Places & Souvenirs - BORACAY...

By JasmineEsperanzaPHR

15.7K 860 62

"Palagi na lang ba tayong ganito? Na pagkatapos ng ilang araw na pagsasama ay magkakahiwalay uli ng landas? K... More

Part 1
Part 2
Part 4
Part 5
Part 6
Part 7
Part 8
Part 9
Part 10
Part 11
Part 12
Part 13
Part 14
Part 15
Part 16 - Ending

Part 3

955 52 1
By JasmineEsperanzaPHR

SOMETHING must be wrong somewhere.

Kahit na anong pilig ni Rachel sa ulo niya upang palisin ang isiping iyon ay tila naman lalo pang nagsusumiksik. At bakit hindi? Napakagarbo ng kuwartong ipinagkaloob sa kanya nang lumipat siya sa Boracay Island Hotel. Sinundo pa siya ng dalawang staff nito na tila napakarami ng gamit niyang dapat ilipat.

I'm just a writer, dikta niya sa sarili hindi upang maliitin ang kanyang propesyon bagkus ay nagkukumpara lang palibhasa ang pakiramdam niya ay trato sa isang presidente ng bansa ang ibinibigay sa kanya ng hotel staff.

Minalas niya ang silid na pinagdalhan sa kanya. At sa bawat munting bagay na nakikita niya roon ay tila nais niyang kurutin ang sarili upang magising mula sa isang magandang panaginip.

Elegante ang silid. Sa bathroom pa lamang ay makikita nang de-klase ang bawat gamit. May whirlpool bath at brass ang bathroom fixtures. Kumpleto na rin sa mga mamahaling toiletries. At sa kagaya niyang madaling makuntento ay labis pa sa sapat ang banyo at maisusulat na niya ang kanyang trabaho.

Queen-sized ang kama. Orthopedic mattress at napakalambot ng sapin. Sa labas kung nasaan ang pinaka-sala at kusina ay pawang primera-klase rin ang kagamitan.

Nadaanan ng kanyang tingin ang two-seater sofa na may velvet red upholstery. At sa minsang pagtitig niya ay hindi lamang kaelegantehan ng gamit ang pumasok sa isip niya. Isang eksena ang tila matuling nag-rewind sa alaala niya. At bago pa ganap na mabuo sa isip niya ang eksenang iyon ay mabilis na niya iyong itinaboy.

Iginala pa niya ang tingin sa ibang gamit. Malamig sa mata ang blue-based wallpaper. Paborito niya ang kulay asul kaya napansin niya agad na nadodomina ng kulay na iyon ang buong silid. Halos masculine na ang dating ng silid at tila pinalambot na lamang iyon sa pamamagitan ng mga sariwang bulaklak sa mga flower vase.

Gayunman ay wala siyang maipintas. At hindi lamang iyon. Nang dumungaw siya sa bintana ay ang magandang view ng isla ang tumambad sa kanya. The ambience was indeed relaxing. At ang lahat ng iyon ay matatamasa niya ng libre.

Napapitlag siya nang marinig ang tunog ng intercom. Mabilis niyang sinagot iyon.

"Miss Rachel?" anang tinig. "This is Miss Bennet. Okay na ba sa iyo ang kuwarto?"

"More than okay. This is great," sinserong sabi niya sa manager.

"Salamat naman at nagustuhan mo. Feel free to explore our kitchen, Miss Rachel. Anytime."

"Pababa na rin ako. Thank you so much."

At sa wari ay hinintay talaga ni Miss Bennet ang pagbaba niya kaya ito pa ang mismong lumapit sa kanya nang makita siyang patungo sa front desk.

"The room was lovely, Miss Bennet. Hindi kaya sobra naman ang kuwartong iyon para sa akin?"

"No." Umiling ito. "Inilalaan naming talaga ang kuwartong iyon para sa espesyal na bisita. Kagaya ni Mrs. Saldivar ay magaan din ang loob ko sa iyo. At hindi basta paying guest ang turing namin sa katulad mo. Kung may pagkakataon kang maglibot, we'll provide you a guide."

