Malayah

By itskavii

2.1K 300 566

Isang tagna. Mula sa balon ni Tala ay bumaba ang isang pangitain sa lupa. Sa ika-anim na beses na tangkaing a... More

Malayah
PROLOGO
1. Ang Pagkawala ni Apulatu
2. Ang Kapre sa Balete
3. Ang Mapa
4. Si Mariang Sinukuan
5. Sa Lumang Bahay
6. Ang Tiyanak
7. Kay Mariang Karamot
8. Si Agua
9. Huwad
10. Ang Panlilinlang
11. Sa Tugot
12. Ilang Ilang
13. Engkanto
14. Hiling
15. Ang Ginintuang Kabibe
16. Si Angalo
17. Ang Ikalawang Hiyas
18. Si Aran
19. Sa Makitan
20. Ang Araw
21. Sa Daluti
22. Mga Tadhanang Magkakadikit
23. Anong Tadhana
24. 'Di Kasiguraduhan
25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula
26. Ang Mahiwagang Sandata
27. Si Linsana
28. Adhikaing Maging Babaylan
29. Pagkagayuma
30. Sa Pagkamatay ng Ibon
31. Si Dalikmata
32. Ang Pagpula ng Paruparo
33. Sa Talibon, Bohol
34. Ang Susi Upang Mapakawalan.
35. Ama
37. Kay Daragang Magayon
38. Isang Sugal
39. Ang Kakaibang Pwersa
40. Si Panganoron
41. Mula Sa Akin At Para Sa'yo
42. Umiibig
43. Si Pagtuga
44. Ang Kasal
45. Isang Sumpa
46. Himala
47. Isang Panaginip
48. Si Magayon
49. Mga Tikbalang
50. Portal
51. Ang Tagna
52. Batis Ng Katotohanan
53. Isang Dayo
54. Dalangin
55. Ina
56. Anino

36. Ang Itim na Hiyas

31 3 34
By itskavii

"Imposible ang nais mong mangyari, Malayah. Hindi ka namin hahayaang magpahuli sa kanila."

Iyon ang bulalas ni Lakan nang marinig nila ang naisip na plano ng dalaga. Kaagad namang sumang-ayon dito si Sagani at sinaad na mapanganib ang sinasabi nitong gagawin.

"Ngunit susunod naman kayo sa akin, hindi ba? Kapag dinakip nila ako ay paniguradong dadalhin nila ako sa kuta nila. Sa ganoong paraan ay madali nating malalaman kung nasaan ito. Gamit ang mahiwagang sandata ay makakaya nating talunin ang mga manananggal at kuhanin doon ang hiyas," sa pagpapaliwanag ni Malayah ay para bang napakasimple ng lahat.

"Nakalimutan mo si Sitan, Malayah. Hindi lamang pangkaraniwang nilalang ang haharapin natin doon. Isang diyos at mga halimaw. Isa pa, paano mo nasisiguro na naroon nga ang hiyas? O kung naroon man, ang eksaktong kinaroroonan nito?"

Walang nagsalita matapos ang mga sinabi ni Lakan. Maging si Malayah ay tila naisip kung gaano kapusok ang kanyang naisip na plano. Talaga bang susugurin niya ang kuta ni Sitan nang ganoon lamang? Anong laban nila sa isang diyos?

"Tama si Lakan. At isang maling hakbang lang natin ay mawawala na ang lahat."

Napabagsak ang balikat ni Malayah noong pangalawahan ito Sagani. May punto ang mga ito. Ang kanyang plano ay mapusok at biglaan lamang. Hindi maayos at konkreto.

"Ngunit ano ang gagawin natin?" Saad ni Malayah. "Hindi naman pwedeng maghintay lang tayo rito. Kailangang may gawin tayo. Tumatakbo ang oras at..." Napahinto si Malayah sa pagsasalita at bumaba ang mga tingin sa lupa. ...At si Papa, naghihintay si Papa sa Hiwaga.

Ngunit hindi niya iyon masambit sa harapan ng mga kasama. Pakiramdam ni Malayah ay sobrang makasarili niya. Ilang beses na nga ba niyang ipinahamak ang mga kasama dahil sa kagustuhang mailigtas kaagad ang ama?

"Paano kung ako na lamang ang magpadakip sa kanila?"

