Cure #8: Sementadong Gubat
Tangan ko ang isang papel, hindi, isa itong liham galing sa aking anak. Napakahaba ng kanyang liham na halos abutin na ng dalawang pahina, ngunit kung gaano ito kahaba ay siya namang haba ng mga luhang lumalandas sa pisngi ko. Bawat katagang aking nababasa ay parang isang punyal na tumatarak sa puso ko.
Halos lumabo na ang mata ko dahil sa luhang hindi mapigilang umalpas mula rito. Poot ang nararamdaman ko; halos magdugo na ang kamao ko sa lakas ng puwersang ginawa kong pagsuntok sa pader katabi ng higaan ko. Mula dito ay tumayo ako sa pagkakahiga. Impit na iyak lamang ang maririnig sa akin ng mga kakosa ko.
Mga mata nila'y sa akin nakasentro; hinihintay ang bibigkasin kong mga salita. Pero wala akong maapuhap sambitin dahil sa galit na nararamdaman ko ngayon. Kapagdaka'y nilapitan ako ni Manong na siyang pinakamatanda dito sa grupo namin. Tumabi siya sa kinauupuan ko't hinawakan ako sa aking balikat na nanginginig pa dahil sa pigil kong pagtangis.
"Ano bang nangyari? May masama bang nangyari sa anak mo?" puno ng pag-aalala niyang tanong sa akin habang nakatitig sa mukha ko.
Hindi ko siya sinagot, bagkus, ibinigay ko sa kanya ang liham ng aking anak. Naglalaman ito ng mga nakaririmarim na salita na parang panis na pagkain na hindi ko kayang kainin. Tumatak pa rin sa isipan ko ang huli niyang sinabi sa liham...
Pa, tulungan niyo po ako...
Halatang agarang tinapos ang sulat dahil hindi na niya nakuha pang magpaalam sa liham niya sa akin. Hindi pa rin matanggap ng sistema ko ang nangyari sa anak ko. Hindi ko matanggap na pinagsasamantalahan ng kapatid ko mismo ang sarili kong anak. Napakawalang hiya ng hayop na 'yon. Nagngingitngit ang kalooban ko sa ginawa niya. Gusto kong sugurin siya at patayin sa ginawa niyang panghahalay sa nag-iisa kong anak. Pero hindi ko magawa ang nais ko, dahil heto ako, nasa madilim at kinaayawan na lugar ng mga kriminal; ang selda.
"Wala akong magawa, ni hindi ko man lang maipaglaban ang anak ko sa labas ng madilim na silid na ito. Minsan, naiisip ko na lang na sumuko na..." anas ko habang patuloy pa ring namamasa ang mga mata ko. "Mahirap bigyan ng pag-asa ang mga presong tulad kong matagal na sa kulungan," dagdag ko pa.
"Ang mga taong agad sumusuko ay hindi nananalo. Ang mga taong laging panalo ay hindi kailanman sumusuko," wika ni Manong habang tinutupi niya ang papel.
Tinamaan ako sa mga salitang iyon, pero hindi ko maikakailang mahirap ang manalo. Marami na akong isinugal para lang manalo, ngunit wala pa rin. Sadyang bulag ang mundo. Malapit na sana akong bigyan ng parol pero sadyang pinipigilan ng mga nakatataas. Nag-umpisa lang 'to ng tinanggihan ko ang alok ni Warden na lumaban sa isang duwelo...
Gabi-gabi ay may nagaganap na labanan sa loob ng isang selda dito na kung tawagin ay Gubat ni Kamatayan. Malalaking tao at may sinasabi sa lipunan ang mga tao sa likod ng palarong ito. Gobyerno mismo ang may hawak sa leeg ng mga namumuno dito. Oras na pasukin mo ang laro, buhay mo ang kapalit kung ika'y matatalo o aalis sa sinimulan mong laro. Gabi-gabi rin ay may namamatay. Dumadanak ang dugo sa bawat patalim na itinatarak nila sa bawat kalaban nila.
Para silang mga laruan sa kamay ng gobyerno't mapepera. Ginagawa nilang pampalipas oras ang kamatayan ng bawat nilalang sa loob ng selda. 'Yon ang kaligayahan nila.
