Malayah

By itskavii

2.1K 300 566

Isang tagna. Mula sa balon ni Tala ay bumaba ang isang pangitain sa lupa. Sa ika-anim na beses na tangkaing a... More

Malayah
PROLOGO
1. Ang Pagkawala ni Apulatu
2. Ang Kapre sa Balete
3. Ang Mapa
4. Si Mariang Sinukuan
5. Sa Lumang Bahay
6. Ang Tiyanak
7. Kay Mariang Karamot
8. Si Agua
9. Huwad
10. Ang Panlilinlang
11. Sa Tugot
12. Ilang Ilang
13. Engkanto
14. Hiling
15. Ang Ginintuang Kabibe
16. Si Angalo
17. Ang Ikalawang Hiyas
18. Si Aran
19. Sa Makitan
20. Ang Araw
21. Sa Daluti
22. Mga Tadhanang Magkakadikit
23. Anong Tadhana
24. 'Di Kasiguraduhan
25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula
26. Ang Mahiwagang Sandata
27. Si Linsana
28. Adhikaing Maging Babaylan
29. Pagkagayuma
30. Sa Pagkamatay ng Ibon
31. Si Dalikmata
32. Ang Pagpula ng Paruparo
33. Sa Talibon, Bohol
34. Ang Susi Upang Mapakawalan.
35. Ama
36. Ang Itim na Hiyas
37. Kay Daragang Magayon
38. Isang Sugal
39. Ang Kakaibang Pwersa
40. Si Panganoron
41. Mula Sa Akin At Para Sa'yo
42. Umiibig
43. Si Pagtuga
44. Ang Kasal
45. Isang Sumpa
46. Himala
48. Si Magayon
49. Mga Tikbalang
50. Portal
51. Ang Tagna
52. Batis Ng Katotohanan
53. Isang Dayo
54. Dalangin
55. Ina
56. Anino

47. Isang Panaginip

6 2 0
By itskavii

Natagpuan ni Malayah ang sarili na naglalakad sa isang pamilyar na kalsada. Sa gilid nito ay nakatayo ang malalaking puno ng manga at mga acasia.

Mula sa nalagpasan ay naroon ang isang punso na kasalukuyang sinisira ng mga estudyanteng dumaan doon. Liningon ito ni Malayah at tinitigan lamang hanggang saumalis ang mga ito. Tiyak niyang makakatanggap ng kaparusahan ang mga estudyanteng iyon sa nunong nagmamay-ari ng punso.

"Alam mo ang mangyayari sa mga tao na iyon dahil sa ginawa nila pero hindi mo man lang sila binalaan o sinaway!"

Natigilan si Malayah nang parinig ang pamilyar na boses. Kaagad siyang napalingon sa kanyang balikat at doo'y nakitang nakatayo ang mumunting kaibigan. "Pino?" Hindi makapaniwala niyang turan.

"Alam mong hindi magugustuhan ng papa mo na wala kang ginawa, Malayah."

Napakunot ang noo ni Malayah nang mapagtantong pamilyar ang eksenang ito sa kanya. Muli niyang pinagmasdan ang mga papaalis na mga estudyante. Hindi niya alam kung bakit ngunit tila pamilyar ang pangyayaring ito.

Gayunpaman ay naglakad siya patungo sa mga ito. "Hindi niyo ba alam kung ano ang sinira ninyo? Isang punso. Wala kayong galang sa mga 'di nakikitang elemento."

Napalingon sa kanya ang mga ito at kumunot ang mga noo. Ngunit kalauna'y bigla ring napalitan ng pagtawa. "Baliw ka ba?" saad ng isa sa mga estudyante at napailing-iling bago tuluyang umalis.

"Kung ginawa ko man iyon, hindi rin naman sila makikinig. Bibigyan ko lamang sila ng panibagong pagtatawanan."

Napabuga ng hangin si Malayah. Nilingon niya ang kaibigang duwende at naglakad patungo sa punso.

Ibinaba niya sa lapag si Pino at sinimulang ihulmang muli ang nawasak na punso. Matapos ay bumulong siya ng isang paumanhin sa nuno at naghandog ng isang pakete ng tinapay.

"Bakit tinulungan mo ang mga kaklase mo kahit pinagtawanan ka lang nila?"

