K U W A D E R N O

By YsaiCarinio

1.5K 2 0

Dahil marami pang mga kuwento ang naghihintay lamang na maikuwento. More

Saan Ka Dadalhin ng Kahirapan?

FIX YOU

18 1 0
By YsaiCarinio


Lahat may kalalagyan, lahat nagsimula sa hindi maganda. Pero kahit ganoon, gusto kong magsimulang muli. Maging ang estado ng puso ko nakikiayon sa gusto kong mangyari. Panahon na siguro para kalimutan ang mga masasakit na nangyari sa nakaraan. Mas pursigido ako ngayong magpatuloy sa hamon ng buhay. Kung nawala man sa akin ang lahat ng mayroon ako, alam kong may plano ang Diyos para mas maging maayos pa ang buhay ko. Kung ano man iyon? Hindi ko alam. At hindi ko pipiliting alamin. Ayaw kong pangunahan ang lahat.

Biglaan ang naging desisyon kong magpunta sa Pangasinan. Ilang taon na nga ba akong hindi bumalik doon? Limang taon? Ganoon na marahil katagal. Ni wala nga akong ideya kung alam ko pa ba ang eksaktong lugar na pupuntahan ko, kung naroon pa ba 'yon o wala na. Pero kailangan kong magbaka-sakali. Parang hinahatak din ako papunta roon.

Limang oras na biyahe mula Quezon City. Limang oras na walang tayuan. Limang oras na pagtitiis sa pagkangawit. Pero sulit naman dahil kahit na ordinary bus ang sinakyan ko, presko at malamig naman ang hangin na dumadampi sa balat ko lalo na nang nasa bungad na kami ng bayan ng Sual.

Pumara't bumaba ako sa lugar na alam kong hindi gaanong puntahan ng mga tao. Shortcut iyon para mas mapabilis ako sa pupuntahan ko. Hinanap ko ang makipot na daan na kami mismo ni Brandon ang gumawa. Ang dati kong kasintahan. Ang lalakeng buong puso kong minahal. Ang taong nangako na aalagaan ako at hindi ako sasaktan. At ang mismong taong dumurog sa puso ko nang mangyari ang isang aksidenteng siya ang may kasalanan. Para na rin niya akong pinatay.

Pero ngayon, I want to be happy. I want to see the bright side to everything. Alam kong nakadepende sa akin...sa sarili ko kung paano ako magiging masaya. At gagawin ko iyon sa paraang alam ko. Sa paraan na kaya ko.

Gaya nang daang tinahak ko bago marating ang lugar na pakay ko. Masukal. Punong-puno ng naglalakihang talahib, halos wala na akong makita. May mga galos na rin akong natamo gawa ng mga tuyong sanga na humaharang sa daan. Mahirap, pero kaya namang lusutan. Ganyan rin ang buhay. Pahihirapan muna tayo. Ibabato sa atin ang mga problema at wala tayong magagawa kundi tanggapin na lang nang tanggapin iyon. Masusugatan tayo. Masasaktan. At kahit na gaano pa karaming sagabal sa daan, hangga't hindi tayo tumitigil sa paglalakad, mararating natin ang dapat nating puntahan.

Pagkarating na pagkarating ko sa pinakataas na bahagi ay isang pamilyar na tanawin ang bumungad sa akin. Mula sa itaas, abot-tanaw ko na ang malawak na bukirin sa bayan, maging ang dagat at maliliit na isla sa gitna nito. Itinaas ko ang mga kamay ko saka huminga ng malalim. Pumikit pa ako. Pinapakiramdaman ang malamig na hanging tumatama sa balat ko. Nagbibigay iyon ng bahagyang kagaanan sa pakiramdam. Parang iwinawaksi niyon ang mga agam-agam ko sa buhay.

"Sumigaw ka."

Napamulat ako nang marinig iyon. Ang alam ko, walang ibang nakakaalam ng lugar na ito maliban sa amin ni Brandon.

Hinanap ko ang pinanggalingan ng tinig. Kaliwa't kanan ako sa paglingon hanggang sa magsalita itong muli.

"Isigaw mo lahat. Tutal, wala namang makaririnig sa 'yo rito," anito.

Hinahanap ko pa rin kung nasaan ang lalakeng may ari ng tinig na iyon. Agad ko ring pinulot ang may kakapalang sanga na na natapakan ko para paghandaan kung ano man ang puwedeng mangyari.

"Sino ka? Nasaan ka?" Halos pasigaw na sabi ko.

