Huling Patak (Self-Published)

By Juanxhari

1.1K 139 9

May 25, 2021 [VOLUME I - C O M P L E T E D] *** Ang hinaharap ng tatlong kaharian ay nakapako sa pagkakapanta... More

Simula
Unang Episodyo
Ikalawang Episodyo
Ikatlong Episodyo
Ikaapat na Episodyo
Ikalimang Episodyo
Ikaanim na Episodyo
Ikapitong Episodyo
Ikawalong Episodyo
Ikasampung Episodyo

Ikasiyam na Episodyo

61 11 0
By Juanxhari

HULING PATAK

Ikasiyam na Episodyo - Pagsilang Sa Lahat

Paano nga ba talaga tayo totoong nananalo sa anumang uri ng digmaan? Pinangunahan ng mga squad leaders ang pagbibigay ng command sa mga kasapi. Sa hindi ko malamang rason, patuloy pa rin ang pagsisigawan ng mga halimaw. Ngunit hindi kami nito pinapansin.

Tumatakbo lang papunta sa dakong kanan. Para bang may pinagpi-piyestahan sila. Kaya naging madali ang paglabas ng ibang squad. Pinili kong mahuli kasama ang team Echo at Foxtrot.

Kauna-unahang lumabas ang Team Alpha at Charlie. Ngunit bago umalis ang squad ni Kai, nilapitan ko siya. "Tumungo kayo sa Unit ng R.O.T.C., may mga nakatagong M16 at M-1991 caliber, 0.45 pistol at 105mm howitzers. Gamitin n'yo 'yon bilang panangga. Pero hindi aatake."

"Captain, wala pa tayong proper training para sa baril. Delikado."

Minata ko ang lalaki. "Alam kong tinuruan kayo nang patago ng isang Cadet Officer buhat noong isang taon. Kasama mo noon si Kiel at ang iba pa rito. Kaya gamitin n'yo 'yon." Sandali akong huminto. "This isn't an order. This is a request."

Nakita ko pa kung paano kumibot ang labi ni Kai. Hindi siguro inasahan ang sinabi ko.

"Magkita-kita sa unang gusali patungo hilaga, limang daang metro sa kasalukuyang lokasyon. Hintayin ang bawat team! Huwag aalis hangga't hindi pa nakararating ang lahat. At hanggang kaya, hintayin nating makabalik ang tatlo nating kasamahan."

Iyan ang aking mga kataga bago sila paalisin. Dala-dala nila ang mga kandila na nakalagay sa mga supot. Bago ako lumabas ng silid, sinigurado kong walang naiwan. Pagtapak ng pasilyo, sakto noon ang biglang katahimikan.

Tumigil ang hiyawan ng mga halimaw. Tiningnan ko si Mae. "Umuna na kayo ng squad mo. Linisin ang daan. Ngunit hangga't maaari, iwasan sila. Hindi pa rin natin alam kung anong uri ng mga halimaw ito."

Tumango ang babae at pinayuhan ang mga kasapi na umuna na. Tumakbo sila papunta sa hagdanan.

Pumwesto si Santi sa'king likuran. "Hindi pa ba tayo aalis?" Kaba rin ang bumabalot sa kaniyang boses.

Umiling ako. "May kailangan lang akong makita."

Tumapat ako sa gawi ng mga halimaw na ngayon ay nakatayo lang habang dahan-dahang tinatahak ang daan. May nakapa akong matigas na bagay matapos hawakan ang loob ng isang paso. Bato ito.

Kung tama ang hula ko, hindi magiging problema ang pag-iingay.

Ibinato ko sa dingding ang hawak na bato. Kung saan-saan ito tumama at gumawa ng iba't ibang ingay. Ngunit walang ipinakitang ibang reaksyon ang mga halimaw.

Hindi hanggang sa may narinig akong tunog nang pagsinghot. Mula sa mahina, palakas nang palakas. At nang sumigaw ang mga halimaw na para bang handa ng basagin ang aming pandinig, masigasig din akong sumigaw. "TABI!"

Sinimulan ng mga kasamahan ang kanilang pagtabi. Naiwan akong nakasandal sa dingding. May ilang mga nakadapa dahil walang matinong ilaw sa paligid. Sa sobrang laki ng mga halimaw, nauna na silang nakababa ng gusali.

May ilang nagtamo ng sugat at galos dahil sa natapakan ng ilang mga halimaw ang katawan nang sila'y madapa.

