PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf...

By YroEno

8.5K 152 14

"Gising ako sa buong magdamag, Aurora. Kinatatakutan ko ang magiging reaksiyon mo sa pagkatuklas mo sa pagkat... More

Martha Cecilia - The Wolf & The Beauty
PROLOGUE
Chapter One
Chapter Two
Chapter Three
Chapter Four
Chapter Five
Chapter Six
Chapter Seven
Chapter Eight
Chapter Nine
Chapter Ten
Chapter Eleven
Chapter Twelve
Chapter Thirteen
Chapter Fifteen
Chapter Sixteen
Chapter Seventeen
Chapter Eighteen
Chapter Nineteen - Last Part

Chapter Fourteen

334 6 1
By YroEno


DAHIL alas-onse pasado na nang magising ang dalawang babae ay tanghali na rin silang nakaalis ng Makati. Nananghalian muna sila sa isa sa mga restaurant sa Greenbelt. Gamit ang Montero Sports ni Lukas na nakaparada lang sa parking space sa building ay nakarating sila sa Meycauayan ng alas-dos na halos ng hapon.

Nang ipaparada ni Aurora ang sasakyan nito sa gilid ng driveway ay natanaw na nila ang kotse niya sa loob ng bakuran. May nakita rin siyang delivery truck.

Sinalubong sila ni Magbanua. "Sa SM Marilao ko na lang in-order ang mga kama at ilang kagamitang kahalili ng mga nawasak, Miss Zuñiga," anito. "Hindi magagandang kahoy tulad ng mga nasira, subalit saka na lang ninyo palitan ang mga iyan. Pansamantala lang naman. Nagpalagay na rin ako ng bakal sa bawat bintana sa loob ng bahay.

"At ang tatlong pinto sa kabahayan ay pinalagyan ko na rin ng mga bakal. Hindi iyan basta napapasok. Iyan ang mga uri ng bakal na ipinakabit ng tatay mo sa tindahan." Sinulyapan nito ang mga tao na nagkakabit ng mga rehas sa bintana.

"This is ridiculous," aniya na umiling at nagbuntong-hininga. "Bakit kailangang pati ang pinto ay may bakal?"

"Actually, si Olivia ang nagsabing palagayan ko ng makakapal na bakal ang pinto. Iginiit niya. And it made sense, ang pinto ninyo ang unang winasak ng mga masasamang-loob. Natatakot si Olivia para sa iyo."

"Si Ate Olivia? Nasa loob siya?"

Tumango si Detective Magbanua. "Kanina pang umaga. Narito na siya pagdating ko at pinangasiwaan ang trabaho ng mga tao."

"Maraming salamat, Detective," aniya at muling sinulyapan ang mga bakal na ang ilan ay nakakabit na sa mga bintana.

Binati ni Magbanua si Lukas. Nag-uusap ang dalawang lalaki samantalang pumasok na sa kabahayan si Aurora habang iniiwasang maapakan ang mga bakal na nakakalat sa daanan. Natagpuan niya si Olivia sa kusina na naghahanda ng fresh orange juice kasama ang kasambahay.

"Ate Olivia!"

"Narinig ko ang pagdating ninyo kaya nagpatimpla na agad ako ng juice dito kay Maring," anito. Ilang beses itong tumikhim.

Ang pagnanais niyang yakapin si Olivia ay napigil dahil sa kakaibang ikinikilos nito. Ni hindi nito sinasalubong ang tingin niya at agad itong lumipat ng puwesto nang umikot siya sa mesa. Sa wari ay iniiwasan siya.

"Are... you all right, Ate Olivia?" tanong niya. "Pinatatawagan kita kay Doreen pero hindi ka niya makontak."

"Baka nataong walang baterya ang cell phone ko. Walang... problema sa akin, Aurora. Ikaw ang inaalala ko..."

Aurora hinted fear in her voice. She couldn't blame her. Ang laking gulat siguro nito nang makitang sinira at winasak ang mga kagamitan sa loob ng bahay na posibleng pagtaguan ng mga alahas.

