DUMAAN ang mga araw na lagi kaming nagkikita sa rooftop tuwing gabi kapag tulog na ang mga tao. Nakasanayan namin ang magkuwentuhan kung kumusta ang buong araw namin, paminsan-minsan ay tahimik lang din kaming nakikinig ng musika hanggang sa yumakap sa amin ang antok.
Dasal kong gabi na sana at para makasama ko ulit siya. Ayaw ko na nga mag-umaga dahil may mga nagbabantay sa kilos namin.
Simangot kong hinablot ang nahulog na pamunas sa silong ng silya. Hindi ko alam kung ano mayroon sa akin at parang gusto kong dumaan sa harap nila at kunin iyong basong may tubig tapos aalis.
Pagkatapos kong punasan, sinadya kong idabog ang mangkok sa mesa. Kumuha pa ako ng isa para punasan ulit.
Mabilis ang pag-ikot ko ng mangkok. Hindi man lang ako tinatablan ng kaba kung sakaling mahulog ko ito.
“Nangyayari sa’yo Lyka?”
Bumagal ang pagpunas ko, tumayo nang maayos sabay lihis ng tingin. “Wala, ate. Masama lang gising ko.” Magaan kong inilapag ang mangkok nang walang ingay.
Titig na titig ako kay Aquilla at sobrang higpit ng hawak ko sa platong hugis dahon. Mukhang sa kamay ko mababasag ang pinunasan at hindi dadapo sa mamahaling sahig ng mansion.
Napabaling ako sa katabi noong sikilin niya ako sa braso.
Sinimangutan ko lang si ate dahil pinagtatawanan ako habang sinasabayan nang mabagal na pag-iling-iling.
“Matutunaw na si Sir Junior sa katitig mo.”
Bumalik ang mata ko sa kanila ng babaeng kaharap niya. Unat na unat ang blonde niyang buhok. Payat siya pero likod pa lang, wow na. Ang kinis din ng balat kahit balikat at likod niya lang ang naaninag ko mula sa kinatatayuan ko dahil sa suot niyang crop top. Pero noong humarap siya kanina, parang may lahi. Ang liit ng mukha niya, matangos ang ilong—as in parang nakakita ako ng aktwal na modelo.
Bakit hindi makangiti sa akin ng ganiyan si Aquilla kapag magkasama kami sa gabi? Gusto ba niya iyong kaklase niya? Kung sa bagay, maganda kasi kaya sino ba naman ang hindi magkakagusto sa tulad niya. Kung kasing-ganda niya ako, baka lahat ng guwapo, ganiyan din ang ngiti nila sa akin.
Hindi niya kinakausap iyong ibang mga kasama niya, pokus lang siya sa babae. Kanina pa rin sila nagtatawanan na sobrang bago sa pandinig at mata ko. Nandito rin iyong lalaking naghatid sa kaniya noong gabing nalasing siya. Gusto niya kaya iyong babae? O baka naman . . . nandilat akong yumuko. Hindi niya sana girlfriend o gusto iyong babaeng mala-model sa ganda.
“Guwapo pala siya kapag nakangiti ano, ate?” tanong ko, bilang pag-iiba ko ng atensyon pero mukhang mali ang ginawa ko dahil mas nahalata lang niya.
“May gusto ka kay Sir Junior?”
“Ah . . . eh . . . .” Nag-iwas agad ako ng tingin pero sinundan ni ate ang direksyon ng ulo ko.
Ngumiti siya at halos tumusok pa ang kuko niya sa dulo ng ilong ko. “Gusto mo?”
Tikom ang bibig kong nag-iwas lang ulit ng tingin, bahagya pa akong tumalikod at nagpatuloy sa pagpunas.
“Guwapo naman talaga si Sir Junior kaya sino ang hindi magkakagusto sa kaniya.”
Mistulang artista rin ang kaguwapuhan niya. Literal na hihilain niya ang buong atensyon ng mga babae kapag dumaan siya at mapapasunod ang ulo mo kung saan tutungo.
“Saka bagay naman din kayo.”
Dumulas ang hawak kong pinggan sa sinabi ni ate at mabuti na lang ay nasa mesa ako, kundi makakagawa pa ako ng kasalanan para sigawan ni ma’am mamaya.
