Malayah

By itskavii

2.1K 300 566

Isang tagna. Mula sa balon ni Tala ay bumaba ang isang pangitain sa lupa. Sa ika-anim na beses na tangkaing a... More

Malayah
PROLOGO
1. Ang Pagkawala ni Apulatu
2. Ang Kapre sa Balete
3. Ang Mapa
4. Si Mariang Sinukuan
5. Sa Lumang Bahay
6. Ang Tiyanak
7. Kay Mariang Karamot
8. Si Agua
9. Huwad
10. Ang Panlilinlang
11. Sa Tugot
12. Ilang Ilang
13. Engkanto
14. Hiling
15. Ang Ginintuang Kabibe
16. Si Angalo
17. Ang Ikalawang Hiyas
18. Si Aran
19. Sa Makitan
20. Ang Araw
21. Sa Daluti
22. Mga Tadhanang Magkakadikit
23. Anong Tadhana
24. 'Di Kasiguraduhan
25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula
26. Ang Mahiwagang Sandata
27. Si Linsana
28. Adhikaing Maging Babaylan
29. Pagkagayuma
30. Sa Pagkamatay ng Ibon
31. Si Dalikmata
32. Ang Pagpula ng Paruparo
33. Sa Talibon, Bohol
34. Ang Susi Upang Mapakawalan.
35. Ama
36. Ang Itim na Hiyas
37. Kay Daragang Magayon
38. Isang Sugal
39. Ang Kakaibang Pwersa
40. Si Panganoron
41. Mula Sa Akin At Para Sa'yo
42. Umiibig
43. Si Pagtuga
44. Ang Kasal
45. Isang Sumpa
46. Himala
47. Isang Panaginip
48. Si Magayon
50. Portal
51. Ang Tagna
52. Batis Ng Katotohanan
53. Isang Dayo
54. Dalangin
55. Ina
56. Anino

49. Mga Tikbalang

10 2 0
By itskavii

"Andong, ano bang tinititigan mo riyan?"

Nanlaki ang mga mata ng batang si Andong at kaagad nilingon ang kanyang nanay. Mas lalo pang nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang tsinelas na hawak nito.

"Hindi ba't sinabi ko na tulungan mo ang lolo mo sa paggawa ng atsara? Pasok!"

Kaagad na tumakbo papasok sa bahay si Andong at iniwasan ang tsinelas na hawak ng kanyang nanay.

Nang makarating sa likod-bahay si Andong ay nadatnan niya ang kanyang lolo na nakaupo sa isang bangko at nagkakayod ng mga papaya. Lumapit siya rito at umupo sa isang torso.

"Tinitingnan mo na naman ba ang Mayon?"

Tumango si Andong sa kanyang lolo at kumuha ng papaya sa timba at nagsimula itong balatan gamit ang isang kutsilyo. "Totoo naman po ang sinabi ko kagabi 'eh. Talagang nakita ko pong magbuga ng apoy ang bulkan!"

Napanguso si Andong at tila masama pa rin ang loob mula sa pagkakapalo ng kanyang ina sa kanya kagabi matapos niyang bulabugin ang buong kabahayan sa kanyang kalokohan at saka sinabi nitong hindi magandang biro ang pagsabog ng Mayon.

"Totoo naman po talaga 'eh," bulong niya sa mas mahinang tono. "Nakita ko po talaga," sambit nito at tuluyan nang umiyak.

"Haynako! Tumahan ka nga, hijo." Binitawan ng kanyang lolo ang hawak na papaya at hinimas-himas ang likod ng apo upang patahanin ngunit hindi ito tumigil.

Napabuga ng hangin ang matanda at bumulong sa kanyang apo. "Ganito nalang, hijo. May sasabihin ako sa'yong sikreto."

Napatigil sa pag-iyak si Andong at tumingin sa kanyang lolo. Napangiti ang matanda. Kuhang-kuha nito ang kiliti ng apo.

"Sabihin na nating tunay nga ang iyong nakita kagabi. Ngunit... hindi mo iyon maaaring ipagsabi kahit kanino."

