Her Obsessed Husband (VERY SL...

Oleh sinSkies

343K 2.4K 1.2K

Life is really full of struggles. Nakakapagod. But never in Diane's mind crossed to give up. Kahit ilang uli... Lebih Banyak

Her Obsessed Husband
PROLOGUE
CHAPTER 1
CHAPTER 3
CHAPTER 4
CHAPTER 5

CHAPTER 2

12.4K 334 274
Oleh sinSkies

Diane's POV:

"Feeling ko ika-crush back na ako ni Enzo!" Rinig na rinig ang boses ni Mika sa loob ng aming room. May mga kaibigan kasi siya rito at maaga pa kaya wala pang mga guro at nandito muna siya upang makipagdaldalan.

"Feeling niya 'yon kasi feelingera siya." Bulong bulong din ni Leo sa tabi ko.

"Talaga? Paano mo naman nasabi? Pinansin ka ba niya?" Kuryusong tanong naman noong kaibigan nyang isa.

"Diba honor ako noong nag awarding! Smart girls din daw ang gusto ni Enzo kaya posibleng maging crush niya rin ako!" At tumili siya na nagpangiwi sa akin.

Ganoon pala iyon? Mahilig siya sa matatalino? Sabagay matalino siya kaya ang bagay sakanya ay matalino rin.

"Asus si Mika! Eh tita niya iyong adviser niya, syempre ay malakas siya ron!" Muling bulong ni Leo sa tabi ko. Napalingon tuloy ako sakanya.

"Oo, beh. Bida bida raw yan sa room nila. Ang ingay raw sa recitation kahit mali-mali naman ang sinasagot para lang masabing nagrerecite. Pagdating naman sa exam ay lubog." Sabi nito, siguro ay galing iyan sa mga tropa nyang bading na kaklase ni Mika. Nakangiwing nilingon ko ito, nagtama ang aming tingin. Agad syang umirap at lumapit na lang bigla sa amin. Mataray na nagpose agad ito sa harap ko. Nagsisunuran naman ang mga kaibigan niya.

"Si Enzo ang bago kong crush ngayon. Tandaan mo para hindi ka nang-aagaw!" Umpisa niya.

"Oy! Tapang mo! Wala ka sa room niyo!" Saway rito ni Leo. Inirapan lang ito ni Mika.

"Wala naman akong inagaw sa’yo." Depensa ko sa aking sarili.

"Bait-baitan! Eh yung mga dati ko ngang crush ay binigyan ka ng bulaklak noong valentine's!"

"Hindi ko alam." Dahil hindi ko naman kilala ang mga crush niya. Sarakastiko syang ngumiti.

"Sabagay, okay lang kasi si Enzo naman na ang crush ko. Sa’yo na ang mga 'yon dahil mahilig ka naman pumulot." Nangunot ang aking noo sakanyang mga sinasabi, saan kaya iyan mga nanggagaling? Irita syang bumaling kay Leo nang hilahin nito ang buhok niya.

"Mas maganda kasi sa’yo si Diane kaya siya ang crush ng mga crush mo! Inggit ka lang e."

"Mas maganda ako!"

"Wala kang ilalamang kay Diane dahil hindi ka naman maganda! Sipsip ka pa!" Nagsimula na silang magkainitan. Akmang susugod si Mika kay Leo ngunit natakot din ito nang padarag na tumayo si Leo.

"Ano? Gusto mo ng sabunutan? Luge ka." Panghahamon ng aking kaibigan.

"Bakla!" Inis na lang na sigaw ni Mika bago nag walk out.

"Alam ko! Mas maganda pa nga ako sa’yo!" Pahabol pang sigaw ni Leo rito. Sabay kaming tumawa at nag-apir nito pagkatapos.

Nang dumating na ang unang guro ay nagsi-ayos na rin ng upo ang lahat at nagsimula na ang pagtuturo.

"Naintindihan mo ba?" Binalingan ako ni Leo nang magbigay na ng sasagutan ang aming guro sa Math.

"U-uh... medyo." Bigla akong nataranta, nangako na akong tataasan ko ang marka ko at kailangang may award ako sa recognition. Kaya dapat ay tama ang mga magiging sagot ko.

Binigyan lamang kami ng ilang minuto para sagutan ang limang items. Mano-mano ang pagbilang ko sa aking kamay. Iyong sa number one ay naging madali lang dahil kaonting numero pa lang, ngunit nang magpangatlo na ay lumaki ang numero kaya natagalan ako sa pagbibilang sa aking kamay o kaya pagsusulat ng mga guhit sa papel.

"Done, kids?" Tanong ng guro na nagpa-angat sa akin ng tingin. Ibinalik ko rin agad ang atensyon sa aking notebook at pinagpatuloy ang pagbibilang, nawala ako sa bilang kaya inulit ko iyon sa simula.

Minadali ko na ang pagsagot. Para akong nahihilo sa kaba dahil sa oras at kaba kung tama ba ang sagot ko.

"Time's Up! Exchange your notebooks." Saktong natapos ako nang muling mag-anunsyo ang aming guro. Si Leo na ang nagpalit sa aming notebook. Sinuyod ko ang kanyang mga sagot. Sa number one hanggang three ay pareho kami ng sagot. Ngunit nang mag four at five ay mas mababa iyong akin.

"Hala, mali ka." Nag-aalalang binalingan ko agad si Leo nang mapuna niya ang naiba kong sagot sakanya.

"Sigurado ka bang tama itong sagot mo?" Paniniguro ko. Tumango naman ito, agad nagsibagsakan ang aking mga balikat.

"Dapat ay sinabi mong nahihirapan ka para pinakopya na lang sana kita." Sermon niya sa akin.

"Akala ko naman kasi ay naintindihan mo." Dagdag niya pa.

"Nalito ako e."

