Cure #1: REYALIDAD
MALUBAK at madilim ang daang dinaraanan mo. Paipis na naglalakad papasunod sa isang tao. Hindi mo ito kilala, ni hindi mo ito kamag-anak. Dahil ngayong gabi, ito ang 'yong biktima. Nakasuot siya ng long sleeves, 'di kaila na isa siyang empleyado. Ilang minuto mo na rin pala siyang binubuntutan. Mula nang makita mo ang pagbibilang niya ng pera sa kalapit lamang na parke. Sinundan mo lang siya, hanggang sa lumiko siya sa mas madilim pang eskinita.
Agad kang tumalima ngunit nahulog ka sa bitag. Doo'y nakaabang siya at sa isang kilos ay hinampas niya sa 'yo ang kaniyang bag. Napa-aray ka sa sakit lalo pa't tumama ito sa dibdib mo, walang pakialam sa kasarian mo. Napaatras ka at ilang segundong natigilan.
Nanatiling malamig ang iyong mga mata. Ikinuyom mo ang iyong kamao at humakbang ka upang suntukin siya. Mukhang napaghandaan iyon ng lalaki kaya't naiharang niya ang kaniyang braso na siyang nasuntok mo. Nagtunugan ang buto sa 'yong kamay. Walang emosyon na napangiwi ka subalit kaagad ka namang gumawa ng kilos. Itinaas mo ang iyong paa upang maipatama iyon sa kaniyang ulo. Inilagay mo ang iyong bigat sa paa mo, at saka mo bahagyang ini-arko ang katawan mo upang maging solido ang pagkakatama nito. Nakita mo ang mabagal na pagtumba ng kaniyang katawan sa lupa. Ang pagsalampak nito sa sahig, at ang pagpikit ng mga mata nito.
Kinuha mo ang hawak niyang bag at naglakad ka pauwi na parang walang nangyari. Sinalubong ka ng mainit mong bahay. Nababalutan din iyon ng katahimikan. Sa palagay mo ay wala pa rito ang iyong anak.
Dumiretso ka sa banyo at natitigan mo roon ang iyong repleksiyon. Magulo ang iyong buhok, pawisan ang iyong mukha. Hinihingal ka rin at bakas sa mukha mo ang pagod.
Nasaan na ang dating lakas mo? Noong disisais ka na napakagaling mo sa pagdepensa sa sarili mo. Bakit nga ba nawala ang dating sigla ng buhay mo? Nadala ba ito ng agos ng mga problemang naging dagok sa iyo?
Natigilan ka nang maalala ang lahat. Bawat sakit at pighating dinanas. Mga dahilan sa sitwasyon mo ngayon, mga gulong napasok ng dahil doon.
Isang babaeng may magandang mukha, sikat na pangalan at magandang pamumuhay. Napakalapit na nga ng iyong buhay sa perpekto. Kilala ka bilang isang babaeng puno ng dignidad dahil bukod sa isa kang panglahatang pinakamaganda sa eskwelahan, ikaw din ay bihasa sa mga sports at paglaban sa mga martial arts.
Disisais na anyos ka na ngayon, at panibagong araw lamang ang araw na ito para sa 'yo. Maaga kang pumasok sa paaralang pang sekondarya. Nasa ikaapat na taon ka na at malapit ka na ngang makapagtapos ng hayskul.
Naglalakad ka sa hallway nang masalubong mo ang isa mong kaklase. Kaibigan ito ng lalaking dati pa nanliligaw sa 'yo, na paulit-ulit mo namang binabasted.
"Shey, pinapatawag ka raw ni Miss Mendoza sa room 207," aniya sa 'yo. Napakunot ang noo mo sa biglaang pagpapatawag ng tagapayo mo ngunit dumiretso ka pa rin sa sinasabi nitong k'warto.
Nang makarating ay binuksan mo ang pinto at pumasok ka sa loob. Ilang hakbang pa lamang ang nilalakad mo nang kakaibang lamig ang naramdaman mo sa iyong batok kaya't napagdesisyunan mong umalis na lamang. Ngunit nang lalabas ka na sana ay nakita mo roon ang lalaking matagal nang baliw na baliw sa 'yo. Namumula ang mga mata nito at nakangiti ito na animo'y wala sa tamang pag-iisip.
"Jake...bakit...nasaan si...anong..." Hindi mo mabuo ang iyong mga tanong. Pakiramdam mo'y nagbubuhol ang dila mo. Ano nga bang ginagawa ni Jake sa silid? Nasaan nga ba si Miss Mendoza? Lahat ng mga tanong mo ay nanatili na lamang sa isip mo.
