Via Dolorosa

By Dimasilaw_101

4K 403 2.9K

Sa taong 1891, ang Bayan ng San Fernando ay nababalot pa rin ng mga kakaibang nilalang. Ano kaya ang magiging... More

PAUNANG SALITA
Kapitulo - I
Kapitulo - II
Kapitulo - III
Kapitulo - IV
Kapitulo - V
Kapitulo - VI
Kapitulo - VII
Kapitulo - VIII
Kapitulo - IX
Kapitulo - X
Kapitulo - XI
Kapitulo - XII
Kapitulo - XIII
Kapitulo - XIV
Kapitulo- XV
Kapitulo - XVI
Kapitulo - XVII
Kapitulo - XVIII
Kapitulo - XIX
Kapitulo - XX
Kapitulo - XXI
Kapitulo - XXII
Kapitulo - XXIII
Kapitulo - XXIV
Kapitulo - XXV
Kapitulo - XXVI
Kapitulo - XXVII
Kapitulo - XXVIII
Kapitulo - XXIX
Kapitulo - XXX
Kapitulo - XXXI
Kapitulo - XXXII
Kapitulo - XXXIII
Kapitulo - XXXIV
Kapitulo - XXXVI
Kapitulo - XXXVII
Kapitulo - XXXVIII
Kapitulo - XXXIX
Kapitulo - XL
Kapitulo - XLI
Kapitulo - XLII
Kapitulo - XLIII
•Capítulo Especial•
Aún No Es El Final
Author's Note
Via Dolorosa

Kapitulo - XXXV

87 5 112
By Dimasilaw_101

TATLONG araw na ang nakalipas magmula noong nailibing si Marcelo. Ang dating tahanan naman nila ay ibebenta na lamang sa isang mayaman na negosyante at gagawin na lamang itong imbakan ng mga abaka, rattan, at tabako.

Papalubog na ang araw at kasalukuyang nagbabasa ng libro si Don Xavier sa sala, katabi naman niya ang apo na si Luna habang naglalaro ito ng mga manika.

Naitiklop ng don ang libro at pinagmasdan na ngayon ang apo. Kunot-noo siyang napatitig sa pulang hiyas na nasa leeg ni Luna, tila nilalamon ng maitim na tinta ang kalahating bahagi ng buwan na nakasabit sa kwintas.

Akma na niya itong hahawakan ngunit may isang cambiaformas na pumasok sa sala at agad na nagbigay galang sa kaniya.

"Pasensya na ho sa abala, Don Xavier. Pasensya na rin kung ngayon ko lamang sasabihin ito," Panimula ng cambiaformas.

Napatayo si Don Xavier bago magsalita, "Ano iyon?"

"May namamagitan ho ba sa anak niyong si Dolorosa sa binatang kaanib ng Kongregasyon?" Tanong ng cambiaformas, "Noong isang araw ay nakita ko silang magkahawak ang kamay papalabas ng barrio,"

Nagtabo ang kilay ng don at pilit inaarok ang sinasabi ng kawal, "Ikaw ba ay sigurado? Baka guni-guni mo lang iyon?"

"Kaya nga ho ako pumunta rito upang linawin kung mag-irog ba silang dala--"

"Hindi" Seryosong saad ni Don Xavier, pinutol na niya ang nais na ipabatid ng cambiaformas, "Hindi ko pa pinapayagan si Dolor na tumanggap ng manliligaw,"

Si Luna naman ay nagtaka na napatingin sa kaniyang lolo, sa kaniyang isipan ay parang pinapagalitan nito ang cambiaformas.

"Nais kong manmanan mo ang lalaking iyon kapag nagawi muli rito sa barrio," Ani Don Xavier, napatitig siya sa silid ni Dolorosa sa gawing taas.

"Pero mas mainam po iyon, hindi ba? Kaanib ng Kongregasyon ang binatang iyon, mas magiging malakas pa ang pwersa natin kapag---"

"Hindi." Pagputol muli ng don. Mariin niyang ibinigkas ang kataga at isang malaking pagtutol ang kaniyang gagawin.

