ATAS: Ang Misyon ng Dayanghir...

By lawrence087770

10.6K 556 223

Tunghayan muli ang ang kuwento nina Haliya, Sidapa, Venus at Rosendo! Maghanda na sa digmaang magpapasya ng k... More

Panimula
Uno: Ang Sultana ng Pinagbuklod na Kapuluan
Dos: At Dumilim ang Minolo
Tres: Lira
Kuwatro: Ang Sultana
Singko: Setre
Sais: Wakas ng Pagsubok
Siyete: Paglikom
Otso: Ang Bihag
Nuwebe: Basagin ang Itim na Baluti!
Diyes: Isla ng mga Sinaunang Babaylan
Dose: Katapusan ng Sumpa
Trese: Ang Huling Sangkap
Katorse: Hinikalimtan Bulawan

Onse: Elindro

575 33 20
By lawrence087770

Hiya guys! Medyo naging pre-occupied si Kuya Author kaya natagalan ang update! Sa wakas maipopost ko na din siya. :-) This chapter will allow you to know one of our favorite characters better, the Queen of Minolo. :-)


22 na pala ang likers ng page ko as of this writing. Maybe you can help me share the love and support? I would really love it kung ili-like ninyo din ang page ko :-)


https://www.

facebook

.com/lawrence087770


Dahil miss na kita, this update goes out to you, @Siniphayo! Long time long time na ah, kumusta ka na kaya? Miss ko na critical at analytical reviews mo. :-)


Oh siya tama na ang satsat. Ito ang update!


-Kuya Lawrence :-)


—-


Nanginginig ang boses ni Rosendo habang siya ay nagsasalita. "Hinikalimtan Bulawan? Imposible! Isa lamang siyang alamat!"

Lumingkis sa braso ni Rosendo si Venus bago siya nagsalita. "Alam mo, Vivi, sa dami ng napagdaan natin sa paglalakbay na ito, hindi na ako magugulat sa kung ano pa ang makikita at malalaman ko."

Naligaw si Haliya sa pag-uusap ni Rosendo at Venus. Nabatid ni Ba'i Arao ang kaguluhan sa mga mata ni Haliya kaya't minarapat niya na pawiin ang kaguluhan sa isipan ng dayanghirang.

"Dayanghirang, ang Hinikalimtan Bulawan ay sinabing naging kanlungan ng mga sinaunang babaylan. Maari mong sabihin na dito pinanganak ang mga unang babaylan. Dito tayo nagmulang lahat, sa islang tinatapakan ninyo ngayon." pahayag ni Ba'i Arao kay Haliya.

Tumango naman si Haliya kay Arao upang ipaalam sa Ba'i na nauunawaan na niya ang kahalagahan ng islang kanilang pinuntahan. Hindi lamang ito ang lugar kung saan naroroon ang anito ng lakan ng lupa at oras, ito din ang lugar na naging tahanan ng mga sinaunang babaylan. Salamat sa liwanag, nabanaag na ng dalaga ang hitsura ni Arao; isa siyang morenang babae na may katamtamang tangkad at pangangatawan. Maayos na nakapusod ang kanyang maitim na buhok na siyang pinanatili ng dalawang ipit na gawa sa ginto na nagtaglay ng disenyong wangis ng paru-paro. Tanging ang maitim at malalim na mata ni Arao ang nakikita ni Haliya sapagkat natakpan ng puting tela ang mukha ng dalaga na nakasabit sa matangos nitong ilong at sa magkabilang panig ng tenga ng Ba'i na nakasuot ng pilak na hikaw na hugis araw na may walong sinag. Balot ang dalaga ng kayumangging pantaas na may mahahaba at maluluwag na manggas. Manipis at puting pambaba naman ang kanyang suot na yari sa sutla.