"Shey, kasalanan mo 'to e. Kung sinagot mo sana ako e 'di sana hindi mangyayari ang mangyayari ngayon," mapang-asar na usal niya sa 'yo. Nanlaki ang mata mo nang lumakad siya papalapit. Naging malikot ang iyong mga mata. Inikot mo sa paligid ang iyong paningin. Puro lamesa sa k'warto. Hindi ka makatakbo sa pintuan dahil nasa likod lamang niya iyon.
Napatitig ka sa iyong kamao. Bakit nga ba hindi ka lumaban? Tutal nama'y may napag-aralan ka sa mga pagdepensa?
Inihanda mo ang iyong sarili nang mapansin mo na ilang hakbang na lang ay abot-kamay ka na niya. Umatras ka ng umatras hanggang sa matamaan na ng lamesa ang iyong pang-upo.
"A...anong pinaplano mo? Tigilan mo 'yan Jake. Binabalaan kita." Nanginginig ka at nagdoble na nga ang tibok ng 'yong puso. Maging ang iyong mga salita'y nahihimigan ng kaba.
"Babae ka lang, Shey. At makukuha kita ngayon. Dito, sa ayaw at sa gusto mo," aniya. Nanlaki ang iyong mata nang malaman ang direktang dahilan. Hindi mo namalayan na napakalapit na pala niya sa 'yo.
Pinilit mong pakalmahin ang sistema mo. Sinuntok mo siya ngunit napakahina noon para maapektuhan siya ng buo. Ngunit hindi ka sumuko. Itinaas mo ang tuhod mo upang siya ay bayagan at nagtagumpay ka sa bagay na 'yon.
Patakbo mong pinuntahan ang pinto at nang bubuksan na ay nakaramdam ka ng sakit mula sa 'yong ulo. Hawak na pala ni Jake ang iyong buhok. Itinulak ka niya sa pinto at idiniin niya sa iyo ang katawan niya.
Mula sa likod ay nadama mo ang pagtigas ng pagkalalaki niya. Sandali kang nanghina at ginusto mo nang sumuko ngunit isang armas ang iyong namataan, 'di kalayuan sa 'yong p'westo. Nanlaban ka at pilit na inabot mo ang isang paso na nasa itaas ng lamesa ng guro.
Kahit nakatalikod ay pilit mo iyong inihampas sa ulo niya. Nakaiwas man siya'y sapat na ang ginawa mo upang makawala ka sa hawak niya. Humarap ka sa kaniya at saka mo hinablot ang ulo niya pababa. Sinalubong mo naman ang iyong tuhod dito dahilan para mapasigaw siya sa sakit.
Hindi mo alam na isa pala 'yong pagkakamali. Nanghina ang tuhod mo. Kaya ika-ika man ay pinili mo ang lumayo sa kaniya. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay malalayo ka rin sa pinto.
"Tulong!" sigaw mo. Tinawanan ka naman ng demonyong kasama mo sa k'warto.
"Alam mo bang lumang music room ito, Shey? Sound...proof," mapaglarong turan niya. Natigilan ka, at mas lalong nahintakutan. Nang hahakbang siya papalapit ay itinulak mo ang kahoy na upuan papunta sa kaniya. Madali lamang niya itong naiwasan. Bakas ang dugo sa kaliwang mata niya at tumutulo na rin ito sa gilid ng kaniyang mukha.
"Tulong! Tulong!" Hindi ka pa rin sumuko. Umaasang kahit papaano ay may makakarinig sa 'yo. Dinampot mo ang vase na nasa gilid mo. Binato mo ito sa direksyon niya ngunit sadyang may pag-aalinlangan sa kilos mo kaya't hindi mo ito naipatama sa kaniya.
Tumawa siya, na parang nababaliw na. Mas lalong nagtaasan ang balahibo mo sa tawa niyang iyon. Hindi na tao ang tingin mo sa kaniya ngayon. Isa na siyang demonyo. Demonyong gutom sa laman mo. Demonyong nakapagbibigay ng takot diyan sa loob mo.
"Tigilan mo na 'to Jake! Nababaliw ka na!" nagmamatapang na sabi mo. Hanggang kailan mo kayang magpanggap at magkunwari sa sarili mo? Kung gayong alam mong nasa iisang silid lamang kayo?
Sige ka lang sa pagtakbo ng salungat sa kaniyang direksyon ngunit dahil dito'y napunta ka sa sulok ng kwarto. Nanghina ang iyong mga balikat nang makita na siya nama'y ilang dipa na lang ang layo sa 'yo. Dahan-dahan siyang lumapit, na parang isang taong hayok na hayok sa laman. Ngumisi siya nang makita kang wala nang aatrasan o kahit na anong tatakbuhan.
Buhok mo ang una niyang pinuntirya. Hinila niya ito at iniuntog sa pader. Malakas ang tunog ng pagtama, ngunit kasinlakas din iyon ng naging pagsigaw mo. "Ahhh!" Malagkit na pulang likido ang tumulo mula sa ulo mo. Nanlabo ang iyong mata at nagsimula na itong mabalutan ng dilim.
