Paraisla i: Pangako

By yukiirisu

22.3K 920 105

๐“ฌ๐“ธ๐“ถ๐“น๐“ต๐“ฎ๐“ฝ๐“ฎ๐“ญ | Book #1.5 of Paraisla Trilogy. - Baliin ang iyong pangako't kapalit nito'y iyong ulo... More

- author's note -
- 0 -
- L : 2 -
- L : 3 -
- L : 4 -
- L : 5 -
- L : epilogue -
- E : 1 -
- E : 2 -
- E : 3 -
- E : 4 -
- E : 5 -
- E : epilogue -
- H : 1 -
- H : 2 -
- H : 3 -
- H : 4 -
- H : 5 -
- H : epilogue -
- N : 1 -
- N : 2 -
- N : 3 -
- N : 4 -
- N : 5 -
- N : epilogue -
- author's note, review and FAQ -

- L : 1 -

1.4K 52 6
By yukiirisu


      
      
──────⊱⁜⊰──────

Unang Libro: Lax

O1

──────⊱⁜⊰──────



Pinanood ko ang rekonstruksyon ng palasyo mula sa hardin. Malapit na itong matapos. Nakatingala ako sa araw, isang kamay ay nagli-lilim sa aking mga mata. Kaybilis ng tatlong buwan. Hindi ko alam na maraming magbabago sa loob nito.

"Inumin, Kamahalan?"

Lumingon ako sa aking likuran at nakita ang aking kapatid na nakangiti. Kumuha ako ng isang baso. "Salamat, Cixi. Hindi talaga ako masasanay sa tawag na iyan."

Nilapag niya ang tray sa mumunting mesa sa aming gilid at nagpameywang. "Hari ka na ng buong kaharian at ako nama'y prinsesa. Akalain mo iyon, kuya?" At sumingkit ang kanyang mga mata sa pagtawa, bagay na bagay sa kanyang dilaw na bestida. Tinuro niya ang palasyo. "Diyan na ba tayo titira?"

Tumingin din ako sa palasyo at gaya ng nakagawian, lahat ng masasaya at mapait na ala-ala ay nagbalik sa'kin. Ang mga tawanan namin ni Naven noong mga bata pa kami, ang mga oras na sinanay niya ako sa paghawak ng espada, ang pagdating ni Iris, ang rebelyon, at ang duguang katawan ng babaeng mahal ko. . .

"Oo." Walang bahid ng saya ang aking boses.

"Ayan ka nanaman eh."

Napatingin ako agad kay Cixi at nakabusangot siya sa'kin. "Huh?"

Umiling siya. "Alam ko na ang tingin na iyan. Iyan yung tingin na nagsasabing hindi ka pa maayos tulad ng pinapakita mo sa'ming lahat." Hindi ako nakapagsalita. "Maaari mo namang ipakitang nasasaktan ka, Kuya. Masamang magpanggap."

Yumuko ako at tiningnan ang mga kamay. "May mga responsibilidad na ako."

Mabigat na ang aking tungkulin. Marami na ang nakapatong na trabaho sa aking mga balikat. Hindi na ako ang dating lingkod na pag-aayos lang ng mga dalaga ang inaalala. Ngayon, pagsasa-ayos ng mga isla ang aking tungkulin at hindi ako pwedeng magpabaya dahil marami ang umaasa sa'kin. Sobrang dami kong bubuhatin sa aking likod.

"Kamahalan." 

Isang mahinhin na boses ang aking narinig mula sa likod.

"Ate Eyha!" masayang bati ni Cixi at tumakbo siya para yakapin ito.

Tiningnan ko lamang si Eyha habang masaya niyang inaakap pabalik ang aking kapatid, isang malaking ngiti sa kanyang mga labi. Napakaganda ng kanyang bestida-- isang maputlang klase ng lila na napapalamutian ng mga orchids na puti. Dapat ay matuwa ako sa ganda ng aking Reyna. . . ngunit ang kulay na lila ay nagpapaalala lamang ng isang babaeng hindi ko malimot.

Pantay ko siyang tiningnan. "Anong kailangan mo?"

"Ang lamig mo naman, Kuya!" suway ni Cixi. Hindi ko siya pinansin.

Nahihiyang ngumiti sa'kin si Eyha at yumuko. "M-May nais lamang akong pag-usapan natin. Kung maaari--" Tumingin siya sa kapatid ko. "--yung tayong dalawa lang."

