Two Daddies (Completed)

Von vincentmanrique

195K 9.6K 867

Isang baby... Dalawang beki... Walang mommy. Paano aakuin nina Paulo at Rob ang responsibilidad sa isang s... Mehr

Two Daddies
Acknowledgment
Chapter 1 - Hulog ng Langit
Chapter 2 - Anak ko o Anak mo?
Chapter 3 - Baby Gabriel
Chapter 4 - Yayo Paulo
Chapter 5 - Yaya Maldita
Chapter 6 - Abusada
Chapter 7 - Bonding Time
Chapter 8 - Si Imelda
Chapter 9 - Bantay Salakay
Chapter 10 - Mga Palusot
Chapter 11 - Akyat-bahay
Chapter 12 - Takot at Pangamba
Chapter 13 - Buking
Chapter 14 - Yayo Paulo Again
Chapter 15 - Ang Daddy ni Baby Gab
Chapter 16 - Dalawang Kondisyon
Chapter 17 - Problema
Chapter 18 - Three Is A Crowd
Chapter 19 - Desisyon
Chapter 20 - Tease
Chapter 21 - Ulan
Chapter 22 - Flashback
Chapter 23 - Mga Hinala
Chapter 24 - Si Rico o Ako
Chapter 25 - Bagong Yaya
Chapter 27 - Emergency Room
Chapter 28 - Ang Katotohanan
Chapter 29 - Baby For Sale
Chapter 30 - Ang Liham Ni Shiela
Chapter 31 - Kidnapped
Chapter 32 - The Ransom
Chapter 33 - God, Save the Baby!
Chapter 34 - Life & Death
Chapter 35 - Finale
Notable Comments from the Readers of Two Daddies
Announcement
Pasasalamat
Two Daddies and Me

Chapter 26 - Like Brother, Like Sister

3.4K 206 15
Von vincentmanrique

"ROB, Salamat at dumating ka!" Bakas sa mukha ng matanda ang sobrang pag-aalala.

"Tita Minda, anong nangyari?"

"Nagkagulo ang mga doktor dito kanina. Nag-seizure kasi si Shiela tapos biglang huminto ang pagtibok ng puso niya. Buti na lang na-revive siya ng mga doktor. Pero hindi pa rin siya ligtas."

Napakunot-noo ako. "Ano pong sabi ng doktor?"

"72 hours. Binigyan siya ng doktor ng tatlong araw para bumuti ang kondisyon niya. Kung wala pa ring pagbabago..." hindi na naituloy ni Tita Minda ang kanyang sinasabi dahil muling nilamon ng pag-iyak ang kanyang boses.

Niyakap ko ang matandang babae. Ako man ay halos madurog ang puso sa nalaman ko. Bakit si Shiela pa? Napakabata pa niya. Puno ng buhay. Mali siguro ang kuwestiyunin ko ang ganitong bagay pero 'di ko maiaalis sa sarili ko ang makisimpatya sa nangyari sa babaing itinuturing kong malapit na kaibigan.

"Tita Minda, baka wala pa kayong tulog. Magpahinga na po muna kayo. Ako na lang muna ang magbabantay dito. Sabado naman, walang pasok sa opisina."

Umiling-iling si Tita Minda. "Ayoko. Gusto kong bantayan si Shiela. Dito lang ako sa tabi niya para maalagaan ko siya sa lahat ng oras."

"Kayo po ang bahala. Basta dito lang din muna ako. Dalawa po tayong magbabantay kay Shiela."

Mapait na ngiti ang isinagot ni Tita Minda. "Napakabait mo. Ang swerte ni Shiela sa'yo. Sayang at hindi kayo nagkatuluyan..."

Bahagya akong nagulat sa huling sinabi ni Tita Minda pero hindi ko na 'yun binigyan ng ibang kahulugan. Siguro iniisip nito na naging kami ni Shiela dahil minsan ko na itong naihatid sa bahay nila.

Muli kong sinulyapan ang nakaratay na si Shiela. At muli'y bumalot sa buong katawan ko ang isang matinding awa kasabay ang panalangin na sana'y malampasan niya ang malaking pagsubok na ito sa kanyang buhay.

PAU'S POV

Natutulog na si Ailene sa silid niya. Si Rico, ewan kung saang lupalop na naman pumunta. Mula nang lumabas ito ng bahay kaninang tanghali ay hindi pa ito bumabalik. Pero okay nga iyon. Mas gusto kong nasa galaan siya at wala rito sa loob ng bahay. Mas panatag ang loob ko 'pag wala siya rito. Nagbilin naman ako kay Ailene na siya na lang ang magbukas ng pinto sakaling umuwi ang kuya niya.

