Mga Alaala sa Paris [at iba p...

Autorstwa miko__akihiro

871 46 14

Mga maikling kuwento ni Mark Aldeme D. Siladan [tunay kong pangalan] na nailathala sa Liwayway, ang nangungun... Więcej

Paunang Salita
Mga Alaala sa Paris
Agawin Mo Ako sa Diyos
Ang Sining ng Pagpapalaya
Isang Araw sa Sementeryo
Ang Diary sa Lilim ng Cherry Tree
Mga Sulat Mula sa Isang Anghel
Isang Perpektong Pasko
Ang Liham ng Pamamaalam
Ikalabing-apat ng Pebrero
Ang Lasa ng Tinola

Arianne

42 4 0
Autorstwa miko__akihiro

UMUWI AKO sa aming probinsiya upang dumalo sa kaarawan ni Mama. Bukas pa naman ang birthday niya kaya naisip kong tumungo muna sa mga kaibigan at kaklase ko noong elementary at high school upang mangumusta at makipagkuwentuhan sa kanila. Pagkatapos, kinahapunan ay mag-isa akong pumunta sa plaza sa aming bayan. Bigla kasi ay parang gusto kong mapag-isa at doon ko naisipang pumunta. Doon kasi ako madalas pumupunta noon kapag gusto kong mapag-isa at makapag-isip. Tinatawag ko iyon na "open hideout."

Umupo ako sa isang bakanteng bench habang iginagala ang aking mga mata sa paligid. Pasado alas tres pa lamang ng hapon pero hindi na masakit ang sikat ng araw. Sa bandang hindi-kalayuan kasi ay may maitim na bahagi ng ulap. Mukhang uulan.

Naagaw ng pansin ko ang isang mamang nagtitinda ng cotton candy ay napangiti ako. Naalala ko si Arianne. Pareho kasi naming paborito ang matamis na pagkaing iyon. Biglang pumasok sa aking imahinasyon ang eksena noon na bumibili kaming dalawa ng cotton candy.

Sabi ni Arianne, ang pag-ibig daw ay kasing-tamis ng cotton candy. Ang kailangan mo lang daw gawin ay namnamin ang sarap kahit na minsan ay nasasaktan ka na. Dahil sa kabila raw ng lahat, may tamis at sarap sa gitna ng pait at hirap.

Napangiti ako, saka tumayo at bumili ng cotton candy.

Habang naglalakad ako pabalik sa bench ay biglang umambon. Tumigil ako sa paglalakad at tumingala sa kalangitan. Maitim na ang mga ulap. Kaunti na lang ang liwanag. At ilang sandali pa ay umulan na. Dali-dali kong kinuha ang three-fold umbrella sa bag ko at binuklat iyon. Kasabay ng pag-angat ko ng payong upang maging panangga iyon sa ulan ay biglang parang si Arianne ang nagpayong sa akin. Tila umurong ang panahon at bumalik ako sa nakaraan.


"KANINA ka pa hinahanap ni Tito Fritz," sabi ni Arianne habang sabay kaming naglalakad pauwi. Nakasukob kami sa isang payong. Hawak niya iyon kanina pero inagaw ko sa kanya at ako na ang humawak. Medyo nagulat pa ako nang biglang may pumayong sa akin pero nang makita ko na siya pala ay kaagad ding pumanatag ang loob ko.

Galing ako sa eskuwelahan at dumaan muna sa plaza bago umuwi. Pero biglang umulan at wala akong dalang payong. Ginabi ako sa plaza at hindi pa rin tumitigil ang ulan. Magpapabasa na sana ako sa ulan pero dumating siya.

"Talaga? Himala naman at hinahanap niya ako," sabi ko sa kanya.

Hindi na siya nagsalita. Gusto kong sabihin sa kanya na magsalita siya, kung ano ang masasabi niya sa sinabi ko pero hindi ko na ginawa. Bakit pa ba ako maninibago sa kanya? Mula naman noong una ko siyang makita, hindi na talaga siya palasalita. Ayaw lang niya akong kausapin marahil. Hindi lang siguro niya ako trip kausapin.

Mula noong lumipat ako sa probinsiya noong high school hanggang ngayong college ay talagang napakatahimik ni Arianne. Siya ang tipong "isang tanong, isang sagot." Madalas sa minsan, ayaw talagang sumagot. Iiling lang siya kapag "ayaw" o "hindi" at tatango naman kung "oo." Minsan lang siyang ngumiti pero hindi naman laging nakakunot ang noo o nagsasalubong ang mga kilay. Iyong parang wala lang siyang emosyon, walang facial expression, kaya ang hirap niyang basahin. Pero makikita ang lungkot sa mga mata niya.

