Kristine Series 06: Kapirason...

By Imperfect_Philozoic

21.6K 614 27

Anuman ang gawin ni Aura ay hindi niya mapaglabanan ang damdamin na naramdaman kay Miguel. Unti-unting nabubu... More

Amanda - Kapirasong Papel (Kristine Series 06)
Chapter One
Chapter Two
Chapter Three
Chapter Four
Chapter Five
Chapter Seven
Chapter Eight
Chapter Nine
Chapter Ten - Finale

Chapter Six

1.5K 58 2
By Imperfect_Philozoic


UPANG hindi na lumalim pa ang damdaming nararamdaman ni Aura kay Miguel, nagpasya siyang tapusin nang mas maaga sa pinlano ang pagbabakasyon sa farm ng mga Redoblado.

Nagpaalam na ang dalaga kay Krizelda at walang nagawa ang huli upang mapagbago ang isip niya. Nangako na lamang siyang lagi itong tatawagan at kukumustahin ang kalagayan.

Bago magpaalam sa mga Redoblado, sakay ng kotse ni Krizelda na nagtungo siya sa bayan.

Ilang sandali na ang nakalilipas mula nang iparada niya sa harap ng antique/jewelry shop ang Mercedez Benz ngunit hindi pa rin siya bumababa sa sasakyan. May alinlangan siya kung itutuloy ang gagawing pakikipag-usap kay Madam Zarina.

Sa huli'y pinag-isa niya ang isip. Umibis siya sa kotse at pumasok sa antique/jewelry shop.

Wala ang kanyang pakay sa loob ng shop. Nagtanong siya sa babaeng nadatnang nakaupo sa reception table.

"Nasa loob si Madam Zarina, Miss. Fortalejo," anitong tukoy ang bahay na nasa likod ng shop.

"Please tell her, gusto ko siyang makausap."

"Sandali lamang po."

Iniwan siya ng babae upang ipaalam kay Madam Zarina na naroroon siya. Makalipas ang ilang minuto'y nagbalik ito.

"Tumuloy na raw ho kayo, Miss, Fortalejo. Naghihintay sa loob si Madam."

"Thank you."

Nakatayo sa bungad ng malaking bahay si Madam Zarina nang madatnan niya. Matapos ang batian ay iginiya siya nito patawid sa sala at pumasok sa silid na nakaharap sa silangan.

"Alam kong babalik ka," ani Madam Zarina nang maupo silang magkaharap sa bilog na mesa.

"May gusto akong malaman, Madam Zarina..."

"Nasa iyo ang susi ng katotohanan, Aura."

Naging aware siya sa pilak na susing nakapalawit sa suot na kuwintas. Nakapaloob iyon sa kanyang damit at hindi nakikita ni Madam Zarina, kaya kung literal ang nais nitong ipakahulugan ay hindi niya alam.

Ginagap ng psychic ang mga palad niya at pumikit. "Nasa Paso de Blas ang hinahanap mong katotohanan, Aura. And yes, kailangan mong magbalik sa Villa Kristine, dahil hindi ka matatahimik hanggang hindi napapasaiyong kamay ang bagay na iyon."

Pinagmasdan ni Aura si Madam Zarina with amazement. Wala pa siyang sinasabi rito'y marami nang nalalaman.

"Pero nararamdaman ko ring naguguluhan ka dahil sa pagpasok ng isang lalaki sa buhay mo." Napangiti si Madam Zarina. "Hmn, palagay ko'y kilala ko siya..."

Binawi ni Aura ang mga kamay mula sa pagkakahawak nito. Pinamulahan siya ng pisngi sa isiping alam nitong si Miguel ang lalaki.

"Wala kang dapat ikatakot sa pag-ibig, Aura. Love is the radiance which brightens the world of human life with the sunshine of happiness"

"At maaari ring maghatid ng dullness sa buhay ng tao," napapabuntong-hiningang sabi ng dalaga.

"It's a case to case basis. So, give yourself a chance. Give the other person a chance."

