The Night We Met in Intramuros

By Savestron

1K 186 42

What would happen if an introverted teenager unexpectedly had an imagination about a girl he hadn't met befor... More

Prologue
01
02
03
04
05
06
07
08
09
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
21
22
23
24
25
26
27
28
29
30
31
32
EPILOGUE
WRITER'S NOTE

20

7 6 0
By Savestron

WE'RE JUST THE SAME

MAGDIDILIM na at halos palubog na rin ang araw. Napakaganda ng sunset kaya lumabas kami para tingnan ito at magmuni-muni kahit sandali lang.

Dumating na ang tatay ni Allestair kaya nakalabas na kaming tatlo. Dala na niya ang nilutong ulam na adobong manok. Napakabango nito. Gusto ko nang kumain pero hindi pa oras ng hapunan.

Pagkalabas namin, dumeretso kami sa parking lot ng ospital upang ma-picture-an ang sunset. Kakaunti naman ang mga sasakyan kaya kakaunti rin ang makakakita sa amin.

"Picture-an niyo ako, pang-profile picture ko lang. Gandahan mo ang kuha," utos ni Jiovanni sa akin at saka ibinigay ang cell phone.

"Ayan si Allestair, magsisintas ako ng sapatos ko," palusot ko dahil tinatamad ako.

"Akin na nga 'yan, madali lang 'yan." Nagmayabang naman si Allestair sabay hablot sa cell phone ni Jiovanni.

Inayos ko na lang ang sintas ng sapatos ko para makatotohanan naman ang palusot ko.

"Ngumiti ka naman, aba!" sigaw ni Allestair kay Jiovanni.

"Serious face muna, mas atat ka pa sa atat. Basta picture-an mo ako, huwag ka nang mareklamo," sagot naman sa kaniya nitong isa.

Hindi ko sila pinapansin, pinakikinggan ko lang sila, hanggang sa mayroon na naman akong nakitang dalaga na tumakbo sa 'di kalayuan. Sinundan ko ito ng tingin pero mabilis din itong nawala, parang bula-gaya ng palaging nangyayari. Tumayo ako at tinanaw ang direksiyon kung saan siya patungo.

"May titingnan lang ako saglit," paalam ko sa dalawa na busy sa pagpi-picture, at malamang ay walang pakialam kahit umalis ako.

Agad akong naglakad papunta sa kabilang banda ng parking lot. Habang naglalakad ay unti-unting nag-iiba ang paligid. Bumabalik na naman ako sa lugar kung saan ko siya nakita. Pero kahit ilang beses ko nang nakita ang lugar na ito, hindi ko pa rin mawari kung saan ito at kung anong lugar ito. Basta tuwing nakakabuo ako ng imahinasyon tungkol sa lugar na ito ay parang nararamdaman ko ang presensya niya at parang kasama ko siya. Pakiramdam ko ay senyales ito na malapit na kaming magkita.

At gano'n lang kabilis, narito na naman ako sa mundo ng aking imahinasyon.

Gabi na. Nakikita ko na siya, nakatalikod sa akin gaya ng kung paano ko siya nakita sa aking imahinasyon noon. Naiiba nang kaunti ang imahinasyon kong ito dahil nakasuot siya ng mask, tila ayaw niyang ipakita sa akin ang kaniyang mukha, na siguradong nakabibighani ang ganda. Lumapit siya sa akin at ako nama'y napahinto lang sa aking kinatatayuan. Nakatingin lang ako at nag-aabang sa kaniyang paglapit habang ang mapungay kong mga mata ay unti-unting lumuluha sa sobrang saya.

"Gustong-gusto na kitang makita, at nahanap mo na ako," nakangiti niyang sabi habang nakatingin lang sa akin.

Napangiti rin ako at hinagkan siya nang mahigpit. Tumulo na nang tuluyan ang luha ko nang hagkan ko siya.

"Salamat dahil hinanap mo ako," bulong niya sa akin habang kayakap ako.

Hindi ako nakasagot dahil patuloy pa rin ang luha ko sa pagtulo. Parang ayaw ko nang bumitaw sa pagkakayakap sa kaniya. Ramdam na ramdam ko siya. Ramdam ko ang yakap ng dalagang matagal ko nang gustong makita, mahagkan, makilala, at makasama. Sobrang sarap sa pakiramdam. Wala na akong iba pang mahihiling. Masayang-masaya na ako na nakita ko siya, lalo na ang mayakap siya. Para akong nalayo sa tahanan ko nang matagal, at ngayon, nakauwi na ako... sa kaniya.

Bahagya niya akong itinulak at humawak sa balikat ko. "Ako na ito..." aniya.