Nanlaki ang mga mata ni Andong at napatakip ng bibig. "Hala, sinabi ko na po kila mama."

Tumango ang matanda. "Mabuti na lamang at hindi sila naniwala kung hindi ay lagot ka kay Magayon!"

Napakunot ang noo ni Andong at muling nanlaki ang mata nang makilala ang pangalang binanggit ng kanyang lolo. "Si Magayooon? Ang diwata ng bulkan?"

Tumango ang matanda.

"Ngunit bakit naman siya magagalit sa akin?"

"Sapagkat binubunyag mo ang kanyang sikreto!"

Napasinghap si Andong at napatakip ng bibig. Nanlaki ang kanyang mga mata at inilibot ng tingin ang paligid. At sa maliit niyang boses ay kanyang ibinulong, "Paparusahan niya ba ako, Lolo?"

Napataas ang kilay ng matanda. "Hindi, kung hindi mo na muling babanggitin ang nangyari."

Nagliwanag ang mukha ni Andong at tumango-tango. Itinaas pa niya ang kanang kamay at sumaludo. "Pangako po!" Saad niya at nagpatuloy sa pagbabalat ng papaya.

Napangiti ang matanda sa kanyang apo. Kinuha niyang muli ang mga papaya at ipinagpatuloy ang pagkayod dito. Ilang sandali ay sinulyapan niya ang pigura ng bulkan sa 'di kalayuan.

Sa katunaya'y kanya ring natunghayan ang naudlot na pagsabog ng bulkan. At sa mga sandaling iyon ay napagtanto niyang tuluyan nang nabasag ang sumpang lulan ng kanyang mga ninuno.

Sa paglaho ng kumikinang na kumukulong putik na pinagliliwanag ang bulkan sa gabing iyon ay nabalot nang muli ng kadiliman ang paligid. Ngunit isang bagay ang kanyang natanglawan. Isang aninong mas matingkad pa ang itim na kulay kaysa sa kadiliman ng gabi.

Ang bakunawa.

At sa mga sandaling iyon ay batid ng matanda na nalalapit na ang muling pagbukas ng pinto ng Hiwaga.

At ang trahedyang idudulot ng bakunawa sa bawat nilalang na nabubuhay.

--

Sa paglabas sa portal ay sinalubong sina Malayah ng kadiliman.

"Anong—" Tuluyan na sana siyang matataranta nang may humawak sa kanyang kamay. Akmang aatakihin niya ito nang ito'y magsalita.

"Ako ito, Malayah." Saad ni Lakan.

Nanginginig na hinigpitan ng dalaga ang pagkakahawak sa kamay nito. "N-Nasaan tayo?"

"Sa tingin ko ay sa bunganga ng bulkan. Mabato ang ibaba at hindi maaaninag ang liwanag ng mga ilaw sa kabahayan. Lalong dumilim dahil sa maulap na langit."

Huminga nang malalim si Malayah upang pakalmahin ang sarili. Ipinikit niya ang mga mata upang iwaksi ang katotohanang nababalot siya ng kadiliman.

Napakunot ang kanyang noo noong bitawan ni Lakan ang kanyang kamay. Ngunit patuloy niya na lamang ipinikit ang kanyang mga mata.

Takot si Malayah sa purong kadiliman. Noong siya'y bata pa, sa tuwing nawawalan ng kuryente sa gabi, hangga't hindi pa nasisindihan ang mga lampara, ay sinasabi ng kanyang ama na ipikit niya lamang ang kanyang mga mata at magbilang hanggang sampu.

Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo. Siyam.

Sa paraang iyon ay magkakaroon ng isang ilusyon sa kanyang isipan. Na ang kadilimang nakikita ay dulot lamang ng hindi mulat na mga mata. At sa sandaling kanya na itong idilat, makikita na niya ang liwanag.

Sampu.

Nang imulat niyang muli ang mga mata ay naaninag niya ang mukha ni Lakan dahil sa liwanag ng lamparang hawak-hawak na nito.