Hindi ko rin kinausap si Arianne kahit na gusto ko siyang kausapin. Pinakiramdaman ko na lang siya. Pero nakarating na kami sa bahay ay hindi siya nagsalita.

"Thank you, ha?" pagpapasalamat ko sa kanya.

"Gino..." tawag niya.

Tumingin lang ako sa kanya.

"Concerned sa 'yo ang Papa mo kaya kanina ka pa niya hinahanap," sabi niya na ngayon lang nagkomento tungkol sa huling sinabi ko kanina.

Magsasalita na sana ako ng hindi pagsang-ayon sa sinabi niya nang nilapitan kami nina Mama at Papa. Tinanong ako ni Papa kung bakit ako ginabi. Wala sa loob na sinabi ko ang dahilan. Isa pa, sinabi ko rin na malapit lang naman ang university at puwedeng lakarin. Naintindihan naman ako ni Papa, pati ni Mama. Sabi ni Papa, ipinasundo raw niya ako kay Arianne dahil nag-alala sila ni Mama.

Pagkatapos kasi ng klase ay pumupunta si Arianne sa bahay upang magpaturo ng piano kay Papa. Dating music teacher si Papa sa isang unibersidad sa Maynila noon pero iniwan niya ang trabaho niya para sa babaeng ipinalit niya kay Mama. Inuwi ni Papa ang babae sa bahay sa probinsiya. Sa kasamaang palad, nabangga siya ng sasakyan at nalumpo. Gumagamit siya ng saklay upang kahit papaano'y makapaglakad.

Galit ako kay Papa. Kung ako lang ang masusunod ay hindi ako uuwi sa probinsiya. Pinagbigyan ko lang si Mama. Gusto ni Papa na makipagbalikan kay Mama pagkatapos itong iwanan ng babae nito kasama ang anak ng mga ito upang sumama sa iba namang lalaki. Pumayag naman si Mama na makipagbalikan.

Pero para sa akin, hindi ganoon kadali ang lahat. Masakit sa akin noon na mas pinili ni Papa ang babae niya at ang bunga ng kanyang pagtataksil. Kami pa ni Mama ang nagmakaawa noon na huwag siyang umalis pero hindi niya kami pinakinggan. Hindi ko alam kay Mama kung bakit napakadali niyang pinatawad at muling tinanggap si Papa. Siguro dahil mahal na mahal ni Mama si Papa sa kabila ng lahat at kailanman ay hindi nagbago ang pag-ibig na iyon. Pero ako, hindi ko pa rin makalimutan ang ginawa ni Papa noon. Iniwan niya kami, pinabayaan, inabandona. Sinira niya ang pangako niya kay Mama, sinira niya ang pangako niya sa akin, sinira niya ang aming pamilya. At ngayon, sa ikalawang pagkakataon, nais niyang tupdin ang mga nasira niyang pangako at buuin ang winasak niyang pamilya. Ngunit hangga't hindi ko siya pinapatawad ay hindi mangyayari ang kanyang nais. Pero sa kabila ng lahat, dapat pa ring ngumiti, dapat pa ring maging masaya.

Niyaya ni Papa si Arianne na doon na maghapunan sa amin pero tumanggi siya. Umuwi raw ang mama niya at wala itong kasamang kumain. Kasambahay ang mama niya sa isang mayamang pamilya na nakatira sa kabisera ng probinsiya. Pagkatapos ay nagpaalam na siyang umuwi. Nagpasalamat si Papa sa kanya sa pagsundo at paghatid niya sa akin. Kumuha ako ng payong at hinatid ko siya hanggang sa tarangkahan ng aming bahay.

"Ingat ka, Arianne," sabi ko sa kanya.

Tumango lang siya at humakbang palayo. Nakailang hakbang pa lang siya nang huminto siya. Lumingon siya sa akin at nagulat ako dahil hindi sa hindi ko inasahang ginawa niya. Ngumiti siya. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakita ko siyang ngumiti. Kapagkuwan ay nagpatuloy siyang lumakad pauwi. Ako naman ay naiwang gulat pa rin. O mas tamang sabihin na namangha. Kung noon ko pa pala nakita ang ngiti niya, sana noon ko pa nalaman na ang ngiti niya ay kasing-tamis ng cotton candy.