"Madam Zarina... nagpunta ako sa Paso de Blas hindi para maghanap ng mapa-pangasawa. Naparito ako para hanapin ang sarili ko."

Napailing ito. "May mga pagkakataong naipagkakamali natin ang totoo sa nais nating mangyari."

Hindi nakasagot ang dalaga.

"You love him?"

"Who?" naguguluhang tanong niya.

"Alam mo kung sino ang tinutukoy ko."

"He's wasting his time."

"No, I don't think so."


PAGKAGALING sa antique/jewelry shop ni Madam Zarina ay nagpasya si Aura na tumuloy sa Villa Kristine. Kailangang makausap niya si Margarita bago siya lumuwas ng Maynila, once and for all.

Habang daan ay binabalikan niya sa alaala ang mga pangyayari. Mula nang araw na matuklasan niya ang lihim ng pagkatao hanggang sa ihatid sa huling hantungan si Don Leon Fortalejo.

Hanggang ngayon, hindi pa rin niya maipaliwanag ang damdaming naramdaman nang malamang patay na si Leon.

At hindi niya mauunawaan hangga't hindi napapasakanya ang kapirasong papel na magbibigay-liwanag sa totoong nangyari twenty nine years ago.

Nang dumating siya sa Villa Kristine ay wala si Margarita. Ayon sa kawaksi, umaga pa lamang ay nagtungo na sa Kristine Hotel ang babae, at hindi nito tiyak kung anong oras babalik.

Ikinatuwa ni Aura ang magandang pagka-kataon.

Nang iwan siya ng kawaksi ay mabilis siyang pumanhik sa ikalawang palapag ng villa. Alam niyang makita man siya ng mga ito, isa man ay hindi mangangahas na magtanong.

Pumasok siya sa kuwarto ni Don Leon na nagkataong hindi naka-lock ang pinto. Naalala niya noong sinabi ni Margarita na mula nang mamatay ang don ay hindi na ikinakandado ang silid nito. At wala isa mang kasangkapan ang inalis o inilipat ng puwesto. Kung ano ang ayos ng mga gamit bago mamatay si Don Leon ay pinanatiling ganoon ng mga Fortalejo.

Nang makapasok ay ini-lock ni Aura ang pinto para makatiyak na walang makakapasok habang nasa loob siya.

Agad na nakita ng dalaga ang kinalalagyan ng pakay niya.

Nasa isang sulok ang antigong grand-father's clock gaya ng sinabi ni Don Leonsa kanya.

Hinubad niya ang suot na kuwintas at hinanap ang keyhole. Siniyasat niya ang harap at magkabilang gilid ng grandfather's clock ngunit wala siyang nakita.

Nahirapan siyang ilayo sa dingding ang malaking orasan ngunit sulit ang pagod niya nang makita ang keyhole sa pinakaibabang bahagi niyon.

Lumuhod siya at isinuot ang pilak na susi sa keyhole. Pigil ang hiningang pinihit niya iyon, at tila mamamatay siya sa suspense nang hilahin ang secret compartment at matambad ang naninilaw na sobreng natatalian ng isang gintong kuwintas na may palawit na diyamante.

Ngunit higit siyang nagulat nang makita kung ano ang laman ng kahon na natatakpan ng secret compartment.

Mga alahas at mamahaling bato na sa tingin pa lamang ay nagkakahalaga na ng malaki!

ANIMO natuka ng ahas na hindi nakakilos sa kinatatayuan si Aura nang ilabas ang kahon. Magkakahalong emosyon ang naramdaman niya sa isiping itinabi iyon ni Leon para sa kanya.

Nanginginig ang mga kamay na kinalas niya sa pagkakatali ang kuwintas, hinugot ang naninilaw na papel sa loob ng sobre at tinunghayan.

Para sa aking anak,

Hindi pa man nababasa ang nilalaman ng sulat ay nanlabo na sa luha ang kanyang mga mata. Nanikip ang dibdib sa tindi ng emosyong ibig sumabog nang mga oras na iyon.

