Malayah

By itskavii

2.1K 299 566

Isang tagna. Mula sa balon ni Tala ay bumaba ang isang pangitain sa lupa. Sa ika-anim na beses na tangkaing a... More

Malayah
PROLOGO
1. Ang Pagkawala ni Apulatu
2. Ang Kapre sa Balete
3. Ang Mapa
4. Si Mariang Sinukuan
5. Sa Lumang Bahay
6. Ang Tiyanak
7. Kay Mariang Karamot
8. Si Agua
9. Huwad
10. Ang Panlilinlang
11. Sa Tugot
12. Ilang Ilang
13. Engkanto
14. Hiling
15. Ang Ginintuang Kabibe
16. Si Angalo
17. Ang Ikalawang Hiyas
18. Si Aran
19. Sa Makitan
20. Ang Araw
21. Sa Daluti
22. Mga Tadhanang Magkakadikit
23. Anong Tadhana
24. 'Di Kasiguraduhan
25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula
26. Ang Mahiwagang Sandata
27. Si Linsana
28. Adhikaing Maging Babaylan
29. Pagkagayuma
30. Sa Pagkamatay ng Ibon
31. Si Dalikmata
32. Ang Pagpula ng Paruparo
33. Sa Talibon, Bohol
34. Ang Susi Upang Mapakawalan.
35. Ama
36. Ang Itim na Hiyas
37. Kay Daragang Magayon
39. Ang Kakaibang Pwersa
40. Si Panganoron
41. Mula Sa Akin At Para Sa'yo
42. Umiibig
43. Si Pagtuga
44. Ang Kasal
45. Isang Sumpa
46. Himala
47. Isang Panaginip
48. Si Magayon
49. Mga Tikbalang
50. Portal
51. Ang Tagna
52. Batis Ng Katotohanan
53. Isang Dayo
54. Dalangin
55. Ina
56. Anino

38. Isang Sugal

31 2 22
By itskavii

"Ang alamat ng bulkang Mayon ay patungkol sa isang dalagang nagngangalang Magayon. Ang kanyang ama ay isang datu, si Datu Makusog. At ang kanyang ina naman ay isang diwata, Si Diwani. Namatay ito pagkasilang kay Magayon." Nilingon ni Malayah ang bintana at pinagmasdan ang mga kakahuyang nadaraan ng sasakyan nila. "Napakaganda ni Magayon. Kung kaya't marami siyang mga manliligaw. Isa sa mga ito si Pagtuga, anak ng isang sultan at may dugong bughaw katulad ng dalaga. Ngunit hindi ito gusto ni Magayon. Nagkaroon siya ng kasintahan, isang dayo mula sa Laguna. Si Panganoron."

"Tapos?" Tanong ni Aran matapos huminto ni Malayah sa pagkukwento.

Sumandal lamang sa upuan ng sasakyan ang dalaga at nagkibit-balikat. "Matagal na simula noong ikinuwento iyon sa akin ni Papa kaya hindi ko na masyadong maalala."

Bumaling si Aran sa katabing si Sagani. "Ikaw? Alam mo ba ang alamat na'yon? Anong sunod na nangyari?" Wika niyang tila batang gustong magpakuwento sa kanyang lola. Sa sobrang interisado'y hindi mapakaling malaman ang susunod na mangyayari.

Umiling si Sagani. "Hindi ako mahilig sa mga alamat."

Ngayon naman ay dumungaw siya sa harapan upang ang nagmamanehong si Lakan naman ang guluhin. "Ikaw, Lakan? Alam mo?"

Umiling si Lakan. "Ang natatandaan ko nalang ay ang katapusan ng kwento."

"Ano? Sabihin mo! Bili, bili!" Masiglang sabi ni Aran.

"Parehas silang namatay."

Napabagsak ang mga balikat ni Aran at sumandal muli sa kanyang upuan. "Seryoso ba?"

Tumango si Lakan at bahagyang natawa. "Mukha ba akong nagbibiro?"

Napanguso si Aran at tila hindi naniniwala. Nilingon niya si Malayah at tumango naman ito bilang pagsang-ayon kay Lakan. "Iyon din ang alam ko. At sa pinaglibingan ng magkasintahan ay nagkaroon ng isang bulkan at iyon ay ang Mayon."

