Abisa

By kulinnn_

14 2 0

Alam kong hindi lingid sa kaalaman ng lahat na may paniniwala na kapag may dumapong paru-paro sa inyong tahan... More

Abisa

14 2 0
By kulinnn_

"MAGHAHANDA na agad ako at uuwi, 'Nay. Ite-text ko na lang po ang supervisor namin para makapagpaalam ako na uuwi riyan."

Tanging tango ang sagot ko sa bilin ng aking ina na mag-iingat ako sa biyahe kahit pa hindi niya naman ako nakikita.

Nanatili akong nakaupo sa kama, nakatungo at mariin ang pagkakapikit habang pinapakinggan ang hikbi niya sa kabilang linya.

Alas siyete diyes na ng umaga at kauuwi ko lang mula sa walong oras na duty sa trabaho. Kahihiga ko pa lamang sa kama nang makatanggap ng tawag sa cell phone. Agad akong napabangon nang mabungaran ng aking tenga ang hikbi ni nanay.

Napakabigat ng aking dibdib na para 'yong dinambahan matapos marinig ang balita mula kay nanay. Nagmamalibis na ang luha sa aking mga mata ngunit hindi ko magawang ilabas iyon nang tuluyan. Pumapatak ngunit parang nakikiramdam at hindi tuluyang bumubuhos. Ayokong marinig ng aking ina ang pagkawasak ng aking puso. Gusto kong maging malakas para sa kanya.

"Sino hong kasama ninyo diyan sa punerarya?"

"Ang Tiyo Andrew mo. Ikaw na lamang ang mag-asikaso ng birth certificate ng tatay mo pagkarating mo, ha? Parang hindi ko kakayanin na asikasuhin iyon, anak," humihikbing ani nanay.

Mariin akong napapikit. May kung ano'ng napupunit sa kaibuturan ng puso ko. Nauubusan ng buhay at hindi ko alam kung mapupunan pa dahil sa pagkawala ni tatay.

"Sila Benji ho?" tanong ko na para bang walang iniindang sakit.

"Tatawagan ko pa ulit ang kapatid mong iyon. Hindi niya sinagot kanina. Baka kako natutulog pa. Day off yata niyon."

"Dadaanan ko na lang ho kung hindi ninyo pa rin makontak."

"Mabuti pa nga."

"Sila Ate Trina ho?"

"Ang Ate Trina mo naman at Kuya Reynan ay ba-biyahe na rin kapag naipagpaalam na sa teacher ang mga bata na liliban muna sa eskwela."

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. "May mga bibilhin ho ba ako?" Hindi ko alam kung paano ko pa nagagawang magsalita ng puno ng kahinahunan. Gayong gusto ko ng sumigaw dahil sa maya't mayang pagkirot ng puso ko.

"Siguro'y 'yong mga biscuit na nasa lata, anak. Mga candy at kapeng barako. Hindi na ako magbibilin kay Benji at baka makalimutan lang niyon. Alam mo naman ang kapatid mong iyon."

Dahil yata palaging puyat ay masyadong nagiging makakalimutin ang batang iyon. Pareho kaming nagta-trabaho sa isang bpo company pero magkaiba kami ng apartment na tinutuluyan dito sa Laguna. Habang ang pamilya nila Ate Trina ay sa Manila. May negosyo sila roon.

"Sige na ho, 'Nay. Ako na ho ang bahala sa mga 'yon."

"O, sige na, anak. Gumayak ka na, ha, para makauwi ka na agad. Tatawagan ko rin ulit sila Trina. Kailangan ko kayo rito."

"Opo, 'Nay."

Pagkaputol ng linya ay isang malalim na buntong-hininga muli ang aking pinakawalan. Ngunit hindi niyon naalis ang bigat na nararamdaman sa dibdib ko.

Pagkababang pagkababa ng aking kamay na may hawak na cell phone sa aking kandungan ay siyang pagpatak din ng mga luha mula sa aking mga mata.

