Malayah

By itskavii

2.1K 300 566

Isang tagna. Mula sa balon ni Tala ay bumaba ang isang pangitain sa lupa. Sa ika-anim na beses na tangkaing a... More

Malayah
PROLOGO
1. Ang Pagkawala ni Apulatu
2. Ang Kapre sa Balete
3. Ang Mapa
4. Si Mariang Sinukuan
5. Sa Lumang Bahay
6. Ang Tiyanak
8. Si Agua
9. Huwad
10. Ang Panlilinlang
11. Sa Tugot
12. Ilang Ilang
13. Engkanto
14. Hiling
15. Ang Ginintuang Kabibe
16. Si Angalo
17. Ang Ikalawang Hiyas
18. Si Aran
19. Sa Makitan
20. Ang Araw
21. Sa Daluti
22. Mga Tadhanang Magkakadikit
23. Anong Tadhana
24. 'Di Kasiguraduhan
25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula
26. Ang Mahiwagang Sandata
27. Si Linsana
28. Adhikaing Maging Babaylan
29. Pagkagayuma
30. Sa Pagkamatay ng Ibon
31. Si Dalikmata
32. Ang Pagpula ng Paruparo
33. Sa Talibon, Bohol
34. Ang Susi Upang Mapakawalan.
35. Ama
36. Ang Itim na Hiyas
37. Kay Daragang Magayon
38. Isang Sugal
39. Ang Kakaibang Pwersa
40. Si Panganoron
41. Mula Sa Akin At Para Sa'yo
42. Umiibig
43. Si Pagtuga
44. Ang Kasal
45. Isang Sumpa
46. Himala
47. Isang Panaginip
48. Si Magayon
49. Mga Tikbalang
50. Portal
51. Ang Tagna
52. Batis Ng Katotohanan
53. Isang Dayo
54. Dalangin
55. Ina
56. Anino

7. Kay Mariang Karamot

58 10 16
By itskavii

At noong gabing napayapa na ang kaluluwa ng walang-muwang na sanggol na naging halimaw, isang lupon naman ng mga manananggal ang nagwala at hindi mapakali.

Sapagkat noong gabing iyon, naramdaman nilang muli ang anino sa loob ng dalampu't isang taong pananahimik nito.

Mula sa isang kawa na may dugo ng mga estrangherong naligaw, umusal ng isang orasyon ang pinuno ng mga mananaggal.

Unti-unting lumabas dito ang isang imahe ng itim na nilalang na ang mukha ay natatakpan ng kadiliman.

"Panginoon," sabay-sabay na usal ng mga manananggal na nagtitipon-tipon sa loob ng isang kweba.

Hindi kumibo ang imahe sa tubig ng kawa. Ngunit hindi nito kailangang magsalita pa sapagkat ang munting presenya lamang nito ay sapat na upang mangilabot ang mga manananggal.

"Ang anino, naramdaman namin itong muli. Dalawang beses. Ngunit bigla na lamang itong nawala at hindi na nagparamdam pa."

Hindi pa rin kumibo ang nilalang sa kawa. At iyon ay mas lalong ikinangilabot ng mga manananggal.

Nagulat na lamang sila nang sumigaw sa sakit at bumagsak ang kanilang pinuno at nangisay. Ilang sandali lamang ay hindi na ito gumagalaw. Unti-unti itong nasunog at naging abo.

"Hanapin ninyo ang nilalang sa tagna."

Malalim na boses at nakakapangilabot. Sa anim na salita lamang ng nilalang ng dilim ay nagkagulo ang mga manananggal at isa-isang nagsiliparan sa gabi sa ilalim ng malamlam na buwan.

"M-Masusunod!"

--

"Maraming Salamat."

Napahinto sa pagliligpit ng mga gamit si Malayah at napalingon kay Tandang Nilo na ngayon ay nakatayo sa tapat ng pinto ng kanyang kwarto.

