Nagpasiya kami na lumabas ni Taehyung ng palasyo kasama si Ginoong Sunghyun at Jisoo upang magtungo sa dalampasigan.
Nanabik ako na magtungo roon sapagkat matagal-tagal na rin mula ng ako'y nakapunta roon.
Nagsuot kaming apat ng mga kasuotan ng pangkaraniwang mamamayan lamang upang malaya kaming makagala-gala sa labas ng palasyo at magawa ang aming mga naisin.
Ngunit may kakaiba sa aming kasuotan ni Taehyung na mababatid niya maya-maya kung bakit kaming dalawa lamang ang naiiba.
Bago kami makalabas ng palasyo ay nakita namin si Ginoong Seojoon na naglalakad-lakad kaya siya'y aming nasalubong.
"Magandang umaga po, Ama.", pagbati ni Taehyung sa kaniya pagkatapos niyang magbigay galang at nagbigay galang din si Jisoo sa kaniya pagkatapos.
"Magandang umaga rin, anak. Saan kayo patutungo?", mahinahon niyang tugon.
"Mamamasyal lang po kami ni Prinsipe Jungkook kasama po si Jisoo at Ginoong Sunghyun. Sa dalampasigan po kami patutungo, Ama. Wag po kayong mag-alala sa'kin. Kasama ko naman po sila.", magalang na sambit ni Taehyung habang siya'y nakangiti.
"Hindi ko hahayaan na mawala po siya sa aking tabi, Ginoo. Pinapangako ko.", nangako ako kay Ginoong Seojoon upang hindi na siya mangamba at payagan niya si Taehyung na makasama ko sa labas.
Napasinghap si Ginoong Seojoon tsaka siya tumango at ngumiti na lamang.
"May tiwala ako sa inyong dalawa kaya naman pahihintulutan ko na kayo.", pag-sang ayon niya kaya napatakbo si Taehyung sa kaniya upang yakapin ng mahigpit.
"Salamat po, Ama. Di po ako magpapasaway, pangako. Magbe-behave lang po ako.", masayang-masaya na sambit ni Taehyung kay Ginoong Seojoon sabay halik sa pisngi nito at yakap ulit ng mahigpit.
Bahagya namang natawa si Ginoong Seojoon dahil sa kakulitan ng kaniyang anak kaya maging ako ay napangiti rin.
"Paalam po, Ama.", masayang paalam ni Taehyung sa kaniya kaya naman nagpaalam na rin ako.
Paglabas namin ng palasyo, sa kabilang gilid kami ng eskinita dumaan upang walang makaalam na sa palasyo kami nanggaling.
Nang nakarating na kami malapit sa pamilihan kung saan maraming tao, napansin ko na baling ng baling ang ulo ni Taehyung kung saan-saan.
Mukhang mayroon siyang hinahanap.
"Ano ang iyong suliranin, Taehyung? Mayroon ka bang hinahanap?", aking katanungan.
"Naalala ko lang po kasi na dito ko po nakita yung kawangis po ng tunay kong Ama.", bakas sa kaniyang mga mata ang pananabik sa kaniyang Ama kaya naman bahagya siyang nalungkot.
"Tangi? Sinamahan mo ako ngayon rito sa labas upang makalimot pansamantala sa mga bigat ng kalooban dahil sa nangyayari sa loob ng palasyo. Huwag mo na munang isipin ang tungkol sa iyong tunay na Ama at maging masaya na muna tayo. Maaari ba?", pabulong ko na tugon kay Taehyung sapagkat kay raming tao ang nakapalibot sa amin.
Hindi ko naman nais na pigilan siya sa pagdadalamhati niya dahil sa kaniyang tunay na Ama.
Ang nais ko lang naman ay maging masaya lamang kami ngayong mga sandaling ito habang kami ay magkasama.
"Sige po, kamahalan. Patawad po.", mahinahon niyang tugon.
Hinaplos ko ang kaniyang ulo tsaka siya nginitian.
"Pagbubuklod niyo na lamang talaga ang hinihintay ko.", biglaang sambit ni Ginoong Sunghyun kaya naman nabaling ang paningin namin ni Taehyung sa kaniya.
Mayroon kaming binabalak ni Ginoong Sunghyun na kaming tatlo lamang ang nakakabatid sa aming apat na magkakasama.
"Nalalapit na, Ginoong Sunghyun. Sandaling panahon na lamang.", pagsasalita ko ng tapos kaya naman napatingin si Taehyung sa akin bigla, "Tama ang iyong narinig. Sa harapan mismo ni Bathala, pakakasalan kita."
Nalungkot na lamang si Taehyung tsaka siya napayuko ng bahagya.
"Bakit? Hindi mo na ba nais na.. na maikasal sa akin?", aking mga katanungan tsaka siya umiling.