"Oo, kasi multiplication na tayo pero nag addition ka rito." Sabay turo niya sa number 4 ko. Hindi na lang ako nagsalita at lumingon na lamang sa pisara para tingnan ang ginawang solution ng aming guro.

"Hayaan mo na, aaralin natin 'to mamaya. Nalito ka lang, naintindihan mo pa rin naman kasi tama 'tong one to three mo." Pagpapagaan ng loob ni Leo sa akin. Maliit na lang akong ngumiti. Kung dati ay wala lamang sa akin ang ganito, ang magkamali, ngayon ay labis ko ng dinidibdib iyon. Ang tanging nasa isip ko ay kailangan kong gumaling, tulad ng gusto ni daddy. At upang gumaling, dapat ay palagi akong tama.

"45 times 8," isinulat ko iyon sa aking notebook sa kung paano dapat ang ayos non.

"Ayan, tama. Ngayon ita-times mo muna iyong 8 sa 5. Ilan daw kapag limang 8, ipagpa-plus mo iyong limang 8." Paliwanag niya. Seryosong nagbilang naman ako sa aking daliri.

"Sunod naman, ita-times mo iyong 8 sa 4. Dito mo ipantay iyong sagot mo dyan, pantay dapat siya dyan sa 4 kasi dyan mo tinimes." Muli kong sinunod ang kanyang sinabi.

"Kabog! Best in Math ka na!" Sigaw nito at pumalakpak pa nang matapos ko na iyong sagutan. Ipinagpatuloy namin ang pagsasagot habang kumakain ng biscuits. Hindi na kami lumabas pa ng room para bumili sa canteen dahil inilaan namin ang oras na ito sa pag-aaral.

"Puro may assignment!"

"Let's play later!"

"Pupunta kami ng mall ni mommy."

"My daddy gave me a new bear!"

Kanya-kanyang usap ang mga kaklase ko nang mag uwian na. Ipinasok ko na sa aking bag ang aking notebook at ballpen.

"Tara na," aya ni Leo. Tumayo na rin ako at isinukbit ang aking bag.

"Sama ka sa akin sa bahay, gagawa tayo assignment. Hindi ka naman tinutulungan sainyo!" Napa-isip ako sakanyang alok. Naalala kong may sundo ako ngayon.

"Manong Ricky, pasabi na lang po kina mommy na nandoon ako sa bahay nina Leo, gagawa po kami ng assignments." Bilin ko sa aming driver na sumusundo palagi sa akin.

"Sige, sasabihin ko. Makitawag ka na lang kapag magpapasundo ka na."

"Opo, salamat!" 

Tumakbo ako pabalik kay Leo. Nasa loob na ito ng kanilang van. Pinagbuksan ako ng kanilang driver at tumabi na ako sakanya. Binuksan ko ang bintana para makita ako ni Mang Ricky. Ikinaway ko ang aking kamay bilang pagpapaalam. Tumango lamang siya at umalis na kami.

"Hayyy, gutom na gutom na ako." Reklamo ni Leo nang makarating kami sakanila. Agad sumalubong sa amin ang kanilang mga kasambahay. Sa sala nila kami dumiretso. Maganda ang bahay nila at malaki katulad lang din ng amin, bukod pa roon ay malinis din ito.

"Saan sila tita at tito?"

"Work." Maikli nyang sagot at sumalampak sa mahaba nilang sofa.

Dalawang kasambahay ang naglapag ng aming meryenda sa glass table.

"Thank you po," mahina kong sabi, nagsingitian ang mga ito. Bukod sa parents ni Leo ay close ko rin sila. Ilang beses na rin kasi akong nakapunta rito lalo na tuwing birthday niya.

Sumalampak na rin muna ako sa isa pang mahabang sofa. Naramdaman ko ang pagod buong maghapon.

"Maya-maya ay sasagot na tayo." Sabi ni Leo. Napuno ng katahimikan ang buong sala. Lumipas ang ilang minuto bago siya biglang sumigaw.

"Assignment na!" Tumalim ang aking tingin sakanya dahil sa pagkagulat. Tumawa lang ito bago binuksan ang aking bag at kinuha ang aking mga notebook.

"Bilis bilis, apat na subjects din 'to!" Kahit tinatamad ay sinubukan kong sabayan ang sigla niya. Sumalampak kami ng upo sa carpeted mat upang doon magsagot.

Isinusulat ko sa aking notebook ang mga sagot na kaniyang sinasabi habang siya ay kumakain.

"Nagugutom na rin ako." Reklamo ko.

"Bawal ka munang kumain, mas masayang kumain pag natapos mo na lahat ng gawain mo."

"Eh bakit ikaw?"

"Kaya kong kumain habang gumagawa."

"Psh." Nagpatuloy na lang ako sa pagsagot. Hindi na nakipagtalo pa sakanya dahil marami naman syang rason.

"Hays, hirap magturo kapag bopakels din." Komento nito hanggang sa may bigla akong  napansin.

"Hindi ka ba magsasagot sa notebook mo?"

"Bukas na, sa room na lang. Gayahin ko iyang mga sagot mo kaya ayusin mo ang sulat."

"Hindi ka ba kakapusin sa oras? Paano kapag ichecheck na?"

"Kaya ko 'yan, ako pa ba?"

"Okay."

Inabot na kami ng gabi bago matapos. Hindi lang din naman kasi assignment ang ginawa namin dahil kung ano-ano pa ang kalokohan ni Leo. Sakto ng matapos kami ay dumating na ang kanyang mga magulang. Agad nagbeso si Leo sa mga ito at sumunod naman ako.

"Oh! Dalawa pala ang babaeng anak ko ngayon." Masayang saad ng Ama ni Leo nang makita ako. Sinuklian namin iyon ng tawa.

"I'm glad you're here again, Diane. Dito ka na mag dinner, ha?" Masayang anyaya sa akin ni tita Lia.