Napayuko nang bahagya ang cambiaformas, "Pasensya na po. Sisiguraduhin ko pong hindi makakapasok ang binatang iyon dito sa barrio,"

Napaupo muli si Don Xavier, "Salamat," saad niya pa, nakita niya naman itong tumango at kalauna'y pinagmasdan niya na lamang ang cambiaformas na lumabas ng tahanan.

SERYOSO lamang na napatingin si Liyong sa pahabang mesa na ngayon ay may nakalapag na mga masasarap na pagkain. Limang mahahabang mesa ang nakalaan sa malaking bulwagan sa pinakailalim na parte ng mansyon kung saan sila kakain ngayon.

"Umupo ka na, anak" Ani Alfonso kay Liyong.

Agad naman na tumungo si Liyong sa isang silya, magkaharap sila ngayon ni Emilia na seryosong nakatingin sa kaniya. Seryoso niya rin itong tiningnan.

"Maaari ba akong umupo rito?"

Napalingon naman si Liyong kay Celia, nakangiti ito sa kaniya.

"Pwede ba?" Mahinhin na tanong ng dalaga.

"Ah- oo naman," Tugon ni Liyong at ibinaling muli ang sarili sa pagsulyap sa kaniyang tiyahin na ngayon ay sinisinghot ang kupita na naglalaman ng dugo.

"Naninibago ka pa rin ba, ginoo?" Tanong muli ni Celia sa binata.

"H-hindi naman, hindi lang ako sanay sa maraming tao." Ani Liyong.

Napatango nang marahan si Celia at napangiti.

Mayamaya pa ay dumating na ang mga serbidora na puro dalagita, nakasuot sila ng maitim na baro at saya at nakalugay ang kanilang buhok at bakas sa kanilang mga mukha ang hirap at nakikita sa kanilang mga mata ang takot pero pilit na hindi kinukubli dahil sa isang pagkakamali lang ay pwede na silang paslangin.

Napatingin naman si Liyong sa isang dalagita na lumapit sa kaniya upang bigyan siya ng pinggan at baso. Nanginginig ang kamay nito na tila hindi pa sanay na makakita ng mga hindi pangkaraniwang nilalang, "Kumalma ka lang," Anas niya pa sa dalaga.

Marahang napatango ang dalaga pagkatapos ay umalis na ito upang ipagpatuloy sa iba ang pagbibigay ng mga pinggan at baso.

Pinagmasdan na lamang ni Liyong ang ama na nasa isang magarbong silya sa isang malaking entablado. May tatlong babaeng bayaran ang nakapalibot dito, labis na ang kaniyang pagkasukot at sukdulan na ang kaniyang pagpapanggap na maayos lang sa kaniya na makipag-ayos sa ama.

"Punyeta! Hindi ka nag-iingat!" Bulyaw ni Emilia sa dalaga na kanina'y kinausap ni Liyong.

Hindi sinasadyang natapon ng dalaga ang baso na naglalaman ng vino sa palda ni Emilia.

Sa paninigaw ni Emilia ay naglikha ito ng eksena at napukaw ang atensyon ng ibang kasapi.

"P-pasensya na po, h-hindi k-ko po sinasadya" Natatarantang saad ng dalaga at agad niyang kinuha ang pamunas sa bulsa.

"Ilayo mo ang iyong kamay!" Singhal muli ni Emilia, "Patayin niyo siya!" Utos niya pa sa mga gwardiyang nakatayo sa gilid.

"Huwag! Huwag niyong saktan ang dalagang iyan!" Hindi na nakapagpigil si Liyong at napatayo siya dahil sa nasaksihan.

Nagulat naman si Emilia sa inasta ni Liyong, "Siya'y nagkasala kung kaya ay kailangan na patayin!" Hindi niya papatalong saad.