"Huwag niyo po akong pasalamatan. Ang mga kasama ko."

Tumayo na si Malayah at naglakad palabas ng kwarto. Mula sa ikalawang palapag ay pinagmasdan niya sina Sagani at Lakan.

"Mabubuti sila."

"At ikaw? Masama?"

Liningon niya si Tandang Nilo at bahagyang tumawa. "Ano pa po ba ang kabaligtaran ng mabuti?"

Muli niyang pinagmasdan ang dalawa. Alam ni Malayah ang kabutihan kay Lakan. Kahit pa sinubukan niya itong iwanan ay iniligtas pa siya nito mula sa diwata ng Arayat. Si Sagani, nakikita ni Malayah ang pagkainosente nito. Ang hangarin nitong tulungan ang pamilya nina Rene kahit pa nalaman na niya ang balak nitong masama sa kanila.

Alam ni Malayah, na kung siya ang nasa sitwasyon ng dalawa ay hindi katulad ng ginawa nila ang gagawin niya.

"Iha, ang mundo ay hindi nahahati lamang sa mabuti at masama." Wika ng matanda dahilan upang mapalingon si Malayah.

"Kagaya ng hindi pagkakahati ng magdamag sa araw at gabi lamang. Naroon ang bukang liwayway na pagsilang ng liwanag mula sa dilim, ang takipsilim na paghahari ng dilim sa liwanag, at dapit-hapon na bumabalanse sa araw at gabi."

Humarap sa kaniya ang matanda at hinawakan ang kanyang balikat. "Iha, huwag mong limitahan ang sarili mo sa mabuti at masama lamang."

Tila ba naiintindihan ni Malayah ang ibig sabihin ng matanda. Ngumiti siya at tumango bago sila tuluyang bumaba patungo sa mga kasama.

Nauna na sina Lakan at Malayah sa sasakyan habang si Sagani naman ay nilapitan ni Tandang Nilo.

"Isang handog bilang pasasalamat na alam kong magagamit ninyo sa inyong paglalakbay."

Inilabas ng matanda ang isang balaraw na nasa kahoy na sisidlan. May nakaukit ditong mga letrang baybayin na kaya namang basahin ng binata. Marilag.

Pamilyar sa kanya ang balaraw na iyon. Ito ay mula sa diyos ng araw na gantimpala noon sa isang mortal na mandirigma na nagpapasa-pasa na sa henerasyon. Ang talim nito ay walang katulad na maski ang apoy at kumukulong putik (lava) mula sa bulkan ay hindi ito masisira.

"Nako, hindi niyo po kailangang ibigay sa akin iyan. Isang karangalan po ngunit hindi naman talaga ako isang-"

Hindi na niya naituloy ang sasabihin sapagkat iniabot na ng matanda sa kanyang kamay ang balaraw.

"Tulungan mo ang dapithapon sa kanyang misyon."

Hindi man maintindihan, tumango lamang si Sagani.

--

Inaantok man ngunit hindi makatulog si Malayah. Ang ideyang patungo na sila sa kinaroroonan ng isang hiyas ay kumikiliti sa kanyang isipan. Ngunit kasabay nito ay ang pangamba kung makakaya ba niyang matalo ang makapangyarihang nilalang na nagbabantay rito.

Patungo sila ngayon sa look ng Subic sa Zambales. Tiningnan niya ang relo, alas nuwebe ng umaga. Sa unahan niya ay naroon si Lakan na nagmamaneho at si Sagani na tila natutulog sapagkat hindi niya naririnig ang maingay nitong bibig.

Kinuha niya ang kanyang bag sa tabi. Inilabas niya ang tubig na baon at ininom ito. Ngunit napatigil siya nang mapansin ang isang hindi pamilyar na libro sa loob ng bag. Naalala niya, mayroon siyang mga gamit na kinuha mula sa kwarto ng kanyang lola na isang dating babaylan sapagkat nagbabakasakali siya na mayroon siyang magamit dito.

