Places & Souvenirs - BORACAY...

By JasmineEsperanzaPHR

14.5K 844 62

"Palagi na lang ba tayong ganito? Na pagkatapos ng ilang araw na pagsasama ay magkakahiwalay uli ng landas? K... More

Part 1
Part 2
Part 3
Part 4
Part 6
Part 7
Part 8
Part 9
Part 10
Part 11
Part 12
Part 13
Part 14
Part 15
Part 16 - Ending

Part 5

784 37 2
By JasmineEsperanzaPHR

ULILA na sa ama si Rachel. Hindi na niya nagisnan ang kanyang ama. Ayon sa mama niya, namatay ang papa niya sa isang labanan sa mga rebelde ng gobyerno. Sundalo ito at katunayan ang mga medalya ng kagitingang iniingatan ng kanyang mama. Hanggang sa kamatayan, pagmamahal sa bayan ang ipinakita nito kaya kahit malungkot ang kanyang mama, proud pa rin ito kapag napag-uusapan ang papa niya.

Palibhasa ay hindi masyadong malapit ang mama niya sa partido ng kanyang papa ay mga kamag-anak lamang niya sa mother side ang nakikilala niya. Nang mabiyuda ang mama niya, si Uncle William na ang nakilala niyang imahe ng isang ama.

Matandang binata si Uncle William na nag-iisang kapatid ng kanyang mama. Ito ang tumatayong padre de pamilya sapagkat ang Lola Isabel niya ay mahina na at binawian na rin ng buhay noong grade six pa lamang siya. Buong buhay niya, nasaksihan niya kung paano dominahin ni Uncle William ang pamilya.

Wala naman siyang nakikitang masama roon. Si Uncle William ang lalaki at nakakatanda sa mama niya. Ito rin naman ang breadwinner. Mula kinder school hanggang pagtuntong niya sa kolehiyo ay ito ang tumustos.

Nang maka-graduate siya ng college ay ito rin ang nagdesisyon kung saan siya magtatrabaho. May brokerage firm ito at nais nitong doon na lang siya magtrabaho kaysa mamasukan pa sa iba.

Gusto rin iyon ng kanyang mama. Mabuti na raw na doon nga siya magtrabaho para makaganti maski paano sa mga kabutihang-loob ni Uncle William sa kanilang mag-ina.

Gusto sana niyang tumutol ngunit nahalata niyang wala rin siyang magagawa. Laban man sa loob niya ay doon nga siya nagtrabaho. At dahil araw-araw na nakakasama na niya si Uncle William, nakita niya ang tunay na ugali nito lalo na at pera ang pinag-uusapan.

Hindi nito gustong aalis pa ang pera kung naroroon na sa kanila. Kaya nga magaling ang bibig nito pagdating sa kliyente. Lahat ng kliyente kung maaari lang ay makatrabaho nila, maging maliit o malaking transaksyon man.

Isa na roon si Andrew. Pinakilala ng isang kliyente nila si Uncle William kay Andrew. At sapagkat dati nang naririnig ni Uncle William na big time importer ng designer clothes si Andrew, ganoon na lamang ang pagsisikap ng tiyo niya maka-transact ito sa negosyo.

"Isasama ko si Rachel sa Hongkong," walang abog na wika ni William isang gabing naghahapunan sila.

Kapwa sila nabiglang mag-ina. Nasa tono ni William ang pinalidad at ni hindi ito nanghihingi ng permiso sa kanyang ina.

"Anong gagawin niya du'n?" tanong ng mama niya. "Wala iyang hilig sa shopping. Kaya nga noong ipapasyal mo sana kaming mag-ina doon, hindi na ako tumuloy kasi nga ay ayaw ng anak ko."

"Business, Baby," sagot ni William. "Magtatagal daw sa Hongkong ang importer kaya susundan na lang naming doon. Malaking transaksyon ito kung sakali. At kaysa magsama ako ng ibang empleyado, si Rachel na ang isasama ko. Mabuti na rin iyon para lalo niyang maintindihan ang pasikot-sikot ng kumpanya. Sino pa ba ang magmamana niyan kung hindi siya rin? Sa edad ko namang ito na mahigit nang kuwarenta, wala na akong balak pang mag-asawa." At ngumiti pa ito.

Tila nawalan ng lasa ang kinakain niya. Hindi niya nagustuhan ang kagyat na lamang pagpapasya ng tiyo niya na hindi man lang siya kinonsulta gayong siya ang involved doon. Kahit na nga ba anong paliwanag pa ang idahilan nito sa ina, naroroon pa rin ang pagtutol sa dibdib niya.

"Bukas, unahin mo nang pumunta sa DFA kaysa sa opisina. Kumuha ka ng passport. Teka, authenticated na ba ang birth certificate mo?"

