasi ba naman, halos lahat ng mga tanong ay puro definition at hindi man lang multiple choice. Wala ka talagang mailalagay na sagot kung wala kang alam. Ni hindi ka pwedeng manghula.

Pero sabagay, hindi lang naman sila ang mababa kaya hindi na rin sila gaanong nalungkot. Mabibilang lang kasi sa kamay ang pumasa.

Nang mapatingin siya sa top 1 na nakalagay sa bulletin board. Zeno Matsunaga.

"Guys, tingnan n'yo, oh! May nakaperfect do'n sa test," pagtawag niya sa mga kaibigan.

"Akalain mo nga naman, ano. Sa hirap ng test na iyon ay may nakaperfect pa rin? Ano bang klaseng utak mayroon ang isang ito?" Hindi makapaniwalang sabi pa ni Rizza na siyang pinakabubu.

"Teka, kilala ko iyang Matsunaga Zeno na 'yan, eh. Kaklase siya dati ng kuya ko sa Phoenix University. Palagi rin nilang top 1 iyang guy na 'yan doon. Running for valedictorian nga iyan doon. Hindi ko alam na lumipat na pala siya rito," nagulat na pagbibigay impormasyon ni Yuri.

"Pero bakit naman kaya siya lumipat dito sa school natin? Kung running for valedictorian siya, bakit umalis pa siya, eh nasa fourth year na siya? Hindi ba at parang alanganin naman iyon?" nagtatakang tanong naman ni Carla.

"Aba, malay ko. Baka may gusto siyang makasama rito." Pagkibit-balikat naman ni Yuri.

Napapatulala naman si Alice sa pangalang iyon.

Bakit ganoon? Parang hindi niya maalis ang tingin sa pangalang iyon ng hindi niya nakikilalang lalaki? Bakit bigla ring kumabog ng malakas ang puso niya?

Matsunaga Zeno.

Katunog ng pangalan nito si Xenon. X at N lang halos ang pinagkaiba.

"Umm, guys, mauna na muna ako sa inyo, ah? Para kasing biglang sumama ang pakiramdam ko kaya uuwi na ako," pagpapaalam na niya sa mga kaibigan.

"Okay, sige. Ingat ka, ah. Sayang, masaya pa naman sanang magkaraoke ngayon dahil walang pasok bukas. Pero sige, magpahinga ka na lang, Alice at baka mamaya ay mahimatay ka pa," sabi pa ni Carla.

Iyon lang at lumabas na siya ng school.

Nagmamadali ang mga paa niya dahil parang bigla-bigla ay nagkainteres siyang makilala ang Matsunaga Zeno na iyon. Para bang malakas ang kutob niya sa pangalan ng lalaki.

Papalabas na siya ng school nang may nakabangga siyang isang lalaki. At nagulantang siya nang makita ang mukha ng lalaking nakabangga niya.

Ang mukha ng lalaking matagal na niyang nakikita sa panaginip niya. Ang singkit na mga mata nito, matangos na ilong na may katamtamang kapal ng labi at kayumangging balat na siyang mas nagbibigay ng masculine look dito. Ang itim na itim na buhok nito at ang mga mata nito na nangungusap...

Si Xenon!

Continue Reading

You'll Also Like

432K 31.5K 51
I have always seen myself as a savior from the depth of the sea--a place that I have long conquered. But when you appeared right before my eyes, I re...
23.9K 676 71
Jackson Luis Carter he is a police man who know how to do Martial Arts Meron siyang isang mission na alamin ang nagagandap na kasaman sa isang napak...
2.1K 209 15
Miles & Nate moments after 5 years
1.8M 18.3K 45
Si Joy, ang tatanga tangang babae na lagi na lang nafa-fire sa lahat ng napapasukan niya. Mali-mali, palpak lahat ang kilos niya.. Si Shaun ang Gene...