Napatiim-bagang si Liyong nang marinig ang tinuran ng tiyahin, "Ano?! Sa isang simpleng kasalanan lamang ay papatayin na agad? Ang kasalanan na iyan ay may madaling solusyon!"

Napatayo na ang gobernadorcillo dahil sa paglaki ng boses ni Liyong.

"Alam ko naman na hindi kayo tinatablan ng awa sa mga inosenteng nilalang pero sukdulan na ang kasakiman ninyo! O? Wala bang nakakaintindi? Aba'y isasalin ko pa ba sa wikang Espanyol?!" Galit na turan ni Liyong. Kitang-kita niya ang paghikbi ng dalagita habang mahigpit na hinahawakan ito sa braso ng mga gwardiya.

"Husto na, Leopoldo!" Saad ni Alfonso, hindi na niya mapigilan ang lumapit.

"Ikaw naman, tiya Emiliana, nawa'y hindi kayo padadala sa galit! Masama iyan sa dinadala niyong tao sa sinapupunan," Nakakalokong saad ni Liyong, noong isang araw lang ay nakita niya itong nagduduwal at minsan ay nanghihina.

Bakas sa mukha ng mga taong nakakaintindi ang gulat, ang iba'y nag bulungan pa.

"Wala kang pruweba! Ano ba ang pinagsasabi mo, Leopoldo?!" Galit na turan ni Emilia.

"Gusto mo ng pruweba?"

"Husto na, Leopoldo!" Singhal ni Alfonso sa anak, "Huwag kayong gumawa ng eksena! Mahalaga ang gabi na ito!"

Itinaas nang bahagya ni Liyong ang dalawang kamay na tila siya'y sumusuko, "Bueno, nawalan na ako ng gana. Mabuti pa at ako na lang ang aalis" Sabay atras niya paalis ng mesa.

Bakas sa mukha ng iilang kasapi ang pagkadismaya. Hindi rin nakaimik si Celia sa natunghayan, hindi siya makapaniwala na kaya nitong makipagsumbatan.

"Bitawan niyo siya," Seryosong saad ni Liyong sa mga gwardiya, "At huwag niyong subukan na saktan siya. Alam na ninyo ang magiging kahihinatnan," Sabay talikod niya upang umalis na sa bulwagan.

Binitawan naman agad ng mga gwardiya ang dalaga, tumakbo naman ito papalapit sa mga serbidora at agad siyang niyakap.

Napailing na lamang si Alfonso habang seryosong nakatingin sa balisang si Emilia.

NANATILING mag-isa si Liyong sa hardin sa labas ng mansion habang sinasamsam ang malamig na simoy ng hangin. Kitang-kita niya ang kulay dilaw na buwan sa payapang kalangitan. Napapangiti na lamang siya dahil naaalala niya na naman si Dolorosa, pero napawi na lang bigla nang maalala ang paghaharap nila ni Don Xavier. May mga katanungan na umiiral sa kaniyang isipan. Paano na lang kung malaman ng ama nito ang kanilang tinatagong relasyon? Paano kung tutol ito?

Natauhan na lamang si Liyong nang makita ang isang platong naglalaman ng pagkain sa kaniyang harapan.

"Salamat po," Saad ng dalaga na kanina'y papaslangin na sana sabay lahad ng pinggan, "Kung hindi po dahil sa inyo ay wala na po ako ngayon,"

Ngumiti nang marahan si Liyong, "Ilang taon ka na?"

"Labing-anim pa lamang po. A-ang ngalan ko ay Olimpia" Pagapakilala ng dalagita.

Napatango si Liyong at agad na tinanggap ang pinggan, "Tawagin mo na lamang akong kuya Liyong. Huwag kang mag-alala, Olimpia, itatakas ko kayong lahat dito"

"P-pero baka po kayo'y mapahamak, kuya Liyong" Saad ni Olimpia.

"Ang kapahamakan at kamatayan ay kakambal ko na." Tugon pa ng binata.

Hindi makaimik si Olimpia, bagkus ay napatango na lamang.

