Limang taon... limang mahabang taon na hinayaan ko ang sarili kong malunod sa pagod sa pag-aaral at pagtatrabaho para makalimot sa sakit na dinulot sa'kin nang mga nangyari noon. Pagkatapos sa isang gabi lang babalik lahat nang sakit? Pinaniwala ko lang ba talaga ang sarili ko na ayos na ako? Na wala na sa'kin ang mga naganap noon. Ang pagbitaw sa'kin nang isang taong akala ko hanggang sa huli ay sasamahan ako.
Wala na 'di ba? Naging malamig at bato ako sa iba. Nagtayo ako nang pader na harang para sa sarili ko, para hindi na ako masaktan pang muli at kahit na sino walang nakabuwag ng pader na ginawa iyon. Pero bakit ganito? Bakit isang gabing pagkikita, parang nasayang lahat nang napagdaanan kong sakit? Nagkakalamat ang aking harang. Bakit unti-unting nakakaramdam ako ng sakit ulit? Bakit ang sikip-sikip ng dibdib ko dahil sa umuusbong na galit? Bakit kayang-kaya niyang wasakin ang puso ko nang ganon na lang? Kahit sa simpleng tawag niya sa pangalan ko nabubuwag ako agad.
Ang dami-daming bakit. Hindi ko naman malaman ang dahilan. Ganoon ba talaga kapag nasaktan ka ng sobra ng taong mahal mo? Dadating ang araw na kapag nag-krus muli ang landas niyo at kahit sabihin mo pang handa ka na sa kahit anong mangyari, malalaman mong sa huli ay hindi pa din pala. Hindi pa din pala ako lubusang ayos.
Noong naghiwalay kami ni Arth, sa mga una, pangalawa, tatlo at ilang sumunod na buwan pa halos gabi-gabi dinadalaw ako nang sobrang lungkot, pagkamuhi, panghihinayang at pagkawasak na dinadaan ko na lang sa iyak para kahit papaano ay maibsan ang nag-uumapaw kong dalamhati. Hindi ko pa magawang magkwento kay lola dahil alam kong mag-aalala siya ng sobra. Pero para naman akong temang dahil sa ginagawa at kinikilos ko, alam ko namang pinag-aalala ko pa din siya kahit wala akong sabihin.
Para akong namatay nang dahil sa sobrang pagkawasak ko. Nang mga unang linggo, hindi ko magawang kumausap ng iba. Kahit si Liz na malimit akong puntahan sa bahay ay hindi ko pinapansin. Ang sama kong kaibigan, pero nagpapasalamat ako na hanggang sa huli hindi niya ako binitawan at iniwan sa ere kahit na nga parang binalewala ko na siya halos. Napakaswerte ko pa din nang dahil sa kanya at kay lola.
May mga pagkakataong kahit nakakatawa ang pinapanood ko, umiiyak naman ako. Minsan pilit ang tawa ko at peke ang pinapakita kong kasiyahan pero hinahayaan lang ako ni lola na alam ko na may ideya na sa nangyari pero kahit kailan hindi nila ako pinilit. Hinayaan nila ako sa disesyon kong mag-isang damhin ang sakit hanggang sa oras na kaya ko nang ilabas ang nasa kalooban ko.
Pagkatapos kong mag-iiyak gabi-gabi. Nagawa ko din namang magkwento kay lola nung handa na akong sabihin ang lahat. "Lola bakit po ba ganon? Bakit ang sakit-sakit po?"
Hindi ko makakalimutan ang sagot ni lola sa'kin. "Kapag nagmahal tayo kasama na dyan ang pagkakataong masaktan tayo. Kapag ang mahal natin ang bumigo sa'tin, masakit talaga apo, kasi nga nag-expect tayo nang mga bagay na sana o gusto nating gawin nila para sa'tin pero hindi ganon ang nangyari. May mga pagkakataon din na maaaring may dahilan ang mga mahal natin kung bakit nagawa nila ang isang bagay kahit na nga alam nilang masasaktan tayo. Pero tatandaan mo Veron, kahit masaktan ka nang ilang beses huwag kang mapapagod magmahal." Payo ni lola na hindi ko nasunod. Dahil nang masaktan ako ni Arth hindi ko na binuksan ang possibility na may mahalin ako at magmahal sa'kin. Sinarado ko ang puso ko.
