PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf...

By YroEno

5.6K 106 13

"Gising ako sa buong magdamag, Aurora. Kinatatakutan ko ang magiging reaksiyon mo sa pagkatuklas mo sa pagkat... More

Martha Cecilia - The Wolf & The Beauty
PROLOGUE
Chapter One
Chapter Two
Chapter Three
Chapter Four
Chapter Five
Chapter Six
Chapter Eight
Chapter Nine
Chapter Ten
Chapter Eleven
Chapter Twelve
Chapter Thirteen
Chapter Fourteen
Chapter Fifteen
Chapter Sixteen
Chapter Seventeen
Chapter Eighteen
Chapter Nineteen - Last Part

Chapter Seven

221 3 0
By YroEno


HINDI siya lumilingon at patuloy sa pagpanhik sa hagdan. Nakakasampung baitang na siya at nasa unang landing nang lingunin niya ito. Nakayupyop ang babae sa handrail at naghahabol ng hininga. She was too flights below him.

"May problema ba?" he asked irritably. The woman was young, natanto na niya iyon nang nasa coffee shop sila. Probably in her early twenties, and looked healthy. Hindi siya makapaniwalang nahihirapan itong pumanhik. "Are you having a bout of asthma?" nagdududa niyang tanong. It was possible that the woman had asthma.

"Just a sec," anito na hinahabol ang paghinga. "Malayo din iyong nilakad ko kasama ng wolf mo. Maliban doon, ilang oras din akong—" She stopped in midsentence. Sa wari ay mas kakapusin ito ng paghinga kung magpapatuloy sa pagsasalita.

A series of profanity came out of his mouth.

Muli siyang bumaba at hinawakan ang babae sa baywang nang walang sabi-sabi at tinulungang makapanhik sa paraang halos buhatin niya ito. Sinikap niyang bale-walain ang pagnanasang ibinabangon nito sa kanya. She was soft and light as a feather.

May daan sa gilid ng bundok patungo sa itaas ng villa na mas madali at hindi matarik subalit hindi niya kailangang doon ito idaan. The lesser she knew about the place, the better.

Mikhail was stupid to bring this woman here. Was his cousin attracted by a pretty face?

Sa naisip niyang iyon ay parang may disgusto siyang naramdaman. Kakaibang uri ng damdaming hindi niya gustong pangalanan. Nararamdaman niya ang gulong dala nito sa pagtatagpo nilang muling iyon.

Damn Mikhail.


PARA siyang sako ng bigas kung bitbitin ng lalaki. Napakapit siya sa braso nito nang wala sa oras. His arm was hard. His body whipcord lean. At bagaman hindi siya kumportable sa pagbitbit nito sa kanya ay hindi niya gustong magreklamo.

Ni wala nga siyang pakialam kung nakadikit na ang katawan niya sa katawan nito. O kung nararamdaman niya ang init ng hininga nito sa mukha niya. Kung siya lang ay malamang na aabutin siya ng ilang oras bago mapanhik ang matarik na hagdan.

Kung hindi sa sobrang pagod na dinanas niya mula kagabi ay malamang na babale-walain niya ang pagpanhik. Masasakit ang mga kasu-kasuan niya. Nabigla ang katawan niya sa ginawa niyang pagtakas kahapon.

Sa itaas ay natambad sa kanya ang nakapaligid na mga rosas sa gilid ng konkretong pader. Iba't ibang kulay. Deep red, white, peach, and yellow! Noon lang siya nakakita ng bed of roses na dinisenyo na magkahalu-halo ang mga bulaklak. And the roses were in bloom! It wasn't even trimmed. Nagra-riot ang mga tangkay at bulaklak na sadyang pinagapang sa batong pader.

She heard a splash. Ibinaling niya ang paningin sa bandang kanan niya. Isang malaking swimming pool ang natanaw niya. Nasisilungan ito ng makakapal na sanga ng mga puno sa paligid. Napansin niyang may naglalangoy roon na nang matanaw sila ay agad na kumaway. Kapagkuwa'y lumangoy patungo sa gilid ng pool at umahon.

