Some old works.

By Stingraye

240 30 15

Reuploading some old works that are sitting on this collection. Some are related to some already-published wo... More

The Power of a Wish
Holiday Treat
I Ship You Two!
Will You Marry Me?
Him All Along
Why must I torture myself so?

Papillon

31 6 2
By Stingraye

It is, after all, a natural change we all must undergo.

WWBY 2015 Round 2 Collaboration Entry, credited under my former username, GingerbreadPrincess.


———


Pagbabagong-anyo. Isa itong natural na proseso na hindi maiiwasang pagdaanan ng mga taong paru-paro, ngunit ito ang nagsilbing paraan ng pagpuri nila sa diyosa ng bayan ng Papillon, si Mariposa.

Ayon sa mga alamat, si Mariposa ay ang unang babaeng paru-paro. Lumipad siya na parang isang ibon, gamit ang kanyang mala-sutlang pakpak na pinaghalo-halo ng magagandang kulay sa mundo. Nagniningning siya sa gabi; ang kanyang balat ay naaaninag ng aninag ng buwan. Minsan ay pinapalibutan siya ng mga umiilaw na alitaptap—sumasayaw habang umiikot sa kanya. Hinahanap-hanap siya ng maraming tao dahil sa katangi-tangi niyang ganda.

Sa ngayon ay wala pa ring pumapantay sa kariktan ng taong paru-parong ito, kaya binibigyan ng mataas na halaga ang mga taong magaganda ang mga pakpak dahil sinasabi nilang "malapit sila kay Reyna Mariposa."

Isang araw, may mangyayari na namang pagbabagong-anyo na matutunghayan ng mga taga-Papillon. Maraming larva ang nasasabik sa nalalapit nilang pagbabagong-anyo. Magiging kasingganda ba nila si Reyna Mariposa? O magiging isang simpleng taong paru-paro lamang na gagawing utusan ng mga mas magagandang paru-paro? Iyon ang mga tanong na naglalaro sa mga isipan nila.

Ngunit para kay Leia, isang dalagang larva, ang pagbabagong-anyo ay isang prosesong kinatatakutan niyang mangyari.

"Inay, ayoko po, ayoko pong mangyari sa akin ito," pagmamakaawa niya habang nakaluhod siya sa harapan ng kanyang ina. Nagsisimula nang mamuo ang ilang hibla ng sutla sa kanyang kamay—isang senyales na malapit na siyang maging isang pupa.

"Leia, wala ka nang magagawa. Kailangan mong dumaan sa proseso na iyan para maging isang ganap na taong paru-paro," paliwanag ng kanyang ina. "Magbihis ka na, Leia, hinihintay ka na ng Mataas na Konseho."

Napatingin na lamang si Leia sa damit na gagamitin niya para sa seremonya. Papanoorin ng buong bayan ang kanyang pagpapalit-anyo sa isang pupa kasama ang isa pang binatilyong larva. Napangiwi siya nang hinawakan niya ang asul at itim na bestidang gawa sa seda na umaabot hanggang sa bukung-bukong niya.

Ayaw isipin ni Leia ang mga susunod na mangyayari sa kanya. Sa loob ng isang buwan, mahihiwalay siya sa mga kaibigan niya, sa kanyang mga magulang, sa lahat ng tao, sa lahat ng iba't ibang uri ng komunikasyon. Hindi siya makakapaglaro kasama ang iba pang batang larva. Hindi siya makakakain ng masasarap na ulam at nektar habang nakakulong pa siya sa kanyang pupa.

Hindi niya alam kung makakapagtimpi pa siya sa loob ng isang buwan.

Labag sa loob ni Leia ang buong prosesong ito, ngunit sabi ng kanyang ina ay hindi niya maiiwasan ang natural na prosesong ito. Kinuha na lamang niya ang kanyang bestida't nagsimula nang magbihis para sa seremonya.

Sa kabilang dako naman, si Derrick, ang binatilyong larva na kasabay ni Leia sa pagpapalit ng kanilang anyo sa pupa.

