Ang Sining ng Pagpapalaya [PU...

By miko__akihiro

631 33 14

Ang Sining ng Pagpapalaya Koleksiyon ng mga maikling kuwento Unang nailathala sa Liwayway, ang nangungunang l... More

Mga Alaala sa Paris
Ang Sining ng Pagpapalaya
Isang Araw sa Sementeryo
Ang Diary sa Lilim ng Cherry Tree
Mga Sulat Mula sa Isang Anghel
Isang Perpektong Pasko
Ang Liham ng Pamamaalam
Bumili ng Kopya!

Agawin Mo Ako sa Diyos

81 5 2
By miko__akihiro

NAGISING AKO nang umagang iyon dahil sa ingay na narinig ko mula sa kapitbahay. Kaagad kong naisip si Angela. Ngayon nga pala ang dating niya galing Maynila. Makikita ko na siya uli. Ilang taon din kasi siyang nag-aral at nagtrabaho sa siyudad at hindi man lang umuwi upang magbakasyon kahit isang beses. Ngayon lang.

Dali-dali akong bumangon at sumilip sa bintana ng aking kuwarto. Ngumiti ako nang makita si Angela na masayang nakangiti sa mga magulang niyang sumalubong sa kanya sa labas ng kanilang bahay. Ipinasok naman ng nakatatandang kapatid niya ang mga dala niya sa loob ng bahay mula sa tricycle na nakaparada sa tapat nila. Isang tricycle driver ang kuya niya sa aming lugar. Nasa tapat lang ng bahay namin ang bahay nila at nasa tapat ng kalsada ang kwarto ko kaya kitang-kita ko sila.

Hindi nagbago ang itsura ni Angela. Maganda pa rin siya tulad noon. Mas lalo pa nga siyang gumanda ngayon. Gusto kong tawagin siya pero pinigilan ko ang aking sarili. Naisip ko na bumaba na lang. Excited na akong kumustahin siya, yakapin, at sabihing miss na miss ko na siya. Pero naisip ko, hindi pala ganoon kadali. Nalungkot ako bigla. Nalungkot ako sa ideya na hindi ko siya puwedeng bigla na lang yakapin at kausapin.

Saglit kong nakalimutan na galit pala sa akin si Angela. Pero marahil ngayon ay hindi na. Nakalimutan na niya siguro ang galit niya sa akin. Nakalimutan na niya siguro ang nangyari noon. Sana.

Totoo nga ang balitang ikakasal na siya. Umuwi siya sa aming probinsiya kasama ang lalaking pakakasalan niya. Ako naman ay malapit nang ordinahan.

Ang pagpapari ko ang isa sa mga dahilan kung bakit tumungo si Angela sa Maynila upang magtrabaho. Para lumayo sa akin. Para kalimutan ako.

Inamin niya sa akin noong high school na mahal niya ako nang higit pa sa isang kaibigan pero sinabi ko na hindi ko siya puwedeng mahalin nang higit pa roon dahil bukod sa pagmamahal-kaibigan lang ang kaya kong isukli sa kanya, papasok ako sa semenaryo. Ako ay magpapari. Alam niya iyon. Hindi lang daw niya napigilan ang sinasabi ng puso niya. Sinabi niyang tanggap niya ang sinabi ko subalit hindi na niya ako pinansin nang mga sumunod na araw. Iniwasan na niya ako. Hanggang sa tumungo siya sa Maynila ay hindi kami nag-usap.

Alam kong nasaktan siya nang labis kaya natural lang na magalit siya sa akin. Naiintindihan ko siya. Sana, naintindihan na niya ako. At sana, maibalik muli ang dati-ang dating masaya naming pagkakaibigan.


BATA PA LANG ako noon, naririnig ko nang ikinukuwento nina Tatay at Nanay sa mga kaibigan nila na magpapari ako balang araw. Isang bagay na ayaw ko. Ayaw ko ng gusto ng mga magulang ko para sa akin. Ayaw kong maging pari. Sinabi ko iyon sa kanila pero ipinipilit nila sa akin na magiging pari ako. Iyon ang gusto nila para sa akin.

Hinayaan ko na lang dahil bata pa naman ako noon. Matagal pa ako matatapos sa high school. Pero kapag nai-imagine ko noon na magtatapos na ako sa high school ay kinakabahan ako. Ayaw kong pumasok sa semenaryo. Dahil ang totoo, ayaw kong maging pari.

