Like A Boat Tossed On The Rag...

By RGFilipina

301 16 6

January 19, 2022 - More

Like A Boat Tossed On The Raging Seas
Paciana

Gideon

65 6 1
By RGFilipina

GIDEON

PUTOK NG baril ang gumising sa akin sa madaling araw. Hirap pa akong iangat ang sarili dahil sa antok. Nawala lang ito nang tuluyang makabangon.

Tumayo ako at hinarap ang bintana para silipin ang tanawin sa labas. Kulay asul pa ang kalangitan, hudyat na papasikat pa lang ang araw. Hindi ko alam kung bakit sa ganitong oras niya naisipang lumabas at magpaputok ng baril na para bang wala siyang maiistorbong tao.

Nagsuot ako ng t-shirt bago lumabas ng kuwarto. Walang ilaw sa buong bahay pero dahil sa mga nakahawing kurtina sa bintana, pumapasok ang kaunting liwanag galing sa asul na kalangitan.

Nang tuluyang makalabas ng bahay, naabutan ko si Papa na nilalagyan ng bala ang kanyang baril. Mabuti na lang talaga malayo kami sa ibang mga bahay dahil simula nang mamatay ang kapatid ko at si Mama, mas pinili ni Papa na manirahan kami sa gubat.

May dahilan siya kung bakit iyon ang naging desisyon niya. Gusto raw niyang makalimot sa trahedyang nangyari ilang taon na ang nakalipas. Ngunit dahil kilala ko siya, hindi ako naniniwala roon. Kung gusto niya talagang makalimot, hinding-hindi siya titira sa lugar malapit sa mga taong sumira sa pamilya namin.

Matanda at mahina na si Papa kaya wala na siya sa serbisyo. Naglalakad na nga siya nang may baston dahil hindi na niya kayang i-balanse nang matagal ang sarili kapag naglalakad. Ngunit kahit gano'n, ayaw pa rin niyang mangalawang sa mga natutunan niya noong sundalo pa siya. Kaya kahit mahina na, nag-e-ensayo pa rin siya.

"Ang aga naman niyan," sabi ko dahilan upang matigilan siya sa ginagawang pagpapaputok para lingunin ako. Sandali lang iyon dahil agad niya ring binalik ang sarili sa ginagawa. Ngumisi ako at tumabi sa kanya, hindi inalintana ang lakas ng putok ng baril dahil sanay na. "Huwag mong sabihin na inuna mo ito kaysa sa umagahan?"

"Parang hindi ka pa sanay," aniya nang hindi nilulubayan ng tingin ang target na babasaging bote. "Mabuti na ring gising ka na dahil may pasok ka pa, 'di ba?"

"Mamaya pa." Pinulot ko ang mga nagkalat na bala na nasa katabing monobloc chair at pinaglaruan ito. "Hindi ko nga lang alam kung sa gubat ako i-a-assign ngayong araw."

Huminto siya sa pagpapaputok upang balingan ako. Nanatili naman akong abala sa paghagis at pagsalo ng bala sa ere.

"Bakit?"

"Hindi pa tapos ang pagbigay ng mga donasyon sa nasalanta ng bagyo. Doon muna yata ako para tumulong."

"Kaya na ng iba 'yan!" reklamo niya kasabay ng pagharap niya sa akin, tuluyan nang tinalikuran ang mga bote. "Sa gubat ka dapat, nagbabantay sa mga rebelde."

Bahagya akong natawa. "May gumagawa rin niyan na ibang sundalo kaya huwag kang mag-alala."

Hindi siya nagsalita kaya tinigil ko ang ginagawang paglalaro upang balingan siya. Masama na ngayon ang tingin niya sa akin na para bang dismayadong-dismayado siya sa desisyon ko.

Hindi ko naman ginusto 'yon. Wala rin naman ako sa posisyon para magreklamo kung saan ako i-a-assign.

