Paraisla i: Pangako

By yukiirisu

22.3K 920 105

๐“ฌ๐“ธ๐“ถ๐“น๐“ต๐“ฎ๐“ฝ๐“ฎ๐“ญ | Book #1.5 of Paraisla Trilogy. - Baliin ang iyong pangako't kapalit nito'y iyong ulo... More

- author's note -
- 0 -
- L : 1 -
- L : 2 -
- L : 3 -
- L : 4 -
- L : 5 -
- L : epilogue -
- E : 1 -
- E : 2 -
- E : 3 -
- E : 4 -
- E : 5 -
- E : epilogue -
- H : 2 -
- H : 3 -
- H : 4 -
- H : 5 -
- H : epilogue -
- N : 1 -
- N : 2 -
- N : 3 -
- N : 4 -
- N : 5 -
- N : epilogue -
- author's note, review and FAQ -

- H : 1 -

867 34 13
By yukiirisu




──────⊱⁜⊰──────

Ikatlong Libro: Henrieta

O1

──────⊱⁜⊰──────



Nagising siya na sumisigaw.

Gaya ng nakagawian, agad akong pumunta sa kanyang tabi. "Shh," pagtahan ko sa kanya habang pinapainom siya ng tubig. Pinunasan ko ang naumuong pawis sa kanyang noo gamit ng twalya. Ang mga mata niya'y puno ng pagkalito at takot at galit, ibang-iba sa mga mata ng binibining nakilala ko noon.

"Wag mo kong hawakan!" sigaw niya nang tangkain kong haplusin ang kanyang balikat. Inakap niya ang kanyang malaking tyan bilang depensa.

"Hindi kita sasaktan," mahina kong sabi. "Kakampi mo ako."

Tinitigan niya lang ako gamit ng mga matang puno ng galit. Hindi na niya ako kilala. "Sino ka?"

Ngumiti ako. "Ako ay kaibigan."

"Sino ka?" ulit niya. Mas galit ang tono.

Ipinakita ko ang pilak na singsing sa aking daliri. "Ako si Henrieta. Hindi mo ba ako naaalala?" Natulala siya sa lilang dyamante. "Niligtas kita."

Dumako ang tingin niya sa'kin. "...Sino ako?"

Natikom ang aking bibig.

"Nasaan ako?" tumingin-tingin siya sa paligid. Nagtungo ako sa kalapit na kusina at ipinagpatuloy ang pagluluto ng karne.

"Nasa Hana tayo," nilingon ko siya. "Natatandaan mo ba kung ano ang Hana?"

Saglit siyang napaisip. "Itim...na usok."

Ngumiti ako. "Tama. Itim na usok." Ipinihit ko pasara ang stove at inilipat sa plato ang aking niluto. Nang ihain ko ito sa kanyang harapan, halata sa kanyang itsura na nais na niyang lantakan ang pagkain. "Sige na, kumain ka na."

At sinunod niya nga ako.

Hindi na siya gumamit ng kubyertos, kinamay niya ang karne at idineretso sa kanyang bibig. Araw-araw ganito ang aking gawain. Habang papunta ako sa kabilang parte ng bahay, sa sala, hindi ko maalis ang bigat sa aking loob.

Gigising siya sa ibang araw na natatandaan ang lahat.

Pagkatapos ay balik nanaman siya sa pagkalimot.

Binuksan ko ang telebisyon. Mabuti na lang at ang Hana ay pangalawa sa Vena bilang pinakamayaman na isla. Hininaan ko ang tunog nito upang hindi mapukaw ang atensyon ng dalagang kumakain. At tamang-tama, ang lingguhang broadcast ay ipinapalabas na.

"-kumuha ng opinyon mula kay Haring Lax, ngunit anumang balita patungkol sa Reyna ay hindi nito tinutugon-"

Kitang-kita ko ang lukot na mukha ni Lax habang nakaupo sa trono, ang kabilang trono ay walang nakaupo. Masama ito. Alam ko ang pinagdadaanan ni Eyha. Alam ko ang kundisyon ng kanyang pagbubuntis.

Ngunit wala akong maaaring gawin. Dahil walang sinuman ang dapat makaalam na buhay pa ako. Si Astrid, maaasahan ko siya. Ngunit si Lax... at lalong lalo na si Eyha, meron silang kaugnayan kay Val.

Hindi ko pinagkakatiwalaan si Val magmula pa lang nung una. Alam kong pagkatapos nilang kunin ang trono, papatayin nila ang lahat ng mga Sinumpa, kakampi o hindi. At hindi iyon pwede. Hindi pa tapos ang tungkulin ko.

Kapag nalaman niyang buhay pa ako, baka...