"Maraming naliligaw sa disyerto ng Hinikalimtan Bulawan, dayanghirang. Narito kami upang gabayan kayo." dagdag naman ni Ba'i Tala. Kutis porselana si Tala at may kaliitan ang tangkad. Pareho sila ng suot ni Arao ngunit nagkaiba sila sa hikaw na suot ng kanyang tenga na wangis ng isang talang may walong sinag. Singkit ang mga mata niya at malumanay siyang magsalita.

"Ayon sa mga alamat, napakagandang lugar ng Hinikalimtan Bulawan noong unang panahon. Paano nangyari ito sa sinaunang isla ng mga babaylan? Nakakapagtaka..." wika naman ni Rosendo.

"Malalaman ninyo ang sagot mamaya, kapag malapit na tayo sa mausoleo nina Lueve at Batungbayanahin." sagot naman ni Ba'i Tala.

"Halina kayo. Kailangan na nating magmadali habang hindi pa tirik nang husto ang araw." dagdag naman ni Ba'i Arao habang naglalakad siya patungo sa kanlurang bahagi ng disyertong isla. Mabilis naman siyang sinundo nina Tala, Rosendo at Venus.

Susunod na sana si Haliya sa dalawang Ba'i ngunit nabatid niya na tila nababahala si Sidapa. Malayo at malalim ang tingin ng lakan sa kawalan. Marahang hinawakan ni Haliya ang malamig na kamay ni Sidapa. "Halina, Sidapa. Alamin nating ang katotohanan ng magkasama."

Mabilis na bumalik ang huwisyo at kulay sa kanina'y maputlang mukha ni Sidapa. Napalitan ng kaligayahan ang kanyang mga matang kanina'u napuno ng pag-aalinlangan. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Haliya bago siya tumungon sa dalaga. "Salamat, Haliya." at nagtapos ang lakan sa pagngiti ng matamis kay Haliya.

***

 

     "Lilagretha, hindi mo ako mahal hindi ba?"

     Taliwas sa ugali ni Lilagretha si Elindro. Ang malamig na rani na noo'y prinsesa ng Minolo ay nakatagpo ng lalaking kasing-init ng araw ang disposisyon sa buhay. Moreno si Elindro; matangkad, puno ng pangarap. Sino ba naman ang hindi magiging masaya; nakasal siya sa pinakamagandang babae sa mundo, ang babaeng kahit sa pangarap ay hindi niya inakalang makakasama niya! Maamo at payapa ang mukha ni Elindro; dahil dito, taglay niya ang kakayahang pahupain ang inis at galit ni Lilagretha sa mundo, lalo na sa tadhana ng prinsesa. Guwapo at simpatiko si Elindro, pormal ang prinsepe na nakagayak ng mga kasuotang yari sa sutla at puspos ng ornamentong pilak at ginto.

     Katatapos lamang ng kasal nila ni Lilagretha. Habang Nagdiriwang ang Minolo sa pag-iisang dibdib nila ng prinsesa, batid ni Elindro na nalulunod sa malamig na kalungkutan si Lila.

     "Elindro? Ano ba ang pinagsasabi mo? Pinakasalan kita... Ikaw ang pinili kong makasama habambuhay." sagot ni Lilagretha.

     "Lilagretha, hindi mo kailangang magsinungaling sa akin. Hindi linghid sa aking kaalaman na natatangi ang iyong pagtingin kay Saavedra, ang pinuno ng mga guwardiya ng palasyo. Alam ko din na mahal ka din niya. Hindi mo naman ito kailangang itago sa sakin."

     "Hindi kita maintindihan, Elindro. Bakit mo sinasabi sa akin ang lahat ng ito? Bakit, paraan saan? Anong motibo mo?"

     "Wala akong masamang motibo, Lilagretha. Gusto ko lang na maging tapat ka sa akin dahil habambuhay tayong magsasama, kahit napilitan ka lang na pakasalan ako alang-alang sa tradisyong ng Minolo."