Humagikgik siya. Nilingon ko naman ito nang naiiling. “Hala ka, ate!”
“Maganda ka kaya. Morena,” puri niyang kinalabit pa ang braso ko. “Pang-beauty pageant nga ganda mo, e. Hawig mo nga si Maris Racal.” Hinawi niya ang buhok ko, inilagay sa harap.
Umatras siya at tiningnan niya ako mula paa hanggang sa ulo ko. “Mukhang parehas din kayo ng height.” Hinawak-hawakan niya ang buhok ko sa likod. “Bagsak din ang buhok pero dry nga lang sa’yo, puro ka siguro shampoo.”
Tumango akong hindi itinanggi. Lagi kasi akong nasa labas at para maging malinis ang buhok ko, shampoo ang gamit ko.
“Hindi na ako tatanggi at salamat. Inahiluntalad mo pa talaga ako sa artista,” natatawa kong pagpapasalamat.
Pumapalakpak ang tainga ko sa lahat ng narinig ko kahit nangimi ako. Alam ko namang morena ako, pero ang ihalintulad ako sa sikat na artista, iba iyon.
“Maniwala ka sa akin. Alam ko tumingin ng maganda at pangit.”
Sumulyap ako sa kanila na nasa sala pa rin. “Iyong babaeng kausap niya, maganda mo? Mas maganda siya sa akin panigurado.”
“Maputi lang,” maagap niyang sagot.
Nanlaki ang mga mata kong bumilog din ang labi sa sobrang gulat. “Grabe ka, ate. Kailangan mo na yata magpatingin sa doktor ng mata. Ang ganda-ganda kaya noong babae,” sabi ko at itinuro pa iyong likod.
“Nagsasabi kaya ako ng totoo.”
Sinundan ko ng tingin ang direksyon ng mata niya. “Simula noong dumating ka, kinakausap niya na kami ni manang. Noon kasi hindi niya kami pinapansin. Para bang may sarili siyang mundo lagi.”
“Ana!” boses ni manang galing sa labas.
“Lyka!” malakas na pagtawag din ni Yasmine na nasa balcony ng sala.
Nakatalikod siyang nakaupo na nakataas ang mga paa sa isa pang upuan sa harap niya habang nakaangat iyong binabasa niyang makapal na libro.
“Ayan na naman siya,” bulong ni ate. Nakasusutil siyang ngumiti. Lumabi siya sa kinaroroonan ni Yasmine. “Tinatawag ka na ni mini big boss.”
“Tinatawag ka na rin ni manang,” natatawang sabi ko at tumuro sa pintong nasa gilid ko kung saan kitang-kita si manang na nakapamaywang.
Lumingon si ate sa likod at panandalian niya akong tinapunan ng tingin. “Aalis kasi siya. May pinapagawa sa kaniya si big boss.”
Pigil ang tawa kong tumango sabay tulak sa kaniya nang marahan. Imbes na ang big boss ay si Sir Senior, si Ma’am Rebecca ang tinutukoy namin. Hindi naman kasi palautos si sir basta malinis ang opisina niya at kuwarto nila, ayos na siya. Hindi rin siya gaanong nagsasalita, sa asawa at anak lang niya ito madaldal.
“Lyka, tubig na maiinom nga at saka pagtimpla mo rin ako ng juice!” utos niya.
Nagpunta ako sa refrigerator para magsalin ng tubig at kinuha sa freezer iyong ice cubes para ipagtimpla siya. Isasara ko na sana nang nag-utos pa siya.
“Isang slice na rin ng cake. Dalhin mo rito sa balcony.”
Hinanap ko ang box kung ano iyong cake na sinasabi niya. Maraming nasa kahon, puro pastries halos ang laman at may tatlong klase ng cake.
Kamot sa ulong kinuha ko na lang iyong nabawasan na kasi cake rin naman iyon.
“Narinig mo ba ako, Lyka?”
“Opo, Ma’am Yasmine. Ginagawa ko na!” sigaw ko pabalik dahil nags-slice pa lang ako ng cake, hindi pa ako tapos sa pagtitimpla.
Laging instant ang gusto. E ’di sana nag-vending machine na lang siya. Kaunti na lang, masasaway ko na siya pero siyempre, kailangan kong pigilan dahil mini-boss nga namin.
“Bilisan mo!”