"Tungkol saan?" tanong ko.

Sumilip siya kay Cixi at ang kapatid ko naman, mukhang natumpak na kung ano ang gustong mangyari ng Reyna. "Ah. Oo. Sige, mauna na ako. May naaalala akong kailangan kong gawin. Hehe."

Binuhat niya ang palda ng bestida at saglit na bumulong kay Eyha. Tumawa nang mahina ang Reyna at tumango-tango, saka binigyan ako ni Cixi ng isang tingin na nagsasabing 'Umayos ka'

Naiwan kami ng Lunaian sa hardin.

Umupo kami sa palibot ng maliit na mesa at pinanood ko siyang pigain ang kanyang mga kamay. Ginagawa lamang niya iyon kapag may problema siya o di kaya'y may ipagtatapat. Ngayong kami na lang dalawa, napansin ko ngang pinagpapawisan siya.

"May problema ba?" malumanay kong tanong.

Para siyang nabigla sa sinabi ko ngunit yumuko din agad. "Kasi..." Kinagat niya ang kanyang labi. "Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa'yo. Um, nagpunta kasi ako sa pagamutan kanina."

"Sinubukan mo nanaman bang magluto?" Tinaasan ko siya ng kilay.

Umiling naman siya kaagad. "Ah, hindi!"

Nakahinga ako nang maluwag. Noong sinubukan niyang tumulong sa kusina, muntikan lang masunog ang lugar. Hay, mabuti at kaunting paso lamang ang natamo niya noon.

Dumako ang mga mata ko sa peklat niya sa kanyang braso-- isang palatandaan ng bangungot na hinarap niya noon kay Caleid. Nang mapansin niyang nakatingin ako doon, marahan niyang inusog ang manggas upang matakpan iyon.

"Sabihin mo na ang gusto mong sabihin," naiinip kong turan.

Lumunok siya at inilayo ang tingin. Hindi ko maintindihan kung ano bang nagawa niya upang matakot sa'kin ng ganito. Meron bang masamang balita? Meron ba siyang kasalanan? Ano?

Nanginginig ang kanyang boses nang magsalita siya.

"Buntis ako."

Ako'y kumurap.

At hinintay na bumalik ang oras pati na ang mga salitang iyon. Hinintay kong humingi siya ng paumanhin at sabihing nagbibiro lamang siya. Hinintay kong magising ako sa mga panaginip kong masasama at sumigaw. Ngunit hindi. May namumuong mga luha sa mga mata ni Eyha habang unti-unting kumukunot ang aking noo.

"Ah," bulong ko.

Inaasahan ko na ang balitang 'to. Inaasahan ko na. Ngunit hindi ko alam kung bakit ganito na lang ang nararamdaman ko ngayong dumating na.

"P-Patawad," naiiyak niyang sabi.

Hindi ko pinili ang buhay na 'to. Hindi ko pinili ang maipakasal kay Eyha at magkaroon ng tali sa aming dalawa. Dahil wala sa kanya ang puso ko. 

Wala.

"Kailangan mo siyang pakasalan," sabi ni Val sa'kin pagkatapos ng rebelyon. "Kayo ang magiging mga simbolo ng pagbabago. Kayo ang magiging Reyna at Hari."

"Pero," sinubukan kong tumanggi pero hinawakan niya ako nang mahigpit sa balikat.

"Hindi ito isang pakiusap; ito ang trabaho mo, Lax. Ito ang obligasyon mo."

Obligasyon.

Pinakasalan ko si Eyha dahil sa obligasyon ko sa kaharian. Napilitan akong halikan siya at ibigay ang sarili ko sa kanya dahil sa obligasyon ko bilang Hari at asawa niya. Lahat ng pagpapanggap sa harap ng mga tao at ng Konseho at sa salamin na masaya ako at masaya kami-- Lahat iyon ay dahil sa isang obligasyon.

Tumayo ako sa pagkakaupo at tiningnan ako ni Eyha. Sa mukha niyang iyan, pakiramdam ko'y nais niyang lumuhod at humingi ng kapatawaran. Siya at ang kanyang ama-- sila ang nagtali sa'kin sa buhay na hindi ko hiningi. 

At wala akong maramdamang kahit ano sa mga segundong ito. . . 

"Patawad, Lax..." Yumuko siya upang hindi makita ang titig kong malamig. "Patawarin mo ako. Patawad."