Bahagyang napatawa si Malayah at gamit ang hintuturo ay ginulo niya ang buhok ng duwende. "Hangga't may kakayahan ang isang nilalang na tumulong ay nararapat lamang na siya'y tumulong."

Natigilan si Malayah at napailing. Saan naman niya nakuha ang mga salitang iyon?

Naglakad muli si Malayah at nang makarating sa harap ng tarangkahan ng kanilang bakuran ay napahinto siya dahilan upang lingunin siya ng duwende na nakaupo sa kanyang balikat.

"Bakit, Malayah?"

"Nanaginip kasi ako kanina noong maidlip sa paaralan."

"Ano namang napanaginipan mo?"

Napaisip si Malayah at inalala ito. "Dinakip daw si Papa ng isang kakaibang nilalang at dinala sa kabilang mundo."

Hindi lamang doon nagtapos ang panaginip ni Malayah. Naglakbay raw siya sa iba't-ibang mga lugar kasama ang hindi niya mamukhaan na mga nilalang.

"Nako, bakit kasi natutulog ka sa oras ng pag-aaral? Tsk, tsk!"

Napatawa si Malayah. "Nakikinig naman ako sa klase, sadyang nakakaantok lang ang boses ng guro namin."

"O siya, huwag mo nang pansinin 'yong panaginip mo. Madalas sa mga ganoon ay hindi nagkakatotoo."

Tumango si Malayah at isinantabi ang kakaibang pangamba.

Naglikha ng pagkaluskos ang nangangalawang na mga bakal noong buksan ni Malayah ang tarangkahan. Sinubukan niyang tanawin ang guhit-tagpuan mula sa mga nagtataasang mga gusali. Kahit na hindi niya man ito matanaw, alam niyang ngayon ay dapit-hapon.

Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa kanilang tahanan. Hindi niya alam kung bakit ngunit unti-unting bumigat ang kanyang dibdib. Pakiramdam niya'y may mangyayaring hindi maganda. Kagaya ng nasa kanyang panaginip.

Narating niya ang harapan ng nakasaradong pinto ng kanilang bahay at dahan-dahan niya itong pinihit. Nang mabuksan ang pinto ay naaninag niya kaagad ang kanyang lola na nagmemeryenda sa hapag-kainan.

Walang gana siya nitong nilingon, tipikal na malamig nitong pagbati sa apo, bago muling bumalik sa pagkain.

"Ayan na pala ang anak mo, Apulatu."

Mula sa kusina ay sumilip ang isang lalaki at nang masilayan ito ni Malayah ay kaagad siyang tumakbo patungo rito.

Niyapos niya ang ama. Ang mga pangambang kanina'y naramdaman ay tuluyan nang naglaho. Bumitiw ang dalaga at nakangiting pinagmasdan si Apulatu. Hindi niya alam ngunit pakiramdam niya'y ngayon na lamang niya ito muling nasilayan.

"Bakit ang lambing mo ata ngayon, Ayah?" Tanong nito at nagkibit-balikat. "May ginawa kang kasalanan, ano?"

Bahagyang napatawa si Malayah at tsaka umiling.

"Ako ang magpapatunay sa'yo, Apulatu. Walang ginawang kung ano 'yan." Sambit ni Pino na nasa balikat pa rin ni Malayah.

"Ay mahabaging Bathala!" Usal ni Magwen at kunot-noong nilingon ang mag-ama pati na ang duwende na nasa kusina. "Ilang beses ko bang sasabihing huwag kang magpapapasok ng lamang-lupa dito sa bahay, Malayah!"

Kaagad na naglaho si Pino at napatingin si Malayah sa kanyang ama na bahagya lamang tumawa at linapitan ang ina. "Hayaan mo na, Ina. Kaibigan naman si Pino." Wika nito at muling nilagyan ng nilagang saging ang plato.

"Hay, ewan." Mahina nitong sambit at muling kumain.

Umupo si Apulatu sa hapagkainan at sinenyasan si Malayah na kumain na rin. Kaagad namang lumapit ang dalaga at umupo sa upuan katabi ng sa kanyang ama.

Magiliw silang kumain. At sa mga sandaling iyon ay napayapa ang puso ni Malayah. Sapagkat hindi nagkatotoo ang kanyang panaginip, hindi nadakip ng isang kakaibang nilalang ang kanyang ama.

Ngumiti si Malayah at iwinaksi ang mga alaala ng panaginip na malinaw pa rin sa kanyang isipan. Sapagkat ngayon ay wala nang saysay ang mga ito at isa lamang hamak na panaginip.