Napalingon ang lahat kay Aran. Sa tagal ng kanilang pag-uusap ay ngayon lamang ito nagsalita.

"Ako ang hinahanap nila," balikwas dito ni Malayah. "Hindi maaaring iba ang–"

"Ngunit paano kung magpanggap akong ikaw?"

Natigilan ang tatlo sa suhestiyon ni Aran. Magpanggap bilang ako? At tsaka napalingon si Malayah sa kanyang mga gamit kung nasaan ang libro ng kanyang lola. Ang orasyon ng pagpapalit-anyo.

Pinagmasdan ni Aran ang mga kasama at hindi na hinintay ang tugon ng mga ito. Sinimulan niyang ilahad ang naisip niyang plano. Katulad lamang ito ng plano ni Malayah ngunit ngayon ay mas mainam at konkreto.

--

Unang hakbang.

Saktong ala-singko ng hapon ay napagtagumpayan nila ang orasyon ng pagpapalit-anyo. Ngayon ay nakatitig si Malayah sa kanyang wangis sa katauhan ni Aran. Napatango si Malayah.

Ibinigay niya kay Aran ang isang replika ng kwintas ng alapaap. "Sa tingin ko ay dyaan nila ako nakikilala."

Hinawakan niya ang nakasuot sa sarili at sumulyap kay Lakan. "Napagtanto ko na nasusundan nila ako sa tuwing inaalis ko ang kwintas. Hindi ko alam kung bakit o anong kailangan nila sa'kin ngunit magagamit natin ito ngayon."

Itinanggal ng dalaga ang kwintas sa kanyang leeg at ilang sandali itong tinitigan sa mga palad bago isuot muli. "Tiyak na paparating na sila ngayon. Ang kailangan nalang nating gawin ay maghintay."

Ang lahat ay umaayon sa kanilang plano. Sa oras na dumating ang mga manananggal sa kanilang kinaroroonan ay magpapadakip si Aran sa anyo ni Malayah. Palihim na susundan ng tatlo ang mga ito patungo sa kuta. Sa oras na makarating ay lilituhin nina Sagani at Lakan ang mga halimaw habang si Aran ang haharap sa kanyang ama. Si Malayah naman ang maghahanap sa hiyas.

Ngunit ang tila konkreto nilang plano ay nasira bigla sa hindi inaasahang pagdating at tangkang pagligtas sa kanila ni Liway. Ang nasirang hakbang ay naging dahilan din ng pagkikitang muli nina Malayah at Agua.

"Hindi siya si Agua," bulalas ni Malayah nang makapasok sila sa kwartong ipinahiram sa kanila ng nakatagpong dating kaibigan.

"Anong ibig mong sabihin?" Umupo si Lakan sa kanyang tabi.

"Hindi kailanman aalis ng dagat si Agua," mariin niyang tugon. Napahinto si Malayah at naalala ang dating pag-uusap nila ng tunay na Agua. Ikinuwento nito sa kanya kung gaano ito kasabik na bumukas ang portal at makauwi sa kabilang mundo kasama ang pamilyang sirena nito. Hindi naniniwala si Malayah na nanaisin ni Agua na iwan ang mga ito.

"Kung ganoon ay sino iyon?" Tanong naman ni Sagani.

"Hindi ko alam. Maaaring isa ring pagbabalat kayo katulad ng ginagawa namin ni Aran. Marahil ay kasama siya ni Liway at pinaglalaruan tayo."

"Totoo ang nais ni Liway na iligtas tayo." Napalingon ang lahat kay Aran na ngayon ay nasa wangis ni Malayah. Napaiwas siya ng tingin dahil dito. "Basta. Naniniwala akong tunay ang kanyang pakay."

"Tunay man o hindi, kailangan na nating magpatuloy. Tumatakbo ang oras." Napatango ang lahat bilang pagsang-ayon kay Sagani.

Lumisan sila sa tahanan ng pinaniniwalaang huwad na Agua. Kung totoo man na kasabwat ito ng mga manananggal, mas mainam pa rin na sundin ang planong pagpapadakip sa huwad na Malayah sa lugar na kanilang kontrol kung kaya't tumungo sila sa masukal na gubat at doon ay naghintay.