Lumaki ako sa isang relihiyosong pamilya. Nagsisilbi sa simbahan ang mga magulang ko, pati na ang aking mga kapatid. Pawang mga lector sina Tatay at Nanay samantalang ang dalawang nakatatandang mga kapatid ko na puro babae ay miyembro ng choir. Ako naman na bunso ay isang sakristan.

Ayaw ko sanang maging sakristan noon pero pinilit ako ng buo kong pamilya. Hindi ko rin sana sila susundin kung hindi ako kinausap ni Uncle Pete. "Pedro" ang tawag sa kanya ng karamihan dahil iyon ang tunay niyang pangalan pero "Pete" ang tawag ko sa kanya. Minsan naman ay tinatawag ko rin siyang "Pads" na pinaiksing Father.

Isang pari si Uncle Pete. Kapatid siya ni Tatay. Siya ang ka-close ko sa mga tiyuhin ko. Kinausap ako ng masinsinan ni Uncle Pete na kulang ng sakristan sa simbahan kaya pumayag na lang ako. Iyon din naman ang sinabi sa akin nina Tatay at Nanay pero ewan ko ba, hindi ko sila magawang sundin.

Hindi ko ka-close ang mga magulang ko, maging ang mga kapatid ko. Pakiramdam ko kasi, iba ang trato nila sa akin. Siguro dahil hindi lahat ng gusto nila ay sinusunod ko. Kapag sinusunod ko naman sila ay marami pa akong sinasabi na kung ano-ano. Marami akong dahilan, marami akong kondisyon. Pero pagdating kay Uncle Pete, hindi ko naman naiisip na magsabi ng kung ano-ano, magdahilan, o magbigay ng kondisyon. Sa hindi ko malamang dahilan, napakagaan ng loob ko kay Uncle Pete. Ngunit pagdating sa usaping pagpapari ko, walang makapipilit sa akin. Pero ewan ko lang kung si Uncle Pete ang kumausap sa akin tungkol doon. Hindi naman kasi namin iyon pinag-uusapan.


HINDI MAGANDA ang ugali ko. Sinusuway ko ang mga magulang ko, hindi ko ginagalang ang mga kapatid ko. Barumbado ako noong high school. Ilang beses nang pinatawag ang mga magulang ko upang humarap sa mga kaso ko sa eskuwelahan.

Alam ng mga kaklase ko noon na magpapari ako balang araw pero dahil ayaw na ayaw ko pa noon ang magpari, naaasar ako kapag tinatawag nila akong "Father Matt." Napipikon ako kapag sinasabi nilang "Mano po, Father." O kaya, "Father, puwedeng mangumpisal?" Napapaaway ako dahil hindi ko gusto ang mga iyon. Kaya naman, ginawa ko ang lahat para mawalan ng gana sina Tatay at Nanay sa pangarap nila para sa akin.

Nakikipag-away ako, laging sumasama sa barkada, naninigarilyo, umiinom. Pero nang malaman iyon ni Uncle Pete, kinausap niya ako at unti-unti ay tumigil ako. Sa tulong na rin ni Angela ay tuluyan na akong tumigil sa mga bisyong iyon.

Sinubukan ko ring magka-girlfriend noon. Niligawan ko si Helga, ang magandang third year na taga-kabilang section. Binasted niya ako dahil magpapari naman daw ako. Kahit sinabi kong ayaw ko namang magpari ay tinanggihan pa rin niya ang pag-ibig ko.

Nang niligawan ko naman ang magandang kaklase ko na si Pauline ay kaagad niya akong sinagot. Matagal na raw kasi siyang may crush sa akin kaya hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa na sagutin ako. Patago ang aming relasyon dahil ayaw niyang malaman ng mga magulang niya ang tungkol sa amin. Napakaistrikto raw ng mga magulang niya. Pumayag din ako na itago ang aming relasyon dahil kapag nalaman din ng mga magulang ko, baka kaagad din kaming paghiwalayin. Kung matutuloy man ako sa pagpapari, gusto ko namang maranasang magkanobya. Ang sarap pala sa pakiramdam. Ang saya.