"S-sa bahay na lang po, baka hinahanap na ako sa amin." Nahihiya kong tanggi. Anong oras na rin kasi, ito rin ang unang beses na abutin ako ng gabi sa ibang bahay.

"It's fine, dear. I called your mom, okay lang sakanya. May emergency rin daw kasi sa coffeeshop niya kaya mamaya pa raw ang uwi niya sainyo." Sumang-ayon na lamang ako sa alok ni Tita Lia.

Sabay-sabay kaming nagdinner, hindi tulad ng sa amin na tahimik at madalas magtalo sa hapag, dito ay masaya silang nag-uusap at nagtatawanan. Sinasali rin nila ako sa usapan nila kaya pakiramdam ko ay parang kabilang ako sa pamilya dahil doon ay gumaan ang loob ko.

Matapos mag dinner ay nagpasya na akong umuwi. Alas otso na ng gabi, ipinahatid na lang din ako ni Leo sa kanilang driver ngunit sumama pa siya.

"Bakit ka pa sumama?"

"Wala rin naman akong magawa sa bahay." Rason niya. Habang pauwi ay nagkukulitan lang kami at nag-aasaran sa mga crush namin.

"Babyeee!" Sigaw ni Leo habang nakasilip sa bintana ng kanilang sasakyan at kumakaway sa akin. Kumaway na lang din ako pabalik at sinuklian ang ngiti niya.

Umalis na ang kanilang sasakyan at nagpasya na rin akong pumasok.

"Saan ka galing?! Natuto ka ng magpagabi! Kaya mo na ang sarili mo?" Rumagasa ang kaba sa aking dibdib at nilingon si daddy. Galit ang mukha nito habang pababa ng hagdan.

Sinalubong ko siya upang sana ay magmano ngunit nagulat ako sakanyang sunod na ginawa. Bumagsak ako sa sahig dahil sa lakas ng kanyang sampal. Namuo agad ang luha sa aking mga mata dahil sa sakit na dulot niyon sa aking pisngi. Umiiyak ko syang tiningnan. Gusto ko makita ang pagsisisi sakanyang mukha. Na nadala lamang siya ng galit.

"Bata ka pa, natututo ka ng mapagabi! Hindi mo ba alam na delikado sa labas?" Sermon niya. Kahit galit siya ay naisip ko pang baka nag-aalala lamang siya sa akin.

"Ano na lamang ang sasabihin ng ibang tao lalo na ng mga kasosyo ko sa negosyo? Na pinapabayaan ka namin?" Nanlumo ako sakanyang dahilan.

"Ulitin mo pa ito, Diane. Wala ka ng bahay na uuwian." Ang huli nyang banta bago ako iniwan doon. Hindi man lang pinansin ang pagluha ko. At ang ginawa nyang pagbubuhat ng kamay sa akin, ito ang unang beses na magawa niya akong sampalin at napakasakit noon. Hindi lang pala ang damdamin ko ang kayang saktan ni daddy, pati rin pala sa pisikal.

Akmang tatakbo na ako papunta sa aking kwarto nang may pumigil sa akin. Sumalubong ang mukha ng naiiyak na si Nana Tess, puno ng awa ang mga mata ito. Mabilis ako nitong niyakap habang hinahaplos haplos ang aking pisnge na sinampal ni Daddy.

"Pasensya na, Diane. Hindi alam ng daddy mo na galing ka sa bahay ng kaibigan mo. Ang mommy mo lang ang nasabihan namin, sinabi naman siguro ni Marie pero baka busy ang ama mo kaya hindi napansin. Kakauwi niya lang din at nagpang-abot pa kayo." Paliwanag niya na inintindi ko. Hindi pala alam ni daddy kaya nagalit siya. Siguro kung alam niya ay hindi niya naman iyon gagawin?

Pinalis ko ang mga luha ko. "O-okay lang po." Sagot ko na lang bago nagpaalam at dumiretso na ng kwarto.

Nagpatuloy ako sa pag-iyak habang nakasalampak sa aking kama. Hindi ko na nagawa pang buksan ang ilaw dahil dito na ako dumiretso. Nilock ko rin ang aking pinto dahil gusto kong mapag-isa at ayokong maabutan ako ni mommy na ganito. Paniguradong magagalit siya at mag-aaway sila ni daddy oras na malaman niya iyong nangyari at ayoko ng dagdagan pa lalo ang galit ng aking ama dahil doon.

"What happened to your cheek?" Magkasalubong ang kilay ni mommy kinabukasan nang gisingin ako nito sa kwarto. Agad nyang hinawakan ang aking mukha at mas sinuri pa iyon.

"B-bakit po, mommy?"

"It's sore! Mapula at medyo maga. Did someone hurt you? Late na akong nakauwi last night and I forgot to check you." Gumapang ang kaba sa akin at pagpapanic. Paano ko sasabihin kay mommy ang nangyari na hindi bubuo ng away sakanila ni daddy? Kailangan kong magsinungaling kahit mali man iyon.

"A-ah... ano po kasi, nakamot ko lang po kagabi, kumati po e." Paliwanag ko habang hindi nakatingin kay mommy. Sana lamang ay maniwala siya.

Mahabang buntong hininga ang pinakawalan niya. "Next time don't scratch it, okay? Buti hindi nagsugat. You have a sensitive skin maybe, anak." Maliit na lamang akong ngumiti, buti ay nalusutan ko iyon.

"Nasampal ka ba? Bakit ang pula ng pisnge mo?"  Si Leo ang sunod na nagtanong nang maupo ako sa tabi niya. Natigilan ako at napatitig sakanya bago namuo ang mga luha sa aking mata. Para bang hindi ko kayang magsinungaling ngayon kay Leo. Bumalik ang sakit na naramdaman ko kagabi matapos akong pagbuhatan ng kamay ni daddy, hanggang ngayon din kasi ay nararamdaman ko pa ang konting kirot sa aking pisngi, maging ang kirot sa aking puso.