Buntonghininga kong hinalo nang hinalo ang juice nilagay ko sa tray. Dali-dali akong naglakad at nanginginig ang mga baso. Binagalan ko kaunti nang dumaan ako sa kanila Aquilla at sandaling sumulyap.
Ngumiti siya sa akin kaya napaiwas ako ng tingin at humigpit ang kapit ko sa tray. Lumalakas ang pintig ng puso ko, halatang nasa akin ang mata nila sa pagdaan ko.
“Ang baga—”
Hindi niya natapos ang sinasabi noong mapatid ako at mawalan ng balanse dahilan para bumuhos nang sabay ang tubig at juice sa tuktok ng ulo niya, samantalang nalaglag sa librong binabasa niya iyong cake. May nagmura pa ng “shit” na galing sa kanila Aquilla.
Halos lumuwa ang mata ko sa pagkataranta at paulit-ulit na nagmura sa isip pagkababa ko ng tray sa sahig. Nasa tuktok ng ulo niya ang mga kamay ko, hindi ko alam kung saan ko unang idadapo at gagawin kung pagpunas. Dahil sa sobrang panginginig ng kamay at nakabibinging tibok ng puso ko, pati na rin ang utos ng utak ko ay una kong tinanggal ang cake sa libro niya habang paulit-ulit akong nagsasabi ng, “Sorry, ma’am, sorry.”
Pagkaangat ko ng cake, hinawi niya ang kamay ko kaya tumilapon sa sahig.
Tumayo siya kasabay niyon ang matinis niyang sumigaw ng “Ah!” na parang may pumito.
“What did you do!” Humarap siya sa akin. Pulang-pula ang buong mukha at nanlilisik ang mata. Ang bigat ng bawat buga niya ng hangin habang nakalutang sa ere ang mga kamay.
Kinapa niya ang buhok, pinunasan niya ang noo pababa sa pisngi.
Patay. Kailangan ko na bang tumakbo? Masisisante na ba ako nito?
“Sorry po, ma’am. Sorry po talaga. Sorry.”
Lumapit siya, umaatras naman ako. Mas binilisan niya ang pagmartsa para habulin ako pero mabilis din ang pag-atras ko habang nanlalaki ang mga mata kong nakaabante ang isang kamay kong nakataas para pigilan siya sa kung ano ang gagawin.
Nagpaikot-ikot lang kami sa sala. Pansin ko pang panay ang sunod ng tingin nila Aquilla sa amin.
“You idiot, come here!” Hinablot niya ang librong hawak ng kaibigang lalaki ni Aquilla at binato niya sa akin pero nakayuko ako agad.
Tumakbo ako patungo sa pinto para lumabas pero ang bilis niyang tumakbo kahit mataba siya.
Hinablot niya ang buhok ko kaya napayuko ako at para akong walis na winawasiwas niya. Nauuntog-untog ang katawan ko sa dingding. Dumiin naman ang pagkabaon ng kuko ko sa balat niya, kaso mas humigpit ang kapit niya sa buhok ko.
Maya-maya may mga paa akong nakita at may pumulupot sa baywang ko na kamay yata ng babae at mayroon pang nasa kamay naming dalawa na pilit kinakalas ang kapit namin.
Uminit ang sulok ng mata ko dahil sa sakit. Matatanggal na yata ang anit ko. Hindi ako papayag na matatalo ako at ako ang magiging kawawa. May nag-alis ng kamay niya kaya nabitiwan niya buhok ko.
Habang hinihingal ako at pumipintig-pintig ang ulo ay sumugod ako.
Sumigaw siya nang sumigaw pagkasabunot ko sa buhok niya na mariin kong itinikom ang bibig para ibalik ang ginawa niya. Anim na kamay ang pumipigil sa akin, may isa sa likod at dalawang lalaki sa gilid ko at isa roon si Aquilla na nasa kanan.
Wala akong balak bumitaw hangga’t wala akong nakukuhang buhok.
“Stop it!”
Bumitaw ako at napaatras nang hinihingal dahil sa sigaw ni Aquilla. Pumagitna siya sa amin nang nakaunat ang mga kamay.
Tumingin siya kay Yasmine. “I-I’ll call Ate Ana to clean. Go upstairs,” utos niya.
“And who are you to tell me to leave here? This is my house too, you dumbass!”