Umiling siya at muling hinarap ang mga target na bote para patamaan ito. Humalukipkip ako habang pinagmamasdan ang mas agresibo niyang kilos. Kung kanina'y kalmado pa siya, ngayo'y malapit na akong maawa sa mga boteng tinatamaan niya dahil dinudurog niya ito nang pinong-pino.

Kahit hindi sabihin ni Papa, alam ko ang nararamdaman niya. Alam ko kung bakit siya dismayado, gaya ng kung paanong alam ko kung bakit kami nandito. Kung bakit imbes na tumabi kami sa ibang tao, nandito kami sa gubat nakatira na para bang nagtatago.

Alam kong hindi pa rin niya matanggap ang pagkawala ni Mama at ng kapatid ko. Ilang taon na ang nakalipas pero sa bawat araw na dumadaan, nakikita at naririnig ko ang hinagpis niya para sa hustiyang hindi namin nakuha.

Namatay si Kuya Giovanni dahil sa isang engkuwentro. Inuwi ang bangkay niya na may sampung tama ng bala. Hindi iyon kinaya ni Mama kaya nagpakamatay siya. Nadatnan siya ni Papa na nakahandusay sa kuwarto habang may hawak na isang bote ng gamot.

Wala akong nagawa noong mga panahong matindi ang pinagdadaanan ng pamilya ko. Nasa training ako noon, at si Papa lang ang nag-asikaso kay Mama. Hindi ako makauwi kaya si Papa ang nakasaksi ng lahat.

Kaya naiintindihan ko ang galit na namumutawi sa kanya ngayon, kahit ilang taon na ang lumipas. Ngunit wala na yatang mas titindi pa sa galit ko dahil kahit kasama ko si Papa, pakiramdam ko'y parang nawala rin siya. Hindi na siya katulad ng dati. Nawala na ang sigla niya sa lahat. Pakiramdam ko'y nawala rin siya kasama nina Mama at kuya.

"Maghahanda na ako," sambit ko na hindi niya pinansin. "Hindi ko alam kung maaga ako makakauwi mamaya."

Hindi pa rin siya nagsalita kaya tinalikuran ko na lang siya at tahimik na pumasok sa bahay.

Naligo, nagbihis, at nag-ayos muna ako ng gamit bago umalis at magtungo sa headquarters. Hindi na ako nakapagpaalam kay Papa dahil hindi ko na siya makita sa buong bahay. Siguro'y nagtungo siya sa kakahuyan, gaya ng palagi niyang ginagawa.

Pagdating sa headquarters, hindi na ako nagulat nang makita ang mga sasakyan namin na may lamang donation na dadalhin sa mga nagsilbing evacuation center. Nangunguna sa pag-command doon si First Lieutenant Venancio Azucena. Sinisiguro niyang tama ang bilang at tama ang mga donasyon na pinapasok doon.

"Sumama ka na sa kanila, Raza," aniya sa akin nang mapadaan ako sa gilid niya, papasok pa lang sana sa loob ng headquarters. Hinawakan niya ang balikat ko kaya wala akong nagawa kundi humarap nang maayos. "Ang sabi ni Cardenas, kulang daw sila roon sa covered court dahil sa dami ng tao. Nandoon daw kasi ang vice mayor."

Kumunot ang noo ko. Gusto niyang pumunta ako sa covered court para tumulong, o para bantayan ang vice mayor?

Mabigat niyang tinapik ang balikat ko kaya kinailangan kong tibayan iyon. "Sige na, nandoon na raw ang mga volunteers kaya mas lalong dumami ang mga tao."

Pinakawalan niya ako at nilagpasan nang hindi manlang hinihintay ang tugon ko. Gusto ko sanang subukan sabihin na sa gubat na lang ako para magronda pero hindi niya binigay sa akin ang pagkakataong 'yon. 

Wala tuloy akong nagawa kundi pumasok sa headquarters para iwan doon ang gamit ko, at lumabas ulit para sumama sa sasakyang puno ng donasyon.

Habang nasa byahe, nakatingin lang ako sa mga sundalong kasama ko na tipid na nag-uusap tungkol sa karanasan nila noong humagupit ang bagyo rito sa Santa Lila. May mga nawalan ng bahay, inanod ang mga ari-arian, nasira ang maliit na hanap-buhay, at kung anu-ano pa.