Pinahid niya ng likod ng palad ang luha at itinuloy ang pagbasa.

Ginawa ko ang sulat upang pagdating ng tamang panahon ay maunawaan mo kung bakit hindi ko naipaglaban, ikaw at si Aurora.

Matagal na akong biyudo nang dumating sa buhay ko ang iyong ina. Kung gaano ang naging pagmamahal ko sa aking nasirang esposa ay ganoon din kay Aurora. Hindi ko balak na talikuran ang responsibilidad ko, at handa akong pakasalan siya.

Subalit tumutol si Romano at si Margarita hindi sa anupamang kadahilanan. Alam nilang naisumpa ko noon na isang babae lamang ang pagbibigyan ko ng aking pangalan; at iyon ay ang kanilang inang si Kristine Esmeralda.

Sumang-ayon silang tumira at pakisa-mahan ko bilang asawa si Aurora ngunit hindi ang pakasalan.

Lalabas na kerida lamang ang iyong ina, at ikaw ay magiging bastarda.

Hindi ko ninais na mangyari iyon.

Ngunit kung hindi ko pakakasalan si Aurora ay malalagay siya sa napakalaking kahihiyan dahil nagdadalantao siya nang walang masasabing asawa.

Nasa poder ko pa nang mga panahong iyon ang nakababata kong kapatid na si Rafael. Napakabait niya at masunurin sa akin.

Alam kong may lihim siyang pagtingin kay Aurora. Naipagtapat niya sa akin iyon, at nanlumo siya nang malamang hindi ko maaaring pakasalan ang iyong ina.

Isang kahanga-hangang bagay ang ginawa ni Rafael nang sabihin niya sa aking handa niyang pakasalan si Aurora, at bigyan ka ng pangalan.

Maraming beses kong pinag-isipan ang suhestiyon ni Rafael. Hanggang sa wala na akong makitang ibang paraan upang huwag malagay sa malaking kahihiyan ang mahal kong si Aurora.

Sumang-ayon akong itayo niya ang pangalan ninyong mag-ina matapos siyang papangakuin na hindi pababayaan si Aurora at mamahalin ka niya bilang tunay na anak.

Noong una'y hindi matanggap ni Aurora ang nais kong mangyari, ngunit sa bandang huli ay napahinuhod ko siya. Namuhi sa akin ang iyong ina, at ang pagpayag niyang pagpapakasal kay Rafael ay para na ring paghihiganti.

Ikinasal sina Aurora at Rafael sa Paso de Blas, at bilang regalo ay binigyan ko siya ng malaking halaga na noong una'y ayaw niyang tanggapin — nila ni Aurora. Naging mapilit ako, at sinabi ko sa kanilang ang halagang iyon ay para sa anak kong iba ang makikilalang ama.

Umalpas ang mahinang hikbi sa mga labi ni Aura at kinailangan niyang ihinto ang pagbabasa. Ngayong unti-unti nang lumilinaw ang lahat ay nahahalinhan ng panghihinayang ang hinanakit sa dibdib niya.

Nanghihinayang siyang hindi man lamang naipadama kahit kaunti ang pagmamahal sa tunay na amang si Don Leon. At ibig niyang sisihin si Aurora kung bakit hindi nito sinabi sa kanya ang buong katotohanan. Bahagi pa rin kaya iyon ng paghihiganti nito o sinadya upang magalit siya kay Leon at hindi sumama rito?

Aalamin niya ang dahilan pagbabalik niya sa Hacienda Aurora.

Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa.

Sumumpa si Aurora na hindi na muli pang babalik sa Paso de Blas. At ako nama'y pinagbawalan ni Rafael na magtungo sa hacienda sa Cantabria.

Nabalitaan ko nang ipanganak ka. Ang iyong pangalan ay nanggaling sa Aurora at Rafael kaya Aura. Ngunit binigyan kita ng sariling pangalan. Para sa akin, ikaw si Leona.