     "Patawarin mo ako, Elindro. Hindi ko alam kung masusuklian ko ang pagmamahal na binigigay mo sa akin. Natatakot ako; sa hinaharap, sa kapalaran nating dalawa, sa trono—" at hindi na nagawang tapusin ni Lila ang kanyang nais sabihin sapagkat napaiyak na siya nang tuluyan. Makapangyarihan man siyang babaylan, isa pa din siyang murang dalaga noong panahon na iyon na niyakap ng maaga ang mapait niyang kapalaran.

     "Lilagretha, ito ang tandaan mo. Mahal kita. Mahal na mahal kita. Hanggang sa aking kamatayan ay aking dadalhin sa aking puso ang aking pagmamahal sa iyo. Ako ang magsisilbi mong lakas at suporta. Hindi kita pababayaan, Lilagretha. Papawiin ko lahat ng iyong pag-aalala. Hindi ko hinihiling na suklian mo ang pagmamahal ko sa iyo. Ngunit, ang tanging hiling ko sa iyo ang mahalin mo ang magiging anak natin sa hinaharap. Ang pagmamahal mo sa magiging anak natin ay katumbas na din ng pagmamahal mo sa akin, Lilagretha." Pagpapakalmang pahayag ni Elindro kay Lila habang mahigpit niyang yakap sa kanyang mga bisig ang malungkot niyang asawang binigkis sa kanyang puso ng sapilitan dahil sa tradisyong ng Minolo. Marahan niyang nilapit ang kanyang labi sa tenga ng prinsesa bago siya magpatuloy. "Mahal na mahal kita, Lila."

 

     Bumaha ang alaalang pilit binabaon ni Lilagretha sa kanyang isipan. Hindi niya alam kung dahil ba sa gagawing ritwal ni Sultana Bu'an ay nagunita niya muli ang mga masasakit na kabanata ng kanyang buhay. Maagang kinasal si Lilagretha, alinsunod sa tradisyong ng Minolo. Bagama't labing-siyam na taong gulang pa lamang siya noon, pinilit siya ng mga nakakatandang tagapayo ng Minolo na gumawa kaagad ng anak, upang mapangalagaan ang trono ng bansa. Napayakap sa sarili si Lilagretha at pinikit niya ng mahigpit ang kanyang mga mata, upang pigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha.


     "Patawarin mo ako, Lilagretha."

     Hindi matapos ang paghingi ng tawad ni Elindro kay Lilagretha. Tanging kumot ang sumaplot sa katawan ng prinsesa. Napilitan siya na ibigay ang kanyang sarili kay Elindro, dahil na din sa pamimilit sa kanya ng mga nakakataas na tagapayo ng Minolo na gumawa ng anak sa lalong madaling panahon.

     Tinangkang yakapin ni Elindro si Lilagretha ngunit kinuryente ng prinsesa ang prinsepe. Mabuti na lamang at mananambal si Elindro, nagawa niyang lapatan ng lunas ang kanyang sarili matapos tamaan ng kuryente. Nabaon sa lungkot ang maamong mga mata ng prinsepe. "Patawarin mo ako, Lilagretha. Alam kong hindi mo gusto na—"

     "Elindro, huwag ka nang magsalita pa. Nakuha mo na ako ng buong-buo. Sinusuko ko na ang aking sarili sa iyo at sa aking kapalaran. Wala na akong magagawa. Hindi ko hawak ang buhay ko."

     Sa unang pagkakataon sa kanilang pagsasama, nakita ni Lilagretha na bahagyang pumatak ang ilang mga luha sa mga mata ni Elindro. Mabilis itong pinunasan ng prinsepe upang hindi ito mapansin ni Lila. "Lila; alam kung hindi kapang pawiin ng aking pagmamahal ang sakit at pagdurusa na pinagdadaanan mo ngayon, ngunit sana ay huwag mong sumpain ang buhay at kapalaran mo. Dadating ang panahon na magiging mabuti din ang lahat para sa iyo, at para sa akin."