Mabagal na napatango-tango si Aran. "Kung ganoon ay trahedya pala ang katapusan ng alamat ng Mayon. Ang lungkot naman."

"Lahat naman ng mga alamat ay pawang mga trahedya. Hindi pa ako nakarinig ng isang alamat na naging masaya ang katapusan."

Napalingon ang tatlo kay Sagani. Pinanliitan naman ito ng mga mata ni Aran. "Akala ko ba ay hindi ka mahilig sa mga alamat?"

Hindi ito pinansin ni Sagani. Halata namang kaya lamang niya iyon sinabi ay dahil wala siya sa wisyo para sa panagungulit ng kaibigan.

"Sa lahat ng mga alamat na naikwento sa akin ni Papa, hindi masaya ang mga karakter sa naging katapusan ng kanilang kwento," Pagsang-ayon ni Malayah kay Sagani.

Sumilip ang dalaga sa bintana ng sasakytan at inalala ang mga kwento ng kanyang ama, "Katulad na lamang ng alamat ni Mariang Sinukuan. Natapos ang kanyang kwento na may galit siya sa mga mortal. Ganoon din si Mariang Karamot. Si Angalo naman ay hindi natagpuan ang iniibig kahit hanggang sa wakas ng kanyang kwento."

"Mas tumatatak sa isipan ng mga tao ang mga kwentong trahedya," usal ni Sagani. "Hindi ko alam kung bakit ngunit iyon ang totoo."

Ilang sandaling nabalot ng katahimikan ang loob ng sasakyan. Tila ba isang bugtong ang paksang iyon. Hindi alam ang kasagutan. Bakit nga ba? Bakit nga ba kailangang maging trahedya ang lahat? Nabuo ba ang mga alamat upang patuloy na magdusa ang mga nakakarinig nito at manatili ang alaala ng sakit?

At sa pinag-usapang iyon ay may kanya-kanyang mga bagay ang pumasok sa isipan ng apat.

Iniisip ni Aran ang kanyang ama. Ilang trahedya na ba ang naidulot nito sa mga buhay ng iba't-ibang nilalang? Marahil ay darating ang araw na hahayaan din ng tadhana na magaya siya sa mga ito.

Minsan nang pinangarap ni Sagani na maging isang alamat—maalala at makilala ng lahat. Ngunit sa kapalit nitong trahedya at kalungkutan, matatanggap niya kaya ito?

Inaalala naman ni Malayah ang kaibigang si Agua. Nais niya itong maging isang alamat. Nais niya itong maalala. Malaman ng lahat na nabuhay ito. Ipagluksa ng lahat ang pagkamatay nito. Lalo na ni Sitan. Lalo na ng mga manananggal.

Bumuntong hininga si Malayah upang pakalmahin ang sarili. Kailangan niyang magpatuloy. Kailangan niyang isantabi ang galit at poot. Dahil sa paraang iyon lamang magkakaroon ng bunga ang lahat ng sakripisyon ng sirena para sa kanya.

Tahimik na pinagmamasdan ni Lakan ang dalaga. Tila ba hinuhulaan ang nasa isip nito. Bilang isang dating diyos, nasaksihan ni Apalaan ang lahat ng mga kwento. Ang lahat ng mga alamat.

Tunay nga ang tinuran ng mga ito. Lahat ng mga alamat ay trahedya ang nagiging katapusan. Ngunit hindi lahat ng trahedya ay nagiging alamat. Mayroong ibang tinatabunan ng panahon at nababaon sa limot.

At sa tagnang kanyang nakita na may kinalaman kay Malayah, batid ni Lakan na hindi ito kailanman magiging alamat. Kahit gaano pa kalaki ang kaakibat nitong trahedya.

Ngunit babaguhin niya iyon. Babaguhin nila iyon ni Malayah. Walang kailangang mauwi sa trahedya. Walang kailangang maging alamat.

Ibinalik na ni Lakan ang atensyon sa pagmamaneho at 'di kalauna'y unti-unti niya itong binagalan. Liningon niya ang mga kasama at binasag ang katahimikan.

