Wife For Sale (PUBLISHED - MS...

By IngridDelaTorreRN

109K 660 111

**⚠️PREVIEW ONLY⚠️. Full story is available at shopee.ph, lazada, ebookware.ph, bookwarepublishing.com, NBS... More

Author's Note
Note to my Readers

Chapter 1: Mr. Dreamboy

20K 348 67
By IngridDelaTorreRN

"Oh, Sari, kumusta ang pasada?"

Napaigtad si Sari nang marinig ang pagsambit ni Kardo sa pangalan niya. Nasa unahan na ng linya ang minamaneho niyang traysikel at nakatunganga sa mga damung ligaw na nagsasayaw sa two-lane road. Katapat ng paradahan nila ay ang higanteng itim na gate ng isang high end subdivision.

Gigil niyang nakamot ang ilong. "Ito, tagtuyot na naman! Tuyot na tuyot ang bulsa ko. Mas tuyot pa sa nalantang talulot ng kalatsutsi!" ingos niya sabay sipa sa unahang goma ng traysikel.

Umalpas ang tawang tunog-baboy mula sa lalamunan ni Kardo. "Sa akin nga mas tuyot pa sa kulubot na balat ng asawa ko, eh!"

"Gago!" natatawa niyang sikmat sa lalaki sabay kamot uli sa ilong. "Kita mo iyang magarang pickup na papalapit dito? Babahing ang makina niya, makikita mo," pabiro niyang sabi. Noon naman biglang tumirik ang itinurong pickup at dumisplay sa gitna ng malawak na kalsada.

Nagpalitan sila ng napapantastikuhang tingin ni Kardo.

"Umamin ka, maysa-malademonyo iyang dila mo!" bulalas ni Kardo saka humagalpak ng tawa.

"Wala, oy! Coincidence ang tawag diyan," dipensa niya.

"Wow English! Paki-spell nga."

"Ulol!" Pinaandar niya ang traysikel at pinaharurot patungo sa tumirik na Ford. Bumaba siya at kinatok ang side window ng sasakyan. "Sir, okay lang ho ba kayo riyan sa loob?"

Walang sumagot. Lagot, mukhang natuluyan na ang driver ng pickup. Na-meet na yata nito si Lord.

Paatras na siya nang biglang gumulong pababa ang salaming bintana ng sasakyan at tila lumipad at humalik sa mga ulap ng kalangitan ang munting nguso ng puso niya nang mamalas ang guwapung-guwapong mukha ng driver.

Maalun-alon ang maigsi nitong buhok, maputi at makinis ang kutis. Hayop sa kinis, kutis virgin! Matangos ang ilong nito na tila kaysarap kagatin ng dulo. Masigla ang kulay ng mga labi. Mga labing gusto niyang kainin nang buo.

"Pocha, nasa langit na yata ako..." wala sa loob niyang usal. Biglang tila nag-materialize sa tabi niya si Sheryl Cruz at bumanat ng kantang 'Mr. Dreamboy.'

Ang isip ko'y litong-lito

Di ko alam ang gagawin

Hirap ako sa paghuli ng 'yong pansin

Kapag nasasalubong ka

Dibdib ko'y kakaba-kaba

Pati ang tuhod ko'y nanlalambot na rin.

Nakasamingot na ipinitik ng binata ang mga daliri sa tapat ng mukha niya na padikit nang padikit na sa nakabukas na bintana ng sasakyan. "Hey, Miss? Miss?" pasuplado nitong tawag sa kanya. "Could you please move back a little? Ang ulo mo papasok na sa sasakyan ko," nakasimangot nitong dugtong.

Napatuwid siya ng tayo. "Ay, sorry, Bossing." Napakamot siya sa batok at bahagyang namula ang magkabila niyang pisngi. Akalain ba naman niyang buhay pa pala ang parteng sirena ng pagkatao niya. Hayun at kumakawag ang buntot ng Sirenang Sari dahil sa labis na kilig.

Tiyak na magpapatumba ng tipaklong ang ama niya kapag nalaman nitong kinilig sa lalaki ang anak niyang malalaki ang hakbang, hindi pinong kumilos at mas lalaki pang gumalaw kaysa sa totoong Adan. Mabuhay ang nagising na Eba sa katawan ni Sari Silang.

