The things I should've said
I love to make you smile again
"HUWAAAAT?!" Sigaw ni Valerie ng nasa loob kami ng kwarto ko.
Wala si Mommy at Daddy dahil umalis sila para sa isang business trip kaya nandito si Valerie sa bahay para samahan ako.
Kahapon pa siya nandito at walang humpay ang pagkukwento niya tungkol sa karanasan niya sa loob ng dalawang linggo sa section B. Pakiramdam niya daw siya lang ang matino sa section na iyon at mabilis naman akong tumutol doon.
At pinaglaban niya pa talaga ang sarili niya dahil parang siya daw ang pumalit kay Emette bilang pinakamatalino sa section B. Kaya napunta kami sa kwentuhang Emette.
Tinanong niya sa akin kung bakit daw hindi na kami nagkakasama ni Emette sa eskwelahan at kung bakit daw mas kasama pa ni Emette ang barkada nito kesa sa akin.
Walang alam ni Valerie sa nangyari, tinago ko ito sa sarili ko dahil hiyang-hiya ako sa ginawa kong katangahan at kagagahan. Na kung bakit sobrang tanga ko at nagpabitag ako na meron naman akong nobyo.
"Hmmm!" Binatukan ako ni Valerie at doon naman ako hindi rumesponde dahil deserve ko yun. Wala akong karapatang magreklamo. "Ano bang kagagahan 'yan, Kyle?! Grabe." Halos hindi siya makapaniwala sa sinabi ko. Lumayo siya ng kaunti sa akin, at lubusan akong nasaktan.
"Valerie, hindi ko naman ginusto eh." Nanginginig kong dahilan.
"Oh my gosh! Hindi mo ginusto pero natagalan ang halikan niyo ng pinsan niya? God, Kylene Joana Estrabilla pwede bang bawiin mo lahat ng sinabi mo? Dahil hindi ko na kilala ngayon ang Kylene na nasa harap ko!" Sigaw ni Valerie.
"Sinasabi ko sayo dati Valerie na walang oras sa akin si Emette palagi. Na mas gusto niyang makasama ang iba kesa sa akin. Nasasaktan ako, Val." Naiiyak kong sabi.
"Oh my gosh. Hindi mo alam pala no?" Nilagay niya ang kamay niya sa kanyang beywang.
"A-Anong hindi ko alam?" Nauutal kong tanong.
Suminghap si Valerie at umupo sa harap ko. "Kylene, wala siyang oras sayo dahil ginugugol niya ang oras niya para mag-aral ng mabuti. Para maging magkaklase kayo dahil sabi niya sa akin na kahit hindi man kayo magkasama palagi at least this semester, magkaklase at magkasama na kayo palagi..." naiyak ako sa sinabi niya. Sobrang sakit, na kung bakit ba talaga ginawa ko iyon! "...tapos sasabihin mo sa akin na nagawa mong makipaghalikan kay Vladimir na limang taon ang tanda sayo dahil akala mo may babae si Emette? God."
Tinakpan ko ang mukha ko at umiyak ng umiyak. I'm sorry, Emette. Hindi ko alam.
×××
Pagresume ng klase noong lunes ay kabado akong pumasok sa kwarto. Doon naabutan ko si Emette na may kausap na mga babae naming mga kaklase. Tumatawa siya habang kinakausap siya ng mga ito.
"Kyle! Sama ka sa amin mamaya sa chibugan 89. Libre ko!" Paanyaya ni Aya sa akin.
"Hmmm? Uh, eh kasi-"
"Baka may date sila ng boyfriend niya mamaya, Aya. Kaya huwag na nating pilitin kung ayaw. Ayaw mo pa nun, tipid ka pa." Natatawang biro ni Emette na hindi ko lubos ikinatuwa dahil may bahid itong pait.
"Tumahimik ka nga Emette. Hindi naman ganoon si Kyle. Kahit na break na kayo ay hindi siya mabilis makakahanap ng kapalit mo!" Saway nito kay Emette.
Napataas ng kilay si Emette. "Hindi pa nga kami break, eh may kapalit na." Mapait nitong sabi.
Napayuko ako sa sinabi ni Emette. Ang sakit, bakit ba kasi ganito kasakit? Alam kong dapat ko lang itong maramdaman dahil mali yung ginawa ko dati.
"Wag mo ng isipin si Emette, Kyle. Pumunta ka mamaya ha. Ako bahala sayo, babatukan ko yang Emette na yan kapag ginambala ka pa" Kindat ni Aya sa akin.
"Uh-Aya. Hindi talaga ako makakasama dahil may kailangan pa akong gawin." Pagsisinungaling ko dahil ang totoo, ayokong makasama siya sa isang tensyonadong lugar at isa pa'y makakasama pa doon ang mga taong nakasaksi kung gaano kami kasaya dati.