Napangibit ako at napahikbi. Ilang ulit na pinukpok ang aking dibdib dahil para akong tatakasan ng aking hininga. Para bang ang ilang minutong pagpipigil na mailuha ang sakit na nararamdaman habang kausap si Nanay ay mas pinarami lamang ang kirot dito.

Ilang minuto akong nanatiling nakaupo sa aking kama at ibinubuhos ang mga luhang hindi ko alam kung saan nanggagaling habang sa isip ay paulit-ulit na tumatakbo ang masasayang alaala kasama ang aking ama.

Napakabait na ama at asawa ng aking tatay. He showered us with his love and care na naging dahilan kung bakit katulad niya ang hanap ko sa isang lalaki. Hindi namin kailanman naranasan ang magutom dahil masipag siya at madiskarte.

Nang tumahan ay saka ko lang nagawang pumihit sa aking pagkakaupo at nilingon ang aking likuran kung nasaan ang veranda. Nahaharangan iyon ng kulay purple na kurtina. Tumayo ako at lumapit doon. Pinakatitigan ko ang paru-parong nakadapo sa paso ng halaman. Halos kasing laki na iyon ng aking palad. Naghahalo ang kulay niyon sa dilaw at kahel. Napakaganda sana ngunit hindi ko magawang matuwa roon.

Habang naglilipat ng mga damit na dadalhin sa aking itim na maleta ay inaalala ko ang nakaraan na hanggang ngayon, kahit ilang taon ang lumipas ay nanatiling nakatatak sa aking isipan.

Hindi pa uso noon ang cell phone at wala rin kaming telepono. Walang ibang paraan para maipaalam ng aming malalayong kamag-anak ang kung ano mang balita kung 'di ang dayuhin kami mismo roon sa amin sa Mindoro kahit gaano pa kalayo ang kanilang tinitirahan.

Mahirap din ang biyahe noon. Kakaunti pa ang sasakyan at halos lahat ng kalsada ay baku-bako pa. Kaya naman sakripisyo talaga ang magpunta sa mga kaanak para magbigay ng balita. Pero bago pa man mangyari iyon, o bago pa man may dumating na kamag-anak mula sa malayong lugar ay malalaman na agad namin ang kanilang balita.

"Ilang araw na iyan diyan?"

Sabay-sabay kaming napalingon ng aking mga kapatid sa aming likuran at tiningala si Tatay. May dala itong gulok kaya baka babalik na sa pagtatabas ng mga damo sa paligid ng aming bahay.

"Tatlo po, 'Tay," sagot ni Ate Katrina.

"Hayaan ninyo lang diyan at huwag lilikutin."

"Opo, 'Tay," sabay-sabay naming sagot na magkakapatid.

Umalis na rin si Tatay sa aming likuran at tuluyang bumaba. Nanatili naman kaming nakaupo sa tapat ng kawayang pintuan ng aming bahay. Nakadapo roon ang isang paru-paro na halos kasinglaki ng dalawa kong palad kung pagsasamahin.

"Sino kayang mawawala, Ate?" kuryoso kong tanong kay Ate Trina.

Nagkibit-balikat si Ate Trina at nanghahaba ang ngusong sumagot, "Ewan ko."

"Baka si Lola kasi matanda na siya," inosenteng sagot ng limang taong gulang na bunso naming si Benji. Nabatukan naman ito ni Ate Trina.

"'Di ba sabi ni nanay huwag daw magsasabi ng ganyan?"

Nakangusong nakamot ni Benji ang likuran ng ulo niya kung saan siya binatukan ni Ate Trina. Hindi ko na sila pinansin pa at tiningnan na lamang muli ang magandang paru-paro.

Noong naka-edad ako ni Benji ay tuwang tuwa pa ako tuwing may darating na paru-paro sa aming bahay. Maganda kasi ang mga ito. Pero habang tumatagal ay nakukuha ko ang nakakatakot na kalakip ng pagdating nila sa aming tahanan.

