PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf...

By YroEno

5.6K 106 13

"Gising ako sa buong magdamag, Aurora. Kinatatakutan ko ang magiging reaksiyon mo sa pagkatuklas mo sa pagkat... More

Martha Cecilia - The Wolf & The Beauty
PROLOGUE
Chapter One
Chapter Two
Chapter Three
Chapter Four
Chapter Six
Chapter Seven
Chapter Eight
Chapter Nine
Chapter Ten
Chapter Eleven
Chapter Twelve
Chapter Thirteen
Chapter Fourteen
Chapter Fifteen
Chapter Sixteen
Chapter Seventeen
Chapter Eighteen
Chapter Nineteen - Last Part

Chapter Five

216 5 0
By YroEno


"ANO ANG ibig mong sabihin?"

"Iniharang ni Julio ang sarili sa akin nang magsimulang mamaril ang taong nasa opisina. Ang isa sa mga bala ang lumampas at tumama sa balikat ko."

"Paanong nalaman ni Ate Olivia ang bagay na iyan?"

"Inamin ko sa mga pulis ang ginawa ni Julio noong kausapin kami. Isa pa'y nakita naman iyon sa CCTV. Nakaligtaan mo marahil..."

"Oh." Hindi na niya gaanong pinagkaabalahang tingnan ang mga camera. Ipinaubaya niya iyon sa mga imbestigador. Labis siyang namighati sa pagkamatay ng ama niya.

"Natitiyak ko na kung hindi ako nagkunwaring patay ay babarilin niya akong muli. Pero mula sa labas ay may tumawag sa lalaking bumaril sa amin ng tatay mo. Nagmamadali sila." Niyakap nito si Aurora. "Thank you. Wala akong ibang pupuntahan..."

"You're my father's widow, Doreen.

Karapatan mong manatili rito sa bahay. Subalit tama naman si Ate Olivia. Sa sandaling mag-asawa kang muli ay hindi ka maaaring manatili pa rito."

Umiling ito. Mapait na ngumiti. "Hindi na marahil ako magmamahal pang muli, Aurora. Ayoko na." Quietly, Doreen left the library.

After her graduation pinilit siya ni Doreen na gamitin ang regalo ng tatay niyang bakasyon sa ilang bansa sa Europa. Minabuti na rin niya ang magbiyahe upang kahit paano ay makagaan sa dibdib niya.

Gusto sana niyang isama si Doreen subalit hindi pa siya handang tanggapin ang katotohanang buhay sana ang tatay niya kung hindi nito iniharang ang sarili para sa asawa. Nang araw na iyon, tinungo niya ang munisipyo at pinanood ang naturang kuha ng CCTV. Again, she cried. Realizing for the first time that her father truly loved his wife—worthy or not, Julio gave his life for Doreen. May sakit at paninibugho siyang naramdaman.

Pero sino siya para husgahan ang kanyang ama sa ginawa nito? Iyon man ay out of reflex o sadyang ginawa nito. Sa buong buhay niya ay hindi nagkulang ang tatay nila sa kanilang magkapatid. Wala siyang dapat na ipaghinanakit. Dalawa sila ni Doreen na nawalan ng minamahal. Huwag nang idagdag pa ang bawal na pag-ibig ni Olivia sa tatay niya.


MULING kumislap ang kidlat sa kalangitan. Napapitlag si Aurora at nagbalik sa kasalukuyan ang isip. She was cold, scared, and hungry. Tuloy sa pagbuhos ang mahinang ulan. Nilingon niya ang kaliwang bahagi ng karagatan. Hindi na niya natatanaw ang liwanag mula sa sumabog na Tamaraw. Tuluyan nang pinatay ng ulan ang apoy. Marahil usok na lang ang natitira.

"ANO ANG sinisilip mo sa teleskopyo?" tanong ni Lukas sa pinsang si Mikhail nang malabasan niya ito sa turret ng ikatlong palapag. "Kanina pa nakahain ang hapunan sa ibaba. Alam mong ayaw ni Manang Jacinta na pinaghihintay ang pagkain."

Nilingon siya ng binatilyo. Nagsasalubong ang mga kilay. Nasa mukha ang bagabag. "Here. Silipin mo." Iniaabot nito sa kanya ang teleskopyo. "Three o'clock."

Banayad na kinabig ni Lukas ang teleskopyo at inilayo sa kanya. "Hindi ako interesado, Mikhail."