Parang lumindol ulit sa buong gusali nang tumakbo ang mga 'yon. Naiwan kaming lahat sa itaas. Hinintay hanggang sa humupa ang hiyawan. Hindi rin namin magagawang makatakas mula sa sitwasyon kung makikisabay sa agos nila. Mas magiging delikado.

Nagtatakang lumapit si Santino. "Hindi ko naiintindihan. Bakit hindi nila tayo pinapansin?" Pumalibot ang aming mga kasamahan sa amin.

Napasuyod ang kaliwa kong kamay. "Kung tama ang hinuha ko, ang mga 'yon ay walang kakayanang makarinig at makakita. Base sa ginawa kong pagbato, hindi nila pinansin ang tunog na umusbong maging kung saan napunta ang bato."

"Imposible. Kung hindi, papaano?"

Inabot ako ng ilang segundo bago sumagot. Lahat ng sasabihin ko ay pawang hinuha lamang. Kailangan pa ng mga sapat na ebidensya upang ito ay mapatunayan. "Malakas ang kanilang pang-amoy."

Ngunit kahit na sabihin ko 'yon, wala akong ibang patunay na mabanggit. At sa posisyon namin ngayon, kailangan ko ang mga ito. Makatutulong ito sa amin.

Subalit gusto kong balikan ang aking tanong. Paano nga ba nananalo sa digmaan? Kapag ba naubos mo na ang tanang kalaban? O sapat nang masabing nanalo ka kung alam mo ang kanilang kahinaan? At lalo't higit pa, ang pagkakaroon ng mata sa kanilang kalakasan.

Ang bawat bagyong dumadaan ay lumilipas. Nagagawa ng mga Pilipinong lagpasan ang mga ito kahit na ang pamamalakad ng sistema ay mas mabaho pa sa amoy ng bulok na durian.

Isa itong kalaban kung maituturing. Ngunit alam natin kung paano nabubuo ang bagyo, kung paano ito kumikilos, kung gaano ito kalakas, at nagbibigay ng pahirap sa atin. At kapag ang bagyo'y nalagpasan, isa itong pagkapanalo.

Ngunit hindi pa rin sapat.

Dahil ang bagyo ay puwede ulit mamuo. Kaya ang dapat bigyang pansin ay kung paano matutuldukan ang hampas ng hangin at sampal ng ulan.

Pero sa paglubog ng araw, hindi pa rin masasagot ang tanong: Paano nga ba nananalo sa digmaan? May pagkapanalo pa nga ba?

"Bumaba na tayo."

Pagkababa na pagkababa ng gusali ay natanaw agad ang gulong nangyayari. Alam kong naramdaman ni Kyouya na maiipit kami sa itaas kaya gumawa siya ng paraan. Pinalilibutan siya ng mga halimaw. Nasa bilang lang ito ng labintatlo.

Nakataas ang kamay ng lalaki at kapansin-pansin ang mga pabangong hawak niya. Iisa lang siguro kami ng naiisip ni Kyouya.

Nagbalik-tanaw ako sa kung paano niya binuksan ang coat ni Kiel. Kung tama ulit ako, pabango iyon ng babae. Sobrang bango nito kaya nang itapon niya 'yon ay naamoy ko ang halimuyak.

Kaya naman siguro napapunta ang mga halimaw sa amin ay dahil sa mga kandilang binuksan kani-kanina lamang.

Sinalubong ako ni Kai pagkababa namin. "Wala na ang mga baril." Sarado ang kaniyang mga panga.

"Ano?" kumunot ang noo ko. "Paanong mawawala?"

"Hindi rin namin sigurado. Pero pagdating ng squad ko roon, bukas na ang silid at halata rin ang mga kalat." Huminto siya. "Mukhang hindi tayo nag-iisa bukod sa mga halimaw na ito."

May kinuha siya mula sa loob ng kaniyang coat. Isang strap. "Natagpuan namin 'to sa loob kanina. Sabi ng kasama ko, strap 'to ng buff facemask. Kung bibilisan natin ang kilos, baka mahanap natin ang may-ari nito."

Malakas na kumabog ang aking dibdib. Tumunog ang aking dila. "Wala na tayong panahon para hanapin ang mga 'yon. Kung tama man ang hula mo na hindi tayo nag-iisa, sino naman ang posibleng kasama natin?"