Nilamon ng pag-aalala ang kaniyang mukha nang mapansin na tila maiiyak ako. "Ano? Sino? Sabihin mo, ipapa-police ko!" Umiling-iling ako bilang pagtutol at pinigilan ang sariling umiyak, pinunasan ko ang aking mga mata.

"Si tito Arthur ba?" Muli nyang tanong, hindi ako sumagot.

"Bakit ba hindi pa kayo lumayas ni tita Marie!" Inis nyang sabi, tila kumpirmado nyang si daddy nga ang dahilan ng pamumula ng aking pisngi.

"Sa amin na kayo tumira ng mommy mo. Iwan niyo na si tito para hindi ka na niya saktan ulit." Suhestyon niya pa, mabilis muli akong umiling-iling bilang pagtutol.

"Hindi, ayoko. Hindi naman sinasadya ni daddy na masampal ako. Nag-alala lamang siya." Rason ko. Kahit ganoon naman si daddy ay mahal na mahal ko pa rin siya, naiintindihan ko na pagod lamang siya kaya ganoon. Ang sabi naman ni mommy ay mahal naman ako ni daddy, naniniwala ako roon. Mas masasaktan ako kung mawawalay kami sakanya, gusto ko ay may buo pa rin akong pamilya.

"Nag-aalala pala siya, bakit ka niya sinampal?" Tanong ng aking kaibigan at umirap sa inis. Hindi na ako sumagot, dahil pati ako ay nalito ngunit pilit kong hinanapan ng magandang rason ang ginawa ng aking ama.

Hindi lamang si Leo ang nagtanong tungkol sa pamumula ng aking pisngi. Sa puti kasi ng aking balat ay masyadong halata kapag namumula kaya marami ang nakakapansin, kahit ang mga guro ay nagtanong ngunit tulad ng inirason ko sa aking ina, ay ganoon din ang sinabi kong rason sakanila.

Pinalipas ko iyong nagawa sa akin ni daddy. Muli ko iyong inintindi at hindi ako nagtanim ng sama ng loob sakanya. Hindi na rin ako muli pang nagpagabi simula noon dahil takot akong suwayin siya at maging dahilan muli iyon ng pagkagalit niya sa akin. Kailangan ko syang sundin palagi at ipakitang isa akong mabuting anak nang sa ganoon ay matuwa siya at mahalin ako.

Patuloy rin akong tinulungan ni Leo sa mga assignments namin. Kapag nagtatanong ang guro at alam niya ang sagot ay binubulong niya sa akin para ako ang sumagot. Naging aktibo ako sa klase, napansin iyon ng aking mga guro at madalas din nila akong puriin dahil natutuwa sila sa pagiging aktibo ko. Sa sunod na linggo ay may exam na ulit. Nasa bench kaming muli ni Leo ngayong hapon para mag-aral. Wala ang mga guro dahil mayroong meeting kaya naman malaya kaming lumabas ng room at pumunta rito sa ground.

"Ang hirap naman magsaulo! Ang dami!" Busangot kong reklamo, naiiyak na.

"Hay nako, bekeki. Ulit-ulitin mo lang basahin. Intindihin mo rin kasi!" Sermon ni Leo habang nagbabasa rin.

"Bakit? Naiintindihan mo ba?"

"Hindi." Dismayado akong bumuntong hininga.

"Ikaw na lang ang umintindi, irereview kita maya-maya. Magtatanong ako, dapat masagot mo. Okay?" Sumang-ayon na lamang ako at pilit inintindi ang mga binabasa. Pilit ko iyong isiniksik sa aking utak kahit paniguradong mabilis ko rin naman itong makakalimutan.

Makalipas ang isang oras ay bigla na lamang binawi sa akin ni Leo ang librong aking binabasa at nagsimula na syang magtanong. Ganadong-ganado ako sa pagsagot dahil naaalala ko pa iyong mga sagot sa aking binasa. Tuwang-tuwa kami at panay ang palakpak kapag nasasagot ko nang tama.

Nang mag Sabado ay iginugol ko sa pag-aaral ang araw na iyon. Nasa aming sala ako at abalang nagbabasa ng aking libro.

"Ang tanga mo naman Marie! Bakit ka nagtiwala? And you didn't tell me?!" Mabilis akong napalingon sa may hagdanan nang marinig ang malakas na sigaw ni daddy. Mabibigat ang paa habang pababa ito ng hagdan, si mommy naman ay nakasunod sakanya at lumuluha. Napatayo ako at iniwan muna ang librong binabasa.

"Arthur! Tulungan mo na ako, please. Malulugi ang coffeeshop ko." Bakas ang pagmamakaawa sa boses ni mommy. Pilit din nitong hinahawakan si daddy upang iharap sakanya. Tumuloy sila sa kusina.

"Edi malugi! Kasalanan mo iyan! You let someone scam you!"

"He's a good friend to me, hindi ko alam na..."

"Ang sabihin mo, lalaki mo siguro iyon! Binigay mo ang kita ng coffeeshop para sa lalaking iyon-"

"I invested it!"

"A stupid move! You're just starting a coffeshop, it's not even yet successful then you made a stupid decision! Nakalimutan mo atang pera ko ang nasa coffeeshop na iyon?!" Tahimik lamang akong nakasilip habang pinapakinggan ang mga litanya ni daddy at ang iyak ng aking ina. Problemado ang kanyang mukha kaya pati ako ay naluha na rin dahil sa hirap na nakikita sa aking ina lalo na nang lumuhod siya sa harap ni daddy.

"Please, Arthur. Wala akong maipapasuweldo sa mga tauhan ko. I’m still trying to contact Rimo, b-baka nasa ibang bansa lang iyon at nagbabakasyon-"

"Nagbabakasyon gamit ang pera mo!" Mariing napapikit si mommy. Tila katotohanan iyon na ayaw nyang tanggapin.