"Sinabi ba sa inyo ni Detective Magbanua ang nangyari sa akin sa Bangui noong isang araw?"

Bahagya lang itong tumango. Inaasahan niyang itatanong ni Olivia kung bakit nasa norte siya gayong kahapon pa lang siya dapat uuwi mula sa ibang bansa. Subalit hindi ito nagtanong at sa halip ay minadali si Sabel sa ginagawa. Naglabas din ito ng puto na binili mula sa kilalang magpuputo sa bayan. Siya namang pagpasok nina Lukas, Doreen, at Magbanua sa komedor.

Nang lumingon siya kay Lukas ay nginitian niya ito. Bakit ba kakaiba ang pakiramdam niya tuwing nasisilayan ito? Kung wariin ay may paruparong naglalaro sa dibdib niya. Naroon ang pananabik na hindi niya mawari gayong kung tutuusin, sa nakalipas na maraming oras ay magkasama sila.

Kahit noong hindi pa niya natutuklasan ang kasamaan ni Gregor ay wala siyang natatandaang nakadama siya ng ganito.

"Ate Olivia, si Lukas Tliachev. Siya ang tumulong sa akin para makauwi ako rito. Lukas, si Ate Olivia."

"How are you, Olivia..." Inabot ni Lukas ang kamay niya kay Olivia at alanganin nitong tinanggap iyon at binawi rin kaagad ang kamay at inayos ang mga kakanin sa mesa.

"Masarap ang puto namin dito," ani Aurora.

"Matikman nga." Hindi nito pinansin ang tinidor at dumampot ng isa at kumagat at nginuya. Ikiniling nito nang bahagya ang ulo at nginitian siya. "Masarap nga."

Si Doreen na ang nag-alok na maupo ang dalawang lalaki habang inihahanda ni Sabel ang puto at juice sa mga ito. Si Olivia ay lumabas ng komedor. Nagkatinginan sila ni Lukas. Sinundan niya ito palabas.

Inabutan niya ang matanda sa dulo ng sala, nakatayo malapit sa fish pond ng tatay niya. Nakayuko sa mga isda roon, gayunman, kung ang anyo nito ang pag-uusapan ay natitiyak ni Aurora na wala roon ang isip ng nakatatandang babae.

Nang maisip ang fishpond ay napahinto si Aurora at kapagkuwa'y inabot mula sa lagayan ang pagkain ng mga isda at sinabuyan ng pagkain ang mga ito. Kapagkuwa'y isa-isang binilang ang mga isda.

"Wala bang namatay sa mga koi?" tanong ni Olivia sa tila maiiyak na tinig. "Mahal ng tatay mo ang mga alaga niyang iyan. Hindi niya gugustuhing may mamatay sa mga iyan..."

"Marahil ay wala. Lulutang ang mga iyan kung patay na." Ipinagpatuloy niya ang paghagis ng pagkain sa mga isda.

"May... may sasabihin ako sa iyo, Aurora," anito mayamaya, iniyakap ang mga braso sa dibdib.

She frowned at the old woman. Parang ibang Olivia ang nakikita niya. Tingin din pati niya ay parang namamayat ito. Maputla. Matagal na niyang binabati ito na uminom ng vitamins dahil laging parang kulang sa dugo. Ngayon ay parang tumanda pa ang tingin niya rito. Kunsabagay ay naging iba si Olivia mula nang mamatay ang tatay niya. Ibinalik ni Aurora sa lagayan ang plastic container ng fishfood.

"Tungkol saan, Ate Olivia? Ano nga ba ang nangyari sa iyo at ngayon ka lang nagpakita? Nagpaospital ka ba?"

Sa wari ay hindi naririnig ni Olivia ang huling tanong niya. Nagpatuloy ito sa pagsasalita. "A-alam mo bang mahal ko si Julio?" Isa iyong pahayag sa halip na tanong. Nanginginig ang tinig nito at natiyak ni Aurora na labis nitong ininda ang pagkamatay ng tatay niya.