Puno ng kuryosidad, kinuha niya ang libro at binuksan. Kunot-noo niyang binuklat ang bawat pahina. Nang mapagtanto kung ano ang nahanap na libro, kaagad niya itong isinara at itinago.

Sumandal siya sa bintana ng sasakyan at ipinikit ang mga mata upang matulog.

--

"Hindi niyo naman sinabing magbabakasyon pala tayo," usal ni Sagani nang makarating sila sa look ng Subic sa siyudad ng Olonggapo sa Zambales.

Magkatabi lamang ang Pampangga at Zambales kung kaya't dalawang oras lamang ay nakarating na ang tatlo sa kailangang puntahan.

Maraming mga tao sa Subic. Mga turista at mga naninirahan dito. Mainit ang panahon kung kaya't ang tunog ng hampas ng tubig mula sa look ay nakakahalina.

Umupa silang tatlo ng isang bahay-tuluyan malapit sa pampang.

"Kayong dalawa," usal ni Malayah dahilan upang mapatingin sa kanya ang dalawang kakapalit pa lamang ng damit. "Kumalap kayo ng impormasyon tungkol kay Mariang Karamot."

Napakamot si Sagani sa kanyang ulo. "Ano ba 'yan, balak sana naming maligo sa dagat."

"Mamaya na kayo maligo, ang aga aga pa eh."

"Ikaw? Anong gagawin mo?" Tanong naman ni Lakan.

"Matutulog."

Humiga na si Malayah at nagtakip ng kumot dahilan upang hindi na makaangal ang dalawa.

Naglakad-lakad sila sa pampang at doon ay nakilala nila ang isang binata na nagngangalang Igno. Siya ay sinilang at lumaki na rito sa Olonggapo kung kaya't siya ang napagtanungan ng dalawa.

"Si Mariang Karamot? Aba, bibihira lang ang mga turistang nagtatanong tungkol sa kwento na iyan."

"Pwede mo bang ikwento sa amin?" Tanong ni Lakan at tumango naman si Igno.

"Dati raw, may mag-asawang nakatira rito na nagngangalang Juan at Juana. Ang sabi-sabi, nahihirapan daw ang babae na magkaanak. Pero ilang taon ang nakalipas, nabuntis din si Juana. Ipinaglihi niya ang bata sa bangus. Hindi raw kasi natatapos ang araw na hindi kumakain si Juana ng putaheng may bangus. Pero isang araw, walang huling bangus si Juan at lubos na nalungkot si Juana. Sumunod na araw, wala pa rin. Pero hindi umuwi si Juan noon hangga't walang dalang paboritong isda ng asawa. Nangisda siya ulit at doon ay nakausap niya ang hari ng mga bangus-"

"Seryoso?" Natatawang usal ni Sagani.

Tinunggo naman siya ni Lakan upang suwayin. "Ituloy mo, Igno."

"Tinanong ng hari kung bakit tila puro mga kalahi niya ang hinuhuli ni Juan. Sinabi niya rito na iyon ang nais ng buntis niyang asawa. Noong gabing iyon, nakipagkasundo ang hari kay Juan. Sinabi ng hari na simula sa gabing iyon, bibiyayaan siya nito ng masaganang huli ng bangus kung sa pagtungtong ng ikapitong taon ng kanilang anak ay ibibigay nila ito sa hari ng mga bangus."

"Pumayag siya?" Tanong ni Sagani at tumango naman si Igno.

"Nung una, hindi. Pero nang maalala niya kung gaano kalungkot ang asawa niya nang hindi siya makapag-uwi ng paboritong isda nito ay nagbago ang kanyang isip. Pumayag siya at simula noon, parating masagana ang huli niyang bangus. Nanganak si Juana ng isang malusog na babae na pinangalanan nilang Maria. At noong tumuntong ito sa pitong gulang, dahil sa takot sa hari ng mga bangus, hindi nila kailanman pinalapit sa pampang si Maria. Pero isang araw, may isang malaking barko ang dumaong sa pampang at dahil sa kuryosidad, lumabas si Maria at lumapit. At sa sandaling iyon, nilamon ng alon si Maria at hindi na nakita ng mga magulang niya."