Masasabi kong naiintindihan ko ang pinadaanan nila dahil naapektuhan din ang bahay namin noong nabagsakan kami ng malaking puno. Ngunit dahil matibay at malaki ang bahay, hindi ito nasira nang tuluyan gaya ng naranasan nila.

Nakatira man kami sa gubat, siniguro pa rin ni Papa na kayang sumangga ng bagyo o kahit anong unos ang bahay namin.

Ilang sandali pa'y huminto ang sasakyan sa tapat ng covered court. Tama ang sinabi ni First Lieutenant Azucena noong sinabi niya na maraming tao rito. Kung hindi kami dumating, siguradong magkakagulo ang mga evacuees dahil walang maayos na pila, at hindi lahat ma-e-entertain dahil kulang ang mga volunteers.

"Raza!" maligayang bati ni Paolo Cardenas, isa sa mga kasamahan kong sundalo. Masyadong malakas ang boses niya kaya kinailangan kong tumingin sa paligid para masigurong hindi ito umagaw ng atensyon. "Akala ko hindi ka sasama?"

"Kung puwede lang," sabi ko bago harapin ang mga kahon. "Tumulong ka na rito."

"Aye, aye, captain!"

Pinagtulungan namin ibaba ang mga kahon galing sa sasakyan, at isa-isa namin itong pinasok sa loob ng covered court. May mga volunteers na lumapit sa amin para tumulong ipamahagi ito nang maayos sa mga tao.

"Sir!" Mula sa 'di kalayuang lamesa, narinig namin ang tawag ng isang matandang lalaki habang nakatingin sa amin ni Cardenas. Nakita kong balak puntahan iyon ng kasama ko ngunit inunahan ko na siya at sinenyasan na ipagpatuloy na lang ang ginagawa.

Nilapitan ko ang lamesa kung nasaan ang matandang lalaki. Sa tingin ko, mga volunteers din sila dahil puno ng pagkain at mga donasyon ang kanilang puwesto.

"May problema po ba?" tanong ko kahit wala naman akong nakikitang problema. Mukha ngang nagkakasayahan sila rito habang namimigay ng kung anu-ano sa mga tao. May isa kasing lalaki na kumakanta sa gilid habang may hawak na gitara, tila kinakantahan ang mga evacuees.

"Magpapatulong lang sana kami na ipamigay ito sa mga tao roon sa sulok. Kulang kasi kami dahil ang iba'y tumulong sa medical team."

Tinuro niya ang dalawang babae na nagsasandok ng pagkain, at sila rin ang nagbibigay no'n sa mga tao. Mukha silang pagod dahil sa dobleng ginagawa.

"Sige po, tutulong ako."

Ngumiti ang matanda at magalang na yumuko. "Maraming salamat po, sir."

"Gideon na lang po," pakilala ko dahil hindi ako sanay na tinatawag ng gano'n. Hindi naman mataas ang ranggo ko kaya ayos na sa akin ang matawag sa pangalan.

"Pastor Edwin naman ako," wika niya sabay lahad ng kamay. "Nagagalak akong makilala ka, hijo."

Tumango ako at ngumiti. "Ako rin po, pastor."

Nilapitan ko ang mga kababaihang naghahanda ng pagkain. Inalok ko ang aking tulong na malugod naman nilang tinanggap.

"Drystan, mamaya na 'yan!" sabi ng babaeng kausap ko sa lalaking kumakanta sa gilid kasama ang mga kaibigan nito. "Tulungan n'yo muna itong si sir na magdala ng pagkain sa mga hindi nabigyan kanina. Puro kayo kanta riyan, eh!"

Napakamot sa ulo si Drystan bago tinapik ang kanyang kaibigan na nakaupo sa beat box, at ang lalaking may hawak na librong sa tingin ko'y puro lyrics ang laman. 

"Tara na! Ituloy na lang natin mamaya."