Bumalik ako sa kasalukuyan nang marinig kong nag-ring ang cell phone ko. Tumawag ang kaibigan kong si Andrew at kinumusta ako. Tinanong niya kung kailan ako babalik. Sabi ko, bukas ng hapon. Mabuti na lang at Linggo ang birthday ni Mama, walang pasok sa trabaho. At wala ring pasok ngayong umuwi ako dahil araw naman ng Sabado.

Hindi pa rin tumila ang ulan. Tumingala ako sa langit at inangat ko ang isa kong kamay upang damhin iyon.


"GUSTO MO, turuan kita?"

Hindi ko naituloy ang pagtapon ng bato sa ilog. Nilingon ko ang nagsalita mula sa aking likuran. "Arianne, ikaw pala," sabi ko. Hindi na naman siya nakangiti pero nang sumagi sa isip ko ang pagngiti niya noong isang araw ay parang nakangiti na rin siya sa paningin ko. "Bakit ka nandito?" tanong ko.

"Sabi kasi ni Tito Fritz, nandito ka."

"Bakit, pinapasundo na naman ba niya ako sa 'yo?"

"Hindi," kaagad niyang sagot. "Gusto ko kasing... makita ka," kaagad din niyang dugtong.

Lihim akong natuwa sa sinabi niya. Parang kiniliti ang puso ko. Iyon ba ang tinatawag nilang kilig? "Oo," sabi ko.

"A-anong... anong "oo"?" kunot-noong tanong niya.

"Hindi ba tinatanong mo ako kung gusto kong turuan mo ako? "Oo" ang sagot ko."

"Akala ko kung ano na," nakangiting sabi niya.

"Sana palagi kang ganyan," sabi ko.

"Palaging ano?" tanong niya.

"Palaging nakangiti. Sabi kasi nila, dapat daw palagi tayong ngumingiti kasi hindi natin alam kung sino ang nai-in love sa ngiti natin. Sige na, turuan mo na akong mag-skipping stone."

Pumulot siya ng bato bago nagsalita. "Noong nagbakasyon kami sa probinsiya ng Mama ko noong bata pa ako, may nakita akong mga kaedad ko na naglalaro ng skipping stone sa ilog. Nagkokompetensiya sila. Paramihan ng talon ng bato. Naglakas-loob akong sumali kahit hindi pa ako nakasubok n'on ni minsan." Tumigil siya sa pagkukuwento.

"'Tapos, ano'ng nangyari?" nasasabik na tanong ko.

"Looser ako. Ni isang talon ng bato, wala," natatawang sabi niya.

"Ang yabang mo naman kasi siguro," komento ko.

"Hindi, 'no. Malakas lang siguro ang loob ko," pagtatanggol niya sa sarili. "Mabuti na lang, tinuruan ako ni Papa." Halatang nalungkot siya pagkabanggit niya sa salitang "Papa." Siguradong naalala niya ang papa niya. Kinuwento sa akin ni Mama na naikuwento rito ni Papa na namayapa na ang ama ni Arianne dahil sa sakit. Grade five pa lamang siya noon. Mayaman ang pamilya ng ama ni Arianne pero itinakwil ito dahil nagmahal ito ng isang mahirap. Hanggang sa namatay ito ay hindi ito pinuntahan o tinulungan ng pamilya nito. Tila nagkatotoo rin ang sumpa ng mga ito na maghihirap ang pamilya nila. Namasukan bilang kasambahay ang mama ni Arianne upang maitaguyod siya. Isang beses sa isang linggo ito kung umuwi kaya mag-isa lang siya sa bahay nila.

Sa kabila ng lungkot sa kanyang mga mata ay nagpatuloy si Arianne. "Tinuro sa akin ni Papa ang technique." Pumuwesto siya sa tabi ko. "Sabi ni Papa, sa skipping stone daw, kailangang dahan-dahang iduyan muna ang bato bago ito itapon sa tamang anggulo. Kailangan daw na medyo malakas pero dapat dahan-dahan lang ang paraan ng pagtapon." Nang bitawan niya ang bato ay tumalon iyon ng tatlong beses sa ilog.

Namangha ako sa kanya. Nang sinabi niyang ako naman, sinubukan kong patalunin ang batong hawak ko na itatapon ko sana kanina nang dumating siya. Nalungkot ako nang hindi ko iyon napatalon. Pumulot uli ako ng isa pang bato at sumubok uli pero hindi ko na naman nagawa. "Ayoko na," pagsuko ko.