"Alam ko naman na sinisisi mo ang iyong sarili dahil sa nangyari kanina pero nararapat lang na mangyari iyon, dahil kung hindi man nangyari ay magiging sekreto ang pagbubuntis ng aking tiyahin," Turan pa ni Liyong, pinagmasdan niya ang dalagita na ngayon ay nakayuko lamang. "Sino kaya ang nakabuntis sa kaniya?"

Hindi mapigilang mapaisip ng binata, marahil ay nasa mga kalalakihang bampira lang ang may pakana o may naiibigan na mortal ang kaniyang tiya o di kaya'y may sakit lang ito.

Kung ano pa man ang kaniyang pakiramdam ngayon ay wala na akong pakialam! Nararapat din na mapahiya siya.

Napasulyap naman si Olimpia kay Liyong na ngayon ay tila may malalim na iniisip.

TINITIGAN ni Don Xavier nang maigi ang kwintas ng pulang buwan. Kaniya itong kinukumpara sa mga nakaguhit na kwintas na nakabatay sa makapal na libro ng almanaki.

Napatingin din siya sa apo na ngayon ay nakahiga sa isang malambot na kama. Nakatulog ito dahil bigla na lamang itong nanghina nang makuha ang kwintas.

Hindi pa nasusubukan ng don na gamitin ang kwintas na panatilihin ang gabi sa kanilang balwarte, marahil ay sa tamang panahon pa.

Patuloy pa rin ang kaniyang pananaliksik hanggang sa naabot na niya ang ika-isang daang pahina.

May nakaguhit na buwan na kung saan nilalamon ito ng kadiliman, katulad ng nasa kwintas.

Sa gitna ng gabi,
Sa buwan na cadiliman ay nahahabi.
Bangis ng sanlibutan,
Magdidikta ay casalanan,
Ang dilim ay hindi matitigan.
Bulaclac na siyang hahalimuyac,
Masdan ito'y mangalaya,
Nawa'y pagaingatan ang capangyarihan,
Sa rurok ng pananampalataya,
Diwa'y sasakop ay calangitan.

Napapakunot-noo si Don Xavier sa nabasa, sa kaniyang pagkakaintindi ay may mawawala at may pagsibol muli. Sa dulo ng kasalukuyang pahina ay may nakalagay na petsa at oras.

Ica-anim ng julyo (1891)
ala-syete y media- medianoche

Agad siyang napatingin sa kalendaryo, "Ika-apat na ng hulyo," Napatayo siya at agad na lumapit sa apo. Dahan-dahan niyang ibinalik ang kwintas sa leeg ni Luna.

Bumitaw ng isang malalim na hinga ang don, sa kaniyang pakiwari ay mababalot ng dilim ang buwan na ayon sa pasaring-saring na kwento ng mga matatanda noon na darating ang araw na kakainin ng bakunawa ang buwan. Pero, hindi ganoon ang ipinapakita ng libro. Lalamunin ito ng itim na tila tinta at babalutin ang sanlibutan ng kadiliman.

NAKAKAILANG lipat na ng posisyon sa paghiga si Dolorosa dahil sa hindi siya makatulog buhat ng pinadalang liham sa kaniya ni Liyong.

Nakasaad sa liham ang pagtatagpo ni Liyong at ng kaniyang ama sa tahanan ng gobernadorcillo. Marahil ay nagdududa na ang kaniyang ama na isang bampira rin si Liyong.

Paanong magdududa si ama na isang bampira si Liyong? Hindi naman siya kasing-puti ng labanos katulad ni kuya Marco?

Napabangon na lamang siya at tumungo sa bintana upang buksan ito at makalasap ng hangin.

Nang mabuksan ay agad siyang uminom ng isang baso ng tubig na nakapatong lamang sa mesa upang mahimasmasan siya.

Napapikit siya at huminga nang malalim, pagkatapos ay napaharap siya sa bintana. Pinagmasdan niya ang kabilugan ng buwan. Pasalamat na lamang siya at hindi na agrisibo ang kaniyang kalahi sa ganitong uri ng gabi.

