Song: She Knows by J. Cole
Pag sinabi nating kaibigan, ano ang unang pumapasok sa ating isipan? Ito ba ay ang taong iyong maasahan o sila lamang ay nandiyan sa oras na sila ay may kailangan? Paano kung mabibigyan ka ng pagkakataong malaman ang nilalaman ng kanilang isipan, tatanggapin mo ba?
CHAPTER 1: Intuition
Isang napaka-init na umaga ang panahon ngayon. Sa sobrang init ay magagawa mo nang makapagluto ng itlog sa gitna ng daan na hindi ginagamitan ng kalan. Hindi nagtagal ay tumunog rin ang bell ng paaralan, simbolo na tapos na ang klase ng mga estudyanteng pang-umaga. Ang tarangkahan ng paaralan ay unti-unting naging masikip sa dami ng mga estudyanteng lumalabas sa paaralan, gayun din ang mga estudyanteng panghapon na pumapasok ng paaralan.
Di kalayuan sa paaralan ay matatagpuan ang tahanan ng isang babaeng nagngangalang Sasha na kasalukuyan ay nakikipagsagutan sa kanyang ina. Ayaw ni Sasha na pumasok ng paaralan noong mga oras na iyon ngunit gusto ng kanyang ina na pumasok siya.
"Ma, ayokong pumasok!" ani Sasha na nagmamakaawang payagan siyang lumiban sa klase.
"Anak, dalawang linggo ka nang absent! Ano na lang ang matutunan mo dito sa bahay?" tugon ng kanyang inang nag-aalboroto sa kanya. "Papasok ka sa ayaw at sa gusto mo!"
"Pero ma-"
"Wag ka nang sumagot, magbihis ka na at male-late ka pa!" utos ng kanyang ina sa kanya.
Dahil dito, wala nang nagawa si Sasha kung hindi ang pumasok na lang matapos ang dalawang linggong pag-absent sa school. Inayos niya ang kanyang sarili habang siya'y nakasimangot at mabigat ang nararamdaman. Lumabas siya sa kanilang tahanan nang hindi man lang pinapansin ang nanay niya.
Sinimulan niya na ang paglalakad patungo sa paaralan hanggang sa marating niya ito. Malakas ang kabog ng dibdib niya habang nakatingin sa harap ng paaralan, ni hindi siya makagalaw sa takot na pumasok rito. Marahan niyang iginalaw ang kanyang mga paa papasok sa paaralan. Ang kanyang mga pawis ay unti-unting naglabasan mula sa kanyang noo at marahang tumutulo sa lupa.
Kanyang inakyat ang kataasan ng kanilang classroom na nasa 3rd floor pa ng building. Init, pagod, at kaba ang kanyang kalaban sa pagpapatuloy niya sa kanilang classroom. Nang marating niya ang classroom, agad siyang umupo sa kanyang silya ngunit may naka-upo na dito. Isang babaeng hindi niya pa nasisilayan noon, isang bagong babae na kinagigiliwan ng lahat.
"Hi, I'm V!" pagpapakilala ng babae. "Nice to meet you!"
"Uh... V, pwe- pwesto ko kasi yan!" tugon ni Sasha.
"Oh, pwesto mo pala ito! Dito kasi ako pina-upo ni Ma'am Ben eh!" pagpapaliwanag ni V.
"Ah! Sige, ok lang!" sagot na lang ni Sasha.
Laking gulat ni Sasha nang siya'y lapitan na lang bigla ni Risa at sinabing "Uy, Sash! Pumasok ka na pala!". Sinamahan niya si Sasha sa hindi okupadong silya sa tabi niya at sinabing "Dito ka oh, sa tabi namin!".
Noon ding mga oras na iyon ay pumasok sina Niña, Angel, at Jake - mga kaibigan ni Risa at Sasha na noon ay tuwang-tuwang makita si Sasha sa muli nitong pagbabalik.
"Uy, Sasha! Bakit absent ka nang two weeks?" tanong sa kanya ni Niña.
Sasagutin na sana ito ni Sasha ngunit naunahan siyang magsalita ni Angel.
"Hindi na mahalaga yun, ang mahalaga ay bumalik na siya!" ani naman ni Angel.
"Bakla, di mo man lang hinayaang magsalita si Sash!" ani Jake.
"Sorry naman baks, na-excite lang ako masyado kasi namiss ko si Sasha!"
Hindi maipinta sa mga mukha ni Sasha ang inis na nadarama kaya naman gumawa na lamang siya ng excuse upang makaalis.
"Guys, magsi-cr lang ako ah!" aniya.
"Sige besh!" tugon ni Angel.
Tumakbo papalayo si Sasha at agad na nagtungo sa cr. Siyang tumingin sa salamin at dito'y unti-unting tumulo ang kanyang mga luha. Ang bigat sa kanyang dibdib ay unti-unting naglaho sa pagtulo ng kanyang mga luha subalit bumaha man ng luha sa cr ay walang nakaririnig ng kanyang mga sigaw. Pumasok si V sa cr at natagpuan siyang humahagulgol nang walang ginagawang kahit isang ingay man lang.