"I can't lose that coffeeshop, baking and making drinks are my only passion. Sige na naman, Arthur. Suportahan mo naman ako." Patuloy sa pagmamaka-awa si mommy. Nang malingunan ako ni daddy ay mabilis akong umalis doon at bumalik sa sala. Kinuha ko ang mga gamit ko at tumakbo na papunta sa aking kuwarto upang doon na lamang mag-aral.

Ngunit paano ako makakapag-aral kung binabagabag ako ng problema ni mommy at daddy? Ang naintindihan ko lamang sa naging sagutan nila ay lulubog ang coffeshop ni mommy kapag hindi siya tinulungan ni daddy.

Sa araw ng linggo ay parehong wala ang aking mga magulang dahil may aasikasuhin daw ang mga ito. Nakangiti pa si mommy nang magpaalam sa akin na parang wala silang problema.

"Nana Tess." Pagtawag ko rito, abala ito sa pagdidilig ng mga halaman. Nakatambay ako rito sa garden at kanina pa nagrereview ngunit walang pumapasok sa aking isip.

"Nana Tess!" Malakas kong tawag dahil hindi niya ata ako narinig. Gulat niya akong nilingon.

"Sorry po, masyadong nalakasan." Sabi ko. Mahina na kasi ang pandinig ni Nana, sabi ng ibang kasambahay ay ganoon talaga kapag tumatanda na kaya dapat daw lakasan ang boses kapag kinakausap ito.

"Bakit?" Itinigil muna nito ang ginagawa at lumapit sa akin.

"Pwede po bang tulungan niyo akong magreview?" Tanong ko rito. Kinuha naman nito ang hawak kong libro at sinuri iyon. Pinasingkit pa nito ang mga mata upang mabasa ang mga nakasulat.

"Wala pa iyong salamin ko. Hindi ko mabasa, anak." Problemado nitong sabi. Hindi na ako nagpumilit pa, hinayaan ko syang bumalik sakanyang ginagawa kanina at ako na lamang ang nagbasa.

Nang sumapit ang unang araw ng exam ay medyo kabado ako dahil baka makalimutan ko ang mga nireview ko.

"Mag focus ka lang, huwag ka masyadong mag-isip pero mag-isip ka." Bilin sa akin ni Leo, mas lalo akong naguluhan, mas mahirap pa ata sa magiging exam iyong sinabi niya.

Nag umpisa na ang exam. Kailangang mataas ang maging scores ko para makasali ako sa honors. Kaya dapat kong galingan sa pagsagot.

Natapos ang dalawang araw na inilaan para sa exam. Ilang buwan na lang ay magiging grade 4 na kami ni Leo.

"Patingin ng scores mo." Saad ni Leo nang ibalik na sa amin ang aming mga test papers, mayroong check na ang mga iyon.

"Wow! Ang taas, bekeki! Congrats!" Masaya nitong sabi. Natuwa rin ako at kinumusta ang sakanya. Ngumiti lamang siya sa akin at itinago ang kanyang test paper.

"Ang damot! Mataas din ba? Dapat oo para maghonors tayo!"

"Okay lang ang scores ko. Tara mag ice cream tayo!" Mabilis niya akong hinila papuntang canteen dahil recess na.

"Perfect sila sa lahat ng subject." Namamanghang bahagi ng isang estudyante sa mga kaibigan niya. Malapit lamang sila sa amin kaya naririnig ko ang kanilang pinag-uusapan.

"Totoo? Wow! Ang galing naman."

"Oo, si Cedrick nga laging nauuna matapos magsagot e, tapos si Enzo sunod. Si Franco naman natutulog muna bago sumagot!" Nagtawanan ang mga ito.

"Alin gusto mo?" Bumalik ang aking atensyon kay Leo.

"Cookies n' cream." Tanging sagot ko at alam niya na iyon.

"Hala! Ayun sila oh! Ang popogi!" Mabilis akong bumaling sa narinig. Pumasok ang tatlo sa canteen at naupo sa lagi nilang pwesto. Nagsitilian pa ang mga babae, ang iba ay lumalapit sakanila upang bumati siguro o magpapansin. Nais ko rin sanang makitili ngunit nagpigil ako, malawak lamang akong ngumiti at pinakiramdaman ang mabilis na pagtibok ng puso. Kaso ay nakita ko si Mika, ngiting ngiti syang kumaway kay Enzo.

"Hi," narinig kong bati rin ni Enzo sa babae kaya naman halos magtitili si Mika roon, umalis ito at ang grupo niya para maupo sa malapit na lamesa sa tatlo.

Bumusangot ako, nawala bigla ang ligayang nadarama kanina. Akala ko ba ay isnabero siya? Bakit niya pinansin si Mika? Crush niya na rin ba iyon?

"Ang sama ng tingin mo riyan. Kainin mo na 'tong ice cream mo at baka matunaw pa, pero mas mauuna atang matunaw si Enzo." Nahihiyang nag-iwas ako ng tingin sa banda nila at kinuha na ang ice cream kay Leo.

"Hindi naman ako nakatingin." Pagsisinungaling ko.

"Asus, bakit? Hindi mo na crush?" Hindi ako nakasagot. Alam naman na niya iyon. Naupo kami sa isang lamesa at sinimulan ng kainin ang ice cream.

"Tingin mo kapag may award akong nakuha, magugustuhan niya rin ako?" Tanong ko sa kaibigan sabay baling muli ng tingin kay Enzo.

"Hmm, siguro. Tanong mo siya kapag nagka award ka na." Balewalang sagot nito.

Kaya naman sa araw ng pag aanunsyo ng mga kasali sa honors ay kabado at excited ako.

At nang matawag nga ang pangalan ko ay nagulat din ang buong klase. Ang iba ay namamangha at ang iba naman ay nagtataka, mukhang hindi ata sila makapaniwalang nakapasok ako.