"Bossing, mukhang nasiraan kayo, ah?" tanong niya kapagkuwan saka pasimpleng isinabit sa tainga ang ilang hibla ng buhok na kumawala mula sa pagkakatali niya palikod. Hindi rin siyempre nawala ang ultimate da-moves ng babaeng nagpapa-cute sa crush-ang pagpilantik ng pilikmata.

Nagsalubong ang kilay ng binata. Binalewala nito ang pag-special kumbulsyon ng pilik niya.

"I'm okay," tipid nitong wika sabay sara sa power window. Hindi man lang nito na-appreciate ang kanyang ragged beauty. Sabagay, sino ba namang Adan ang maa-attract sa babaeng nakapantalon at simpleng T-shirt lang?

"Sana hindi umandar ang sasakyan mo." Naghugis puwit ng pato ang labi niya.

Hindi nga umandar ang sasakyan at pagkaraan ng limang minuto ay iritadong bumaba ng pickup ang driver. Napatingala siya sa tangkad nito.

Grabe, bakulaw ang height at ang guwapo niya! tili ng utak niya.

May tinawagan ito para i-pick up ang sasakyan. "Hey," baling nito sa kanya matapos ang maikling sandali.

"Ako po, Bossing?" Hindi makapaniwalang turo niya sa sarili.

Lalong umasim ang mukha ng binata. "Yes, you."

"Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, Bossing?"

"Naubusan ng gasolina ang sasakyan ko. Ihatid mo ako sa loob ng subdivision. Can you do that?"

"Ay, opo! Sakay na ho kayo." Yumukod siya at pinagpag ang upuan para sa pasahero.

Walang ngiting tumalima ang binata. Halos hindi ito magkasya sa traysikel niya. Ang laking tao naman kasi nito. Sa buong durasyon ng biyaheng kasama niya ang lalaki ay hindi siya nakapag-pokus sa pagda-drive. Distracting kasi ang presensya nito at idagdag pang napakabango ng estranghero.

Dapat ay magkrus uli ang landas nila. Kung kailangan niya itong sundan hanggang sa paraiso ni Bathala ay gagawin niya. Sigurado siyang ang lalaki na ang dreamboy niya.

_____

PAGKALABAS NA PAGKALABAS ng pamilyar na pickup mula sa itim na gate ay mabilis na rin niyang binuhay ang makina ng inarkila niyang taxi sa kapitbahay nilang si Mang Kanor. Didiskarte na lang siya mamaya kung papaano niya mabubuo ang isang libong bayad kay Mang Kanor.

Wala siyang pakialam sa traffic rules at natural na kaskasero, reyna siya ng kalsada kapag 4-wheel motor vehicle ang minamaneho kaya hindi nagkaroon ng tsansang makawala sa paningin niya ang pickup ng binatang napupusuan.

Humantong sa tapat ng 4-storey office building ang sasakyan. Pumarada siya ilang hakbang ang layo mula sa pickup at nagmanman nang mabuti.

Nanginig ang sikmura niya nang makita ang mukha at matikas na tindig ng kanyang dreamboy. Puting polo shirt at slimfit jeans ang suot nito. May suot na sunnies ang lalaki at may kipit-kipit na black executive bag.

Dali-dali siyang bumaba ng taxi nang hindi na abot ng kanyang tanaw ang binata. Lumapit siya sa tindera ng mga kendi at titserya na nakapuwesto sa tapat ng naturang gusali. Dinampot niya ang nai-spot-ang bubblegum at kaagad na binalatan saka isinubo. Inabot niya ang piso sa tindera at kaswal na isinabit ang kamay sa munting bubong ng maliit na pushcart. 

"Manang, kilala n'yo ho ba kung sino iyong guwapong lalaki na kakapasok lang sa building na iyan?" pangungusisa niya.

"Iyong suplado?" kunot-noong tanong ng tindera na nagulat pa sa biglang pagsulpot niya.

"Opo!"

"Si Sir Chase iyon. Sir Chase Tan. Sales Director diyan sa Universa Premier."

"Universa Premier?"

"Real estate. Land developer 'ata. Parang gan'un. Bakit ba?"

"Eh, crush ko kasi iyong Sir Chase. Ang guwapo niya, ano, Manang?"

"Ays, isnabero naman at masama ang ugali," nakausli ang ngusong komento ng matanda.