Pinilit kong ayusin nang unti-unti ang buhay ko at ang pag-aaral ko. Pinilit kong iwasan siya at hayaan na lang din ang mga naririnig na balita. After all wala na din naman siyang pakialam sa'kin. Nagtapos ako nang highschool sa School na pag-aari ng lolo niya. Pero hanggang doon na lang 'yon. Kahit balak ko noon na doon na din mag-college ay nabago, sa dami nang nangyari. Sa mga dinanas kong pangungutya at pangmamata ng mga estudyante doon nang dahil sa isang isyung hindi naman nila inalam man lang kung totoo, hindi ko na para pa i-explain at ipilit ang sarili ko dahil walang makikinig, walang maniniwala. Kahit nga siya na inasahan ko ay isa sa nagduda sa'kin.
Hindi naging ganoon kadali ang lahat, para sa'kin. May mga gabi pa din na umiiyak ako pero napapansin kong hindi na 'yon kasing dalas noong mga nauna. Kahit papaano alam ko unti-unti kong kinakaya para sa sarili ko at para sa mga taong totoong nagmamahal sa'kin.
Ganoon daw ako talaga masaktan at magdamdam, sinasarili ko muna sa umpisa then eventually nagsasabi naman na ako kapag kaya ko na. Sabi nga ni lola, kilala niya ako dahil siya na halos ang nagpalaki sa'min ni Vinz. Kaya hindi niya ako pinipilit magkwento, alam niya kapag sobra akong nasaktan.
Ang una kong pag-iyak nang sobra ay noong hindi na kami inuwian ni mama. Sobra ang iyak ko, pero hindi daw ako kumikibo. Tanong sila nang tanong ni papa sa'kin kung bakit, may masakit ba sa'kin o ano? Iyak lang naman ako nang iyak, hindi nila ako mapakibo basta tuloy-tuloy lang ako sa pag-iyak. Halos marindi at mawalan nang pasensiya sa'kin si papa. Pinagalitan siya ni lola nang sigawan niya ako't pagbuhatan nang kamay.
"Sa tingin mo ba, magsasabi ang bata sa'yo kapag pinalo mo siya't sinigawan ha!" Bulyaw ni lola kay papa. Ako nama'y tumakbo kay lola at nagtago sa likod niya.
"Inay, nakakarindi na ang batang 'yan. Lahat na binigay ko, tinahan na, kinausap nang maayos. Hindi pa din magsalita. Ang dami ko nang iniisip, si Vanessa kung nasaan siya, ang mga anak ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko inay. Sabay-sabay ang problema." Sabi ni papa at napaupo siya sa sofa at tumangis na din.
Lumapit si lola kay papa at hinagod ang likod nito. "Anak alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon. Ina mo ako at alam ko 'yan. Ikaw din bilang ama ni Veron at ikaw na lang ang natitirang magulang niya dapat alam mo o alamin kung anong nararamdaman ng anak mo. Hindi mo ba nararamdaman na kaya siya sobrang nagiging iyakin nang mga nagdaang araw kahit hindi siya magsalita?" Huminto si lola sa sinasabi at nilingon nila ako ni papa.
Umiling si papa sa sinasabi ni lola.
"Nararamdaman niyang nararamdaman mo. Hinahanap niya din ang kanyang ina, hinahanap niya si Vanessa kagaya nang paghahanap mo. Ikaw asawa ka, siya anak siya ni Vanessa at napakabata pa niya para maintindihan kung bakit bigla na lang isang araw hindi na niya nakikita ang nanay niya." Pati si lola napaiyak din.
Inilahad ni papa ang kamay niya sa'kin, tumingin pa ako kay lola waring natatakot akong saktan ulit ni papa. Inabot ko ang kamay ni papa nang tumango sa'kin si lola at mahigpit niya akong niyakap. Nang dahil sa yakap ni papa naibsan ang takot ko sa kanya. Pero malungkot pa din ako dahil wala si mama.
"Pa, si mama po kailan balik?" Tanong ko habang nahikbi.
"May pinuntahan lang siya anak." Sagot ni papa at hinagod ang aking buhok.
"Bakit po ang tagal ni mama? Hintay ako lagi sa pinto hindi po siya dumadating. Sabi po niya sa'kin hindi po siya aalis e. Bakit siya umalis, bakit wala pa siya?" At nagsimula na naman akong umiyak. At nag-iyakan na kaming tatlo.
"Tahan na anak. Huwag kang mag-alala, babalik ang mama. At nandito naman si papa di ba." Sabi ni papa.
"Promise po hindi ka'yo aalis ha?" Sabi ko sa pag-itan mg hikbi.
Tumango si papa at ngumiti. "Promise." Sagot niya. Niyakap ko siya nang mahigpit at nakiyakap na din si lola.
