How far can your faith takes you?
How far can you take your faith?
Sukbit ang bag na halos magkanda kuba kuba na ko ay marahan kong tinahak ang daan pauwi. Pagabi na, kanina pa tapos ang uwian at ang mga katulad kong estudyante sa high school ay kanina pa dapat napauwi. Pero ako? Eto at dahil sa kalayuan ng eskwelahan sa tribo na tinitirhan namin ay umabot akong trenta minutos bago makauwi sa pag lalakad. Lakad lang ng lakad at literal na tatawirin ang sapa gamit ang banka para lang makauwi ako.
Kumikirot ang likod at nangagatog ang mga tuhod na napaupo agad ako sa upuan namin na mas sinauna pa saakin.
Nilibot ko ng paningin ang buong lugar, madumi, nag kalat ang mga pinggan sa hugasan na isang tabla lang naman at sa katabi nito ang isang balde at tabo na galing pang igib sa poso. Ang kwarto naman namin mag anak ay may apat na hagdan, taguan namin kapag may baha o kaya naman minsan ay lumilikas nalang kami dahil parang iaanod ang maliit at gawa sa kahoy naming bahay.
Isa lang ang naisip ko pag katapos libutin ang buong kabahayan. Gusto ko ng umalis dito.
"Tiyo Tonio! Tama na po yan! Tama na!"
"Huwag kayo makialam dito, anak ko 'to!"
Agad akong napalingon sa labas ng may marinig na mga sigaw at sumunod ang mga impit na pagpalahaw ng iyak. Nang pag labas ko ay sumalubong saakin ang kapatid kong kinse anyos na nakadapa mismo sa buhanginan at nakatukod ang mga braso. Nasa likod naman n'ya si Papa na akmang pinapalo ng sinturon! Nakapalibot rin dito ang mga kalaro ni Tonio... Mga ka church mate rin nito ang mga ito.
Napakuyom ang kamao ko. Kung makikialam ako ay lalo lang dadagdagan ni Papa ang pagpalo kay Paulo at ang malala ay baka ako rin...
Nakita ko ang pag lingon sa'kin ng kapatid ko at bahagya pa kong nginitian habang pinataas ang hinlalaki nito. Thumbs up. Ayos lang daw s'ya. Ayos lang daw, kahit pati ang mga tao ay nagsisi iyakan sa kada palo na lalapat sakan'ya dahil sa lakas ng pwersa nito... Ayos lang daw s'ya...
Napalunok ako sa kung anong bumubukod sa lalamunan ko at marahang tinalikuran ang nag iisa kong kapatid.
Nag kulong akong kwarto at tinakpan ng unan ang tainga ko na pinupuno ng mga iyak ni Paulo, ng mga sigaw ng mga kapitbahay, at ng mga hampas ng sinturon ni Papa. Pero may mga boses paring hindi nakaligtas.
"Hindi totoo ang Diyos, Paulo! Ilang beses ko ba yang kailangang itatak sa'yo! Leche kang bata ka! Inuna mo pang mag simba bago itinda ang mga nahuli ko! Ano pa't ninakaw! Anong kakainin natin ngayon, ha?! Mapapakain ba ko ng mga dasal mong punyeta ka ha?!"
Hindi ko napigilan ang mga hikbi ko, umiyak ako para sa mga sugat na natamo ni Paulo. Umiyak ako para sa galit ni Papa dahil sa wala kaming makain, at umiyak ako para sa pananampalataya ni Paulo na walang patutunguhan. Iniyak ko ang kulo ng tyan ko, iniyak ko lahat ng sinabi nilang hindi ako makakapag kolehiyo, iniyak ko lahat ng sama ng loob ko, hanggang sa makatulog ako.
Naalimpungatan ako sa maliit na kamay na tumatapik sa pisngi ko. Madilim na ang buong paligid at tahimik na rin. Kabaliktaran kaninang bago ako makatulog. Hindi pa ako tuluyang gising at maingat na inabot ang flashlight na nasa ilalim ng unan ko. Hindi pa pala ako nakapag banig ni nakapag palit ng uniporme.
Tinutok ko ang ilaw sa kung anong anino na gumising sa'kin at bahagyang nahigit ang hininga ng bumungad ang nakangiteng si Paulo.
"Ate... Kain na tayo."
"Wala naman na tayong ulam..."