"But there's someone there—"

"Leave it. Hindi natin kailangang panghimasukan ang mga bagay na hindi dapat." Lumakad ito patungo sa hagdan. "Tayo nang kumain. Magagalit si Manang Jacinta kapag wala tayo sa hapunan."

"Baka kailangan niya ng tulong natin," pahabol nito, muling itinuon ang teleskopyo sa dakong kinakitaan ng nakakabagabag dito.

"I said leave it!" Lukas snapped. "Ilang beses ka na bang napapahamak dahil sa pakikialam mo?"

"Correction, Lukas," anito. "Dahil gusto kong makatulong."

"Listen," naiirita niyang sabi. "In two weeks' time ay pasukan na at babalik ka na sa Romania. Huwag kang gumawa ng mga bagay na makaantala niyon."

"I want to stay here with you, Lukas," padabog nitong sabi. "May mahuhusay namang unibersidad sa Maynila. Makakauwi ako rito kada weekend."

"Mapapanatag si Auntie kapag naroon ka." Ang auntie na tinutukoy nito ay kapatid ng namayapang ina ni Mikhail.

"Because of the pack? Na mapopretaktahan nila ako?"

Hindi agad nakasagot si Lukas. Agad sinundan ni Mikhail ang sinasabi, "Tao ako, Lukas. Ipinanganak akong tao. Tulad mo rin. Hindi ko sila kailangan."

"We've been through this, Mikhail." Tuluyan na siyang bumaba. Narinig pa niya ang malalim na buntong-hininga nito. "Sumunod ka na!" sigaw niya.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Lukas. Tama lamang na bumalik sa Romania si Mikhail. Dahil sa walang napagkakalibangan dito ay posibleng matuklasan ng mga tao ang inililihim nito. Nilang dalawa.

And Mikhail was young. Impulsive. Tulad na lang ngayon. Wala itong pagpipigil sa sarili. Kasalukuyan niyang tinuturuan itong magkaroon ng disiplina.

Nagsisimula na siya sa pagkain nang bumungad sa dining room si Mikhail. Sa halip na maupo ay kinuha nito ang dinner plate at naglagay roon ng pagkain mula sa mga serving bowls.

"You're not eating with us?" tanong ni Lukas, nasa tinig ang hinala. It was actually more of a statement than a question.

"I don't want to miss my favorite show."

Kinindatan nito si Manang Jacinta na umiling pero masuyong ngumiti. Humakbang ito palabas ng silid-kainan.

"Or computer games?" pahabol ni Lukas sa naiiritang tinig.

Mikhail shrugged. Dere-deretsong lumabas upang muling pumanhik sa itaas.

"Lagi mo na lang sinisikil ang batang iyon," komento ni Manang Jacinta.

"Ini-spoil mo si Mikhail," he countered back.

"Para kang hindi nagdaan sa ganyang edad, Lukas. Hayaan mong kumain ng hapunan sa harap ng computer niya," sagot nito.

"Manang Jacinta, anim na taon lang ang katandaan ko kay Mikhail—"

"Totoo," agaw nito sa sinasabi niya. "At hindi mo naranasang magpakasawa sa pagiging binatilyo mo, Lukas. Namatay ang mga magulang mo noong ikaw ay beinte-uno anyos. Agad kang nasabak sa pangangasiwa sa negosyo ninyo sa batang edad."

"My parents were brutally killed, Manang Jacinta. Huwag mong kalilimutan iyan."

Napabuntong-hininga si Manang Jacinta. Hindi naman ang bagay na iyon ang pinag-uusapan nila. Subalit minabuti nitong huwag nang kumibo. Dahil pagdating sa mga magulang ni Lukas ay mabilis na bumabangon ang poot sa dibdib nito. Ang isa sa mga dahilan kung bakit mas nais ni Lukas na okupahin ang maraming araw sa Pagudpud ay upang hanapin ang pumatay sa ina. Nagbabaka-sakaling makatagpo ito.

"Hayaan mong magpakasaya sa pagiging teenager niya si Mikhail, Lukas. Wala siyang maraming pagkakataong gawin iyan dito sa Pilipinas. Ikaw man ay pinapayuhan kong luwagan mo nang kaunti ang iyong sarili at magpakasaya sa iyong kabataan. Beinte-singko ka pa lang, Lukas. May mga mahuhusay kang tagapamahala sa refinery at sa farm at sa iba mo pang negosyo."

Hindi na kumibo si Lukas at nagsimulang sumubo. Nakakailang subo na siya nang sumingit sa isip niya ang kung ano mang nais ipakita ni Mikhail sa teleskopyo na nakakuha ng interes nito. Kung ano man iyon ay wala siyang pakialam. Hindi siya dapat nakikialam.


