YEAR 1876: Tales of the Dead

Kuya_Soju

23.3K 1.4K 197

In the year 2026, a zombie virus spread throughout the Philippines and its neighboring countries. To escape t... Еще

Teaser
KABANATA I: Ang Lagusan
KABANATA II: Ang Pagbukas
KABANATA III: Ang Pagkabuhay
KABANATA IV: Ang Pagkalat
KABANATA V: Ang Paglabas
KABANATA VI: Ang Huling Pagsilay
KABANATA VII: Ang Paglalakbay
KABANATA VIII: Ang Malaya
KABANATA IX: Ang Pagsagip
KABANATA X: Unang Kagat Sa Nakaraan
KABANATA XI: Impyerno Sa Lupa
KABANATA XII: Mga Halimaw
KABANATA XIII: Pugot Na Ulo
KABANATA XIV: Pagkagat Ng Dilim
KABANATA XV: Pagtitipon Sa Simbahan
KABANATA XVI: Sigaw Para Sa Kaligtasan
KABANATA XVII: Dalawang Misyon
KABANATA XVIII: Poot Ni Alvaro
KABANATA XIX: Ang Mga Aklat Ng Kasagutan
KABANATA XX: Traydor
KABANATA XXI: Mapagpanggap Na Anghel
KABANATA XXIII: Ang Plano
KABANATA XXIV: Ang Wakas (Unang Bahagi)
KABANATA XXV: Ang Wakas (Huling Bahagi) + Epilogo

KABANATA XXII: Poot

543 43 10
Kuya_Soju



KINAUSAP ni Crisanto sina Hulyo, Gregoria at Malaya. Kailangan kasi niyang bumalik sa mga kasamahan nila na nagtatago sa kuweba upang sabihin sa mga ito ang susunod nilang hakbang. Nagdesisyon siya na sila lamang ni Hulyo ang babalik sa kuweba habang mananatili sina Malaya at Gregoria sa bahay ni Donya Corazon nang sa ganoon ay merong magpo-protekta sa mga ito. Pinayuhan din niya na kailangan nang umalis doon nina Malaya at magtungo sa bahay ni Donya Conchita dahil malamang sa mga sandaling iyon ay patungo na roon sina Alvaro. Sinabi niya na merong traydor sa kanilang mga kasama na siyang nagbibigay ng impormasyon kay Alvaro sa mga susunod nilang gagawin.

"Sino naman ang traydor na ito?" tanong ni Gregoria.

"Sa ngayon, wala pa akong ideya kung sino ngunit sigurado ako na meron. Kaya mag-iingat na tayo ngayon sa mga pinagkakatiwalaan natin sa mga miyembro ng ating samahan. Kayong tatlo—higit sa lahat ay sa inyo ako may tiwala. Alam ko na hindi isa sa inyo ang traydor."

"Salamat sa tiwala mo, Crisanto. Hayaan mo at hindi magtatagal ay lalabas din kung sino ang traydor. Ang dapat nating gawin ay bilisan natin ang ating kilos. Baka abutin pa tayo ng dilim sa daan. Mas lalo tayong mahihirapan sa pagbalik sa kuweba," sabi ni Hulyo.

"Tama ka. Kaya, Malaya at Gregoria... kayo na muna ang bahala sa mga tao sa bahay na 'to. Umaasa ako na ligtas ninyo silang madadala sa bahay ni Donya Conchita. Nakausap ko na si Donya Conchita at pumayag naman siya."

"Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya!" Matapang na sagot ni Malaya.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras sina Crisanto at Hulyo at umalis na sila sa bahay ni Donya Corazon.


-----ooo-----


"PADRE! Anong nangyari?!" Agad na tanong ni Pedro nang pumasok ito sa silid na kinaroroonan ni Padre Salazar.

Nakasilip pa rin ang pari sa bintana. Hindi siya makagalaw dahil sa labis na pagkabigla sa nangyari. Hindi niya nais na ihulog si Salome. Aksidente ang nangyari.

Lumapit si Pedro sa kaniya at nang tumingin ito sa bintana ay napasigaw ito nang makita ang walang buhay na katawan ni Salome. "Diyos ko! Anong ginawa ninyo, padre?! Bakit mo pinatay ang kaawa-awang babae?!" Gulat nitong bulalas.