"Ito namang si Manang, umaalingasaw ang baho ng pagkadisgusto mo d'un sa tao," ngingiti-ngiti niyang sabi. Tumalikod na siya at bumalik sa nakaparada niyang taxi. Aabangan niya ang paglabas ni Chase. Dapat ay maka-iscore na siya sa lalaki.

_____

"BOSSING! BOSSING!"

Nangunot ang noo ni Chase nang marinig ang hindi pamilyar na tinig ng babae. Maging ang mga kasama niyang junior at senior sales executive ay napalingon rin sa pinanggalingan ng boses.

Tumambad sa kanila ang nakangising babae na naka-itim na T-shirt at simpleng pantalon na ginirian pa ang tela sa bandang tuhod. Panay ang kaway nito sa grupo nila.

Sumakit ang ulo niya sa hitsura ng babae. "Keep walking, guys," utos niya sa mga sales executives na under sa supervision at kabilang sa team niya.

Nagbulungan ang mga ito. Gayunman ay wala siyang may narinig na direktang pangungusisa sa kanya. Takot ang mga itong mapagalitan, lalo na't mainit ang ulo niya at kaninalang ay nag-almusal na ng masasakit na salita ang mga ito.

"Bossing!" sigaw uli ng babae.

"Shit." Paglingon uli niya ay arm-length na lang ang layo ng babae sa kinatatayuan niya. Naduling siya sa lapit nito. "The hell! What is wrong with you?" pagalit niyang tanong dito.

"Sorry ho, Bossing. Io-offer ko ho sanang sa akin na kayo sumakay. Saan ba ang punta n'yo?"

"May kanya-kanya kaming sasakyan, Miss," aniya at nagpatuloy sa paglalakad.

Um-overtake ang babae at humarang sa daanan niya. "Sige na po, Bossing. Libre ko na ho sa inyo. Sayang ang gasolina n'yo. Mabigat ang traffic pag ganitong oras. Gitgitan ang mga sasakyan sa kalsada. Sa akin na kayo sumakay. Ihahatid ko rin kayo pabalik dito."

"No."

Nalukot ang ilong ng dalaga pero hindi siya nito tinantanan. Tila ito manok na may tinutukang anay sa likod niya kaya panay ang sunod. Binalewala niya ang babae at sumampa sa driver's side ng kanyang pickup. Sa unang subok palang ay pumalpak na ang makina ng sasakyan. Nag-init kaagad ang batok niya at sinubukan pa uli niya nang paulit-ulit.

"Hindi na aandar iyan. Nand'un lang ang taxi ko, o. Tara na?" Ngising-ngisi ito.

"This is insane," he murmured. He should've said no. Pero wala siyang pagpipilian.

"Sir, you want candy?" tanong nito sa kanya nang nasa loob na siya ng taxi nito. "Marami ako rito."

"No, thanks."

"Sige na, Sir. Para masayaran ng matamis ang dila n'yo," pangungulit nito.

Tinapunan niya ng makahiwa sa talim na tingin ang babae.

"Sir naman, pinauurong n'yo ang dila ko, eh," nakangisi pa rin nitong wika. "Alam n'yo, Sir, mas bagay sa inyo ang nakangiti. Sabi nga ni Tinay: Happy lang!"

"Oh God," eksasperado niyang sambit. "Just drive, okay?" Nahilot niya ang sentido.

"Sir, masakit ho ang ulo n'yo? May gamot din ho ako-"

"Shut up, will you?" sikmat niya sa dalaga saka ipinokus ang mga mata sa labas ng binatana.

Nanahimik naman ang lady driver. Mabuti naman dahil kaunti na lang talaga ay aalpas na mula sa lalamunan niya ang mabentang linyang: Stop the car!

_____

"HELL. YES, impyerno ang buhay ko dito, Daff. Hindi ko maintindihan kung ano ang pinupunto ng ama ko sa pagpapatapon niya sa akin dito sa Negros at sa pag-assign sa akin bilang Sales Director sa sarili naming kompanya," pagsusumbong niya sa kanyang long-time steady girlfriend over the phone. Nakahimpil na ang sasakyan niya sa parking space ng Universa. Napagtignan na niya iyon sa auto repair shop.

In-unlock niya ang pinto ng pickup at bumaba ng sasakyan. Pagkakita niya palang sa main entrance ng building ay umasim na ang sikmura niya. 