"Gustong-gusto ko. Napapaisip lang ako kapag.. wala na 'ko dito. Wala na 'ko sa palasyo. Paano ka na?", pabulong niya na tugon sa akin.
"Huwag mo akong isipin, minamahal ko. Ang mahalaga ay ikaw ang maibubuklod sa akin at wala ng iba pa.", pagpapagaan ko ng kaniyang kalooban kaya naman napatingala na siya at tumingin sa aking mga mata habang nakangiti.
"Nawa'y lahat? Pangarap ko rin na maibuklod sa taong aking iibigin ngunit hindi para sa akin ang magkaroon ng mapapangasawa.", salaysay sa amin ni Jisoo kaya naman hinagod ni Ginoong Sunghyun ang kaniyang likuran.
"Bakit naman? Labis naman ang iyong kagandahan at kabaitan. Nakatitiyak ako na kapag natapos niyo na ni Taehyung ang inyong tungkulin, may ipagkakaloob rin sa iyo ang mahal na Bathala na isang tao na magmamahal sa iyo. Huwag kang mawalan ng pag-asa.", pagpapagaan ni Ginoong Sunghyun ng kaniyang kalooban.
Napangisi na lamang si Jisoo sa sinambit ni Ginoong Sunghyun sa kaniya.
Nakarating na kami sa dalampasigan at pinagmasdan ang asul at napakalinaw na karagatan.
"Kay ganda talaga ng karagatan na ito. Nakakagaan ng pakiramdam ang simoy ng hangin rito, ano?", aliw na aliw si Ginoong Sunghyun sapagkat ngayon na lamang siya muling nakabalik rito.
Palagi na lamang kasi siyang nasa loob ng palasyo.
Nagtungo kami ni Taehyung sa likod ng malaking bato kung saan niya ako unang natagpuan noong gabi na nasaksihan niyang narito ako.
"Sa sandaling matapos na ang iyong tungkulin sa akin at wala ka na sa loob ng palasyo, dito tayo magkikita araw-araw, maaari ba?", pakiusap ko sa kaniya na dahilan ng kaniyang pananahimik, "O kung nais mo naman ay.. ipauubaya ko na kay Jaehyun ang trono bilang susunod na Hari ng bayang ito? Unti-unti ko na kasing napagtatanto na hindi ko na kinakailangan pa na maging hari upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Ina at Amang Hari. Hindi ko na rin kailangan pa na makilala bilang Hari upang maibalik ang dating bayan ng Albirea."
Napasinghap ako at napatingala sa kalangitan.
"Sapat na sa akin ang maging kanang kamay ni Jaehyun sa sandaling mawala na sa trono si Junghoon. Magtutulungan kami na maibalik sa bayan ng Albirea ang mga mamamayan na napalayas. Nais ko rin na kupkupin ang maliit na bayan ni Reyna Sohyun at pagagalingin silang lahat sa mga karamdaman na laganap roon. Karapat-dapat rin naman silang mamuhay gaya natin. Kung batid lamang ni Amang Hari ang patungkol sa kaganapan sa bayang iyon, nalunasan na agad sila.", pagpapatuloy ko ng aking salaysayin.
Nilihim kasi ni Reyna Sohyun ang patungkol sa kaniyang naiwang bayan na sinabi niyang tuluyan ng nabura, ngunit ayon sa aking nabasa sa isang aklat, namumuhay pa ang mga mamamayan roon ngunit walang ni isa man sa kanila ang lumalabas ng bayan o tumatakas sapagkat may malala silang mga sakit.
"Hindi, kamahalan. Magiging hari ka. Ikaw yung karapat-dapat na maging hari ng bayan na 'to. Hindi sa wala akong tiwala kay Prinsipe Jaehyun, ngunit mas makakatiyak kaming lahat na malalagay na sa tahimik at maayos na pamumuhay yung bayan na 'to kapag ikaw na yung nakaluklok. Wag mong bitawan yung hangarin mo na maging Hari dahil lang sa'kin. Hindi po ako papayag.", katwiran niya.
"May tiwala ako kay Jaehyun, Taehyung. Batid ko na magkatulad lamang kami ng mga layunin kaya naman walang suliranin sa akin kung siya ay maluklok bilang Hari ng bayang ito. Sa sandaling maging Hari na siya ay maaari na kitang makasama sa labas ng palasyo at mamumuhay tayo bilang magkabiyak.", malambing ko na sambit sabay haplos sa mukha ni Taehyung.
Sumilip ako sa labas ng malaking bato ngunit sandali lamang tsaka ko binalik ang aking paningin kay Taehyung.