Tangkang aalisin muli ni Malayah ang kanyang kwintas upang matunton sila ng mga ito nang sa langit ay matakpan ng 'di mabilang na mga pigura ang buwan. Narito na ang mga manananggal.

Naghintay sila roon, nakatingala at hinihintay ang mga inaasahan. At nang dumating na nga ito ay laking pagtataka nila nang hindi sila nito napansin at dire-diretso lamang ang paglipad.

Halos tumaas ang kanilang mga balahibo nang ang nakakahumaling na kagandahan ng langit na puno ng mga bituin ay naharangan ng mga anino ng mga lumilipad na manananggal sa ilalim ng buwan. Hindi nila alam kung ilan ang eksaktong bilang ng mga ito ngunit higit ito sa sampu. Napalunok si Malayah dahil sa kaba na hindi niya alam na naroon pala sa kanyang dibdib.

"Saan sila pupunta? Anong--" Naputol ang sinasabi ni Malayah nang sagutin ito ni Sagani.

"Kina Agua!"

"Imposible, hindi nila alam na naroon tayo," usal naman ni Aran.

Umiling-iling si Malayah at nagsimulang tumakbo pabalik sa direksyong kanilang pinanggalingan. "Kailangan nating bumalik."

Ang pangunahing dahilan ng kanilang pagbalik ay ang orihinal na planong pagpapadakip. At ito nga ay nagtagumpay. Nadala ng mga manananggal si Aran na nagwangis Malayah habang ang tunay naman ay kasama nina Sagani at Lakan.

Ngunit may isang bagay na hindi nasunod sa kanilang plano.

Masyadong mabilis ang paglipad ng mga manananggal dahilan upang hindi nila ito nasundan.

"Malayah, ano nang gagawin natin?"

Aagad na tumakbo si Malayah patungo sa bahay ng huwad na Agua. Hindi niya inaasahan na naroon ito ngunit hindi rin siya nagulat nang madatnan ito.

"Ituturo niya sa atin mamaya kung nasaan ang kanilang kuta. Sa ngayon ay bigyan muna natin ng oras si Aran upang magawa ang dapat niyang gawin."

Sinama nila ang huwad na Agua at pinaniwala pa ring nadakip na ng mga halimaw si Malayah. At nang sumapit ang sandaling magbalik siya sa tunay na anyo, iyon na ang senyales na kailangan na nilang sundan si Aran.

Mababakas sa mukha ng huwad na Agua ang pagkagulat nang makitang kasama nilang muli si Malayah. Napangisi si Malayah at humakbang papalapit sa huwad na kaibigan.

"Agua, naaalala mo pa ba ang mahikang orasyon na ginamit natin noon?"

Batid ni Malayah na hindi nito maaalala ang bagay na iyon. Sapagkat tanging ang tunay na Agua lamang ang nakakaalam nito. Kung kaya't natigilan ang dalaga nang tumugon ito.

"Ang orasyon ng pagpapalit-anyo?" Tanong nito bago tumawa at umiling-iling. Binato ni Agua ng masasamang tingin ang dalaga. "Kahit kailan talaga ay mapanlinlang ka, Malayah."

Hindi kaagad nakapagsalita si Malayah. Pinagmasdan niya lamang ang kaibigang inakala niyang isang huwad. Napailing-iling siya. Bakit tila ang boses nito'y may bahid ng kung anong galit sa kanya? "Mapanlinlang?"

"Hindi ba't sinadya mo na mapunta ako rito? Alam mong hinahanap ka nila kung kaya't ginamit mo ang orasyon upang makatakas!" Asik ni Agua. "Ngunit akalain mo nga naman... dito ka rin pala babagsak. Hindi mo sila matatakasan habambuhay."

Tuluyang nalukot ang noo ng dalaga. Sinubukan niyang humakbang palapit sa dating kaibigan. "Anong sinasabi mo, Agua? Noong naroon tayo, hindi ko alam na hinahanap nila ako o kung bakit. Paano mo—"

Natigilan si Malayah nang maalala ang unang pagharap niya sa isang manananggal. Nangyari iyon sa Subic noong madaling araw sa kabilugan ng buwan. At noong nakaharap niya ito ay nasa ilalim pa siya ng mahika ng orasyon at nasa wangis pa ni Agua. Nagtataka pa siya kung paano nito nabatid ang kanyang ngalan gayong nasa iba siyang katauhan.