"Sabi sa’yo e!" Sigaw ni Leo sa tuwa. Gulat pa rin ako. Parang maiiyak din ako sa tuwa ngunit kinalma ko ang sarili. Lima kaming natawag. Kami ang tinuturing na lower section kaya konti lang sa amin ang nakakasali sa honors. Inabangan kong tawagin ang pangalan ni Leo. Ngunit tinapos na ng guro ang pag aanunsyo. Malungkot akong lumingon sakanya. Samantalang siya ay kanina pa nakangiti sa akin, nakita ko sa mga mata niya kung gaano siya ka-proud.

"Leo..." pagtawag ko sa nanghihinang boses. Nangilid ang luha ko.

Ako lang ang kasali? Bakit siya hindi?

"Oh? Bakit ka iiyak? Kasali ka na!" Sabi nito, akala niya ata ay hindi ko iyon alam.

"Pero ikaw? Bakit ako lang?" Nasasaktan kong tanong.

"Iyon naman ang goal ko, bekeki! Ang tulungan kang magkaroon ng award. Mataas na ang grades mo panigurado kasi nakasali ka pa sa honors. Matutuwa na ang daddy mo, hindi ka na rin malilipat ng school. Masaya na ako kasi magkasama pa rin tayo!" Paliwanag niya, umiyak lamang ako kaya naman niyakap ako nito.

"Sabi ko naman sa’yo, akong bahala." Bulong niya.

"Thank you, Leo." Sinsero kong sabi sa gitna ng mga hikbi. Kung wala si Leo, paano na lang talaga ako?

Sa araw ng awarding ay si Nana Tess ang kasama kong umakyat ng stage.

"Smile na." Hinaplos ni Nana ang aking balikat dahil naka-akbay siya sa akin habang narito kami sa itaas at kinukuhanan na ng picture. Pinilit kong ngumiti nang matamis. Bumaba rin kami nang matapos.

"Bakit wala ang parents mo? Hindi sila proud sa’yo?" Tanong ng aking kaklase.

"May sakit si mommy, busy si daddy sa work." Sagot ko na lang kahit nasaktan ako sa sinabi niya.

Mas lalong naging abala si mommy sa coffeeshop niya simula nang magkaproblema roon hanggang sa magkasakit siya dahil sa pagod. Si Nana Tess na lang ang pinasama niya sa akin pero ang sabi ni mommy ay pupunta naman daw si daddy kaya nag abang ako kanina. Tuwang-tuwa ako. Ngunit hanggang sa magsimula na ang program ay hindi ko nakita ang aking ama, walang ibang sasama sa akin umakyat kung hindi si Nana.

Matapos ang program ay agad akong tumakbo palabas ng gym at pumunta sa pinakamalapit na CR, hindi na ako nakapagpaalam kay Nana dahil kanina ko pa pinipigilan ang ihi at ngayon ay hindi ko na kaya. Mabilis lang din akong natapos dahil wala naman ibang gumagamit. Nang palabas na sana ako ay saka namang pagpasok ng grupo nila Mika. Tumaas ang kanyang kilay at dumiretso sa akin, napaatras naman ako sa biglaan nyang paglapit.

"Look who's here. Ang alam ko bobo ka raw, bakit ka nasali sa honors? Galing kang lower section, right?" Pang-iinsulto niya. Kumunot ang noo ko. Kung makapagsalita siya, hindi rin naman siya kasali sa star section kung saan nandoon ang mga matatalinong estudyante.

"Matataas ang grades ko." Sagot ko na lang.

"Bakit? Nagbayad siguro ang parents mo sa teachers kaya tumaas." Sabi nito at nagtawanan sila ng tatlo niya pang kasama. Tuluyan ng sumama ang tingin ko sakanya.

"Hindi! Baka parents mo ang gumagawa nyan!" Hindi ko na napigilang sabihin na ikinagalit niya.

"Hoy, Diane! Dati pa lang ay kasali na ako sa honors kasi matalino ako!"

"Kasi teacher mo ang tita mo!"

"You're a freak!" Galit nyang sigaw at biglang hinablot ang hawak kong certificate. Walang pagdadalawang isip niya iyong hinati sa dalawa na ikinabilog ng aking bibig sa gulat. Nalaglag ang mga iyon sa sahig. 

"Mika!" Gulat at galit kong sigaw, mabilis kong pinulot ang nahati kong certificate. Umiiyak na nag angat ako ng tingin sakanya. Ngumisi lang siya sa akin.

"You're still a loser."

"And stupid." Dugtong niya pa habang may nakapaskil na mapang-insultong ngiti sa kanyang labi.

"I heard kaya niya gustong makasali sa honors to catch Enzo's attention." Sabi naman noong kaibigan niya na kaklase ko pala.

"At talagang aagawin mo rin si Enzo sa akin?!"

"Wala akong inaagaw sa’yo!" Umiiyak kong sigaw sa sama ng loob.

"Huwag ka ng umasa na magugustuhan ka niya! He likes smart girls, not girls who pretend to be smart." Sinipa pa ako nito bago sila tuluyang umalis ng CR. Mabilis akong tumayo at nagpatuloy sa pag-iyak habang pinagmamasdan sa magkabilaan kong kamay ang nahating certificate. Paano na ito ngayon? Problemado kong tanong sa sarili.

Inayos ko ang aking sarili makalipas ang ilang minuto nang tuluyan ng kumalma, umalis na rin ako kaagad doon dahil paniguradong naghahanap na sa akin si Nana. Matanda na siya at bawal masyadong mapagod. Bumalik ako ng gym at nakita siyang nakatayo habang inililibot ang tingin, marami pa ring tao ang naroon dahil kanya-kanyang picture sila sa stage. Naiinggit na tumitig ako sa pamilyang kasalukuyang kumukuha ng picture doon, lahat sila masaya bukod sa pareho silang naririto para sa kanilang anak.