"Napansin ko nang nakaburol si Tatay..." banayad niyang sabi.

"Matagal ko na siyang mahal," patuloy nito sa gumagaralgal na tinig. "Inalagaan ko siya sa puso ko simula pa lang nang mga unang taon ko rito sa inyo. Umasang mapapansin niya ako..." May mga luhang naglandas sa mga pisngi nito. "Kinasusuklaman ko si Doreen nang pakasalan siya ng tatay mo. Hindi ako makapaniwalang nabale-walang lahat ang pag-asam ko..."

Hindi malaman ni Aurora kung paano ito aaluin. Wala marahil salita ang sasapat sa nasaktang puso nito.

Nagpatuloy ito. "Dahil doon... dahil doon ay..."

"Dahil doon ay ano, Ate Olivia?"

Olivia bit her lower lip. Pinahiran ng hawak pa ring kitchen towel ang mga luha. Wala sa loob na itinuon ang paningin sa mga isdang nagkakagulo pa rin sa pagkain.

"Nahikayat ako ni Gregor. At p-pumayag ako sa gustong mangyari ni Gregor... na looban ang tindahan..."

Lumipad sa mukha nito ang mga mata ni Aurora. Had she misheard her?

Napabulalas ng iyak si Olivia. "P-patawarin mo ako, Aurora. Subalit maniwala kang hindi ko gustong mamatay si Julio. Si Doreen ang gusto kong patayin nila. Subalit iniharang ng tatay mo ang sarili at sa kanya tumama ang mga bala.

Hindi nila binalak patayin si Julio—"

"Ikaw! Ikaw ang kausap ni Gregor nang hapong dumating ako sa bahay niya!" she cried. Nang hindi ito kumibo at patuloy sa pag-iyak ay ganoon na lang ang pagpipigil ni Aurora na daluhungin ito at saktan.

Subalit inawat niya ang sarili. Hindi maibabalik ng nais niyang gawin ang buhay ng tatay niya at ng iba pa. Kumuyom ang mga kamay niya sa magkabilang tagiliran sa galit at pagkamangha.

"Alam mo ba ang kahulugan ng sinasabi mong ito?" Ang babaeng ito na itinuring niyang pangalawang ina ay kasabwat ni Gregor sa panloloob at pagpatay sa kanyang itay!

"Nang... nang pakasalan ni Julio si Doreen ay... ay... hindi ko napigilan ang sarili ko at bumaling kay Gregor—"

"He was almost your son!"

Sandali lang siyang sinulyapan nito at umiling. "Higit siyang matanda kaysa sa akin, Aurora..."

"Ano ang ibig mong sabihin?"

Subalit hindi sinagot ni Olivia ang tanong niya at nagpatuloy. "Tatlong taon akong alipin ni Gregor. Tatlong taon akong sunud-sunuran sa kanya..."

She was speechless. Walang salitang nais mamuo sa isip niya para isagot dito.

"Wala akong magagawa—"

"Ipakukulong kita!" she almost screamed. Sa sulok ng mga mata niya ay natanaw niya si Lukas na lumabas ng dining room. Narinig marahil nito ang pagtaas ng tinig niya at agad na lumabas. Gayunman, hindi ito lumalapit at nakamasid lang sa kanila. Hinahayaan silang mag-usap nang pribado.

"Nakahanda akong sumuko, Aurora. Pipiliin ko ang makulong..." Nagpapaunawang tumingin ito sa kanya. "Alam kong hindi mo ako mapapatawad. Pero hinihingi ko pa rin ang kapatawaran mo," anito. "Kahit hindi ka maniwala ay nag-aalala ako sa kapakanan mo..."

"Hindi ako makapaniwalang sinasabi mo sa akin iyan!"

"May... may gusto akong sabihin sa iyo..."

"Kay Detective Magbanua mo sabihin kung ano pa man ang nais mong sabihin, Ate Olivia!" Nagtatagis ang mga bagang niya sa matinding galit. Kung magagawa lang niyang patayin ito ay ginawa na niya.