     Nabagabag ang puso si Lilagretha; tiyak niya na nasaktan ng kanyang mga sinabi si Elindro. Naging manhid siya sa damdamin ng kanyang mabuting asawa. Sa kanilang pagsasama ay walang ginawang masama ang prinsepe sa kanya. Hindi pinilit ni Elindro ang kanyang damdamin kay Lila; binigyan niya ng pagkakataon ang prinsesa na kusang tanggapin ang kanyang pagmamahal. Sa kasamaang-palad, ito ang isa sa mga bagay na hindi magawa ni Lilagretha noong panahong iyon.

     Sunod-sunod ang mapapait na gunita at pasidhi ang pasidhi ang mga gunita ni Lilagretha. Tumindi pa mga emosyon noong naalala niya ang araw na pinanganak niya sina Bidasari at Jamil.

     "HINDI! SINO KAYO PARA PATAYIN ANG AKING ANAK! HINDI KO PAPATAYIN ANG SARILI KONG ANAK, ELINDRO!"

     "Lilagretha, isang gulo para sa korona kung dalawa ang magiging anak natin, lalo pa't lalaki ang panganay nating anak! Alam mo na sinabi ito ng mga nakakataas na tagapayo ng Minolo upang—"

     Bumagsak ang mga tore ng kidlat at winasak nito ang bubong ng kuwarto kung saan naroroon si Lilagretha, na kalong sa kanyang mga kamay sina Bidasari at Jamil. "Papatayin muna ninyo ako bago ninyo mapatay ang anak ko! Isa akong ina bago isang prinsesa ng Minolo!"

     "Alam ko, Lilagretha. Kaya makinig ka muna sana sa akin. Palabasin natin na namatay si Jamil. Palalakihin natin siya na nakatago sa mata ng mundo. Ito lamang ang paraan para mapanatili nating siyang ligtas." Mahigpit na tinutop ni Elindro ang kanyang mga kamay bago siya nagpatuloy. "Sa tingin mo ba hindi ako nasasaktan sa mga sinasabi ko sa iyo ngayon, Lila? Isa akong ama; ngunit isa din akong prinsepe ng Minolo. May mga pagkakataon na kailangan nating iisangtabi ang ating mga damdamin para sa kabutihan ng nakakarami."

     Dahan-dahang nawala ang mga tore ng kidlat sa silid ni Lilagretha. Nabatid niya na isang matapang na mukha lamang ang pinakita sa kanya ni Elindro. Pilit din pala niyang nilalabanan ang lungkot at pighati sa kanyang sarili. "Patawarin mo ako, Elindro. Sarili ko lamang ang naisip ko, nawaglit sa aking isipin ang iyong mga nararamdaman sa mga oras na ito."

"Wala ka dapat ihingi ng tawad, Lila." tugon naman ni Elindro, na unti-unti nang namumugto ang mga butil ng luha sa kanyang mata.

Binalot ng malamig at nakakabinging katahimikan ang silid bago nagawang pagpakawala ng mga salita ng labi ni Lilagretha. "Kanino natin siya ipagkakatiwala, Elindro? Kanino?"

 

     "Rani, handa na si Sultana Bu'an. Handa ka na din ba?" tanong ni Zenaida kay Lilagretha.

     Nawala sa sarili ang rani at lumipas ang ilang sandali bago siya nakatugon sa tanong ni Naida. "Handa na ako, Naida."

     "May gumagambala ba sa iyo, rani?" tanong naman ni Tacio na napansin ang pagkabalisa ng reyna ng Minolo.

     Umiling si Lilagretha bilang pagsagot sa tanong ni Anastacio. Lumipas man ang mahabang panahon ay hindi nakalimutan ni Lilagretha ang reaksyon na bumalot sa mukha ni Elindro bago ito sumagot sa tanong na binigay niya sa prinsepe noon. Lubhang malungkot ang kanyang yumaong kabiyak noong panahon na iyon, na tila wala na din siyang ibang magawa kundi piliin ang pinakamasakit na sagot sa kanilang suliranin noong panahon na iyon.