"Henrieta."

Agad kong pinatay ang telebisyon at hinarap ang dalaga. Kabado akong ngumiti at nakita ang pagtingin nito sa telebisyon. "Ano iyon?"

Ibinaling niya ang tingin sa'kin. "Tapos na akong kumain."

Nilapitan ko siya. "Mabuting bata."

Kapag nalaman nilang buhay pa si Iris...

Hindi pwede. Hindi pwedeng malaman ng iba bukod sa pamilya niya na buhay pa si Iris. Dahil dala-dala niya ang espesyal na bata ng angkan ng mga Sinumpa.

Ang pinagsamang pula at lilang dugo. Ang pagsasama ng dalawang magkaaway na angkan.

Ang imposible ay nagawa na.


──────⊱⁜⊰──────


Maraming taon na ang nakakalipas...


"Tagumpay ba?"

Pagpasok ko pa lamang sa kanyang kwarto, binati na ako agad ng kanyang mga lilang mata. "Ikinalulungkot ko, Prinsipe Gweneld. Ang pagbubuntis ng dukesang Caleid ay-"

Ngumiti lamang ang gwapong prinsipe at umikot. "Sinabi ko naman sa kanila na hinding-hindi mangyayari ang kanilang inaasam." Tumingin siya sa mga pula kong mata. "Imposible ang kanilang mithiin!"

"Ngunit..." bulong ko, nahihiya bilang lingkod na magbigay ng opinyon. "Hindi niyo rin ba gustong mapag-isa ang dalawang angkan?"

Lumapit siya sa'kin-- masyadong malapit-- at kinuha ang aking baba. Saka inangat ang aking tingin sa kanya. Nakakaloko siyang ngumiti na siyang nagpatibok ng aking puso sa maling paraan.

"Syempre, ninanais. Ngunit kahit ano pang ipagawa nila sa amin ni Caleid, talagang isang kahibangan ang gumawa ng anak ang magkaibang dugo." Umatras siya. "Ang pula at lilang dugo ay hindi kailanman mapapagsanib."

Ilang pagbubuntis na ba ni dukesang Caleid na aking pinsan ang pumalya? 

Masyado na silang matagal na sumusubok. At kapag hindi makapagbigay ng anak si Caleid kay Gweneld, hindi siya ang magiging pinaka-makapangyarihang konsorte sa lahat ng mga asawa nito.

"Ah, oo nga pala," sabik na sabi ng Prinsipe.

"Ano iyon, Kamahalan?" tanong ko.

"Nais kong ipatawag mo si Binibining Winona sa aking silid," sabi nito, isang mapaglarong ngiti sa kanyang mukha na nangangahulugan ng maraming bagay.

Kumunot ang aking noo.

"Ano ang dahilan ng inyong pagtawag sa kanya?"

Tinaasan ako ng prinsipe ng kilay. "At bakit nagtatanong ka?"

Lumunok ako. Ayokong ipahalata na ako'y apektado. "Si Binibining Winona ay isang Napili, kaya't mapanganib kung walang magandang rason ang pagpunta niya sa iyong silid."

Inis na pinasadahan ni Gweneld ang kanyang tsokolateng buhok. "Basta't tawagin mo siya! Kailangan ko siyang makita. Wag nang tanong ng tanong, Henrieta!"

Yumuko ako, kinakagat ang labi upang wag maluha sa pagsigaw niya.

"M-Masusunod po, Prinsipe."


──────⊱⁜⊰──────


Naglalakad ako sa pasilyo upang sunduin ang dalagang si Winona. Hindi ko maiwasang mainis nang sobra sa sitwasyon. Alam ko naman na labag sa batas ang relasyon nila-- isang Napili at isang Prinsipe ng palasyo. Lalo pa't tagapagmana ng trono; ang nag-iisang tagapagmana ng lilang angkan!

Dahil sa walang maipakasal sa kanya mula sa lilang angkan, ngayon ay nais nilang subukan ang tsansa sa pulang angkan.

Ngunit alam naman ng bawat pamilya na ang lilang dugo ay hindi makikipagsanib sa pula. Ang sistema ng mga katulad namin ay hindi pareho sa sistema ng katulad ng prinsipe. Siguro'y magmula pa lamang sa una, sinigurado na ng Bathala na hindi mapapag-isa ang mga angkan.

"Henrieta," marahas na tawag ng boses mula sa aking likod.

Nilingon ko ang aking ate, si Helena, na madaling naglalakad palapit sa akin. Napakaganda nito dahil sa pagkain madalas ng... tao. Nagpalingon-lingon ito na parang may nagmamatyag. "Kamusta ang pagbubuntis ng ating pinsan?"