Dahan-dahan ay napagtanto ni Malayah ang mga nangyari. "Agua..." Sinubukan niyang humakbang muli ngunit umatras ito palayo. "Narito ka ba sapagkat nadakip ka nila dahil napagkamalan ka nilang ako?"

Mula sa 'di kalayuan ay maririnig na ang ingay ng pagaspas ng mga pakpak ng mga manananggal. Kaagad na napaharap ang lahat dito maliban kay Malayah na nakatitig pa rin sa dating kaibigan.

Ngunit napabaling muli ang lahat sa kabilang direksyon nang makalapit ang hingal na hingal na si Liway.

"Hindi ba't sinabi ko sa inyo na huwag kayong aalis? Nasaan si Aran?" Bungad nito sa pagitan ng paghabol ng hininga.

Hindi na nasagot ang mga katanungang iyon sapagkat tuluyan na ngang nakarating sa kanilang kinaroroonan ang mga manananggal. Kaagad na kinuha nina Lakan at Sagani ang kanilang mga sandata at sinalubong ang mga ito.

Dahil sa kaguluhan ay hindi nila napansin ang pagtakas ni Agua habang si Malayah naman ay hinitak si Liway palayo roon. Nang sila'y huminto ay hinarap niya ang kaibigang manananggal. "Samahan mo ako sa kuta ninyo."

--

Pinakahuli sa nais ni Aran ang makaharap muli ang kanyang ama. Ang sariling magulang na nagawa siyang itakwil at ipapatay sa mga kampon nito. Ang siyang dahilan kung bakit siya napadpad sa Daigdig dahil sa pagtakas dito.

Ngunit ngayon ay ito ang eksaktong nangyayari. Sa katagalan ng pagtakbo at pagtakas niya mula rito, magkikita at magkikita pa rin pala sila.

Hindi niya ito matatakasan habambuhay.

Sa tahimik na kweba ng kadiliman ay pilit inayos ni Aran ang kanyang tindig habang mariing nakatitig sa nilalang ng usok na lubos niyang kinatatakutan.

"Hindi ko inaasahan ang pagbisita mo, mahal kong anak."

Matalim ang pagkakasambit ng anino rito. Hindi ito isang matamis na pagbati mula sa nangulilang ama bagkus ay isang patalim na itinatarak sa anak.

"Anong kailangan mo kay Malayah?"

Gaanong lakas ba ang inipon ni Aran upang sambitin ang mga salitang iyon? Kung siya ang Aran bago pa man mapadpad dito sa mundo ng mga mortal ay tiyak na hindi niya magagawang magsambit ng ni isang salita man lamang. Ang kilabot na kanyang nadarama sa tuwing kaharap ang ama ay naroon pa rin ngunit ngayon ay tila ba mas malakas siya.

Hindi niya alam. Marahil ay mas mahina lamang ang presensya ng kanyang ama sa mundo ng mga mortal kung kaya't nakakaya niyang titigan ang mga aninong mata nito nang diretso.

"Si Malayah?" Usal ng diyos ng Kasanaan sa kanyang mapanglarong tono, iyong tonong kanya lamang ipinaparinig sa mga nilalang na sa tingin niya'y mahina upang seryosohin. At ang katotohanang iyon ay isang dagok kay Aran.

"Oh, anong tadhana! Kung alam ko lang na ikaw ang makakahanap sa kanya, hindi na sana kita ipinapatay pa."

Hindi ito pinansin ni Aran at bagkus ay inulit ang kanyang tanong. "Anong kailangan mo kay Malayah!?"

Bumulusok ang anino at lumutang paikot kay Aran. Huminto ito sa kanyang likuran at bumulong sa kanyang tainga. "Isang bagay na hindi ko makukuha sa'yo."

--

"Naroon si Aran? At... anak siya ng panginoong Sitan?"

Tumango si Malayah habang patuloy pa rin ang paglalakad. Kapalit ng pagtuturo sa kinaroroonan ng kweba ay hiniling ni Liway na ikuwento ng dalaga kung ano ang mga nangyayari.

"Sa tingin mo ba'y sasaktan siya ng sarili niyang ama?"

Nagkibit-balikat si Liway. "Hindi ko alam. Marahil ay oo?"

"Kung ganoon ay kailangan nating bilisan."

Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa ang lakad ay naging pagtakbo na.

"Hindi ako makapaniwala... kung ganoon ay nakasalamuha na ako ng isang kalahating diyos?" Usal ni Liway at bahagyang natawa. "Alam kong maraming mga anak ang panginoong Sitan. Mula pa man sa panahon ng mga ninuno ko ay usap-usapan na ang pagpapalahi ng diyos sa iba't-ibang mga uri ng mga nilalang. Mga diwata, mga engkanto, mga halimaw, maging mga mortal. Ang sabi nila'y may tinutupad itong propesiya. At nang masiguradong naisilang na nga ang nilalang na tutupad dito ay pinapaslang niya ang ibang mga anak."

Napahinto si Malayah at hinarap si Liway. "Pinapaslang?" Tumango ito. Napagtanto ni Malayah na marahil ay iyon ang tinatakasan ni Aran noon nang una nila itong makita. Sa sobrang desperadong makatakas ay nagawa ng binata na magnakaw ng katauhan ng iba. Ngayon ay naiintindihan na ni Malayah.

Muli niyang binilisan ang paglalakad. Kung ganoon nga ang sitwasyon ay tiyak na nasa panganib ang kaibigan ngayon.

Ngunit napahinto siyang muli at liningon si Liway. Kung kasama si Aran sa nais ipapaslang ni Sitan, ibig sabihin lamang ay hindi siya ang nag-iisang anak na nais nitong buhayin. "Ngunit sino ang anak niyang nasa sinasabi mong propesiya? At anong klaseng propesiya iyon?"

Napatitig lamang si Liway kay Malayah nang may bahagyang kunot sa noo. Sinipat nito ang mukha ng dalaga, tila naghahanap ng bakas. Ngunit purong kuryosidad lamang ang naroon. "Wala ka ba talagang alam?" Mahina nitong sambit.

Napakunot ang noo ni Malayah. "Alam?"

Sandali siyang pinagmasdan ni Liway, tila nagdadalawang isip kung sasabihin ba nito ang sasabihin. Ngunit ilang sandali ay humarap lamang ito sa direksyong kanilang tinatahak. "Narito na tayo, Malayah."

Kaagad na humarap si Malayah sa kanilang dinaraanan. Naroon, ilang hakbang na lamang ang kalayuan, ay ang kweba ng kadiliman.

--

"Hanggang dito na lamang ako, Malayah. Tiyak na papatayin ako ng panginoong Sitan sa oras na makitang tinutulungan kayo."

Tumango si Malayah at ipinatong ang kamay sa balikat ni Liway. "Malaki na ang naitulong mo sa amin. Maraming salamat."

Tiningala ni Malayah ang kwebang kakailanganin niya pang akyatin upang marating ang bukana. Nag-inat siya ng mga braso.

"Mag-iingat ka, Malayah. Hihintayin ko kayo rito."

Tumango ang dalaga sa kaibigang manananggal bago tuluyang umakyat patungo sa kweba ng kadiliman.

Nang tuluyang makatungtong sa bukana ng kweba ay kaagad na sumalubong kay Malayah ang isang masangsang na amoy dahilan upang mapatakip siya ng ilong. Mahigpit niyang hinawakan sa kanyang kanang kamay ang kampilan ng kanyang ama habang naglalakad papasok sa madilim na kweba.

'Di kalayuan ay nagsimulang magliwanag ang dinaraanan ng dalaga dahil sa mga sulong nakasabit sa mga pader. At dahil sa mga ito'y malinaw ding nasilayan ni Malayah ang mga katawang mula balakang lamang hanggang paa at sa ibabaw ay nakapatong ang duguang mga lamang-loob. Ngayon ay batid na ni Malayah kung saan nanggagaling ang umaalingasaw na amoy.

Pilit niyang hindi ito pinansin at nagpatuloy sa paglalakad. At sa pagdating sa pinakasentro ng kweba ay nakita niya si Aran habang isang itim na usok ang pumapalibot dito.

Pinagmasdan niya lamang ito nang tahimik. Bakit nag-iisa lamang ito roon? Nasaan si Sitan? Pakiramdam ni Malayah ay may mali rito. Ngunit sa oras na unti-unting maglaho ang usok sa palibot ng kaibigan ay napagdesisyunan niyang humakbang palapit.