"I came to this island with a purpose. Isasantabi ko na lang siguro ang pamamasyal."

May panghihinayang na bumadha sa mukha nito. "Walang nagsabi na pangit ang islang ito. At iyon ay nagmula doon sa karamihan na ang nakikita pa lamang ay ang panlabas na bahagi ng isla. Marami pang magandang puntahan dito, Miss Rachel. There's the Bat Cave, for one. At ang Boracay Rock sa east coast. Bihira ang nakakapunta doon kung hindi rin lang nag-a-avail ng banca tour. Kunsabagay, sa parte pa lang na ito ng isla ay kuntento na ang marami."

"Narinig ko na nga iyon," ayon niya. "Actually, pangalawang punta ko na dito. Trabaho rin ang dahilan kaya hindi ko masyadong nagalugad ang mga dapat pasyalan."

"Don't waste your chance this time, Miss Rachel."

"Hindi ko masabi," non-committal na sagot niya. "Uunahin ko muna ang trabaho ko."

"Anyway, ipapakilala nga pala kita sa may-ari nitong hotel. Siya ang mismong nakipag-usap sa boss mo para dito ka na lang tumuloy. At saka siguro dapat ko ring ipaalam sa iyo na siya ang mismong nagbigay sa iyo ng kuwartong tinutuluyan mo ngayon."

"Nasaan siya?" wika niya. "I have to thank h... him or her?"

"Him. Doon ang opisina niya." At dinala siya ni Miss Bennet sa isang panig ng ground level ng hotel.

Bago ang pinaka-opisina ng may-ari ay ang di-kalakihang laki ng receiving room muna. Isang warning knock ang ginawa ni Miss Bennet sa pintong nilapitan nila bago narinig ang tugon sa loob.

"Come in," anang tinig.

Bahagyang napakunot ang noo ni Rachel. Pamilyar sa kanya ang tinig na iyon at hindi nga lamang niya agad na matukoy kung sino ang nagmamay-ari.

Nakatalikod ang lalaking matikas ang tindig. Tila may hinahanap na file sa steel cabinet. Naka-summer attire ito at waring hindi alintana ang lamig na ibinubuga ng aircon sapagkat manipis lamang ang polo na may Hawaiian print.

"Sir Andrew, kasama ko po si Miss Rachel," wika ni Miss Bennet.

Humarap ang lalaki. At ang lukot na nakabadha sa noo ni Rachel ay dagling naplantsa. Ang pumalit doon ay pagkamangha.

Wala namang labis na emosyong lumarawan sa mukha ng lalaki. Tila dinaanan lamang siya nito ng tingin at bumaling sa manager.

"Introductions are not necessary, Miss Bennet. Magkakilala na kami ni Rachel," puno ng kompiyansang wika nito at bumalik sa kanya ang tingin. Walang mababakas na kahit anong damdamin sa tinig nito. Anumang nais nitong ipakahulugan ay tila naipon sa emosyong pumuno sa mga mata. Malamig na tila yelo ang pares ng matang nakatunghay sa kanya.

May palagay si Rachel na namanhid ang mga binti niya sa tinurang iyon ni Andrew. Walang nakapaghanda sa kanya sa muling paghaharap nilang iyon ni Andrew. Sapagkat hindi rin niya inisip na may pagkakataon pa para sila muling magkaharap.

Matagal ang nagdaang mga taon. Ang isang nakaraan sa buhay niya na mag kaugnayan kay Andrew ay pilit na niyang ibinaon sa limot. Ni ang isiping muli itong makikita ay hindi niya pinayagang tumining sa kanyang isip.

Subalit nakaharap siya ngayon sa katotohanan---na muling pinagtagpo ang kanilang mga landas.

At kung may saglit mang inisip niyang balewala lang---kung sakali mang magkita silang muli ay isang malaking pagkakamali.

Andrew was devastatingly attractive as ever. Pinatanda man ng nagdaang mga taon ang anyo nito ay hindi naman iyon nakabawas sa kasimpatikuhang taglay nito. Bakas pa rin sa tayog ng ilong nito ang dugong-Kastila na nananalaytay sa ugat nito. Ang buhok ay itim na itim. Maigsi ang gupit na litaw na litaw ang batok.