Mayamaya pa ay nakarinig si Dolorosa sa bandang likuran na parang isang nahuhulog na butil ng tubig.

Humarap siya at laking gulat na lamang niya nang makita ang sahig na pinamumugaran na ng mga uod at may iilang talulot ng puting rosas ang nakakalat. Napaatras siya nang kaunti at bakas sa kaniyang mukha ang gimbal.

"Nagustuhan mo ba ang handog ko?"

Nagawi ang paningin ni Dolorosa sa higaan, nakahiga na roon si Andrus habang nakangisi.

Bigla na lamang umihip ang malakas na hangin na kung saan tila ginigiba na nito ang bintana, kahit na ang mga kurtina'y hindi na magkamayaw sa sobrang lakas ng hangin.

"Ano ba ang ginagawa mo rito, Andrus?!" Tanong ni Dolorosa. Iniba na niya ang kaniyang balintataw at naging dilaw ito. Ang kaniyang mga kuko sa kamay ay biglang tumalas.

Umalis si Andrus sa pagkakahiga at unti-unting lumapit ito sa dalaga. Nababakas sa kaniyang kalahating mukha ang tila ugat ng kahoy na gumagapang, mapuputi ang kaniyang balintataw at may iilang hibla ng kaniyang buhok ang kulay puti rin. "Nais ko lamang na makuha ang hiyas at maging ikaw"

Galit na umaangil si Dolorosa, agad niyang sinugod at dadambahan sana si Andrus ngunit bigo siya dahil bigla na lamang itong naglaho sa kaniyang harapan at lumipat ito malapit sa pintuan.

Gimbal na gimbal man ang dalaga sa nakikita dahil may gumagapang na mga malalaking baging sa bawat haligi ng kaniyang higaan, pati na rin sa bintana at pintuan pero hindi siya nagpatinag.

"Hindi ba't likas na malakas kayo tuwing kabilugan ng buwan?" Nakakalokong tanong ni Andrus.

Buong pwersa na lumundag si Dolorosa upang dambahan muli si Andrus. Nagtagumpay siya na kalmutin ito sa braso ngunit naglaho na naman ang binata at lumipat muli ng pwesto.

Napahawak si Andrus sa kaniyang braso, lumalabas na sa sugat nito ang iba't-ibang insektong gumagapang. Seryoso siyang nakatingin ngayon sa dalaga na naging ganap na isang taong-lobo. Kahit na masakit ang sugat ay pinilit niyang pagalawin ang dalawang kamay upang makasagap ng pwersa para umangat ang sahig.

Hindi makapaniwala si Dolorosa sa malaking pinsala ang nagagawa ni Andrus sa kaniyang silid. Nagiba ang kaniyang sahig at biglang bumulwak doon ang mga matutulis na bato habang niyayanig ang buong paligid. Ginamit niya ang braso upang hindi siya matamaaan sa mukha, nararamdaman niya ang pagbaon ng mga matutulis na bato sa braso. Hindi niya rin maaarok kung bakit parang hindi umuubra ang kaniyang lakas.

Hindi niya maintindihan kung bakit walang dumadating na tulong sa kaniya. Tila walang malay ang mga kasapi ng balwarte kahit na ang mga cambiaformas.

Sa kabilang kwarto na kung saan ang silid ni Adrian ay nakakarinig siya ng hiyaw na tila nanghihingi ng tulong. Inilapat niya ang kaniyang tenga sa pader, "Tangina!" Bulalas niya pa at agad na napabalikwas sa kama.

Nang makalabas ay agad niyang sinipa ang pintuan ni Dolorosa na naglikha ng ingay na ikinagising ng kanilang mga magulang. Kahit na si Marco ay napalabas ng silid.

Tumambad sa kanila si Dolorosa na nanghihina na at may bakas na ng dugo ang puti nitong bestidang pantulog. Nakasandal ito sa paaanan ng higaan.

