HHC featuring: LEILAH anak ng...

Da ajeomma

193K 1.5K 176

Sa loob ng dalawawpu't limang taong pagsasama ay hindi pa rin mabiyayaan kahit isang supling ang mag-asawang... Altro

HHC featuring: LEILAH anak ng diablo
Unang kabanata: mata ng lagim
Kabanata 3: kweba ng Maestro
Kabanata 4: ang takot ni Allen

Kabanata 2: ang matanda

8.3K 297 41
Da ajeomma

Nang magkamalay ay agad na inilinga ni Rebecca ang paningin sa kinaroroonan.

Nasisiguro niyang hindi iyon ang loob ng kanilang silid. Agad siyang bumangon.

"Allen..", tawag niya sa asawa nang makita. May kausap itong isang unipormadong babae.

Agad namang lumapit sa kanya ang asawang tinawag. Nakasunod dito ang babaeng hula niya ay isang nurse.

"Kamusta na ang pakiramdam mo?", nag aalalang tanong ni Allen habang maingat na inaalalayan ang kanyang pag upo.

"Hello po, mam! Okey na po ba kayo?", nakangiting tanong ng babae.

Gumanti ng ngiti si Rebecca matapos makaupo nang maayos at saka sumagot.

Lumapit naman sa kanya ang babae na natiyak niyang nurse nga. Maingat siya nitong pinulsuhan. Tinignan din nito ang blood pressure niya at pagkatapos sabihing normal ay magalang nang nagpaalam

"Dinala ka dito ng driver ng dyip nang mawalan ka ng malay. Ano ba ang nangyari sa iyo at agad ka raw tumawid ng kalsada? Muntik ka na tuloy masagasaan.", tanong ng asawa nang sila na lamang ang naroroon.

"Ilabas mo na muna ako dito at saka ko na sasabihin sa iyo lahat-lahat. Nahilo lang ako kanina kaya ako hinimatay. Ni katiting ay walang diprensiyang nangyari sa akin. Walang kasalanan ang driver dahil ako ang hindi tumitingin sa tinatawiran ko. Umuwi na tayo, iuwi mo na ako, ha.", nakangiti at excited na sabi ng ginang.

"Sa lahat naman ng muntik nang masagasaan ay ikaw itong nagagawa pang ngumiti.", naiiling na sabi ni Allen.

Naglalambing na inakap ng ginang ang braso ng asawa matapos ngitian ng matamis.

Naiayos naman agad ni Allen ang dapat bayaran sa ilang oras na pananatili nito sa klinikang malapit lang din sa palengke ng lugar na iyon.

Nasa loob na sila ng kotseng sinasakyan nang umpisahan ng ginang ang pagkukwento, mula sa umpisa.

"Pero ang layo ng Bicol at wala tayong kakilala roon. Kung sana man lang ay may makakasama tayo na nakakaalam ng lugar na sinasabi mo. Hahanapin pa natin ang lumang San Martin at ang Maestro. Hindi tayo makakabalik agad dito sa Manila kapag nagkataon.", hindi tahasang pagtanggi ni Allen.

"Pero Mahal, sulit naman ang hirap natin kung sakali. Anak ang kapalit ng pagsasakripisyong gagawin natin. Sige na, wala namang mawawala kung susubukan natin hindi ba? Huli na ito. Kapag wala pa ring nangyari ay papayag na akong mag ampon na lang tayo. Sige na Mahal, last na. Pagbigyan mo na ako, pleeeease.", pangungulit ni Rebecca. Nakadukwang ito sa mukha ng asawang nagmamaneho.

"Paano pa ako tatanggi kung ganyang napakakulit mo. Okey, pupunta tayo ng San Martin sa lalong madaling panahon.", nasabi ng lalaki.

"I love you! I love you! I love you!", tuwang-tuwang sabi ni Rebecca kasunod nang pagpupupog ng halik sa kanang bahagi ng pisngi ng asawa.

"Ano ka ba naman, mabubunggo tayo sa ginagawa mo eh.", kunwang pananaway ni Allen ngunit aliw na aliw sa paglalambing na ginagawa ng asawa.

Kapag may hihilingin ito ay malambing na 'mahal' ang itinatawag sa kanya at kapag napagbigyan niya ay talagang paghahalikan siya sa buong palibot ng mukha. Kahit may edad na sila ay para pa rin silang mga teenager kung maglambingan. Kung wala lang siya sa harap ng manibela ay tiyak na mauuwi sa mainit na pagtatalik ang paglalambing na iyon ng kanyang misis.

Hindi niya ito kayang tanggihan. Lalo na kung ang gusto nitong subukan ay tungkol sa pagkakaroon nila ng anak.

