Chapter 21: Ang Kasunduan.
Written By: CDLiNKPh
ILANG araw pa ang lumipas ay nakatanggap siya ng utos mula sa Earl na pinapapunta siya nito sa malawak na tahanan nito.
Pupunta na sana siya pero pinigilan siya ni Dmitri na huwag nang tumuloy dahil sigurado raw na gagawan lang siya ng masama ng Earl.
Dahil naduwag din siya ay matigas na pagtanggi ang ibigay niya sa kanang kamay nitong nagsadya pa sa bahay nila.
Umalis ang kanang kamay at nagulat pa siya dahil inaasahan niya na kakaladkarin siya paalis ng bahay para sapilitang ipakausap sa Earl pero wala nang bumalik doon para sunduin siya ulit.
Dahil sa ginawa niyang pagtanggi ay lalo lamang dumami ang mga taong nangmamata sa kanya. Nalaman ng mga ito na palihim siyang pinuntahan ng kanang kamay ng Earl.
Sinabi ng mga ito sa kanya na napakalakas daw ng loob niya na salagin ang Earl. Dapat daw ay humingi na lang siya ng tawad. Pero hindi niya gagawin iyon dahil alam niya kung ano ang tama. Alam niya na walang masama sa ginawa niyang pagtatanggol sa tiyahin.
___
HANGGANG sa isang hindi inaasahang pangyayari sa kanilang pamilya ang naganap. Nalagay sa malubhang kalagayan ang kanyang ina at kung hindi ito dadaan sa isang operasyon ay maaari iyong ikamatay nito.
Lumala na kasi ang sakit nito dahil na rin sa hindi tuloy-tuloy na pagpapagamot dito.
Kahit na hindi sila magkakasundong magkakapatid ay pare-pareho silang nagmamahal sa ina. Na handang gawin ang kahit ano para maisalba lang ang buhay nito.
Sinubukang maghanap ng salapi ng kanyang ama at mga kapatid. Pero kahit pinagsama-sama na nila ang lahat ng salaping mayroon sila ay hindi pa rin sapat iyon para mapagamot ang kanyang ina.
Lahat sila ay araw-araw na lumuluha dahil sa nakikita nilang paghihirap ng ina. Araw-araw ay namimilipit sa sakit ang ulo nito at wala silang magawa.
Nang dahil sa pangyayaring iyon ay napilitan ang ama niya na humingi ng tulong sa taong alam naman nila na malabo ring magbigay ng tulong kahit pa ito ang may pinakamalaking kakayahan para gawin iyon.
Kilala niya ang ama. Alam niya kung gaano nitong kamahal ang ina niya. Sigurado na maglulumuhod ito at magmamakaawa kay Lord Harper para lang matulungan ito.
Hindi siya umaasa na tutulungan sila ni Lord Harper kahit alam niyang barya lang para rito ang kailangan nila. Ang mga kamag-anak at kaibigan nga ng pamilya nila ay hindi nagbigay kahit kaunting tulong man lang, ito pa kaya?
Iniisip ng mga tao na wala nang pag-asa ang kanilang ina.
Pagbalik ni Everardo ay bagsak lang ang balikat nito. Patunay lamang na nabigo ito sa nais nitong tulong mula sa Earl. Lahat sila ay nag-iyakan. Nawalan na ng pag-asa na may magagawa pa sila para sa ina. Si Lord Harper na lang sana ang tanging pag-asa nila.
Ngunit dalawang araw lamang ang lumipas pagkatapos nitong sadyain ang Earl ay kinausap siya ni Everardo. Sinabi nito sa kanya ang napag-usapan nito at ng Earl.
Dahil siya... Siya ang hinihinging kapalit ng Earl.
Agad siyang nakaramdam ng takot nang malaman na siya ang hinihinging kapalit ni Lord Harper.