Wala siyang ibinigay na sagot. Kahit naman ako ay wala ring maisip.

"Pero ang mahalaga niyan, Captain, alam nating may kasama tayo na mga tao. Baka matulungan tayo—"

Naudlot ang pag-uusap namin nang malakas na sumigaw ang mga halimaw na pumapalibot kay Kyouya. Sabay-sabay kaming napalingon sa kaniya.

Pinihit niya ang mga takip ng pabango dahilan upang kumawala ang amoy ng mga ito.

Lumapit si Santi. "Hindi ba natin tutulungan 'yon?"

"Magtiwala tayo kay Kyouya. May plano siya."

Hindi kumbinsido ang lalaki sa aking naging tugon. Ngunit sigurado ako na may naiisip si Kyouya. Isa pa, hindi niya ilalagay ang sarili sa kapahamakan.

Ibinaling ko ang tingin kay Kai. "Nasaan ang iba nating kasamahan?"

"Maliban sa team ko at sa team Echo, silang lahat ay nakapuwesto na sa Music Hall. Hinihintay na lang namin si Lieutenant Santiago. Pati rin kayo, Captain Aguda at Lieutenant Alfugar. Pagkatapos ay handa na tayong umalis. Mauubusan tayo ng panahon kung hihintayin pa natin ang tatlo."

Tumango ako nang nag-aalala.

Handa na sana kaming umalis nang biglang maghiyawan nang mas malakas ang mga halimaw. Ganap nang itinapon ni Kyouya ang mga pabango sa gawing kanan nito.

Ngunit laking gulat nang tumama ang mga pabango sa apat na babae na bagong labas mula sa likod ng gusali. Napakurap ako nang ilang sandali. Hindi makapaniwala sa nakita.

"Chayo..."

"Luna." Dinig kong wika ni Santino na nasa aking tabi. Ang babaeng tinutukoy niya ay may mahaba at puting buhok. May perlas itong kutis at tiyak na puwedeng maging depenisyon ng kagandahang panlabas ang kaniyang pisikal na kaanyuan.

Nabubo ang mga pabango sa kanilang damit. At sa pagkakataong ito, ang mga halimaw ay nakatingin sa kanilang apat. Masyado kaming malayo mula sa kanilang posisyon.

Nagulat si Kyouya sa naging bunga ng kaniyang kilos. Ngunit huli na ang lahat upang mabawi niya iyon. Nagwala ang mga halimaw dahil sa samu't saring amoy na kumawala.

"HINDI!" Mabilis na tumakbo si Santino. Sinabayan ko siya habang malakas na tumatambol ang dibdib. Para kaming nakikipagpabilisan sa mga halimaw na ngayon ay nagtutulakan.

Sa gawing kaliwa ko ay may panibagong lalaki na tumatakbo. Tiningnan ko 'yon at nakilala si Rupert. Si Kyouya naman na mas malapit ay sumampa sa likuran ng isang halimaw. "TAKBO! UMALIS KAYO!"

Labis ang pagkagulat ng mga babae. Taranta rin. Ang mga hawak nilang supot ng pagkain ay nalaglag sa lupa. Para bang sila'y napako sa puwesto. Ngunit sa pangunguna ni Chayo, sinimulan nilang tumakbo palayo.

Tagaktak na ang pawis namin. Ang alam ko, kailangan ko silang puntahan at tulungan. Bumilis nang bumilis ang aming pagtakbo. Hanggang sa ilang sandali, hindi ko na maihinto ang aking mga paa kahit na magsasalpukan kami ni Rupert.

Napasara ako ng mga kamao. Pinilit kong tumigil ngunit hindi kinaya. Nagbungguan kami. Nadamay si Santino. Ngunit ibang kaba ang bumalot sa akin nang kaming tatlo ay magkapatong-patong.

---

Namuo ang kaulapan. At kasabay noon ang mga malalakas na pagkidlat. Ang walang humpay na pag-uga ng lupa. Dumampi rin ang malamig na hangin sa aming tainga.

Walang ideya sa mga nangyayari ngayon. Patuloy lang ang galit na tunog ng kalangitan. May iba't ibang uri ng huni ng mga hayop ang lumabas. May umaalulong na aso, tono ng takot na ibon, sigaw ng tigre at leon, at marami pang iba. Tulad na lamang ng iyak ng mga taong parang pinapatay. Na parang sinusunog sa ilog na puno ng apoy.