"Anong sumunod na nangyari?"

"Lumipas ang maraming taon, tumanda na ang mag-asawa. Pero kahit ganoon, parati pa rin silang nag-aabang sa pampang tuwing gabi, nagbabakasakali na makita nilang muli ang anak. At isang gabi, may isang nilalang na may mahabang buhok at porselanang kutis ang kanilang nakita. Ang kalahating katawan nito ay sa isang babae ngunit ang kalahati naman ay sa isda. At alam ng mag-asawa na ito na nga ang nawawala nilang anak."

"Naging sirena si Maria," turan ni Lakan na tila ba seryosong iniintindi ang kwento. Nagtataka naman siyang pinagmasdan ni Igno.

"Oo, lumaki siya bilang sirena na nabura ang lahat ng alaala bilang tao. Ngunit kahit na wala ang alaala, tila ba malapit pa rin ang kanyang loob sa mundo ng mga tao. Napansin ng hari ng nga bangus na malungkot ang sirena kung kaya't sinabihan niya ito na tutuparin ang isa nitong hiling. At ang hiling ni Maria ay nais daw niyang maranasang maging tao. Walang nagawa ang hari kung hindi ang sundin ito. Sa tuwing bilog ang buwan, nagkakaroon ng paa ang sirena at naglalakad-lakad siya sa pampang. Doon ay nakilala niya ang isang lalaki na isa palang siyokoy. Nahulog sila sa isa't-isa at nagbunga ang pagmamahalan ng isang batang lalaki. Isang araw, sa ilalim ng bilog na buwan ay nakakita si Maria ng nagkukumpulang mga mangingisda sa buhanginan. Nilapitan niya ito at nagulat sa nakita. Sa isa sa mga lambat ng mga mangingisda ay naroon ang kanyang anak. Dahil sa kakaibang anyo, pinatay ng mga mangingisda ang akala nilang halimaw. Nagalit si Maria. Bumalik siya sa dagat at simula noong gabing iyon, madalas nang makakita ang mga tao ng bangkay ng mga nalulunod na mangingisda at turista. Ang sabi-sabi, pakana raw iyon ni Maria. Simula noon ay tinawag na siyang Mariang Karamot sapagkat ang mga bangkay na nakukuha sa dagat ay napupuno ng nga gasgas at kalmot."

"Mamaya na ang bilog na buwan, hindi ba?" Tanong ni Lakan at tumango naman si Igno.

"Oo, pero huwag kayong matakot dahil hindi naman talaga totoo iyon. Gawa-gawa lamang ng nga matatanda ang kwento para takutin ang mga bata na huwag nang lumabas at maglaro sa pampang tuwing gabi," wika ni Igno at nagpaalam nang umalis.

"Tss, malalaman niyang totoo 'yon pag nakita niya ang mga bangkay natin bukas ng umaga." Wika ni Sagani na tila ba natakot sa kwento ni Igno.

Tinunggo naman siyang muli ni Lakan. "Takot ka na n'on?"

"H-Hoy, hindi ah! Mas nakakatakot pa kaya na mga nilalang ang nakalaban ko sa kabilang mundo. Tsk!"

Bahagya lamang tumawa si Lakan na tila ba hindi kumbinsido sa sinabi ng kasama.

--

Sa kabilang banda, hindi makatulog si Malayah. Pabago-bago lamang siya ng higa sa kama, hindi mapakali. Sa huli ay bumangon na lamang ang dalaga at tumulala sa kawalan.

Nahagip ng kanyang tingin ang libro na pagmamay-ari ng lola niya. Kinuha niya ito at binuklat muli.