Lumipat ang tingin ko sa kanyang damit. Sa lila niyang bestida.

At wala akong ibang maalala kundi ang mga lilang mata ni Iris. Ang mga matang iyon na nagliliwanag kapag siya'y nakangiti. Ang mga matang iyon na tumingin sa'kin sa huli niyang hininga. Ang mga matang iyon na hindi ko na makikita kahit kailan.

"Wag ka nang magsusuot ng lila magmula ngayon," dahan-dahan kong sabi. Nabato siya sa pagkakayuko. "Naiintindihan mo?"

Tumalikod na ako at naglakad palayo.



──────⊱⁜⊰──────


 
Makapal na ang usok sa palasyo at napapalibutan na kami ng apoy. Dama ko ang init sa aking balat at mukha; ang aking sentido ay pinagpapawisan.

"Pa'no mo hinayaan ang lahat na humantong sa ganito?" galit na tanong ni Naven.

Pinikit ko ang mga mata ko at nakita ang lasog na katawan ni Iris. "Pinatay mo si Iris." Humigpit ang hawak ko sa aking espada. "PINATAY MO SIYA!"

"Hindi ka tumupad sa usapan!" sigaw din ng prinsipe. "Sabi mo'y sisiguruhin mong makakaalis siya dito ng ligtas!"

Hindi na mahalaga ang lahat ng iyon. Wala ng halaga ang mga bagay.

"Papatayin kita," saad ko.

Hinanda ni Naven ang kanyang kamay at matutulis na kuko.

Pinatay mo si Iris. Kukunin ko ang buhay mo. Papatayin kita, Naven. Isasaksak ko ang espada ko sa lalamunan mo at papanuorin kitang mamatay sa ilalim ko.

"NAVEN!"

"LAX!"

Sumugod ako sa kanya, kaladkad ang aking espada saka itinaas ito sa ere. Iwinasiwas ko iyon at nahiwa ko ang kanyang dibdib pababa sa kanyang tyan. Ngunit kasabay nun ang pamamanhid ng aking tagiliran. Nasugatan din ako ni Naven.

Sumigaw kaming dalawa at parehong naging opensa. Tumalsik ang dugo ko sa sahig nang matamaan niya ako sa mukha, sa braso, sa tyan, sa binti. Bumaon ang mga kuko niya sa aking likod at galit kong iwinasiwas ang espada ko hanggang mahiwa ko ang braso niya paibayo sa dibdib papunta sa kabilang braso. Pareho kaming napaluhod at hinahabol ang hininga.

Paika-ika na ako ngunit ang mga sugat niya'y bumabalik rin sa dati.

"Lax," sambit nito na nanginginig.

Tiningnan ko siya at nakita kong may mga luhang tumutulo sa kanyang pisngi.

"Tama na," sabi niya. "Ayokong pati ikaw, mapatay ko."

Para akong nasampal nang malakas sa pisngi. Natawa ako nang mahina. "Iyan pa ang pinoproblema mo?" Gamit ng espada ko'y tumayo ako sa pagkakaluhod. "Dahil pinatay mo si Iris, para mo na rin akong pinatay!"

"Kinailangan ko." Halos mawala na ang boses niya ngayon. Sa isang banda, gumuho na ang kisame ang nagbagsakan ang mga konkreto. "Kinailangan ko, Lax. . . Dahil kung hindi- Kung hindi-"

"Mahina ka." Puno ako ng suklam sa kanya. Wala na ang tawanan namin. Wala na ang pagkakaibigan. Wala na ang mga ala-ala. "Hindi iyon rason para patayin mo si Iris! Hindi mo siya naipagtanggol! DAHIL MAHINA KA!"

"ALAM KO!" sigaw niya. "Kaya sige, patayin mo na ako..."

Natigilan ako.

"Patayin mo na ako gaya ng ipinangako mo sa'kin noon. Mas gugustuhin ko na ito--" ngumiti siya habang lumuluha. "--kesa mapatay ko pa ang isang taong naging mahalaga sa buhay ko." Tumingin siya sa'kin at pinagsisisihan kong tiningnan ko siya.

Dahil sa sandaling iyon, nakita ko ang mga mata ng dating kaibigan ko.

Nakita ko ang mga mata ng mabait at mapagmahal na prinsipe. Nakita ko sa mga pulang matang iyon ang lahat ng ala-ala ng kabataan namin. Ang mga hapon na tinuturuan niya akong lumaban.