Wala silang nagawa kundi iwan ang mga instrument na hawak at lumapit sa amin. Apat kaming inutusan na ibigay ang mga pagkaing hinanda sa mga evacuees na hindi raw nabigyan kanina.

Sinunod namin ang utos na 'yon. Habang tumatagal, nakikita ko ang itsura ng mga lalaking kasama ko na napapagod na. Hindi lang kasi pagbibigay ng pagkain ang nagagawa namin kapag lumalapit kami sa mga evacuees. Tumutulong din kami kapag kinakailangan nila ng tulong sa iba pang bagay gaya ng pag-aayos ng kanilang matutulugan, mga matandang hirap kumilos, at kung anu-ano pa.

Sa kalagitnaan ng lahat ng iyon, hindi ko napigilang mapatingin sa labas ng covered court para sulyapan ang mga kasamahan kong hindi pa rin tapos sa pagbubuhat ng mga kahon. Ang iba sa kanila'y nagkumpulan na roon dahil may mga tao na pilit pa ring pumapasok para makita at makausap ang vice mayor.

Nalipat tuloy ang tingin ko sa puwesto ni Vice Mayor Lucio Manalo kasama ang kanyang pamilya. Doon ko lang napansin na ang suot nilang t-shirt ay katulad sa mga volunteers na tinulungan ko: si Pastor Edwin, ang babaeng kausap ko kanina, at si Drystan kasama ang kanyang banda.

Nang masigurong nabigyan na ang lahat ng pagkain, bumalik na ako sa puwesto nila Pastor Edwin. Naabutan ko siyang kausap ang iba ring mga sundalo na dahan-dahang binababa ang kahon sa harap niya.

"Ito na po ba lahat 'yon?" tanong ni Pastor Edwin sa mga sundalo.

"Opo, pastor. Pasensya na't marami ito. Hindi na raw kasi kaya ng kabila na magbahagi dahil kulang din sila sa tao."

"Tapos na rin namang mamigay ng pagkain kaya ayos lang," sabi ko dahilan upang mapatingin sila sa akin. "Marami pang kahon sa loob ng sasakyan, 'di ba?"

"Oo, Raza. Kanina pa nga roon si Cardenas. Nagmamadali rin siyang ibaba ang mga kahon dahil pinatawag siya sa ESU para tumulong. Kulang din kasi sa tao. Ayaw naman ni sir na magbawas ng sundalo sa gubat."

Tumango ako bago hinanap ang kinaroroonan ni Cardenas sa bukana ng covered court. Kaya lang, imbis na siya ang mahanap ko, iba ang nakita ko.

Pumasok ang isang babaeng ibang-iba ang postura sa lahat. Hindi siya nakasuot ng t-shirt gaya ng mga volunteers dito. Hindi rin siya mukhang pagod gaya ng mukha ng mga volunteers dito. Kung titingnan, wala siyang pinagkaiba sa mga babaeng nakilala ko. Maganda siya, at hindi ako madaling madala sa mga babaeng maganda lang. 

Hindi ko lang alam kung bakit nang makita ko siya, iba ang naramdaman ko.

Ang pagpasok niya ay parang pagbaba ng isang anghel sa lupang puno ng galit, kasalanan, at kasamaan. Ang mukha niyang maganda ang nababalutan ng ka-inosentehan. Mas lalo pang nangibabaw iyon dahil sa suot niyang puting bestida at nakalugay niyang itim at mahabang buhok.

Ang mga mata niya'y mapupungay, ngunit puno ng takot sa mga taong nakapaligid sa kanya. Para siyang diwata na bigla na lang sumulpot para magbigay ng ginhawa sa mga tao.

"Gano'n ba?" boses ni Pastor Edwin ngunit nanatiling diretso ang tingin ko sa babaeng nakatayo sa bukana. Natutukso akong lapitan siya ngunit kapag naiisip kong gagawin ko 'yon, parang hindi dapat. Parang matatakot siya sa akin. "Sige po, kami na ang bahala riyan. Matutulungan mo ba ulit kami, hijo?"