"Tangi? Handa ka na ba talaga na ako'y iyong maging kabiyak? Handa ka na ba talaga na maibuklod sa akin? Hindi kita pipilitin kung hindi ka pa handa at gagalangin ko ang iyong pasya, maniwala ka. Sagutin mo lamang ang aking katanungan.", mga katanungan ko na nagbigay liwanag sa kaniyang mga mata.
"Ano bang klaseng tanong 'yan? Syempre, handang-handa ako, kamahalan. Wala na rin po akong ibang nakikita na makakasama ko panghabambuhay. Ikaw lang yung nag-iisang tao na gusto kong mapangasawa kasi ikaw lang yung mahal ko, at pipiliin kong mahalin sa araw-araw.", namumugto ang kaniyang mga mata nang siya ay tumugon sa akin.
Maging ako ay namugto na ang mga mata dahil sa kaniyang mga sinambit.
Ako ang pipiliin niya na mahalin sa araw-araw?
Ngayon pa lamang ay hindi na ako makapaghintay na makasama siya bilang isang aking asawa.
"Halika? Samahan mo ako.", niyaya ko siya na lumisan na kung na saan kami.
Inalalayan ko siya sa pagtayo hanggang sa makalabas kami sa likod ng malaking bato kung saan kami nakaluklok.
Paglabas namin sa malaking bato, natahimik si Taehyung at napatingin kina Ginoong Sunghyun at Jisoo.
Narito rin si Ginoong Seojoon na hindi batid ni Taehyung na sumunod sa amin.
Mayroong mga talulot ng mga bulaklak ang nakakalat sa aming dinaraanan kaya naman mas lalong naguluhan si Taehyung.
"A-anong.. meron? Bakit-", pinutol ko ang mga katanungan ni Taehyung nang hawakan ko ang kaniyang kamay.
"Isuot mo ito, Taehyung.", isinuot ni Jisoo kay Taehyung ang putong ng bulaklak, "Binabati kita. Binabati ko kayo ng mahal na Prinsipe.", nakangiting sambit ni Jisoo kaya naman labis na nagulumihanan si Taehyung at nabaling ang kaniyang tingin sa akin.
"Simulan na natin ang seremonya.", sambit ni Ginoong Sunghyun.
Lumabas na ang magkakasal sa amin at nagtungo na siya sa aming harapan ni Taehyung.
"K-kamahalan..", hindi makapaniwala si Taehyung sa kaniyang nasasaksihan, "T-totoo po ba 'to?", naluluha na siya sa labis na kagalakan.
"Kailan pa ako nagbiro, minamahal ko?", aking tugon.
"Hindi ba prank 'to? Baka mamaya may camera na dito?", hindi ko na naman siya maunawaan.
"Simulan na natin ang inyong kasal, mahal na Prinsipe, Taehyung.", sabat sa amin ng magkakasal sa amin.
Matagal ko ng napagpasyahan ito, at matagal ko ng nakausap si Ginoong Seojoon patungkol rito.
Noong una ay hindi siya sang-ayon, ngunit nagbago ang kaniyang isip sa hindi ko batid na dahilan.
Napanukala ko na rin ito kay Ginoong Sunghyun at Jisoo matagal na, kaya batid na nila ang patungkol rito.
Nais ko na maging kabiyak si Taehyung bago dumating ang pagdurugo ng buwan.
Bago dumating ang susunod at huling digmaan na magaganap sa aming bayan laban sa bayan ng Arcturo.
Wala man kami ngayon sa silid-kasalan, ngunit para sa akin ay mayroon na itong basbas ng makapangyarihang Bathala.
Nasambit na niya ang nararapat niyang masambit kaya naman panahon na upang magbitaw kami ni Taehyung ng aming mga pangako at sumpaan sa isa't-isa na galing mismo sa aming mga damdamin at mga puso.
Magkaharap kami ni Taehyung at hindi na niya mapigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha.
"Sa totoo lamang, wala sa aking balakin sa buhay ang umibig at magkaroon ng kabiyak. Hindi ko makita noon ang aking sarili na mayroon akong makakatuwang sa habambuhay sapagkat lubos akong natatakot sa pag-ibig, dahil ang pag-ibig ay walang labis na katiyakan. Hindi ba't nakakatakot ang isang bagay kung hindi ka nakatitiyak rito? Ngunit mula ng ikaw'y aking makilala, napagtanto ko na mas nakakatakot kung pinili mo na hindi magmahal.", panimula ko ng aking panimulang sumpa.
Ngumiti ako habang nakatitig sa mukha ng aking magiging kabiyak.