Magkakapatong pa rin kaming tatlo sa lupa. Ako ang nasa pinakailalim.

Sunod na nangyari ang biglang paglipad naming tatlo sa ere. May kung anong enerhiya ang nagtulak sa amin mula ibaba.

Lumutang kami eksaktong katapat ng bilog na buwan. Tila silweta na lamang ang matatanaw. Lumagapak kami nang magkakasunod sa lupa. Masakit sa likod. Akala ko ay nabalian na ako ng mga buto. Subalit, nagawa ko pa ring makatayo kahit nahihirapan.

Inilibot ko ang paligid. Pero nagulantang ako sa nasaksihan. Wala na namang ibang gumagalaw. Ako lamang. Ipinitik ko ang mga daliri. "Hindi ito panaginip."

Iba ang kutob ko.

Napatingin ako sa ibaba at iba ang tuwa na aking naramdaman. Nakita ko sina Santino at Rupert na tumatayo. Nang katapat ko na sila, ibang enerhiya ang aking nadama. Napuno ng pulang tinta ang mata ni Rupert. Dilaw naman ang mata ni Santino.

"Ano'ng nangyayari sa inyo?" Kumunot ang aking noo. Pero silang dalawa ay masama ang pagkakatitig. Hindi lang sa akin, ngunit maging sa isa't isa.

Umusok ang kanilang mga ilong at parang galit na galit. Magkasabay nilang pinunit ang suot na damit.

Tumambad sa aking mata ang dibdib ni Rupert na may sariwa pang sugat. Iyon ay nakapormang imahe ng paniki. Sobrang laki nito. Segundo ang tumagal at ang sugat ay mabilis na naghilom ngunit nag-iwan ng permanenteng peklat.

May sugat din si Santino. Sa tig-kabila niyang braso ay may imahe ng galit na tupa.

Saan nila ito nakuha?

Masama ang lagay ko ngayon. Nahihilo rin. Ngunit wala naman akong kakaibang nararamdaman. Wala rin namang sugat!

Muling kumidlat at kumulog. Ang dalawa ay naglaho kasama ng hangin. Sinubukan kong hanapin kung saan sila nagtungo. Ngunit ang mga pangyayari ay sobrang mabilis.

Magulo ang kalangitan. Nagbabadyang bumuhos ng ulan ang mga mabibigat na ulap. Ngunit hindi ako natinag upang hindi magpatuloy sa dapat na gagawin.

Magandang pagkakataon ito upang iligtas ang apat na babae na nasa bingid ng kamatayan. Kung walang ibang kayang gumalaw maliban sa akin, wala dapat na maging sagabal. Ang tanging oras lang ang kalaban.

Hindi ko alam kung hanggang kailan na ganito. Kaya ang bawat hakbang ko ay malalaki. Gusto ko mang tumakbo ay hindi nagawa dahil sa sugat na natamo ng aking binti.

Isa-isa kong binanggit ang mga pangalan ng mga babae. Ngunit alam ko namang wala akong makukuhang sagot. Kaya minabuti kong lapitan sila at iisog malayo sa mga halimaw.

Ngunit wala na akong natitirang lakas upang gawin 'yon. May iba rin silang taglay na kabigatan kaya magiging imposible kung bubuhatin ko sila.

Ilang pulgada na lang ang layo ng mga halimaw sa kanilang mga mukha. Kung hindi siguro huminto ang oras, patay na sila.

Ikinuom ko ang aking kamao. Pinipigilan kong lamunin ang sarili ng emosyon. Nag-isip ako. Humanap ako ng paraan. Subalit wala talaga—hanggang dito na lamang ba?

Kasabay ng panibagong kulog ang ideyang pumasok sa'kin. Suminghot ako. Naamoy ko ang mga pabangong lumapat sa kanilang damit. Nanlaki ang aking mata nang maisip ang isang bagay.

Hindi maaari! Masyadong bastos—ngunit wala na akong ibang naiisip na paraan. Hinawi ng kaliwa kong kamay ang buhok. Sandali ring napakagat ng labi. Patawad...patawad, mga kasamahan.

Ang pagpigil sa luha ay tila naging imposible. Pumatak ito nang dire-diretso.

Nanginginig kong inilapit ang mga kamay sa kanilang kuwelyo. Inuna ko ang kuwelyo ni Chayo. Akma nang hahawakan ang butones at tatagkalin sa pagkakasara nito.