"Subok lang nang subok," sabi niya. "Gusto mo, i-guide kita?" Pumulot siya ng bato at pumuwesto sa likod ko. Kinuha niya ang kamay ko at pinahawak sa akin ang bato. Hinawakan niya ang kamay kong may hawak na bato.

"Huwag na. Saka na lang uli," tanggi ko, saka umupo sa tabing-ilog.

Umupo siya sa tabi ko. "Alam mo ba na ang pag-ibig ay parang skipping stone? Masaya. At minsan, sa sobrang saya, napapatalon ka."

"Alam mo ba na ito ang pinakamahabang usapan natin?" sabi ko. "Sana hindi pa ito ang huli. At isa pa, sana palagi kang ngumiti."


HINDI KO inakala na magiging close kami ni Arianne. Mula nang lumipat ako sa probinsiya noong high school ay hindi kami masyadong nag-uusap dahil napakatahimik niya. Pero noong third year college kami, nag-umpisa kaming maging malapit sa isa't isa.

Mabait si Arianne. Paborito niya ang cotton candy na paborito ko rin. Magaling siya sa skipping stone. Mahusay siyang magsulat ng love poems. Naalala ko, Valentine's Day noon, sumali siya sa love poem writing contest. Simple lang ang sinulat niyang tula at hindi niya inasahan na mananalo. Sabi ko sa kanya noon na siguro kaya nanalo ang tulang iyon dahil sinulat niya iyon nang mula sa puso.


Araw-araw sa tuwing kita'y nakikita

Mundo ko'y biglang humihinto

Puno ng galak ang aking mga mata

Habang tinitingnan kita


Ang isip ko ay sumasayaw

Sumasabay sa indak ng pagmamahal

Ang puso ko ay kumakanta

Umaawit ng isang himig ng pag-ibig


Ang puso ko kung iyong bubuksan

Wala kang ibang makikita

Kundi ang napakaganda mong larawan

Na araw-araw ay aking hinahagkan


Kapag ikaw ay minamasdan ko pa lang

Tunay na ligaya na ang nararamdaman

Ang aking puso at isip

Maligaya at puno ng pag-ibig


Ang tulang iyon na pinamagatang "Maligayang Puso" ay kasama sa mga tulang nakasulat sa notebook na ibinigay sa akin ni Arianne noong graduation. Sabi pa niya noon, ang pag-ibig daw ay parang love poem. Hindi na kailangang ipaliwanag dahil nandoon na mismo ang eksplinasyon.

At sinabi rin niya na ako raw ang inspirasyon niya sa pagsulat ng tulang iyon.

Mula nang nagkakausap kami palagi ni Arianne ay palagi rin akong nagugulat sa mga sinasabi niya.


KINABUKASAN ay ipinagdiwang ang ika-limampu't walong kaarawan ni Mama. Dumalo ang mga kaibigan niya, pati ang mga kaibigan ni Papa, at mga kapitbahay. Nandoon din ang mama ni Arianne na naging matalik na kaibigan na rin ng aking mga magulang. Parang may fiesta sa amin.

Kinahapunan ay bumalik na ako sa Maynila. Bukas ay balik-trabaho na naman. Habang sakay ng bus ay naalala ko na naman si Arianne. Gustong-gusto niyang tumugtog ng piano. Sabi niya, ang pag-ibig daw ay parang musika ng piano. Bawat nota sa piyesa nito ay kumukonekta sa puso.

Naikuwento niya sa akin na sabi ng papa niya na namana raw niya ang pagtugtog sa lolo niya na ama nito. Naging piyanista raw noon ang lolo niya sa isang sikat na hotel sa Maynila at sa abroad. Gusto raw noon ng lolo niya na tumugtog din ang papa niya kaso walang hilig ang kanyang ama sa alinmang instrumentong pangmusika.

Si Papa ang nagturo ng piano kay Arianne. Napadaan daw siya noon sa bahay at narinig daw niyang tumutugtog si Papa at nakita siya ni Papa na nakatayo sa labas ng bahay. Nilapitan siya ni Papa at kinausap. Sinabi niya na gusto niyang matutong mag-piano dahil interesado siya. Tinuruan siya ni Papa. Halos araw-araw siyang pumupunta sa bahay upang magpaturo. Sabi ni Papa, madali lang siyang turuan. Siguro dahil nasa dugo na niya ang pagpi-piano.

Itinuring ni Arianne na ama si Papa. Ikinuwento niya sa akin kung gaano kabait si Papa. Noong iniwan daw ito ng babae nito, sinabi nito sa kanya na makikipagbalikan ito kay Mama at magbabago na ito.