Nakapagbihis na si Derrick ng isang makislap na puting baro at asul na pantalon. Di tulad ni Leia, walang pakialam si Derrick sa namumuong mga hibla ng sutla sa kanyang kamay. Di maalis-alis sa kanyang mukha ang kanyang malapad na ngiti nang inaayos niya ang kanyang buhok.

"Hoy, Derrick, huwag ka ngang masyadong magpapogi diyan. Sandali lang naman makikita ng mga tao 'yang hitsura mo, magiging pupa ka lang," sigaw ng kuya niyang nakaupo sa kanyang kama at halatang naiinip na.

"Kaysa naman magmukha akong kawawa sa harapan nila. Tutugma naman ang mga damit ko sa magiging pakpak ko, di ba?" hambog na sagot ni Derrick.

"Tadhana lamang ang makapagsasabi kung anong klaseng pakpak ang makukuha mo, Derrick. Hindi 'yan ayon sa damit," mariin na sinabi ng kanyang kuya. "Basta, magpakatino ka. Baka kung ano ang isipin nila sa'yo."

"Siyempre, ako pa!" tawa ni Derrick pagkabalik niya ng kanyang suklay sa lalagyanan.

"Sigurado ka bang handa ka na, Derrick?" paniniguradong tanong ng kanyang kuya. "Hindi ka makikipaglaro kasama ang iyong mga kaibigan sa isang buwan. Hindi ka rin makakakain ng mga masasarap na ulam na hinahain ni Inay. Nakakulong ka lang sa isang cocoon at maghihintay ka lang doon. Kaya mo ba 'yon?"

Huminga si Derrick nang malalim. "Kung iyon ang paraan para maging isang ganap na taong paru-paro, gagawin ko. Tatanggapin ko ang lahat ng anumang mangyari sa'kin." Lumapad pa ang kanyang ngiti.

"Maganda iyan, Derrick. Malakas ang loob mo," tugon ng kanyang kunya at tinapik-tapik niya ang balikat ng Derrick.

"Tara na, kuya. Hinihintay na tayo ng maraming tao," banggit ni Derrick. Tumango ang kanyang kuya at sabay na silang lumabas sa kanilang tahanan.

Nagkumpulan ang lahat ng mga taong paru-paro pati na rin ang ilang batang larva sa Hardin ng Pagbabago. Dito ginaganap ang mga seremonya sa pagpapalit-anyo. Maraming makukulay at malalagong puno ang nakapaligid dito. Mahahaba at malalaki ang mga sanga nito ngunit mabababa ito para maabot ito ng mga larva. Dito sa mga sangang ito sila sasabit bilang isang pupa.

"Magbigay-daan para kay Senyor Philemon!" sigaw ng isang guwardiyang nagbabantay sa Hardin ng Pagbabago nang maaninag niya ang ilang matatandang nakasuot ng togang kulay-lila. Kapansin-pansin ang pinakamatandang pinuno na may mahabang puting balbas at nakaposisyon pa siya sa gitna ng mas nakababatang mga pinuno.

Tumayo nang diretso ang guwardiya at sumaludo sa matandang pinuno. "Maligayang pagdating, Senyor Philemon."

"Nandito na ba ang mga larvang tinakda upang magbagong-anyo?" minasahe ni Senyor Philemon ang kanyang balbas.

"Paparating na po sila, Senyor Philemon," tugon ng guwardiya nang makita niya ang ilang taong nakasuot ng damit pang-seremonya.

Napatigil si Leia sa paglalakad nang makita niya si Senyor Philemon kasama ang lupon ng mga taong paru-paro na nakapaligid sa Hardin ng Pagbabago ngayon. Gusto na niyang tumalikod at umalis para makatakas sa seremonyang ito, ngunit hindi na niya ito magagawa 'pagkat lalo pang namumuo ang mga hibla ng sutla na umabot na sa kanyang braso.

"Sabik ka na atang maging paru-paro, a?" biro ni Derrick nang makita niya ang mga hibla ng sutla sa braso ni Leia.