"Mag-iingat ka kay Gregor..." babala nito sa tinig na halos hindi marinig ni Aurora, naroon ang takot.

"Kung inaakala ni Gregor na mapaglalaruan niya ang batas ay nagkakamali siya! Tulad mo ay makukulong din siya!"

Umiling ito. Nagpatuloy sa pagsasalita nang marahan na sa wari ay natatakot na may makarinig sa sasabihin. "H-hindi siya pangkaraniwan, Aurora. Mapanganib siya. Makinig ka sa akin—" Nahinto ang sinasabi nito nang tumunog ang telepono sa bulsa nito.

Napaigtad ito. Nanlaki ang mga mata. Nakadalawang ring na ito subalit sa wari ay hindi gustong pansinin ni Olivia at nanatiling sindak na nakayuko sa bulsa ng damit nito.

"Sagutin mo ang cell phone mo, Ate Olivia! Natitiyak kong si Gregor iyan," she said furiously. "Sabihin mo sa kanyang hindi niya matatakasan ang batas!"

Nakailang ring iyon bago atubiling sinagot. "H-hello..."

"Nasaan ka, Olivia?" tanong ni Gregor sa kabilang linya.

Nakita ni Aurora ang pagguhit ng takot sa mga mata nito. "S-sa bahay ni Julio..."

"Nakita na ba ang mga alahas?"

"Natitiyak kong wala rito ang mga alahas, Gregor," sagot nito at ni hindi nag-abalang hinaan man lang ang tinig. "Dahil kung narito iyon ay nakita na sana ng mga tao mo. Hindi sa bahay itinago ni Julio ang mga iyon..."

"Hindi ako maaaring magkamali ng hinala. Nariyan lang sa bahay itinago ni Julio ang mga alahas. At si Aurora ang susi para maituro ang mga iyon." He paused. "Si Aurora? Nariyan siya?"

Tumingin sa kanya ang nakatatandang babae at nahihinuha niyang itinanong siya ni Gregor.

"N-narito sila. Silang lahat..."

"Dalawa sa mga tao ko ang napatay, Olivia. Sa airport. Kung paano'y hindi ko pa matiyak," anito na nagpipigil ng galit. "Sino ang kasamang lalaki ni Aurora? Nakilala mo ba?"

"L-Lukas ang pangalan ng lalaking kasama ni Olivia." Sumulyap ito sa dako ni Lukas na nasa entryway ng dining room at sala.

May ilang segundong tila nawala ito sa linya bago muling nagsalita. "Umuwi ka sa bahay mo, Olivia. May tao akong papupuntahin doon mamayang gabi at pag-usapan ninyo kung ano ang dapat gawin."

Tinitigan ni Olivia ang cell phone nito na para bang ahas iyon at tutuklawin ito. Natitiyak ni Aurora na wala na si Gregor sa linya.

"Where is he?" Aurora asked, her eyes in slits.

Nag-angat ito ng paningin sa kanya. "May... palagay akong nasa San Isidro pa. Tinatanong ka niya..." Nilingon nito si Magbanua na nakatayong katabi ni Lukas. "Susuko ako, Aurora. Maniwala kang iyon ang layunin ko. Wala akong balak takasan ang partisipasyon ko sa nangyari. Gusto ko munang umuwi at ayusin ang mga gamit ko. Bukas ng umaga ay ako na mismo ang magtutungo sa presinto." Muli nitong nilingon si Magbanua at pagkatapos ay ibinalik sa kanya ang mga mata.

"Patawarin mo ako, Aurora. Patawarin mo ako...."

Sa pagkamangha ni Aurora ay lumapit ito sa kanya at niyakap siya at may ibinulong na hindi niya mawawaan. Buong pagkasuklam na itinulak niya ito palayo sa kanya.


"BAKIT mo pinayagang makauwi pa siya, Detective?" tanong ni Aurora habang sinusundan ng tingin ang papalayong si Olivia. Naglalakad ito patungo sa highway upang doon mag-abang ng tricycle.