     "Lilagretha, maaari natin siyang... ipagkatiwala kay Saavedra. Hindi sila maghihinala sa kanya. Kung ipagkakatiwala ko sa iba si Jamil, nais kong makatiyak na papalakihin siya ng isang mabuting tao. Hinding-hindi siya papabayaan ni Saavedra, Lilagretha. Isa pa—"

     "Elindro! Siguro ka? Si Saavedra; alam mo naman na—"

     "Alam ko na mahal ka niya, Lilagretha. Kaya sigurado akong hindi niya papabayaan si Jamil."

 

     Lumipas ang mga panahon at noong namayapa ang dating rani ay si Lilagretha na ang pumalit sa trono. Siya ang isa sa pinakabatang rani at pinakamalakas na babaylang nabuhay sa Minolo. Kinatakutan siya ng ibang mga babaylan ay hinangaan ng kanyang mga kababayan. Lumipas man ang maraming taon ay hindi pa din nagbago ang sitwasyon nila ni Elindro, Bidasari at Jamil. Batid ni Jamil kung sino ang kanyang mga magulang sapagkat hindi ito nilihim sa kanya ni Saavedra. Sa murang edad ng batang Jamil ay tila naunawaan na niya lahat ng nagaganap sa kanyang paligid. Lumaki sa layaw si Bidasari; gayon pa man, tanggap naman ng prinsesang Indrapura ang kanyang Kuya Jamil, kahit pa kakaiba ang sitwasyon ng kanyang pamilya. Sinikap nina Elindro at Lilagretha na iparamdam sa kanilang mga anak na walang dapat magbago sa pagmamahal na kanilang natatamasa mula sa kanilang mga magulang.

     Ang tanging bagay na hindi nagbago ay ang damdamin ni Lilagretha kay Elindro. Gayon din naman si Haring Elindro, na nanatiling mapagmahal hindi lamang sa kanyang mga anak maging pati na din kay Lilagretha, kahit alam pa niya na hindi siya ang tinitibok ng puso ng babaeng kanyang pinakamamahal nang lubos sa buong mundo.

 

     "Isipin mo na lang, Lilagretha, inalok sa iyo ang posisyon bilang isang heneral ng Kayumanggi! Ano kaya ang magandang tawag sa iyo? Kidlat ng Hilaga? Bukulaw ng Hilaga kaya? Hahahahaha!"

     "Elindro! Hindi ka na nakakatuwa ah!"

     "Pero, 'di na ba magbabago ang isip mo, Lilagretha? Isang karangalan para sa isang babaylan na maging miyembro ng Kayumanggi. Pero hindi lang iyon, kahilera mo na sina Zenaida Latomas at Anastacio Esmelar! Gagawa ka ng sarili mong pangalan. Kung nagkataon, ikaw ang pinakabatang heneral ng Kayumanggi sa kasaysayan ng Baybayin!"

     "Elindro, maganda man ang alok sa akin ng Baybayin ay kailangan ako dito sa Minolo. Kailangan ko itong palakasin. Isa pa, sa ngayon—"

     "Lilagretha, marami ka nang sinuko para sa Minolo. Sa tingin ko ay panahon na para bigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo. Ang pagkakataong mabuhay ayon sa sarili mong kagustuhan, Lilagretha."

     "Elindro, sinuko ko na ang sarili ko sa aking kapalaran at sa Minolo. Ito ang tadhana ko bilang isang prinsesa ng Minolo, at bilang rani ng bansang ito, higit na kailangan ng aking bansa ang aking lakas. Hindi natin alam ang magaganap sa hinaharap, kaya't mas marapat na nandito ako sa Minolo upang ipagtanggol ito sa takdang panahon."

     "Lilagretha, sa tingin ko kailangan nating lawakan ang aking paningin at pananaw. Hindi na tayo dapat mabuhay sa panahon na kanya-kanyang bansa ang magtatanggol sa kanilang mga sarili. Sa tingin ko kailangan nating matutong magtiwala at makipagtulungan sa ibang mga bansa. Nagbabago na ang mundo, Lilagretha."