Napangiti ako kasunod ng pagpunas niya sa aking luha gamit ang kaniyang panyo.

"Ako na 'to, si-"

Biglang naantala ang kaniyang pagpapakilala dahil tinapik ako ni Jiovanni. Napalingon ako sa kaniya at natagpuan ko ang sarili ko na nakaupo sa sahig malapit sa puwesto kung saan sila nagpi-picture.

"Magpapa-picture ka rin ba?" tanong ni Allestair sa akin.

Naguluhan ako at bahagyang nagbago ang mood dahil sa nangyari. Sasabihin na niya ang tunay niyang pangalan pero naantala pa. Matatapos na sana ang pagtawag ko sa kaniyang ng Blythe.

Nakasimangot akong tumayo mula sa pagkakaupo ko. "Hindi na," malamig kong sagot, saka umalis at iniwan silang dalawa.

"Ano'ng nangyari do'n?" narinig kong tanong ni Allestair kay Jiovanni.

"Kielvinson," tawag sa akin ni Jiovanni nang makitang naglalakad na ako palayo sa kanila.

Hindi ko maintindihan ang sarili ko, pero sobra akong nainis dahil sa nangyari. Kaunti na lang ay malalaman ko na sana ang pangalan niya, pero nauwi lang sa wala.

Nakakailang tawag na si Jiovanni sa pangalan ko pero hindi pa rin ako lumilingon. Binilisan ko ang paglakad kahit alam kong mahahabol pa rin niya ako.

"Kahit minsan lang, Kielvinson," wika niya habang sumusunod sa akin. "Kahit minsan lang, tigilan mo ang imahinasyon mo sa kaniya. Hindi siya totoo," pagpapatuloy ni Jiovanni, dahilan upang hindi ko na mapigilan ang sarili ko.

Huminto ako sa paglalakad, humarap sa kaniya, at kumuyom. Pinilit kong pigilan ang emosyon ko, pero dahil sa labis kong pagkainis sa sinabi niya ay lumapat sa mukha niya ang nag-iinit kong kamao. Napaatras siya, hindi makapaniwala sa nagawa ko.

Dumudugo na ngayon ang mga labi ng kaibigan ko nang dahil sa akin. Alam kong nang mga oras na iyon ay hindi siya ang Jiovanni na kilala ko, at dapat ay inintindi ko siya, pero hindi ko napigilan ang sarili ko na gawin iyon.

"Bawiin mo ang sinabi mo!" Kinuwelyuhan ko siya at itinulak, dahilan upang mapasandal siya sa pader.

Agad pumunta si Allestair sa pagitan naming dalawa at hinawakan kami upang hindi lumala ang tensiyon. "Ano'ng nangyayari sa inyo?!"

Hindi nagsalita si Jiovanni matapos ko siyang suntukin. Itinulak na lang niya ang kamay ni Allestair, saka umalis. Lumingon siya sa akin at ni katiting na galit ay hindi ko nakita sa kaniyang mga mata. Bakit?

Bigla akong nakonsensya sa ginawa ko sa kaniya. Nagmadali siyang pumasok sa loob ng ospital kaya naiwan kami ni Allestair.

Hinila niya ako sa isang tabi. "Ano ba'ng problema niyo? Ano'ng problema mo? Bakit mo 'yon ginawa?" Bakas sa mga mata niya ang pag-aalala. "Tropa tayo, 'di ba?"

Napayuko na lang ako. Ano nga ba ang ginawa ko? Bakit ko ginawa 'yon? At bakit kay Jiovanni pa, na walang ibang ginawa kundi ang samahan at suportahan ako sa mga ginagawa ko.

"Dahil lang do'n, magkakaganiyan na kayo?" pagpapatuloy niya. Bakas sa tono ng boses ni Allestair ang inis, pero alam kong nag-aalala lang siya para sa amin ni Jiovanni.

Mas lalo akong nakonsensya dahil sa ginawa ko.

"Ayusin niyo 'yan. Mag-usap kayo mamaya sa loob. Hindi dapat kayo nag-aaway. Kayo na nga lang ang magkasama, kayo lang ang magtutulungan. 'Di ba't adventure niyo 'to? Parte lang ako ng ginagawa niyo. 'Wag niyong sirain ang pagkakaibigan niyo dahil lang sa simpleng bagay o salita. Kayo lang ang makakaayos nito," sermon sa akin ni Allestair.