Tatlong araw ang hininging leave ni Allen sa opisina. Siya ang may pinaka mataas na posisyon sa pinagtatrabahuhan at pinagkakatiwalaan ng may ari. Ang desisyon niya ay siya ring desisyon ng pinaka boss. Ang utak niya ang nagpapatakbo sa negosyo ng amo kaya naman lahat ng pabor ay ibinibigay sa kanya.

Madaling araw pa lang ay nakahanda na sila sa gagawing pag alis. Mahabang byahe ang kanilang lalakbayin bago makarating ng San Martin.

Padilim na nang marating nila ang lugar. Mahigit labing dalawang oras inabot ang byahe nila kasama na ang ilang beses na paghinto sa mga karinderia upang umihi, kumain at makapag pahinga.

Ipinarada nila ang dalang sasakyan sa isang malawak na bakanteng lote na sadyang para sa mga magpapalipas ng magdamag sa mga paupahang kwarto na yari sa kawayan.

"Ang ganda dito at napakasarap ng hangin.", humahangang sabi ni Rebecca habang iginagala ang paningin sa kulay luntiang paligid.

Si Allen naman ay agad na nag unat ng katawan pagkababa sa sasakyan.

Nakangiting lumapit sa asawa ang ginang at hinaplos ang likod nito.

Sandali pa at nilapitan na sila ng isang babae.

"Magandang hapon po ate, kuya. Ako po si Maria, ang namamahala dito. Kukuha po ba kayo ng silid?", nakangiti nitong tanong.

Nang sumagot ang mag asawa ay sinamahan na sila ni Maria sa isang maliit ngunit maayos na kubo.

"May kantina po tayo sa harapan. Kung may kailangan po kayo ay doon n'yo rin po ako matatagpuan.", sabi nito habang binibilang ang ibinayad nila. Nagpaalam na ito pagkatapos.

Palabas na ito ng pintuan nang habulin ni Rebecca.

"Ah.., eh, Maria. Saan ba ang daan papunta sa lumang San Martin?", nakangiting tanong ng ginang.

Saglit na natigilan ang babae at bahagyang nangunot ang noo.

"Ho? Wala naman pong San Martin na luma dito sa amin. Nandito na po kayo sa San Martin, pero ang lumang San Martin na itinatanong n'yo ay hindi ko po alam.", nagtatakang sagot ni Maria.

Nagkatinginan ang mag asawa. Nagulat sa sinabi ng kausap nila. Gayung nang papunta pa lang ay may ilang tao silang napagtanungan kung saan matatagpuan ang lumang San Martin.

At ang direksyong itinuro ng mga ito ang siya ngang pinuntahan nila kaya sila nakarating sa kinaroroonan nila ngayon. Walang nagsabi sa kanila na walang lumang San Martin. Kaya nagtataka sila sa sinabi ng babaeng kausap.

"Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Maria?", paniniyak na tanong ni Allen. Nakita nito ang panlulumo sa itsura ng maybahay pagkarinig sa sinabi ng babaeng tagapamahala ng mga paupahan kaya muli niyang tinanong.

"Opo, kuya. Tagarito po ako eh. Dito na po ako nagkaisip at lumaki. Sigurado po ako na iisa lang ang San Martin at dito nga po iyon pero wala na pong iba pa luma man o bago.", paliwanag ng babae.

Walang kakibo-kibo si Rebecca. Nakaalis na si Maria ay nakaupo pa rin ito sa papag at hindi nagsasalita. Malungkot ang mukha at ang mga mata ay nag uumpisa nang pangilidan ng luha.

Nahabag si Allen sa nakitang anyo ng asawa. Nilapitan niya ito. Lumuhod siya sa harapan ng kabiyak at maingat na iniangat ang baba upang magtagpo ang kanilang mga mata. Sinubukan niyang ito ay aluin.

"Huwag ka agad malungkot, Rebecca. Malay natin kung hindi naman sigurado ang impormasyong sinabi niya. Magtatanung-tanong pa rin tayo sa ibang tagarito. Bata pa si Maria at maaaring hindi lang niya alam ang lahat ng bagay tungkol dito sa kanilang lugar. Maaaring ang matatanda at taal na tagarito ang siyang nakakaalam kung saan natin matatagpuan ang lumang San Martin na sinabi sa iyo ng nakausap mo sa palengke.", pagpapalakas loob niya sa asawa.

"Paano kung wala ngang ganung lugar dito gaya ng sabi ni Maria?", nanginginig ang tinig na tanong ng ginang.

"Kaya nga hahanapin natin, pambihira ka. Ngayon ka pa ba naman susuko eh nandito na tayo? Ikaw nga itong maysabi na walang mawawala kung susubukan natin, hindi ba? Kaya huwag kang mawawalan agad ng loob.", patuloy na pagpapagaan ni Allen sa pagdaramdam ng kabiyak.