     "Hindi ako hihingi ng tulong sa ibang bansa, Elindro. Mas lalo kong hindi nakikita ang aking sarili na tumutulong at tinutulungan ng ibang bansa. Ang Minolo ay para sa Minolo, wala nang iba."

     "Lilagretha, sana dumating ang panahon na ibubukas mo ang puso mo sa ibang bansa at tumulong at makipagtulungan sa mga ito. Kailangan nating isaalang-alang ang mga bagay sa ating paligid, hindi ating mga sarili lamang ang ating intindihin. Kung hindi mo ako magagawang mahalin, malaking bagay na para sa akin kung matututunan mong mahalin ang mundo; ang mundo at kapalarang minsa'y sinumpa at kinasuklaman mong lubos. Alam kong hindi magbabago ang damdamin mo para sa akin, Lilagretha; ngunit umaasa akong magbabago ang pananaw mo sa mundo."

     "Elindro... Nagkakamali ka..." mahinang usal ni Lilagretha bago siya nagpatuloy. "Naging mabuti ka sa akin at sa aking mga anak. Hindi mo ba napansin na dahan-dahan na akong—"

     At hindi na natapos pa ni Lilagretha ang kanyang sasabihin sapagkat biglang pumasok si Saavedra sa kanilang silid.

     "Lilagretha! Elindro! Nasa panganib si Sarry!"

     "Saavedra? Bakit?" tanong ni Lilagretha

     "Ang bakal na sisidlan ng Hantu Ribut... Nabukas ito!" paliwanag naman ni Saavedra.

     "Hindi maari iyon! Sinumpa ang Hantu Ribut, ang demonyong kidlat, sa habambuhay na pagkakakulong sa bakal na sisidlan ng dayanghirang noong unang panahon! Paano iyon nabukas!" nagtatakang pahayag ni Elindro kina Lilagretha at Saavedra.

     Mabilis na nagtungo sa palasyo kung saan nakatago ang bakal na sisidlan sina Lilagretha, Saavedra at Elindro. Nakakapagtaka na kahit puspos ng madaming proteksyong, orasyon at guwardiyang babaylan ay nailabas ang bakal na sisidlan at walang kahirap-hirap na nabukas.

     "Sarry! Bilisan mo! Lumayo ka dito!" sigaw ni Saavedra na nagpakawala ng madaming punyal na yari sa hangin upang itaboy ang Hantu Ribut mula sa munting prinsesa.

     "PAPA!" iyak naman ng batang Sarry na hindi makatakbo patungo sa kanyang ama dala na din ng takot mula sa demonyong kidlat.

     "Sarry! Jamil!" na sinundan ng pagpapakawala ni Lilagretha ng mga malalakas na birada ng kidlat sa Hantu Ribut upang masagip niya ang kanyang mga anak. Sa kasamaang-palad, dahil isang demonyong kidlat ang halimaw ay hindi ito tinatablan ng mga kuryenteng atake ng rani.

     Nakabulagta ang walang-malay na Jamil sa lupa. Tila pinagtanggol ng batang Indrapura ang kanyang nakakabatang kapatid mula sa demonyong kidlat, kahit pa mas malaki ito at mas malakas sa kanya.

     Nagsambit ng mahabang orasyon si Elindro gamit ang lumang-dila. Mula sa mga katagang kumawala sa bibig ng hari ng Minolo ay nabatid ni Lilagretha na balak gamitin ni Elindro ang pinagbabawal na orasyon na tanging mga hari ng Minolo lamang ang nakakaalam.

     "Elindro! Huwag!" pagsusumamo ni Lilagretha sa kanyang asawa na hindi pinansin ang kanyang malakas na pagtangis at pagbabala.

     "Lilagretha! Sarry! Umalis na kayo dito! Saavedra, kunin mo si Jamil! Ikaw na ang bahala sa kanilang dalawa!" pagbilin naman ni Elindro kay Saavedra.