At kung binabasa mo ang sulat na ito, napatunayan ko sa iyong gumawa ako ng paraan para magkita tayo. At isang bagay pa ang natitiyak ko, habang binabasa mo ito'y wala na ako.

Ang kuwintas na kasama sa sulat na ito ay ang kuwintas na bigay sa akin ni Aurora. Ibigay mo ito sa kanya at ihingi mo ako ng tawad.

Ang mga alahas ay para sa iyo, dahil sa testamentong iiwan ko'y hindi kita isasama bilang isa sa mga tagapagmana. Gusto kong manatili sa paningin ng mga tao ang kalinisan ni Aurora, at ng pamilya ni Rafael... lalong-lalo na ang pagkatao ng aking si Leona.

Tiniyak kong malaking halaga ang mga alahas na ito dahil tulad ng iba pa'y isa ka sa nararapat na magmana ng kayamanan ko. Hindi nakatala ang mga alahas na ito dahil ayokong bawiin ng sinuman sa iyo.

Te quiero, mi hija, Leona. Sana'y maunawaan mo ako at mapatawad. Dahil hindi ko mapatawad ang aking sarili sa ginawa ko sa inyong mag-ina. Lalo na sa iyo, na hindi ko maipagmalaki bilang isa sa aking hijos.

Gayunman, natitiyak kong magiging matagumpay ka at hahangaan ng mga tao tulad sa isang tunay na Fortalejo.

Estoy orgulloso de ti.

Ang iyong ama,

Leon Pontevedra Fortalejo

Hindi maampat ang luha sa mga mata ni Aura hanggang matapos basahin ang sulat. Tiniklop niya iyon at ibinalik sa sobre. Nakuyom niya ang kuwintas na bigay ni Aurora kay Leon.

Sa isang banda ay tama rin pala siya nang itakwil si Leon bilang ama noong unang malaman niya ang lihim ng pagkatao, dahil hindi siya nito pormal na kikilalanin upang huwag nang mabunyag pa ang katotohanan.

Prinotektahan ni Leon ang karangalan niya, ng pamilyang nakagisnan niya. At dahil dito'y pinatatawad niya ang ama sa lahat ng nangyari. At sana, maligaya na ito sa kinaroroonan kung nakikita siya.

Hindi na niya kailangang kausapin pa si Margarita. Kung alam nitong magkapatid sila sa ama'y hahayaan na lamang niya.

Aalis siya sa Villa Kristine na nagpapa-salamat at bago pa siya makalikha ng gulo ay naliwanagan ang isip niya.

Bago lumabas ng kuwarto ay tiniyak muna ni Aura na walang makakakita sa kanya. Nakahinga siya ng maluwag nang makababa sa hagdanan nang walang nasasalubong sinoman sa mga kawaksi.

Patawid na siya sa sala nang makita ang isang paparating. Agad siyang nagkubli sa mga halaman at nakahinga lamang ng maluwag nang hindi nito makita.

Nakalabas siya at nakalapit sa kotse nang hindi namamalayan.

Agad niyang itinago sa compartment ang kahon ng mga alahas, saka tinawag ang kawaksing papalabas ng villa at ipinagbiling sabihin na lamang kay Margarita na umalis na siya.


                                                           **********

Continue Reading

You'll Also Like

45.5K 1K 16
Desperado ang lolo niyang magpakasal siya sa isang malayong kamag-anak upang mapanatili ang linya ng kanilang angkan. Kung hindi gagawin ni Joanna iy...
45K 1.2K 20
"Ai shite imas, Nyssa-san." Inabot nito ang kamay niya at hinawakan iyon. "The presence of your hand and holding it like this balanced me. Everything...
980K 21.5K 34
STATUS: ON-HOLD A Mafia Story with HEA (of course) "Marriage is the only thing I don't want to happen in my life, but I guess I can't keep running aw...
3.3K 57 10
"You seem so sad, Bridget, but I'm here to make you happy." At napangiti siya nang makita ang guwapong mukha nito. Ramonchito Roa-A successful engine...