Ito lang ang tanging paraan upang iligtas sila. Nasa kanilang damit ang halimuyak na hinahabol ng mga halimaw. Kung aalisin ko 'to, posibleng lubayan sila.

Nang ilang sentimetro na lamang ang namamagitan sa kamay at kuwelyo ni Chayo, may lumipad. Parang hangin ng ipo-ipong mabilis na umiikot ang tunog. Papalapit ito nang papalapit sa akin. Luminga-linga ako upang hanapin 'yon. Baka isa 'tong pag-atake.

Pitong segundo makaraan, nawala ang tunog. Nakaharap ako sa aking kanang bahagi, naghihintay nang panibagong tunog at paggalaw. Ngunit may nagsalita sa aking kaliwa. Pamilyar ang boses. Lumingon ako.

"Bakit...bakit narito ka pa?" Sumasagisag sa kaniyang mata ang pagkalito. Sa tono ng boses niya'y parang hindi ako nagagalak na makita. Ngunit bukod sa kaniya, maging ako ay naguguluhan.

"Ano ang ibig mong sabihin?" Bahagya akong umatras. "Corazon?"

Suot ang kaniyang lilang roba, minata niya ako nang mabigat. Inalis niya ang pagkakasuot ng kaniyang saklob.

Napakurap siya. "BAKIT NARITO KA PA!" Hindi tanong ang kaniyang iwinika, ngunit isang pagprotesta. "Nasaan ang marka mo?"

"Aling marka?" Kumunot ang aking noo. "Corazon, may dapat ka atang ipaliwanag sa akin. Dahil naguguluhan ako!"

"Wala na akong panahon para magpaliwanag! Nasaan ang marka mo?" Ang bawat salita niya ay naging madiin.

Napalunok ako. "Wala 'kong marka."

Katahimikan. Napahinto rin siya. Muling napakurap. Napaatras. Hindi makapaniwala sa aking sinabi. "Ang marka ng demonyo...bakit wala kang nakuha?"

Natatandaan ko ang marka ng demonyo na kaniyang nabanggit. Kung ganoon, ang sariwang sugat kanina na natamo nina Rupert at Santino ay isang uri ng marka. Ngunit, saan nila 'yon nakuha at bakit wala ako? Posible kayang nakuha nila 'yon noong bigla na lamang kaming lumipad dahil sa enerhiya mula sa lupa?

Sinubukan kong ibahin ang usapan. "Corazon, mahalaga ba talaga 'yan ngayon? Delikado ang buhay nila Chayo, tulunga—"

Hindi ko natapos ang aking pangusap nang mabilis siyang naglaho at naging hangin na kulay ube. Iyon ay nagpakawala ng mabahong amoy. Inubo ako nang ilang beses, kaya napatakip din ako ng ilong at bibig. Walang humpay siyang umikot nang umikot sa mga halimaw. Makaraan, bumalik siya sa'king harap. Na para bang walang nangyari.

Ang sunod kong nalaman, naging abo na ang mga halimaw. Magkakasabay silang parang pumutok at tila nilisan ang lugar. Naiwang nakabukas ang aking bibig. Parang hindi ko yata kayang paniwalaan ang mga nasasaksihan ngayon.

Madiin ang pagkakatitig sa akin ni Corazon. "Hindi naman dapat ito nangyayari. Ang plano, mabasa mo ang libro at mapagbago ang hugis ng mundo."

Umatras ang dila ko sa pananalita. Ibang Corazon ang nasa aking harap. Nawawala ang Corazon na laging masiyahin, na positibo sa lahat ng bagay.

Habang pinanonood ko ang kaniyang maasim na mukha, ibinalik ng aking alaala ang unang pagtatagpo namin.

---

Buwan ng Hunyo sa kasalukuyang taon, may bagong saltang estudyante. Kulut na kulot ang kaniyang buhok. Matingkad ang kulay lupa niyang balat. Maganda ang tindig kahit na hindi ganoon katangkaran. Bukod doon, nangingibabaw ang maaliwalas niyang ngiti.

Sa unang pagkakataon na makita siya ng aking mata, sigurado akong marami itong magiging kaibigan. Dahil iba ang enerhiya na kaniyang ipinamamalas. Ibang-iba sa paraan na hindi ko kayang maipaliwanag.