“Watch your words. I am still your older brother.”
“Umalis ka na nga rito! Bakit ka ba nandito? Hindi ba dapat nasa sala ka lang?!” Itinulak niya si Aquilla.
Hindi siya umalis sa pagitan namin kahit napaatras siya sa ginawa ng kapatid.
Idinuro ako ni Yasmine. May humawak naman sa balikat ko at pinaatras. Tiningnan ko kung sino at saka ko napagtantong iyong babaeng nginingitian ni Aquilla kanina.
“Alam mo ba kung magkano ito?! Argh!” singhal ni Yasmine. “Kulang pa sa pinapasuweldo nila sa tulad mo ang halaga ng bestidang ito at ang ayos ko. Ano ba naman, Lyka!” Nahila niya ang buhok ko pero hinawi noong lalaking kaibigan ni Aquilla ang kamay ni Yasmine.
“Ang bobo mo talaga. Hindi talaga magandang mag-hire ng katulong na mahirap at bobo—”
“Ma’am Yasmine, mawalang galang na at—”
“Aba, sumasagot. Isusumbong kita sa mommy ko!”
“E ’di magsumb—”
Hinila ako palabas ni Aquilla. Agad din niyang binitiwan pagkalabas namin sa tapat ng nakasarang gate. Humahangos pa rin ako.
Dismayado ang paraan ng tingin niya. “Don’t try to waste your time on her.”
Tumaas ang kilay ko. Magsasalita sana ako, pero siya ang nauna.
“Dito ka na lang muna. Sabihan ko na lang si Ate Ana kung puwede ka na pumasok.”
Tahimik lang akong nakatingin sa pinto.
“Sorry sa mga sinabi niya at ginawa niya.” Tinapik niya ang balikat ko. Binalingan niya ang pinto. “I’ll go back inside. Again, I’m sorry.”
Sinundan ko ng tanaw ang pagpasok niya sa loob. Naupo naman ako at naihilamos ang palad. Inalala ang nangyari kanina at paulit-ulit akong nagmura sa isip. Bakit ko pa pinatulan? Paano kung magsumbong? Pero siya ang unang nanakit, hindi ko naman sinasadyang matapon iyon kung hindi siya nagmamadali.
Pagkaraan ng ilang minutong nakatakip lang ako ng mukha, sinuklay ko ang bumuhaghag kong buhok.
“Lyka, ayos ka lang?” nag-aalalang tanong ni ate.
Hindi ako umimik. Nagsisisi akong tinanggal ko pa ang mga kamay sa mukha ko. Kitang-kita sa kinakaroonan ko ang ngiti niya sa babae dahil nakabukas ang pinto, nakaharap siya ngayon.
Muling may karayom na tumutusok-tusok sa puso ko nang paulit-ulit.
*
Pagdating nila Sir Senior at Ma’am Rebecca, hinihintay kong tawagin nila ako dahil sa nangyaring away kanina. Kagulat-gulat nga at piniling manahimik ni mini-boss habang kumakain sila sa hapag, samantalang nagtatago naman ako sa likod ng kusina, sa labas kung saan hindi ko sila nakikita dahil alam ni ate ang nangyari.
Suwerte na rin ako dahil wala si manang kanina, hindi niya naabutan iyon. Baka siya pa ang unang nagsumbong bago si mini-boss. Bakit kaya ang tahimik niya?
Mabilis ang pintig ng puso ko dahil paniguradong may binabalak siya o baka binibilangan lang niya ako.
Pinatitigan ko kay ate kung may kalmot ba siya o sugat sa kamay dahil sa ginawa kong pagbaon kanina ng kuko, pero wala naman siyang napansing nakakabit na band aid. Kapag may sugat daw kasi si Yasmine kahit kagat lang ng langgam, nilalagyan na niya ng band aid.
Nang mahimbing na silang natutulog lahat, tumakas ako at nagtungo sa rooftop. Wala siya. Ayaw niya ba iyong ginawa ko kanina sa kapatid niya?
Alam naman niyang hindi ako ang nagsimula. Gumanti lang ako para maramdaman niya kung gaano sa kasakit. Kulang pa nga iyon.
Hanggang ngayon, masakit pa rin ang buhok ko at mahapdi. Marami siyang natanggal kanina. Ipagpapasalamat ko sana kung mga split ends ko iyon, pero hindi.