Ilang minuto pa niya akong kinausap sa parking lot hanggang sa dumating ulit si Jiovanni dala ang kaniyang naiwang gamit sa kuwarto. Hindi niya kami tiningnan at dumeretso na sa kotse. Pinaandar niya ang sasakyan at saka umalis. Nang makatapat siya sa amin ay biglang bumukas ang bintana. Hindi pa rin siya tumitingin sa akin. Inaabangan ko ang gagawin niya. Ibinagsak niya sa sahig ang Rubik's cube, saka tuluyang umalis nang hindi kami tinitingnan.

Tumakbo ako at sinubukang pigilan siya, pero hindi na siya huminto. Naglakad at sumunod na lang sa akin si Allestair sabay tapik sa balikat ko. "Gagawan natin 'yan ng paraan. Huwag kang panghihinaan ng loob, nandito pa ako."

Binalikan ko ang Rubik's cube at pinulot ito.

Pagbalik namin sa ospital ay nakasalubong namin ang tatay ni Allestair. "May bibilhin lang ako sandali," aniya, sakto namang papasok kami ng kuwarto.

Dumeretso na kami sa kuwarto at nag-isip ng maaaring gawin para makausap si Jiovanni. Naisip ko kaagad si Celeine. Alam kong kahit hindi pa namin siya gaanong nakasama at kakilala, may tiwala ako na may maitutulong siya sa amin.

"Coffee shop?" suhestiyon ko na agad namang sinang-ayunan ni Allestair.

Hinintay naming makabalik ang tatay niya bago umalis. Pero hindi siya nagtagal at bumalik na rin pagkalipas ng ilang minuto.

***

"HA? Bakit? Ano'ng nangyari? Ano'ng problema?" hindi makapaniwalang tanong ni Celeine.

"Nag-away kami at kasalanan ko," maikli kong sagot.

"Umalis siya?" Sinusubukan niyang intindihin ang sitwasyon.

"They misunderstood each other, that's why." Sumingit sa usapan si Allestair.

"Hay nako, Allestair! Huwag mo akong English-English-in diyan," pabiro niyang sita kay Allestair.

"Basta, may hindi pagkakaintindihan," sagot naman nitong isa.

"Tungkol ba 'yan sa babae?" tanong ni Celeine.

"Oo," mahina kong sagot dahil nakonsensya ako sa ginawa ko. "Pero hindi naman kagaya ng maaari mong isipin."

Napaisip si Celeine. Nagkakape naman si Allestair habang nakikinig sa aming dalawa. "Sa tingin mo, sino ang mali?"

"Ako. Kasalanan ko 'yon."

"Hindi ba kayong dalawa ang may mali? Kasi para sa akin, ha, hindi kayo mag-aaway kung isa lang sa inyo ang may nagawang mali. Otherwise, may topak ang isa sa inyo kung bakit kayo nag-away."

"May topak ako? Baka. Oo. Siguro nga may problema ako dahil pilit kong pinatutunayan sa sarili ko na totoo ang mga imahinasyon ko."

"Imahinasyon mo?" Napaangat siya ng kilay.

"Basta, mahabang kuwento. I have a series of imaginations about a girl I never met before, not once, maraming beses."

"So, hinahanap mo siya, gano'n ba?"

"Ganiyan nga, pero ang tanga lang. Para akong bata na nag-i-imagine na totoo ang superpowers at superheroes."

"Sinisisi mo ang sarili mo sa nangyari dahil hindi ka natatakot na sumubok, hindi ka umaatras sa commitment na inumpisahan mo? Kung 'oo' ang sagot mo, maniniwala na akong mali ka."

"Pinipilit kong ipasok sa isip ko na hindi siya totoo, na hindi ko siya makikita kahit kailan, pero hindi ko kaya. May bumubulong sa akin na totoo siya-gabi-gabi, araw-araw, bawat minuto't segundo. Alam kong nandiyan lang siya, alam kong makikita ko siya, may tiwala ako. Gano'n ako katatag, na kahit anong klase ng balakid ang humarang sa akin, hindi magbabago ang isip ko na gusto kong... gusto ko siyang makita at makilala, kahit ano pang mangyari o maging kapalit."

"In love ka sa girl na never mo pang nakita sa personal?"

"Oo. Sobra. Kaya ko 'to ginagawa, para makita siya. It seems like I am looking for valid evidence that the Earth isn't really an oblate spheroid-ganiyan kahirap ang naging resulta ng choice ko."

"Sa tingin mo, tama ang imagination mo? Sa tingin mo ba, totoong nandiyan siya?"

Tumingin ako nang deretso kay Celeine. "Oo. Naniniwala akong totoo siya, because I feel her everytime. Kahit ano'ng gawin ko, kahit anong alibi ang gawin at isipin ko, she's real to me, kaya gusto kong patunayan 'yon, na hindi ako nagkakamali sa kutob ko."