"Binigyan ako ni Auntie Gi, pinritong isda. Tara na. Wala si Papa ngayon, nasa burol, siguro nanunugal nanaman. "
Tumayo na ito at bahagya ko pang nailawan ang mga binti nito na kasalukuyang paalis na. Ang bulto nito ay halatang hindi nakakakain ng maayos sa kapayatan. Mas maliit rin si Paulo kumpara sa ibang kabataan na ka edad n'ya. Maraming sugat at galos sa mga kamay, sa mga binti at sa likod na buhat sa pag palo ni Papa. Mas mahina si Paulo kumpara sa ibang kabataan na araw araw ay tatlong beses ang nakakain, pero bakit mas maraming sakit na nararanasan si Paulo? May mga bahid ng dugo... Hindi nanaman tinigil ni Papa ang pagpalo hanggang sa hindi ito dumudugo... Hindi ko na maintindihan.
Ayaw ko rin na sinasayang ni Paulo ang oras n'ya para sa Simbahan na wala namang dulot sakan'ya. Pero hindi ko rin maintindihan si Papa bakit sinasaktan n'ya pa si Paulo kung wala naman na itong magagawa. Mababalik ba ng dugo ni Paulo ang mga ulam na nawala nito? Hindi na.
Sino ba ang mas bobo sakanila? Iyong ginagawa parin ang kagustuhan kahit alam na magsasakit s'ya, o iyong ang alam lang ay ang manisi ng kapwa at hindi ang gumawa ng solusyon?
Pareho lang para saakin.
Binuksan ko ang kaldero at naningkit ang mata sa kanin na mamasa masa na at hindi na mabango ang amoy. Madali mapanis ang kanin nila dahil mainit ang panahon lalo na sa lugar namin na kakaunti ang puno sa kapaligiran.
"Nag hugas ka?" Tanong ko ng mapansing malinis ang tabla at nakasalansan ang mga pinggan sa tamang lalagyan.
Agad itong umiling. "Si Mama. Bumisita lang saglit at namigay ng pera! Hati daw tayo, eto one hundred o. Allowance daw natin para sa buong week."
Tumango tango ako at agad naman na tinanggap ang pera mula kay Mama na inabandona naman na kami at gumawa ng sarili n'yang pamilya. Umupo ako sa kahoy lang rin na upuan na umuuga uga na at tinabi ito sa harap ng maliit na lamesa. Nakatalikod ako kay Paulo na kasalukuyang nakaupo sa paborito nitong banko, na ayon sakan'ya ay parang ginawa mismo para sakan'ya.
"Nagka sugat ka ba kanina?" Maingat kong tanong at bahagyang binagalan ang pag nguya ng pagkain.
"Medyo... Pero madali lang naman gumaling mga sugat ko, Ate."
Tumango tango lang ako at bahagya s'yang nilingon. Ang maliit na lamesa na kaharap n'ya ay nakatayo sa tapat mismo ng bintana na madalas n'yang tignan kapag nagbabasa s'ya ng Bibliya. Kadalasan n'ya saaking sasabihin kung gaano kaganda ang mga likha ng Diyos. Pero para saakin ay puno ito ng kahibangan... Katulad ngayon ay tinititigan nanaman n'ya ang kalangitan at ang buwan. Kadalasan kinukwento n'ya saakin ang unang aklat ng Bibliya na Genesis daw, makikita ko daw dito kung paano ginawa ng Diyos ang mundo, ang kalawakan, at ang lahat lahat. Gusto kong mapatawa ng palatak at humingi ng eksplenasyon kung sino naman ang may gawa sa Diyos? Sinagot ako nito.
"Ate, walang gumawa sa Diyos dahil s'ya ang simula at ang pagtatapos. Hindi s'ya katulad nating tao na kailangan ng origin. Dahil ang Diyos ay hindi nililimitahan ng oras, ng lugar, o ng panahon. Napakalayo natin sa Diyos para ilugar s'ya sa saatin."
Hindi ko ito nakikitaan ng maayos at konkretong sagot. Kaya hindi ako kumbinsido. Ayokong basta nalang mag simba dahil iyon ang uso. Napakarami ko ng gawain at gastusin, pati ba naman pag sisimba, o pag seserbe sa Simbahan ay aabalahin ko pa ang sarili ko?
Isa pa, bakit mo isasakripisyo ang buhay mo sa isang bagay na hindi ka naman siguradong totoo? Walang scientific explanations, walang patunay. Kahibangan.