"Hey!" ani V.
Agad nahimasmasan si Sasha at pinunasan ang kanyang mga mata.
"Umiiyak ka?" tanong sa kanya ni V.
"Ako? Umiiyak? Hindi ah!" tugon ni Sasha.
"You know, pwede mong itago ang lahat sa kahit sino... maliban sa akin!" ani V. "Tell me, ano bang nangyari?"
"V, ayoko! Kaya kong resolbahan lahat ng mga problema ko!" pabalang na sagot ni Sasha kay V.
"What if I have the power to solve your problem? Would you take it?" tanong sa kanya ni V.
Hindi na napigilan ni Sasha na sumigaw. "Ano ba?!" malakas na sambit ni Sasha. "Di makaintindi? Di ko nga sabi kailangan ng tulong mo!"
"Well, I have the power over your so-called friends! In fact, kaya nga kita iganti eh!" prangkang tugon ni V.
Napakunot ang noo ni Sasha at napatanong "Pe- pero paano mo nalaman na problema ko yung mga kaibigan ko?"
Napahalakhak lamang si V at sinabing "Ano ka ba?! As I said, I HAVE THE POWER!"
"Ok, fine!" ani Sasha. "Kaya mo ba talaga akong iganti sa mga plastikadang bait-baitang mga taong iyon na walang ibang ginawa kung hindi ang magpakalat ng mga chismis tungkol sa akin?"
"I sure can!" tugon ni V.
Pumitik si V at malahimalang isang card ang lumabas sa kanyang kamay kaya naman nanlaki ang mga mata ni Sasha sa kanyang nakita.
"Itong card na ito, may kapangyarihan itong manipulahin ang tadhana!" pagpapaliwanag ni V. "Bibigyan kita ng kapangyarihang malaman ang kanilang mga plano sa kung paanong paraan man!"
"Wait, kaya mo yun?!" tanong ni Sasha habang tinitingnan ang card na animo'y nagliliwanag at kumikinang.
"Oo naman!" sagot ni V. "In fact, makakalimutan mo ngang binigyan kita ng ganitong kapangyarihan eh!"
Inihagis ni V ang card sa sahig at biglang umusok ang buong paligid, dahilan upang mawalan ng malay si Sasha at mapahiga sa sahig ng cr.
Hindi nagtagal ay nakita ni Risa at Niña si Sasha na walang malay sa loob ng cr. Ginising nila ito at agad din naman itong nagkamalay. Inalayan nila si Sasha hanggang sa ito'y makatayo.
"Anong nangyari?" buong pagtatakang tanong ni Sasha.
"Hindi namin alam sayo!" tugon ni Niña.
"Oo nga, nakita ka lang namin diyan na walang malay!" tugon naman ni Risa.
Napag-isipan nilang lumabas na lamang sa cr at bumalik sa kanilang classroom lalo pa ngayon ay nagtuturo na ang kanilang guro. Habang silang tatlo'y naglalakad pabalik sa kanilang classroom ay biglaang sumagi sa isipan ni Sasha ang isang pangyayari habang siya'y walang malay na nakahiga sa sahig ng cr. Malinaw at kitang-kita niya na kinuha ni Niña ang kanyang cellphone at siya'y kinuhaan ng litrato. Matapos nito ay saka lamang siya sinubukang gisingin ng mga ito.
"Pinicture-an niyo ba ako habang wala akong malay sa cr?" biglaang tanong ni Sasha sa dalawa.
Napalunok ang dalawa at tila hindi makapaniwala sa sinabi ni Sasha.
"Ano ka ba?" ani Niña. "Bakit ka naman namin pi-picture-an?!"
Tumango si Risa at sumang-ayon sa sinabi ni Niña. "Oo nga naman, bakit naman namin gagawin yun?!"
"Wala, pumasok lang sa isip ko!" tugon naman ni Sasha.
Sa kanilang pagbabalik sa classroom ay agad na sinulyapan ni V si Sasha at kanya itong binigyan ng isang ngiti.
Lumipas ang mga oras at doon ay sumapit na din sa wakas ang oras ng recess. Lumabas ang lahat upang bumili ng kani-kanilang mga pagkain. Sumagi na naman muli sa isip ni Sasha ang isang pangyayari kung saan ay pilit na kinukuha ni Angel ang kanyang pitaka upang magpalibre sa kanya. Upang mawala ito sa isipan, kanyang kinusot ang mga mata na siya rin namang paglapit sa kanya ni Angel upang yayain magpunta sa canteen.
Papayag na sana si Sasha na magpunta sa canteen kasama si Angel ngunit pinigilan siya ni V.
"Sasha, 'di ba sabi mo magpapaturo ka ng math?" ani V. "Tara!"