"Hey, Luke!" tawag ng isang binatilyo.

Aurora thought he must be around seventeen... eighteen. Nakaplaster sa leeg nito ang may kahabaang buhok. Higit na mahaba kaysa sa buhok ng lalaking kasama niya. Sinuklay nito iyon ng mga daliri patalikod. The young man was just as good-looking.

Naka-define na ang magandang pangangatawan sa kabila ng kabataan pa ito. At dahil naka-trunks ito at nakahapit sa maselang bahagi ng katawan, umiwas siya ng tingin. Hindi naman siya makaluma pero naiilang siyang tumingin sa mga ganoong uri ng pampaligo ng mga lalaki na para ring walang tinakpan.

Inabot nito ang tuwalya sa isa sa mga naroroong lounge at tinuyo ang sarili. Kapagkuwa'y tinitigan nito nang husto si Aurora. "May panauhin ba tayo?"

Itinuro ng lalaking tinawag na Luke ang isa sa mga naroroong lounge sa kanya at pagkatapos ay lumakad patungo sa binatilyo. "Gusto kitang makausap," wika nito sa tinig na bagaman hindi niya halos marinig ay natitiyak niyang nagbabadya ng galit.

Nilingon siya ng binatilyo at nginitian. "You can take a dip," anito sabay hayon ng mga mata sa swimming pool. Lumapad ang ngisi habang hinahagod siya ng tingin. "Parang kailangan mo iyon."

Kung wala ang ngisi nito ay gusto niyang isiping ininsulto siya. Pakiwari niya ay nag-crack ang pisngi niya sa pagsisikap niyang gumanti ng ngiti. "Kung... hindi kalabisan," she said in a straight voice "maaari ba akong makihingi ng kape?" Pinaglipat-lipat niya ang paningin sa dalawang lalaki.

Ang binatilyo ay palakaibigan ang dating, samantalang naniningkit ang mga mata ng nakatatandang lalaki at sa wari ay nagbabadya ang galit. Sa kung para saan ang galit ay ewan niya.

"Of course," wika ng binatilyo. "By the way, my name's Mikhail," anito at kinindatan siya bago sumunod na sa nakatatandang lalaki papasok sa kabahayan.

"And I'm Aurora," pahabol niya na kung narinig ay hindi niya matiyak.

Dahan-dahan siyang naupo sa lounge. Isinandal ang sarili at ilang beses nagpakawala at humugot ng hininga. Sandaling nawaglit sa isip niya ang kinasusuungang panganib habang buong paghangang pinagmasdan niya ang paligid. Ni hindi niya mabigyan ng pangalan ang mga punong nasa kabilang bahagi ng swimming pool. Ang malalagong sanga ng mga ito ang nagsilbing lambong sa swimming pool.

They were old trees. She could even see some vines hanging from the trees. At may mga orkidyas siyang nakikita sa mga puno niyon. Mga wild orchids. At may mga bulaklak! She sighed her awe.

A two-storey stone house, with a turret-like on the deck of the second floor that made it look like a castle. Nakatayo sa mabatong bulubundukin at nakatanaw sa karagatan ng China. May pribadong beach at yate.

Ito ba ay bahay-bakasyunan lamang? O ang talagang tirahan ng kung sino man ang may-ari? Magkapatid ba ang dalawang lalaki? Both were gorgeously handsome. Natitiyak niyang may dugong banyaga ang dalawang lalaki, lalo na ang nakababata.

He couldn't guess the older one's age. Probably in his mid-twenties. Except for the cultured features, he looked like a roughneck. A handsome and rude roughneck.