Si Caleid. "Pumalya."

"Hah! Panglima na niyang subok iyon. Siguro'y may mali talaga sa kanya," umirap si Helena. "Hindi ba talaga pwedeng tayo ang sumubok?"

"Maghunos dili ka," saway ko. "Ate, alam mo namang mas mataas ang titulo ng dugo ni Caleid kesa sa'tin. At isa pa, asawa mo na si Fenn!"

"Ngunit nais ko ang korona. At hangga't pinamumunuan tayong mga pulang dugo ng lilang angkan, hindi iyon mangyayari kahit kailan!"

Siningkitan ko siya ng mata. Kapag narinig ito ng mga lilang dugo, malamang ipapapugot na ang aking kapatid. Bigla na lang niya akong hinawakan sa mga balikat.

"Magagawa mo ba, Henrieta?" tanong nito.

"Ang alin?"

Ngumiti siya nang malapad. "Akitin mo ang Prinsipe at subukang bigyan siya ng anak!" Nanlaki ang aking mga mata. "Baka ikaw ang makagawa nun! At pagkatapos, tataas ang titulo nating dalawa!"

Mabilis kong tinanggal ang mga kamay niya sa'kin. "Hin-Hindi ko iyon gagawin kahit kailan!"

Isa pa, may dignidad pa naman akong natitira upang hindi ibaba ang lebel ko sa panga-akit. Nais ko... Nais kong magkagusto mismo si Gweneld sa akin at saka--

"Wala ka talagang isip!" inis na sabi ng aking ate. "Talagang magiging mababa ang titulo mo dito sa palasyo kapag ganyan ka!"

"Wala akong ambisyon na tulad mo, ate Helena!" Nais ko lang mapalapit lagi sa Prinsipe kahit na hindi niya ako mapansin. "Wala akong kagustuhan sa trono."

"Pwes, ako na ang gagawa ng paraan."

Matama kaming nagtinginan at saka mabilis at elegante siyang lumisan ng pasilyo. Naiwan akong nakatingin sa kanyang likod, humihinga ng malalim upang kontrolin ang mga emosyon.

Sa totoo lang, nais ko din namang maging pantay ang titulo ng mga pulang dugo na tulad ko sa mga lila. Sa aming mga pulang dugo pa nga lang ay meron nang diskriminasyon dahil magkakaiba din kami ng titulo eh. Ngunit iba ang nais nila ate Helena at ang asawa niyang si Fenn. Nais nilang mamuno. Nais nilang higitan ang mga lila.

Iniling ko na lang ang aking ulo at nagpatuloy sa paglalakad.

May mga bagay pa akong dapat problemahin.


──────⊱⁜⊰──────


Naabutan ko ang sesyon ng pag-aaral ng mga Napili sa bulwagan. Pinag-aaralan nila ang tamang paglalakad. Inikot ko ang aking tingin at hinahanap ang dalagang si Winona sa mga Napili.

Ngunit nahagip ng aking tingin si Daniel, isang guro ng lilang angkan, na nagbibigay ng mga instruksyon sa kalmado at malumanay na boses. Pansin na pansin ang kanyang tanso-kahel na buhok, matangos na ilong at gwapong mukha. Kaya naman pala madaming dalaga ang nawawalan ng pokus sa pagbabalanse ng libro eh.

"Daniel," tawag ko sa kanya.

Napalingon naman ito sa'kin, ngumiti at nag-ayos ng salaming bilog sa kanyang ilong. Mas lalo siyang nagmumukhang binata sa salamin kesa nagmumukhang matanda.

Lumapit ito sa pinto at napatingin ang mga dalaga. "Bakit?"

"Ipinapatawag ni Prinsipe Gweneld ang dalagang si Winona," bulong ko. Kumunot ang noo nito. "Ngayon na."

Umiling at ngumisi naman si Daniel, kumikinang ang mga lilang mata sa pangangasar. "Yung lalaking yun talaga, hindi makapagpigil. Napakababaero."

Namula nang kaunti ang aking pisngi habang tinatawag naman ni Daniel si Winona sa mga dalaga. Tahimik itong naglakad palapit, ang kanyang itim na buhok ay abot hanggang bewang at may mapagkumbabang aura sa kanyang asul na mga mata.

Siguro'y nagustuhan siya ni Gweneld dahil sa mga rason na ito. Hindi lamang siya tunay na maganda, tahimik at simple lamang ito.

"Ano pong problema?" tanong nito, maliit ang boses.

Nagtiim ako ng bagang. "Nais ka niyang makita."