"Naniniwala akong susuko si Olivia," anito.

"Kung ginusto niyang tumakas ay ginawa na sana niya, Aurora," sang-ayon ni Lukas. "Hindi mo siya pinaghinalaan. Walang naghinala sa kanya. Hindi niya kailangang magtapat sa iyo..."

"Mahirap paniwalaang kasangkot siya sa nangyari..." Doreen said sadly. "Kahit noon pa'y alam kong may lihim siyang pagtingin sa asawa ko. Gusto kong maawa sa kanya kung hindi lang sa ginawa niya ay namatay si Julio..."

"Hihintayin ko ang pagdating niya sa munisipyo bukas ng umaga," ani Magbanua. "O, siya, pagabi na. Tutuloy na muna ako. I have Ms. Doreen's number. Tatawag ako kapag dumating sa munisipyo si Olivia bukas."


NANG magising si Aurora kinabukasan ay nalabasan nito si Lukas sa may fishpond at may hawak na tasa ng kape.

"'Morning," bati nito at nginitian siya.

"'Morning, din. Tanghali na naman akong nagising. At malamang niyan tulog pa si Doreen. Uminom siya ng pampatulog kagabi. She's still in trauma. Hindi pa siya naka-recover sa pagkakabaril sa kanya ay heto at ni-ransack naman ang bahay namin. Ang silid nila ni Tatay ang maraming nasirang mga gamit."

Siya man ay hindi rin agad nakatulog. Maraming oras sa buong magdamag ang inukol niya sa pag-iisip tungkol kay Olivia at sa ginawa nito. Mahirap pa ring tanggapin ng isip niya na ito ang naging dahilan ng pagkamatay ng tatay niya at ng iba pa.

"Kailangan mo ng pahinga," anito. "Isa pa'y mag-aalas-diyes pa lang naman." Sinulyapan nito ang malaking relo sa may arko ng dingding patungo sa dining room. He was crouching and seemed to be curious about the fish. "Naisip ko tuloy na magpagawa rin ng fishpond sa loob ng bahay ko sa Pagudpud..."

Nilingon ni Aurora ang kasambahay at nagpagawa ng kape rito at saka lumakad patungo kay Lukas. "Hindi mo kailangan, Lukas. Napakalaki at napakalawak ng fishpond mo roon. Ang karagatan mismo. At sari-sari ang mga isda sa iba't ibang kulay."

Mula sa pagkakatalungko ay tumayo si Lukas. Hinagod siya ng tingin. A mixture of desire and warmth crossed his eyes. "Hindi maraming babae ang magandang tingnan kapag bagong gising. You are one of those who look warm and beautiful in the morning upon waking up."

Umangat ang kilay niya. "At marami kang babaeng nakikitang bagong gising?"

He laughed. "Nanghuhuli, Miss Zuñiga?"

An embarrassed smile came out of her lips. Itinago niya iyon sa pamamagitan ng pagsalubong kay Maring at kinuha ang tasa ng kape mula rito.

Ibinaba ni Lukas ang wala nang lamang tasa nito sa coffee table at pagkatapos ay inilagay ang forefinger sa ilalim ng baba niya at itinaas iyon. His eyes scanned her whole face. "You still have that worried look..."

Umiwas siya ng tingin. "Hindi mo maiaalis sa akin. Hindi pa nahuhuli si Gregor. At kagabi, isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad ako nakatulog kahit hatinggabi na ay kung anu-ano ang naririnig ko sa labas ng bahay. Para bang may nagnanais na pumasok..." Napahinga siya nang malalim. "Kung hindi nga lamang dahil sa mga bakal na ikinabit kahapon ay baka natakot ako."

Biglang naging alerto ang anyo ni Lukas. Suddenly, his expression changed. He looked dark and lethal.

Si Lukas man ay may narinig kagabi sa labas. Maghahatinggabi nang may maramdaman siya. Nais niyang magpalit ng anyo subalit kinakabahan siyang baka, tulad niya, ay nagising din si Aurora at posibleng malabasan siya sa anyong lobo.