"Okay. Kuha ko na ang point mo. Susuportahan kita riyan, hindi kita pipigilan o kokontrahin. Just go for it, kung diyan ka masaya, why not take the chance? Pero I need to admit na napaka-weird din."

Napangiti ako dahil sa sinabi sa akin ni Celeine. Wala namang hindi mawe-weirdo-han dito.

"So, ano'ng gagawin natin ngayon? Gusto mo bang tawagan ko si Jiovanni?" suhestiyon niya.

Hindi ako kumontra sa suggestion niya kaya tinawagan niya si Jiovanni.

"Hello?" bungad niyang sabi kay Jiovanni.

"Hello?"

"Si Celeine ito. Saan ka ngayon? Tara naman kape, libre kita," alok ni Celeine.

"Hindi ako puwede ngayon, eh, nagda-drive ako."

"Ipasa mo kay Kielvinson ang phone, may tanong ako sa kaniya." Sinubukang alamin ni Celeine ang reaksiyon ni Jiovanni kapag binanggit niya ang pangalan ko.

"Hindi ko siya kasama ngayon, mag-isa lang ako."

"Ang lungkot niya, ramdam na ramdam ko sa boses niya," wika ni Celeine at napatingin lang sa amin ni Allestair.

Napayuko ako at sinubukang mag-isip kung ano ang maaari kong gawin. Hindi ko alam, hindi ko maintindihan ang sarili ko. Dapat ko talagang sisihin ang sarili ko sa lahat ng 'to. Ang tanga ko. Ang tanga kong kaibigan.

"Hindi talaga sumasagot, eh. Subukan na lang natin mamaya, baka naman na-low batt lang 'yon o kaya nasa biyahe, gaya ng sabi niya," sabi ni Celeine sa amin ni Allestair matapos ilang ulit subukang tawagan muli si Jiovanni.

"Hindi kaya umuwi na siya sa kanila?" Napatingin ako kay Allestair nang magsalita siya. "Sa Nueva Ecija?"

Napaisip ako kung saan pa maaaring pumunta si Jiovanni. Posible nga na umuwi na siya sa Nueva Ecija para may kasama ang lola niya.

Hindi pa siguro ngayon ang tamang timing para magkaayos kami. Bibigyan ko muna siya ng oras para makapag-isip at makapagdesisyon.

Paglingon ko sa labas ay umuulan pa rin at madilim na kaya naisip naming bumalik na sa ospital dahil hinihintay kami ng tatay ni Allestair para sabay-sabay maghapunan.

"Tara na, baka hinihintay na tayo ng tatay mo." Bumaling ako kay Allestair.

"Umuulan pa, sandali, pahiramin ko kayo ng payong," agad namang sabi ni Celeine nang marinig na paalis na kami ni Allestair.

Nang iabot ni Celeine ang payong ay nagpaalam na kami sa kaniya. "Una na kami, hindi ka ba sasama sa ospital?" tanong ko.

"Uhm, iko-cover ko pa 'yong shift ng kaibigan ko mamayang alas otso. Pero bukas, baka makapunta na ako," aniya.

Bigla kong naalala na baka bukas ng umaga, kung hindi mamaya, ang alis ko rito sa Ilocos Sur. "Sige, agahan mong pumunta, ha?" Baka kasi hindi mo na ako abutan, eh.

"Bakit?" tanong niya habang inililigpit ang aming pinagkapehan.

"Baka bukas na ako umalis, eh," maikli kong sagot sabay ngiti.

"Ay, ang bilis mo naman dito sa Ilocos! Sige, aagahan kong pumunta. Ingat kayo, malakas ang ulan. Payong ko, ha? Sirain niyo."

Pagkalabas namin ni Allestair ay medyo nabasa pa rin kami ng ulan. Hindi na namin ito pinansin dahil naka-hoodie at jacket naman kami, mayroon pang payong. Minadali na lang naming maglakad papunta ng ospital para hindi pa rin kami gaanong mabasa.

***

MATAPOS tawagan ni Celeine, malungkot na nagmaneho si Jiovanni habang tumutulo ang luha mula sa malungkot niyang mga mata. Kinapa niya ang kaniyang mga labi na may kaunting dugo at pasa. Ilang sandal pa, mayroon siyang tinawagan.

"Hello, 'La?" bati niya sa kaniyang kausap.

"Apo, kumusta ka naman?"

"Okay lang po ako, Lola. Pauwi po ako riyan sa Nueva Ecija, ano po ba ang gusto ninyong pasalubong?" Pinilit gawing masaya ni Jiovanni ang boses niya kahit patuloy pa rin sa pagluha.