"Hindi ko siya pinatay sa aking kagustuhan, Pedro! Sa tingin ko ay isa na siyang halimaw kaya kinailangan ko siyang patayin! Masdan mo ang aking kamay at kinagat ng babaeng iyon!" Ipinakita niya ang kamay na kinagat ni Salome.

Pinili niyang magsinungaling dahil baka madulas pa si Pedro sa ibang tao na napatay niya si Salome kahit hindi ito isang halimaw.

Napatda si Pedro. Napaatras ito. "Kung isang halimaw ang babaeng iyon at k-kinagat ka niya... Ibig sabihin ay..." Hindi na nito itinuloy ang sasabihin.

Luminga-linga ito at nang makita ang kutsilyo sa sahig ay dinampot nito iyon at itinutok sa kaniya.

"Nagkakamali ka! Hindi ako magiging halimaw! Ibaba mo ang punyal dahil baka ako pa ang sumaksak niyan sa iyo!"

"N-ngunit, padre! Lahat ng nakakagat ng halimaw ay nagiging kagaya nila!"

"I-iba ako sa kanila. Madadala pa ito sa dasal at pananalig ko sa Diyos! Kunin mo ang agua bendita sa altar. Rapido!"

May pagdududa man kay Pedro ay sinunod pa rin siya nito. Kinuha nito sa altar ang pinapakuha niya at ibinigay sa kaniya. Ibinuhos niya ang benditadong tubig sa sugat niya sa kamay at dinasalan iyon. Kahit ang totoo ay hindi niya iyon kailangang gawin. Kailangan niya lang panindigan ang sinabi niya kay Pedro na pinatay niya si Salome dahil isa itong halimaw.

"Sa tingin mo ba ay epektibo ang paraan na iyan upang hindi ka maging halimaw, padre?"

"Wala ka bang tiwala sa akin?! Kung oo, isa kang lapastangan!"

"H-hindi sa ganoon, padre! Ngunit, sa tingin ko ay epektibo nga dahil kung magiging halimaw ka, dapat ay kanina pa. Talagang tunay kang pinagpala, Padre Salazar!" Sa pagkakataon na iyon ay binitawan na nito ang kutsilyo.

Napangisi si Padre Salazar. Tunay na madaling bilugin ang ulo ng lahat ng tao sa bayan na iyon. Lahat ng lumalabas na kasinungalingan sa kaniyang bibig ay nagiging katotohanan.

Muling dumungaw si Padre Salazar sa bintana upang lumanghap ng sariwang hangin. Hindi niya alintana ang katawan ni Salome na nasa ibaba.


-----ooo-----


PAKIRAMDAM ni Crisanto ay hindi na sumasayad ang mga paa niya sa lupa sa bilis ng kaniyang pagtakbo. May mga halimaw na humahabol sa kanila ni Hulyo. Manaka-naka silang humihinto upang barilin ang mga ito ngunit tila hindi nauubos ang mga halimaw. Nadadagdagan pa nga ito dahil sa kanilang dinadaanan ay may mga halimaw na nakakakita sa kanila na ang tingin sa kanila ay isang napakasarap na putahe.

Mabuti na lang at may baon silang bala kaya hindi sila natatakot na mauubusan sila niyon.

Nang makakita sila ng isang bahay na nakabukas ang pinto ay nagtago sila roon. Ipininid nila ang pinto habang walang tigil ang pagbayo ng mga halimaw doon.

Lahat na yata ng lakas na meron sila ay inilabas nila upang hindi magawang buksan ng mga halimaw ang pinto. Makalipas ang ilang sandali ay huminto na ang mga halimaw sa pagpupumilit na pumasok. Unti-unti nang nawala ang naririnig nilang pag-angil sa labas hanggang sa tuluyan na iyong naglaho.

Siniguro muna nilang dalawa na wala na ang mga halimaw bago sila lumabas ng bahay. Naglakad na lamang sila habang pinapakiramdaman ang paligid.

