CURE #7: SA PAMAMAGITAN KO
Halos magiba ang pinto ng bahay namin ng pabalagbag itong buksan ng isang armadong lalaki. Napatayong bigla ang aking ama mula sa pagkakaupo sa sofa katabi ko nang magsimulang pumasok ang mga ito. Subalit ang tanong n'yang 'Sino kayo? Anong kailangan ninyo sa amin?', ay wala man lang sumagot isa man sa apat na pumasok. Bagkus ang dalawa sa kanila ay itinutok ang dalang mahabang armas sa aking ama, at may isa naman sa akin. Sa edad kong labing siyam, tanging takot at pangamba ang mababakas sa aking mukha.
Isang tili naman ang kumawala sa aking ina mula sa kusina. Nanginginig at impit s'yang pinapalapit sa amin, habang may nakatutok sa likuran n'yang baril. Halos mga nakaitim silang damit, at walang takip ang mga mukha. Mahigpit kaming nagyakap ng aking ina ng mapang-abot sa sofa. Mga magnanakaw kaya?
Lagatak ng sapatos ang nakapag palingon sa amin sa gawi ng pinto. Isang may edad ng lalaki ang marahang lumalapit sa aking ama, habang tila binibistahan n'ya ang paligid. Nakangiting tumayo pa ito sa harapan namin na parang wala lang ang mga nakatutuok na baril sa aming mga ulo. Si Don Ferdinand? Kapatid ng amo dati ng aking ama. Anong...
"O Gerald? Kamusta ka at ang iyong pamilya? Matagal-tagal na rin ng huli tayong nagkita." Bagama't nakangiti s'ya, naniningkit naman ang kanyang mga mata at kababakasan ng galit ang kanyang kulubot na mukha.
"Hayop ka, Ferdinand! Nagkausap na tayo, 'di ba? Ipinaliwanag ko na sa'yong wala na akong magagawa kaya nag-resign na ako. Ano pa bang..." isang suntok sa mukha ang nagpatigil sa sasabihin pa sana ng aking ama. Muling napasigaw ang aking ina, dadaluhan sana n'ya ang asawa subalit agad na sumenyas ito na huwag lumapit. Muling mahigpit na yakap na lang at iyakan naming mag-ina ang namayani sa paligid.
Mabilis namang pinunasan ng aking ama ang dugong tumulo sa gilid ng kanyang labi, at tumayo pagkatapos sumasadsad sa sahig.
"Bumalik ka sa bahay ko at pag-uusapan natin ang dapat gawin. Dalawang taon na ang nasasayang, at ayoko nang maghintay pa ng matagal." May diin ang bawat katagang lumalabas sa bibig ni Don Ferdinand. Tila ba pinagbabantaan nito ang aking ama oras na hindi sumunod. Sabagay, sa mga oras na ito halatang nanganganib na ang aming mga buhay.
Subalit matigas na hindi ang isinagot ng aking ama. Isang suntok pa sana ang kan'yang ibibigay, nang ako naman ang napasigaw sa sobrang takot. Hindi ko alam kung ano ba talagang nangyayari.
Natigil sa ere ang kamao ni Don Ferdinand at napatingin sa gawi ko. Mahigpit naman akong niyakap ng aking ina nang magsimulang lumapit sa akin ang nasabing matanda.
"Huwag ang anak ko!" Lalapit sana ang aking ama, subalit mahigpit s'yang hinawakan ng isa na kahit nagpapalag s'ya ay hindi makawala.
"Hmmm... dalaga na pala si Janice. At maganda ha?" marahan n'yang hinaplos ang buhok ko mula sa tuktok ng ulo papuntang likuran. Nang tatabigin ko ang kanyang kamay, bigla akong napaigik sa sakit ng sabunutan n'ya ako, sapat para mapatingala ako. Kita ko ang paglisik ng kanyang mga mata at mayamaya pa ay pag ngisi. Walang humpay naman s'yang pinaghahampas ng aking ina na pinipigilan naman ng isang lalaki.
"Bakit ba ngayon ko lang naisip? Sige dalhin ang babaeng ito!" at pabiglang binitawan n'ya ako na halos ikasubsob ko na. Buti na lang, agad akong nasalo ng aking ina na walang magawa kung hindi ang umiyak na lang at magmakaawa.