Alam kong ako ang kausap ni Pastor Edwin pero dahil hindi ako mapakali sa babaeng palapit na ngayon sa puwesto namin, mas lalo lamang akong hindi makapagsalita.

Nakita ko kung paano natigilan ang mga tao sa paligid ko nang tuluyan itong makalapit. Maging si Pastor Edwin na napansin ang nangyari, napalingon na rin sa babae. Hindi ko nga lang inasahan ang sinabi niya.

"Paciana? Ano ang ginagawa mo rito?"

Paciana? Kilala ni Pastor Edwin ang maganda at inosenteng babaeng ito?

"Nandito po ako para kay Mr. Manalo. Naiwan niya po ito." Nilahad niya ang kahon kay pastor. Alam kong mamahalin iyon dahil maraming beses na akong nakakita ng gano'n.

Napalunok ako nang mahimigan ang mahinahon ngunit kabado niyang boses. Hindi lang siya maganda at inosente sa panlabas na anyo, maging sa pananalita, gano'n din. Mahinahon at malumanay, kayang magpakalma ng nagbabagang galit ng sinuman. Kayang magpakalma ng marahas na hampas ng alon.

"Naku, hija. Abala pa si Mr. Manalo roon sa kabila. Wala ring mapagtataguan niyan dito kaya ikaw muna ang humawak."

"Po?" gulat niyang sambit na halos ikatulala ko. "P-Pero hindi po ako magtatagal dito—"

Hindi magtatagal? Bakit kaya? Ayaw ba niya rito?

Ngumiti si Pastor Edwin. "Nandito ka na rin lang, hintayin mo na kami. Hanggang alas singko lang naman kami ng hapon. Dito ka lang at huwag mong bibitawan 'yang kahon."

Sa paraan ng titig niya, alam kong gusto niyang tumutol. Bakit kaya bigla akong kinabahan at natakot doon? Para siyang anghel na malapit nang maubos ang pasensya kaya kailangan magpakabait.

Ngunit sa huli, wala siyang nagawa kundi sumunod kay Pastor Edwin. Gusto ko sanang sabihin na ako na lang ang bahalang magbigay ng kahon para mangyari ang gusto niya ngunit wala talaga akong lakas ng loob para roon. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko'y titiklop ako kapag nakalapit sa kanya.

Wala tuloy akong nagawa kundi pagmasdan na lang siya. Abala na kami sa pagtanggal ng mga laman ng kahon ngunit maya't maya ang pagsulyap ko sa kanya.

Nang makita siyang panay ang tingin sa paligid na para bang naghahanap ng puwesto, naisip ko agad na maaari siyang umakyat sa itaas para roon umupo. Hindi nga ako nagkamali dahil nang makita niya 'yon, umamba agad siyang aakyat. Kaya lang, bago pa siya tuluyang makaakyat, iniwan ko na ang ginagawa para lapitan siya.

"Saan ka pupunta?" kabadong tanong ko. Pinilit kong maging matatag kahit pakiramdam ko'y parurusahan ako ng langit kapag kinausap niya.

Nang lumingon siya, nagambala agad ako sa mga mata niyang punong-puno ng napakaraming emosyon. Nakatitig siya sa akin na para bang ako ang pinakamakasalanang tao sa mundo.

"Bawal doon," dagdag ko pa dahil pakiramdam ko'y mawawala ako sa mga mata niya kapag hindi ako nagsalita.

Ayaw kong pagbawalan siya sa gusto niyang gawin ngunit bawal talaga doon dahil maraming gagaya sa kanya.

"P-Pasensya na po," aniya sa nahihiya at natatakot na boses.

Nagulat ako pero hindi ko pinahalata. Na..tatakot ba siya sa akin?

Nang lagpasan niya ako, wala akong nagawa kundi panoorin siya. Kumuyom ang kamao ko nang maisip na naging malupit ako sa kanya.

Continue Reading

You'll Also Like

4M 88K 58
Evangeline Yu went back to the Philippines only to find out that her house was sold, her sister had ran away with her money and her mother was in com...