"Tumayo ka, Lax!" sigaw niya noon.

"Pero Kamahalan-- hindi ko na kaya," sagot ko. Ngunit inabot niya ang kanyang kamay at ngumiti sa'kin.

"Kaya mo," sabi niya. "Alam kong kaya mo."

Nakita ko sa mga mata niya ang mga umagang tinuturuan niya ako ng chess at piano at binabasahan ng mga aklat at pinapasuot sa'kin ang mga mamahalin niyang damit kahit ayaw ko.

"Ayan! Bagay pala sa'yo eh," natatawa niyang sabi habang nakabusangot ako. "Sa tingin ko'y mas kaibig-ibig ka pang prinsipe kesa sa'kin."

"Ngayon, maari ko na bang hubarin ito?" Inikutan ko siya ng mata.

At tumawa lang siya.

Nakita ko sa mga matang iyon ang kalaro ko ng tagu-taguan sa mga pasilyo ng palasyo, ang prinsipeng tinuruan kong tumakas sa mga bantay niya gamit ng sikretong lagusan sa kanyang kwarto, ang batang napakalungkot at nag-iisa na sinasamahan ko sa kanyang pag-iyak.

"Anong nangyari sa'yo, Kamahalan?!" alalang tanong ko nang makita ang mga sugat niya sa kanyang likuran.

"Nilatigo ako ni Ama. Ayaw ko kasing kumain," sagot niya. "Alam mo na."

"Kukuha ako ng gamot!" sigaw ko ngunit pinigilan niya ako. Ngumiti siya at pinaupo ako. Sabi niya'y pagmasdan ko lamang at unti-unti siyang gagaling.

At pinagmasdan ko ang mga sugat na maghilom nang mabagal.

"Patayin mo na ako, Lax." pagmamakaawa ni Naven ngayon sa harap ko.

Ang aking kaibigan. May mga sugat na hindi mabilis maghilom. May mga sugat na hindi na maghihilom. Bakit humantong ang lahat sa ganito?

Itinapat ko ang espada ko sa kanyang leeg. "Isa kang halimaw."

Ngumiti siya at tumulo ang mga luha sa kanyang mata. "Alam ko."

Tumulo rin ang mga luha ko. "Dapat kang mamatay."

Pumikit siya. "Tuparin mo ang iyong pangako." Hinawakan niya ang dulo ng aking espada at idinikit sa kanyang leeg. May mga patak ng dugo na bumagsak sa sahig. "Lax."

Tatlong palaso ang tumama sa kanya. Isa sa noo, isa sa dibdib at balikat.

Nanlaki ang mga mata ko nang bumagsak si Naven sa sahig. Lumingon ako sa aking likuran at nakita ang pinunong si Val na may hawak na crossbow.

"Layuan mo siya!" sigaw niya sa'kin.

Agad na lumapit sa'kin si Val at tinapik ako sa balikat. "Anong-"

"Hanapin mo si Ninette! Nawawala siya," mabilis na utos ng pinuno. Agad akong nag-alala. Baka may masama nang nangyari sa kanya. Ngunit tiningnan ko ang katawan ni Naven sa sahig at ayoko pa sanang umalis. "Dalian mo! Ako na ang tatapos dito!"

Inalala ko na lang ang galit at suklam sa kanya. Ngunit may parte sa'kin na ayaw siyang iwan. Dahil alam kong kapag tumakbo ako mula dito, hindi ko na siya makikitang muli. Pumikit ako at nagyukom ng palad. Saka tumakbo palayo.

Lumingon ako sa likod.

At ang huli kong nakita ay ang pagkuha ni Val sa kanyang patalim at ang pagtaas niya nito sa ere. Nilipat ko ang tingin sa dadaanan ko. At pinahid ang mga luhang bumagsak.



──────⊱⁜⊰──────



Nakalatag sa aking harapan ang mga blueprints ng proyekto. Isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi. Sa wakas, mapapagkabit na rin ang mga isla sa isa't-isa. At pagkatapos, ikakabit na sila sa Paraisla.

Dahil sa impluwensya ng mga pinuno ng Konseho, nagkaroon ng maraming koneksyon sa labas ng kaharian. Maraming dayuhan ang dumayo sa palasyo upang pag-usapan ang mga gagawing proyekto. At nasasabik ang lahat ng mga tao sa balita.

"Balita ko'y ikaw ang nag-isip nito, Kamahalan." sabi ni pinunong Hyden. Representante siya mula sa Vena. "Kahanga-hanga."