"H-hindi!" utal na sinabi ni Leia. Mabilis ang pagkabog ng puso niya nang makita niya ang mga malalaking sanga sa hardin. Nangangatog ang kanyang mga tuhod; nag-aalala siya na baka bigla siyang matumba sa harapan ng maraming tao.

"Halika na, baka mamaya dito ka pa maging isang pupa," tawa ni Derrick. Siya na ang naunang lumapit sa mga sanga. Malalim ang tingin ni Senyor Philemon kay Leia, na halatang balisang-balisa na.

Napalunok na lamang si Leia at unti-unti niyang nilapitan sina Senyor Philemon at Derrick. Tinignan niya muli ang kanyang braso na balot na sa mga hibla ng sutla.

"Magandang umaga sa inyong lahat," pagbati ni Senyor Philemon sa lahat ng mga nanonood nang nakapuwesto na sina Leia at Derrick. "Isa na namang araw para sa pagbabagong-anyo ng iilang munting larva ng Papillon ang magaganap ngayon. Ngunit bago ang lahat..."

Kinuwento ni Senyor Philemon ang alamat ni Mariposa, at ipinaliwanag kung bakit importante ang prosesong ito. Lagi niya itong ginagawa tuwing nagiging isang pupa ang isang larva. Naiinip na si Derrick at nag-inat-inat ito samantalang hindi mapakali si Leia.

Pagkatapos ng mahabang talumpati ni Senyor Philemon ay humarap siya sa dalawang larva. "Handa na ba kayo para sa inyong pagpapalit-anyo?"

Tumango si Derrick samantalang hindi makakilos at makasagot si Leia.

"Handa ka na ba, iha?" muling tanong ni Senyor Philemon kay Leia.

Umiling ang dalagang larva. "Hindi ko po alam."

Tinignan ni Senyor Philemon ang namumuong sutla sa nakapalibot sa braso ni Leia. "Iha, kumalma ka lang. Kapag lalo ka pang kinakabahan ay may pagkakataong malagas ang iyong magiging pakpak."

Napalunok na lamang si Leia.

"Dalawa lang naman ang dahilan kung bakit nalalagas ang mga pakpak ng isang taong paru-paro. Ang una ay kapag hindi naging matagumpay ang proseso ng iyong pagpapalit-anyo," paliwanag ni Senyor Philemon. "At alam niyo namang lahat kung ano ang nangyayari sa mga taong paru-parong nalagasan na ng pakpak."

"Ang maipatapon sa Lupain ng Pagkalimot," walang emosyong sagot ni Leia. Kapag ipinatapon na ang mga paru-parong nalagasan na ng pakpak ay hindi na sila muling makakabalik sa bayan ng Papillon, at habang buhay na silang maglilibot sa Lupain ng Pagkalimot, na sinasabi nilang binabahayan ng mararaming nakakatakot na halimaw.

Ito na ang tadhanang nakatakda para sa kanya. Hindi na niya matatakasan ito. Napatango na lamang si Leia at sinabi, "Handa na ako."

Kahit labag na sa kalooban niya.

Napangiti na lamang si Senyor Philemon. "Mabuti. Simulan na natin ang seremonya!"

Naglakad sina Leia at Derrick sa kani-kaniyang sanga. Mahinang isinambit ni Senyor Philemon ang ilang katagang nagsusumamo sa lahat ng espiritu ng kanilang mundo. Maraming simbolo at bituin na nakapaloob sa isang malaking bilog ang umukit sa lupa. Unti-unting nagbigay ito ng kulay-lilang liwanag na tumatama sa hibla ng mga sutlang nakapalibot sa mga braso ng dalawang pupa. Pakapal nang pakapal ang mga hibla. Umabot na ang mga ito hanggang sa kanilang leeg, hanggang sa kanilang mga binti.

Patong-patong na ang mga hibla ng sutla at kusang umakyat ang ilang makakapal na sinulid upang itali ang sarili nito sa sanga. Unti-unting umangat ang mga mahihiwagang sanga hanggang sa ang mga dating larva ay naging mga cocoon.