Hindi na iyon pagkakataon lamang kapag nakita siya nitong anyong lobo. Wala na sila sa Norte. Hindi niya gustong alamin kung ano ang naririnig niyang nagsisikap na makapasok. May naaamoy siyang hindi niya mawari. Hindi niya kayang bigyan ng pangalan. Natitiyak niyang tao ang nasa labas, subalit—napailing siya.

Nagpatuloy ang ingay na naririnig niya. Umiikot iyon sa buong kabahayan. Pero kahapon pagkagaling nila ni Aurora ng bangko ay lihim niyang sinuri ang mga bakal. Mahusay na klase at matibay ang pagkakakabit. Bomba lang marahil ang kayang magpatibag niyon. At nakapagtatakang si Olivia pa talaga ang namili ng mga ganoong uri ng bakal na dapat gamitin.

Naalala niya ang kisame. Iyon ang nagpangyari upang bumangon siya at lumabas ng silid. Bagaman hindi madaling gawing magtuklap ng bubong ay hindi naman imposible.

Binuksan niya ang lahat ng ilaw sa buong kabahayan at naupo sa sulok na bahagi ng sala kung saan hindi siya makikita.

Nais lamang niyang maipahiwatig na kung sino man ang nasa labas ay gising sila at nakahanda. He had no gun. Pero hindi alam iyon ng kung sino mang nagtatangkang pumasok.

Doon huminto ang ingay. Nagtagal pa siya roon nang mahigit sa kalahating oras bago muli siyang nagbalik sa silid niya nang matiyak na wala na ang kung sino mang nagnanais makapasok.

"Y-you've heard that, too," komento ni Aurora sa pananahimik niya.

Nagbuntong-hininga siya at saka tumango. "Natitiyak kong kung sino man ang mga umiikot sa bahay mo kagabi ay nakatitiyak na wala na rito ang mga alahas. O baka naman sinuri nilang mabuti ang paligid na posibleng hinukay ng tatay mo. So, obviously they wanted you. Hindi sila naniniwalang hindi mo alam kung saan itinago ng tatay mo ang mga iyon."

"Pero iyon ang totoo! Hindi ko alam kung saan itinago ni Tatay ang mga alahas. Hindi marahil naisip ni Tatay na mamamatay siya kinabukasan at mapag-uusapan pa namin..."

Ang ano mang isasagot ni Lukas ay napigil sa biglang pagbukas ng silid ni Doreen. Pupungas-pungas pa ito.

"Kanina pa raw ako tinatawagan ni Sam bandang alas-nueve. Hindi ako magising-gising..." she said guiltily.

"Actually, it was the phone ringing that woke me," ani Lukas na nilingon ang landline sa may end table sa dulo ng sofa. "Nang labasin ko'y hustong huminto ang ringing."

"Sa bahay daw ni Olivia tayo magtungo at hihintayin niya tayo roon," patuloy ni Doreen.

"Did he tell you why?"

Umiling si Doreen. "Maliligo lang ako sandali."

Continue Reading

You'll Also Like

66.9K 1.5K 10
Bagaman tutol si Ria sa kagustuhan ng kanyang ama na ipakasal siya sa hindi pa niya nakikitang anak ng kaibigan nito, wala siyang magawa. Iyon lang k...
57.1K 1K 10
"Kung katawan lang ang habol ko sa 'yo, hahabulin pa kita lalo para makuha ko ang puso mo... Because you already got mine." Pangarap ni Valiana ang m...
52.1K 1.1K 12
Isa sa mga dakilang playboy ng campus si Rieley Anderson Lovino kaya hindi na gugustuhin pa ni Jamaica ang mapasama pa sa listahan ng mga tagahanga n...
167K 2.6K 10
Minsan sa buhay ni Celine ay nagmahal siya ng isang Ethan Agoncillo. Guwapo, matalino, mayaman at higit sa lahat, palaging nasa tabi niya kapag kaila...