Nanghina kang tuluyan. Wala kang magawa. Tumulo lamang ang iyong luha. Naramdaman mo ang paghiga niya sa 'yo sa isang kahoy na lamesa. Maging ang ginawa niyang pagpunit ng unipormeng suot mo.
Tuloy ka lang sa pagtangis, habang siya'y sige lang sa paglasap ng iyong malambot na balat. Wala kang nagawa. Ni mata mo'y hindi mo na nagawang maidilat. Napakahina mo, iyon ang alam mo. Napuno ka ng suklam hindi lang sa taong nambababoy sa iyo kundi maging sa sarili mo.
Hanggang sa tuloy na nga niyang naangkin ang kainosentihan mo. Ang lahat ay nasayang lang sa isang tao. Lahat ng kahayupan ay iyong nadama. Sa kabila ng iyong nakapikit na mga mata.
Nang makabalik ka sa kasalukuyan ay nakita mo na lamang ang sarili mong tulala habang umaagos ang luha sa magkabilang pisngi mo.
Naiinis ka sa sarili. Nagpakita ka na naman ng panibagong kahinaan. Pero ano namang masama? Ang patak ng luha ay hindi tanda na ikaw ay mahina. Tanda ito na kahit sobrang sakit na ay kinakaya mo pa.
Pero, kinakaya mo nga bang talaga? Paano naman ang tatlong gulang na taon mong anak? Ganito ba ang buhay na gusto mong ipamana sa kaniya? Hindi 'di ba? Kaya ka nga nagnanakaw, at gumagawa ng kung ano pang ilegal na bagay. Ngunit tama nga ba ang naging paraan mo?
"Mama?" Dinig mong pagtawag ng iyong anak mula sa labas ng banyo. Mabilis na pinunasan mo ang luha na dumaloy iyong mukha. At saka ka lumabas, habang namemeke ng ngiti.
Nakapagdesisyon ka na nga. Gagawin mo ang lahat. Mga paraang kaya mo upang maialis dito, sa magulong buhay na ito, ang anak mo.
KINABUKASAN ay maaga kang nagising. Mabigat ang iyong pakiramdam ngunit napawi iyon nang makita mo ang iyong anak na mahimbing na natutulog sa tabi ng papag na inyong hinihigan.
Apat na taon na nga ang nakalipas. Matapos kang itakwil ng iyong pamilya. Matapos kang magdalang-tao sa batang nasa harapan mo, bunga ng pambababoy sa katawan mo. Ilang ulit mo nga bang sinubukang ilaglag ang batang iyan? Iyang batang nagbibigay sa iyo ng lakas sa paniniwala?
Naalala mo ang bag na nakuha mo kagabi. Galing sa biktimang napili mong pagnakawan. Hinulughog mo ito. Hinanap ang kailangan mo. Doon nga'y nagtagumpay kang mahanap ang pitaka. Anim na libo ang lahat ng laman nito. Sa wakas, makakapagbayad ka na nga ng pagkakautang mo.
Inayos mo ang iyong sarili. Saka mo isinuot ang sumbrero mong kupas na ang kulay. Muli mong sinilayan ang iyong anak bago ka umalis. Lumapit kang muli sa kaniya at saka mo hinalikan ang tuktok ng ulo niya. Isang panibagong patak ng luha ang naglandas sa pisngi mo.
Inilapit mo ang bibig mo sa kaniyang tenga at saka ka bumulong. "Anak, mangyayari ang lahat kung patuloy kang maniniwala. Kailangan mo lang ng pananalig at lakas ng loob na magagawa mo lahat ng naisin mo. Huwag kang gumaya sa nanay mo, sa akin. Masiyado akong pinanghinaan ng loob. Kaya sana, mabigyan pa ako ng pangalawang pagkakataong maayos ang lahat. Para sa 'yo. Para sa 'tin. Ngayon, gusto ko na ulit na maniwala. Magiging maayos din ang lahat."
Limang minuto ang itinagal ng pag-iyak mo. Bago mo napagdesisyunan na lumabas na ng bahay niyo. Pumunta ka sa lugar na nagsisilbing hideout ng isang pinuno ng sindikato na pinaglilingkuran mo, dahil sa pagkakautang mo rito.
"Anong ginagawa mo rito, Shey? Wala pa akong ipagagawa sa 'yo. Umalis ka na," pambungad nito sa 'yo. Ganoon pa rin ang naging epekto sa 'yo ng bawat salitang lumalabas sa bibig niya. Ang malalim na boses niyang nakapagdudulot sa 'yo ng kakaibang kilabot.
Paano mo nagawang makipagkasundo sa demonyo?