     Mabilis na lumipad palapit kay Jamil si Saavedra upang ilayo ang bata mula sa kapahamakan. Ginamit ni Lilagretha ang kanyang pito na bertud, ang Saguday, upang mabilis na makalapit kay Sarry at mailayo ito mula sa Hantu Ribut.

     Matapos makita ni Elindro na ligtas na ang kanyang mga anak ay tuluyan na niyang tinapos ang kanyang orasyon. "Makigo amt arimt wuto, panam ag rapupuda! Sapima, hepbo mt pamtig ag puka! (Narito ang aking dugo, laman at kaluluwa! Halina, selyo ng langit at lupa!)"

     Lumiwanag ang katawan ni Elindro at dahan-dahang lumabas mula sa kanyang katawan ang isang malaki kamay na kulay itim at puti. Hinablot nito ang Hantu Ribut at unti-unti nitong hinatak papalapit sa sarili niyang katawan ang halimaw.

     Naunawaan ni Lilagretha kung ano nasa isip ni Elindro. Ang selyo ng langit at lupa ay isang makapangyarihang orasyong kayang puksain ang isang makapangyarihang kalaban, kapalit ang buhay ng gumamit nito.

     "Elindro! Itigil mo ang ginagawa mo!" sigaw ni Lilagretha na mabilis lumapit sa hari gamit ang kanyang bertud. Susundan dapat siya ni Saavedra ngunit gumawa ng malaking harang na yari sa tore ng kidlat ang rani kaya't hindi makalapit sa kanya ang babaylan ni Galura.

     "Lilagretha, huwag! Kung hindi ka lalayo sa akin ay may bahagi ng Hantu Ribut na makukulong sa katawan mo! Umalis ka na dito!" utos ni Elindro sa rani na hindi nakikinig sa kahit anong sinasabi niya.

     "Elindro! Gusto kong... Gusto kong malaman mo na unti-unti nang nahuhulog ang loob ko sa iyo! Ikaw na naging kapiling ko sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya, sa bawat matamis at mapait na yugto ng buhay ko, naroon ka sa puso't isipan ko! Mahal na din kita, Elindro... Lubhang matagal na panahon ang lumipas bago ko naamin sa aking sarili ang nararamdaman ko para sa iyo, kaya 'wag mo akong iwanan, Elindro! Nagmamakaawa ako sa iyo... Ang dami nang nangyaring masama sa buhay ko... Hindi ko na kakayanin pa kung mawala ka din sa akin!" madamdaming pahayagan naman ni Lilagretha kay Elindro, habang mahigpit niyang yakap sa kanyang mga kamay ang kanyang asawa.

     "Lilagretha... Hindi ko kayang mawala ka sa aking piling; ngunit hindi ko hahayaang mabuhay ang halimaw na ito sa Minolo! Bilang hari ng Minolo, tungkulin kong ipagtanggol hindi lamang ang aking bansa, maging ang buong sanlibutan mula sa masasamang elementong nais maghasik ng lagim dito!" deklarasyon ni Elindro na hindi na magbabago pa ang isip sa planong nais niyang isakatuparan. Napansin niya na may mangilan-ngilang bahagi ng Hantu Ribut na pumapasok sa katawan ni Lilagretha. Kailangan na niyang magmadali. "Patawarin mo ako, Lilagretha... Magmula noon, hanggang sa huli kong hininga, bukod sa Minolo ay wala nang papantay pa sa pagmamahal ko sa iyo. Paalam, mahal ko... Huwag kang malumbay; huwag mong ipagkanulo ang sarili mo sa kapalaran! Kaya mong baguhin ang buhay mo, mahal ko. Alang-alang sa Minolo, kay Sarry, kay Jamil at sa buong mundo; manatili kang buhay, Lilagretha... Hanggang sa muli, pinakamamahal kong Lilagretha..."

     Gumawa ng malakas na bola ng pinikpikan si Elindro na may taglay na lakas na sapat upang patalsikin palayo sa kanya si Lilagretha. Matapos niyang matiyak na malayo na sa kanya ang kanyang asawa ay binaling niya ang kanyang mga mata kay Saavedra. "Ikaw na ang bahala sa mag-ina ko, Saavedra. Pinagkakatiwala ko sila sa iyo."