Nagpalinga-linga si Marco sa paligid, maayos naman ang mga kagamitan ng kapatid. Walang bakas ng gulo.

Napatakbo agad si Don Xavier at Doña Araceli kay Dolorosa. Marami itong sugat at may mga maliliit na batong nakabaon sa balat ng braso nito. Kahit na ang kaliwang-taas na bahagi ng noo ni Dolorosa ay may dugo.

"S-si Andrus," Nanghihinang anas ni Dolorosa, "Siya a-ang may gawa nito"

Bakas sa mukha ng mga magulang nila ang pag-aalala. Samantala si Marco ay napayukom ng kamao habang seryosong nakatingin sa kawawang kapatid.

"Tangina mo, Andrus, bukas matitikman mo ang batas ng mga taong-lobo" Bulong ni Adrian sa sarili.

KINABUKASAN ay seryosong tumungo si Adrian sa nagkukumpulang kaibigan ng kaniyang kuya Marco sa bahaging bulwagan. Nakikita niya si Andrus na masayang nakikipag-usap kina Enrico.

Binitawan niya ang dalang libro at walang pagdadalawang-isip na hilahin ang likurang bahagi ng damit ni Andrus.

Nang mahila ay agad bumitaw siya ng isang malakas na suntok na tumama sa ilong ni Andrus at napabulagta pa ito sa lupa.

Tulala ang nakakita na tila natuod sa kanilang kinatatayuan.

"Putangina mo! Akala ko ay kaibigan ka! Pero nais mo lang pala na saktan ang aking kapatid, hayop ka!" Singhal na saad ni Adrian, patuloy ang kaniyang pagsuntok sa mukha ni Andrus.

Agad na umawat sina Enrico at Crisantimo sa gulo. Ngunit kahit sila'y hindi makaawat sa sobrang lakas ni Adrian at tumitilapon lamang sila.

Si Andrus naman ay panay ang depensa sa sarili. Nararamdaman na niya ang malapot na pulang likido sa kaniyang ilong, tumatalsik na ito sa kaniyang maputing kwelyo. Naghahanap siya ng pagkakataon na makakuha ng iilang buhangin upang itapon sa mukha ni Adrian.

"Punyeta!" Sigaw ni Adrian nang tapunan siya ni Andrus ng buhangin sa mukha, nakapasok ang iilang butil ng buhangin sa kaniyang mata.

Agad na bumangon si Andrus at tumayo.

"Dios mio! Que barbaridad!" Bulalas ni Prayle Alonzo,nang makita ang dalawang binata, "Umalis na kayo! May mga klase pa kayo 'di ba?!" Sigaw niya pa sa mga studyanteng nakiusyuso.

Si Prayle Alonzo ay isang bagong paring dominicano na naitalaga sa San Fernando na dating kura ng Santa Barbara.

Matalim na nakatingin si Adrian kay Andrus na ngayon ay pinipigilan na ni Alexander at Enrico.

"Anak ka ng isang Sarmiento hindi ba? Bakit ikaw ang nangunguna sa gulo?!" Puno ng awtoridad ang boses ni prayle Sanchez.

"Hindi niyo po alam ang buong kwento kung kaya ay manahimik na lamang kayo, prayle" Buwelta pa ni Adrian, "Hindi ko maatim na saktan niya ang aming bunsong kapatid!"

"H-hindi ko po alam ang sinasabi niya, prayle. Hindi po ako nananakit ng babae!" Pagpapaawa pa ni Andrus sabay punas niya ng kaniyang ilong gamit ang likurang-palad.

"Matalas din ang iyo na dila, hijo. Bakit kaya mong magsalita ng pabalang sa aming mga banal?!" Bulyaw na katanungan ni prayle Alonzo.

"Ano ba ang pinupunto niyo, prayle? Hindi ninyo alam ang nangyari kung kaya ay itikom niyo ang inyong bibig at hayaan mo kaming magpatayan!" Wala sa kontrol na saad ni Adrian. Tila hindi niya nakilala ang sarili dahil sa galit.