Isa lamang panaginip.

Matapos kumain ay dumiretso si Malayah sa kanyang kwarto. Simple lamang ito at hindi ganoon kagarbo sapagkat hindi mahilig ang dalaga sa maluluhong mga bagay.

Tinanggal niya ang suot na unipormeng pang-aral at nagpalit ng komportableng damit. Ngunit nang ilalagay na sa labahin ang pinaghubaran ay isang bato ang nahulog mula sa bulsa ng kanyang palda.

Gumulong ang bato sa ilalim ng kama kung kaya't nagtataka itong sinilip ni Malayah. Maraming mga lumang gamit ang nasa ilalim at marami na ring mga alikabok ang nananahan dito.

Nais sanang huwag nang pansinin ni Malayah ang batong iyon sapagkat baka nilagay lamang ito ng isa sa kanyang mga kaklase upang buwisitin siya. Ngunit napansin niya ang matingkad na kislap nito sa madilim na ilalim ng kama. Naglalabas ito ng isang pulang kinang.

Nanlaki ang mga mata ni Malayah nang magkaroon ng ideya kung ano iyon. Kaagad niyang inialis ang mga lumang gamit sa ilalim upang makalusot at makuha ang kakaibang bagay.

At sa pag-abot nito ay kanya ngang nakumpirma.

Ang pulang hiyas ni Magayon...

...mula sa kanyang panaginip.

O panaginip nga bang tunay?

--

Kaagad na lumabas si Malayah sa kanilang bahay at inilibot ng tingin ang paligid. Pakiramdam niya'y ngayon lamang tuluyang nagising ang kanyang diwa.

Tumakbo siya palabas ng tarangkahan ng kanilang bakuran at tumakbo sa kalsada. Inilibot niyang muli ang tingin sa paligid na tila may hinahanap.

Tumakbo siya patungo sa paaralan at hingal na hingal na huminto. Iilan na lamang ang mga estudyanteng naroroon. Muli siyang tumakbo patungo sa ibang mga lugar.

Hindi panaginip ang pagkakadakip ng isang nilalang sa kanyang ama noon. Ngunit tila hindi rin panaginip ang isang ito. Ang lugar na ito ay ang siyudad pa rin na kanyang iniwanan noon upang maglakbay. Walang nabago...

Napahinto si Malayah nang tuluyang makita ang hinahanap.

...walang nabago maliban sa kakaibang itim na enerhiyang nagsisilbing pader sa palibot ng siyudad.

Ilang sandali siyang napatulala rito. Ito ang eksaktong enerhiya na nakapalibot sa bayan ni Magayon.

Napaatras siya nang tuluyang maunawaan ang mga nangyayari. Dahan-dahan niyang kinuhang muli sa kanyang bulsa ang pulang hiyas at tinitigan ito.

Unti-unting tumulo ang mga luha ni Malayah. Ang akala niya'y maayos na ang lahat. Na narito na ang kanyang ama.

Ngunit ang lahat ng ito'y isa lamang ilusyon. Isang ilusyong nilikha ng pulang hiyas para sa kanya kagaya ng ginawa nito para kay Magayon.

Hindi namalayan ni Malayah ang pagdausdos ng mga luha sa kanyang pisngi. Bakit? Nais sumigaw sa galit ni Malayah. Ngunit walang lakas ang ngayo'y nananahan sa kanya. Tila ba purong lungkot na humahagkan.

--

Nang sumapit ang gabi ay hindi makatulog si Malayah. Nakahiga lamang siya sa kama at nakatulala sa kisame.

Naaalala niya ang huling nangyari bago siya mapadpad dito. Nais niyang bumalik upang tingnan ang kalagayan ni Lakan. Nais niyang tulungan ang mga kasama. Nais niyang makabalik. Nais niyang talagang mailigtas ang kanyang ama.

Ngunit may parte sa kanya na nais nang manatili. Ito ang reyalidad na hinihiling niyang sanay nangyari. Na walang mapapadpad sa Hiwaga, walang maglalakbay, walang susuong sa panganib. Mananatiling normal ang kanyang buhay.

Iyong buhay bago niya pa makilala ang mga naging kaibigan. Bago pa niya makilala si Lakan.