"Nasa Albay na tayo."

--

Kagaya ni Magayon ay tunay ngang napakaganda rin ng kanyang bayan.

Preskong hangin ang sumalubong kina Malayah sa pagbaba ng sasakyan nang marating nila ang bayan ng Daraga. Bumaba sila sa isang parke kung saan naroon ang gumuhong simbahan ng Cagsawa.

Naglakad-lakad ang apat sa paligid. Mapapansin ang maraming mga turista na kasabay nila. Kilala ang bayan ng Legaspi sa larangan ng turismo. Marami ang magagandang lugar dito na talagang dinadayo ng mga tao.

Isa na rito ang karikitan ng bulkang Mayon.

"Iyon ang bulkang Mayon," wika ni Lakan at itinuro ang perpektong triyanggulo sa likod ng gumuhong simbahan ng Cagsawa.

Banayad ang preskong hangin na dala ng mga luntiang puno sa paligid. Inipit ni Malayah ang buhok sa kanyang tainga upang hindi ito tangayin ng hangin. Huminto sila at namamanghang pinagmasdan ang bulkan.

Napangiti si Aran. Napakataas at napakatayog ng bulkan. Para bang maaabot nito ang langit. Nguit sa ideyang iyon ay napaawang ang bibig ni Aran. Bumaling siya sa mga kasama. "Kung nariyan ang hiyas, aakyatin natin 'yan?"

Tumango si Malayah.

Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa marating ang isang bahay panuluyan hindi kalayuan sa parke. Katulad ng naging panuluyan sa Abra ay gawa sa marmol ang gusali. Sopistikado at malayo sa simpleng kapaligiran—gayunpaman ay napakaganda.

Parang isang hacienda ang paligid kung pagmamasdan sa taas ng isang balkonaheng gawa sa salamin. Kapatagang kulay luntian ang tanawin sa ibaba at sa guhit-tagpuan ay masisilayan ang perpektong hugis ng bulkan.

Sa kabila ng mga napagdaanan ay napakalma ng tanawing ito ang puso ni Malayah. Sa ilang sandali ay nakalimutan niya ang mga gumugulo sa isipan. Ang mga nakaraang paglalakbay at ang mga pighating naidulot nito. Ang katotohanang ngayon ay nasa kinaroroonan silang muli ng isang hiyas at isang makapangyarihang nilalang na naman ang kanilang haharapin upang makuha ito.

Sa mga sandaling iyon ay tanging ang malamig at preskong hangin lamang ang humahagkan sa kanyang buong pagkatao.

"Mayroon pa palang natitirang maganda sa mundong ito."

Nilingon ni Malayah si Lakan na ngayo'y nakatitig sa kanya. Marahan siyang ngumiti at tumango rito.

Maganda ang pagsalubong ng araw sa kanila. Maaliwalas ang langit at walang masyadong ulap ang tumatakip sa marikit at perpektong tuktok ng bulkang Mayon. Maririnig ang huni ng mga ibon at iba pang mga hayop sa luntiang kapatagan. Sa ilang sandali'y parehas lamang silang nakatitig sa magandang tanawin. Blanko ang isipan at magaan ang loob.

Ngunit alam nilang pareho na hindi dapat sila manatili nang ganoon. Sapagkat mayroon pa silang isang hiyas na kukuhanin. Mayroon pang isang mahalagang tao na ililigtas. Mayroon pang tadhanang babaguhin.

Kailangan nilang magpatuloy.

Kahit gaano man nakakahalina ang pananatili.

"Halika na?"

Inilahad ni Lakan ang kamay sa harap ni Malayah. Nakangiting tumango ang dalaga at tinanggap ito.

--

Matapos ang ilang oras na pamamahinga ay inakyat nila ang bulkang Mayon kasama pa ang ibang mga namamasyal sa pangunguna ng isang gabay turista. Nakasuot ito ng kulay pulang uniporme sa ilalim ng isang diyaket habang nakasukbit ang malaking bag sa likuran.

Sa gitna ng pag-akyat ay huminto sila sa parte ng daraanan na may harang. Nagsilisawan ang mga tao upang kuhanan ng litrato ang magandang tanawin at ang mga sarili.