Naisip ko noon na galawin si Pauline para kapag may anak na kami ay hindi na matutuloy ang pagpapari ko. Pero hindi pumayag si Pauline na may mangyari sa amin. Papatayin daw siya ng Papa niya kapag nagdalang-tao siya. Ayaw nga ng mga magulang niya na magkanobyo siya, ang mabuntis pa kaya? Naisip ko rin naman na mali dahil mga bata pa kami at napakalaking responsibilidad kung sakali. Hindi pa ako handa. Baka hindi ko kayanin. Desperado lang siguro talaga ako noon na huwag matuloy ang pagpapari ko kaya ko naisip ang bagay na iyon.

Hindi nagtagal ang relasyon namin ni Pauline. Naghiwalay kami noong fourth year high school dahil maraming mga bagay na hindi namin mapagkasunduan.

Nagkasakit naman noon si Uncle Pete. At hindi lang basta sakit iyon. Malalang sakit. Pancreatic cancer. Isang terminal disease. Puwede pa naman sanang gumaling iyon pero tumigil sa pag-inom ng gamot si Uncle Pete. Ang sabi niya, iyon na marahil ang parusa sa kanya ng Diyos sa kasalanan niya.

Nasa tabi niya ako noong mga huling sandali ng buhay niya. At sa kauna-unahang pagkakataon, tinawag niya akong "anak." Hindi niya ako tinawag nang ganoon kahit pa na pari siya. "Pamangkin" o hindi kaya ay "Teo"-mula sa pangalan kong "Matteo"-ang tawag niya sa akin kaya naman ay labis ang pagtataka ko. Doon na sinabi ni Tatay na si Uncle Pete, ang nakababata niyang kapatid na isang pari ay ang tunay kong ama.

Kaya pala. Kaya pala, ang gaan-gaan ng loob ko kay Uncle Pete. Hindi dahil sa tiyuhin ko siya, kundi dahil siya pala ang tunay kong ama. Tumutulo ang mga luhang niyakap ko siya nang mahigpit at tinawag ko siyang "Tatay." Naramdaman ko ang mahigpit din niyang pagyakap sa akin. Pagkalipas ng ilang segundo, binawian siya ng buhay na nakahilig ang ulo sa aking balikat.


AYON SA KUWENTO ni Tatay, malapit nang ordinahan noon si Uncle Pete nang muli silang nagkita ng babaeng minahal nito noon. May nangyari sa kanila at nagbunga iyon. Pero sila lang ang nakakaalam-si Tatay, si Nanay, si Uncle Pete, at ang babaeng minahal niya noon na siya namang tunay kong ina. Wala silang ibang pinagsabihan noon.

Ayaw nilang malaman ng kahit na sino maliban sa kanila, lalong-lalo na sa kanilang mga magulang dahil sigurado raw na guguho ang mundo kapag nalaman ng mga ito. Gustong-gusto ng mga ito na maging pari si Uncle Pete at ayaw nina Tatay na mabigo ang kanilang mga magulang. Nalaman din kasi ni Uncle Pete noon na nag-asawa na ang babaeng mahal niya. Kung hindi rin lang daw ito ang makakatuluyan niya, magpapari na lamang siya. Kaya itinuloy na niya ang pagpapari nang walang alinlangan. Pero muling bumalik ang babaeng mahal nito, naghiwalay na raw sila ng asawa nito at mahal pa rin daw nito si Uncle Pete. Muling nagtagpo ang kanilang mga landas at nangyari nga ang hindi dapat.

Lumayo sina Tatay at Nanay sa aming lugar. Idinahilan nila na may trabaho silang naghihintay sa Maynila dahil sa tulong ng mga kaibigan nila na nandoon. Ang totoong dahilan ay gusto nilang sundan ang tunay kong ina na namatay noong ako'y isinilang. Pag-uwi nina Tatay at Nanay sa probinsiya, kasama na ako na wala pang muwang noon. At ang mga kasunod na kuwento ay parte na ng nakaraan.

Hanggang ngayon, kahit alam kong siya ang tunay kong ama, "Uncle Pete" pa rin ang tawag ko sa kanya. Mananatili pa rin siyang Uncle Pete sa buhay ko. Si Uncle Pete na nakagaanan ko na ng loob mula noong nagkaroon ako ng muwang sa mundo, si Uncle Pete na ka-close kong tiyuhin, si Uncle Pete na idol ko, si Uncle Pete na aking tagapayo, si Uncle Pete na kaibigan ko, at si Uncle Pete na itinuring ko nang tunay na ama bago ko pa nalaman na siya ang totoo kong tatay.