"Nandyan ka lang pala! Saan ka galing?" Natuon ang aking tingin kay Nana nang malingunan ako nito. Lumapit ako upang yumakap. Nag-angat ako sakanya ng tingin.

"Umihi lang po. Nana, uwi na tayo."

"Umiyak ka ba?" Masuyo nitong hinaplos ang aking magkabilaang pisngi. Umiling lamang ako kahit tingin ko’y halata sa aking mga mata ang pag-iyak kanina dahil sa nangyari sa CR.

"Hayaan mo na, proud rin ang mommy at daddy mo. O siya, tara na umuwi, ang alam ko ay may pinahanda ang mommy mo sa bahay." Pagpapagaan niya ng loob sa akin. Ngumiti na lamang ako at tuluyan na kaming umalis. Tinupi ko ang napunit na certificate kanina at pinagkasya iyon sa aking bulsa upang itago.

Nang maka-uwi ay binati ako ng aming mga kasambahay. Masaya sila para sa akin, isa-isa ko silang pinasalamatan bago dumiretso sa aking kwarto. Inilabas ko sa aking bulsa ang aking certificate at kumuha ng tape. Muli ko iyong pinagdikit. Malungkot ko lamang iyon tiningnan pagkatapos. Unang certificate ko pa lamang ito ngunit ganito pa ang nangyari. Tila napapa kwestyon tuloy ako kung nararapat ba talagang mabigyan ako nito.

Nagkaroon kami ng kaonting salo-salo. Mga kasambahay at ang driver lamang ang kasama ko. Lahat sila ay masayang kumakain.

"Bilis lumaki ni ma'am Diane. Dati ay baby pa lang y'an." Komento ni ate Maya, isa sa mga kasambahay namin.

"Huwag muna mag boypren." Sabi naman ng isa pa. Nagsitawanan ang mga ito upang tuksuhin ako.

"Hindi po. Mag grade 4 pa lang po ako." Depensa ko naman.

"Usong uso ang jowa sa elementarya kaya huwag kang papadala kapag may pumorma sa’yo, ah?" Bilin ni Manong Ricky. Nakuha niya ang aking buong atensyon.

"Pwede po ba iyon? Bata pa po kami ah. Sabi ni mommy bawal pa raw po mag boyfren kapag hindi pa 18."

"Tama, makinig ka sa mommy mo. Dapat kasi ay focus muna kayo sa school." Tumango na lamang ako. Hindi naman ako mag boboyfren.

Pinuntahan ko si mommy sakanyang kwarto nang matapos akong kumain. Mukhang tapos na rin siya dahil ubos na ang pagkain sa tray na nasa sidetable. Sumampa ako ng kama at tumabi sakanya upang yumakap. Mabilis na dumilat ang aking ina bago ako hinagkan.

"Mommy, okay ka na po ba?" Nag-aalala kong tanong.

"Hindi pa, baby. Sorry, natrangkaso si mommy. Kung wala lang akong sakit, ako sana ang kasama mo."

"Okay lang po. Magpagaling ka na lang po."

"Ang daddy mo? Dumating ba?" Tanong niya. Hindi agad ako nakasagot.

"H-hindi po. Baka po nasa meeting si daddy kanina." Pagdadahilan ko para hindi na si mommy ang mag-isip ng irarason. Hindi siya sumagot, tanging buntong hininga lamang. Sana ay hindi siya magalit sa hindi pagsipot ni daddy, ayokong maging rason iyon ng kanilang away.

"'my?" Pagtawag ko kalaunan. Nakapikit kasi ito, akala ko ay tulog na.

"Hmm?"

"Proud... na po kaya si daddy? M-may award na po ako, e." Dumilat ang kanyang mga mata. Halata ang panghihina sakanyang mukha ngunit ngumiti pa rin siya sa akin.

"Oo naman. Pero mas proud na proud na proud si mommy sa’yo." Kahit ilang beses ko ng narinig kay mommy ang salitang iyon ay labis labis pa ring nagagalak ang aking puso. Ngunit hindi pa rin ako kuntento. Gusto ko rin marinig iyon sa aking ama. Tingin ko... mabubuo ang ligayang nararamdaman ko kung pati siya ay proud sa akin.

Mabilis kong tinahak ang daan papunta sakanyang opisina nang matunugan kong naka-uwi na raw ito. Alas otso na nang gabi, late na naman umuwi si daddy, siguro ay marami pa syang tinapos. Sa office room si daddy laging dumidiretso at doon maglalaan ng oras para muling magtrabaho. Kaya iniintindi ko rin talaga ang pagod niya.

Bitbit ang isang medal at certificate ay pumasok ako ng kanyang opisina. Baka dahil dito ay mapawi ang pagod niya ngayong araw.

"Daddy, look po!" Maligaya kong tawag at inilapag sakanyang mesa ang dalawang bagay na nakuha kong award kanina. Hindi matanggal ang aking ngiti habang inaabangan ang kanyang reaksyon. Malamig niya akong tiningnan bago balingan ang kanyang mesa.

"At anong gagawin ko sa basura mo?" Mabilis akong naguluhan. Nakatingin siya ngayon sa aking certificate.

"Daddy, certificate ko po 'yan." Paliwanag ko, masaya pa rin.

"Tsk, trash." At pinalipad niya iyon, sinundan ko iyon ng tingin hanggang sa dumantay ito sa sahig. Mabilis ko iyong pinulot. Nagsimula ng manikip ang aking dibdib.

"Certificate ko po 'to... p-pinunit lang po ng schoolmate ko." Paliwanag ko pa rin. Baka kasi kaya ayaw nyang tanggapin dahil ganito ang itsura. Nakipagtitigan lamang siya sa akin. Hinihintay kong may sabihin siya, sabihin na masaya siya para sa akin at katulad ni mommy ay proud rin siya sa akin. Nanatiling istrikto ang kanyang tingin.