Hindi na marinig nina Derrick at Leia ang mga sinasabi ni Senyor Philemon pati na rin ang ibang mga manonood. Unti-unting lumuwag ang loob ng cocoon upang makahinga nang maayos ang mga larva. Makakagalaw nang maayos ang dalawa, ngunit hindi ito ang inaalala ni Leia.

Para kay Leia, para siyang isang bilanggo na hindi alam kung kailan pa makakalabas. Alam naman niyang isang buwan lang ang titiisin niya ngunit para sa kanya ay parang habang buhay na ang pamamalagi niya sa loob ng cocoon.

Kinalmot niya ang mga pader ng cocoon, ngunit sadyang matibay ang pagkakagawa nito at hindi ito nasisira. Sinubukan niyang punitin ito ngunit wala rin. Wala siyang magawa kundi suntukin ang pader nang malakas at umiyak.

Gumalaw-galaw siya hanggang sa unti-unting umugoy ang cocoon, subalit hindi ito natatanggal mula sa sanga. Ang resulta, nahilo lamang si Leia, at mahina pa niyang nabangga ang cocoon ni Derrick.

Hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya sa loob ng cocoon na iyon. Iyak lamang siya nang iyak habang tahimik niyang nagdadasal na matapos na ang kalbaryong ito.

Kalbaryo ito sa mga mata ni Leia.

Ngunit para kay Derrick, isa itong pagsubok na lugod niyang haharapin at lalagpasan.

Wala siyang iniisip na masasamang bagay na puwedeng mangyari sa kanya sa loob ng kanyang cocoon. Ang mahalaga ay magiging maayos ang kanyang pagbabagong-anyo; tatanggapin niya kung anuman ang mangyari sa kanya. Kahit magutom man siya sa loob ng cocoon, kahit hindi niya makausap ang kanyang mga kaibigan sa loob ng isang taon, kahit hindi siya makapaglaro ng tumbang preso kasama ang iba pang mga larva... kapag ito'y para sa kanyang ikabubuti ay tatanggapin pa rin niya. Isang buwan lang naman, eh.

Nililibang niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pag-iisip ng kung anu-anong bagay. Kung anu-anong scenario ang puwedeng mangyari sa buhay ng isang taong paru-paro. Hindi niya alam kung ilang oras ba ang nakalipas simula noong nilibang niya ang kanyang sarili.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting nararamdaman nina Leia at Derrick ang mga kakaibang nangyayari sa kanilang mga katawan. Masakit ito sa una, ngunit hindi pa lubusang lumalabas ang mga pagbabagong ito. Umungol si Leia sa sakit kasabay ng kanyang pagkainip sa loob ng cocoon, samantalang hindi nagreklamo si Derrick at buong puso niyang tinanggap ang mga pagbabagong ito sa kanyang katawan, kahit gaano pa kasakit ito.

Lumipas ang isang buwan na parang isang bula. Kumakalam na ang sikmura ni Leia. Gusto na niyang makakain muli ng nektar. Masakit na ang kanyang mga kamay sa kakasubok niya sa pagsira ng cocoon, ngunit wala ring nangyari. Nasugatan lamang ang kanyang balat. Gusto na niyang makita ang mundo. Ano na kaya ang nangyari sa mga kaibigan ko? Kay Inay? May nagbago ba sa bayan ng Papillon?

Hindi siya handa sa biglaang pagpulupot muli ng mga sinulad ng sutla sa kanyang balat.

Pahigpit na naman ito nang pahigpit, tulad noong huling buwan na napapaligiran ang kanyang buong katawan ng sutla. Umabot na sa kanyang mga kamay, mga braso, mga binti, hanggang sa kanyang leeg pati na rin sa kanyang ulo. Hindi siya gaanong makahinga. Kasabay nito ang pagsakit ng kanyang likod, na para bang may unti-unting tutubo mula rito. Nagpatuloy ito hanggang sa naramdaman na lamang niyang unti-unti ring lumuwag ang mga makakapal na hiblang ito.

Unti-unting bumubuka ang cocoon hanggang sa makalabas si Leia mula rito. Hindi pa rin bumubuka ang cocoon ni Derrick.