"Manang-mana ka sa iyong ama na parang sino na nagpapakabayani!" Tugon pa ng prayle.

Hindi napigilan ni Adrian ang sarili, sumigaw siya nang malakas na tila mahahalintulad sa boses ng halimaw. Naging pula ang kaniyang balintataw, unti-unti siyang nag-iiba ng anyo at napupunit na rin ang kaniyang damit. Pagkatapos ay iniwaksi niya ang kaniyang mga kamay na kanina'y pinipigilan.

Sa ikalawang pagkakataon ay tumilapon muli si Enrico at tumama ang kaniyang likuran sa istatwa ng isang arcanghel, napaigik siya sa sakit.

Nanlaki ang mga mata ni prayle Alonzo sa natunghayan. Ngayon niya pa lamang nasaksihan ang pagbabagong anyo ng isang taong-lobo. Napatingin din siya ngayon sa binatang napuruhan sa mukha kanina na kinukumpas ang kamay sa hangin. Bigla siyang nakaramdam ng pagyanig, "Ano ito?!" Hindi niya akalain na ibang nilalang din pala ang binata. Wala siyang magawa kundi ang tumakbo na rin.

Nagkakagulo na ang lahat. Ang iba'y hindi napigilan na mapatalon sa mga gusali at mabalian ng buto sa paa. Ang iba naman ay naaapakan na sa dami ng mga studyanteng gustong makaligtas.

Hindi na rin magkamayaw ang ibang mga prayle na palabasin ang mga mag-aaaral at halos magiba na rin ang pintuang daan.

Hinila naman ni Crisantimo si Enrico at Alexander, kahit nahihilo na siya dahil sa nararamdamang pagyanig ay pinilit niya ang sarili na tulungan ang mga kaibigan.

Mayamaya pa ay napatingala sila nang marinig ang pag-alulong ng dalawang taong-lobo na nasa bubungan ng gusali ng paaralan. Ang isa'y nakakagimbal dahil doble ang laki nito kaysa sa kaniyang kasama. Ngayon pa lamang sila nakakita ng ganoong itsura ng taong-lobo.

Lumundag si Marco at si Kalayaan patungo sa gawi ni Adrian.

Walang anu-ano'y tumalungko si Andrus at inilapat ang palad sa lupa. Bumusikad ang lupa at lumabas doon ang taong-lobo na kasing-laki ni Marco. Naglalaway ito at kulay puti ang balintataw, matatalas ang tainga at may mas nakakahindik na mga matatalas na ngipin.

Ang naturang taong-lobo ay walang iba kundi si Joaquin.

"Nagulat ba kayo? Kaya ko rin na gumawa at gayahin kayo!" Hirit ni Andrus sabay ngisi niya sa tatlo. Pintik niya ang kaniyang daliri at biglang naglaho.

Humugot ng malakas na pwersa si Kalayaan upang sugurin ang halimaw, ngunit bigo siyang kalmutin ito nang makailag. Ang masaklap ay nahawakan siya bigla sa leeg at binalibag.

Sumunod naman si Adrian, ganoon pa rin, masyadong malakas ang nilalang na tila pinipitik lamang silang dalawa ni Kalayaan. Ngunit hindi siya nagpatinag.

Si Marco ay matalim na nakatitig sa nilalang na likha ni Andrus. Bigla niyang hinila mula sa likuran ang paa nito at tinadyakan ang likod. Maririnig pa nila ang pagkabali ng mga buto nito.

Muling bumangon si Joaquin, tumingin siya sa gawi ni Marco. Binulyawan niya ito nang napakalakas, ngunit nanatili itong umaangil sa kaniyang harapan na tila hindi natitiniag kahit tumatalsik na ang kaniyang laway sa mukha nito. Tinadyakan niya ito sa tiyan at tumilapon sa isang puwente.