Isa itong libro ng mga babaylan, naglalaman ng mga orasyon, sangkap sa panggagamot, at gabay sa paggamit ng mahika maging paggawa ng gayuma. Napahinto siya sa pagbubuklat ng mabasa ang pamagat ng isang pahina nito.

Mahika ng pagpapalit ng pagkatao.

--

"Ma, may tao!"

Nang hindi sumagot mula sa kusina si Aling Rene, binuksan na ni Jasper ang pinto na kanina pa may kumakatok.

Isang matandang babae ang bumungad sa kanya. Kulubot na ang balat nito ngunit itim pa rin ang buhok. Nakayuko ito na tila ba kuba at may itim na balabal ang nakatakip sa kanyang mga braso at ulo.

"Sino po sila?"

Nang mabuksan ang pinto ay walang pasabing pumasok ang matanda at inilibot ng tingin ang paligid. Nagtataka namang sinundan ng tingin ni Jasper ito.

"Sino po ba kayo?" Kinakabahan niyang ulit sa kanyang tanong.

Kaagad na lumapit sa kanya ang matanda. "Iho, may kasama ba kayo ritong bente uno anyos?"

"Ho?"

"May nakatira ba ritong bente uno anyos na babae? Ate? Kapatid? Pinsan?" Tanong nitong muli at ngumiti.

Nangilabot si Jasper. Sa kanyang paningin, ang matandang kaharap ay parang ang mangkukulam sa kakapanood niya lamang na pelikula kung saan binigyan nito ng mansanas ang bida dahilan ng pagkamatay nito.

"W-Wala po. Baka po nagkamali kayo ng napuntahan."

"Hindi, hindi. Eh, bisita? Naging bisita. Kahapon? Kagabi?"

Napaisip siya. Isang bente uno anyos na babae. Hindi man niya alam kung ilang taon na si Malayah ngunit ito kaagad ang pumasok sa isip niya.

Upang makaalis na ang wirdong matanda, sumagot siya. "Si ate Malayah po ba?"

"Malayah? Malayah! Oo, iho. Ah, nasaan na siya ngayon? Hihi."

Nagtatakang tinitigan ni Jasper ang matanda. Bakit niya hinahanap si ate Malayah? "Umalis na po siya kasama ang mga kaibigan niya. Ang dinig ko po ay papunta silang Zambales."

"Zambales? Saan sa Zambal-"

"Jasper."

Napalingon siya sa kanyang Lolo Nilo na ngayon ay papalapit sa kanila at masama ang tingin sa matandang kausap niya. Napasigaw ang matandang babae nang sabuyan siya nito ng asin. Napaatras si Jasper nang masaksihan ito.

"Manananggal. Umalis ka rito!"

Umangil ang matandang babae at patakbong lumabas sa pinto. Nang makaalis ito ay kaagad na bumaling kay Jasper si Tandang Nilo.

"Jasper, bakit ka nagpapapasok ng kung sino-sino!?"

Hindi nakakibo si Jasper upang ipagtanggol ang sarili dahil sa nasaksihan.

"Pa, Jasper? Anong nangyayari rito?" Tanong naman ni Esme na kakarating lamang mula sa labas habang kalong ang kanyang anak at ang asawa ay nasa likod.

"Sino po 'yung matandang paalis dito?"

"Manananggal," usal ni Tandang Nilo.

"Manananggal? Sinong manananggal? Nasaan!? Diyos ko!" Nagpapanik namang saad ni Aling Rene na lumabas mula sa kusina.

"Umalis na. Isang matanda lang siya ngayon at walang lakas dahil hindi siya makakapagpalit-anyo hangga't may sikat ang araw."

"Ano naman ang ginawa rito?" Tanong ni Esme.

"Hinahanap niya po si ate Malayah," tugon ni Jasper na ngayon lang nagkalakas loob na magsalita.

"Si Malayah? Bakit naman hahanapin ng manananggal si Malayah?" Tanong ni Alfredo.