Si Paulo lang naman ang tanga dito. Kinse pa lang ito, pero laging laman na ng Simbahan simula noong dose anyos noong minsang napadaan at may narinig na homiliya sa isang misa ng Pari na nadayo sa chapel ng baranggay namin na abandonado noong mga panahon na iyon. Simula noon ay isa na si Paulo sa mga kabataan na nag sasaayos ng mga kapwa n'ya kabataan para maka-attend rin sa Simbahan o matuto ng mga turo ng Simbahan kahit sa chapel lang mismo dito gawin. At kadalasan ay sinusugod s'ya ni Papa, makailang beses na.
Maagang maaga ay maririnig na ang maliit nitong boses na umuusal ng Rosaryo kapag aalis na si Papa para mamingwit. Kapag kasi nakita s'ya nitong nagdadasal ay papaluin agad s'ya at didiinan pa ang mga hindi pa naghihilom na sugat n'ya. Makikita na papaiyak na s'ya pero pipiliting h'wag gumawa ng tunog na lalong ikakagalit ni Papa.
Pero isang beses na hindi s'ya pinalo ni Papa ay saka naman pumalahaw ng malakas ang iyak n'ya. Alas kwatro ng madaling araw ay inakala n'yang paalis na si Papa pero nasa labas pa lang pala at nag kakape. Unang usal n'ya palang ng unang misteryo ay agad s'yang sinugod ni Papa mula sa labas, kinuha ang Rosaryo n'ya, binalibag ito, tinapaktapakan, pinutol at sinunog pa. Naroroon ako sa mismong kwarto at parang bibiyakin ang puso ko habang nakikinig sa mga malakas na palahaw na iyak ni Paulo na nakapag pagising pa sa mga kapitbahay, habang lumuluhod kay Papa na h'wag ituloy ang balak. Pero sa isip isip ko...
Rosaryo lang naman ito, bakit kailangan n'ya pa iyong iyakan?
Napabuntong hininga ako matapos kumain at uminom ng tubig saka inilagay ang plato at baso sa tabla na nag sisilbing lababo. Kinapkap ko sa bulsa ng uniform ko na hindi ko parin napapalitan ang kaninang one hundred na pera ko dapat para sa buong linggo. Walang pagaatubili na kinuha ko ang sinkwenta saka iniabot sakan'ya.
"Pambili mo ng gamot sa sugat mo."
"Wag na ate, pangkain mo yan. Wala kang makakain sa tanghalian mo. Saka, may ipon naman ako!"
"Huwag mo 'kong isipin, kaya ko ang sarili ko."
"Same, Ate."
"Aba't!" Iniangat ko ang kamay ko na nakaipit parin ang sinkwenta pero napatigil ng agad na sinangga ni Paulo ang ulohan... Hindi ko naman talaga s'ya sasaktan... Pero masyado na s'yang nasanay na sinasaktan s'ya kaya pati ang mga tao na pinakatitiwalaan n'ya ay iniisip n'yang kaya rin s'yang saktan...
Nangilid ang mga luha sa mata ko at nilagay nalang ang singkwenta sa kamay ni Paulo na kasalukuyang nakatakip sa ulo n'ya.
"Mag babanyo lang ako."
Tahimik akong umiyak nanaman sa banyo at pumikit. Humihiling na sa pag mulat ng mata ko ay nasa ibang lugar na ako. Sana ay nasa mas maganda akong kalagayan, sana nasa mas maganda akong bahay. Sana ay mas maganda ang naging karanasan ni Paulo... Sana ay may iba kaming magulang...
Pero kahit anong ginawa mong daanan na pasikot sikot gamit ang hiling mo, pangarap at panaginip mo habang gising ay makakahanap at makakahanap ang reyalidad ng daan para sapakin ka sa katotohanan.
"Hubarin mo yang damit mo at libutin mo ang buong baryo ng nakaluhod! Gusto mong mag pinitensya ha! Sige at pag katapos nitong pag libot mo lagpas na ang kaluluwa mo sa kalangitan!"
Napabalikwas ako ng bangon at sumilip sa bintana. Namumugto pa ang mata ko sa away ni Mama at Papa kaninang umaga dahil sa pera pero 'eto nanaman at may panibago. Tirik na tirik ang araw, mag a-alas dos na at dala dala ni Papa ang latigo na kadalasang dala lang n'ya para sa kabayo na pinapa alaga sakan'ya. Nakaluhod si Paulo, naka angat ang mga kamay na sinukbitan ng bigas sa isang maliit na sako.
"P-pa..."
"Ano? Hindi mo kaya?? Hindi mo kaya?! Pero ang sumuway sa'kin ay kaya mo?! Punyeta kang bata ka! Hindi ba sinabi ko na sa'yo na wag na wag kitang makikitang papasok sa chapel na yun?! O kaya ay makipag usap sa Pari na yun na binibilog lang naman ang utak mo! Paulo! Gising sa katotohanan! Hindi totoo ang Diyos! Tanginamo suwail ka!"