"Aran? Ayos ka lang ba?"

Hindi ito kumibo at nakatalikod lamang. Nagtataka siyang humakbang muli. "Aran?"

Sa pagkakataong iyon ay humarap ang binata. "Malayah?"

Kaagad na inilibot muli ni Malayah ng tingin ang paligid at nang masiguradong walang kahit sino ang naroon ay hinitak niya ang braso ni Aran upang umalis sa kwebang iyon.

Ngunit huminto sa paglalakad si Aran dahilan upang mapahinto rin si Malayah. Nagtatakang pinagmasdan ito ng dalaga. Hinawakan ni Aran pabalik ang braso ng kasama at piniga ito dahilan upang mapadaing ang dalaga.

Kaagad na itinulak palayo ni Malayah si Aran nang mahagip ng tingin ang purong itim na mga mata nito. "Sitan."

"Kumusta? Ngayon ay tunay na nga tayong nagkita. Ilang beses mo ba akong tinakbuhan?"

Napaatras si Malayah sa malalim na boses na lumabas mula sa labi ng kaibigan. Alam niyang hindi ito si Aran. "Anong kailangan mo sa'kin?"

Isang ngisi ang kumurba sa mga labi ni Aran. Unti-unti itong naglaho sa labi ng binata at napasa sa isang itim na pigurang lumalabas mula sa kanyang katauhan. "Hindi mo ba nais makasama ang iyong ama?"

Natigilan si Malayah. Ang kanyang ama. Kaagad niyang naisip si Apulatu. "Alam mo kung nasaan si Papa?" Humakbang siya palapit dito. "Sabihin mo, ikaw ba ang kumuha sa kanya?"

Nagising ang diwa ni Aran mula sa paghimbing. Kaagad niyang hinitak si Malayah palayo sa itim na pigura. "Anong ginagawa mo rito mag-isa? Nasaan sina Lakan at Sagani?"

Hindi ito pinansin ni Malayah at mariing nakatingin lamang sa itim na pigurang nanggagaling sa usok na nagmumula sa kawa.

"Malayah, umalis na tayo rito." Pilit hinitak ni Aran palayo si Malayah ngunit hindi tuminag ang dalaga. Lumapit pa ito sa kawa at matapang na hinarap ang pigura.

"Nasaan si Papa?"

"Malayah, hindi niya alam kung nasaan ang papa mo. Tara na!"

Humalakhak ang nilalang sa usok na kinainis ng dalaga. Nais niyang takpan ang mga tainga at sigawan ito. Ngunit hindi ito ang ginawa niya. Bagkus ay pasigaw siyang tumakbo patungo sa kawa at hinati ito sa dalawa gamit ang kanyang kampilan.

Dahil dito ay naglaho ang usok at nawalan ng koneksyon ang diyos ng Kasanaan sa kweba ng kadiliman.

Hinarap niyang muli si Aran at tumango rito. "Tara na."

Tahimik silang lumabas sa kweba ng kadiliman. Hindi na alintana ang masangsang na amoy ng mga kalahating katawang nadaraanan. Ang tanging bagay na nasa isip ng dalaga ay ang kanyang ama. Hawak ba ni Sitan si Papa?

"Ayos ka lang ba, Malayah?"

Nabasag ang kanyang pag-iisip at napalingon kay Aran. Marahan siyang ngumiti. "Ako dapat ang magtanong sa'yo n'yan. Hindi ka ba niya sinaktan?"

Umiling si Aran at bahagyang natawa. "Muntik na. Mabuti na lamang at dumating ka. Mas interesado siyang makita ka kaysa sa patayin ako."

Bahagya ring natawa si Malayah at napailing,"Mas mabuti nga iyon."

Nang tuluyan silang makalabas sa kweba ay madilim pa rin ang paligid. Kung kanilang tatantyahin ay wala pang alas-dose ng gabi. Ang mga bituin ay natabunan na ng mga ulap at ang buwan ay sumisilip sa mga sanga ng mga puno.

"Malayah,"

"Hmm?"

"Hindi ba't mas matanda ka sa'kin?"

Bahagyang kumunot ang noo ni Malayah. "Anong klaseng tanong 'yan?"

Napatawa si Aran nang mapagtantong napakakakaiba ng kanyang katanungan sa gitna ng kanilang mga sitwasyon. Marahan siyang napangiti rito.