Napahinto si Crisanto nang malapit na sila sa simbahan sapagkat may nakita siyang katawan ng isang babae na nakahandusay sa tabi ng simbahan. Sa wari niya ay patay na iyon ngunit hindi niya dapat alisin sa isip niya na maaaring halimaw iyon.

Itinuro niya kay Hulyo ang katawan ng babae at sinenyasan ito na huwag itong maingay. Marahan silang naglakad palapit sa katawan habang nakaumang ang kanilang baril.

Nang tuluyan na nilang nalapitan ang babae ay nanlamig si Crisanto nang mapagtantong kilala niya ito.

"S-salome!" Bulalas niya kasunod ang pagpatak ng kaniyang luha.

"Mahabaging Diyos! Si Salome nga! Ang iyong kinakapatid!" ani Hulyo at napa-krus ito sa sarili.

Lumuhod siya sa lupa at pinagmasdan nang mabuti ang katawan ni Salome. Sa hitsura nito, masasabi niya na wala na itong buhay. Bali ang binti at basag ang bungo nito. Nakadilat ang mga mata na akala mo ay nakatingin sa kalangitan.

Malapit silang dalawa ni Salome. Kababata nila ito ni Malaya. Magkakasabay silang lumaking tatlo. Kaya napakasakit sa kaniya na malaman na wala na ito.

"Sa aking sapantaha ay nahulog siya mula sa itaas, Crisanto. Masdan mo ang mga binti niya—bali!"

Tumingala si Crisanto at may nakita siyang bintana sa tapat ng kinaroroonan ng katawan ni Salome. Napakataas ng bintana at mukhang tama si Hulyo sa tinuran nito.

Ang nakakapagtaka lang ay kung paano nahulog mula roon si Salome?

Tumalon ba ito o merong may kagagawan ng kamatayan nito?

Habang matiim siyang nakatingin sa bintana ay may isang taong dumungaw mula roon. Walang iba kundi si Padre Salazar!

Agad na kumulo ang dugo niya. Isang bagay ang nasa utak niya. Ang demonyong kura ang pumatay kay Salome. Hindi lingid sa kaalaman niya na may pagnanasa si Padre Salazar kay Salome at may isang insidente na muntik na nitong halayin ang kaniyang kinakapatid.

"Hayop kaaa!!!" Puno ng poot na sigaw ni Crisanto.

Tumayo siya at itinutok ang baril sa pari na nakadungaw sa bintana. Dalawang beses niya itong pinaputukan ngunit ang gilid ng bintana ang tinamaan. Naalarma si Padre Salazar at mabilis itong umalis mula sa pagkakadungaw.

"Ang demonyong kura! Siya ang pumatay kay Salome! Papatayin ko siya!!!" Patuloy na sigaw ni Crisanto.

Pupunta sana siya sa loob ng simbahan pero pinigilan siya ni Hulyo. Hinawakan siya nito sa braso niya.

"Bitiwan mo ako, Hulyo! Papatayin ko si Padre Salazar!"

"Crisanto! Maghunos-dili ka! Wala na tayong oras para parusahan ang pari na iyon! Naghahabol tayo ng oras. Marami pa tayong pagkakataon upang pagbayarin si Padre Salazar. Ang dapat nating gawin ay unahin ang pagpunta sa kuweba!" Pigil ni Hulyo.

Sumigaw sa labis na galit at poot si Crisanto. Doon niya inilabas ang nagliliyab na emosyon na meron siya ng sandaling iyon.

Tama si Hulyo. Marami pang pagkakataon para singilin niya si Padre Salazar. Kahit gustung-gusto na niya itong puntahan sa loob ng simbahan ay pinigilan niya ang sarili.

Napatunayan niya na mas masahol pa sa mga halimaw si Padre Salazar. Ang mga halimaw, hindi alam ang ginagawa samantalang si Padre Salazar ay may kamalayan sa mga kahayupan na ginagawa nito.

Ipinagpatuloy na nila ang paglalakad pabalik sa kuweba. At sa kanilang paglalakad ay may nakita silang mga guwardiya sibil. Mabuti at nagawa nilang makapagtago bago pa sila makita ng mga iyon. Nakapagtago sila sa isang nakabukas na bahay na walang tao.

"Anong gagawin natin, Hulyo? Hindi tayo maaaring makita ng mga hayop na iyon!"