Sa lipunang ginagalawan nila ay hindi na bago ang pagbili ng mga mayayaman sa mahihirap na parang isang hayop. Iba-iba na ang narinig niyang naging kapalaran ng mga aliping ipinagbibili. Ang karamihan sa mga iyon ay pinag-ta-trabaho hanggang sa bumigay na ang katawan sa sobrang pagod.
Ang iba namang mayayaman ay ginagawa pang parausahan ng init ng katawan o sinasaktan ang mga aliping nabibili hanggang sa mamatay ang mga ito na parang hayop. Sa kalupitang taglay ni Lord Harper ay hindi na siya magugulat na ganoon din ang mga bagay na gawin nito sa kanya kapag nagpabenta siya.
Ang mga naunang alipin na binili ni Lord Harper ay karamihan ay mga bata pa. Na pinagtatrabaho nito ng sapilitan at walang bayad sa minahan nito. Alam niya iyon dahil minsan niyang nahuli ang mga kasamahan sa rancho na pinag-uusapan ito.
Alam niya na maaaring ang pananahimik ni Lord Harper ng ilang linggo na hindi siya ginagalaw o kinakanti ay ibubuhos nitong lahat kapag nabili na siya nito. Sigurado siya na gagantihan na siya nito at haharapin na niya ang galit nito. Alam din niya na sa oras na pumayag siya sa kasunduang iyon ay hindi na niya makikita pa ang pamilya niya kailanman. Dahil hindi na niya magiging pag-aari ang sarili niya. Magmimistulang robot na lamang siya na susunod sa kahit anumang gustong ipagawa sa kanya ng master niya. Wala na siyang karapatang tumanggi. Dahil ang buhay niya ay magiging pagmamay-ari na nito...
Hindi sinabi agad sa kanila ni Everardo ang napagkasunduan nito at ng Earl dahil ayaw nitong ipamigay siya. Ayaw din niyang umalis at iwan ang mga ito. Pero masyado niyang mahal ang ina para hayaang mamatay na lang ito kung may maaari naman siyang gawin para mailigtas ito.
Siya lang ang mawawala. Hindi naman malulungkot ang mga kapatid niya kung mawawala man siya. Pero ang ina nila, alam niyang kailangan ito ng mga ate at kuya niya...
Kaya naman pikit-mata man ay pumayag na rin siya na ibenta ang sarili para sa kapakanan ng ina. Alam niya na ang desisyon na iyon ay hindi niya pagsisihan kahit na kailan. Dahil nag-iisa lang ang ina niya at ito ang dahilan kung bakit siya nabuhay...
___
DUMATING ang araw kung kailan itinakda na ang pagpunta nila sa palasyo ng Earl.
Ang palasyo na iyon ay masyadong malayo mula sa rancho kaya naman napagkasunduan nila ng ama na umalis pagsikat ng araw.
Pero nagulat siya nang magising kinabukasan na wala na sa tabi niya ang ama at iniwan siya!
Lakas loob na humabol siya kay Everardo kahit pa halos maligaw siya sa layo niyon. Alam na niyang nagbago ang isip ng ama at hindi na siya gustong ibigay nito sa malupit na earl. Ganoon siya kamahal ng ama na hindi nito magawang sikmurain na ipamigay siya.
Pero nakapagdesisyon na siya. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring masama sa ina nila!
Hinihingal na binuksan niya ang mataas at malaking pintuan ng palasyo. Nakita niyang nakatalikod na si Lord Harper at akmang paakyat na ng hagdanan. Ang ama naman niya ay nakayuko lang at iyak ng iyak. Nataranta siya dahil parang galit ang Earl. Nagalit siguro ito nang makitang hindi siya kasama ng ama!
"Lord Harper!" Pagtawag niya sa lalaki.
Natigilan ito at napalingon sa kanya. Hindi niya maintindihan pero nakita niya na parang nangingilid na ang luha nito sa mga mata nito!
"Forgive me, Lord Harper, for being late—"
She couldn’t even finish her sentence because, out of nowhere, the Earl suddenly pulled her into a tight embrace, as if he had longed for her desperately!
