Malayah

Av itskavii

2.1K 299 566

Isang tagna. Mula sa balon ni Tala ay bumaba ang isang pangitain sa lupa. Sa ika-anim na beses na tangkaing a... Mer

Malayah
PROLOGO
1. Ang Pagkawala ni Apulatu
2. Ang Kapre sa Balete
3. Ang Mapa
4. Si Mariang Sinukuan
5. Sa Lumang Bahay
6. Ang Tiyanak
7. Kay Mariang Karamot
8. Si Agua
9. Huwad
10. Ang Panlilinlang
11. Sa Tugot
12. Ilang Ilang
13. Engkanto
14. Hiling
15. Ang Ginintuang Kabibe
16. Si Angalo
17. Ang Ikalawang Hiyas
18. Si Aran
19. Sa Makitan
20. Ang Araw
21. Sa Daluti
22. Mga Tadhanang Magkakadikit
23. Anong Tadhana
24. 'Di Kasiguraduhan
25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula
26. Ang Mahiwagang Sandata
27. Si Linsana
28. Adhikaing Maging Babaylan
29. Pagkagayuma
30. Sa Pagkamatay ng Ibon
31. Si Dalikmata
33. Sa Talibon, Bohol
34. Ang Susi Upang Mapakawalan.
35. Ama
36. Ang Itim na Hiyas
37. Kay Daragang Magayon
38. Isang Sugal
39. Ang Kakaibang Pwersa
40. Si Panganoron
41. Mula Sa Akin At Para Sa'yo
42. Umiibig
43. Si Pagtuga
44. Ang Kasal
45. Isang Sumpa
46. Himala
47. Isang Panaginip
48. Si Magayon
49. Mga Tikbalang
50. Portal
51. Ang Tagna
52. Batis Ng Katotohanan
53. Isang Dayo
54. Dalangin
55. Ina
56. Anino

32. Ang Pagpula ng Paruparo

16 4 13
Av itskavii

Nais sana ni Malayah na umidlip man lamang bago magsimula ang byahe paalis upang makabawi ng lakas. Ngunit halos isang oras na siyang nakahiga sa kanyang kama ngunit hindi siya dinadalaw ng antok.

Napabuga siya ng hangin at bumangon mula sa pagkakahiga. Binuksan niya ang bintana ng kwarto at sinalubong ang malamig na hangin ng gabi. Pinagmasdan niya sa madilim na paligid ang Makitan. Patay na ang sindi ng mga ilaw at tanging mga poste ng mga sulo lamang ang nagliliwanag sa daanan. Isang buntong hininga ang inilabas ni Malayah.

Bukas ay lilisanin na niya ang Makitan. Ang bayang buong buhay niyang ninais na mabalikan.

Sa ilang araw lamang ay pakiramdam ni Malayah na napakatagal na niyang nanatili rito. At sa sobrang tagal ay mabigat sa loob ang paglisan. Nagkibit-balikat siya sa sarili. Marahil ay dahil sa ilang araw na iyon ay napakarami nang nangyari kung kaya't pakiramdam niya'y napakatagal niya roon.

Maraming natuklasan, maraming naranasan. Ngunit alam ni Malayah na hindi dapat makasagabal ang mga ito sa pangunahin niyang misyon-ang iligtas ang ama.

Napadaing si Malayah nang biglang kumirot ang kanyang pulsu-pulsuhan. Kinapa niya ito mula sa manggas ng kanyang damit-pantulog at bahagyang kumunot ang noo nang makapa ang purselas na paru-paro mula rito.

Dahan-dahang iniangat ni Malayah ang manggas sa kanyang pulso. Natigilan ang dalaga nang makita ito.

"Ngunit magiging pula ang purselas sa oras na lumipad ito palayo. At lilipad lang palayo ang anito sa oras na makaramdam ito ng panganib sa paligid."

Kulay pula na ang paru-paro.

--

"Malayah."

Nanginginig ang mga kamay ngunit hindi pa rin ibinababa ni Malayah ang patalim mula sa pagkakatutok nito kay Lakan. Mababakas mula sa binata ang pagkagulat sa kanyang kinikilos ngunit hindi ito alintana ni Malayah.

"Ibigay mo sa akin ang isa sa mga hiyas."

Hindi kumibong muli si Lakan ngunit humakbang ito palapit na ikinaatras naman ni Malayah. Muli itong humakbang at muli siyang umatras.