At sa wari ay nakabawi na siya sa kabiglaanan. Bumuka ang kanyang mga labi at nag-apuhap ng mga salita.

"Andrew... This is a s–surprise." Surprise! Sa sarili niya ay kulang ang salitang iyon para maiakma sa tunay niyang nararamdaman.

"Indeed a surprise." Gumuhit ang isang ngiti na hindi umabot sa mga mata nito. "It's been a long time. Six years if I'm not mistaken," kaswal na dugtong pa ni Andrew.

"Six years," mahinang sabi niya. "Matagal na pala iyon."

"Had you forgotten?" may halong amusement na wika nito.

Naramdaman ni Rachel ang panlalamig ng kanyang mga palad. Sino ang may sabing nakalimutan na niya? Hindi lamang anim na taon. Anim na taon, isang buwan at dalawampung araw mula nang huli silang nagkita. "No, I hadn't forgotten." At pilit ang ngiting gumuhit sa mga labi niya.

"But, of course. Sa pagkakaalam ko, however unsavory the circumstances, no woman forgets her first---"

"Trip abroad," maagap na agaw niya sa sasabihin nito. Tila dinadamba ang dibdib niya sa labis na kaba. Kinatakutan niyang bigla na lamang isiwalat ni Andrew ang nangyari noon sa harap ni Miss Bennet na walang kaide-ideya kung anuman iyon.

Ilang saglit siyang pinagmasdan ni Andrew bago ito bahagyang tumango ngunit wala sa anyo ang pag-ayon sa tinuran niya.

Pagkabigla rin ang gumuhit sa anyo ni Miss Bennet. Nagtataka pa itong pinaglipat ang tingin sa kanilang dalawa at makaraan ang ilang saglit ay saka ngumiti.

"Nang sabihin ni Sir Andrew na nagkakilala na kayo ay inisip ko agad na dito rin sa Boracay kayo nagkita" sabi ni Miss Bennet. "Nasabi mo na sa akin na hindi ito ang unang pagkakataon na pumunta ka dito, hindi ba? I never thought na sa abroad pa pala kayo nagkita."

"We met in Hongkong," boluntaryong sabi ni Andrew at bumaling uli ang tingin sa kanya. "You were working for your uncle during those times if I remember it right."

Hindi niya alam kung bakit sa pandinig niya ay tila may kahulugan ang tinuran nito. At lalo pang tumining ang pakiramdam niyang iyon nang tumuon pa ang titig nito sa kanya.

Minuto pa lang ang itinatagal ng paghaharap nilang iyon ay waring hindi na niya makakayanan pang makaharap ito. Wala siyang ideya kung bakit ang bawat salita nito ay waring may kahalong pagsumbat sa nakaraan.

Ang alam niya---at pinapaniwalaan pa rin hanggang sa ngayon na siya ang dapat na manumbat dito. Bakit sa mga kilos nito ay waring siya pa ang binabaligtad?

"We were on for some business transaction," sabi niya sa sinisikap na maging kaswal na tinig. "Importing designer clothes, to be specific. I never knew that you own a hotel. Parang malayo yata sa mga negosyong hawak mo noon."

Tipid itong ngumiti. "Pag-aari ito ng pamilya. Ngayon nga lang nangyari na ako ang humawak ng pamamahala. Sabihin na nating naakit ako sa lugar na ito. Very relaxing ang ambience. I could combine here business and pleasure." At muli ay pinukol na naman siya nito ng makahulugang tingin. "Nakita mo na ang kuwartong inilaan sa iyo, hindi ba? I hope you saw in them some little things na nakasanayan ko na noon pa."

Little things. Maliit na bagay nga lamang marahil kay Andrew ang mga eleganteng kagamitan. Sa yaman nito, base na rin sa pagkakaalam niya, pangkaraniwan na sa paligid nito ang mga mamahaling bagay---

The two-seater sofa! Tila siya nagulantang nang pumasok sa isip niya iyon. Minsan ay dinala siya noon ni Andrew sa flat na pag-aari nito sa Hongkong. At ang sofa na naroroon sa kuwartong inookupa niya ay replica ng gamit noon ni Andrew.