"Maybe because your partying was too much?"

"Nonsense. That is part of my job."

"Of course, dahil isa kang sikat na modelo slash big shot TV commercial producer."

Napabuga lang siya ng hangin.

"So you think ginagawa niya iyan just because he hates you? Generally, a normal father does not hate his son, unless otherwise may psych disorder or dark issues iyong tatay."

"Maybe I don't have a normal father," he grumbled.

Narinig niyang tumawa sa kabilang linya ang girlfriend. "Whatever, Chase."

"I need to go, Babe. I'll call you later."

"Sure."

"Yeah." Kasabay ng pagbulsa niya sa cellphone ay ang pagpasok niya sa entrada ng office building.

Tumambad kaagad sa harapan niya ang pinakahuling taong gusto niyang makita sa buong mundo nang mga oras na iyon.

"Sir Chase, kanina pa po siya naghihintay sa inyo," anang receptionist.

"Oh Christ." Pangalawa ang babae sa listahan ng taong nagpapainit sa dugo niya. Nasa unang numero pa rin siyempre ang amang hindi niya makasundo. "Ikaw na naman? What are you doing here?" matalim niyang tanong sa dalaga.

"Magpapakilala lang po," kinikilig nitong sabi. Sa sobrang kilig ay halos dumikit na ang baba nito sa kurba ng leeg dahil sa kakayuko at paggalaw-galaw na tila kuting na nangingisay. "Hindi n'yo pa rin ho kasi kinukuha ang pangalan ko."

"What would I need your name for?" Hindi niya itinago ang kawalan ng gana sa tinig. Dumerecho siya sa mahabang hallway at pumasok sa unang silid na siyang pinaka-opisina ng team niya.

Bumuntot sa likod niya ang babae. Nag-mental note na siya sa utak na sisitahin niya mamaya ang guard at receptionist kung bakit hinayaan lang ng mga itong makapasok ang isang hindi opisyal na empleyado ng kompanya sa loob ng kompanya.

"Ito namang si Bossing napakasuplado. Ang mahal ng ngiti. Hindi ka puwedeng pang-toothpaste commercial."

"I am a toothpaste commercial model. And, the most sought after and highest paid," nang-aasar ang ngising ibinigay niya sa babae na ikinalaglag ng panga nito.

"Pocha! Sabi ko na, eh!" bulalas nito. "Nakakasilaw ang kaputian ng ngipin mo!"

Nagsalubong ang kilay niya sa talas ng dila nito.

"Ay sorry po," anito. "Bossing..."

Hindi siya umimik.

"Bossing?"

Tikom pa rin ang bibig niya.

"Bossing?"

"What!" iritado niyang sikmat dito.

"I'm Sari po," ngiting-ngiti nitong pagpapakilala sa sarili.

"Hi, Sari, nice to meet you. Satisfied?" Tila ipinulbo sa mukha niya ang inis.

Sunud-sunod ang ginawang pagtango ni Sari.

"Satisfied na satisfied. Pak na pak!"

"Good. Baka naman ngayon ay puwede mo na akong iwanang mag-isa. I need to work." Pasimple niyang pagtataboy dito. Hindi naman iyon inalintana ng babae. Sarap na sarap itong pakinggan ang boses niya.

Tumakbo ito palapit sa nakabukas na pinto at exage ang ginawang pagwagayway sa kamay. "Bye, Mr. Dreamboy! Magkikita pa uli tayo! Hanggang sa susunod!" Tumalikod ito saglit bago muling humarap. Sumaludo ito sa kanya. "Don't forget, Sari is the name and I don't want anything except for your surname!" anito bago tumakbo palayo.



Continue Reading

You'll Also Like

2.7M 43K 35
Sa mundo ng panghuhusga, may tao pa bang magtitiwala sa katulad ni Jackie? Isang social climber, tirador ng DIRTY OLD MEN at taklesa. Ano nga ba ang...
287K 6K 43
Book 2 of Please Love me. "That is what love means.. sacrifice.." Enzo and Patricia were planning for their supposedly wedding until Sydney Villafuer...
76.5K 2.5K 18
He's a Nephillem, A guardian of heaven. He is named Althdolfer, for he was entitled to murder the King's daughter... For 17 years, sinusundan niya i...