Walang nagawa si Sasha kung hindi ang sumama kay V at wala na ding nagawa si Angel at nagtungo na lang sa canteen nang mag-isa. Naupo sina V at Sasha at pinag-usapan ang mga nangyayari.
"V, parang ang weird ng pakiramdam ko!" ani Sasha. "Kung ano-ano na lang ang pumapasok sa isip ko na parang premunisyon, ganun!"
"Anong mga nakikita mo?" seryosong tanong sa kanya ni V.
"Nung una, nakita ko na pinicture-an ako nina Niña at Risa habang wala akong malay sa cr, tapos ngayon naman, nakita ko naman na kinukuha ni Angel yung wallet ko para magpalibre!" buong detalyeng pagsasalaysay ni Sasha ng kanyang mga nakikita sa kanyang isipan.
"Yan ay mga totoong nangyari at mangyayari!" tugon ni V. "Ang mga yan ay mga babala laban sa kanila!"
Sa punto ding iyon ay isa na namang pangyayari ang nakita ni Sasha, ito ay si Angel na makikitang nagbubukas ng kanyang Facebook account at saka magpopost ng katagang "Kung ayaw mo na sa amin, sana sinabi mo na lang, hindi yung kung ano-ano pang dinadahilan mo!" na kanya din agad ipinaalam kay V.
"Nakita ko si Angel, nagpopost siya tungkol sa akin!" pagsasalaysay ni Sasha.
"You mean, this?" kinuha ni V ang kanyang cellphone at maya-maya pa'y biglang tumunog ito gawa ng notification tungkol sa post ni Angel.
Nanlaki ang mga mata ni Sasha at siya'y napanganga. Hindi niya akalaing ang kanina lang isang premunisyon, ngayo'y isa nang katotohanan.
"Yung picture mo na walang malay sa cr, madali lang gawan ng paraan iyan!" buong pagmamalaki ni V. "Sa isang pitik ko lang, magiging sila na ang nakahiga sa sahig at hindi na ikaw!"
Pinitik ni V ang kanyang daliri at sa mga sandaling iyon ay nagbago na rin ang hitsura ng larawan.
Binuksan ni V ang gallery ng kanyang cellphone sabay sabing "Tingnan mo!", at doo'y makikita ang larawan nina Risa at Niña na nakahiga at walang malay sa loib ng cr. "Gusto mo ipakalat ko ito?" paghamon ni V kay Sasha.
Dahil dito'y biglang pumasok sa isip ni Sasha na aabangan siya sa gate ng kanyang mga kaibigan sa oras na kumalat ito kaya naman ang naging tugon niya'y "Huwag! Aabangan nila ako sa gate!"
Napahalakhak na lamang si V na animo'y isang baliw. "Ganon ba?" tanong ni V, "Edi i-post na natin!"
Agad na kumalat ang litrato sa buong school kaya naman nang makita ito nina Risa at Niña ay nagplano na silang abangan si Sasha sa gate ng paaralan.
Tila isang bulkang sumabog si Sasha sa ginawa ni V. "Ano ba?! Ba't mo ginawa iyon?" sambit ni Sasha. "Nasa panganib na nga ako, dadalhin mo pa ko sa mas mapanganib pa!"
Dahil dito'y pinili ni Sasha na dumistansiya kay V at nang magsimula ang klase ay lumayo din siya sa kanyang mga "kaibigan" upang makaiwas sa mas malalang gulo.
Nang mag-uwian ay laking pasasalamat ni Sasha sapagkat natapos din ang araw. Subalit paulit-ulit na pumapasok sa kanyang isipan ang pambubugbog sa kanya ng mga "kaibigan" niya sa labas kaya naman ma-ingat siyang lumabas ng school. Sa kanyang paglabas, wala siyang namataang panganib kaya naman laking tuwa niyang makaka-uwi siya nang ligtas.
Sa isang kalsadang madilim niya napiling dumaan na ang tanging liwanag lang ay mga ilaw na mula sa mga kabahayan. Laking gulat na lamang niya nang may humila sa kanyang backpack at sinimulan siyang pagsusuntukin at pagsisipain ng mga taong hindi niya maaninag. Tumigil din naman ang mga ito nang biglang may sumipol sa kanilang isang babae at pinakitang siya ay naka-facebok live at nakikita ang pang-aaping kanilang ginagawa.
Dahil dito'y dinala sila Niña, Risa, Angel, at Jake sa guidance office at pinatawan ng dalawang buwang suspension bilang parusa. Nang makawala sa kamay ng mga mapang-abuso niyang mga kaibigan ay lumapit sa kanya sina Nancy at Tiara na kanila ring kaklase.
"Uy, alam mo, nakita namin kung paano sila magbait-baitan sayo!" ani Tiara.
"Oo nga, pasensya na ah, di ka namin natulungan kasi natatakot din kasi kami!" tugon naman ni Nancy.
"Ayos lang yun, at least nagtanda naman na siguro sila!" sambit na lamang ni Sasha.