"Bulag ka ba? O sadyang pinipili mo lang ang gusto mong makita? Psst! Tumingin ka sa taas mo."

At ako namang si uto-uto, tumingala sa may puno ng manggang piko. Naroon siya. Isang lalakeng nakahiga sa magkakadikit na sanga habang ngumangata ng mangga.

"Kain?" alok niya.

Sinimangutan ko lang siya't ibinalik ang tingin sa tanawin. May kung anong inis akong naramdaman. Akala ko masosolo ko ang lugar na iyon. Akala ko, makakapag-isip ako ng payapa rito. Mukhang nagkamali yata ako dahil may iba nang nakaalam ng paraiso na ito.

"Ang ganda rito, 'no?"

Bigla akong napalingon sa gawing kanan ko nang may magsalita roon. Ang lalake sa puno. Hindi ko napansin na nakababa na pala siya.

"Mas maganda kung umalis ka na." Pero huli na para bawiin pa ang sinabi ko. Napasapo na ako sa noo ko at patay-malisya na lang.

"Hindi ka rin selfish, 'no? Gusto mong solohin ang lugar na 'to."

Natawa siya nang bahagya kaya naman nilingon ko siya. Goodness! Why he could be so tall for me? Hanggang dibdib lang niya ako. Pero kahit ganoon, hindi ako nagpatinag. Sino ba siya? For sure naman, isa rin siyang dayo na nag-eexplore sa mundo. "Wala naman akong sinabing ganyan," depensa ko.

Ngumiti lang siya. Nakapamulsa pa ang dalawang kamay. Itinuon niya na rin ang tingin sa dako kung saan naroon ang dagat. Pareho kaming nakatayo malapit sa bangin. Parehong sa malayo nakatingin.

Ilang segundo lang ay nagsalita na naman siya. "Ano pang hinihintay mo?" Nang lingunin ko siya, nakatingin na ulit siya sa akin. "Sigaw na. Allow yourself to feel happiness again and allow your soul to lead your way."

Napairap ako. "At kapag ginawa ko na 'yon, aalis ka na ba?" Nagkibit-balikat lamang siya kaya lalo akong nainis. "Look mister. Hindi ko alam kung paano mo nalaman ang lugar na ito. Sa pagkakaalam ko, kami ng ex ko lang ang naglalagi rito noon."

"Hep! 'Noon'. Noong kayo pa...siguro. At saka, wala na bang karapatan ang iba na masilip man lang ang nakatagong paraiso na ito?"

Natahimik ako. Gusto ko sanang sumagot pa kaso wala akong mahagilap na salita na puwedeng pangontra sa sinabi niya.

"Gusto nating mapag-isa dahil ayaw nating maistorbo sa pagmumuni-muni natin. Punong-puno ng pantasya ang isip natin at walang ibang nakakaintindi niyon kundi tayo lang. Sarili natin. Gusto nating lumayo at panandaliang kalimutan ang mundo habang nasa isang lugar tayo na gaya nito." Natigilan siya sa pagsasalita at ipinamulsa ang mga kamay. "Dahil akala natin matutulungan tayo ng pagtahimik natin. Pero hindi natin alam na makakasama rin iyon. Magkikimkim tayo. Lihim na magagalit sa mundo. Magpipigil sa mga gustong gawin. Kasama na roon ang kagustuhang maging masaya."

Napamaang ako. Saan ba nanggagaling ang mga pinagsasabi nito at ganito na lang kalalim kung humugot? "Hindi mo puwedeng sabihin na mali ang isang tao sa kagustuhan niyang manahimik."

"May sinabi ba akong mali? Ang sinabi ko lang, makasasama. Kailan ka ba huling naglinis ng tainga mo?" Pumalatak siya.

"Wow. Hiyang-hiya naman ako sa kayabangan mo!"

"Mayabang na kung mayabang. But still, you don't know me."

"And you don't have any idea what I've been through. Eh, sa gusto kong magmukmok, eh. Gusto kong mapag-isa. Umay na umay na ako sa kapapangaral ng ibang tao. Huwag mo nang dagdagan pa."

"Alam mo, mas dapat mong sisihin ang sarili mo dahil nagpakalango ka sa kalungkutan. Naging miserable ka dahil na rin sa kagustuhan mo at sa pag-iwas mo sa mga taong puwedeng makatulong sa 'yo. Hindi mo ba naisip na sa pag-iwas mo sa mga tao, inilalayo mo rin ang sarili mo sa posibilidad na makakapag-move on ka agad sa mga hindi magandang nangyari sa buhay mo?"