HINDI mapigil ni Aurora ang mga luhang nag-uunahan sa pagdaloy sa mga mata niya.

Nakikipagsabayan sa mga patak ng ulan. What now? Saan siya patungo? Kahit ang bag niya ay hindi niya naalalang kunin sa Tamaraw.

Kung anu-anong kaisipan ang dumadaloy sa isip niya. Walang isa mang nakapagbibigay ng pag-asa na malulusutan niya ang kinasusuungan niya. Maliban sa buhay pa siya. But for how long?

Bukas, sisikapin niyang maghanap ng telepono. Kung sa paanong paraan ay ewan niya. Narito siya sa isang hindi mataong lugar. Kailangan niyang makahingi ng tulong. Kay Ate Olivia o kay Doreen. Kailangan niyang makabalik sa Bulacan at nang maisuplong sa pulisya si Gregor.

Nang makarinig siya ng kaluskos sa bandang kanan niya. Sa mismong lugar kung saan siya pumanhik. She gasped. Nakaaninag siya ng anino. Napasiksik siyang lalo sa ilalim ng ukab ng bato.

Nasundan ba siya? Imposible iyon. She could have heard their voices. Pero abala siya sa malalim na pag-iisip. Nang mula sa kaunting liwanag ng buwan ay magkahugis ang anyo ng pinagmulan ng kaluskos.

A dog!

She screamed. Hindi na naisip na posibleng may makarinig ng tili niya. Subalit nilunod ang sigaw niya ng pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Which made her more petrified.

Nang muli niyang tingnan ang aso at sipatin ito nang husto ay halos lumuwa ang mga mata niya sa takot. It wasn't just a dog.

It was a huge dog! Sinlaki ng tao. Napasiksik siya sa sulok hanggang sa maramdaman niya ang dingding na bato sa likod niya. Nakaligtas ba siya sa mga humahabol sa kanya para lang lapain ng malaking asong ito? Paanong nagkaroon ng aso dito sa ilang?

Wala siyang tatakbuhan. Matatarik na bato ang nasa ibaba. At natitiyak niyang sa sandaling gumalaw siya patungo sa gilid ng mga batuhan ay dadaluhungin na siya niyon.

Tinakpan niya ng kamay ang bibig niya upang awatin ang sarili sa pagsigaw. Oh, my god... oh, my god! Hindi niya mapigil ang sariling manginig sa takot.

She and the big dog stared at each other. Tila naninimbang ang bawat isa kung sino ang unang kikilos. Natanto ni Aurora na hindi katalinuhan ang tumayo at tumakbo palayo rito. Wala siyang tatakbuhan malibang tumalon siya sa dagat at kamatayan ang naghihintay sa kanya. But either way, kung sasagpangin siya ng malaking aso ay iyon din naman ang kahihinatnan niya.

Worst, it wouldn't be an instant death. She'd be ripped to death. Piece by piece. She shivered at the thought. Pinamumukalan ng mga luha ang mga mata niya. She'd be killed any moment.

Nakakatakot na mga sandali ang matuling lumipas. Ang pinakamatagal na mga minuto sa buong buhay niya. Ang takot niya ay tila pumipigil na sa paghinga niya. But the big dog remained where it was. Hindi kumikilos at nanatiling nakatitig lang sa kanya.

"B-bakit ka narito? Aso ka ba ni Gregor?" Nanlaki ang mga mata niya sa sariling tanong. Oh, yes! Bakit hindi niya naisip iyon? Aso ito ni Gregor at pinahanap siya. Isang K9 dog. Ipinaamoy marahil dito ang gamit niya sa maleta niya kaya siya nasundan nito.

Itinakip niya sa mukha ang mga kamay niya at napahikbi siya nang wala sa oras. Malamang niyan ay nasa itaas ang mga tauhan ni Gregor at ano mang sandali ay mahuhuli siya.

Banayad na umangil ang malaking aso. Nag-angat siya ng paningin dito at sinisipat ito sa dilim. Kung aso ito ni Gregor, bakit hindi ito kumakahol upang ipaalam sa mga tauhan na nakita na siya? Bakit walang tumatawag dito?

Kapagkuwa'y naupo ang aso. Tahimik na nakatitig sa kanya. Its eyes gleamed in the dark like a wolf. Gayunman, bahagyang nabawasan ang tensiyon niya.

"H-hindi ka aso ni Gregor?" she asked in a voice that was almost a whisper. Na para bang maiintindihan siya ng aso.