Sa pag-atras na iyon ay papalapit ang dalaga kay Sagani at kinuha itong pagkakataon ng mandirigma upang agawin ang kampilan mula rito ngunit kaagad na naramdaman ito ni Malayah dahilan upang makaiwas. Sa huli ay napasandal siya sa pinto habang nakatutok ang kampilan sa tatlong kasama na nasa kanyang harap.

Bakas sa mga mukha nito ang pagkalito at pagkabigla sa biglaang kilos ng dalaga. Mula sa gitna ay bahagyang lumapit si Lakan. "Malayah, ibaba mo ang kampilan."

Ngunit hindi natinag ang dalaga. Mariin pa ring nakatutok ang patalim hawak ng nanginginig niyang kamay. "Huwag kayong lalapit. Ibigay niyo sa akin ang isa sa mga hiyas at magiging maayos ang lahat."

Hindi nakinig dito si Lakan at muling humakbang palapit sa dalaga. Akmang aatras muli si Malayah ngunit ang nakasaradong pinto na ang nasa kanyang likuran. "Humakbang kang muli at masasaktan ka."

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni Lakan at pinagmasdan ang dalaga. Hindi siya naniniwalang magagawa ni Malayah na idampi kanino man sa kanilang tatlo ang talim ng kampilan. Muling humakbang ang binata at marahang sinubukang kuhanin mula sa dalaga ang patalim.

Hindi inaasahan ni Malayah ang paglapit nito kung kaya't tinabig niya ang kamay nito at dinaplis ang kampilan sa kanang braso ng binata dahilan upang masugatan ito.

Napadaing si Lakan at napahawak sa sugatang braso. Kaagad na lumapit sa kanya si Aran upang ilayo mula sa dalaga. Hindi makapaniwalang tinitigan niya si Malayah.

Tila nabigla rin ang dalaga sa kanyang ginawa at dahil sa saglit na pagkawala ng atensyon ay nahablot ni Sagani ang hawak niyang patalim at sa kanya naman itinutok ito.

"Sagani, huwag mo siyang sasaktan!" Saway ni Lakan sa kasama habang hawak ang duguang braso. Sinubukan niyang tumayo at muling lumapit dito.

Binitiwan niya ang sugat at gamit ang kaliwang kamay ay ibinaba ang patalim na hawak ni Sagani at sinenyasan itong umatras. Seryoso itong lumingon sa kanya bilang pagtutol ngunit tumango lamang siya bilang pagsabing ayos lamang ang lahat. Sa huli ay umatras si Sagani at hinayaang si Lakan ang humarap kay Malayah.

Nakayuko lamang ang dalaga. Ang kanyang mga kamay ay hindi maikubli ang panginginig. Nararamdaman niya ang bahagyang pagsikip ng dibdib na tila ang tensyon sa loob ng kwarto ay kinakapusan siya ng hininga.

"Malayah-"

Nakayuko pa rin, itinaas ni Malayah ang kanyang manggas at ipinakita ang pulang purselas na paru-paro. Tumingala siya upang salubungin ang titig ni Lakan. "Pula na ang paru-paro. Kailangan kong iligtas si Papa."

Napako ang tingin ni Lakan sa paru-parong purselas. "Imposible," bulong niya sa sarili. Tila hindi na alintana ang sugat ay kinuha niya ang braso ng dalaga at pinagmasdan ang purselas.

Ilang sandali ay muling nilingon ng binata si Malayah. "Hindi pula ang purselas, Malayah."

"Ano?" Nilingon ni Malayah ang purselas. Kulay pula ito, malinaw na malinaw. Ngunit napapikit-pikit siya nang tila lumabo ang kanyang paningin. Sa palagay niya ay dahil iyon sa naiipong luha sa kanyang mga mata. Ngunit sa muling pagdilat niya ay luminaw na itong muli. At ang paru-paru ay kulay asul.

Nasisilayan ni Lakan ang pagkagulat at pagtataka sa mukha ng dalaga. Ito ang nagpakunot sa noo ng binata.

"Pero... Pero... kulay pula ito hanggang ngayon lamang!"

Pinagmasdan lamang ni Lakan ang dalaga. Nilibot niya ng tingin ang paligid at nahagip nito ang isang gamu-gamong nakadapo sa pader sa itaas lamang ni Malayah. Kumurba ang pagkunot sa noo ni Lakan. At sa pagtitig niya rito ay bigla itong lumipad paalis.