Isang gabi ay nanood ako ng duwelo, hindi ko inaasahang lalapitan ako ni Warden at aalukin ng malaking halaga kapalit ng paglaban ko, pero tinanggihan ko ito. Hindi ko kayang ibuwis ang buhay ko para sa salapi. Nandito ako para magbago, hindi para magpakagago.
Matapos ang pag-uusap naming iyon ay doon na nagsimula ang pagpapahirap sa akin. May mga binabayarang tauhan si Warden para lang ipabugbog ako. Halos mamanhid na ang katawan ko sa mga natatamo kong galos at pasa. Ganyan si Warden kapag hindi niya nakukuha ang gusto niya. Inuunti-unti niya ang pagpatay sa mga sumasalungat sa kanya. Siya ang Evil Warden ng kulungang ito.
"Ano nang balak mo ngayon?" anas ni Manong na ikinagulat ko. Tinapik niya ako sa balikat kaya napalingon ako sa kanya. Medyo tumigil na rin sa paglandas ang mga luha ko kaya medyo ayos na rin ang pakiramdam ko.
"Hindi ko pa alam, Manong," sagot ko sa kanya. Hindi ko pa rin kasi maisip kung ano nga ba ang magagawa ko para makalabas dito sa madilim na silid na 'to.
Napatango-tango na lang siya at bumalik na sa higaan niya't nahiga na.
Kinabukasan, habang kumakain kami sa mahabang mesa dito, narinig ko ang bulung-bulungang magkakaroon ng duwelo mamaya. Lalaban mamaya ang pinakamalakas at pinakamagaling na preso rito na kung tawagin nila ay Bagwis. Si Bagwis ang siga sa buong selda rito, siya ang kinatatakutan at sinasabi nilang si Kamatayan. Lahat kasi nang makalaban niya ay pinapatay niya. Matira ang matibay, mawalan ng hininga ang talo.
Tiningnan ko naman si Manong na nakatitig sa akin. Parang may nais ipahiwatig ang mga titig niya pero, hindi ko mawari kung ano. Pinagpatuloy ko na lang ang pagkain ko, pero hindi ko pa man nasusubo ang laman ng kutsara ko'y bigla na lang may bumatok sa akin kaya naman nangudngod ang mukha ko sa plato.
Tawanan ang narinig ko at ang malakas na hagalpak na tawa ni Bagwis.
"Oh, ano, masarap ba ang pagkain?" anito sabay tawanan ng mga grupo nito. Naikuyom ko ang kamao ko at akmang tatayo na pero pinigilan ako ni Manong. Parang sinasabi niyang hayaan ko na lang ang ginawa ni Bagwis. Tiningnan ko siya at nakita ko sa mga mata niyang tutol siya sa maaari kong gawin. Inayos ko na lang ang sarili ko at pati na rin ang upo ko. Naramdaman ko na lang na umalis na sina Bagwis at ang grupo niya.
Sa nangyari ay biglang pumasok sa isip ko ang ginawang pag-alok sa akin ni Warden noon...
Kung magbago ang isip mo, nandito lang ako. Aayusin ko ang laban mo.
Dahil doon ay nagkaroon ako ng ideya. Ako ang lalaban sa susunod. Kailangan lang ay pagbigyan ni Warden ang hiling ko. Tumayo na ako't dumiretso sa opisina niya. Mabibigat ang hakbang ko patungo roon, alam kong buhay ang kapalit kong ito, pero para sa anak ko, gagawin ko. Hindi ko kayang magsawalang bahala na lang sa nangyari, anak ko 'yon, dapat pinoprotektahan ko 'yon, ngunit ano ang nangyari? Wala akong nagawa. Sinira na ang pagkatao niya ng sarili kong kapatid. Ang putang inang 'yon, mapapatay ko siya sa ginawa niyang hudas siya. Hinding-hindi ako magsisising patayin siya at makulong ulit ako ng panghabang-buhay basta mabigyan ko lang ng hustisya ang anak ko.
Kahit ikamatay ko pa, isusugal ko para sa anak ko. Hindi mahalaga kung gaano ka katagal nabuhay. Ang mahalaga ay kung paano ka nabuhay. Walang saysay ang buhay ko kung hindi ko man lang maipaglaban ang kaisa-isa kong anak. Alam kong hindi ako naging matinong ama sa kanya, kaya kahit man lang ngayon, may magawa akong tama para sa anak ko. Mahal ko 'yon, e. Mahal na mahal.