"Don't act as if you know everything. Wala kang alam. Hindi mo ako kilala."

"Maybe we don't know each other yet, but believe me, I can read you, I can feel you."

"It's none of your business. You're totally out of it. None of your concern. Gets?"

"Chill." Tumawa siya. Hindi ko alam kung mapipikon ba ako sa tawa niyang iyon o ano.

"Hindi tayo parehas ng pinagdaanan. Kahit ang lebel ng sakit na nararamdaman, hindi tayo parehas. Life is different for different people. Kaya wala kang karapatang sabihin na alam mo ang nararamdaman ko." Pumunta ako sa gawi kung saan naroon ang malaking bato. Buhay na bato raw iyon sabi ni Brandon noon. "Lahat nang narito ay naging piping saksi sa lahat ng pangako niya sa akin. Kung mayroon mang puwedeng manghusga sa akin ngayon, ang mga ito iyon."

"Gaano katagal na kayong hiwalay?" tanong niya.

"Apat...lima..." Napakibit-balikat ako. "Hindi ko na alam."

"At gano'n pa rin kalakas ang impact niyon sa 'yo?" Napabuntong-hininga siya.

Hinarap ko siya. Sinalubong ko rin ang mga titig niya. Pinakiramdaman. At nang masigurado kong puwede ko siyang pagkatiwalaan, saka ko ikinuwento ang tungkol sa amin ni Brandon. Kung paano kami nagsimula. "Kung ano man ang nararamdaman ko ngayon, hindi 'yon sakit...kundi galit. Dalawang beses na niya akong pinatay."

"Hmm, sabi nga ni Alejandro David, isang papasikat pa lang na writer na kilala ko; Hangga't may luha ka pang iiiyak, umiyak ka. Umiyak ka ng malakas, nang paulit-ulit, kahit nagmumukha ka ng tanga. Basta sisiguraduhin mo lang na pagkatapos mong ilabas lahat, hindi ka na iiyak sa parehong dahilan. Bukod kasi sa nakakatanga, nakakalaki pa ng eyebags."

Tiningnan ko siya. Malaki rin naman ang eyebags niya, ah. "So, umiyak ka na rin nang paulit-ulit? Nang malakas? Ang laki rin kaya ng eyebags mo."

Lumapit siya sa akin. Halos ilang pulgada rin ang layo namin sa isa't isa. Nakangiti siya. At sa isang iglap lang, naramdaman ko na lang ang pagdampi ng palad niya sa pisngi ko. "Nagmahal din ako. Umasa. Nasaktan. Umiyak. Alam ko ang nararamdaman mo. At alam kong malalampasan mo 'yan."

Napapikit ako. Napalunok. Alam kong any moment bibigay na ako, pero ayaw kong ipakita rito ang kahinaan ko. "Bakit ba napakadali sa inyong sabihin 'yan? Ako nga, hindi ko alam kung kaya ko o kailan ko sisimulan."

"Madali lang naman kung gugustuhin at kailangan mong simulan sa sarili mo. Simulan mo na rin ngayon." Pinisil pa niya ang ilong ko kaya naman napalayo ako sa kanya ng kaunti. "Nabanggit mo kanina na dalawang beses ka niyang pinatay. Anong nangyari noong pangalawa?"

Huminga muna ako ng malalim. "Nakunan ako." Parang may biglang bumara sa lalamunan ko. Napansin ko rin ang biglang pag-iba ng ekspresyon ng mukha ng lalakeng kasama ko. "Nawala...n-nawala sa akin ang magiging anak k-ko," sabi ko sa pagitan ng mga hikbing pilit kong itinatago. "Pinaniwala niya akong magsasama kami, na papakasalan niya ako, pero..." Natigilan ako't pinunasan ang kumawalang luha sa mga mata ko. "Niloko niya kasi ako, eh. Matagal na pala niya akong niloloko. M-may iba siyang babae at nahuli ko mismo sila na magkasama sa kuwarto ng ex ko." Pinilit kong maging kalmado sa harap nito. Ayaw kong kaawaan niya ako, ayaw kong makita niya akong ganito.

Inilahad ko ang buong pangyayari sa kanya. Wala akong itinira. Nang mga oras na iyon, nakakita ako ng taong handang makinig sa lahat ng sakit na nararamdaman ko. Kahit paano, nabawasan ang bigat sa dibdib ko na naipon ng matagal na panahon.