"Maghiwalay tayo ng daan. Sa kuweba na tayo magkita."

"Ano? Hindi ba mas makakabuti kung hindi tayo magkasama?"

"Para sa akin, mas maganda kung maghihiwalay tayo. Kung nais mo, magpapakita ako sa mga guwardiya sibil. Ilalayo ko sila sa iyo para maging madali sa iyo ang pagpunta sa ating kuta."

"Ngunit, paano ka?"

"Ako na ang bahala sa aking sarili. Ipinapangako ko na darating ako sa kuweba. Sige na, Crisanto. Gawin na natin ito!"

Sa kadahilanang wala nang maisip na ibang paraan si Crisanto upang matakasan ang mga guwardiya sibil ay sumang-ayon na siya sa ideya ni Hulyo.

Nagpakawala muna siya nang malalim na paghinga dahil isang malaking panganib ang kanilang kakaharapin. Kumpara sa mga nakita nilang guwardiya sibil noong namatay si Tonyo ay mas marami ang mga iyon sa pagkakataong iyon. Alam niya na kahit may armas sila ay hindi nila kakayanin ang dami ng mga ito.

Naunang lumabas si Hulyo. Sinadya nitong magpakita sa mga guwardiya sibil at nagpaputok ito ng isa. Walang tinamaan sa mga kalaban. Naalarma ang mga guwardiya at nang tumakbo si Hulyo ay hinabol ito ng mga iyon.

Sinamantala na niya ang pagkakataon na makalabas ng pinagtataguan. Tumakbo siya nang tumakbo sa kabaligtarang direksiyon na pinuntahan ni Hulyo. Mas lalo niyang binilisan ang paghakbang at ang tanging nasa utak niya ay ang makarating na sa kanilang kuta upang mapag-usapan na ang isang plano na tumatakbo sa kaniyang isipan.


-----ooo-----


NAGPAHABOL si Hulyo sa mga guwardiya sibil upang magkaroon ng pagkakataon si Crisanto na makapunta sa kuta. Lumiko siya sa isang pasilyo habang nakasunod pa rin ang mga humahabol sa kaniya. Napahinto siya nang makita niya na isang mataas na pader ang nasa dulo ng pasilyo.

Mahina siyang tumawa at humarap. Huminto rin ang mga guwardiya sibil at tinutukan siya ng mga ito ng baril.

"Wala na si Crisanto. Maaari niyo nang itigil ang pagpapanggap. Baka pumutok pa ang baril ninyo sa akin. Tandaan ninyo, hindi ako maaaring masaktan dahil ang gobernador-heneral ang inyong makakalaban!" Ngisi ni Hulyo.

Magkakasabay na inalis ng mga ito ang pagkakatutok ng baril sa kaniya.

Oo. Siya ang traydor sa grupo nina Crisanto. Siya ang nagsasabi ng mga plano at hakbang ng mga tulisan kay Alvaro. Siya ang mata at tenga nito. Nagsimula ang lahat noong malaman nina Alvaro na miyembro siya ng mga tulisan. Dinakip siya ng mga ito at pinarusahan. Ikinulong siya at hindi pinapakain. Inisip niya na sa paraang iyon siya mamamatay.

Hanggang sa personal siyang binisita ni Alvaro sa kulungan. Anito, sa araw na iyon ay papatayin na siya.

Nagmakaawa si Hulyo kay Alvaro na hayaan siyang mabuhay kapalit ng pagiging espiya niya sa grupo ng mga tulisan. Isa-isa niyang pinangalanan ang mga kilala niyang miyembro ngunit hindi lahat ay kilala niya. Meron pang mga tulisan sa ibang lugar na kailangan niyang alamin. Kaya para hindi mabulabog ang grupo nila ay nagkunwari sina Alvaro na hindi pa nito kilala ang mga tulisan sa bayan nila.

Pumayag si Alvaro sa sinabi niya. Hindi siya nito pinatay at ginawa siya nitong espiya. Lahat ng plano nina Crisanto ay nabulilyaso nang dahil sa kaniya.

Sa dami ng impormasyon na naibigay niya kay Alvaro ay tuluyan na niyang nakuha ang loob nito. Malaki ang tiwala nito sa kaniya.