Naputol lang ang usapan namin nang umiyak si Vinz.
"Nakikiiyak din sa'tin ang baby. Parang naramdaman tayo." Biro ni lola at pinahid ang luha. Napangiti si papa at kinalong ako, sumunod kami kay lola papuntang kwarto kung nasaan si Vinz.
Pinanghawakan ko ang promise ni papa. Naniwala din ako na may pinuntahan lang si mama. Ganoon talaga siguro kapag bata ka pa at hindi mo pa naiintindihan nang husto ang nangyayari sa paligid mo. Maniniwala ka na lang sa paliwanag nila sa'yo. Pero habang tumatagal at nagkakaisip ako doon ko na nakita nang malinaw lahat.
Oo't hindi naman literal na umalis si papa gaya nang ginawa ni mama. Pero sa sobrang pagtatrabaho at pagkakaroon ng sariling mundo ni papa para na din siyang umalis at nawala. Habang lumalaki at nagkakaisip kaming pareho ni Vinz mas lalo lang siyang lumala. Madalas pa niyang kagalitan si Vinz sa konting pagkakamali nito. Naawa ako sa kapatip ko. Pero may parte sa'kin na naiinggit sa kanya. At least siya kahit papaano napapansin, ako parang hindi nakikita ni papa.
Naalala ko tuloy bigla si Vinz. Naalala ko isang araw na makausap ko ang kapatid ko.
"Vinz, anong ginagawa mo dito sa labas? Si papa at lola?" Tanong ko sa kanya nang madatnan ko siyang parang may kung anong inuukit sa lupa.
Tinuro lang niya ang loob ng bahay hindi siya kumibo at ni hindi man lang ako nilingon.
"Halika na sa loob, may natira akong baon kanina at binili kita nang tinapay sa may kanto." Maligayang sabi ko.
Hindi pa din kumibo si Vinz muli ko siyang tinawag at yumuko ako para tignan ang mukha niya. Doon ko lang napansin na umiiyak pala siya kaya siguro hindi siya kumikibo dahil baka malaman ko.
"Vinz, anong problema? May nang-away ba sa'yo? Sumbong mo kay ate at humanda sila sa'kin talaga!" Sabi ko.
Inangat ni Vinz ang mukha niya para tignan ako. "Hindi mo naman siya kakayanin ate." Sabi niya na mukhang hindi na umiiyak pero nahikbi pa din.
"Naku, walang hindi kakayanin si ate para sa'yo. 'Di ba sabi ko sa'yo, kapag may nang-api o nang-away sa'yo sabihin mo sa'kin. Kakampi mo ko, ate mo ko, e." Kombinsi ko kay Vinz.
Ngumiti si Vinz pero hindi umabot sa mata niya. Halatang pilit. "Ate, bakit po gano'n? Lagi na lang galit sa'kin si tatay? Konting mali ko lang, bakit sobra kung magalit siya sa'kin? Naniniwala na ako sa mga kalaro ko na hindi ako mahal ni papa kasi lagi daw akong nasisigawan. Hindi ba niya ako anak ate?" Sunud-sundo na tanong ng kapatid ko.
"Sinong nagsabi?!" Halos pasigaw kong sabi. Hindi kumibo ang kapatid ko, umiling lang siya. Pinakalma ko ang sarili ko bago muling nagsalita. " Vinz, makinig ka sa ate okay. Kapatid kita, anak ka ni papa at mama. Kahit mag-aanim palang ako noon alam ko at nakita kong pinagbuntis ka ni mama kaya kung sino mang nagpapasok nang ideyang yan sa utak mo ay huwag mo paniwalaan. Naiintindihan mo? Ha Vinz? Sa ate ka makinig okay." Sabi ko at tumango naman ang kapatid ko.
Alam ko masyado pa man siyang bata sa edad na anim ay dapat ko nang ipaintindi sa kanya ang sitwasyon. Sa isip ko kasi, alam kong nilalamon nang sobrang kalungkutan si papa at may pagkakataong sa kanya nabubunton ang galit at kalungkutan dahil mas madalas silang magkasama at nang iniluwal si Vinz sabay ding biglang alis ni mama. Pinaliwanag ko 'yon lahat kay Vinz. Hindi man niya lubusang maintindihan, katulad ko noon dadating din ang araw na maiintindihan niya ang lahat. At katulad ko na marami pa ding tanong masasagot din 'yon lahat sa tamang panahon.