Alam kong hindi lingid sa kaalaman ng lahat, na may paniniwala na kapag may dumapong paru-paro sa inyong tahanan ay kaluluwa raw iyon ng yumaong pamilya. Pero sa aming pamilya, nagbibigay iyon ng abisa upang malaman namin kung may mawawala bang kaanak.

"Malaki na siya pero wala namang dumadating na kamag-anak, 'Tay."

Napahinga nang malalim si Tatay habang nakatitig na rin sa paru-paro na ngayon ay naroon sa bintana. "Huwag kang maghintay ng darating, Leni. Bagkus ipanalangin mo na wala."

Tumango na lamang ako kahit sa isip ko naghihintay pa rin kung may darating. Bata pa lamang kasi ako, ilang beses ko nang napatunayan na totoo ang mga sinasabi nila rito.

Hindi ko alam kung paniniwala lang ba iyon. Hindi ba't sabi nila, kapag pinaniwalaan mo ang isang bagay ay mangyayari? Kaya siguro nangyayari dahil pinaniwalaan nila o baka kaya nila pinaniwalaan dahil may nangyayari ngang gano'n. Alin man sa dalawa ay iyon na ang kinamulatan ko. Kaya ngayong high school na ako, hindi na nawala iyon sa isip ko.

Tatlong araw pa ang lumipas, habang abala kaming lahat sa gawaing bahay nang umagang iyon ay may dumating na ngang kamag-anak mula sa Quezon kung nasaan ang pamilya ni tatay.

"'Tay, nariyan po si Kakang Arturo," may pagmamadaling balita ni Ate Trina na natigil sa pagpupunas ng bintana.

Mabilis na iniwan ni tatay ang kinukumpuning upuan at nagmamadaling lumabas ng bahay. Agad na sumunod sa kanya si Nanay na iniwan din ang hinuhugasang mga pinggan. Natigil din ako sa pagbubunot ng sahid at mabilis na lumapit sa bintana. Hanay-hanay kaming magkakapatid na nakasilip at pinapinggan ang pag-uusap nila tatay.

"Ang T’yo Pedro..." lumuluhang balita ni Kakang Arturo, ang panganay nila tatay. Si Lolo Pedro ay kapatid ni Lola Remi na kanilang nanay.

"Kailan pa?"

Hindi ko malaman ang reaksyon ni tatay. Seryoso ang kanyang mukha na para bang hindi na siya nabigla sa balitang narinig. O baka inaasahan na niya iyon.

"Kahapon ng umaga. Pinapunta agad ako rito ng ina kagabi."

Tumango si Tatay. Inanyayahan ni nanay si Kakang Arturo na pumasok muna. Agad namang nagpunta si Ate sa kusina para magtimpla ng kape. Ako ay nagpatuloy sa pagbubunot habang na kina tatay ang atensyon.

"Matagal na rin namang iniinda ng T’yo Pedro ang sakit niya," sabi ni tatay na para bang sa sinabing iyon ay maiibsan ang kung ano mang sakit na nararamdaman nila sa pagkawala ng tiyuhin nilang may cancer.

Nang makakain ay pinatulog muna si Kakang Arturo sa kwarto nila nanay para makapagpahinga ito bago bum’yahe ulit mamaya. Habang kami ay nag gagayak na ng mga dadalhing damit. At bago nga dumilim ay kasama na kami ni Kakang Arturo patungo sa Quezon. Inabot ng walong oras ang biyahe. Alas onse ng gabi kami nakarating.

Dahil nakatulog kaming magkakapatid sa biyahe kaya naman mulat na mulat kami kahit dis oras na ng gabi. Agad na nakihalubilo si Ate sa mga pinsan naming ka-edaran niya, ganoon din ako. At si Benjie ay nakikipaglaro sa mga batang naroon.