Sa tabi ng binata ay naroon na rin sina Sagani at Aran, kapwang may pagtatakang nakatingin sa dalaga. Kinuha ni Malayah ang lampara mula kay Lakan.

Itinaas niya ito upang matanglawan ang paligid. At doon ay naaninag nila ang tila mataas na pader na nakapalibot sa pabilog na espasyong kanilang kinaroroonan. Ang bunganga ng bulkan.

Nilingon niya ang mga kasama. "Paano tayo makakaalis dito?"

Masyadong mataas ang pader na nakapalibot sa bunganga ng bulkan. Hindi naman ito maaaring akyatin at wala rin silang lubid na magagamit upang makaalis.

"Kung huwag nalang kaya tayong umalis?" Saad ni Lakan at kinuha sa bulsa ang isang sisidlang tela. Inilahad niya ito kay Malayah at nakangiti'y kanyang tinuran, "Dumiretso na tayo sa Hiwaga."

Nakangiting tinanggap ni Malayah ang sisidlan. Ilang sandali ay kanya lamang itong tinitigan. Tila hindi makapaniwalang nasa kanyang kamay na ang mga hiyas. Na sa wakas ay makakarating na siya sa Hiwaga at maiuuwi na ang ama.

Mula sa mga ulap ay lumitaw nang muli ang buwan sa langit. Iniangat ni Malayah ang sisidlan at itinapat sa buwan upang masilayan ang makukulay na kinang ng mga hiyas.

Ngunit hindi lamang ang kinang ng mga ito ang kanyang nakita.

Sa itaas ng bunganga ng bulkan ay mayroong mga anino ng ilang mga nilalang ang unti-unting lumitaw. Ngunit sa patuloy na paglapit nito sa banging kanilang kinaroroonan ay kanilang nasilayan ang mga ulo nitong kagaya ng sa mga kabayo at ang mga katawang tila mga tao.

Kalahating tao, kalahating kabayo.

Dahan-dahang ibinaba ni Malayah ang hawak na sisidlan upang makita nang mabuti ang mga bagong dating.

"...Ang mga hiyas ay sagrado. Maraming mga nilalang ang nais makapunta o makauwi sa kabilang mundo. Lahat ay gagawin upang mapasakamay ang mga hiyas. Hindi lamang tayo ang naghahanap dito."

Kaagad na napaatras si Malayah at mahigpit na hinagkan ang sisidlan ng mga hiyas sa kanyang mga palad. Sapagkat tila batid niya ang pakay ng mga nilalang na naririto.

Nais ng mga tikbalang na kuhanin sa kanila ang mga hiyas.

--

Higit dalawang buwan na ang nakakalipas nang dakipin ng hindi kilalang nilalang ang anak ni Magwen. Maski ang kanyang apo ay lumisan din nang malaman ang nagyari sa ama.

Sa loob ng panahong iyon ay mag-isa lamang si Magwen sa kanilang tahanan. Bawat araw ay pinupuno ang kanyang puso ng lumbay at pag-aalala para sa anak na si Apulatu habang poot naman ang nararamdaman sa biglaang paglisan ng apo na si Malayah.

Isang araw ay napagdesisyunan niyang hanapin ang mag-ama. Nagtungo siya sa bayan at pinuntahan ang isang manghuhula sa likod ng simbahan. Doo'y hiningi niya ang tulong nito upang malaman ang kinaroroonan nina Apulatu at Malayah.

Walang lumitaw sa bolang kristal nang itanong dito ang kinaroroonan ng anak ni Magwen. Bagkus ay muling lumitaw lamang ang eksena sa pagitan ni Apulatu at ng isang estrangherong nakasalakot bago pa man ito madukot. May pagtataka itong tinitigan ng manghuhula sapagkat tila pamilyar ito sa kanya.

Sumunod naman ay lumitaw ang kinaroroonan ni Malayah. Kasama ang tatlong mga estranghero ay umaakyat ito sa katawan ng bulkang Mayon.

"Mahabaging Bathala!" Bulalas ni Magwen. "Anong ginagawa niya riyan?"