Napadaing si Lakan nang muling kumirot ang sugat sa braso. Kaagad na natuon doon ang atensyon ni Malayah. Natigilan ang dalaga nang makita ang nagdurugo nitong sugat. Tila sa mga sandaling iyon niya lamang napagtanto ang kanyang ginawa.

"Anong nangyayari dito?" Saad ng boses matapos bumukas ang pinto. Nanlaki ang mga mata ni Laon nang makitang duguan ang isa. "Lakan! Anong-"

Kaagad na pumasok si Laon upang tulungan ang mga ito. "Mayroon ba kayong bendahe rito?" Tumango si Sagani at tumungo sa kahon malapit sa kanyang higaan. Si Aran naman ay tinulungan si Laon na akayin si Lakan patungo sa kama upang makaupo.

Ang atensyon ng lahat ay nawala kay Malayah. Hinawakan niya ang sariling mga kamay na hindi mapigil ang panginginig. Tinitigan niya ito at muling lumingon kay Lakan. Anong...ginawa ko?

Abala ang lahat sa kwarto kung kaya't walang nakapansin sa dahan-dahang pag-atras ni Malayah hanggang sa tuluyang pagtakbo palayo.

--

"Ano bang nagyari rito? Sinong gumawa sa'yo nito?" Seryoso't naguguluhang tanong ni Laon habang ibinabalot ng bandahe ang braso ni Lakan. Hindi naman ganoon kalalim ang sugat ngunit marami ring dugo ang nawala sa binata at masisilayan pa ito sa kanyang mga kamay at sa puti niyang damit.

"Si Malayah."

Kunot-noong nilingon ni Laon si Sagani. "Ano?" Totoo, naroon din sa kwarto si Malayah nang dumating siya. Ngunit hindi maimahe ni Laon ang sinasabi ng mandirigma. "Pero bakit-"

"Nasaan si Malayah?" Nagpalinga-linga ng tingin si Lakan. Sa paghapdi ng kanyang braso at panghihina sa pagdurugo ay sandaling nawaglit sa kanyang isipan ang dalaga maski ang gamu-gamong kahina-hinala.

"Lakan,"

Napalingon siya kay Aran na nakaupo sa kabilang kama at mariing nakatitig sa kanya nang may bahagyang pagkalukot ng noo. Napayuko ito. Ilang beses ibinuka nito ang mga labi at muling isinasara sa pagdadalawang-isip kung sasabihin ba ang nais sabihin.

Sa huli ay napabuntong hininga si Aran at muling liningon si Lakan. "Si Malayah..." Nakatitig lamang kay Aran ang lahat na naroon sa kwartong iyon, naghihintay sa susunod na sasabihin. Ngunit ilang sandali ay hindi na ito muling nagsalita at napailing na lamang.

Hindi na alam ni Aran ang tumatakbo sa isip ng dalaga. Noon ay sinubukan na nitong itakas ang hiyas. Ngunit hindi akalain ni Aran na muli itong mangyayari at magagawa pang makapanakit ng kaibigan.

Sa ekspresyong iyon ay alam ni Lakan ang nasa isip ng kasama. Bahagya siyang nagbago ng direksyon ng pag-upo upang harapin ito. Inialis niya ang hawak sa sugat at ipinatong ang kamay sa balikat ng binata. "Aran, sa tingin mo ba ay nais talagang gawin ni Malayah na pagtaksilan tayo?"

Hindi kaagad kumibo si Aran at pinagmasdan ang sahig. Nakatitig lamang sa dalawa sina Sagani at Laon. Tahimik at mga himig ng kuliglig lamang ang maririnig hanggang sa basagin ito ni Aran. "Hindi ko siya kilala. Katulad mo ay maikling panahon ko pa lamang siyang nakakasama. Sa paningin ko, pawang estranghero lamang siya... hindi ko alam."

Muli siyang tumingin kay Lakan, sunod ay kay Sagani at Laon, bago muling bumalik kay Lakan. "Mula kay Malayah mismo ang mga katagang iyan. At... kung ganoon ang kanyang iniisip ay dapat ay ganoon din ang sa atin."

Napaiwas ng tingin si Lakan. Maski siya ay hindi alam kung ano ang nasa isip ni Malayah. Ngunit nais niyang intindihin ito. Nais intindihin. Sa sandaling iyon ay tila palihim niyang tinatanong ang sarili kung bakit.

"Sarili lamang ang iniisip niya. Iyon man ay para iligtas ang kanyang ama ngunit hindi nito nililinis ang nadungisan," napabuntong hininga si Aran, "Ang apoy, kahit pa ang nais ay makapagliwanag, ay maaari pa ring makasakit."