"At sinabi mo naman, Jasper?"

Napakamot sa ulo si Jasper dahil sa tanong ng kanyang tita Esme. "Natakot ako sa matanda 'e kaya sinabi ko na pupuntang Zambales sila ate Malayah."

"Diyos ko, kung ganoon ay nasa panganib sila!"

"Ate, wala ba silang iniwan na numero man lang para matawagan natin? Para masabihan?"

Umiling si Aling Rene sa tanong ng kapatid. Bumaling siya kay Tandang Nilo. "Papa, anong maaari nating gawin para matulungan sila?"

Umiling si Tandang Nilo. "Wala. Wala tayong maitutulong kung hindi ang ipagdasal na huwag silang mahanap ng manananggal."

--

"Ang akala ko ba ay matutulog ka?"

Kaagad na isinara ni Malayah ang libro at iniligpit ang mga nagkalat na papel sa mesa nang marinig ang boses ni Lakan.

"Hindi ako makatulog," saad niya at itinago sa bag ang mga gamit. "May nahanap ba kayong impormasyon?"

"May nakilala kaming taga-rito. Ikinuwento niya ang alamat ni Mariang Karamot." Tugon ni Lakan.

Nagprisinta naman si Sagani na siya na ang magkwento kay Malayah ng sinabi sa kanila ni Igno. Taas noo niya pang sinasambit ang mga salita at tila ba ginagaya pa ang tono ni Igno sa pagkukwento. Ngunit pinahinto siya ni Malayah sa pagsasalita.

"Alam ko na 'yan. Naikwento na sa akin ni papa ang tungkol sa nakakapangilabot na sirena ng Zambales."

"Ha? Alam mo na? Bakit inutusan mo pa kaming magtanong-tanong tungkol dito?" Reklamo ni Sagani.

"Para malaman niyo. Tinatamad akong magkwento."

Hindi makapaniwalang tiningnan ni Sagani si Malayah. Napailing-iling lamang si Lakan.

May kumatok sa pinto ng bahay na nipa kung kaya't napalingon silang tatlo. Binuksan ito ni Lakan at isang kayumangging babae na nakasuot ng unipormeng pantrabaho ang nasa labas.

"Baka gusto niyo na pong kumain."

"Sige, susunod kami."

Hinarap ni Lakan ang mga kasama. "Tara na, tanghali na rin."

"Oo nga, para makaligo pa tayo sa dagat." Saad naman ni Sagani.

Lumabas na sila ng panuluyan at nagtungo sa isang tolda sa gitna ng buhanginan. Sa loob nito ay may dalawang mahabang lamesa na puno ng pagkain at may mga tao ang nakapila at isa-isang naglalagay sa kanya-kanyang mga plato.

"Kuya, kasama na ba 'to sa binayaran namin?" Tanong ni Sagani sa lalaking nakauniporme na nakatayo sa harap ng tolda at tumango naman ito.

Binigyan sila nito ng mga plato't kubyertos at pinapila na sila upang makakain.

Matapos kumain ay naupo sila sa buhanginan.

"Hindi ba't tuwing kabilugan ng buwan ay nag-aanyong tao si Maria at naglalakadlakad sa pampang? Doon natin siya sasalubungin at itatanong ang tungkol sa hiyas." Saad ni Malayah habang gumuguhit sa buhanginan gamit ang patpat.

"Paano kung magalit siya at hindi niya ibigay? Baka lunurin din tayo n'on katulad ng mga mangingisda."

Liningon ni Malayah si Sagani. "E'di kakalabanin mo siya. Paslangin, kung kailangan."

Napalunok si Sagani. "Kailangan ba talagang ako?"

"Ikaw ang mandirigma rito, hindi ba?"

"Hangga't maaari, iwasan natin ang makasakit sa iba. Kung maaaring idaan sa usapan, gawin natin." Saad naman ni Lakan.