"Hindi pa ho," matabang na sagot ni Rachel.

"Tsk! Sabi ko na kasi sa iyo noong isang araw pa, asikasuhin mo iyan para kung hindi kailan kailangan saka pa lang aayusin," sermon pa nito. "Ipa-under the table mo na. Or better, kontakin mo ang Free Wings Travel. Sa kanila mo na ipaayos ang passport mo. Kailangang makapunta tayo sa Hongkong as soon as possible. Ang sabi sa akin ng secretary niya ay dederetso si Andrew sa Paris para sa latest season collection."



NASA eroplano na sila ng Uncle William niya ay hindi pa rin kabakasan ng excitement ang mukha niya. Walang kuwenta sa kanya kung iyon man ang unang pagsakay niya sa eroplano. O maging unang paglabas man sa bansa. Walang appeal sa kanya ang Hongkong. Kahit na nga ba hindi iilan ang nagsabi na shopping paradise iyon. Hindi siya mahilig sa shopping, in the first place.

"Karisma, Rachel," wika ni Uncle William niya nang makitang hindi naman siya nanonood ng video. "Kailangan iyan sa negosyo que lalaki que babae ang kliyente. At tandaan mo, kahit na hindi mo nagugustuhan ang sinasabi niya, huwag mong ipapahalata. Make them feel they are important kahit na nga ba gusto mo nang duraan ang mukha. Ang itanim mo sa isip mo, maghahatid siya ng pera sa kumpanya."

Hanggang sa magla-landing na lamang ang eroplano ay pawang estilo nito sa pakikipag-transaksyon ang sinasabi sa kanya. Bagot na bagot naman siya.

Unang-una, wala siyang hilig sa linya ng trabaho nito. Ang totoo ay nagbabalak na nga siyang maghanap ng ibang trabaho. Tumitiyempo nga lang siya para makapagpaalam.

Communications Arts graduate siya sa UST. Pangarap niyang maging editor ng babasahin at hindi maging assistant ng custom broker.

Hindi na niya kayang tagalan ang mga under the table transaction na waring normal na sa mundong ginagalawan niya. Legal ang kumpanya ni Uncle William. Legal din naman ang mga pagpapalabas ng kargamento subalit hindi niya maintindihan kung bakit nagkakaroon pa rin ng lagayan.

Paglabas nila ng airport ay nag-taxi silang magtiyo patungo sa hotel na tutuluyan nila. Hindi naman malayo iyon subalit waring pagod na pagod siyang nahiga sa isang kama. Twin bedroom ang kinuha ng Uncle William niya at magkabukod lang sila ng kama. Okay lang sa kanya iyon sapagkat naiintindihan naman niya ang pagiging praktikal ng tiyuhin.

Kunot ang noo nitong tumunghay sa kanya.

"May balak ka bang matulog?" tanong nito. "Ngayon din ang appointment natin kay Andrew Zulueta."

"Huwag na lang kaya akong sumama, Uncle? Wala naman akong alam sa ganyan."

"Kaya ka nga isasama para matuto ka. Tumayo ka na riyan at mag-ayos ka."

Mabigat ang katawan niyang bumangon. Sa halip na sundin ang utos nito ay sinuklay lang niya ang buhok. Wala naman siyang makitang mali sa ayos niya. Slacks na itim at kulay-lumot na sabrina blouse ang suot niya. Bagay sa kanya ang kulay na lalong nagpatingkad sa maputi niyang kutis. Nakalugay ang shoulder length na buhok niya. Pinakintab lang niya iyon sa pamamagitan ng brush at pinolbohan ang mukha.

"Ganito na lang ako," aniya sa tiyo.

Bahagya naman itong tumango. "Siya, mabuti pa'y mauna ka na sa restaurant nitong hotel. Any moment ay maaaring dumating iyon. Para lang kumukulo itong tiyan ko."

"Uncle---"

"Sige na, lakad na. Nakakahiya naman isa man sa atin ay walang siyang datnan doon. At Rachel," tawag pa nito nang makitang patungo na siya sa pinto. "Mahal ang gastos natin dito. Dapat ay masulit ito."

Ang intindi niya ay kailangang magkapirmahan ng kontrata ang dalawa. Wala naman siyang ideya kung paano matutulungan ang tiyo.

Pagbaba sa lobby ng hotel ay kaagad naman niyang nakita ang restaurant. Ngunit bago siya pumasok doon ay naakit pa siya sa malaking kuwadrong nakasabit sa dingding. Doon napunta ang mga hakbang niya at buong paghangang pinagmasdan ang painting ng Chinese culture arts.