Nasa harapan niya si Senyor Philemon kasama ang ilang mga guwardiya. Hindi na masakit ang likod ni Leia, ngunit may kakaiba na siyang nararamdaman.

"Iha," tawag ni Senyor Philemon. Pinagmasdan niya ang pagbabago sa dalaga.

Unti-unting tinignan ni Leia ang nasa likuran niya. Isang pares ng malalaking puting pakpak ang tumubo sa likuran niya.

"Subukan mong lumipad," anyaya ni Senyor Philemon.

Halos marinig na ni Leia ang kabog ng puso niya. Hindi pa siya sanay kung paano lumipad, tapos binilin pa ni Senyor Philemon na lumipad siya. Napalunok muli ito at sinubukan niyang ikampas ang kanyang mga pakpak.

Nararamdaman niya ang kanyang sarili na unti-unting umaangat. Kapag nilakasan pa niya ang kampas ng kanyang mga pakpak ay baka lalo pang mataas ang maabot niyang taas...

Ngunit sa kasawiang-palad, pagkatapos ng ilang segundo ay nahulog siya't bumagsak sa lupa.

'Pagkat madaling napunit ang kanyang bagong tubong pakpak.

Napailing na lamang si Senyor Philemon. "Hindi maaari, hindi maaari."

Nanlamig bigla ang mga kamay ni Leia at halos hindi siya makatayo sa nalaman niyang rebelasyon. Napunit ang kanyang pakpak. Ibig sabihin...

"Hindi matagumpay ang iyong pagbabagong-anyo, iha," malumanay na inanunsyo ng matanda. "Ang pinakamahalaga sa lahat sa proseso ng pagiging isang pupa ay pagiging matiisin. Kung hindi mo lang sana tinangkang tumakas ay mas lalong magiging matagumpay ang proseso ng pagbabagong-anyo mo." Tumingin siya sa mga guwardiyang kasama niya. "Alam niyo na kung ano ang gagawin."

Nanlaki ang mga mata ni Leia. Tumango ang mga guwardiya't kinuha nila ang dalawang kamay ni Leia para ikaladkad ito papalabas ng bayan ng Papillon.

"Sandali lang... hindi ko po maintindihan... puwede niyo po bang bigyan ako ng isa pang pagkakataon... mama! Mama! Mama!" patuloy na pag-iyak ni Leia hanggang sa hindi na siya marinig ni Senyor Philemon.

Humarap naman ang matanda sa cocoon ni Derrick na kasalukuyan nang bumubuka. Parehong-pareho rin sa proseso ng pagbuka ng cocoon ni Leia ang nangyari kay Derrick—ang kaibahan nga lang ay mas makulay ang mga pakpak niya: pinaghalo-halong asul, lila at itim ang nakapinta sa kanyang mga pakpak.

"Subukan mong lumipad, iho," bilin ng matanda. Tumugon si Derrick sa pamamagitan ng pagkampas ng kanyang mga pakpak. Kahit hindi niya alam kung paano lumipad ay lumipad pa rin ito at nagpaikot-ikot pa. Halos ikinatuwa ni Derrick ang kanyang paglipad sa ere. Napangiti na lamang ang matanda nang makita niyang walang senyales ng paglagas ang mga pakpak ng binatilyo.

Sa sobrang tuwa ni Derrick ay ipinagmalaki niya ang mga bagong pakpak niya sa kanyang mga kaibigan pagkatapos ng kanyang pagbabagong-anyo. Maraming humanga sa kanya dahil sinasabi nilang isa siya sa mga malalapit kay Reyna Mariposa, kaya siya'y nagkaroon ng mataas na antas sa lipunan.

Ngunit hindi nagtagal ang kaligayahan ni Derrick.

Pagkatapos ng ilang araw ay agad-agad nang inutusan ni Derrick ang ilang mga mabababang-uri ng paru-paro na gawin ang lahat ng pinapagawa sa kanya ng Konseho. Ayaw niya kasing magtrabaho; gusto niyang maglaro lamang at ipagpalandakan ang kanyang magagandang pakpak.