Napupuno ng mga taong nakikiramay ang paligid nila Lolo Pedro para sa ikalawang gabi ng lamay. Maingay ang paligid. May mga nagbabaraha sa ilang lamesa na nakahanay sa gilid ng bahay. Sa malawak na harapan ay may mga tao rin na kung hindi nagkakape ay kumakain naman ng sopas. Sa loob ng bahay ay naroon sila Nanay kasama ang mga kapatid at tiyahin ni Tatay na sumisilip kay Lolo Pedro.

"May dumating ba na paru-paro sa bahay n’yo?" usisa ng pinsan kong si Patricia habang kumakain kami ng sopas dito sa kabilang gilid ng bahay. Dito kami naglalaro noon kapag nagbabakasyon kami rito.

Nakatanghod sa akin ang iba pa naming pinsan, naghihintay ng sagot ko.

"Oo. Ilang araw na 'yon doon bago dumating ang Kaka," sagot ko at saka sumubo ng sopas.

"Sabi sa 'yo, eh," sabi ni Patricia kay Jenny.

"Nahulaan ninyo ba na si Lola Pedro ang mawawala?" tanong ni Jenny.

"Hindi. Tsaka ayaw ni Tatay na mag-iisip kami kung sino ang mawawala."

"Nakakatakot naman kapag gano'n," nakasimangot na ani Kira.

"Bakit naman?" Si Patricia.

"S'yempre 'di ba maganda ang paru-paro pero iba na ang tingin natin sa kanila. Kasi tuwing may paru-paro, maiisip natin na may mamamatay."

"Hindi naman lahat ng paru-paro, Kira. Iyon lang malalaki na parang kulay brown. Nakakatakot nga 'yong paru-paro na 'yon tsaka makati raw iyon kapag hinawakan," sabi ni Patricia.

"'Di ba ang paniniwala ng iba kapag may paru-paro, kaluluwa raw iyon ng namatay?"

"May paniniwala rin naman tayo na gano'n, 'diba?" Si Jenny sa amin ni Patricia na tinanguan namin.

"Eh, bakit tayo may paniniwala na kapag may brown na paru-paro, may mamamatay. Pero bakit ang iba wala?" naguguluhan pa rin na tanong ni Kira.

Nagkibit ng balikat sila Patricia. Napabaling naman silang lahat sa akin nang magsalita ako.

"Naalala ko 'yong kwento ni tatay. Noon raw kasing bata sila, bago raw mamatay si Lolo Pedring may brown na paru-paro na palipad-lipad sa bahay nila. Ilang araw daw iyon doon tapos noong namatay si Lolo Pedring bigla raw nawala 'yong paru-paro. Simula raw noon, palagi na silang nakakakita ng gano'ng paru-paro tapos ilang araw mababalitaan nila na may kamag-anak na namatay. Kaya tinawag nilang abisa 'yon. Kasi parang nagbibigay ng abisa ang paru-paro."

Bitbit ang isang maleta nang lumabas ako ng apartment. Sumakay ako ng tricycle papunta sa tinutuluyan ni Benji. Ilang beses akong kumatok kasabay ng pagtawag sa kan’yang cell phone. Pero ilang minuto pa ang lumipas bago siya sumagot sa tawag ko.

"Hello, ate? Pasensya na napalalim ang tulog ko," namamaos pa ang tinig niya.

Nandito ako sa labas ng apartment mo."

"Ha? Teka lang."

Narinig ko pa ang langitngit ng pinto ng kwarto niya bago ko pinatay ang tawag. Ilang segundo lang ay  bumukas na ang pinto ng apartment. Magulo pa ang buhok ni Benji at namumula ang mga mata, halatang bagong gising nga.

"Bakit may dala kang maleta?" tanong niya habang papasok ako. "Pinalayas ka ba sa apartment mo?" natatawa pa niyang sabi.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Binitawan ko ang maleta malapit sa pinto at hinarap siya.

"I have some bad news, Benj." Agad na nagilid ang mga luha ko.

"Ano ba 'yon, ate?" taranta ng sabi niya nang makita ang pagluha ko.

"Benj, ang tatay..."