Nagsalita siya sa unahan ng klase. Abot-tenga ang ngiti. Walang bakas nang pagkatakot sa mga bagong mukha. Unang kataga: Pagsilang.

"Pagsilang sa lahat."

May matinis siyang boses. Ngunit hindi ito nakasasakit ng pandinig. Labis kaming nagulat. Maging ako ay hindi makapaniwala na ganoon ang kaniyang pagbati. Ibang-iba sa nakasanayan na: Magandang umaga po!

Mabilis iyong natapos. Noong una, katabi niya dapat ako. Pero dahil kay Miss Lorelei, inilipat niya si Corazon sa tabi ni Verna. Hindi maganda ang pagsalubong ni Verna sa kaniya. Kung tutuusin, wala naman masyadong may gustong maging kaibigan si Verna.

Lumapit sa akin si Corazon, ilang araw matapos ang unang sampa niya sa paaralan, nagpapatulong sa isang report. Hindi naman ako humindi. Pero ganap akong tahimik. Siya, maraming sinasabi. Maraming kuwento. Hindi nauubusan ng kaalaman pagdating sa astrolohiya.

Pero lahat ng 'yon, pumapasok at lumalabas lang sa'king tainga. Basura. Unang akala ko. Hindi lang niya ako makumbinsi nang maayos. Hindi hanggang sa may sinabi siya.

Naglahad pa siya ng ngiti bago iyon iwika. Napahinto tuloy kami pareho sa pagsusulat. "Sa totoo lang, hangga't hindi mo napapatawad ang 'yong sarili, hindi ka makakaalis diyan. Hindi ka naman puno para manatili sa isang lugar at magpakatatag. Lahat tayo'y mga damo, kailangan natin ng pag-usad at paglalakbay."

Siningkitan ko siya ng mata. Sinubukan kong iproseso 'yon. Imposible namang alam niya ang nakaraan ko.

"Katulad ng nangyari sa amin ni mama. Kahit isinumpa kami ng Diyos para sa bagay na ipinaglaban namin, kailangan pa rin naming umusad. Hindi kami tumatakbo. Gusto lang naming umusad."

"Bakit mo sinasabi sa'kin 'to?"

Nagkibit-balikat siya. "Siguro dahil hanggang ngayon, nakakulong ka sa sarili mong hawla. Pero sa simula pa lang, hindi mo alam kung bakit nariyan ka."

Tinapos niya ang kaniyang pangungusap sa panibagong ngiti. Hindi na ako nagtapang-tapangan pa para magtanong. Tungkol sa akin...tungkol sa kaniya at sa kaniyang mama. Siguro'y hindi rin niya gusto na magkuwento tungkol doon.

Ngunit naging palaisipan ang lahat ng kaniyang sinabi. Mabuti na lamang at mabilis na natapos ang report na aming ginagawa. Hindi ko na kinailangan pang kausapin siya.

Sa bawat oras na pupunta ako ng canteen, lagi kong makikita na nasa hardin siya. Inaamoy-amoy ang mga gumamela at rosas. Hindi niya naman siguro ako napapansin dahil patago akong tumitingin.

Minsan nga ay nahuhuli ko silang magkasama ni Verna. Noon ko lang din napagtanto na naging magkaibigan na sila. Sobrang talik, sa punto na parang iisa na lang ang kanilang iniisip. Tumindi pa 'yon noong buwan ng Nobyembre.

Kung magkakaroon naman ng outing o camping na abot hanggang gabi, lagi siyang nakatingala. Sinasaksihan ang pagningning ng mga tala. Minsan nga'y ituturo niya pa ang mga 'yon na parang bata. Sususugin hanggang sa may mabuong konstelasyon.

Kakaiba si Corazon. Sa puntong masasabi mo na ang bawat tao ay parang magkakatulad lang.

---

"Nabi, paano mo kami magagawang iligtas kung sarili mo'y hindi mo kilala."

Ako ay napaatras. Sandaling napakurap ang mga mata. "...sino ba ako?" Kagat-kagat ang labi, sarado ang kamao, naghihintay sa kaniyang sagot.

"Ikaw..." Pinigilan niya ang kaniyang luha sa pagtulo. "...ang dapat na magligtas sa amin."

Continue Reading

You'll Also Like

150K 4.9K 87
Gwen, desperate to feel something, kills someone. But she quickly learns that one kill is never enough. Can Gwen stop before she turns on her own fam...