Tinupad nga ni Papa ang pangako niya. Sa huli ay pinatawad ko rin siya. Ang gang-gaang ng loob ko nang ginawa ko iyon. Parang nabunot ang napakalaking tinik sa puso ko. Nagpasalamat ako kay Arianne dahil lagi niyang pinapaalala sa akin kung gaano kasarap sa pakiramdam ang magpatawad. Ang sabi niya, bigyan ko raw ng chance si Papa dahil tiyak na nagsisisi na ito sa kasalanan nito sa amin. Dahil kahit pagbali-baliktarin man ang mundo, siya pa rin ang Papa ko at hindi na magbabago ang katotohanan na iyon. At kung wala si Papa, hindi ko makikita kung gaano kaganda ang paligid, kung gaano kaganda ang mundo.

Tama si Arianne. Sobrang tama siya. Sobrang saya ko dahil pinagtagpo kami at nakilala ko siya. Pero wala na siya. Nag-crash ang eroplanong sinasakyan niya patungong London, kasama ang lolo at lola niya.

Isang araw ay pinuntahan siya ng mga ito sa bahay nila upang makipag-ayos. Isinama siya ng mga ito upang magbakasyon sa mga tito at tita niya sa London. At nangyari ang aksidenteng pinipilit kong inaalis sa alaala ko. Ang gusto ko lang maalala ay iyong mga sandaling magkasama kami. Dahil para sa akin, siya ay buhay pa. Mananatili siyang buhay dito sa puso ko.

Alam kong masaya siya ngayon. Dahil bago siya nawala ay naging maayos ang lahat. Pero nakalulungkot. Dahil hindi ko nasabi sa kanya na mahal ko rin siya. Marahil ay naramdaman niya rin iyon pero hindi ko pa rin nasabi. Sasabihin ko na sana iyon pagbalik niya mula sa London pero hindi na mangyayari iyon.

Kung tatanungin ako kung ano ang mayroon ako pero wala sa akin, ang isasagot ko: May mahal ako pero wala siya sa akin. At kailanman ay hindi siya mapapasaakin. Dahil kailanman ay hindi na siya babalik.

Hindi ko makalilimutan si Arianne hangga't mayroon pang nagtitinda ng cotton candy, hangga't may mga batang naglalaro ng skipping stone, hangga't nababasa ko pa ang sinulat niyang mga tula ng pag-ibig, hangga't naririnig ko pa ang mga paborito niyang musika ng piano. Lahat ng iyon ay inihalintulad niya sa pag-ibig.

Wala na si Arianne. Ngunit nang ipikit ko ang aking mga mata, nakita ko siya. Nasa harap siya ng piano, pinapanood ko siya habang tinutugtog niya ang piyesa na paborito naming dalawa.



[Published: November 16, 2015]

Original Title: Cotton Candy, Skipping Stone, Tula ng Pag-ibig, at Musika ng Piano

Liwayway (Magazine) changed the title to Arianne





Czytaj Dalej

To Też Polubisz

131K 5.5K 49
A fire incident at his(Kim Jae-soo) husband's home while he (Baek Ji-Hu )was away made Kim Jae-soo return to his third year of university (he was reb...
24.1K 1.5K 44
စာမေးပွဲဖြေတုန်းကအခန်းစောင့်တဲ့ဆရာမကလည်း ကိုယ့်အချစ်ဆုံးလူသားဖြစ်လာနိုင်ပါတယ် တီချယ်ကိုလေသမီးအရမ်းချစ်တာ ...
33.1K 4.3K 28
sᴏ ʜᴇʀᴇ ɪ ᴄᴏᴍᴇ ᴡɪᴛʜ sᴇᴀsᴏɴ 𝟸 ᴏғ ᴛʜᴇ ᴍᴏsᴛ ᴅᴇᴍᴀɴᴅᴇᴅ ɪᴛᴠ sᴇʀɪᴀʟ ᴍᴀᴅᴅᴀᴍ sɪʀ❤️..ʜᴇʀᴇ ʏᴏᴜ ɢᴜʏs ɢᴏᴛ ᴡɪᴛɴᴇss ᴏғ ᴛʜᴇ ɴᴇᴡ ᴊᴏᴜʀɴᴇʏ ᴏғ ᴍᴘᴛ ᴍᴇᴍʙᴇʀs ᴀғᴛᴇʀ ᴛʜᴇ ʙᴏ...
27.8K 1.4K 8
မိထွေးရဲ့သားကို ချစ်မိသွားပြီ BL Fiction shorts stories လေးပါ။