Hindi ko na naituloy ang sinasabi dahil napahikbi na ako.

"Anong nangyari sa tatay?" mabilis niyang tanong, nanlalaki ang mga mata ngunit bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.

"W-Wala na... W-Wala na ang... t-tatay, Benji."

Mas lumakas ang iyak ko. Saglit siyang natulala sa akin habang pumapatak na rin ang kanyang luha. Niyakap ako ni Benji. Kumpara sa akin, masasabing mas kalmado ang iyak niya. Ilang minuto niya akong yakap hanggang sa kumalma kami pareho.

"Maghanda ka na. Uuwi na tayo," namamaos kong sabi habang nagpupunas ng mukha gamit ang mga kamay.

Tumango siya at nagtungo na sa kwarto niya. Nagpunta ako sa kusina at kumuha ng tubig sa kanyang maliit na ref. Nanunuyo ang lalamunan ko dahil sa pag-iyak.

Dinala ko ang baso sa sala at doon umupo habang naghihintay kay Benji. Nasa bibig pa ang baso nang makita ko ang paru-paro sa kanyang maliit na T.V.

"Kailan pa ang paru-paro na 'to dito?" tanong ko kay Benji nang maramdaman ang paglabas niya ng kwarto. Hindi ko maalis ang tingin sa paru-paro.

"Hindi ko lang alam. Kahapon ko lang 'yan napansin diyan, eh."

Tahimik kami ni Benji sa biyahe. Hindi mawala sa isip ko ang paru-paro sa kanyang apartment.  

Sa totoo lang, hindi na ako naniniwala sa abisa ng paru-paro dahil simula noong magtrabaho ako, napagtanto ko na kami lang naman talaga ang naniniwala roon. Kaya simula noon, tuwing may mawawalang kamag-anak, hindi ko na alam kung may paru-paro pang nagpupunta sa bahay. Hindi ko napapansin. Kaya nga nang makita ko ang paru-paro sa apartment ko tatlong araw na ang nakararaan, hindi ko na inisip pa iyon. Hindi ko binigyan ng kahulugan. Kaya nga hindi ko rin naisip na nagbibigay na pala 'yon ng abisa.

Alas dos ng hapon nang makarating kami sa bahay. Naroon ang ilang kamag-anak at ilang kaibigan nila tatay. May nakatayong tent sa harapan namin. Mabilis na nag-init ang mga mata ko nang makita ang maliwanag na bahay namin dahil sa dilaw na ilaw.

Agad kaming sinalubong ng yakap ni nanay na muling umiyak pagkakita sa amin. Tahimik akong lumuha sa bisig niya.

"Halina kayo. Hinihintay kayo ng tatay ninyo."

Habang humahakbang paakyat ng bahay, biglang sinakop ng alaala ang isip ko. Alaala ng nagdaang kaarawan ni tatay dalawang buwan na ang nakararaan. Tuwang tuwa si Tatay dahil kumpleto kami. Naroon kaming magkakapatid at ang mga apo niya kay Ate Trina. Noong nakaraang taon kasi ay hindi nakauwi sila Ate Trina dahil may sakit ang bunso niya.

"Ano raw wish mo, 'Tay? Tinatanong ni Elize," natatawang sabi ni ate pagkatapos hipan ni tatay ang cake, tinutukoy ang bunso niya.

"Nako, wala na naman akong mahihiling pa. May maaayos na kayong trabaho at kung mawawala man ako, tiyak na hindi ninyo naman pababayaan ang nanay ninyo."

"Eh, 'di ba po, Lolo, kailangang mag wish kapag nagblow ng candle?" nakangusong sabi ni Elize.

Natawa si Tatay. "Eh, 'di ang wish na lang ni lolo ay maging ligtas at malusog kayo palagi. Gusto kong lumaki kayo, mga apo, na may takot sa Diyos. Makikinig palagi sa mama at papa ninyo."

"Eh, ano'ng wish mo para sa sarili mo, 'Tay?" tanong ko habang nakayakap sa braso niya.

