Madilim na kalye. Walang tao. Walang ni isang bahay. Nakakatakot. Nakakapagod. Nauubusan na ako ng hininga. Pero takbo pa Amanda. Takbo pa. 'Wag kang titigil. Aabutan ka niya. Aaaaahhhhhh!!!!
Nagising ako. Pawis na pawis. Whew! Panaginip lang pala. Nakatulog na pala ako. Hindi ko namalayan ang oras. Hawak-hawak ko pa ang ballpen sa kamay ko. Nakabukas ang libro. Nakakalat pa ang mga papel. Malamig na kape. "Constructive Accounting, bukas na tayo ulit magtutuos."
Niligpit ko na ang mga gamit ko. Inayos ang kama at nahiga. Ay, 'di pa nga pala ako nakapagtoothbrush. Nakakatamad nang bumangon. 'Wag na kaya ako magtoothbrush? Matutulog na rin naman. Bukas nalang pagkagising ko.
Niyakap ko ang isang unan at pinikit ang mga mata. Nakita ko ang sarili ko. Pagod na pagod. Humihingi ng saklolo. Binuksan ko ang mga mata ko sa takot. Ano kayang ibig sabihin ng panaginip ko?
7AM. Tumunog na ang alarm ko. Snooze. 7:10AM. Tumunog ulit. Okay. Ang bilis naman ng limang oras. Parang kakapikit ko lang, alas-siyete na agad. Pumasok na ako ng banyo, naligo at nagbihis. Papalabas na sana ako ng dorm nang tumunog ang cellphone ko.
"Hello, Emman. Napatawag ka? May problema ba?" Nag-aalalang tugon ko sa tawag ni Emman. Bihirang tumawag ang kaibigan kong ito kaya naisip kong baka may nangyari sa kanya. "Nasa school ka na ba? Kailangan ko tulong mo eh." Hindi naman nanginginig ang boses niya. Mukhang relaxed din naman yung pagkakasabi niya. Wala naman sigurong masamang nangyari. Nag-over react lang agad ako. "Paalis pa lang ako ng dorm eh. 30 minutes siguro nasa school na ako. Ano bang kelangan mo?" "Hintayin nalang kita. Santos Building. Room 211." Binaba na ni Emman ang telepono bago pa man ako makasagot.
Pagdating ko sa eskwelahan, dumiretso na ako sa Santos Building. Unang classroom sa second floor. Tama naman ako. 211 naman ang nakasulat sa labas. Pero bakit walang tao? Nasaan si Emman?
(Cellphone rings.)
Text Message: Amanda, wait for me there. Huwag kang aalis. Be right back.
Ano ba naman tong si Emman. Pumasok na ako sa classroom at nilabas ang mga reviewers ko. Naisip kong magreview para sa final exams ko mamaya habang naghihintay sa kanya. Nakapag-solve na ako ng limang problems pero wala pa rin si Emman. Lumabas ako ng classroom. Tiningnan ko ang cellphone. No message. Dumungaw ako mula sa second floor ng building, baka sakaling paparating na sya. Pero wala. Pabalik na ako ng classroom nang makita kong may lalaking paakyat ng hagdan na may dala-dalang bouquet.
Oh my god! Si Emman ba 'to? Bakit may flowers? Bigla akong napangiti sa nakita ko. Kumabog ang dibdib ko. Bumibilis ang tibok ng puso ko. Tug-dug. Tug-dug. Sa wakas napansin niya na rin ako. Calm down, Amanda. 'Wag ka masyadong pa-obvious. Pakipot ka naman.
"Amanda!!!", excited na bati ni Emman. Hindi ko alam kung anong naisagot ko. O nakasagot nga ba ako. Ah basta. Parang nawala ako sa sarili ko. "Amanda? Okay ka lang? Huy!"
"Ah okay lang ako.", sagot ko nang mahimasmasan na ako ng kaunti. "Ano yan? Para kanino yan?", sabay turo ko sa bouquet na hawak hawak niya. Kinakabahan ako pero hindi mawala ang ngiti sa mga labi ko.