Lumapit sina Malayah sa gabay turista. "Bakit huminto sa pag-akyat?"

"Ah, hanggang dito lang po ang maaaring puntahan ng mga turista. Masyado nang mapanganib kung mas lalo pang lalapit sa tuktok ng bulkan gayong aktibo ito," paliwanag nito at nagpaalam upang asikasuhin ang ibang mga namamasyal.

"Kung ganoon ay hindi tayo makakalapit sa tuktok at hindi makukuha ang hiyas?" Kaagad na tanong ni Aran nang makaalis ang gabay-turista.

"Sigurado ba kayong nasa tuktok ng bulkan ang hiyas?" Tanong naman ni Sagani dahilan upang mapaisip ang mga kasama.

Umiling si Malayah. "Ngunit ang itinuro ng mapa ay ang mismong bulkan—" Nanlaki ang kanyang mga mata nang may mapagtanto. "Kay daragang Magayon! Siya ang tagapagbantay nito ayon sa mapa."

"Ngunit hindi ba't namatay si Magayon at siya mismo ang naging bulkang Mayon? Kung gayon ay narito sa tinatapakan natin ang hiyas," wika naman ni Aran.

"Ngunit saan?" Balik na tanong ni Malayah.

"Siguradong may isang nilalang na nagbabantay sa hiyas bukod sa bundok ng Mayon. Maaaring naging isang immortal na nilalang din si Magayon katulad ni Angalo. At sa paglapat ng itim na hiyas sa mapa ay tiyak na siya'y muling nagising."

Napatango ang tatlo kay Sagani.

"Ngunit paano natin ito mahahanap?" Tanong ni Aran.

Nilibot ng tingin ni Sagani ang paligid at ang mga turistang naririto. "Kagaya ng nakagawian. Babalik tayo ng madaling araw, ang sandali kung kailan pinakamakapangyarihan ang mga nilalang ng Hiwaga."

--

Nang dumating ang gabi ay kaagad na kumilos ang apat. Ilang turista pa rin ang gising at may mga nagbabantay sa paanan ng bulkan.

Ngunit madaling nakapuslit sina Malayah dahil sa orasyong kanyang natutunan mula sa libro ng kanyang lola. Madilim ang paligid kung kaya't nagdala sila ng mga lampara. Dala rin ang mga gamit na maaaring makatulong sa kanila at ang mga sandata.

"Ang sabi ng isa sa mga tauhan sa tinutuluyan natin, aabutin ng tatlong araw bago maakyat ng sinuman ang tuktok ng Mayon," saad ni Malayah sa mga kasama nang makalayo sila sa mga nagbabantay sa paanan.

Maingay ang mga kuliglig at apura ang pagkaluskos ng mga hayop sa kanilang paligid. Ila'y nagtatago sa mga sanga ng puno at ang iba nama'y sa dilim.

"Kung ganoon pala ay paano tayo makakaakyat nang mabilis?" Tanong ni Aran.

Napaisip si Malayah at umiling. "Hindi ko alam."

"Hindi mo alam?" Kunot-noong tugon ni Sagani, "Kung ganoon ay bakit pa tayo tumuloy rito?"

Hindi kaagad na nakasagot si Malayah. Wala silang plano at basta-basta na lamang sumugod. Sinubukan niyang maghanap ng isang orasyon sa libro ng kanyang lola upang makalikha ng portal o anuman.

Nakahanap siya ngunit hindi sapat ang kanyang kakayahan upang magawa ito.

Ngayon ay tila ba sa himala na lamang umaasa si Malayah. Nilingon niya ang mga kasama. "Maaari nating subukan. Malay ninyo ay kagaya ng bundok ng Arayat ay may kapangyarihan ding bumabalot sa bulkan na makakatulong sa ating makaakyat nang mabilis."

At iyon nga ang kanilang pinanghawakan habang sinusubukang akyatin ang bulkang Mayon. Ngunit sa ilang oras na pag-akyat ay narating lamang nila ang harang na kanilang nakita kasama ang ibang mga turista kanina.