Nakangiti siyang umiling. "Gusto ko lang na payapang mawala sa mundong ito. Huwag na sana akong bigyan ng sakit o pahirapan ps kung kukunin din lang ako."

Parang talon na bumuhos ang luha ko, tuloy-tuloy at walang tigil, nang makita si Tatay sa loob ng puting kahon.

"Natupad ang wish mo, 'Tay."

Walang sakit na dinamdam si Tatay. Sa edad na seventy-eight ay malakas pa siya. Kaya hindi ko naisip na kukunin na siya sa amin. Ang sabi ni nanay, ginigising niya si Tatay para kumain ng agahan kaninang alas singko. Pero hindi na ito nagising.

Akala ko makakasama pa namin siya nang matagal na panahon. Akala ko magagabayan niya pa ako sa paglalakad sa aisle kapag ikinasal ako.

Niyakap ako nila Patricia nang dumating sila nang gabing iyon. Dumating na rin ang ibang mga kamag-anak mula sa malalayong lugar. Hindi tulad noon na kailangan pang puntahan para ipaalam na may nawala. Ngayon ay may cell phone na. Isang text o tawag, maibabalita na ang kahit ano.

"I'm already thirty pero hindi ko alam na maniniwala pa rin ako sa abisa," ani Kira.

Ala una na ng madaling araw. May iilan pang nagsusugal sa labas. Sila Nanay ay natutulog na sa kwarto at ang ibang kamag-anak mula sa Quezon ay nakitulog sa mga kamag-anak ni nanay. Kami na lang ang narito sa sala. Nakaupo ako sa tabi ni tatay habang sila ay nakaupo sa mga nakahanay na upuan sa harapan. At katulad ko pala at ni Benji, may nakita rin silang paru-paro ilang araw bago mawala si Tatay.

"Tayo nga lang siguro ang naniniwala roon," ani Patricia.

"Maybe it's a gift for our family?"

"Paano mo masasabing gift 'yon kung may mawawala?" may tono ng pagsusungit ang boses ni Jenny. Mukhang hindi nagustuhan ang sinabi ni Kira.

"Kasi nabibigyan tayo ng abisa. It's like... preparing us for some bad news."

Natahimik sila. Habang ako ay naisip ang sinabi ni Kira, nanatiling nakatitig kay tatay.

"Maybe Kira's right." Nilingon ko sila nang maramdaman ang tingin nila sa akin. "Tayo lang naman talaga ang naniniwala rito. Wala ring makakapagpaliwanag kung bakit nangyayaring bago may mawala ay may paru-paro. Kung totoo o nagkakataon lang. Namulat lang din naman tayo sa paniniwala ng matatanda nating kamag-anak. At siguro, katulad ng sinabi ni Kira, gusto lang din nila na ihanda ang sarili nila kung sakaling may mawawala."

Walang nakaimik. Si Kira, nakita ko ang pagtango.

"I don't know if we can call this a gift," sabi ko. "But one thing is for sure..."

Nilingon ko si Tatay at pinagmasdan ang payapa niyang mukha.

"...may sakit man sila o wala. Aksidente man o hindi ang dahilan ng pagkawala nila, hindi natin kailanman mapaghahandaan ang pagkawala ng minamahal natin sa buhay."

WAKAS

Continue Reading

You'll Also Like

23.8M 591K 36
Ingrid is being stalked by a mysterious stranger. She thinks he's a psycho and is deeply afraid of him. However, her curiosity got the better of her...
3.6K 17 4
Don't come here looking for a love story. In this collection, there is no romance-only raw, unfiltered pleasure. ​These stories were written for one...
1.5M 54.1K 60
Dominique Selenophile * Mikaela Rielle
25M 616K 39
Magbabantay, magtatanggol at magiging sandalan niya lang dapat ang lalaki, pero higit pa roon ang nangyari. Kara fell for him. And why not? Nakay San...
Wattpad App - Unlock exclusive features