"Ah ito. Para kay Kirsten sana. Kung matutulungan mo ako."
Leche! Asang-asa na ako. Biglang para kay Kirsten pala ang mga bulaklak. Nagmadali pa ako sa pagpunta dito dahil akala ko emergency. Inuna ko pa 'to sa review ko. Wow naman! Ano 'to joke?
"Emman? Pinapunta mo ako dito ng ganito ka-aga para dyan?", naiinis kong sagot kay Emman. "Alam mo bang may exam ako sa Constructive Accounting mamayang alas-dos at hindi pa ako tapos magreview dahil sa lecheng tulong na 'yan. Tapos ano? Manliligaw ka lang pala!"
"Teka, teka, Amanda. Bakit ka ba nagagalit? Okay. I'm sorry kung hindi ko sayo nasabi agad. Sorry kung naistorbo ko ang pag-aaral mo. Hindi ko naman alam na may exam ka ngayon eh." Bigla akong na-guilty sa sinabi niya. Oo nga naman. Bakit ba ako nagagalit? Wala naman ako sa posisyon para magalit. In the first place, maaga naman talaga ako pupunta sa school. Siguro, na-disappoint lang ako. Nasaktan. Umasa. Na-hopia.
"Sige na. Tutulungan na kita." Ouch. Sakit.
Dinala ko ang mga bulaklak kay Kirsten. Classmate ko siya sa Constructive Accounting. Hindi kami masyadong close pero ako lang kasi ang link ni Emman sa kanya. Sinabi ko na ipinabibigay iyon ni Emman. Tuwang-tuwa naman siya. Favorite kasi niya ang red roses. At higit sa lahat, crush niya rin si Emman. Ang saya maging tulay! *insert all forms of sarcasm here.*
* * *
Sa wakas natapos din ang exam sa accounting! Makakahinga na ako ng malalim. Isang exam na lang, sem break na. Saan kaya pupunta ang barkada? Excited na ako!
Habang naglalakad ako papunta sa tambayan namin, biglang may tumawag sakin mula sa likod. "Amanda! Amanda! Hintayin mo 'ko." Si Emman. Tuwang-tuwa ang gago! Palibhasa napansin na siya ni Kirsten.
"O. Parang ang saya natin dyan ah. Anong meron?" Kunyari pa akong di ko alam. Bullshit.
"Salamat! Sobrang salamat. Ano bang gusto mong pambawi? Kahit ano, gagawin ko.", sagot ni Emman. Mahalin mo ako. Yeah, right. Actually, wala naman siyang magagawa. Wala siyang dapat gawin.
"Pag-iisipan ko 'yan. Mahal ako maningil.", sagot ko sa kanya, sabay tawa.
Naabutan namin ang lovebirds ng barkada sa tambayan. Si Santi at Natasha. Two years na sila. Away-bati lagi pero going strong pa rin. Ang galing nga eh. Kahit di ko na mabilang kung ilang beses na silang naghiwalay at nagbalikan sa loob ng dalawang taon, sila pa rin talaga hanggang ngayon.
"Dude! Kumusta? Tapos na ba exams niyo?", tanong ni Santi sa amin ni Emman. Maliban pala sakin, lahat na sila tapos sa final exams. Kaya ngayon, ang outing na ang pinagkakaabalahan nila.
"May resthouse ang tita ko sa Subic. Malapit sa beach. Pwede tayo dun sa sembreak.", suggestion ni Natasha. "Beach? Ano yan, ha? Outing ba 'yang pinag-uusapan niyo?" Biglang dumating si Tope. Ang clown ng barkada. Sa aming lahat, si Tope ang laging excited sa mga outings. Paano ba namang hindi? Eh sa lahat yata ng lakad ng barkada, laging kwento at jokes lang ang kaya niyang sagutin.
Initial plan sa outing: Subic. Pwede na rin. Kahit hindi summer, okay pa rin naman ang view ng beach kesa sa dorm. Ayoko rin namang umuwi sa amin. Gulo lang yun.
[End of Chapter]