"Marahil ay dito na magsisimula ang hiwaga?" Saad ni Aran upang buhayin ang kanilang nawawalang pag-asa.

Pagod at hingal man ay lumusot sila sa harang at nagpatuloy. Ngunit ilang oras muli ang lumipas ay napabagsak si Malayah sa lupa. Namamanhid na ang mga binti at hapong-hapo.

Inabutan siya ni Lakan ng tubig. "Maaari naman tayong magpatuloy mamaya o bukas."

Tumango si Malayah at isinandal ang ulo sa mga tuhod. Hindi naman ang katagalan ng pag-akyat ang kanyang iniiisip bagkus ay kung may madadatnan ba talaga sila sa tuktok matapos ang pagsusumikap na maakyat.

Hindi nila sigurado kung naroon ba talaga ang hiyas o kung marating ang tuktok ay makukuha nila ito kaagad. Hindi nais ni Malayah na masayang ang kanilang paghihirapan.

Ngunit kahit magpatuloy o huminto ay hindi nila malalaman kung ano ang totoo hangga't hindi nila nararating ang tuktok.

At kagaya ng iba pa, isa itong sugal.

Muling nagpatuloy ang apat sa pag-akyat. Namamahinga bawat saglit at muli ring nagpapatuloy. Sa bawat patak ng pawis ay lalong lumalaki ang pag-asa sa kanilang mga puso.

Sa ikatlong araw ay narating nila ang mahamog na bahagi ng bulkan. Malamig na ang temperatura senyales na mataas na ang kanilang kinaroroonan.

Hinawi-hawi ni Malayah ang tila hamog na ulap. "Sabi sa akin ni Papa, ang bulkan daw ay si Magayon at ang ulap naman na nakapalibot dito ay si Pangaronon."

Nagpatuloy sila at sa pagsapit ng gabi ay tuluyan na ngang narating ang tuktok ng bulkang Mayon. Sa malapitan ay napakalawak ng bibig ng bulkan. Para itong isang malalim na bangin at tila matagal na mula nang mahimbing mula sa pagsabog sapagkat walang masisilayang kumukulong putik o nagbabagang mga bato sa loob nito.

"Yehey! Narito na tayo! Pero... ano na ang gagawin natin ngayon?" Wika ni Aran at bahagyang ngumiti sa mga kasama upang pababain ang tensyon.

Itinaas ni Malayah ang hawak na lampara sa madilim na paligid at inilibot ang tingin. "Siguro ay maghiwa-hiwalay tayo at libutin ang paligid? Tumawag kayo kapag may napansin kayong kakaiba."

Sumang-ayon ang tatlo at nagsimulang maglibot. Hindi na namalayan ni Malayah kung saan tumungo ang kanyang mga kasama sapagkat nakatuon ang kanyang atensyon sa dinaraanan at maingat na humahakbang sa takot na masilat at mahulog sa bibig ng bulkan.

Madilim ang paligid at hindi na maaninag ng dalaga ang ilaw ng mga lampara ng kanyang mga kasama. Nagpatuloy lamang siya sa paglilibot.

Sa ilang sandali ay tila nawawalan na ng pag-asa si Malayah. Walang mahiwagang nilalang ang nagpapakita at walang hiyas na lumilitaw. Paano kung wala talagang silbi ang tatlong araw nilang pag-akyat? Ang pagod at pawis ay masasayang lamang.

Ngunit hindi kalayuan ay may tila bituin siyang naaninag. Sigurado siyang hindi ito tunay na bituin sapagkat narito ito sa ibaba. Kulay pula ang ningning nito at natigilan si Malayah nang may mapagtanto.

Ito na ba ang huling hiyas?

Hindi na nagawang tawagin ni Malayah ang mga kasama at kaagad na nilapitan ang kumikinang na bagay na kanyang nasilayan. Hindi na rin alintana ang matarik na nilalakaran at halos patakbo na siyang umusad.

Natauhan na lamang ang dalaga nang sa paghakbang ay bumigay ang batong kanyang tinapakan. Mabuti na lamang at hindi siya nahulog. Itinapat ni Malayah ang lampara rito at napalunok nang mapagtantong nasa dulo na siya ng tila banging bibig ng bulkan.