"Pwede ba kitang tawaging ate?"

Napahinto si Malayah at napatitig sa kaibigan. Ate? Bahagyang napatawa si Malayah sa tanong nito. "Pwede naman. Bahala ka sa buhay mo."

Napatawa rin si Aran. "Ate Malayah..." subok niyang pagbanggit dito. Napailing siya, "Ewan, hindi bagay. Huwag nalang."

Napailing lamang si Malayah at napatawa. "Ewan ko sa'yo. Kung anu-ano ang naiisip mo."

Pareho silang napatawa. Sa ilang saglit ay para bang nakalimutan nilang dalawa ang panganib na kinaharap sa kweba. O ang mga manananggal na naghihintay sa kanila 'di kalayuan. O ang hiyas na hindi pa nila natatagpuan.

Napahinto si Aran.

"Ang hiyas... nakuha niyo ba ang hiyas?"

Nanlaki ang mga mata ni Malayah at napasapo sa noo. "Oo nga pala, ang hiyas!"

Akmang babalik na sila sa kweba nang makasalubong si Liway. "Malayah, Aran!" Kaagad niyang niyakap ang dalawa. "Mabuti at ligtas kayo!"

Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Aran. "Liway, alam mo ba kung nasaan ang hiyas?"

Napahinto si Liway at pinagmasdan ang kausap. "Hiyas? Ang tinutukoy mo ba ay ang itim na hiyas?"

Nagkatinginan sina Aran at Malayah bago tumango.

"Halikayo!"

Nagtatakang itinanong ni Liway sa dalawa kung ano ang pakay nila sa hiyas. Inilahad naman ito ni Malayah at sinabing ang hiyas ay isang susi upang makarating sa kabilang mundo.

"Talaga?" Hindi makapaniwalang usal ni Liway.

Pinagmasdang mabuti ni Malayah ang bagong kaibigan. Ang huli kasing taong kanilang sinabihan patungkol sa hiyas ay tinangkang nakawin ito sa kanila. Ngunit ang dalaga ay walang bahid ng kung anong pakay o interes dito.

"Hindi ko alam na ganoon ang kapangyarihan ng itim na hiyas. Ang akala nami'y isa lamang itong binhi ng aming lahi na papapasa-pasa sa bawat henerasyon."

"Binhi ng inyong lahi?" Kunot-noong ulit ni Malayah.

Tumango si Liway. "Bawat henerasyon ay may mga piling mortal na napabibilang sa aming lahi. Ang itim na hiyas ang may kapangyarihan nito. Sa oras na lunukin ang hiyas, magiging isang ganap na manananggal ang mortal at mailuluwa niya lamang ito sa oras na siya'y pumanaw na. At kapag nangyari iyon ay may bagong mortal ang magmamana nito."

"Teka," huminto si Aran at alarmang pinagmasdan si Liway. "Ibig mong sabihin ay nasa isa sa mga manananggal na iyon ang hiyas?" Umakto itong tila naduduwal.

"Naka'y nino ito ngayon, Liway?"

Bago pa man makatugon si Liway ay isang boses na ang tumugon sa katanungan ni Malayah. "Nasa akin."

Sa kanilang paglingon sa may-ari ng boses ay nasilayan nila si Agua. Mula sa likod nito ay unti-unting lumabas ang pares ng maninipis at maiitim na mga pakpak. At sa pagpagaspas ng mga ito at paglipad ay nahati ang kanyang katawan mula sa kanyang baywang.

"Nasa akin ang hinahanap mong hiyas, Malayah."

***

Continue Reading

You'll Also Like

96.8K 2.4K 36
Ciara Fiasco, daughter of Hades, king of the Underworld and one of the elderly olympian gods, and she has a mission. To put an end to Nathan Castler'...
144K 3.6K 58
Olympias: Home of the gods Explore the fantasy and the mystery of Olympias where gods, goddesses, fairies and peculiars are living. "We learn to acce...
28K 1.3K 55
Do you want to study in X.O.S Academy? An academy in an extraordinary world? A world that no one think exist. A world where you are obliged to play a...
47.7K 1.8K 52
Ashley Grey, a student and also a ruler, has to sacrifice her happiness and be pretentious to protect the people surrounding her. Will she be able to...