Napatulala naman si Sagani at napatitig sa sariling mga kamay. Kaya ko bang pumatay? Sa totoo niyan, mali ang akala nina Malayah at Lakan sa kanya. Hindi siya iyong makisig at matapang na tagapagtanggol na madalas nilang marinig sa mga kwento. Isa lamang siyang nilalang na hanggang ngayon ay kinukwestyon ang sariling kakayahan at pagkatao.

Sa gitna ng katahimikan sa pagitan nilang tatlo ay nagsalita si Malayah.

"Hindi ba't nais mo ring makauwi sa kabilang mundo? Bakit hindi mo pa hanapin ang ginintuang kabibe nang sa gayon ay makatawid ka na sa Kawalhatian patungong kabila?"

Natigilan si Sagani sa tanong nito. "Ang totoo niyan..."

Ngunit hindi niya sinabi ang nais sabihin. Tinakpan niya ang pangamba't di kasiguraduhan ng isang ngisi. "Bakit? Pinapaalis mo na ba ako, Malayah? 'E, kapag umalis na ako agad, mapapatay mo ba ang sirena, ha?"

"Oo naman, kung nais mo ay ikaw pa ang unahin ko."

"Magtigil nga kayong dalawa. Hindi ba't sinabi kong hangga't maaari ay walang masasaktan?" Saad naman ni Lakan.

Nahiga si Malayah sa buhanginan dahilan upang maabot ng mga paa niya ang dulo ng tubig dagat. "Ikaw ang kumausap kay Maria. Baka hindi ka pa nagsasalita, lunod ka na."

"Ah gano'n?" Lumapit sa tubig si Lakan at gamit ang mga kamay ay sumalok siya ng nito at ihinagis sa nakahigang dalaga. "Ganyan bang lunod?"

Napabalikwas naman ng bangon si Malayah. "Pusanggala ka!" At dahil walang tubig sa malapit, buhangin naman ang ihinagis niya pabalik kay Lakan.

Si Sagani naman ay tumatawa lamang kung kaya't siya ang binalingan ni Lakan at hinagisan din ng tubig.

"Aba, nananahimik lang ako rito ah." Usal niya at bumaling kay Malayah. "Oh, huwag kang magkakamaling manghagis ng buhangin."

Tumayo si Malayah at pinagpag ang suot na bulaklaking korto. Naglakad siya palayo at kaagad na dumakot ng buhangin at ihinagis kay Sagani.

"Sabi nang-!" Kaagad siyang tumayo at hinabol ang dalawa na tumatakbo naman patungo sa tubig at doon sila nagbasaan.

"Teka, teka. Ang sakit sa mata ng tubig!" Wika ni Sagani at bahagyang lumayo sa kanilang dalawa.

"Doon tayo sa malalim," Saad ni Lakan at hinila si Malayah papalangoy.

Nakahawak lamang si Malayah sa braso nito at nang hindi na maramdaman ang buhangin sa talampakan ay humigpit lalo ang kanyang hawak.

"Balik."

"Ha?"

Napalunok si Malayah habang mahigpit pa rin ang hawak sa braso ni Lakan at ikinampay ang mga paa sa tubig. "H-Hindi ako marunong lumangoy."

Narinig nila ang tawa ng kalalapit lang na si Sagani. "Seryoso?" Usal nito at tumawang muli. "Ilang taon ka na? Bente uno?"

Akmang hahampasin ito ni Malayah ngunit kaagad itong nakalayo. Hindi naman makalapit ang dalaga dahil kapag bumitiw siya sa braso ni Lakan ay malulunod siya.

"Punta tayo doon," sabi ni Lakan habang tinuturo ang parte ng look na bilang na lamang ang naliligo.

"Ano? Ayoko nga. Ihatid mo na'ko sa mababaw."

Ngunit hindi nakinig si Lakan. Lumangoy pa rin siya palayo habang nakakapit pa rin sa kanyang braso si Malayah. Nakasunod naman sa kanila si Sagani na lumalangoy pasisid.