"M-may awards na po ako. Nakasali po ako sa honors. S-sabi ni mommy... sasamahan mo po ako k-kanina-"

"And what? Mapapahiya ako? You have a 90 average. Hindi mo ba naisip na parang pinilit mo lang sumali?" Natigilan ako roon at naisip nga ang sinabi niya. Ngunit totoo namang pinilit ko lang talaga kahit hirap na hirap ako para lang hindi niya ako ilipat sa public school. Natahimik na lamang ako at yumuko.

"Look at me. Tumingin ka sa akin!" Sigaw niya na halos magpatalon sa akin. Mabilis ko syang sinunod. Sa nanlalabong mata ay nakipagtitigan ako sa malamig nyang mga mata.

"I want you to excell! You should be always on top if you want me to be proud of you! Dapat ay lamang ka sa lahat kung gusto mong ipagmalaki kita!" Isa-isa ng nagsipatakan ang luha ko. Nasasaktan ako, hindi ko matanggap. Mas dumami ang aking mga tanong.

"Anong iniiyak-iyak mo?" Galit nyang tanong. Mas lalo akong naiyak.

"D-daddy, g-ginawa ko po ang best ko-"

"This is your best, Diane?" Mapang-insulto syang tumawa. Napayuko na lamang ako at pinaglaruan ang aking mga kamay habang patuloy na humihikbi at tuloy tuloy sa pag-agos pababa ang mga luha. Nakita ko iyong nagsipatakan sa sahig, sunod-sunod.

"Tumigil ka sa pag-iyak mo. Walang magagawa ang pag-iyak, tandaan mo 'yan. Stop your tears!" Dumagundong ang kanyang sigaw. Nanginig ako sa takot at mas lalong naiyak. Hinablot niya ang aking braso upang ilapit ako sakanya. Ramdam ko sakanyang hawak ang gaspang at sakit. Wala man lang pag-iingat.

"Ano? Iiyak ka na lang? Hindi ka pwedeng laging umiyak! Mahina lang ang umiiyak, do you get it, Diane?!" Inalog-alog niya pa ako habang isinisigaw iyon sa aking mukha, nais na itatak ko iyon sa aking batang isipan. Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi upang walang tunog ang kumawala roon. Pinunasan ko rin ang aking mga mata gamit ang isang kamay. Sinubukan kong pigilin ang pag-iyak kahit patuloy sa pamumuo ng panibagong luha ang aking mga mata. Ultimo ang pagsinok at ang singhot ay aking pinigilan. Ganoon lamang ako sa harap niya, pigil na pigil ang pag iyak. Sumisikip ang dibdib ko sa sobrang pagpipigil, para bang pinipigilan din akong huminga.

"Wala akong anak na mahina. Patunayan mong anak kita." Sa unang pagkakataon ay huminahon ang boses ng aking ama, hindi niya iyon isinigaw ngunit nanatili ang lamig.  Tuluyan akong natigilan sa pag-iyak.

Iyon ba ang gusto ni daddy?

Pilit kong tuluyang ikinalma ang sarili ngunit ang pag sinok ay hindi ko napigil.

Pinaalis niya rin agad ako. Bitbit muli ang aking medal at ang certificate na tila basura nga kagaya ng sinabi ni daddy, mabagal akong naglakad papunta sa aking kwarto. Nang makapasok ay naupo ako sa kama, tanging ang pink kong lampshade lamang ang nakabukas ngunit bukod roon, ang bilog na buwan na nakasilip sa terrace na aking kaharap ang nagbibigay liwanag sa aking kuwarto at sa akin. Naakit akong tumayo at lumabas papunta sa terrace upang mas matitigan iyon nang mabuti. Bilog na bilog ito, tila naninilaw rin ang kulay. Detalyadong-detalyado sa aking dalawang mga mata ang itsura nito.

Ang ganda niya.

Ngunit napansin kong wala man lang bituin sa tabi niya o kahit anong bagay. Mag-isa lang siya.

"Malungkot ka ba dyan?" Tanong ko sa buwan.  Wala akong nakuhang sagot kaya napabuntong hininga na lamang ako.

"Sabi ni daddy, hindi pwedeng laging umiyak." Pagkausap ko pa rito. Namuo ang luha sa aking mga mata sa kirot na sumilip sa munti kong puso.

"Bakit pati iyon bawal? Bakit pati ang pag-iyak ay pinagkakait?" Tanong ko pa kahit alam kong walang sasagot sa akin. Bago pa magsitulo ang aking mga luha ay agad ko na iyong pinalis.

Isang buntong hininga at ngiti. Agaran akong nakapag desisyon.

"Hindi na ako iiyak ulit." Pinal kong sabi. Ngunit alam kong imposible ata iyon. Hindi ba’t umiiyak tayo dahil sa lungkot? Kapag may masakit? Paano ako hindi iiyak kung lagi akong nasasaktan?

"Hindi na ako iiyak sa harap ni daddy at sa iba. Pero sa’yo... iiyak ako, ah? Huwag ka sanang magalit. Hayaan mo sana akong umiyak." Puno iyon ng paki-usap.

Sa gabing ito. Napagtanto kong... may panibago akong nahanap na kakampi.

Lanjutkan Membaca

Kamu Akan Menyukai Ini

1.9M 47.2K 47
Jeremy Tyler Yamaç Montellion is an animal tracker in MAFIA'S ORGANIZATION, he is indeed skilled when it comes to hacking, stalking and tracking' Jus...
2.7M 101K 72
She's a servant of the church with pure and innocent heart. He's a badass tattooed man. An Atheist. Will their different beliefs become a hindrance t...
8.6M 148K 46
Always the bestfriend but never the girlfriend
6.8M 138K 51
PUBLISHED UNDER POP FICTION (SUMMIT BOOKS) The Neighbors Series #2 Highest Rank: #1 in General Fiction ** Meet the rich, gorgeous, hot and sexy Sapph...