"Walang Diyos! Kung may Diyos, bakit ganito ang buhay natin, huh?! Bakit tayo naghihirap? Bakit ako naghihirap! Anong kasalanan ko?!"
Nahigit ko ang hininga ko ng mag simulang hampasin ni Papa ang likod ni Paulo ng latigo! Makailang beses! Malakas! Dumagundong sa apat na sulok ng kabahayan, at hindi ko kayang iproseso kung gaano ito kasakit lalo na at napa sigaw si Paulo ng malakas...
Napasigaw s'ya na bihira lang n'yang gawin... Nanikip ang dibdib ko at hindi ako makahinga ng maayos sa nakikita ko.
"Ang pride mo Papa! Paano mo makikita ang grasya kung palagi kang nakatutok sa mga masamang nangyari sa buhay mo at wala ka namang pakialam sa Diyos? Bakit hindi mo nakikita na mahal ka N'ya at sadyang puno ka lang ng galit? Bakit hindi mo ipagpasalamat ang pagkain na nasa hapag natin? Bakit hindi mo ipagpasalamat na may anak kang katulad ni Ate na nag pupursigi sa pag-aaral at walang binabanggit na masama tungkol sa'yo?"
"Anong ipagpapasalamat ko na bihira nga natin makumpleto ang tatlong beses sa isang araw na pagkain? Sige nga Paulo? Dahil pa d'yan sa pag sisimba mo at napapabayaan mo ang pinagkukuhanan natin ng pangkabuhayan! Aanuhin ko ang mga dasal mo kung kumukulo naman ang tyan namin ng ate mo?! Suwail ka! Suwail! Hindi mo kami iniisip! Puro ka sarili mo lang!" Muli ay tinaas ni Papa ang latigo kaya agad akong tumalon sa bintana namin at parang namali pa ng bagsak ang mga tuhod ko pero wala na akong pakialam.
Wala ang sapin sa paa na nilapitan si Papa at tinigil ang bahagyang paghampas ng latigo sa kapatid ko pero agad akong tinulak gamit lamang ang isang braso. Napaupo nanaman ako sa buhanginan pero agad kong inaayos ang pagkakaupo, at lumapit kay Papa habang nakaluhod at pinagkukuskos ang mga palad.
"Pa... Tama na please. Tigilan mo na si Paulo Pa, hindi na s'ya papasok ng Simbahan, hindi na! Hindi na!" Humihikbi kong pagmamakaawa pero tinignan lang ako ni Papa ng malamig. Amoy na amoy ko pa ang pinaghalong alak at sigarilyo sakan'ya at ang nanlilisik nitong mata.
"Ate...!" Malakas at mahaba na hikbi ni Paulo at napatingin saa'kin habang nakaluhod rin.
"Kung hindi mo gagawin ang sinabi ko ay ang ate mo ang pauulanan ko ng latigo na ito, Paulo. Mamili ka. Ang simbahan o ang ate mo?"
"Pa!!" Desperadang sigaw ko pero hinampas agad saakin ni Papa ang latigo na tumama sa balikat ko. Daplis lang ang una kong naramdaman hanggang sa uminit ito sa balat ko.
"Sagot!"
"Gagawin ko na, Pa! Gagawin ko na po...!" Sumunod ang mahaba at malakas nanaman nitong pag palahaw panigurado hindi dahil sa mga sugat kundi dahil sa nasasaktan ito sa sitwasyon na nangyayari saamin.
Umiling iling ako. Kahit walang saplot sa paa at may nabaling buto sa tuhod ay tumayo ako at mabilis na hinablot ang kamay ni Paulo sa pagaakalang makakatakas kami. Parehong nanghihina ang katawan namin kung kaya't mabilis kaming nahila ni Papa sa mga damit namin, binalibag ako at tuluyan namang pinunit ni Papa ang damit ni Paulo.
Umalulong ang mga hikbi namin at nilibot ko ang paningin sa kabahayan, walang nasa daanan. Walang nakikiusyoso, walang kahit na sino ang may pakialam!
"Tulong po! Tulongan n'yo po kami!" Sigaw ko na agad na natigil ng ako naman ang paulanan ni Papa ng hampas na natigil lang rin ng bumagsak si Paulo, lumuhod at nag simulang maglakad gamit ang mga tuhod nito. Ramdam ko ang init ng buhangin na parang tinutusta sa pagitan ang mga yapak ko. Paano pa si Paulo na nakaluhod dito at patuloy na pinapaulanan ng latigo?