Ni-lock ko na ang pinto. Kung uuwi si Rico at pagbubuksan ng pinto ng kapatid niya, siniguro kong hindi ito makakapasok dito sa kuwarto. Masyado na siyang masuwerte kung dito pa siya matutulog sa kuwarto ko. Bahala siya kung saan siya matutulog. Malawak ang salas kung ayaw niyang maki-share sa kapatid niya. Puwede rin naman siya sa kusina, maglatag siya dun! Basta, hindi siya puwede rito sa kuwarto ko!

Bigla'y naisip ko si Rob. Kumusta na kaya siya?

Kinuha ko ang cellphone ko at tinext ko siya.

Kumusta?

Naghintay ako ng sagot. Pero wala.

Galit pa rin siguro sa akin si Rob. Kaya dinedma lang niya ang text message ko.

Sinubukan ko siyang tawagan. Dinayal ko ang numero ni Rob at narinig kong nagri-ring ang cellphone niya. Hinintay kong sagutin ni Rob ang tawag ko. Pero pagkatapos ng maraming ring, wala pa ring sumagot.
Imposible namang tulog na si Rob. 'Di naman 'yun maagang matulog. Haay, ano kayang ginagawa niya? Miss na miss ko na siya.

Hindi ko na namalayan ang oras. Nakatulog akong naghihintay sa reply ni Rob sa text message ko.

UMAGA na nang ako ay magising. Kung hindi pa siguro umiyak si baby Gab ay hindi pa ako magigising. Napasarap ang tulog ko. Tirik na ang araw. Agad akong bumangon at kinuha sa crib si baby Gab. Basa pala kaya umatungal ng iyak. Kumuha ako ng pulbo at bagong diaper at pinalitan ko si baby Gab. Asan kaya ang yaya nito? Hindi man lang ba nito naririnig ang iyak ng baby kaya hindi man lang ito nag-attempt na gisingin ako?

Pagkatapos palitan ang diaper ng baby ay binuhat ko ito at inilabas ng kuwarto. Agad kong napansin ang bukas na silid ni Rico at ng bagong yaya ni baby Gab. Walang tao.

Nasaan kaya ang Ailene na 'yun? Si Rico, 'di pa ba umuuwi? Magkapatid nga talaga ang dalawang ito? Pareho yata konsumisyon ang dadalhin sa akin!

Ipinagtimpla ko na lang ng gatas si baby Gab pagkatapos ay naghanda na rin ako ng makakain. Kumakain na ako nang may kumatok sa pinto.

Ine-expect ko nang isa kina Rico at Ailene ang dumating at hindi nga ako nagkamali dahil tumambad sa akin si Rico pagbukas ko ng pinto.

Magulo ang buhok ni Rico, napansin ko. Namumula rin ang mata. Parang bangag.

Hindi ako pinansin ni Rico. Diretso itong pumasok sa kuwarto nila ni Ailene at nahiga sa kama. Bumalik ako sa kusina at itinuloy ko ang pagkain.

Nang matapos ay hinugasan ko ang mga plato at pumasok na ako sa kuwarto ko. Andun si baby Gab. Gising at nilalaro ang bote niyang wala nang laman.

Mag-aalas-diez na ng umaga. Wala pa rin si Ailene. Nasaan kaya ang babaing 'yun?

Naalala ko si Rob. Di man lang ito nagreply sa mga text message ko. Wala ring tawag. Ah, galit pa rin talaga siya akin. Hindi pa rin niya maintindihan na ginawa ko ito para sa kapakanan ni baby Gab.

Nang makatulog si baby Gab ay nagpasya akong maglaba. Madali lang naman ito, isasalang lang sa washing machine. Bukas ay balik opisina na ako pagkatapos ng isang buong linggo ng pagyayaya kay baby Gab. Haay, na-miss ko ang trabaho. Pero aaminin ko, mas nami-miss ko si Rob.

Matatapos na akong maglaba nang dumating si Ailene. Mag-aalas-dose na no'n.

"Saan ka galing?" tanong ko sa kanya nang buksan ko ang pinto.

"Diyan lang sa kapitbahay, naglaro ng bingo," kaswal na sagot nito.

"Umaga pa lang wala ka na rito, nag-bingo ka lang pala."