Kinantahan ko ang mga lamok sa pamamagitan ng pagbuga ko nang paulit-ulit. Umugoy-ugoy ang mga paa kong isinandal ang ulo sa sandalan at tumingala sa langit.
Nakapatong ang magkahawak kong kamay sa tiyan ko. Binibilang ko rin ang hanging binubuga ko. Ayos na ring wala siya ngayong gabi dahil maalala ko lang iyong ngiting ipinagdamot niya sa akin.
Pumikit ako. Lumitaw ang imahe ni papa, si Maritoni, si ma’am at Yasmine. Pilit kong iwinaksi at pinili ang magandang imahe sa isip ko.
May malaking bahay sa harap ko, apat na palapag at may dalawang kotse. Maluwang ang front yard at maraming nakatanim na halaman. Sa likod, malaki at maluwang na swimming pool ang mayroon. Tumuloy ako sa loob para libutin ang bahay sa panaginip ko na balang-araw ay magkakatotoo.
“Something’s up?”
Naglaho ang bahay sa isip ko at napadilat dahil sa may-ari ng boses.
Umupo siya sa tabi ko. Hindi man lang ako binigyan ng ngiting katulad kanina. “You’re quiet. . .” pansin niya.
“Pagod lang,” sagot ko. Umahon sa pagkakasandal. Bumuwelo ako ng tayo. “Matutulog na ako, sir.”
Nakatatlong hakbang pa lang ako palayo noong magsalita siya.
“When did the last time you call me sir? It’s been a while.” Kaluskos ng tsinelas, senyales na tumayo rin siya.
Nasa harap ko siya. Pumilig ang ulo niya at mapanuri ang titig. “I can know by looking at what expression you’re making.”
Yumuko ako ’tsaka nilagpasan siya. Wala ako sa tamang timpla para makipagkuwentuhan sa kaniya ngayong gabi.
“It’s icy . . . and that’s not your typical expression. Where’s the smiling expression you always have whenever you see me?”
Napatigil ako dahil sa paglalarawan niya.
“Are you angry because of what Yasmine did to you or because I stopped you?”
Hindi ako umimik dahil isa rin iyon sa dahilan kung bakit ang tabang ng araw ko.
“I’m sorry for—”
“Namimili ka lang ba ng nginingitian mo, sir?”
Kumunot ang noo niya. “Huh?”
Pikit-mata akong nailing, kinurot ang siko ko. “Wala, sir,” pilit ang ngiti kong sambit. “Kailangan ko na ang matulog. Ikaw rin, magpahinga ka na.” Tumalikod ako at nagsimulang magmartsa palabas.
“Wait—”
“Salamat pala kanina. Good night, sir.” Kumaway lang ako nang hindi lumingon.
Nandilat ang mga mata ko pagkababa. Si ma’am na nakatayo sa harap ko nang nakahalukipkip at may puting maskara na basang-basa ang nakadikit sa kaniyang mukha.
“It appears that the two of you regularly meet on the rooftop when no one is around.”
“Hindi po, ma’am. Tiningnan ko lang pong maigi kung naisara na. Nagdo-double check lang po bago matulog,” palusot ko na sana mahulog si ma’am.
“You cannot trick me, Dear Lyka. You’re in love with him, do you?”
“No, ma’am,” mariin kong tanggi pero isang malaking kasinungalingan iyon.
Napalunok ako sa paglapit niya at hinawakan ang baba ko gamit ang kaniyang hintuturo.
“What a bad liar,” iling-iling niyang sabi kaya para tuloy siyang white lady sa harap ko. Itinulak niya ang baba ko paitaas at nag-iwan nang panandaliang hapdi.
“Those blazing stares you’re giving him are very obvious to me.” Nasa gilid ko siya. “You two won’t mesh well together. Stop admiring him; doing so will only make things bad for him.” Mapanglait niya akong tiningnan na may kasamang ngiti. Ngumiwi pa siya sabay sabing, “I don’t want you to be my stepdaughter. In my opinion, you are nothing more than a piece of trash with no value. Just do your job since that’s why you were employed.”
Nawala siya sa tabi ko, iniwan akong nakatayo at unti-unting kumukuyom ang kamao ko. Basura? Walang value? Sigurado ba siya?