"Ahh, boss. Gusto ko lang po sana na makausap kayo patungkol sa utang ko," asik mo rito. Nag-umpisang maghina ang iyong tuhod. Kinakabahan ka sa maaaring maging resulta nitong ginagawa mo ngayon ngunit nandirito ka na, handang sumugal para sa ikalalaya niyong mag-ina.
"Anong tungkol doon, Shey?" aniya. Ilang ulit kang lumunok bago ka muling makapagsalita.
"Magbabayad na ho sana ako," nakayukong sabi mo. At saka ka kumapa sa bulsa mo upang makuha ang limang libo, na saktong utang mo sa kaniya.
"Akala ko ba e nagkasundo na tayo diyan, Shey?! Binabastos mo ba ako?!" Umalingawngaw sa apat na sulok ng kwarto ang sigaw niyang iyon. "Limang buwan na pagserbisyo sa akin! Iyon ang kabayaran ng utang mo, Shey!" singhal nito sa 'yo.
Napaatras ka at tuluyan ngang naghari sa iyo ang kaba. Hindi ka nagsalita, inaakalang mapapawi nito ang galit ng taong kaharap.
"Baka gusto mong masaktan? Ha? Sumagot ka!" nanggigigil sa inis na turan niya sa 'yo. Umiling ka at nakipagtitigan sa sementong sahig ng lugar. Narinig mo ang paghakbang niya papunta sa posisyon mo. Natakot ka bigla sa maaaring danasin sa malupit na kamay nito.
"Gusto ko lamang hong mabigyan ng maayos na pamumuhay ang anak ko." Nagulat ka sa panibagong paglandas ng luha sa iyong mukha. Nagpakawala ka rin ng ilang hikbi.
"Estupida!" Malakas na sampal sa pisngi ang iyong natanggap. Natumba ka sa sahig at halos mahalikan mo ito sa lakas ng pwersang pinakawalan niya. Pagapang na lumapit ka sa kaniyang harap at saka ka lumuhod. Hindi mo na idinilat pa ang iyong mga mata. Nanatili itong nakapikit, habang gumagawa ng imahe ng iyong anak sa isip. "Anong gusto mong iparating? Ha? Sagot!"
"Wala naman ho akong--" Hindi mo na natuloy ang iyong pagdadahilan. Nadama mo na lang ang pagsipa niya sa iyong sikmura na halos magpasuka sa iyo. Hindi ka makapagsalita. Nanlalaki ang iyong mga mata. Namilipit ang iyong sikmura, nanghina ang iyong buong katawan.
Ngunit isusugal mo na ang lahat.
Lumapit ka sa kaniya, niyakap ang kaniyang mga binti, at doo'y umiyak, habang iniinda ang sakit sa bawat mong paghinga.
"Parang awa mo na boss," sabi mo. Kasabay nito ay ang pagdinig mo sa boses mo, noong araw na nagmamakaawa ka pa sa taong nagsira sa buhay mo.
"Tang-ina! Wala akong awa, Shey! Nakakagago ka na!"
Ilang beses ka niyang sinipa upang makawala siya sa pagkakahawak mo sa kaniyang binti. Nang magawa ay sunod na sinipa naman niya ang iyong mukha.
Biglang naging marahan ang lahat. Nauntog ka sa sahig, at ilang beses pa itong tumalbog bago tuluyang mahimlay sa sahig ang walang lakas mo nang katawan. Nakipagtitigan ka sa kisame. Blangko ang utak, habang nakabalandra sa kanilang harap. Kusang sumara ang iyong mata, at kasabay nito ang pag-upos ng iyong pananalig sa kahit na anong positibong p'wedeng mangyari.
Puros dilim ang nasilayan mo habang nakapikit. Kung tutuusi'y wala na ngang masisilayang pag-asa. Ngunit sino ba ang dapat nating pagkatiwalaan? Hindi ba't ang Diyos lamang? Bakit mo nga ba naisipang talikuran Siya? Noong mga panahong mas kinailangan mo ang gabay Niya? Bakit ka nagpadala sa delubyong dala ng problema? Noong mga panahong dapat ay lumalaban ka? Dapat pa bang pagbigyan ng Diyos ang iyong hinaing? O nararapat lang na ika'y lisanin?
Bakit? Bakit ka pa rin naniniwala? Kung gayong sobrang sakit na ang lahat ng iyong dinala? Bakit? Bakit ka pa rin nananalig? Tunay nga bang makapangyarihan ang paniniwala kaysa sa dunong?
Ang iyong anak, sa tingin mo ba'y may kukupkop sa kaniya? Hindi mo alam. Kaya ipapasa-Kaniya mo na lang ang lahat.
Diyos ko, patawarin ninyo ako. Huwag niyo po sanang pabayaan ang anak ko.