The dog snarled. As if in anger.

Napasiksik siya sa bato sa takot. Kapagkuwa'y muling umingit ang aso. Biglang idinapa ang sarili sa batuhan na tila ipinahihiwatig sa kanyang hindi siya nito sasaktan. It wasn't Gregor's dog. Kung paano niyang natiyak sa sandaling iyon ay hindi niya alam. Iba ang may-ari ng asong ito.

Kung sino man ang nagmamay-ari dito ay malamang na hinahanap na ito. Pero kanina ay wala siyang natanaw na bahay kahit sa alinmang bahagi ng bundok.

Nakakalayo ang aso nang malayo.

"H-hindi mo ako sasagpangin?" she asked like a lost and a scared child.

Imahinasyon niya lang marahil subalit nakita niyang umiling ang aso. She groaned silently. Kung anu-ano na ang nakikita niya. Paanong iiling ang aso na parang naiintindihan siya?

At paano niyang nakita iyon gayong may kadiliman sa paligid? Kislap lamang ng karagatan at kaunting liwanag ng buwan ang tumatanglaw sa kanila. She must be imagining things out of fear.

Kung gaano sila katagal sa ganoong ayos ay hindi na niya alam. Hinihila na siya ng matinding antok na kanina pa niya pinaglalabanang pilit. Antok na lalong nangibabaw nang maramdaman niyang hindi siya sasaktan ng aso.

Pagod na pagod siya sa mahabang pagtakbo sa dilim, mahapdi ang iba't ibang bahagi ng katawan niya mula sa pagkakasugat sa mga talahib at kahoy na tumatama sa kanya habang tumatakbo siya, nilalamig siya, at kumakalam ang sikmura niya.

Ang unang ipinasok niya sa sikmura niya kaninang mag-uumaga sa airport sa Seoul ay kape. At iyon din ang huling ipinasok niya kaninang tanghali. Hindi siya nananghalian. She was too tired and excited to surprise Gregor that she didn't have the appetite to eat. Ang driver ng car rental ang pinakain niya habang nagkape lang siya.

Oh, god. Hinihila siya ng matinding antok. But she was afraid to even close her eyes. She eyed the big dog. At sa wari, kahit sa dilim ay alam niyang iyon din ang ginagawa nito sa kanya. Ano ang ginagawa ng asong ito at binabantayan siya?

Iniusog pa niya ang sarili niya sa loob ng ukab dahil lumalakas ang ulan at naanggihan siya. Pagkatapos ay ipinatong ang ulo sa mga tuhod niya. She tried to control her sob. Ni sa hinagap ay hindi niya inakalang mangyayari ito sa kanya. Na tumatakas siya upang iligtas ang sariling buhay; na ang nangyaring trahedya sa buhay niya ay kagagawan ni Gregor.

Nang sa palagay niya ay makakatulog siya sa ayos niya ay nag-angat siya ng paningin. Napasinghap siya nang malakas nang makitang nakatabi na sa kanya ang malaking aso. Halos maumpog ito sa ceiling ng ukab. Marahil ay upang sumilong din ito mula sa papalakas na ulan. Ni hindi niya ito naramdamang lumapit. Itinago tiyak ng mga patak ng ulan ang ingay na maaaring nagawa ng paglapit nito.

Umusog siya sa bandang kaliwa niya nang kaunti upang bigyan ito ng espasyo. Humakbang papasok pa ang malaking aso at pagkatapos ay naupo sa tabi niya. Kung gaano sila katagal sa ganoong ayos ay hindi niya alam. Patuloy ang buhos ng ulan at nakakaramdam na siya ng matinding ginaw. Basa ang suot niyang blusa mula pa kanina. Malakas ang hangin at dinadala niyon ang anggi ng ulan patungo sa ukab.

She shivered. It was too cold she might not survive the night. Isiniksik niya ang sarili sa aso at umaamot ng init mula rito. Hindi niya maiwasang mapaiyak.

"Hindi ko alam kung bakit ka narito at kung saan ka nanggaling. Pero salamat at narito ka," aniya gayong alam niyang hindi naman siya naiintindihan nito.

The dog snarled low. Whatever that meant. Mayamaya pa'y inilatag ng aso ang sarili sa batuhan, ang ulo ay nakapatong sa unahang mga paa. Matutulog ito! Iyon ba ang nais nitong gawin niya?

No! Hindi niya gustong matulog. Ano ang malay niya kung ano ang gagawin nito sa sandaling tulog na siya. Baka naghihintay lang ito ng pagkakataon. Don't be stupid, she thought.