"Huwag mong ipabigat ang katawan mo, parehas tayong malulunod."

Sinamaan siya ng tingin ni Malayah na ngayon ay paluwa-luwa na ng tubig dahil hanggang bibig na niya ito at pilit na tinutukuran ang balikat ni Lakan upang makaangat.

Napansin ni Malayah ang isang liwanag na nagmumula sa ilalim ng tubig. Hindi, hindi sa tubig kundi sa kanyang kwintas. Nasa harapan ang tingin ni Lakan kung kaya't hindi niya napansin ang nakita ng dalaga. Iniiangat niya ito mula sa tubig ngunit nawala ang liwanag.

Bumitiw siya sa balikat ni Lakan at sumisid sa dagat. Iminulat niya ang mga mata at pinagmasdan ang kwintas na ngayon ay umiilaw muli.

"Bakit-"

Napatakip siya sa bibig nang may lumabas na boses.

"Paanong-"

Unti-unti niyang inalis ang kamay mula sa bibig at sinubukang huminga sa ilalim ng tubig.

"Nakakahinga ako."

Pinagmasdan niyang muli ang kwintas na lumiliwanag. Tila naiintindihan na niya ang nangyayari. Ang kwintas ng alapaap, na mula sa diyosang si Amihan, ay binibigyan siya ng hangin sa tubig.

"Malayah?"

Kaagad niyang itinago sa ilalim ng damit ang kwintas nang marinig ang boses ni Lakan mula sa ibabaw. Unti-unti itong sumisid upang lapitan siya. Hinawakan niya ang balikat nito at sabay silang pumaibabaw.

"Anong ginagawa mo?" Kunot-noo nitong tanong.

"Sinusubukan kong lumangoy."

Biglang tumawa ang binata dahilan upang mapakunot ang kanyang noo. "Tara na nga, umahon na tayo. Baka di ka pa makarating sa kabilang mundo."

Tumango si Malayah.

"Sir, bawal na po lumangoy dyaan."

Aalis na sana sila ngunit napatigil nang marinig si Sagani na may kausap na isang lalaki sa 'di kalayuan. Mayroong isang lubid na humaharang sa tubig.

"Bakit po?" Tugon naman ni Sagani sa nakaunipormeng lalaki sa taas ng isang kubong lumulutang sa tubig.

"Marami po ang nalulunod dyaan, sir."

Dahil sa sinabi nito, napalingon si Sagani sa dalawa. At sa tinginan ng tatlo, tila ba iisa lamang ang nasa isip nila. Si Mariang Karamot.

"Lakan, ihatid mo na ako sa mababaw."

Tumango naman ang binata at lumangoy na sila pabalik. Nang maramdaman na ni Malayah ang buhanginan sa talampakan, bumitiw na siya sa balikat ng binata at kaagad na naglakad paahon. Nagtataka naman siyang pinagmasdan ni Lakan bago muling lumangoy palayo.

Hinintay lamang ni Malayah na makalayo si Lakan. Muli siyang lumusong sa tubig. Malayo sa mga kasama, malayo sa ibang mga tao.

***

My Jolly Sailor - Ashley Serena's Cover

Hindi isang opm ngunit dito ko nakuha ang sirena vibes ng kabanatang ito haha <3

Continue Reading

You'll Also Like

104K 1K 141
Fairy tales are more than true: not because they tell us that dragons exist, but because they tell us that dragons can be beaten. - Neil Gaiman
319K 7.7K 67
[Acre- UNDER MAJOR EDITING⚠️] Have you ever been in a situation that brought you to tears? Made you laugh? Made you smile? Made you broken into piece...
233K 6.8K 104
Isang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapig...
607K 18.6K 60
Meet Micca Ella Collins, isang ordinaryong teenager na currently nasa ika-apat na taon ng highschool, pero hindi tulad ng ibang estudyante, malungkot...