"Nako, malungkot ang apo kong Jiovanni, ah?"

"Ako po? Sino'ng malungkot, 'La? Sobrang saya ko nga po at makikita ko na ulit ang maganda kong lola." Nagpunas ng luha si Jiovanni habang pinipilit na huwag mahalata ng lola niya ang bahagya niyang paghikbi.

"Kabisado ko kayong lahat, apo, magaling ang lola sa ganiyan, hindi mo ako madaraan sa secret."

"Sige po, 'La, end call ko na po, nagda-drive pa po ako," paalam na ni Jiovanni.

"Mag-iingat ka, apo, hihintayin ka ni Lola, ipagluluto kita ng hapunan.

"Huwag na po, 'La, nasa Ilocos Sur pa po ako, malayo pa po ito," tanggi ni Jiovanni sa sinabi ng lola niya.

Hindi pa niya na-end ang tawag pero bigla nang namatay ang call. "Okay, low batt," dismayadong bulong niya.

Sobrang nalungkot si Jiovanni sa pag-alis niya. Hindi na niya kasama sa biyahe sina Allestair at Kielvinson. Malungkot ang kaniyang naging oras habang pauwi sa Nueva Ecija.

Habang nagmamaneho, bigla siyang nagsalita at tila may kinakausap. "Malungkot ako, 'tol, sobrang lungkot ko," mahina niyang sabi sa kausap. Lumingon siya sa kaniyang kanan kung nasaan ang passenger seat. Doon niya nakitang nakaupo si Bry-ang kaibigan niyang nasawi dahil sa isang aksidente.

Sa mga araw at gabi na kasama niya si Kielvinson ay ni minsan, hindi niya nasabi sa kaibigan ang tungkol sa bagay na matagal na niyang itinatago.

"Salamat sa mga masayang alaala, mga kaibigan," bulong na lang niya, umaasa na kahit papaano ay maririnig iyon ng mga kaibigan niya.

Pagkalipas ng mahabang biyahe, ligtas na nakarating sa Nueva Ecija si Jiovanni, at doon ay sinalubong siya ng kaniyang lola kahit gabing-gabi na. "Apo, mabuti at nakarating ka na," masayang bati sa kaniya ng lola niya habang nakatayo sa terrace ng kanilang bahay.

Ngumiti si Jiovanni at lumingon sa gate dahil doon ay nakikita niyang nakatayo si Bry.

***

Kielvinson's POV

KINABUKASAN, nagising ako nang maaga. Panandalian akong nagmuni-muni bago bumangon. Dumeretso ako sa banyo at agad nag-toothbrush. Pagkalabas ko, binuksan ko ang aking bag. Hindi ko inaasahan na mayroon akong makikitang sulat sa loob. Napuno ako ng pagtataka nang buklatin ko ang sulat mula kay Jiovanni.

Alam kong napapaisip kayo ngayon. Okay na sa akin ang away natin, wala na 'yon para sa akin. Ang problema ko lang ngayon, matagal na tayong magkasama pero hindi ko nahanap ang tiyempo para sabihin sa 'yo 'to. Parehas lang tayo. May imaginations din ako tulad ng sa 'yo, at si Bry ang nakikita ko-ang matalik kong kaibigan-at kasama natin siya saan man tayo magpunta. Nangyayari rin lahat ng napapanaginipan ko at nai-imagine, at isa sa mga 'yon ang dahilan kung bakit ako umalis. Kailangan kong humiwalay sa inyo dahil alam kong hindi ko kaya kapag dumating na ang panahon na mangyari na ang nangyari sa panaginip ko, sa imahinasyon ko. Alam kong naiintindihan mo ako dahil pareho tayo. Umaasa ako na magkikita pa tayo pagkatapos nito. Maraming salamat sa lahat, hindi ko kayo makakalimutan.

Continue Reading

You'll Also Like

1.1K 724 25
[OLD] Dahil sa utang at pangangailangan ng pera ng Pamilyang Criste ay natigil mag-aral si Faye, lalo pa't iniwanan sila ng kanilang ama nang lumulub...
2.1K 449 20
For Ezekiel, life has always been hard and he had long stopped believing that miracles could happen, or that his life will be as colorful and lively...
109K 4.6K 53
The Madrid-Esquival siblings Nora, Fort, and Ansel, find love through their phones...and go from there. *** Nora's crush on her older brother's teamm...
2.6K 192 32
Zandy Rain Daza is the only daughter of retired AFP General Gilbert Daza. During their vacation in Quezon Province with her officemate/friends. She w...