Sa pagwakas ng pagbigkas na iyon ni Aran ay tila ang sandaling nakuha ni Lakan ang sagot sa katanungan niya sa sarili.

Si Malayah ang tinutukoy ni Aran sa talinhagang tinuran. Ngunit para kay Lakan, siya ang apoy.

Alam na niya ang sagot sa kaninang katanungan.

Sapagkat nais niyang apulahin ang sunog na kanyang nagawa sa buhay at sa tadhana ni Malayah.

--

Malamya ang haplos ng malamig na hangin ng gabi. Ngunit kasalungat ng kapayapaan ng paligid ay ang magulong isipan ni Malayah. Lumuhod siya sa kawayang sahig at hinugasan mula sa dagat ang mga kamay.

Anong... ginawa ko?

Patuloy pa ring nasisilayan ni Malayah sa kanyang isipan ang mga nangyari. Hindi niya alam kung bakit niya iyon ginawa. Ngunit tiyak siyang iyo'y hindi niya sinasadya.

Tumayo siya at akmang babalik sa tahanang tinutuluyan upang tingnan ang lagay ni Lakan ngunit huminto lamang siyang muli. At sa mga sandaling iyon ay may hindi pamilyar na pakiramdam ang pumasok sa kanyang sistema.

Napasabunot siya sa sarili. Alam niyang hindi niya dapat sinubukang nakawin ang hiyas mula sa mga kaibigan at ang isa pa sa mga ito ay nagawa niyang saktan.

Sa oras na iyon ay napagpasyahan ni Malayah na hindi na muna bumalik. Sapagkat sigurado siyang galit ang mga kasama sa kanyang nagawa.

Kung kaya't sa loob ng ilang oras, hinayaan ng dalaga ang sarili na manatili sa hangganan ng Makitan, sa pinakadulo ng baryo, nakatitig sa madilim na langit na sinasalamin ng dagat. Iniisip na marahil ay sa pagkaginaw ay mabawasan man lamang ang kasalanang nagawa.

Niyakap ni Malayah ang sarili. Pinagmasdan niya ang purselas na paru-paro na maaaninag ang asul na kulay kahit pa sa dilim. Kumurap siya at pinagmasdan itong muli. Isa lamang bang kathang-isip ang pagpula nito? Hindi alam ni Malayah. Ang tanging pakiramdam na sumasakop sa kanyang sistema ay ang pagkamuhi sa sarili.

Masama ako. Tila ang kanyang dibdib ay pinipiga. Naalala niya ang sinabi ng diyosang Dalikmata noong bisitahin nila ito sa mahiwagang kweba. Kadilimang nararapat nang sirain bago pa man lumabas.

Alam ni Malayah na hindi niya sinasadya ang ginawa. Alam niya sa sarili na siya'y mabuti. Ngunit ano naman ang laban ng dalaga sa mga salita ng isang diyosang may kakayahang makasilip sa hinaharap?

"Malayah? Narito ka lang pala!"

Nilingon ito ni Malayah. Marahang ngumiti si Lakan ngunit hindi iyon nasilayan ng dalaga sapagkat ang kanyang mata ay nakatuon sa braso nitong may bakas ng dugo ang bandahe.

Ngayon ay tila mas lalong sumikip ang kanyang dibdib. Huminga siya nang malalim upang pigilan ang mainit na likidong naiipon sa kanyang mata. "Hindi ko sinasadya," turan niya sa mahinang tinig.

Sinubukang lumapit ni Lakan ngunit sa bawat usad ay humahakbang paatras si Malayah. Hinawakan niya ang sariling kamay, natatakot na muling masaktan ang binata. "Nakita kong pumula ang purselas. Hindi ko alam ang gagawin. Wala akong maisip na paraan kung hindi ang kuhanin ang kahit isa sa mga hiyas." Mahina siyang napahikbi at napahawak sa dibdib. "Patawad... patawad."

Tinitigan ni Lakan ang dalaga. Unti-unti siyang lumapit at niyapos ito sa kanyang bisig. "Naiintindihan kita."

Alam ni Lakan na hindi kasalanan ni Malayah ang nangyari. Nang mahagip pa lamang niya ang kakaibang gamu-gamo noong mga sandaling iyon ay may hinala na siya sa nangyayari.

Si Dalikmata at ang kanyang kapangyarihan.