Tumigil na ako sa harap ng pintuan ng opisina ni Warden at kumatok.
"Pasok," sagot nito sa katok ko. Pumasok naman ako agad at tumungo sa kanya.
"Anong kailangan mo?" pagalit na tanong niya sa akin. Nanginginig man ang kalamnan ko, sinubukan ko pa ring magsalita.
"Gu-gusto ko sanang lumaban," nauutal kong saad sa kanya. Sinisipat ko ang magiging reaksyon niya. Nabigla na lang ako sa pagkumpas niya at paghalakhak na parang demonyo.
"Sabi ko na nga ba mangangailangan ka rin ng pera. Hindi ako nagkamali ng sapantaha sa 'yo, Diego," nangingiti pa rin niyang sambit.
"Pero hindi pera ang kailangan ko. Kalayaan. 'Yon ang kailangan ko, Warden," buong tigas kong saad sa kanya. Bigla naman siyang nawalan ng ngiti sa mga labi at napanganga sa sinabi ko. Halata ang gulat na mababanaag sa kanyang bigotilyong mukha at pagtaas-baba niya.
"Ang bigat naman ng kahilingan mo, Diego. Pera ang usapan sa larong ito, hindi ang kalayaan," litanya niya at kumuha ng isang stick ng sigarilyo.
"Kalayaan ang gusto kong kapalit, Warden. Oras na manalo ako, palalayain mo ako. Kailangan ako ng anak ko. Hindi ko makakayang mabulok dito nang hindi man lang nabibigyan ng hustisya ang anak ko," mariin ang pagkakasabi ko sa kanya kaya natigil ang pagbuga niya ng usok sa hangin at napatingin ng seryoso sa mga mata ko.
"Ano ba ang nangyari sa anak mo?" tanong niya sa akin.
Kinuwento ko ang lahat sa kanya. Alam kong siya na lang ang pag-asa ko sa sitwasyong 'to. Siya na lang ang susi sa hustisyang hinahangad ko.
"Sige, payag ako. Pero oras na matalo ka, walang kahahantungan ang kalayaang hinahangad mo. Pinapaalala ko lang sa 'yo, buhay mo ang kapalit oras na matalo ka, Diego," seryosong sambit niya. Sa tagal nang inilagi ko rito sa bilibid, ngayon ko lang nakita ang seryosong mukha ni Warden. Dahil siguro sa anak na ang usapan sa sitwasyong ito. Napag-alaman ko kasing biktima ng panggagahasa ang anak niya. Kaya siguro ganyan katigas at kasama si Warden.
"Mamaya, ikaw ang ilalaban ko kay Bagwis. Maghanda ka," huling litanya niya bago ako palabasin. Kinakabahan ma'y kailangam kong ituloy ito. Kailangan kong makamit ang kalayaan ko paea maprotektahan ang anak ko at makamtan niya ang hustisya.
Dumiretso na ako sa selda namin at naghanda na sa kahaharapin kong delubyo. Naikuwento ko na rin kay Manong ang gagawin kong paglaban kay Bagwis mamaya. Pinigilan niya ako sa una, pero sumabay na rin siya sa agos dahil nakapagdesisyon na ako at buo na ito. Wala nang urungan.
Sa laban, tanging iisang kutsilyo lang ang ginagamit nila. Ikaw na ang bahalang dumiskarte para sa sarili mo. Ngayon, nandito na ako mismo sa mismong magiging libingan ng isa sa amin ni Bagwis. Kitang-kita ko ang mga nilalang na nasa likod ng kaganapang ito. Kitang-kita ko ang ngiting nakapagkit sa mga labi nila. Marami na rin ang mga presong manood ng mabigat na labanang ito. Kitang-kita ko rin ang mala-demonyong ngisi ni Bagwis habang nakatitig sa akin. Hindi ako puwedeng magpatalo. Para sa anak ko ang labang 'to.
Nag-umpisa na ang hudyat ng laban. Unang sumugod sa akin ang may kalakihang katawan ni Bagwis. Binunggo muna niya ako ng kanyang dibdib upang mabuwal ako sa kinatatayuan ko pero nanatili pa rin akong nakatayo. Malakas ang pangangatawan ko kaya hindi ako agad natumba.