Napangiwi si Aya. "O sige pero babawi ka ha. Alam mo naman kasi, hindi ibig sabihin na break na kayo ni Emette ay break ka na sa pagkakaibigan mo sa amin" Hinawakan ni Aya ang dalawa kong balikat.
Ngumiti ako at nakita ko kung paano napailing si Emette ng ilang beses sa likod ni Aya. Hanggang ngayon, ayaw niya rin akong makita, makausap at makasama.
Ramdam ko yun.
Sobrang hirap.
×××
I stared at you while talking to her. She must be nice dahil napapatawa kanya ng ganyan ka ganda sa mga mata ko.
Rinig ko ang tawa mo hanggang dito, nakakapanghinayang lang dahil dati ako lang nakakapagpatawa sayo ng ganyan.
I want to make you smile again.
Suminghap ako at sinara ang notebook namin ni Emette. Hinihintay ko ngayon si Valerie na matapos sa kanyang klase para maka-uwi na kami.
Ang talaga pang isang bench lang ang pagitan ko kay Emette at sa babaeng kausap niya. Gusto kong umalis pero mukhang bitter ako dahil nakita ako ni Emette bago sila umupo doon.
"Whooo! Mabuti nalang talaga at marunong ako sa Differential Equations noong third year!" Panimulang sigaw ni Valerie at napasalampak sa bench na nakaharap sa akin.
"O bakit?" Nagtataka kong tanong.
"Eh kasi kanina, tinukso ako ng professor eh sa related yun sa D.E. natin noong third year kaya push ko naman." Pagmamalaki nito. "Halika, libre kita!"
"Huh?" Nagulat naman ako dahil minsan lang siya manlilibre.
"Halika na bilis! Nagugutom na ako! Chibugan 89 tayo!" Bago pa ako makapagreklamo ay hinila niya na ako papuntang kainan para ilibre.
Pagkadating namin doon ay ilang beses kong hinawakan ang dibdib ko. Baka nandito siya pero naalala kong nasa benches siya kasama ang isang babae.
"Hmm! Mabuti nalang talaga at napromote si Kuya!" Nagagalak na sabi ni Valerie.
Pumasok kami ng kainan at mabilis kong nahanap ang grupo nina Aya dahil sa lakas palang ng tawanan nila, makikilala mo na kahit hindi mo pa nakita.
"Uy! Aya!" Tumakbo si Valerie papunta kina Aya at doon niya ito niyakap ng mahigpit. "Happy birthday, Aya!"
"Thanks, Val. Mabuti naman at nadala mo si Kylene. Good Job!" Nagthumbs up si Aya kay Valerie.
"Uy! Akala ko ba lilibrehin mo ako?" Tanong ko sa kanya.
"Hala! Sinabi ko ba yun? Hehe. Ang totoo kasi niyan, lilibrehin tayo ni Aya kasi nga birthday niya." Pagdedeny ni Valerie.
"Ganito kasi iyon, Kyle. Alam ko naman na hindi ka naman busy sa bahay niyo dahil ano ka ba? First month palang ng classes busy kana? At haler, magkaklase kaya tayo. Kaya sinabihan ko itong si Valerie na dalhin ka dito." Pag-aamin niya. "At alam ko din ang dahilan kung bakit ayaw mong sumama pero don't worry, wala siya ngayon dito. Hindi daw siya makakarating." Kindat nito sa akin.
"Umupo kana, Kyle!" Sita sa akin ni Valerie.
Nag-alinlangan pa akong umupo sa tabi ni Aya at nakita kong ngumiti sa akin si Clinton, Toffer, Elijah at Lester. Mga kapwa barkada ni Emette.
"Nakikilibre lang!" Sigaw ni Clinton at nagsitawanan sila.
"Huy! Ikaw talaga, Kylene ang seryoso mo na. Hindi ka naman ganyan dati ah! Di porket na break na kayo ay magiging cold ka na sa amin!" Saway ni Lester.
"Hindi naman makakarating si Emette kaya, walang awkwardness ngayon! Kaya magbunyi ka nga diyan!" Dagdag pa ni Elijah.
Dapat nga diba? Dapat maging kalmado na ako dahil makakasama ko nanaman sila ulit. Kung may barkada noong highschool ay malamang sa malamang sila ang barkada ko sa kolehiyo at may pinagsamahan talaga kami.
Pero naalala ko kung bakit wala siya ngayon, nandoon siya kasama ang babaeng nagpapangiti sa kanya.
Ang babaeng nagpangiti ulit sa kanya.
I wish I was that girl again because I love to make you smile again.