Halos mabali na ang braso ko sa paghila ng aking ina at ng lalaking inutusan para kunin ako. Isang sapak sa mukha ni mama ang nakapag pabitaw sa amin. Walang malay s'yang na bumagsak sa sofa. Habang walang humpay namang binubugbog ng dalawang lalaki si papa. Sigaw ako ng sigaw ng makita ko ang mga pangyayari sa aking mga magulang. Bagong lipat lang kami sa bagong subdivision na iyon, kaya walang pag-asang may makarinig at tumulong sa amin. Iilan pa lamang ang mga nakatayong bahay, at karamihan ay wala pang mga nakatira. Ang sabi ni papa, dito raw kami para safe. Hindi na ako nagtanong nang sabihin n'ya iyon. Ngayon, naiintindihan ko na.
Halos mawalan na ako ng boses sa katatawag sa aking mga magulang, habang kinakaladkad nila ako palabas. Naramdaman ko na lamang na may pumukpok sa ulo ko na s'yang naging dahilan para mawalan ako ng malay-tao
***
Marahan kong iminulat ang aking mga mata. Napakunot-noo ako dahil hindi puting kisame ang bumungad sa akin. Wala ako sa aking kuwarto? Nang maaalala ko ang mga nangyari, bumalikwas ako ng bangon. Subalit, napabalik din ako sa pagkakahiga ng biglang parang umikot ang paligid ko. Nahihilo ako. Huminga muna ako ng malalim bago ipinasyang bumangon ulit. Napahawak ako sa likod ng aking ulo ng biglang sumakit iyon. Ah, may bukol akong naramdaman.
Inilibot ko ang paningin sa paligid. Nasa isang kuwarto akong napakalaki. Nagulat pa ako ng mapagawi ang paningin sa sofang nasa kaliwa ko. May isang dalagita roon na nakaupo. Nakatulala lang at hindi man lang ako sinulyapan. Tinitigan kong maigi ang dalagita. Mabilis akong bumaba sa kama at nilapitan ito. Kilala ko ito, si Kisha, anak ng amo ng aking ama na isang abogado. Sa pagkakaalam ko, namatay sa isang car accident ang mga magulang nito. Nalaman na lang namin ni mama na nag-resign na si papa dahil nagkaalitan sila ni Don Ferdinand, ang namahala ng lahat ng naiwan ng magulang ni Kisha.
Mabait ang mag-asawa sa amin. Isinasama ako ni papa sa malaking bahay na ito at nakikita ko nga si Kisha dati. Pitong taon ang tanda ko sa kanya, kaya nasa dose na ang edad nito ngayon.
"Kisha?" nanatiling nakatingin sa malayo si Kisha. Ni hindi man lang ako nilingon o pinansin kaya. Napansin kong may yakap-yakap s'yang makapal na libro. Hahawakan ko sana s'ya sa balikat ng biglang bumukas ang pinto. Napalingon ako dito at tumambad sa akin si Don Ferdinand.
"Gising ka na pala. Sumunod ka sa akin sa library." Agad itong tumalikod. Nagpanting ang tainga ko sa narinig kaya sinabi kong hindi ako susunod sa kanya at gusto ko ng umuwi. Nakangising lumingon s'ya sa akin at nanindig ang balahibo ko sa sinagot n'ya.
"Kung gusto mong makitang buhay ang magulang mo, susunod ka sa lahat ng sasabihin ko." At mabilis na s'yang lumabas ng kuwarto. Iniwan pa nitong bukas ang pinto.
Nilingon ko si Kisha na hindi man lang umimik. Buntong-hininga na akong tumayo para sumunod sa matanda. Sa ngayon, ito lang ang maaari kong magawa, kung gusto kong mabuhay kami.
***
"Ano? Hindi! Ayoko!" napatayo pa ako sa pagkabigla ng sabihin nito ang nais ipagawa sa akin. Parang walang anumang tumingin ito sa akin.
"Puwede mo namang hindi gawin. Magulang mo naman ang kapalit! Kayang-kaya kong gawin iyon. Napakadali lang naman ng gagawin mo. Kulitin mo si Kisha tungkol sa password ng safe. At voila! Makakalaya na kayo at hindi ko na kayo guguluhin kailanman. At may bonus pa. Kapag nakuha ko na ang lahat-lahat ng kayaman ng half-brother ko, bibigyan ko kayo ng maraming pera para magsimula ng bagong negosyo. Alam kong nalugi ang negosyo n'yo dati." Nagsindi pa ito ng sigarilyo at ibinuga pa sa akin ang usok.