Binibisita ko ang puntod ng tunay kong ina. Sa kabilang bayan ito nakatira kaya doon ito nakalibing. Inuwi ang bangkay nito mula sa Maynila kung saan ito namatay noong ipinanganak ako.

Nang mawala si Uncle Pete, bumalik sa alaala ko ang mga hindi mabubuting bagay na ginawa ko noon. At mas na-realize ko na hindi ko dapat sinusuway ang mga kinilala kong mga magulang, na dapat nirerespeto ko ang kinalakhan kong mga kapatid. Dahil kinupkop nila ako at inalagaan. Hindi pala nila ako itinuring na iba. Ako lang ang nagsabi sa sarili ko na iba ang trato nila sa akin. Naisip ko lang na iba ang trato nila sa akin dahil sa gusto nila akong maging pari, bagay na ayaw ko naman. Pero sa kabila niyon, mahal nila ako at gusto nilang maging maayos ang buhay ko. At dahil wala na si Uncle Pete, gusto kong ipagpatuloy ang sinimulan niya. Kaya nagdesisyon akong maging pari. Tulad niya. Tulad ng aking tunay na ama.

Buo na ang aking pasya na maging pari. Apat na buwan na lang at oordinahan na ako.


KINABUKASAN, pagkagaling sa simbahan, tutungo sana ako kina Angela nang makasalubong ko sa daan ang lalaking pakakasalan niya.

Nagpakilala sa akin si Jonas. Hindi ko na raw kailangang magpakilala dahil kilala na raw niya ako. Naisip ko na marahil ay naikuwento ako ni Angela sa kanya.

"Ikakasal na kami ni Angela," pahayag niya.

"Alam ko," sabi ko naman.

"Pero ikaw ang mahal niya."

Ngumiti lang ako sa sinabing iyon ni Jonas. "Hindi ko siya mahal." Ngunit nasaktan ang puso ko sa sinabi ko. Na kaagad kong binalewala. "Mahal ko si Angela, oo. Pero bilang isang kaibigan."

"Kung tututol ka sa kasal namin, maiintindihan ko. Tatanggapin ko dahil mahal ko si Angela. Palalayain ko siya dahil gusto kong maging masaya siya," seryosong sabi ni Jonas.

"Hindi ko gagawin iyon, hindi ako tututol sa inyong kasal. Pangako ko iyon."


DUMATING ang araw na naging ganap na akong pari. Nalagpasan ko ang mga pagsubok, ang mga tukso. Pero bakit malungkot ako? Bakit hindi ako masaya? Biglang pumasok sa isip ko si Angela. Napangiti ako. Bakit kapag naiisip ko siya ay nagiging masaya ako? Siguro dahil hindi na siya galit sa akin at magkaibigan na uli kami.

Bumalik na uli ang mabuting pagkakaibigan namin ni Angela. Hindi naman daw siya nagalit noon. Hindi lang niya natanggap noon ang naging desisyon ko. Nahiya pa nga raw siya sa akin. Siya raw ang sumira ng pagkakaibigan namin. Sinabihan ko siya na huwag niyang sisihin ang sarili niya. May kasalanan din ako.

Ngunit hindi ko puwedeng lokohin ang sarili ko. Mahal ko si Angela.

Ayaw kong isipin ang katotohanang iyon. Pari ako. Hindi ko dapat nararamdaman ito. Inilaan ko na ang sarili ko para sa Diyos at hindi para sa ibang tao.

Pero bakit ganoon? Bakit kung kailan huli na ang lahat saka ko nabatid na mahal ko si Angela? Bakit hindi ko kaagad na-realize iyon noon? Marahil alam ko na noon pa pero binalewala ko lang. Hindi ko lang pinansin dahil mas nangibabaw sa akin ang naisip kong magandang gawin para sa pamilya ko, para kay Uncle Pete.

Mahal ko si Angela. Ngunit siguradong masaya siya sa piling ni Jonas.