"Tulog pa kasi kayo. Eh, naiinip ako kaya lumabas muna ako. At saka linggo naman. 'Di ba day off ko ang linggo?"

"Sinong nagsabi sa'yong day off mo ang linggo?"

"Si kuya."

"Okay ah, 'di ka pa nag-uumpisa ng trabaho day off na kaagad."

"Eh, Sabado kasi ako pinapunta ni kuya rito. Sabi ko nga sa kanya Lunes na lang para umpisa na agad ng trabaho. Makulit siya, eh. Kasalanan ko ba na day off ko ngayon?"

"Andyan sa kuwarto ang kuya mo. Gisingin mo at kumain na kayo. May pagkain na sa kusina." Iyon lang at tinalikuran ko na si Ailene. Bumalik na ako sa binabanlawang labada ko bago pa ako tuluyang makunsumi sa ugali ng Ailene na 'to.

Nang matapos ay isinampay ko ang mga nilabhang damit. Hindi ko nakitang kumain si Ailene. Nagkulong lang din ito sa kuwarto. Marahil tulog pa rin si Rico.

Papasok na ako sa kuwarto ng lumabas ng silid si Ailene.

"Kakain na ako," sabi nito.

Diretso na akong pumasok sa silid.

ROB'S POV

SA OSPITAL ako nagpalipas ng buong magdamag. Sinabihan ko si Tita Minda na umuwi muna para makapagpahinga at kahit ayaw niyang pumayag noong una ay nakumbinse ko rin siya. Nakatanggap ako ng text message mula kay Pau kagabi na sinundan ng tawag na hindi ko rin sinagot. Ewan ko, hindi ko pa alam kung kelan ang tamang panahon para magkausap kami. Habang hindi niya pinalalayas si Rico sa bahay, malabong bumalik ako roon. Kahit sinabi ko sa kanyang mahal na mahal ko siya, malinaw na sinabi ko ring ayoko ng magulong relasyon. Si Rico ang nagpapagulo ng relasyon namin kaya dapat siyang umalis sa bahay. Pero dahil nga ayaw niyang i-give up si baby Gab, ako na lang muna ang magpaparaya.

Nakakatawa. Nung hindi nagtetext si Pau, hinahanap ko ang text niya. Pero nung nagtext naman siya, hindi naman ako nag-reply. Nagtitikisan ba kami? O nasaktan lang ba talaga ako dahil sa mga nangyari.

Bandang alas-dose ng tanghali nang bumalik ng ospital si Tita Minda.

"Eto, o ipinagluto kita ng pananghalian. Kumain ka na muna bago ka umuwi," sabi ni Tita Minda habang inilalabas sa dala niyang bag ang mga pagkain.

"Hmm, mukhang masarap po 'yan ah."

"May tinola at pritong tilapia. At saka kanin siyempre."

Tinikman ko ang sabaw ng tinola. "Masarap nga! Mapaparami ang kain ko nito."

"Sige lang, ubusin mo. Para sa'yo lahat 'yan."

Nginitian ko si Tita Minda. Ngiti ng pasasalamat.

"Kung gising sana si Shiela, sabay na sana kayong kumain."

Nawala ang ngiti sa labi ko. Napalitan ng lungkot. "Paggaling ni Shiela, ipagluto n'yo po ulit ako para sabay kaming kakain ni Shiela."

"Sana nga gumaling na ang pamangkin ko. Sana malampasan niya ang pagsubok na ito."

"May awa ang Diyos, Tita Minda. Gagaling si Shiela."

Sa ICU, wala pa ring malay si Shiela. Ang mga aparatong nakakabit sa kanyang katawan ang sumusuporta para siya mabuhay. Patuloy pa ring nakikipaglaban si Shiela sa kaway ng kamatayan. Pero tiwala ako sa Diyos na hindi niya pababayaan si Shiela at muli itong gigising upang tuluyan nang gumaling.

LUNES

Maaga akong pumasok sa opisina. Tinawagan ko na si Tita Minda upang sabihing mamayang hapon na lang ako pupunta ng ospital pagkatapos ng trabaho. Isasama ko na rin ang mga kasamahan namin sa trabaho na naging mga kaibigan na rin ni Shiela. Maayos naman ang umpisa ng linggo. Ganun naman kami sa RTC, 'pag walang hearing si judge hindi kami masyadong busy. Inayos ko na lang ang mga dokumentong hindi ko nagawa nung biyernes dahil sa biglaang pag-absent ko sa trabaho.