"Mahal ka ni papa Vinz. Tandaan mo, kapag tayo napapagalitan nang magulang natin dahil nagkamali tayo, hindi ibig sabihin, galit sila sa'tin o hindi na nila tayo mahal. Itinutuwid lang nila ang mga pagkakamali natin. Kung may pagkakataon mang masigawan tayo o mapalo dala lang 'yon nang sobrang emosyon. Gets mo si ate? Tahan ka na." Sabi ko.
"Opo ate." At ngumiti na din sa wakas ang kapatid ko at pinahidan ko ng panyo ang basa niyang pisngi.
"Nariyan ka na pala Veron. Halina kayo't nagkanaw ako nang juice." Yaya ni lola.
Lumingon kami kay lola at sabay kaming tumayo. "Halika na, tamang-tama may binili akong tinapay. Paborito mo." Sabi ko at sabay abot ng supot ng tinapay kay Vinz.
Ilang buwan pa ang lumipas at habang tumatagal mas lalong lumalala si papa. Hindi man niya sabihin alam naming hanggang sa huling hininga niya ay sobrang lungkot pa ang nararamdaman niya sa pag-alis ni mama at iyon talaga ang ikinamatay niya. Sobrang kalungkutan.
Grabe din si mama, sa isip ko. Nasaan ba siya't hindi man lang niya nabalitaan ang pagkamatay ni papa. Kahit sa huling pagkakataon man lang hindi niya sinilip man lang si papa sa kahit sandali. Pero pinagkibit balikat ko na lang 'yon. Katulad ko alam kong may mga hindi sinasabi si papa kapag namomroblema siya, kahit si lola ay hinihintay pa siya kung kailan siya handang magsabi. Pero bakit napakatagal, bakit hanggang sa tuluyan na siyang kinuha sa'min ay hindi man lang niya nagawang magsabi? Minsan mahirap din talagang unawain ang isipan nang mas nakakatanda o ng magulang natin mismo. Marami silang tinatago at ang galing nilang magkimkim ng sama nang loob kahit hindi nila halos kayanin. Kaya ayan, yung papa ko umabot pa talaga sa kahuli-hulihan.
Si mama, ilang gabi ko siyang iniyakan at napapanaginipan noon. Hindi ko maintindihan at hindi malinaw sa'kin ang dahilan nang pag-alis niya. Bata pa ko at lalong baby pa si Vinz. Siya ang gusto kong tanungin noon kung mahal niya ba kami? Bakit niya nagawang umalis? Hanggang sa nagdalaga na lang ako at wala pa din siya ay tinanggap ko nang hindi na siya babalik.
Naputol ang pag-iisip ko at pagbabalik-tanaw nang tunog ng aking cellphone. Kinuha ko 'yon sa purse ko at napakanot ang noo ko sa isang unregistered number na nag-flash sa screen. Hindi ako pala sagot sa mga unknown number pero hindi ko lang maintindihan kung bakit iba ang pakiramdam ko. Pinunasan ko ang aking pisngi at kinalma ang sarili bago ko sinagot ang tawag.
"Hello?" Tanong ko sa kabilang linya.
Pero isang buntong hininga lang ang naulinigan ko. Kunot noo kong tinignan ang phone ko. Muli ko itong binalik sa aking tenga. "Hello? Sasagot ka ba o," Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang magsalita ang nasa kabilang linya.
"Veron. Please huwag mo munang i-end. Just listen to me okay, saglit lang 'to, promise." Sabi niya.
Napasinghap ako, ang kapal ng mukha nito at utusan talaga ako ganon. Sorry siya. "Promise? What happened to us, the last time you said that." I sarcastically said.
"Veron..." Mahinahon niyang pagbanggit sa pangalan ko. Walang sabi-sabing in-end ko ang tawag niya at ini-off ang cellphone ko. Kanino naman niya nakuha ang number ko. Napailing ako sa naisip, nagtanong pa ako, si Liz lang naman nakakaalam ng number ko at wala ng iba. Pero hindi ako naiinis kay Liz, knowing Arth, malamang kinulit siya nito kaya't napilitan na din siyang ibigay ang number ko.
"Promise. Ha! Promise your face. Promises made to be broken at ilang beses ko na 'yang napatunayan. Sinong niloloko mo." Sabi ko sa phone as if maririnig pa ako ni Arth.
"Ah, Miss maistorbo kita ha?" Medyo malakas na sabi ng taxi driver.
Kanina pa pala niya tinatanong sa'kin kung pang-ilang kanto kami liliko. Hay, buwiset kasi 'tong si Arth. Ang dami ko tuloy naalala. Nakakainis talaga.