"Nawalan ka ng minamahal, nawalan ka rin ng anak, kasabay n'on, nawala ka rin. Para kang ligaw na kaluluwa. Gaya ko, nawala rin sa akin ang buhay ko. Iniwan rin ako dahil sabi niya, wala raw akong kuwenta, walang direksiyon ang buhay ko, wala raw akong mapapala sa trabaho ko. Nawalan din ako ng mga magulang, namatayan rin ng kaibigan. Gaya mo, kinalimutan ko rin ang mundo. Pero hanggang kailan tayo magkakaganito?"

Patuloy lang ako sa pakikinig sa kanya. Ramdam ko naman na may mabigat din siyang pinagdaraanan pero nakukuha pa niyang ngumiti sa kabila ng lahat.

"Sabi nga ni Alejandro David; 'Ang problema ay tulad ng paglalaro ng baseball; ibabato sa 'yo ang bola at kailangan mong tirahin iyon. Pero hangga't hindi mo natitira, babatuhin ka nang babatuhin.'"

"Alam mo, parang gusto ko nang makilala 'yang Alejandro David na 'yan," sabi ko.

Nangiti siya at nangiti na rin ako. Sabay naming sinamantala ang tahimik na lugar na iyon. Sabay kaming sumigaw at hinayaan ang mga sarili naming makaramdam ng kalayaan—kalayaan na yakapin ang mga pagbabago at kalayaang maging masaya ulit. Naging kampante kami sa isa't isa. Alam kong hindi pa rin nawawala ang sakit na dulot nang mga nangyari noon pero hangga't hinahayaang kong lukubin ako ng lungkot, walang mangyayari.

HALOS isang linggo na rin nang manggaling ako sa Pangasinan. Mas naging positibo ako mula nang makausap ko ang lalakeng iyon. Nakakalungkot nga lang at hindi ko naitanong ang pangalan niya. Pero kahit ganoon, malaki pa rin ang pasasalamat ko at may isang taong tumulong sa akin ipaunawa ang positivity sa likod ng hindi magandang nangyari sa akin.

Dumaan ako sa isang bookstore para bumili ng mga gagamitin ko sa pagsusulat. Yes, I am a writer. At sa mga panahon na ito, handa na akong magbalik para ituloy ang naudlot kong pangarap.

Nang magawi sa fiction books ang tingin ko, nakuha ng isang libro ang atensiyon ko. May titulo iyong, HUSH: Lost Soul in Paradise by ALEJANDRO DAVID. Nakailang ulit kong binasa ang pangalan. Iyon ang pangalan na binanggit ng lalake sa akin. Kumuha ako ng isa dahil curious ako kung ano pa ang ibang nakasulat doon.

Nang magbabayad na ako, napansin kong may ilang nagkukumahog sa pagpasok sa bookstore. Ang ilan ay may mga dala nang libro na gaya ng hawak ko. Narinig ko pa ang dalawang babae na may book signing daw ang author kaya naman sinundan ko sila, sayang nga naman ang pagkakataon kung 'di ko pa papapirmahan ang librong iyon.

Hindi pa man ako nakakalapit, sinalubong na ako ng isang pamilyar na postura ng lalake. Wearing the same smile na nakita ko noon. At ako naman, natulala na lang. Coincidence ba 'to?

"Hi," halos sabay na bati namin sa isa't isa.

Pakiramdam ko, pinamulahan ako ng mukha. At hindi ito magandang senyales para sa akin.

"Hindi ko nakuha ang pangalan mo noon," sabi niya.

"Ah, o-oo. Moira nga pala," tugon ko, inilahad ko pa ang kamay ko at hindi naman ako napahiya nang makipagkamay siya sa akin. "Eh, ikaw?"

Naramdaman ko pa ang bahagyang pagpisil niya sa palad ko. "Alejandro."

"Ale...Alejandro?" takang-tanong ko.

Tumango siya. Hindi pa rin nawawala ang ngiting nakaguhit sa kanyang mga labi. "Alejandro David."



Continue Reading

You'll Also Like

20.1K 83 6
Dalawang lalaki ang makikipag agawan sa dalagang kanilang inalagaan. Si Arthur, ay ang Ama ni Celia. Minahal at inaruga niya ang dalaga hanggang sa t...
7.5K 226 43
University Series #01: Charlotte Grace Reyes & Flair Keyne Ross "She's the girl who own my lips." ©shaitamad Allrightreserved2K21
338K 8.2K 16
She is a well-known actress. She knows how to act, and to fake her emotions, even her civil status. Who would have thought that she is already marrie...
26.2K 2.6K 81
What if bigla mong maisakay ang ex mo bilang customer sa isang ride-hailing service? 02/19/2024 - 03/16/2024