Naalala niya ang malaking aso. Nasaan na iyon? Para bang inihatid lang siya niyon sa bahay na iyon. Smart dog. At umaasa siyang hindi kakilala ni Gregor ang may-ari ng bahay na ito, considering na hindi naman kalayuan ang Bangui sa Pagudpud. Pero magkalayung-magkalayo ang katayuan sa buhay ni Gregor at ng tinawag na Lukas.

Gayunman, naniniwala siya sa binanggit ni Gregor na may mga tauhan itong tinawagan pasalubong sa kanya. Para abangan siya. Natitiyak niyang hindi papayag si Gregor na makatakas siyang tuluyan.

Ilang minuto makalipas ay isang may-edad na babae ang lumabas at may bitbit na tray ng coffee pot at isang tasa at platito at kutsarita. Inilapag nito ang tray sa mesa sa tabi niya.

"Magandang umaga," bati niya at tipid na ngumiti. Sininghot niya ang amoy ng kape na umabot sa ilong niya.

Hindi tumugon ng bati at ngiti ang babae. Nanatili itong pormal at seryoso. "Ang almusal ay mamaya pa nang kaunti. Pagkatapos mong magkape ay pumasok ka sa loob. Sa unang pasilyo pakanan ay ang dalawang guest room. Mamili ka roon. May sari-sariling banyo ang bawat silid. Maaari mong gamitin. Sa closet ay may mga damit. Mamili ka ng size mo.

Natitiyak kong mayroong kakasya sa iyo roon." Tinitigan nito ang katawan niya at pagkatapos ay muli itong lumakad pabalik sa kabahayan.

Nasa pinto na ito nang muli siyang lingunin. "Mayroong antibiotic ointment sa medicine cabinet. Gamitin mo para diyan sa mga gasgas mo sa mukha at braso."

"Salamat," pahabol niya bago ito nawalang tuluyan sa likod ng pinto.

Itinuon niya ang pansin sa coffee pot. May liquid cream sa isang munting babasaging lagayan at may brown sugar. Nagsalin siya sa tasa. Umuusok ang mabangong kape. Agad niyang tinimplahan ang kape at humigop. It was heaven. The brewed coffee was good. O baka naman sobra lang siyang gutom na kahit marahil instant coffee iyon ay napakasarap na.

Siya na rin ang umiling sa iniisip. The coffee was perfectly brewed. She was a coffee drinker for her not to distinguish a good coffee from the bad one.


DALAWANG tasang kape ang nakunsumo niya bago niya sinunod ang sinabi ng matandang babae at pumasok sa kabahayan. Ang una niyang nabungaran ay isang malaking kusina. Every chef's dream. Moderno ang mga kasangkapan.

There must be a dirty kitchen somewhere. Malaki rin naman ang bahay nila. Pero kung ikokompara sa nakikita niya ay tila laruan lamang ang bahay ng mga lolo at lola niya.

Maganda ang pagkakadisenyo ng bahay na iyon. Rustic ang motiff na binagayan ng disenyo ng mga mamahaling ashlar na ginamit sa dingding. Sa gitna ng kusina ay isang malaking island. Sa itaas niyon ay kuwadradong itim na bakal na sabitan ng lahat ng size ng stainless pots and pans. Isang lumang disenyo mula sa nakalipas na panahon.

There was a time that she dreamt of having an island in her own kitchen. She must still be in college then. Ginugupit niya mula sa mga magazine ang magagandang design ng kusina at dining room at inilagay sa album. Dreaming that one of those would be her kitchen when she had her own family. And that she would hire a very good architect.

Ang bahay nila ay minana ng tatay niya mula sa mga magulang nito. At dahil malaki naman ang bahay, may apat na malalaking silid, na nang mag-asawa ang tatay niya ay doon na rin tumira.

At bagaman malaki ang bahay nila, simple lamang iyon. Naaayon lang sa panlasa at pangangailangan ng mga lolo at lola niya. Her grandparents died five years ago. Isang taon ang pagitan sa bawat isa. Hindi napagkaabalahang ipa-renovate ng tatay niya ang lumang bahay bagaman ilang beses na iyong iminungkahi ni Doreen.