Hindi na siya nagtanong pa. Ngunit bago kami makalakad, may isang babaeng tumawag kay Winona at nagmamadaling lumapit. Pinagmasdan siya ni Daniel nang makalapit ito sa'min.

"Astrid," sabi ni Winona. "Anong-"

"Ibabalik ko lang 'to, saglit." Ngumiti ang dalaga na may itim na buhok at berdeng mata habang inaabot ang isang clip. "Baka mawala ko eh."

"Salamat," tugon ni Winona at matamis ding ngumiti sa kaibigan.

Bago makaalis, hindi nakatakas sa aking mga mata ang tinginan ni Daniel at Astrid na para bang may apoy sa pagitan nila. Umubo ako at sinabing mauuna na kami.

"Paalam," masayang kumaway si Daniel habang sabay silang pumasok muli ni Astrid sa bulwagan.


──────⊱⁜⊰──────


"Ano bang ikinahahaba ng nguso mo dyan?" natatawang tanong ni Daniel sa'kin habang binabantayan namin ang aking pamangkin habang kumukuha ng pagsusulit.

Nagtaas ng tingin ang batang si Naven, nakadamit ng polo at kurbata, pilak ang buhok, at nagbibilang sa kanyang mga munting daliri saka sinusulat ang sagot sa papel.

"Eh ikaw? Ano bang ngini-ngiti mo dyan?" irap ko. "Dahil ba iyan sa pagtingin mo sa dalagang si Astrid?"

Saglit na napauwang ang bibig ni Daniel. Inikutan ko na lang siya ng mata. Alam na alam ko na kapag apektado siya sa isang bagay. Si Daniel kasi ay isa sa mga disenteng myembro ng lilang angkan kaya naging magkaibigan kami bukod sa parehong mababa ang aming honoraryo.

"Eh ano naman?" pagpepeke ng inis ni Daniel. "Gusto naman din ako ng dalagang iyon. Ikaw?"

Gusto ako ni Astrid. Eh ikaw? Gusto ka ba ni Gweneld?

Ang sarap niyang pigain, isip ko. "Pag ako hindi nakatiis sa'yo, kaibigan, babalatan kita nang buhay."

Tumawa naman si Daniel at inayos ang kanyang salamin. "Kahit naman magkagusto sa'yo ang prinsipe, alam mong imposible kayong maipakasal dahil-"

"Oo na," dahil imposibleng mabigyan ko siya ng anak tulad ni Caleid. "Alam ko naman iyon nang mabuti, Daniel."

"Tapos na!" masayang sabi ni Naven at malapad na ngiting ipinasa kay Daniel ang kanyang papel.

"Aba, aba!" Ginulo ng binata ang buhok ng aking pamangkin, ang anak nina Helena at Fenn. "Ang bilis mo ngayon ah?"

"Magaling po kasing magturo si Tita Henrieta," ngumiti si Naven at pinisil ko ang kanyang pisngi. Natuwa naman siya sa aking ginawa. "Pwede na po ba akong maglaro?"

Maglaro. Ibang salita ng pagpa-piano. "Oo naman."

Tuwang-tuwa siyang lumabas na patalon-talon. Gamit ng panulat, minamarkahan na ni Daniel ang papel. "Pero alam mo, Henrieta... Minsan naiisip ko kung anong magiging resulta kapag nagtagumpay sila."

Tiningnan ko siya.

"Ano kayang mangyayari kapag ang dugo ng mga angkan natin ay nagsama?" bulong nito.


──────⊱⁜⊰──────


Sa mga sandaling iyon, hindi ko alam ang sagot.

Tinitigan ko ang natutulog na si Iris sa kama, naiilawan ng buwan. Dumako ang mata ko sa kanyang tyan. Malalaman ko na, Daniel. Dahil sa anak mo at sa iyong estudyante... malalaman ko na ang sagot.


──────⊱⁜⊰──────

Continue Reading

You'll Also Like

21.6K 696 12
Isang nobelang hahamon sa inyong paniniwala tungkol sa relihiyon at kultura. Due to insintent public demand, I will upload the Book 2 of Credendum so...
464K 10.2K 52
The story of a man who lives in the slumber area underworld, it's no different from what you can imagine it's a real life hell that exist in this wor...
15.9K 673 27
๐“’๐“ธ๐“ถ๐“น๐“ต๐“ฎ๐“ฝ๐“ฎ๐“ญ | Book #2.5 of Paraisla Trilogy. - Liwanag ay kapalit ng dilim; dilim na kahalili ng takipsilim. - Hindi matatapos ang mga lihim...
Hacker By โ™ช

Teen Fiction

3.2K 331 15
[COMPLETED] Started: July 15, 2019 Ended: September 15, 2019