Ala-una ng hapon ng mag-ring ang cellphone ko. Si Tita Minda, tumatawag.

Sinagot ko ang telepono. Umiiyak si Tita Minda. Kinabahan ako. "Tita Minda, anong nangyari?" Natatakot ako sa pwedeng ibalita ni Tita Minda.

Sa pagitan ng mga hikbi at pag-iyak ay nagsalita si Tita Minda. "Rob, wala na si Shiela. Iniwan na niya tayo..."

Pakiramdam ko ay biglang nanlaki ang ulo ko. At 'di ko namalayan na tumutulo na pala ang luha ko. Hindi na ako nakasagot. Hindi na ako nakapagsalita.

"Rob... andyan ka pa ba?"

Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Pinahid ko ang luhang umagos sa pisngi ko. "O-opo, andito pa ako. Pupunta na po ako diyan."

Napansin pala ni Ico ang pagpahid ko ng luha. "P're, anong nangyari. Ba't ka umiiyak?"

"Si Shiela, 'yung katrabaho natin dati dito, patay na..."

PAU'S POV

SOBRANG BUSY ako ngayong araw. Sa dami ba naman ng nakatambak na trabaho dahil sa isang linggo kong pag-absent, expected nang subsob ako sa trabaho ngayon. Kahit na maaga pa akong pumasok, hindi ko pa rin ito kaagad matatapos. Maaga nga akong gumising kanina. Naghanda ng almusal at nagbilin ng katakot-takot kay Ailene. Si Rico, as usual hindi na naman umuwi kagabi. Kumain lang pagkagising, naligo at lumayas na naman. Wala pa rin siya sa bahay kanina bago ako umalis para pumasok sa opisina.

Katatapos ko lang mag-lunch nung may magtext sa akin. Numero lng ang rumehistro sa cellphone ko.

This is barangay kagawad Teresita Apacible. Your househelp is here in our barangay hall after being involved in a fight with another resident. We hope you can come here to settle the matter.

Nagtext back ako. Baka kasi nagkamali lang ng pag-send 'yung nagtext. Although aware ako na may barangay kagawad nga na Teresita Apacible sa lugar namin.

Si Ailene po ba 'yung tinutukoy n'yong househelp?

Sagot sa akin: "Opo, andito rin po 'yung baby na inaalagaan niya."

Hindi na ako nagreply sa text. Mabilis pa sa alas-kuwatrong nagpaalam ako sa boss ko na magha-half day na lang ako. Ipinaliwanag ko sa kanya nang mabilisan kung ano ang nangyari. Mabuti na lang at masyadong mabait ang boss ko at naunawaan niya ang sitwasyon ko.

Bumiyahe ako pauwi. Kulang na lang ay hatakin ko ang oras para makarating agad sa lugar namin. Ano ba ang mga problemang ito? Hindi na ba ito matatapos? Bakit mula nang dumating si Rico sa eksena ay nagsunod-sunod na ang mga problema sa buhay ko? Senyales ba ito na dapat ko nang tanggalin si Rico sa buhay ko kahit kasingkahulugan ito ng pagkawala rin ni baby Gab sa akin?

Pagbaba ko ng bus ay sumakay ako ng tricycle.

Halos liparin ko ang daan patungong barangay hall pagkababa ko ng tricycle. Agad kong nakita si Ailene na nakaupo sa isang sulok karga si baby Gab na umiiyak at tila ayaw tumahan. Kinuha ko kay Ailene si baby Gab.

"Anong ginawa mo? Bakit ka nasabak sa pakikipag-away? Isinama mo pa talaga itong bata? Anong klase kang yaya? Anong klase kang tita? Naturingang pamangkin mo ito pero dinamay mo pa sa gulong dinala mo?"

Isang tauhan ng barangay ang lumapit sa akin. "Ako po 'yung nagtext sa'yo kanina. Kayo po ba ang amo ni Ailene?"

"Opo."

"Nasa clinic pa 'yung nakaaway niya. Nagpapahinga. Dumugo kasi ang ulo matapos mauntog sa kanto ng dingding nung magpang-abot silang dalawa ni Ailene. Nagkapikunan kasi sa bingohan. Ayun, nauwi sa away."

"Bingo na naman? Huwag mong ikatwiran sa akin na day off mo pa rin ngayon!" Pinandilatan ko si Ailene. Aba, sumusobra naman yata ang kapatid na ito ni Rico. Manang-mana sa kanya. Magkapatid nga sila.

"Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko. Ang lagay, papayag ba akong kakaya-kayanin niya lang ako porke bago lang ako dito sa lugar n'yo? Hindi puwede iyon!" matigas na pahayag ni Ailene.

"Bakit kasi nag-bingo ka e alam mong may inaalagaan kang baby? Kung pumirmi ka na lang ba sa bahay e 'di hindi ka sana nasangkot sa gulo." Napapataas ang boses ko. Wala na akong pakialam kung nasa barangay hall man kami. High blood talaga ako 'pag ganitong mga eksena na. Nakakainis naman kasi 'yung mga taong pinagkakatiwalaan mo para gawin ang isang bagay, pero iba naman pala ang ginagawa.

Kinausap ko ang kagawad. "Ano po ba ang kailangan kong gawin?"

"Gusto nung nakaaway ni Ailene na sagutin n'yo ang mga gamot na kailangan niyang bilhin dahil sa sugat na tinamo niya. At sana, huwag nang uulitin ni Ailene na masangkot muli sa ano mang kaguluhan dito sa barangay."

"Sige po, ako na ang bahala sa mga gamot." Tiningnan ko si Ailene. "Narinig mo 'yung sinabi, ha? Huwag ka nang uulit?"

"Talagang hindi na dahil lalayas na ako sa'yo! Ikaw na lang ang mag-alaga sa ampon mo!" sabay talikod ni Ailene at lumakad papalabas ng barangay hall.

"Tingnan mo 'tong gagang ito... Hoy!" Sinigawan ko si Ailene pero hindi man lang ito lumingon. Tuloy-tuloy itong naglakad papunta sa kung saan.

"Babalik na lang po ako. I-text n'yo na lang po ako kung kelan kami mag-uusap nung nakaaway ni Ailene. Pasensya na po..."

"Sige po..."

Mabilis akong lumabas ng barangay hall karga si baby Gab na 'di ko napansing nakatulog na pala. Pinara ko ang unang tricycle na dumaan at nagpahatid ako sa aming bahay.

Naabutan ko si Ailene na nag-iimpake ng nga gamit niya. Akala yata ng babaing ito ay pipigilan ko siya. Kung bibigyan lang niya ako ng problema araw-araw, mas mabuti pa ngang ngayon pa lang ay magbalot-balot na siya. Hindi ko kailangan ng yayang hindi marunong tumupad sa responsibilidad niya at inuuna pa ang pagbibingo at pakikipag-away sa kapitbahay.

Kumuha ako ng limandaan sa wallet. Iniabot ko 'yun kay Ailene. "O, sobra pa 'yan sa isang araw na pagtatrabaho mo. Wala ka man lang amor sa pamangkin mo!"

"Talagang wala! Peste ang batang 'yan!" Hinablot nito sa akin ang limandang piso.

"Gagang ito! Ikaw ang mas peste! Lumayas ka na rito!"

"Magsama kayo ng ampon mo! Bakla!" Umalis ng bahay si Ailene bitbit ang bag na dala niya nung araw na hinatid siya rito ni Rico.

Medyo nakahinga na ako nang maluwag nung makita ko si Ailene na sumakay ng tricycle. Salamat at wala na ang bruha.

Pumasok ako sa loob ng silid. Tulog pa rin si baby Gab. Napagod yata sa bingohan. Hinaplos ko ang noo niya. Mainit yata. Hinaplos ko ulit. Pinakiramdaman. Mainit talaga. Hindi normal na init.

Nilalagnat si baby Gab at alam kong hindi ito basta sinat lang dahil iba ang temperatura ng kanyang katawan!

Weiterlesen

Das wird dir gefallen

1.2M 130K 34
What Sidra Everleigh wants, Sidra Everleigh gets-or at least that was the rule before she found herself trapped and alone with a shy Japanese guy in...
113K 5.6K 36
"Where happiness ends, reality begins..." Akala nina Rob at Paulo ay puro saya na lang ang buhay sa piling ni Gab na ngayon ay apat na taong gulang...
200K 10.7K 58
I only live for my siblings. Salitang bumubuhay at nagiging dahilan para nagpatuloy sa buhay si Tael. Nagtatrabaho sya hindi para sa sarili kundi par...
19.4K 1K 20
Si Bryne, isang Basketball player, ay may matinding paghanga Kay Cecile ngunit hindi niya ito nagawang kausapin o makasama. Isang araw, nalaman niyan...