Kung tatawag ako sa pulis ay dalawang oras pa bago ito makarating dito dahil sa layo ng baryo mula sa kabihasnan. Anong gagawin ko?
"D'yan ka lang. Kapag sumunod ka sa'min ay dadagdagan ko ang pagpapasakit dito sa kapatid mo, naiintindihan mo?"
Hindi ako sumagot bagkus ay nanlilisik ang matang tinignan s'ya.
"Para 'to sainyo. Pagkatapos nito, sigurado ay hindi na makakabalik pa si Paulo sa Simbahan."
Tinutok ko ang paningin ko kay Paulo na nakaluhod, may luha sa mga mata, at dumudugo na ang likod, pero ng nakitang nakatitig ako ay itinaas nanaman nito ang hinlalaki... Ayos lang daw s'ya.
Humihikbi akong gumapang patungo sa bahay at pinilit na umakyat sa kwarto. Wala akong magawa lagi kundi ang umiyak. Wala akong magawa... kundi ang gustuhin na makaalis dito sa bahay na ito...
Napalingon ako sa gilid ng kama ng may dagang dumaan at may natamaan na kung ano na malapit sa cabinet. Lumapit ako dito ng pagapang at bahagyang naisilip ang nasa likod.
Isang kahon na metal na may gasgas na pinturang pink. May mga litrato rin ni Mickey Mouse na nakaimprinta mismo sa kahon at sa pinakagitna nito ay may maliit na parihabang butas na hulugan ng barya. Isang ipunan na ngayon ko pa lang nakita.
Ginalaw galaw ko ito at saka tumunog ang halatang kakaunti palang na hulog ng barya. Binaliktad ko ang kahon at nasilip ang sulat kamay gamit ang pentelpen na na animong papahikaos na sa tinta.
Tweshun ni Ate sa Calej!
Unti unti ay nabalot ng mga hikbi ko ang buong kabahayan... lalo na ng mapagtantong hindi s'ya nakapag-aral ng highschool para mapagpatuloy ko ang pinapangarap ko na propesyon. Maging teacher...
Ipinikit ko ang mata ko ng may maramdamang hilo. Sumasakit na ang mga natamaan ng latigo at ang kirot ng nabaling tuhod kaya't napahiga akong kipkip ang kahon sa mga braso at niyakap. At sa pinakaunang beses sa tanan ng buhay ko ay pinagdasal ko ang kaligtasan ni Paulo.
Pero nagising ako ng wala ni anino ng kapatid ko ang bumungad sa bahay.
Nagkatotoo nga ang sinabi ni Papa. Pagkatapos noon ay hindi na makakatungtong pa sa Simbahan si Paulo, dahil wala na ito. Wala na ang kapatid ko.
Maliligtas daw siguro s'ya kung hindi lang napakalayo ng ospital sa baryo. Kung hindi lang huli mag responde ang ambulansya at mga pulis... Pero mas maiging sabihin na kung hindi lang may sira sa ulo ang ama namin ay hindi sana namin kakailanganin ng ambulansya, pulis o doktor...
Hindi ko na ito isisisi sa Diyos. Malinaw saakin na S'ya ang rason kung paano nakayanan lahat ni Paulo. Malinaw na kasalanan ng tao ang mga nangyayari sa kanya kanyang buhay nila. Kasalanan ni Papa. Kasalanan ko at ng mga saksi sa pagiging duwag at mahina. At habang buhay akong mag sisisi sa kapabayaan ko.
Ang pinakamasakit ay hindi namin s'ya maburol kung kaya't binenta ni mama ang katawan ni Paulo sa isang paaralan... Ang pinaka kakaibang nakita ng mga doctor ay matagal na daw na may sira sa mga buto sa likod at paa ni Paulo... Dapat ay matagal na s'yang lumpo kung tutuusin. Isang hiwaga sakanila kung paano nalibot ni Paulo ang buong baryo ng naka luhod...
Wala na ito... Hindi ko na s'ya masasama sa pag alis ko... Pero sa pag alis n'ya ay animong ipinasa n'ya saakin ang pananampalataya na hindi ko aakalaing makakamtan ko. Lalo na ng marinig mula mismo sa bibig ni Papa ang pag sisisi ng matandaan n'ya ang huling katagang narinig n'ya mula kay Paulo.
"Totoo ang Diyos, Papa. Dahil kung wala akong Diyos ay hindi ko kakayanin maging kinse..."