Ayon sa tatay niya ay aapat lang sila sa malaking bahay at kapag nag-asawa raw si Aurora, lalo na raw na tinutulugan na lang ang bahay dahil nasa tindahan sila lagi. At si Nadja naman ay malamang na sa Maynila na maglalagi. Sa condo nilang magkapatid.

Ang sala nila ay may isang lumang malaking sofa at napaliligiran ng mga throw pillows. Mayroong dalawang malalaking rocking chair na narra na ginagamit ng lolo at lola niya noong nabubuhay pa ang mga ito kapag nanonood ng television. Ni hindi ninais ng mga matatandang bumili ng bagong television set at ilagay sa silid ng mga ito para doon na lang manood.

Sa gilid ng bahay papalabas sa tagilirang hardin ay may isang built-in pond. Iyon lamang ang addition sa bahay ng grandparents niya. Ipinagawa iyon ng tatay niya ilang buwan pagkamatay ng mga lolo at lola niya sa mismong loob ng bahay. Naroroon ang mga alagang isda ng tatay niya.

May isang panahon ding nahibang ang ama niya sa pagbili ng aquarium at iba't ibang mamahaling isda. Until Julio decided to dispose of the glass aquariums and installed a big pond inside the house.

Sa isang bahagi ng living room ipinagawa ng tatay niya ang pond. It was one-and-a-half meters long. Ang lapad ay hindi niya matantiya dahil hindi naman deretso ang pond kundi dinisenyo ng tatay niya na tila anyo ng isang miniature lake. Ang dingding ng bahay ay pinatibag nito at pinalagyan ng wrought iron grills from ceiling to floor para sa liwanag ng araw. Nakapaligid doon ang mga halamang-dahon. Kapag umuulan ay bahagya nang umabot doon ang tubig na nagsisilbing dilig sa mga halamang nakatanim sa paligid ng pond.

Pinalagyan din iyon ng tatay niya ng isang mini-fall na ang tubig ay nagpapabalik-balik sa pond at sa fall. Ang ilalim ng pond ay mga bato. Iba't ibang laki. Ayon sa disenyong nais ng tatay niya. Katunayan ay maraming kaibigan si Julio ang nagandahan sa pond at nagpamalas ng pagnanais na magpapagawa rin ng ganoon sa bahay nila.

She thought of her father's pond sadly. It was his one and only hobby. Kung may panahon ang tatay niya noong nabubuhay pa ito, hindi siya magtataka kung nagpagawa ito ng napakalaking aquarium ala-Ocean Park. Sana ay hindi nakakalimutang hagisan ng pagkain ng stay-out nilang kasambahay ang mga koi. Duda siya kung pagkakaabalahan iyon ni Doreen.


IBINALIK niya ang isip sa kusina ng bahay na iyon. Ang ganoon kalaking bahay ay inaasahan niyang maraming kasambahay na abala sa pang-araw-araw na gawain. Pero wala siyang makita o marinig man lang na nag-uusap. The house was eerily quiet.

Lumakad siya palabas. She passed through the huge dining room. Para siyang nasa loob ng isang kastilyo sa pakiwari niya. Parang ang bawat kasangkapan ay hindi sa Pilipinas nanggaling kundi in-order pa sa ibang bansa. Kahit ang painting sa may tapat ng panlabindalawahang dining table ay natitiyak niyang napakalaki ng halaga.

Kapagkuwa'y nakita niya ang pasilyong itinuro ng matandang babae. Pinasok niya ang unang pinto at napahugot siya ng hininga. Ang sahig ay malalapad na kahoy at makintab. May mga mamahaling rugs sa dapat paglagyan.

Tila iyon hinango mula sa pahina ng imported magazine. Iyong mga rooms ng mga rich and famous. Queen-size ang kama na may pale pink na kubrekama at ganoon din ang malalaking unan.