     Matapos tumango ni Saavedra ay tuluyan nang natapos ni Elindro ang kanyang pagselyo sa Hantu Ribut sa loob ng kanyang katawan. Kasabay ng kamatayan ng halimaw ay ang dahan-dahang pagpanaw ng diwa ng hari ng Minolo.

     Sa huling pagkakataon, nilapitan ni Lilagretha ang kanyang asawa. Mahigpit na niyakap ng rani si Elindro, habang umaagos ang kanyang mga luha sa kanyang mga mata. Matamis siyang nginitian ng kanyang asawang hari, kasabay ng marahang paghawak nito sa kanyang pisngi ay mabilis naman itong nalaglag sa lupa at wala nang buhay.

     Sa mga kamay ni Lilagretha ay namatay ang kanyang asawa, hari, kaibigan, ama ng kanyang mga anak, at kabiyak na matapos ng mahabang panahon ay kanyang natutunang mahalin.

 

     "Rani Lilagretha, iaatras ko ang takbo ng oras sa iyong katawan, pabalik sa estado nito noon bago pa man nakulong sa iyong katawan ang ibang bahagi ng Hantu Ribut. Ngunit binabalaan kita, rani. Hindi lamang katawan mo ang babalik sa dati nitong makapangyarihang antas. Madadamay din sa kapangyarihan ko ang Hantu Ribut. Babalik din sa dati nitong lakas ang halimaw na piniit mo sa iyong katawan. Nais mo bang magpatuloy?" pagkumpirmang tanong ni Sultana Bu'an sa rani ng Minolo bago niya simulan ang rito upang tanggalin ang Hantu Ribut.

     "Handa na ako, Sultana Bu'an." tiyak at determinadong tugon naman ni Lilagretha sa tanong ni Bu'an.

     "Sultana, naitayo na po namin ang harang upang makulong sa silid na ito ang Hantu Ribut." wika naman ni Ba'i Lakapati na natapos na sa kanyang mga paghahanda, alinsunod na din sa mga utos ni Bu'an.

     "Tutulungan ka naming gapiin ang Hantu Ribut, rani." pahayag ni Zenaida na tangan sa kanyang mga kamay ang kanyang higanteng palakol.

     "Nakahanda na kami, rani." dagdag naman ni Tacio sa pahayag ni Naida. "Panahon na upang tuluyan nating gapiin ang Hantu Ribut."

     "Elindro... Ilang sandali na lamang ay maipaghihiganti na kita mula sa halimaw na kumitil ng buhay mo... Kung hindi dahil sa iyo ay hindi ako nagbago. Hindi ko hahamunin na baguhin ang aking kapalaran kung hindi mo ako tinuruan na kaya kong baguhin ang direksyon ng buhay ko. Natuto na akong tumulong at matulungan ng ibang bansa. May mas higit na kasamaan sa Hantu Ribut, at kailangan kong maibalik sa dati ang aking kapangyarihan upang maipagtanggol ang mundong minahal mo ng lubos laban dito. Para sa iyo ito, Elindro." wika naman ni Lilagretha sa kanyang sarili, na nabuo na muli ang loob na harapin ang isang bangungot ng kanyang nakaraan. Wawakasan na niya ang isang masalimuot na kabanata ng kanyang buhay. "Handa na ako, Sultana."

"Kung ganoon, magsimula na tayo." wika naman ni Sultana Bu'an. "Lakan ng oras at karahasan.... Ikaw na dakilang amo ng umpisa't katapusan....  Simulan ang yugto ng kabutihan..... Wakasan ang panahon ng kasamaan! Halina, Lueve!"


Continue Reading

You'll Also Like

176K 12.7K 46
Lavender is in love with Yuan, the perfect guy--kind, sweet, charming, and a musician like her. The problem? He's not real. He only exists in her dre...