Kaagad siyang napaatras. Huminga siya nang malalim at bago maingat na magpatuloy ay tinawag niya ang mga kasamahan.

"Lakan, Sagani, Aran! Sa tingin ko ay nakita ko na ang hiyas!" Wika niyang may pagpupunyagi.

Nang maaninag na ang tatlong liwanag ng lampara na papalapit ay nagpatuloy si Malayah sa paglapit sa sinasabing hiyas.

Ito'y nakabaon 'di kalaliman sa pader ng bangin. Lumuhod si Malayah at bahagyang dumungaw rito. Nakakita siya ng isang halaman sa kanyang tabi at mahigpit itong hinawakan bago ihulog nang bahagya ang katawan sa bangin upang maabot ang hiyas.

"Malayah?"

"Narito ako!" Kaagad niyang tugon nang marinig ang boses ni Lakan. "Malapit ko nang makuha!"

Ininat niya ang kamay upang maabot ito sa ibaba ngunit hindi pa rin sapat. Lalo siyang dumungaw hanggang sa ang pinakadulong dahon na ng halaman ang kinakapitan niya.

"Umalis ka riyan, Malayah!"

Hindi sinunod ng dalaga ang boses ni Lakan at nagpatuloy sa pag-abot sa hiyas. "Saglit lang, malapit na!"

"Malayah!"

Kaunti na lamang. At iyon ang ginawa ni Malayah. Umusog siyang muli nang kaunti at sa wakas ay nakapa na ang makinis na tekstura ng hiyas.

Kaagad niya itong kinuha. "Ito na!"

Itinaas niya ito upang makita ng mga kasama. Hindi man makita ang ngiti ni Malayah ay maririnig sa kanyang boses ang pagkagalak. Nakadapa pa rin siya sa gilid ng bangin at pinapakalma ang mabilis na tibok ng puso dahil sa kaba.

Ngunit nang subukan na niyang bumangon ay narinig niya ang pagbitak ng lupa sa dilim. At sa muling paggalaw ay tuluyan itong nawasak at nahulog kasama siya.

"MALAYAH!"

Umalingawngaw sa tainga ng dalaga ang pagtawag sa kanya ng mga kasama. At sa gitna ng pagkahulog ay ibinaling ni Malayah ang tingin sa kanyang kanang kamay.

Sa ilalim ng kanyang palad ay maaaninag pa rin ang isang pulang liwanag. Hinigpitan niya ang hawak dito at tuluyang pumikit upang salubungin ang puso ng bulkan.

--

Matapos ang sandaling iyon ay muling tumahimik ang paligid. Bumalik ang mga maiingay na kuliglig at nagsibalikan sa mga tahanan ang mga hayop. Sa ibaba ng bulkan ay walang kalam-alam ang mga tao sa nangyari roon.

Ngunit kinabukasan, naitala sa balita ang ika-apatnapu't walong pagputok ng bulkang Mayon sa loob ng limang daang taon.

***

Continue Reading

You'll Also Like

153K 3.9K 68
12 ZODIAC SIGNS, 13 PROTECTORS. Why is it 13 kung 12 lang talaga ang Zodiac signs? Simple lang ang pamumuhay ng mga kabataan na 'to. Nabago na lang...
25.3K 1.8K 94
[BOOK 1 OF 2] In her 15 years of existence, Mirai Akarui lived a normal life. She attends a normal school, lives in a normal town, and encounters nor...
96K 3.2K 67
Do you know the story of Huntres, Senshins and Shinigamis? Wait... This is not their story. This is Custos' story. This is our story. This story is b...
114K 7.7K 67
𝐈𝐤𝐚-𝐮𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐥𝐢𝐛𝐫𝐨 𝐧𝐠 '𝐕𝐈𝐑𝐓𝐔𝐀𝐋 𝐑𝐄𝐀𝐋𝐈𝐓𝐘 - 𝐓𝐑𝐈𝐋𝐎𝐆𝐘' |||𝐓𝐀𝐆𝐀𝐋𝐎𝐆 𝐕𝐄𝐑𝐒𝐈𝐎𝐍||| Dahil sa paghahanap ng gustong...