Para bang napakabigat ng dinadala nito sa dibdib na natanggal nang makita siya nito.
"Thank you for coming, Katherina... I will never let you go again," he whispered tenderly.
Naguguluhan siya sa nangyayari. Bakit ganoon ang naging reaksyon ng Earl? Ang akala niya ay galit ito sa kanya at gusto siyang parusahan?
Pero bakit ang nararamdaman niya sa mahigpit na yakap nito ay parang... Parang matinding pagmamahal?
Nang araw na iyon ay nalaman din niya ang dahilan kung bakit siya binili ng Earl. Nalaman niya na hindi siya nito binili mula sa ama para maging alipin kung hindi para maging isang asawa!
___
HANGGANG sa dumating na nga ang araw ng kasal.
Naroon siya sa simbahan at nakasuot ng isang gown na pinapangarap ng maraming babae.
Si Harper ay nakatayo sa harap ng altar at nag-aabang sa dahan-dahang paglalakad niya.
Tinupad ni Lord Harper ang pangako nito. Nang dahil sa salaping ibinigay nito sa ama ay na-operahan ang ina nila at gumagaling na ito ng paunti-unti.
Nagkaroon na rin ng kanya-kanyang magagandang posisyon sa rancho ang mga kapatid niya at nag-aaral pa ang mga kapatid niya.
Kumpleto ang buong pamilya niya sa simbahan ngunit alam niya na iyon na ang magiging huling pagkikita nila dahil nakatakda na siyang ilayo ni Lord Harper sa mga ito.
Alam niyang hindi siya iniibig ni Lord Harper. Imposible iyon dahil napaka-kisig nito at maraming babae ang handang magpakamatay para lang dito.
Isa lang siyang alipin kaya hindi niya maintindihan kung ano ang dahilan kung bakit siya ang pinili nitong pakasalan.
Pero kung anuman ang dahilan na iyon ay wala siyang karapatang malaman. Dahil pag-aari siya ni Harper at wala siyang karapatang kuwestiyunin ang lahat ng ginagawa nito. Wala siyang karapatang magtanong. Wala siyang karapatang tumanggi.
Dapat siyang magalit kay Harper. Dapat ay kamuhian niya ito dahil matatali siya rito na hindi niya kagustuhan. Palagi nitong ginagamit ang kapangyarihan nito para makuha ang mga bagay na gusto nito.
Pero hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya magawang magalit dito.
Habang naglalakad siya sa aisle at nasisilayan niya nang dahan-dahan ang makisig na mukha ng lalaki ay hindi niya maramdaman ang lungkot na gusto niyang madama.
Para bang hindi tutol ang puso niya sa nagaganap... Para bang normal iyong nararamdaman ng isang babae para sa lalaking minamahal nito.
Para bang... Gusto na niyang maikasal dito!
Hanggang sa matapos ang seremonyas ng kasal at idineklara sila ng pari bilang mag-asawa. Natapos ang lahat sa isang napakatamis na halik...
___
NAPABANGON ng gising si Ingrid mula sa pagkakatulog. Pinagpapawisan siya at parang nanunuyo ang lalamunan niya kaya naman agad siyang bumaba para uminom ng tubig.
Nang kumalma na siya ay saka niya napagtuunan ng pansin ang napaginipan niya ngayon-ngayon lang.
Ang lalaki sa panaginip niya ay si Gregor. Totoo nga ang sinasabi nito at hindi lang ito basta nagbibiro lang. Mag-asawa nga sila nito noong nakaraang buhay nila at napanood niya na parang isang pelikula ang nangyari sa kanila noong nakaraang buhay nila!
Ito nga si Harper at siya naman si Katherina...
Pero bakit ipinapakita sa mga panaginip nila ang mga pangyayari noong nakaraang buhay nila?
Ano ang ibig sabihin niyon?