Agad na pinuntahan ni Kalayaan si Marco na ngayon ay nabagsakan ng semento ng nagibang puwente.

Bumangon muli si Marco, nakita niya kung paano kagatin ni Adrian ang braso ng kalaban. Sumugod na naman siya, dinambahan niya ito kaagad na ikinahiga nito sa lupa.

Sumunod si Kalayaan. Pumwesto siya sa gawing ulo ng kalaban, hindi niya mapigilan na sakalin ang leeg nito. Bumabaon na ang kaniyang kuko at tumatalsik na ang itim na likido sa kaniyang mukha.

Napapaigik sa sakit si Joaquin na tila pinagpipyestahan na ang kaniyang katawan. Napasigaw pa siya nang biglang may kumagat sa kaniyang paanan, natuklap ang balat niya sa binti.

Parang isang masarap na putahe sa bibig ni Adrian ang laman ng kalaban nang hinila niya ang laman ng binti nito at nilunok.

Si Marco naman na inapakan ang tiyan ng kalaban ay naiisip niya na tila isa itong napakagandang eksena sa kaniyang paningin ang pagtalsik ng mga dugo at laman ng kalaban sa lupa at sa huling pagkakataon ay inangat niya ang kamay at walang pagda-dalawang isip na ibinaon ang matutulis na kuko sa tiyan ng kalaban.

Nagpupumiglas man si Joaquin ay wala siyang nagawa, kitang-kita niya sa kaniyang dalawang mata ang nahugot na laman-loob na nagmumula sa kaniyang tiyan. Naisahan din siya ni Andrus, sumunod siya sa utos nito na akala niya'y isang kaibigan. Hindi niya mapaniwala ang sarili na bumaliktad na ang sitwasyon sa kaniya na kung dati ay siya ang nag-uutos ngayon ay siya na ang sumusunod. Ngayon ay nahaharap na niya ang brutal na kamatayan sa mga kamay ng mga tunay na taong-lobo.

Umawat lang ang tatlo nang mapansin na hindi na gumagalaw ang kalaban.

Umalis na rin si Marco at itinapon ang lamang-loob sa lupa. Pagkatapos ay pinakiramdaman niya ang paligid.

Nang mahuli kung saan si Andrus kahit hindi ito nakikita ay agad niya itong nasakal sa leeg.

Lumitaw si Andrus habang pilit na winawaksi ang kamay ni Marco na mahigpit na nakapulupot sa kaniyang leeg. Hindi na niya maramdaman ang paglapat ng kaniyang paa sa lupa dahil siya'y nakaangat na.

"Hindi ka rin makakaligtas sa mga kamay ko, Andrus! Magiging impyerno ang buhay mo!" Giit pa ni Marco.

Gulat man na napatingin si Andrus sa dating kaibigan dahil nagawa nitong hulihin siya kahit di siya nakikita ay bigla na lang siyang tumawa.

Tumindi pa ang angil ni Adrian at Kalayaan mula sa likuran ni Marco dahil sa nakakalokong pagtawa ni Andrus.

Pinitik muli ni Andrus ang kaniyang daliri. Naging buhangin siya bigla at ang tanging naiwan na lamang ay ang kaniyang mga damit na nakabulagta na sa lupa.

Bakas sa mukha nila ang gulat at pagtataka.
------

Continue Reading

You'll Also Like

22.7K 805 25
Valentina thought that by being accepted into a new pack she would get the protection she wished for, but after agreeing to live with the handsome al...
55.5K 934 13
This will be a compilation of my GOT7 one shots. It has been a while since the last time I wrote a one shot. Not all stories here have happy endings...
3.2M 70.3K 200
I'm a new grad human in huge debt, and cheated by my Omega boyfriend. When I got wasted in a bar, I didn't expect to have the best sex ever. And the...
384K 7.7K 45
He was gigantic. The 7'0 monster of a man towered over her, even though he was sitting. Bright cyan eyes gazed down at her unreadably. He gestured w...