"Wala akong kasalanan, Apalaan. Ang ginawa ko lamang ay ang sindihan ang apoy ngunit si Malayah mismo ang nagpaliyab nito." Turan ng diyosa nang kumprontahin niya ito.

"Kung ganoon ay may ginawa ka nga."

Natigilan ang diyosa at tumalikod mula kay Lakan. Kumuha ng mga gintong butil si Dalikmata mula sa pilak na sisidlan at ipinakain ito sa kanyang mahihiwagang ibon.

"Sabihin mo, ikaw din ba ang may pakana ng paglitaw ng isang manananggal sa Makitan?"

Natigilang muli ang diyosa. Ngunit bumalik siyang muli sa ginawa at hindi kinibo ang binata.

"Dalikmata, sagutin mo ang aking katanungan."

Muli siyang hinarap ng diyosa. "Kung tutuusin ay tinutulungan kita sa iyong misyon, Apalaan."

Bahagyang nalukot ang noo ng binata. "Tinutulungan? Muntik nang malunod si Malayah dahil sa iyong mahika! At paano kung natagpuan siya ng halimaw-"

"Hindi ba't mas mapapadali ang misyon mo kung natagpuan na nga talaga siya ng halimaw?" Umalingawngaw sa buong kweba ang tinig ng diyosa. Maski ang mga mahihiwagang ibon sa kanilang hawla ay tila nagulat dito.

Ngunit ganoon pa rin ang ekspresyon ni Lakan. Seryoso at mariing nakatitig sa diyosa.

"Alam mo iyon, Apalaan. Ang pag-alis sa kwintas ng alapaap mula sa leeg ng babaeng iyon ang magiging sagot sa iyong suliranin."

Napaiwas ng tingin si Lakan. "Hindi iyon ganoon lamang kadali. Hangga't maaari ay nais kong mapagtagumpayan ang misyon nang walang mapapahamak. Alam mo ang mangyayari sa oras na makuha nila si Malayah."

"Tama ka," humakbang palapit ang diyosa. "Alam ko ang mangayayari-ang nakatakda. Ang dapat mangyari. Kaya sabihin mo, ano ang iyong ikinagagalit sa aking ginawa?" Hindi kumibo si Lakan at mariin lamang na nakatitig kay Dalikmata. Napatawa ang diyosa. "Huwag mong sabihing napapalapit na ang loob mo sa babaeng iyon?"

Ang alam lamang ni Lakan ay nais niyang gawin ang tama at ang makabubuti sa lahat. Ngunit marahil nga ay tama ang diyosa. Siguro nga ay napapalapit na rin ang loob niya sa dalaga.

Hinigpitan ni Lakan ang yakap kay Malayah. "Guni-guni mo lamang ang pagpula ng purselas. Ligtas ang iyong ama, Malayah. At ililigtas natin siya."

"Ipangako mong hindi ka na muling makikialam, Dalikmata."

Sa sandaling kanyang winika iyon sa diyosa, nakapagpasya na si Lakan. Naniniwala siyang mabuti si Malayah. Tutulungan niya itong iuwi ang ama. Tuluyan niyang babaguhin ang tadhanang nasimulan na niyang baguhin noon.

Kahit pa ang kapalit nito'y ang hindi na muling pagtapak sa Kawalhatian bilang isang diyos.

***

Fortsätt läs

Du kommer också att gilla

319K 7.7K 67
[Acre- UNDER MAJOR EDITING⚠️] Have you ever been in a situation that brought you to tears? Made you laugh? Made you smile? Made you broken into piece...
114K 7.7K 67
𝐈𝐤𝐚-𝐮𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐥𝐢𝐛𝐫𝐨 𝐧𝐠 '𝐕𝐈𝐑𝐓𝐔𝐀𝐋 𝐑𝐄𝐀𝐋𝐈𝐓𝐘 - 𝐓𝐑𝐈𝐋𝐎𝐆𝐘' |||𝐓𝐀𝐆𝐀𝐋𝐎𝐆 𝐕𝐄𝐑𝐒𝐈𝐎𝐍||| Dahil sa paghahanap ng gustong...
25.3K 1.8K 94
[BOOK 1 OF 2] In her 15 years of existence, Mirai Akarui lived a normal life. She attends a normal school, lives in a normal town, and encounters nor...
175K 12.7K 46
Lavender is in love with Yuan, the perfect guy--kind, sweet, charming, and a musician like her. The problem? He's not real. He only exists in her dre...