"Salamat, Allen. Napakaswerte ko sa iyong pagmamahal.", matapat na sabi ni Rebecca at pagkatapos ay mahigpit na niyakap ang lalaking nakangiti sa kanya.

"Hindi ko alam kung tama ba na paasahin kita, mahal ko. Ngunit higit akong nahihirapang makita kang nalulungkot at umiiyak. Hahanapin natin ang lumang San Martin. Makikita natin ang Maestro na makakatulong sa atin upang magkaanak.", bulong ng isipan ni Allen habang nakakulong sa mga bisig ang katawan ng kabiyak.

"Halika na muna doon sa kantina at tignan natin kung ano ang makakain. Masarap magluto ang mga bicolana.", masiglang aya niya sa asawang napangiti na at sumigla nang bahagya.

Nang makapili ng pagkain ay dinala na nila ang tray sa gawing gilid ng kantina. Bagama't wala namang ibang taong naroroon maliban sa kanila ay napagkasunduan nilang mag asawa, na sa bandang sulok na lamang pumwesto. Mas makakain sila nang maayos kung walang makikiraan at makakabunggo sa kanila kung sakaling may iba pang magpapasukan at kakain din.

Nakakailang subo na sila nang parehong magulat.

"Ang lumang San Martin ba ang hinahanap n'yo?", tanong ng matandang babae na puro puti ang mahabang buhok.

Agad na napalingon si Rebecca sa mesang nasa likuran niya kung saan nagmula ang tinig ng matandang babae.

Mabilis namang isinungaw ni Allen ang mukha at tinignan ang nagsalita. Takang-taka siya kung saan nagdaan ang matandang babae at bigla na lamang ay nakaupo na ito sa kabilang mesa paharap sa kanila.

Nilingon pa niya ang pintuang pinasok nilang mag asawa. Isang pintuan lang ang entrance na siya na ring exit ng kantina kung kaya't nagtataka siya kung saan ito nagdaan. Bago makarating sa mesang kinaroroonan nito ngayon, dapat ay madaanan muna sila!

Tatanungin sana niya ang matanda kung saan nagdaan ngunit naunahan na siya ng asawa.

"Alam n'yo ho ang lugar na 'yon?", excited na tanong ni Rebecca. Pagkatapos ay nakangiting luminga sa kanya. Nagniningning ang mga mata nito sa tuwa.

Napansin niya ang matalim na tinging ipinukol ng matanda sa kanya at ang pagngisi nito nang pumaling sa kanya ang mukha ng kabiyak.

"Allen..., tama ka! Tama ka!", tuwang-tuwang sabi ni Rebecca.

"Allen?", pag uulit na tawag nito sa kanya kasunod nang mahigpit na paghawak sa kanyang kamay.

Alanganing tango at ngiti ang itinugon niya.

Mabilis na pumaling uli ang mukha ni Rebecca sa matandang babae.

"Ako si Rosa, isa ako sa pinagpalang makarating sa lumang San Martin na hinahanap ninyo. Hindi lahat ng tagarito ay nabigyan ng karapatang malaman at marating ang banal na tahanan ng Maestro. Mapalad kayo sapagkat nag krus ang ating mga landas.", sabi ng matanda.

"Kung ganun ho, maaari n'yo kaming samahan?", mas pursigidong pag uurirat ni Rebecca.

"Maaari. Ngunit ngayon na tayo aalis.", sagot ng matanda.

"Pero gabi na ho, Aling Rosa. Kalat na ang dilim sa buong paligid.", hindi tahasang pagtutol ni Allen. Kinakabahan siya sa galaw ng mga mata ng matanda.

Pakiramdam niya ay hindi ito maaaring pagkatiwalaan.

A/N

Ita try ko po na mai post ang isa pang chapter ngayong gabi. Pansamantala ay ito po muna.

Salamat po sa pang-unawa.. (*^__^*)

Continua a leggere

Ti piacerà anche

31.6K 1.7K 38
How can you get into the world of a person who doesn't know the meaning of love? Someone who's independent enough to stand on her own feet. Someone e...
20.2M 451K 79
AlphaBakaTa Trilogy [Book1]: Alphabet of Death (The Arrival of Unforgiveness) Handa ka na bang harapin ang iyong kamatayan sa pamamagitan ng letrang...
64.7K 2.4K 36
Mga matang hindi pangkaraniwan... Mga matang nakakakita ng mga kababalaghan... Ito ba'y isang sumpa? O isang magandang biyaya? Sino nga ba si Esmeral...
38.9K 758 27
"Habang nasatabi ko si Yano hinding hindi ako matatakot." Iyon ang sinabi ni Mia, ngunit paaano kung magising siya isang araw na wala na sa tabi niy...