"Dalhin ninyo ako sa gobernador-heneral. Marami siyang dapat malaman!" utos ni Hulyo sa mga guwardiya-sibil.


-----ooo-----


"KUNG ganoon, papunta na ngayon sa bahay ni Donya Conchita sina Malaya. Si Malaya na nobya ng inyong pinuno," ani Alvaro matapos sabihin ni Hulyo ang lahat ng plano nina Crisanto.

"Ganoon na nga, senyor. Doon sila mananatili at magtatago."

Kasalukuyan silang nasa kaniyang tahanan. Nasa kwarto sila habang may hawak siyang baso na may nakakalasing na inumin. "Kapag napatay natin ang babaeng iyon, sigurado ako na mararamdaman ni Crisanto ang sakit ng mawalan ng babaeng iniibig. Kagaya ng ginawa niya sa akin at sa aking asawa!" Galit niyang sabi.

"Mahal na mahal ni Crisanto si Malaya, senyor. Kaya tama ang inyong tinuran."

"Uutusan ko ang aking mga guwardiya na lusubin ang bahay ni Conchita at sasama ako sa kanila. Ikaw rin, Hulyo. Kailangan mong sumama upang mas malakas ang ating puwersa. Iyong nabanggit kanina na bihasa sa pakikipaglaban ang nobya ni Crisanto at ang isa pang babaeng tulisan na kasama nila."

"Tama kayo, senyor. Kahit babae sila ay sinanay sila ng aming grupo sa pakikipaglaban at paggamit ng armas."

Tumango-tango si Alvaro. "Hindi sila uubra sa dami natin. Nais ko na ako mismo ang kumitil sa buhay ni Malaya! Sandali lamang, Hulyo. Sigurado ka ba na hindi pa nakakahalata si Crisanto na ikaw ang traydor na hinahanap niya?" tanong niya.

"Hindi, senyor. Hindi siya nakakaramdam na ako ang espiya. Sinabi pa nga niya na isa ako sa pinagkakatiwalaan niya sa aming grupo. Dahil kung may hinala siya na ako ang traydor ay hindi niya sasabihin sa akin ang kanilang plano."

"Sabagay. May punto ang iyong sinabi." Uminom siya ng alak at ngumiti nang malaki. "El es estupido! Walang kaalam-alam si Crisanto na bilang na ang oras ng buhay ng kaniyang minamahal na si Malaya. Makakaganti na rin ako sa kaniya!"

Agad na tinipon ni Alvaro ang ilan sa mga guwardiya sibil at sinabi niya sa mga ito ang kanilang gagawin. Sampu sa kaniyang mga alagad ang naisipan niyang isama. Sa kaniyang palagay ay sapat na ang dami niyon para sa iilang tao na nasa bahay ni Conchita.

Maya maya nga ay sakay na siya ng karwahe patungo sa bahay ni Donya Conchita. Ayon kay Hulyo, sigurado ito na naroon na sina Malaya. Kaya naman hindi na siya makapaghintay na siya mismo ang kumitil sa buhay ng babaeng mahalaga sa puso ng kinapopootan niyang si Crisanto!


Продолжить чтение

Вам также понравится

537K 6.8K 26
A rumor had been spreading in Cody De Roxas' classroom, about a boy hidden in the past yet existing in the present. Now, how can Cody and his friends...
Still Gangsters With Heart (AGHIAP Sequel) UNFINISHED F. A.

Подростковая литература

112K 2.3K 14
Para sa mga nabitin sa Book 1. Hihi! *U* Sana magustuhan niyoo! B O O K 1: A G a n g s t e r H i d d e n I n A P r i n c e s s ~ N O C O M P i...
133K 4.8K 21
Isang tago, payak at tahimik na baryo ang Baryo Sapian. Hanggang ang katahimikan nila ay nabulabog. Isang sakit ang kakalat sa maliit na bayan na iyo...
Crudelis University: Game of death. 𝖊𝖍𝖘

Детектив / Триллер

1M 15.9K 9
In a twisted game of life and death, how far will you go to save yourself? Welcome to Crudelis University. A school that will make your lives a livin...