And he had kissed her on that sofa. At muli ay naisip niyang kapos na naman ang salitang ginamit niya para iakma sa tunay na nangyari. Paano masasabing hinalikan lamang siya ni Andrew gayong tila nilindol ang katawan niya sa intensidad ng halik nito?

He was just kissing her. His hand stayed on her shoulder and his lips never left hers. Subalit ang epekto ay hindi kasing-babaw lang niyon. Dahil sa halik na iyon ay naramdaman niya kung paano takasan ng lakas ang mga tuhod niya.

At kung hindi marahil sa sofa na inuupuan nila ay malamang na naupos siya sa sahig. At higit sa lahat, dahil sa halik na iyon ay nadiskubre niya ang sariling umiibig kay Andrew who was almost a stranger to her.

"Wala akong maipipintas sa kuwarto," sa halip ay sabi niya sa pinakakaswal na tinig. "Iniiisip ko ngang labis na iyon para sa accommodation ko. I could settle for a standard room," walang halong kaplastikang dagdag pa niya.

"Maia and I had an exchange deal. You deserve that room. Kahit na mag-extend ka pa ng stay, walang problema. I was surprised to know na konektado ka na pala sa isang magazine. All along I believed that you would stay working with William."

"Mahigit apat na taon na ako sa Womanly. Kasali ako sa pioneer employees ng kumpanya," sabi niya at ipinasyang huwag na lamang sagutin ang huling tinuran nito. Malakas ang pakiramdam niyang may halong pasaring iyon at wala siyang balak na patulan.

"It's obvious kung gaano ka ka-loyal sa kumpanya. Bihira ang ganyan na nakapagtiyaga. But then, sa pagkakaalam ko ay iba kang magtrabaho. Hindi mo kinukuwenta ang ginagawa mo." At kinabakasan ng pang-uuyam ang tono nito. "Your commitment to your job invariably extends well beyond the bounds of duty. Four years," anitong tila binalikan sa isip ang sinabi niya. "Ibig sabihin ay ganoon na katagal na hindi ka nagtatrabaho kay William?"

"Yes," tipid na sagot niya.

Tumiim ang mukha nito na tila hindi naniniwala. Anyong magsasalita ito nang tumunog ang telepono.

"Excuse me," mabilis na sabi at dinampot ang aparato. "Hello?... Yes, Mr. Smith, it's me speaking. For a while, please..." At bumaling ito sa kanila. "Miss Bennet, paki-assist mo na lang si Rachel kung anuman ang kailangan niya." Isang sulyap lang ang ginawa nito sa kanya at binalikan na ang kausap sa telepono.

Bago siya tuluyang tumalikod ay tiningnan pa niya si Andrew. Hindi niya alam kung bakit sa tuwing magbabanggit ito ng may kaugnayan sa nakaraan ay tila tinutuya siya nito.

Ngunit kung ang anyo ni Andrew ang pagbabasehan niya ay waring hindi niya malalaman kung bakit. Ni hindi na sila nito inihatid ng tingin. Buhos ang atensyon nito sa kung sinumang Mr. Smith na iyon.

"Mr. Smith is one of the hotel owners here," boluntaryo namang sabi ni Miss Bennet na tila nabasa ang nasa isip niya.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Continue Reading

You'll Also Like

89.4K 1.5K 12
My First Published Novel under Precious Heart Romances. "Walang araw na hindi ko pinangarap na maging akin ka." Mahal na mahal ni Jane si...
169K 3.1K 13
Found You (January 2015) by Yaney Matsumoto "I love you. You're my present and you're definitely going to be my future." Hindi alam ni Marla kung mat...
212K 4.9K 11
Walong taon na ang nakaraan nang iwan ni Tricia si Rafael nang walang paliwanag para manirahan sa Amerika. At ngayong nagbalik siya, ang tanging gust...
193K 4.4K 31
"At kung tatanggapin mo ako, please accept the wine. Puwedeng masama ang lasa nito ngayon, but it will get better with aging. Tulad natin. We may arg...