Sinubukan niya uli akong dambahin at saksakin, subalit nakailag pa rin ako. Tinadyakan ko siya sa kanyang tuhod at agaran kong tinarak sa tiyan niya ang kutsilyong hawak ko sa kanan kong kamay. Napaupo siya sa semento hawak ang nagdurugo niyang tiyan, pero agad ding tumayo at dinaluhong ako. Tinadyakan niya ako sa dibdib na dahilan ng pagkahiga ko. Parang natigil ang paghinga ko sa lakas na dulot ng tadyak niya. Parang naparalisa ang katawan ko dahil hindi ako makagalaw.
Pumaibabaw pa siya sa akin at iniamba na niya ang kutsilyo sa mukha ko, buti na lang at agad akong nakahuma sa ginawa niya kanina kaya naitulak ko siya. Nadaplisan ko siya sa kanang braso, ngunit parang wala lang iyon sa kanya. Nahawakan niya ang braso ko at pinilipit ito patalikod. Sobrang sakit kaya napasigaw ako. Pati ako'y namimilipit sa sobrang sakit. Halos durugin na niya ang buto ko.
Kumuha ako ng tiyempo at sinipa ko ang binti niya kaya natumba na naman siya. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, kailangan kong manalo sa labang 'to. Sigawan ng mga preso ang umaalingawngaw sa kinaroroonan namin g ito. Ang sabi ng iba'y tapusin ko na raw ang laban. Nakita ko si Warden, sinenyasan niya ako ng kamay niyang pinadaan sa leeg niya. Iisa lang ang ibig sabihin no'n, tapusin ko na ang laban. Huminga muna ako ng malalim at iniumang na sa kanya ang kutsilyo. Itinarak ko ito sa kaliwang dibdib niya kung saan nandoon ang pinakamalaking parte kung bakit siya nabubuhay; ang puso niya. Isa, dalawa... lima, anim, pito... pitong beses ko siyang sinaksak. Punong-puno na ako ng dugo na galing sa kanya. At doon, ako'y tinanghal na panalo.
Mahirap mang tanggapin, pero isa na akong mamamatay-tao.
Lumapit ako kay Warden matapos ang laban naming iyon ni Bagwis, gusto ko nang makuha ang kalayaan ko. Ngayon na, ngayon ko na kailangan 'yon.
"Hindi puwede, Diego," iling ang bumungad sa akin. Bakit gano'n? Naagkasunduan na namin ito tapos ganito na lang? Mawawalan ng saysay? Parang wala lang? Para ano pa't pumatay ako para lang sa kalayaan ko? Maduming-madumi na nga ang pagkatao ko, nadagdagan pa ngayon.
"Hindi ka puwedeng lumabas ng selda. Hindi pumayag si Boss. Ako na ang bahala sa hustisya mo, h'wag kang mag-alala. Makakaganti ka," aniya sabay tapik sa balikat ko at iniwan na ako.
Naiiyak ako, pumatay ako tapos mawawalan lang pala 'yon ng saysay. Putang inang buhay 'to. Hindi na lang sana ako nagtiwala sa mga salita ni Warden. Umasa akong tutuparin niya ang usapan namin. Hindi na lang sana ako lumapit sa kanya.
Ilang araw na ang lumilas mula ng mangyari ang kasinungalingang iyon ni Warden. Para akong patay na humihinga pa rin. Walang na akong ganang mabuhay pa.
Nandito lang ako sa madilim na silid na 'to, nakatingala sa taas at blangko ang isip. Hinihintay kong mamatay na lang ako.
Biglang may narinig akong ingay galing sa bakal na humaharang sa bawat kuwartong aming kinaroroonan. May bagong salta at mismong sa amin mismo ibabagsak. Dinig ko ang kalansing ng susi at pagtama ng kandado sa bakal. Pumasok na siya, pero hindi ko pa nakikita. Nagsalita naman si Warden na siya mismong naghatid sa bagong salta.
"Diego! Nandito na ang hustisya mo. Ikaw na ang bahala," napalingon naman ako sa sinabi ni Warden at ganun na lang ang pagkabigla ko nang makita ko ang kapatid ko.