Bumangon si Malayah mula sa pagkakahiga at napagpasyahang lumabas upang lumanghap ng sariwang hangin. Nais niyang isantabi sandali ang mga bagay na nasa isipan.

Ngunit sa paglabas ay nadatnan niya sa bakuran ang kanyang ama. Abala ito sa paghahasa ng kampilan sa ilalim ng liwanag ng isang lampara na nakasabit sa sanga ng puno ng nara.

Lumapit siya rito at umupo sa isang bangko habang pinapanuod ang kanyang ama.

"Hindi ka makatulog, Ayah?" Wika nito habang nakatuon pa rin ang tingin sa kampilang hinahasa.

Tumango si Malayah. Mula sa liwanag ng lampara ay pinagmasdan niya ang ama. Naalala niya ang katotohanang nadiskubre niya sa Makitan. Isang alaalang matagal na niyang iwinawaksi sa isipan.

Nais niyang kalimutan na iyon at mamuhay nang normal dito kasama ang kanyang ama. Ngunit ang katotohanan ay katotohanan.

"Papa?"

Huminto ito sa ginagawa at lumingon sa kanya. "Bakit parang ang seryoso mo naman, Ayah?"

Bahagyang ngumiti si Malayah. "Papa, may tanong po ako."

"Ano iyon?"

Huminga nang malalim si Malayah at muling ngumiti upang iwaksi ang kabigatan ng kanyang loob. "Papa, may napanaginipan ako kanina. Isang magandang panaginip. Doon, nakaayon ang lahat sa aking nais. Kasalungat ito ng mga bagay na hindi ko kayang makontrol sa reyalidad. Ngunit natatakot ako, Papa, na sa muli kong pagtulog ay hindi ko na iyon mapanaginipang muli."

Hindi na napigilan ni Malayah ang mga luha sa kanyang mga mata. Sinadya niyang pumwesto 'di abot ng liwanag ng lampara upang ikubli ang mga ito. Pinigilan niya ang paghikbi upang hindi marinig ng kanyang ama.

"Malayah, ang reyalidad ay reyalidad at ang panaginip ay panaginip. Hindi mo maaaring pagpalitin ang dalawa. Masakit man ngunit ang katotohanan ay katotohanan. Ang tanging paraan upang mabago ito ay ang harapin at subukang baguhin at itama ang lahat na kagaya ng iyong nasa panaginip. Sa ganoong paraan, hindi mo na kailangang managinip pa."

Tumango-tango si Malayah. Bahagya siyang tumawa upang ikubli ang paghikbi. "Tama po kayo, Papa."

Pinunasan niya ang kanyang mga luha at tumabi sa kanyang ama. Isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat nito at tumingala sa maulap at madilim na langit.

"Teka nga, ano naman ang mayroon sa panaginip mong iyon na wala sa reyalidad, ha?"

Isa iyong pabirong tanong. Ngunit seryosong nilingon ni Malayah ang ama at mapait na ngumiti. "Kayo po, Papa."

Bago pa man makatugon ang kanyang ama ay sinunggaban niya ito ng yakap. "Pangako, babawiin kita mula sa Hiwaga, Papa."

Hindi niya inda ang mga luhang dumadausdos sa magkabilang pisngi. Binuksan niya ang kanang palad at kuminang mula rito ang pulang hiyas.

Sa huling pagkakataon ay niyakap niya nang mahigpit ang kanyang ama bago durugin sa palad ang pulang hiyas at maglikha ito ng pulang usok.

Binalot ng pulang usok ang kanyang paningin hanggang sa tuluyan nang balutin ng dilim ang paligid.

Ngunit bago ito nangyari, hindi alam ni Malayah kung tunay niya nga ba itong narinig o sa kanyang isipan lamang nagmula, ngunit isang kataga ang binigkas ng kanyang ama.

"Hihintayin kita, anak."

***

Continue Reading

You'll Also Like

68K 2.1K 45
(COMPLETED)✔ Have you ever wondered if someone is keeping a secret from you? Have you ever had a complicated life? Hetheria Academy, a school for pri...
104K 1K 141
Fairy tales are more than true: not because they tell us that dragons exist, but because they tell us that dragons can be beaten. - Neil Gaiman
109K 2K 41
Magicae Orbis is one of the most powerful planet in Curax Universe, every individual have their own abilities, powers, charm and etc. You are not bel...
1.9M 182K 206
Online Game# 2: MILAN X DION