Kung gusto kang saktan ng asong iyan ay kanina pa. Hindi niya kailangang hintayin kang makatulog.

She sighed, taking comfort of her own thoughts. Then she shivered. Her teeth chattering. Giniginaw siya. Isiniksik niya ang sarili sa aso sa kabila ng lahat. At hindi niya napigil ang sariling pumikit. Hanggang sa unti-unti siyang iduyan ng antok. Napayuyop siya sa mga tuhod niya. Bahagya siyang napaigtad dahil umaayaw ang utak niyang matulog. Pero ayaw makisama ng kanyang hapong katawan at muli siyang napayupyop.


 THE WOLF stared at her. Its eyes glowed in the dark like a wolf should be. Nasa mga mata nito ang kuryosidad. Ilang minuto ang matuling lumipas nang matiyak nito na mahimbing nang nakatulog ang babae habang nakayupyop ito sa mga binti nito. Unti-unti ay nag-iba ng anyo ang malaking lobo.

Ngumiti si Mikhail. Kung nakita ng babae ang ginawa niyang pagbabagong-anyo ay malamang na hinimatay ito. Tinitigan niya nang matagal ang natutulog na babae. Ni hindi siya nag-aalalang hubo't hubad siya at mamulatan siyang ganoon. She was too tired and fast asleep, he sensed it. And he was glad. Dahil kapag natulog ito nang umeepekto na ang hypothermia ay baka mas mahihirapan siyang iamot dito ang init ng katawa niya bilang lobo.

Mapipilitan siyang tumakbo sa villa at ipasundo ito kay Lukas. And Lukas wouldn't want that.

Pinagmasdan niya ang kabuuan nito. Natitiyak niyang may tinatakasan ito. Ano ang nangyari dito? May kinalaman ba ang pagsabog ng isang sasakyang natanaw niya kanina? Bago niya ito nadaanan ng tingin sa teleskopyo ay natanaw niya ang isang aksidente hindi kalayuan sa lugar na iyon.

Biktima ba ito roon? May natanaw siyang nakahintong sasakyan kanina bago siya nagtuloy sa kinalalagyan ng babae. May nakita siyang mga lalaki na nakatunghay sa bangin. Pagkatapos ay ilang sasakyan na ang nagsunurang huminto dala ng kuryosidad.

Sino ang Gregor na sinasabi nito? Ito ba ang humahabol dito? Ganoon na lang ang paggitaw ng takot sa mukha nito nang tanungin siya kung aso siya ni Gregor.

He sighed. He disobeyed Lukas. Ni hindi nito alam na wala siya sa silid niya pagkatapos niyang kumuha ng pagkain sa ibaba. Pero hindi niya kayang pigilan ang sariling huwag puntahan ang kinaroroonan nito. Sa disoras na ito ng gabi at sa lugar na kinaroroonan nila ng babae ay walang ibang taong makakakita sa kanya kung sakali. Maamoy niya kung may taong darating malayo pa man ito.

Tumalungko siya sa tabi nito. Banayad niyang hinawi ang basang buhok nito mula mukha. Ni hindi ito tuminag. Inaasahan na niya iyon. Nilinga niya ang paligid. Habang lumalalim ang gabi ay lalong lumalamig. Parang yelo sa balat ang lamig. At patuloy ang ulan.

He tried to shift back. He had to if he wanted the woman to survive the night. But it wasn't that easy. Hindi siya katulad ni Lukas na kayang kontrolin ang pagpapalit ng anyo mula sa tao at lobo at pabalik.

Lukas could shape-shift at will. Siya ay kasalukuyang pinag-aaralan iyon. He concentrated on doing it. Kailangan niyang magpalit ng anyo kung nais niyang huwag silang parehong mamatay sa hypothermia ng babae.

Being a wolf had its perks. But if he had the choice, he wanted to be a normal person. Hindi niya gustong matulad sa mga lalaki sa pamilya nila.

Continue Reading

You'll Also Like

215K 4K 31
This is not my story. I just want to share what I have read to all my co-readers. All credits to the author.
179K 6.1K 21
Zach Navarro and Elisse Ybañez had a mutual understanding. Theirs was a kind of puppy love. Hindi pa man namumukadkad ang kanilang love story, Zach l...
1M 33.7K 43
(Game Series # 10) Tali coursed through life with ease. Coming from a family full of lawyers, she knew that getting a job would not be a problem. Kai...
9.3K 193 16
A collaboration work with a friend.