Na-assign ako sa siyudad na katabi ng aming probinsiya. Lingguhan akong umuuwi sa amin. Nang minsang umuwi ako, hindi ko inasahan na muli kong makikita si Angela. Ang alam ko ay tatlong buwan pa bago siya uuwi dahil tatlong buwan pa bago ang kasal nila sa aming probinsiya. Naisip ko, baka pinaaga. Pero nang tinanong ko siya kung nasaan ang fiancé niya pagkatapos ko siyang kumustahin, sinabi niyang mag-isa lang siyang umuwi. Hindi na raw matutuloy ang kanilang pag-iisang dibdib.

"Kasalanan ko, Matteo," sisi niya sa sarili. "Ako ang may kasalanan. Kasalanan ko ang lahat," umiiyak na sabi niya. Niyakap niya ako pagkatapos. "Alam ni Jonas na ikaw talaga ang mahal ko, Matteo. Kahit ano'ng gawin ko, ikaw talaga ang isinisigaw ng puso ko. Mula noon, hanggang ngayon, ikaw lang ang lalaking minahal at mamahalin ko."

Niyakap ko rin siya nang mahigpit. "Mahal din kita, Angela." Hindi ko na napigilan ang sarili kong umamin sa kanya.

Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at tiningnan ako sa mga mata. "Tama ba ang narinig ko?" tanong niya, tila hindi makapaniwala.

"Patawarin mo ako kung huli ko na na-realize ang tunay na nararamdaman ko para sa 'yo. Ang totoo, mahal na mahal kita, Angela. Pero ngayon, hindi na kita puwedeng mahalin."

"Mahal kita, Matteo. Pero alam kong karibal ko ang Diyos. At mahirap. Napakahirap."

"Agawin mo ako sa Kanya, Angela. Pakiusap, agawin mo ako sa Diyos."


MASAYA AKO habang sinusundan ng tingin si Angela na naglalakad sa dalampasigan habang kahawak-kamay si Joshua, ang apat na taong gulang na anak niya. At anak ko rin. Anak namin.

Apat na taon na ang nakalipas mula nang tinalikuran ko ang pagiging pari. Pero hindi naging ganoon kadali ang lahat. Ilang buwan din naming inilihim ni Angela ang aming relasyon.

Naintindihan naman ako ng simbahan. Naintindihan din ako nina Tatay at Nanay. At sigurado akong naintindihan din ako ni Uncle Pete.

Personal kong kinausap si Jonas. Nagpasalamat ako sa kanya dahil pinalaya niya si Angela, dahil hinayaan niyang maging masaya ang babaeng mahal ko. Natagpuan na rin niya ang babaeng para sa kanya. Siya pa mismo ang nagsabi na dadalo siya sa aming kasal.

Nagpakasal kami ni Angela. Masaya kaming namumuhay ngayon bilang mag-asawa kasama ang aming anak na si Joshua.

Nagsisilbi pa rin ako sa simbahan. Hindi na bilang isang pari, kundi bilang isang lay minister. Nagtuturo rin ako ng religion subject sa high school at theology sa college.

Hindi talaga para sa akin ang pagpapari. Noong una pa lang kasi ay hindi ko na iyon gusto. Ang mahalaga, may natutunan ako. Marami. Tungkol sa buhay. Tungkol sa pag-ibig.

1 Corinto 13:4-8. "Ang pag-ibig ay matiisin at mabait, at hindi marunong mainggit, maghambog o magmataas. Hindi magaspang ang ugali nito, at hindi ito makasarili. Hindi ito marunong mayamot o magtanim ng galit. Ang pag-ibig ay hindi natutuwa sa kasamaan, kundi nagagalak sa katotohanan. Lahat ay nasasaklaw nito, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay pinananaligan, lahat ay tinitiis. Kailanman ay hindi ka bibiguin ng pag-ibig."



[Published: October 5, 2015]



Continue Reading

You'll Also Like

55.3M 1.8M 66
Henley agrees to pretend to date millionaire Bennett Calloway for a fee, falling in love as she wonders - how is he involved in her brother's false c...
29.1M 921K 49
[BOOK ONE] [Completed] [Voted #1 Best Action Story in the 2019 Fiction Awards] Liam Luciano is one of the most feared men in all the world. At the yo...
7.3M 305K 38
~ AVAILABLE ON AMAZON: https://www.amazon.com/dp/164434193X ~ She hated riding the subway. It was cramped, smelled, and the seats were extremely unc...
53.9M 1.3M 70
after a prank gone terribly wrong, hayden jones is sent across country to caldwell academy, a school for the bitchy, the dangerous and the rebellious...