"Ikaw na ang mag-alay para kay Reyna Mariposa," sabi ni Derrick sa isang paru-parong tinuturing niyang alipin. "Ikaw ang responsable diyan, ah. Pag nawala yan, alam mo na kung anong parusa ang mapapataw sa iyo."

"Ngunit Ginoo, ikaw dapat ang gumawa nito—"

"Wala akong pakialam. Kayo lang ang may karapatang gumawa niyan. Kayo lang," pagpupumilit ni Derrick. "Sige, umalis na kayo. Magkikita pa kami ng kaibigan ko." Tumango ang ilang mga alipin at umalis.

Galit namang pumasok sa loob ng kuwarto ang kanyang kuya.

"Derrick, ano ba 'yang ginagawa mo?" sigaw ng kanyang kuya. "Hindi mo ba alam na mapapahamak ka sa ugali mong iyan?"

"Ano naman ang masama dito, Kuya?" tanong ni Derrick.

"Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo sa lahat ng tao dito. Baka mamaya kung ano pa ang gawin nila sa iyo," aniya. "Sinasabi ko sa'yo, Derrick, ayusin mo 'yang ugali mo bago pa lumala iyan."

"Sige, sige," sagot ni Derrick, ngunit nag-tengang-kawali lang siya sa kanyang kuya. "O siya, aalis na ako, papakita ko pa sa kaibigan ko yung mga pakpak ko."

Para kay Derrick, hindi na niya kailangang maglakad. Dahil mayroon na siyang pakpak ay puwede na lamang siyang lumipad, kaya lumipad na siya papunta sa bahay ng kaibigan niya. Paikot-ikot siya sa ere na para bang pinagmamayabang niya ang kanyang mga pakpak.

Ngunit habang paikot-ikot siya sa ere ay nawalan siya ng kontrol.

Sa isang iglap, bumagsak siya sa lupa, at hindi niya alam kung bakit.

Narinig niya ang ilang yabag na papalapit hanggang sa makita niya ang kulay-lilang telang sumasayad hanggang sa lupa.

"Bigong-bigo ako sa'yo," malungkot na sinabi ng matanda. "Akala ko pa naman may potensyal ka. Ginamit mo lang pala para sa iyong sariling kapakanan ang iyong biyaya."

Kinuha ng dalawang guwardiya ang mga braso ni Derrick.

"S-sandali lang, ano ang ibig sabihin nito?" nagtatakang tanong ni Derrick.

"Alam mo naman kung ano ang nangyayari sa mga paru-parong nalalagasan ng pakpak?" sagot ni Senyor Philemon bago kaladkarin ng mga guwardiya si Derrick papalabas ng bayan ng Papillon.

Napabuntong-hininga na lamang si Senyor Philemon sa mga nangyayari. Dalawang larva, parehong bumagsak sa pagsubok.

Napatingin na lamang ang matanda sa malayo. "Sadyang nakalulungkot. Ang daming larvang nasayang dahil hindi ka nila mapantayan, Reyna Mariposa. Hanggang ngayo'y hindi pa kami isang perpektong bayan para sa inyo. Kung magpatuloy man ito, patawarin niyo kami kung bigla na lang kaming mawala sa mundong ito."

Kung magpatuloy man ito, baka masama na kami sa Lupain ng Pagkalimot.

Napaluhod si Senyor Philemon sa lupa. "Patawad kung binigo namin kayo, Reyna Mariposa."

Continue Reading

You'll Also Like

10.6M 571K 22
[PUBLISHED under LIB] #1. "If pleading guilty means protecting you, I will."
63.8M 2.2M 44
Warning: Do not open if you haven't yet read Hell University. This is just a sequel of that book. Thank you!
6M 277K 72
In the near dystopian future where the population has blown up, women and the poor are more oppressed, and those with positions who abuse their power...
27.6M 1M 72
He's a 29-year-old mayor of the town and she's a 19-year-old orphaned student. Jackson became Frantiska's legal guardian before anything else. Their...