Inilapit ng manghuhula ang kanyang mukha sa bolang kristal upang makita nang mas malinaw ang imahe. "Ah! Kilala ko ang dalagang iyan."

Napalingon si Magwen sa manghuhula.

Tumango ito sa kanya. "Kung hindi pa gasgas ang aking memorya, nagtungo siya rito noon upang alamin ang kinaroroonan ng kanyang ama—" Nanlaki ang mga mata ng manghuhula nang mapagtanto kung bakit pamilyar ang unang imaheng ipinakita ng kristal. "Tama! Hinahanap niya rin ang pinapahanap mo sa akin."

Napatitig si Magwen sa imahe ng kanyang apo sa bolang kristal. "Hinahanap niya ang kanyang ama kung kaya't siya'y lumisan?" Mahina niyang sambit sa sarili. Lumapit siya sa bolang kristal at madiin itong hinawakan. "Anong kahibangan ang ginagawa mo, Malayah!?" Hiyaw niya sa kristal na tila ba inaakalang maririnig ito ng dalaga.

Hinablot ng manghuhula mula sa pagkakahawak ni Magwen ang kanyang bolang kristal. "Ingat naman, mahal kaya ito."

"Anong ginagawa roon ni Malayah?"

Napaisip ang manghuhula. "Sa pagkakaalam ko ay hinahanap ang mga hiyas. Alam mo ba kung ano ang mga ito? Halika't ikukuwento ko sa—"

Hindi na naituloy ng manghuhula ang kanyang sinasabi at napanguso nang walang paalam na lumisan ang matanda. Napairap na lamang siya at napabulong, "Bakit ba ayaw na ayaw nila ang mga kuwento ko?"

Patuloy ang paglalakad ni Magwen. Batid niya kung ano ang mga hiyas. Ito'y portal patungo sa kabilang mundo.

Napahinto si Magwen nang may mapagtanto.

Hindi talaga si Apulatu ang pakay ng nilalang na dumukot dito. Ang nais nito'y papuntahin si Malayah sa kabilang mundo upang maihanay muli ang guhit ng tadhana sa sinaunang tagnang nakatakda nang mangyari.

Napayukom ang mga kamao ni Magwen. Alam niyang hindi nanaisin ni Apulatu na matupad ang tagnang nakaguhit sa palad ni Malayah. At kung hindi ito nais ng kanyang anak, hindi rin hahayaan ni Magwen na mangyari ito.

Nagtungo siya sa kuta ng mga nilalang na tiyak niyang makakatulong sa kanya. Ang mga tikbalang.

"Hindi ba't hinahanap ninyo ang mga hiyas?"

Nagkatinginan ang mga nilalang.

"Alam ko kung nasaan ang mga ito."

Pinagmasdan ni Magwen ang paglisan ng mga tikbalang matapos niyang sabihin ang kinaroroonan ng kanyang apo at ng mga kasama nito.

Napahinga siya nang malalim at napatango sa sarili. "Tama ang aking ginawa. Hindi dapat makarating ng Hiwaga si Malayah."

***

Continue Reading

You'll Also Like

215K 6.9K 55
Ace Academy is a school that has a high standard students which are capable of d0ing things cann0t be d0ne by a n0rmal pe0ple. What if yung kinagisn...
86.2K 3.1K 53
New fantasy story! And I hope you'll spare time to read this! This story is about the girl who escaped from her own reality. But later on, she disco...
114K 7.7K 67
𝐈𝐤𝐚-𝐮𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐥𝐢𝐛𝐫𝐨 𝐧𝐠 '𝐕𝐈𝐑𝐓𝐔𝐀𝐋 𝐑𝐄𝐀𝐋𝐈𝐓𝐘 - 𝐓𝐑𝐈𝐋𝐎𝐆𝐘' |||𝐓𝐀𝐆𝐀𝐋𝐎𝐆 𝐕𝐄𝐑𝐒𝐈𝐎𝐍||| Dahil sa paghahanap ng gustong...
28K 1.3K 55
Do you want to study in X.O.S Academy? An academy in an extraordinary world? A world that no one think exist. A world where you are obliged to play a...