Tumango ako. "Maraming salamat. Nais kong malaman kung ilang taon ang aabutin upang makumpleto ito."

Nagsalita ang pinuno galing sa Hana. "Ang pagkakabit ng unang tatlong isla ay aabutin ng isang taon. Ang huling tatlong isla ay isang taon. At ang pagkakabit ng lahat sa Paraisla ay dalawang taon marahil."

"Apat na taon sa kabuuan," sabi ni Astrid, ang pinuno galing Rena.

Inalis ko sa aking isip ang mga ala-ala ni Iris dahil sa kanyang ina.

"At ano ang balita sa proyekto sa Isla ng Rena?" tanong ni Val-- ang punong tagapamahala ng Konseho. "Inaasahang sa Agosto matatapos ang pagpapatayo ng mga pasilidad."

"Tama kayo, Pinuno." sabi ng taga-Dana. "Ngunit ano ba ang rason upang ipatayo ang himpilang pang-militar sa Rena pati na ang mga paaralan para sa kawal? Ano pang kailangan nating paghandaan?"

"Hindi ba't nasupil na natin ang mga Sinumpa?" sabi ng pinunong taga-Luna.

Ngumisi si Val na parang mga mangmang ang mga kausap. "Ang kaligtasan ng mga isla ay isang prayoridad. Sinumpa o hindi, kailangan nating paghandaan ang anumang sakuna." Nabaling ang tingin niya sa'kin. "Tama ba, Kamahalan?"

Gumalaw ang ugat ko sa panga.

"Oo," sagot ko.

Ayoko ng ganito. Na tila isa lang akong simbolo ng kapangyarihan. Dahil ang totoong kapangyarihan ay nasa kamay ni...

"Ah," ngumiti si Val. "Balita ko'y magkakaanak na kayo ng ating Reyna. Magkaka-apo na ako."

Nabato ako sa aking trono.

Nagpalakpakan ang mga myembro ng Konseho at binati ako sa magandang balita. Tumango na lang ako nang tahimik sa kanila at nagpasalamat. Inanunsyo ko na rin na tapos na ang pagpupulong namin.

Tumitig lamang ako sa mga blueprint habang naririnig ang mga pag-uusap nila habang palabas ng bulwagan. Nakaramdam ako ng kamay sa aking balikat.

"Nakita kong umiiyak ang Reyna sa kwarto niya," bulong ni Val sa'kin.

Nakaramdam ako ng kaba dahil sa kanyang tono.

"Sa tuwa," dagdag nito. Ngunit merong kakaiba sa kanyang pananalita na salungat sa kanyang sinasabi. "Sabi niya'y napakasaya mo raw sa balitang iyon."

Tinitigan ko ang mga mata ni Val pati na ang balbas na pumapaligid sa kanyang mukha. "Tunay na napakasaya ko. Hindi na ako makapaghintay," walang emosyon kong sagot.

Ngumisi siya sa'kin. "Dapat lang. Dahil ikaw ang Hari, hindi ba?"

Tinapik niya ako sa likod, konting marahas.

At saka yumuko sa akin. "Kamahalan."

Wala akong nagawa kundi pagmasdan siya palayo. Kinuha ko ang korona sa aking ulo at inipit yun sa aking palad. Puno ng galit. Puno ng kawalang-pag-asa. Puno ng pagdudusa.


──────⊱⁜⊰──────

Continue Reading

You'll Also Like

39.4K 2K 30
Kamatayan, yan ang maaaring naghihintay sa kanila kapalit ng katotohanan.. Oo, hindi sila pangkaraniwan pero ano pa bang mysteryong bumabalot sa kani...
34.2K 1K 30
Dalawang taong pinaglayo. Isang puso ang nais bumalik sa kaniyang pagkatao. Isang pusong sakim. Isang pusong papatay. Isang pusong puno ng pag-ibig. ...
1.1K 103 27
They're both authors who accidentally meet at a book signing. Rivalry between their book, followers, fans, reads and votes arises as the days pass by...
15.9K 673 27
๐“’๐“ธ๐“ถ๐“น๐“ต๐“ฎ๐“ฝ๐“ฎ๐“ญ | Book #2.5 of Paraisla Trilogy. - Liwanag ay kapalit ng dilim; dilim na kahalili ng takipsilim. - Hindi matatapos ang mga lihim...