"Filipina?" anang tinig na muntik nang magpatalon sa kanya sa labis na gulat.

"Who are you?" tanong niyang nasa tinig pa rin ang pagkabigla.

"Andrew Zulueta. And you?"

Hindi siya agad na nakasagot. Pinakatitigan pa niyang mabuti ang lalaki at halos hindi makapaniwala. Wala sa hinagap niyang ang lalaking kaharap niya ngayon ang ka-appointment ng kanyang tiyo. Ang nauna nang nabuo sa isip niya ay imahe ng isang may-edad nang lalaki.

Ang lalaking nakatayo sa harapan niya ngayon ay hindi malayong maipagkamali sa isang modelo. Matikas nitong nadadala ang itim na dinner jacket at pants. Royal blue ang polo shirt nito. Walang tie at nakabukas pa nga ang dalawang butones upang marahil ay mapreskuhan ang sarili.

At hindi lang pagdadala nito ng damit ang nakakatawag-pansin kung hindi ang mukha nito mismo. Walang dudang dugong-Kastila. Mestizo at matangos ang ilong. Sa taas niyang five-five ay nakatingala pa siya rito. Light brown ang kulay ng mga mata at tila dumidilim iyon kapag gayong sinasalubong ang titig niya.

"Ikaw si Andrew Zulueta?" mangha pa ring tanong niya nang mapansing naghihintay ito ng sagot niya.

"Yes." Confident ang tinig nito. "The painting is beautiful. Hindi ako magtatakang maakit ka. Kaibigan ko ang nagpinta niyan. Half-Filipino," may pagmamalaki pang dagdag nito. Napatingin ito sa relo. "May kausap ako sa loob---"

"Mr. Zulueta," agaw niya.

"Mr. Zulueta?" ulit nitong iniangat pa nang bahagya ang isang kilay. "Call me Andrew. I feel more comfortable with that. Kahit na nga ba parang ipinagkakait mo sa akin ang pangalan mo." And he flashed a friendly smile.

Tila lalo naman siyang naasiwa sa approachable attitude nito. Napalunok pa siya bago nagawang magsalita.

"A-Andrew, I'm Rachel Aranda. Pamangkin ako ni William---"

"William Gonzales," pakli nito. "Siya nga ang kausap ko ngayon. Where is he?" At sa kabila ng friendly tone nito ay humalo na rin doon ang pormalidad. Maging ekspresyon nito ay nakitaan niya ng pagbabago. His face suddenly meant business.

"I'm here!" halos pasugod na lapit sa kanila ni William. Ilang hakbang pa ang layo nito ay nakaunat na ang braso upang makipagkamay kay Andrew.

Nakahinga naman si Rachel nang maluwag. Isinalba siya ng tiyuhin sa pagpapaliwanag kay Andrew.

"Nagkakilala na pala kayo ng pamangkin ko," masiglang wika ni William na tipikal na rito kapag kliyente ang kausap. Ang ngiti ay waring ipinagkit sa mga labi.

Sa mesa ay inuna ni Andrew na mag-order ng pagkain. Mula airport ay hindi pa rin sila kumakain kaya tama lamang marahil na ipagpaliban na muna ang pag-uusap ng tungkol sa negosyo. Iniisip niyang wala naman siyang silbi sa usapang iyon kaya nagpasya siyang magpaalam kay William.

Subalit hindi pa man niya natatapos ang sasabihin ay sumabad na si Andrew.

"First time mo palang mapunta dito. Ililibot kita." At bumaling ito kay William na tila nanghihingi ng permiso.

"You're a busy person, Andrew," sa wari ay nahihiyang wika ni William.

"Yes. But I still have time for such," pakli na nito sa halata namang pagpapakipot ni William.

Nais naman niyang magprotesta. Tila siya dekorasyon lamang doon na walang karapatang pumayag o tumutol man. 

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Continue Reading

You'll Also Like

113K 2.7K 13
Maraming nagawang pagkakamali sa buhay si Katalina, mga pagkakamaling naging dahilan kung bakit kinilala siya ni Gabriel Wharton, ang nag-iisang anak...
169K 3.4K 20
Galit sa paasa si Carol. Lalo naman sa paasa na nga, tumatalikod pa sa responsibilidad. Kaya lagot lang talaga sa kanya si Luis
77.7K 3.3K 21
"Huwag ka nang magtrabaho, Mommy," ungot nito kanina habang nagbibihis siya. "Hindi puwede, anak. Nakakahiya na kay Tito Ariel mo. Siya pa naman...
12.2K 297 33
Mahirap magpapansin sa crush lalo na kung ang crush mo ay isang kagaya ni Scott. Point one, suplado ito. Point two, rakista ito. Point three, maramin...