Hindi ako nakaimik sa mga sinabi n'ya. Maganda ang offer at pabor pa sa amin iyon. Pero paano si Kisha? Baka kapag napasakamay na nito ang password, patayin nito ang dalagita. Hindi! Kailangan mag-isip ako ng magandang plano.
"Sige. Pero paano ko gagawin iyon? Hindi nga umiimik si Kisha. May sakit ba s'ya?" tawa lang ang itinugon n'ya sa akin bago humithit ulit ng sigarilyo.
"K-kailangan tulungan mo rin ako, kung gusto mong malaman kaagad ang password na sinasabi mo." Hindi dapat ako pangunahan ng takot. Kailangan maging matalino sa mga pangyayari.
"Walang sakit si Kisha. Umaarte lang 'yon. Sige na, puntahan mo na, para matapos na ang lahat ng ito." Mabilis na akong tumalikod para lumabas ng pinto. Plano, kailangan ko ng solidong plano.
***
Nahirapan akong kausapin si Kisha. Sinimulan ko sa pagpapakita ng mga larawan ng kanyang mga magulang. Pagkukuwento at pagbibigay sa kanya ng kaalamang kakampi ako at hindi kaaway. Unti-unti, sa pagdaan ng bawat araw, kahit paano, gumaganti na s'ya ng ngiti kahit hindi pa s'ya nagsasalita. Pinag-aralan ko rin ang bawat parte ng bahay. Buti na lang walang CCTV sa paligid, tanging mga bodyguards lang ang nakabantay sa amin. Hinahayaan lang naman akong umikot kahit saan, huwag lang sa opisina ni Don Ferdinand. Halos linggo-linggo, tinatanong ako ng matanda kung nakuha ko na ba ang password, at naiinis ito kapag hindi ang aking sagot.
Eksaktong isang buwan ng pahaging na tanungin ko si Kisha tungkol sa password na hinihingi ng matanda. Nagalit ito sa akin at hindi na ako pinansin. Naalarma ako at kinausap s'ya ng masinsinan tungkol sa maaaring mangyari sa magulang ko. Nanatili s'yang nakatingin sa akin at hindi ko mabasa ang iniisip n'ya. Hindi pa rin kasi s'ya nagsasalita. Mayamaya pa, binunot n'ya ang bookmark na nakaipit sa libro na lagi n'yang dala at iniabot sa akin. Nalilitong tinanggap ko ito at tiningnan. Ordinaryong bookmark lang naman ito at may nakasulat na quotes.
"Ang tunay na sikreto sa tagumpay ay pagsisikap at patuloy na pagbangon sa bawat pagkakamali. Sabihin ninyo sa matuwid na ikabubuti nya; sapagka't sila'y magsisikain ng bunga ng kanilang mga gawa."
"Ano yan?" nagulat ako ng biglang hinablot ni Don Ferdinand ang bookmark. Ininspeksiyon iyon at ng walang makita, agad na ibinato sa harapan ko.
"Ano? Wala pa rin ba? Nauubos na ang pasensiya ko!" nakita kong sumiksik sa gilid ng sofa si Kisha habang mahigpit na yakap ang makapal na libro. Pinulot ko naman ang bookmark at ibinulsa. Tumingin ako kay Kisha subalit, iniiwas na n'ya ang paningin. Hanggang lumabas si Don Ferdinand, hindi na ako pinansin ni Kisha. Halatang takot na takot s'ya.
***
Ininspeksiyon kong maigi ang bookmark. Napabuntong-hininga na lang ako dahil nagtataka ako kung bakit ibinigay ni Kisha ito eh hindi naman ako mahilig magbasa at wala akong paggagamitan nito. Ilalapag ko na sana ito sa bedside table ng basahin ko ulit ang quotes dito. Paulit-ulit. Hanggang manlaki ang mga mata ko. Tama! Bakit hindi ko naisip iyon?
***
"Ano 'yang dala mo?" muntik pa akong mapasigaw nang may magsalita sa likuran ko. Pilit na ngiti ang ibinigay ko kay Don Ferdinand ng bigla n'yang agawin ang libro na hawak ko. Pinagpagpag n'ya at binuklat-buklat. Nang walang napala, agad na ibinalik sa akin.
"Iyan 'yung libro na ayaw bitawan ni Kisha 'di ba? Bakit na sa'yo?" nagdudang tanong ng matanda. Lumunok muna ako ng ilang ulit.