"Sapagkat sa pagmamahal, hindi mo naman kinakailangan ng labis na katiyakan. Basta ikaw'y nasa aking tabi at naririto ka, sapat na sa akin, tinatangi ko. Maging mapayapa man o dumating ang kahindik-hindik na digmaan, walang sino man o ano pa man ang makakapaghiwalay sa atin. Gaya ng iyong sinambit kanina, ikaw ang aking mamahalin at pipiliin sa araw-araw. Handa akong i-alay ang lahat para sa iyo, kapalit man nito ang aking buhay at hininga. Iingatan at aalagaan kita.. hanggang sa ating pagtanda.", hindi ko na napigil ang pagpatak ng aking mga luha habang sinasalaysay ko ang aking panunumpa kay Taehyung.
Napayuko na lamang si Taehyung habang siya'y labis na tumatangis.
Pagtingala niya, nagbuntong hininga siya ng napakalalim upang pigilan ang kaniyang pagtangis at pakalmahin ang sarili.
"K-kamahalan? Noong una tayong.. nagkatagpo, hindi ko inaasahan na.. na makakasundo at mamahalin kita. Hindi ko rin.. inaasahan na magbabago yung.. yung tibok ng puso ko.. p-para sayo. Ikaw lang yung nakapagparamdam sa'kin.. na ligtas ako.. sa tuwing kasama kita. Na walang sino man yung.. mananakit sa'kin hanggat.. ikaw yung nasa tabi ko. Panatag ako palagi.. makita ko pa lang po kayo. Alam kong hindi.. hindi 'to dapat.. pero hindi ko kakayanin na pakawalan ko pa.. yung nag-iisang tao na nagparamdam sa'kin ng sobrang pagmamahal, at pagbibigay sa'kin.. ng labis na katiyakan.", mga panunumpa ni Taehyung tsaka niya pinunasan ang kaniyang mga luha.
Huminga muna siya ng panandalian bago niya ituloy ang kaniyang sinasalaysay.
"Kaya ipinapangako ko na simula ngayon, at sa mga nalalabi ko pang panahon dito na kasama ka.. mamahalin kita.. ng walang ano mang pangamba at takot. Kukunin ko ang mga kamay mo.. hahalikan at hahagkan kita.. upang maipadama ko sayo yung.. pagmamahal ko. Sabay nating.. haharapin ang lahat ng mga pagsubok. Mamahalin kita.. hanggang sa mga nalalabing panahon na mayroon ako.", mga panunumpa niya na labis na nakapagpaluha sa akin.
"Mamahalin kita maging sino ka man sa ngayon, at maging sino ka man sa hinaharap. Maging ang kamatayan ay hindi tayo mapaghihiwalay.", mga huli kong panunumpa tsaka ko hinawakan ang kaniyang mga kamay.
"Maging ang kamatayan.. ay hindi tayo.. mapahihiwalay.", madamdaming sambit ni Taehyung bilang panapos sa kaniyang panunumpa.
"Sa harap ng makapangyarihang Bathala, kayo ay binabasbasan ko upang pagbukludin. Ngayong araw na ito, ganap na kayong magkabiyak na binigyang basbas ng mahal na Bathala sa kalangitan. Binabati ko kayo.", panapos ng nagkakasal sa amin tsaka nagpalakpakan sina Jisoo, Ginoong Sunghyun at Ginoong Seojoon.
Labis ang aking galak at pagluha sapagkat ito na ang araw na aking pinakahihintay.
"Mahal na mahal kita, at habambuhay kitang mamahalin, asawa ko.", sa wakas ay nasambit ko na sa kaniya ang katagang asawa na matagal ko ng gustong itawag sa kaniya.
"Mas mahal kita. Mahal na mahal, asawa ko.", nagagalak na sambit ni Taehyung sa akin habang patuloy ang pag-agos ng kaniyang mga luha at siya ang unang humalik sa akin.
Tumugon ako sa kaniyang halik tsaka niya ako niyakap ng mahigpit habang tumatangis.
"I love you so much, mister ko.", pabulong niyang sambit sa akin habang yakap-yakap ako, "Asawa na kita. Asawa na talaga kita.", hindi talaga siya makapaniwala.
"Sa atin na ang isa't-isa at iisa na lamang tayo.", malambing kong tugon tsaka siya kumalas sa pagkakayakap sa akin.
Kitang-kita naming dalawa ang labis na galak nina Ginoong Sunghyun at Ginoong Seojoon, habang si Jisoo naman ay inihahagis ang talulot ng mga bulaklak sa hangin.
Kung ano man ang magaganap sa araw ng bukas sa aming mga binabalak na pagpapabagsak kay Junghoon, ito lamang ang nakatitiyak ako.
Wala ng makakapagbukod sa amin ni Taehyung at kasangga na namin ang isa't-isa sa lahat ng pagkakataon.
Ano man ang magiging kaparusahan na aking tatanggapin sa pakikipagtipan sa aking mananalaysay at ngayon ay kabiyak ko na, malugod ko itong tatanggapin.