Ang bed-end sofa mismo ay kumportableng higaan. Magaganda at hindi pangkaraniwan ang mga figurines na siyang pinaka-base ng lamp sa bedside table. Kung sino man ang may-ari ng bahay na ito ay natitiyak niyang hindi biro ang kayamanan para gumasta ng malaking halaga para sa isang guest room lang.

Tinungo niya ang pinto na natitiyak niyang banyo. It was ultra-modern in all white imported tiles. May bathtub. Malaki ang vanity mirror. Kompleto sa mga necessities at novelties tulad ng mamahaling pabango, lotions, at kung anu-ano pa. Naghanap siya ng guest toothbrush at nakakita naman.

Ang sari-saring malalaking bote ng shampoo ay hindi yaong pangkaraniwang imported na nabibili sa supermarket. Inisa-isa niyang binasa ang mga labels. Kung hindi made in France ay made in Italy o di kaya ay made in... Romania?

She almost smiled. Did she even have one of these brands in her bathroom? Then her stepmother came to mind. Doreen would surely enjoy this kind of luxury. She could get used to it herself.

Comparatively speaking, kung ang minana nilang magkapatid na kayamanan ng ama ang pag-uusapan ay matatawag na milyonaryo ang bawat isa sa kanila ni Nadja. Lalo na kung matatagpuan nila ang mga alahas na itinago ng tatay niya.

Subalit pinalaki sila ng tatay nila sa isang simpleng buhay. Kung ano lang ang kailangan. But never luxuries. Oh, well, paminsan-minsan. Pero likas siyang hindi maluho at simple lang ang paraan ng pamumuhay. Si Nadja ay nahilig magbiyahe at nangangarap na ikutin ang buong mundo. Kaya naman tuwang-tuwa ito nang isa sa mga OJTs nito ay ang ship cruise. Ship cruise na itinuluy-tuloy na ng kapatid.

Ang mga lolo at lola niya ay sa kahirapan nagsimula. Umahon mula roon nang magtrabaho ang lolo niya bilang boy sa isang alahasan. Katunayan ay mga elementarya lang ang natapos ng mga ito.

Ang itay man niya ay nakapagtapos lang ng high school at inubos na ang panahon sa alahasan upang tulungan ang matatanda nang mga magulang. Naranasan niya ang paghihigpit mula sa mga lolo at lola niya. Gayunman, pagdating sa edukasyon ay todo ang suporta ng mga ito.

She looked at herself in the mirror. May mga gasgas sa iba't ibang bahagi ng mukha niya na napapangiwi siya. Sana ay hindi mag-iwan ng pilat sa mukha niya ang mga gasgas kapag natuyo. Ang buhok niya'y tila nagpuputik. Mabilis siyang naghubad para lamang mapangiwi. Kay sasakit ng mga kalamnan niya. At mahahapdi ang lahat ng sugat niya. Pagkaligo niya'y lalagyan niya ng ointment ang mga gasgas niya.

Tinungo niya ang bathtub at tinimpla niya ang tubig sa mas mainit at kakayanin niya at saka siya magbababad doon.

Continue Reading

You'll Also Like

90.7K 1.6K 10
Mahalaga kay Anise ang Liberty Hotel account na malaki ang maitutulong sa career niya bilang architect. What she did not expect was that once she got...
50.3K 1K 31
Nang mamatay ang mga magulang ni Michelle ay natuklasan niyang hindi niya ama ang lalaking nagbigay sa kanya ng pangalan. Natuklasan din niya mula sa...
8.2K 291 10
This is my very first novel under MSV Desire, and the first time to write under pseudonym Helene Del Mundo. This is the unedited version, kaya ipagpa...
7.1K 180 12
"Mamahalin kita, Raphael... sa ayaw at sa gusto mo." Labing-walong taong gulang pa lamang si Moira nang umibig sa kanyang guardian na si Raphael. "Yo...