"H-hindi kasi ako makatulog, pampaantok. Ibabalik ko rin bukas." Alanganing ngiti ang ibinigay ko bago tumalikod.
"Siguraduhin mong hindi mo ako niloloko. Alam mo na ang mangyayari." Hindi na ako tumugon pa at dali-dali na lang akong pumasok sa kuwarto para malaman kung tama ang aking sapantaha.
***
Inisa-isa ko ang bawat pahina, at nang makita ko ang hinahanap, kinumpara ko sa bookmark ang nakasulat. Parehong-pareho. Agad kong hinanap kung may clue bang makikita sa bawat letra. Binilang ko pa ang bawat pangungusap, subalit parang hindi naman iyon. Hinimas-himas ko ang batok at napagawi ang tingin ko sa pahina ng aklat. Natigilan ako. 501, tatlong numero lang. Dinala na ako sa safe na sinasabi ni Don Ferdinand at apat ang numero na kailangan ilagay. Napatingin ako sa katapat na pahina. 502... Mabilis kong pinagsama ang dalawang numero. Napangiti ako ng apat na numero na ang lumabas. Sana nga ito na iyon.
***
Halos matanggal na ang anit ko sa pagsabunot ni Don Ferdinand sa akin.
"Nauubos na ang pasensiya ko. Ano, wala pa rin ba?" nanlilisik ang mga mata nito sa galit.
"A-alam ko na." Agad naman n'ya akong kinaladkad papuntang isang kuwarto. Pabalya n'ya akong binitawan bago binuksan ang pinto. Halos maiyak ako sa sakit ng sabunutan na naman n'ya ako papasok sa nasabing kuwarto.
Wala namang laman ang kuwarto kung hindi ang safe na nasa dingding. Nalaman ko mula kay Don Ferdinand na solidong bakal ang ginamit kaya hindi nito masira ang safe para mabuksan. Kaya ang tanging paraan na alam nito ay ang password mula kay Kisha.
Kinakabahang pinindot ko ang numerong 1003, kasabay ng panalangin na sana nga ay ito na 'yon, biglang may narinig kaming click. Agad akong tinabig ni Don Ferdinand at s'ya na ang nagbukas ng safe. Nauntog ako sa dingding pero hindi naman ako nawalan ng malay. Agad kong kinuha ang vase na nasa lamesang naroon at ipinukpok sa ulo n'ya. Napaigik s'ya sa sakit at kaya nabitawan n'ya ang folder na naglalaman ng mga dokumento. Agad ko itong kinuha at mabilis na binuksan ang pinto. Walang lingong likod akong tumakbo at sa kusina ako dumaan. Alam kong hindi masyadong tumatambay ang mga guards dito.
Subalit, malapit ko nang maabot ang seradura ng pinto ng maabutan ako ni Don Ferdinand. Agad n'ya akong sinabunutan at iniuntog sa pader. Halos mawalan na ako ng ulirat ng makarinig kami ng putok ng baril sa labas. Isa pang untog sa pader at naramdaman kong dumidilim na ang paligid ko. Pero bago ko tuluyang ipikit ang aking mata, nakita ko pang may pumasok sa kusina, at binaril si Don Ferdinand.
***
Isang linggo rin ang inilagi ko sa ospital bago tuluyan akong nakalabas. Napatay si Don Ferdinand ng isang pulis. Si Kisha ay si papa na ang ginawang guardian n'ya hangga't hindi pa umaabot sa tamang edad para pamahalaan ang lahat ng naiwang ari-arian ng kan'yang magulang. Nalaman ko rin kina papa na hindi pala sila nakuha ni Don Ferdinand. Nagtago muna raw sila at humingi ng tulong sa kinauukulan bago isinagawa ang paglusob. Maimpluwensiyang tao kasi ito at delikado kung basta na lang itong huhulihin ng walang ebidensiya.
Ngayon ay dumalaw kami sa puntod ng mga magulang ni Kisha.
"Ate..." nagulat ako ng tawagin ako ni Kisha. Naluluhang niyakap ko s'ya dahil sa wakas at nagsalita na rin s'ya. Ngumiti lang s'ya sa akin at iniabot ang librong lagi n'yang dala.
"Sa iyo na ito, hindi ko na kailangan 'yan." Nakangiting tinanggap ko ang librong may pamagat na "SA PAMAMAGITAN KO."