Lo Siento, Te Amo

By UndeniablyGorgeous

3.2M 167K 259K

"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as s... More

Prologo
Kabanata 1 - Ang Kahilingan
Kabanata 2 - Ang Daan Pauwi
Kabanata 3 - Lihim
Kabanata 4 - Balete
Kabanata 5 - Kanlungan ng Kasinungalingan
Kabanata 6 - Agunyas
Kabanata 7 - Sapantaha
Kabanata 8 - Adelpa
Kabanata 9 - Panaginip
Kabanata 10 - Luha
Kabanata 11 - Pag-amin
Kabanata 12 - Kondisyon
Kabanata 13 - Larawang Kupas
Kabanata 14 - Patawad
Kabanata 15 - Talulot
Kabanata 16 - Lihim ng Sarili
Kabanata 17 - Pagkakamali
Kabanata 18 - Sa Kanya
Kabanata 19 - Simula
Kabanata 20 - Kung Sakali
Kabanata 21 - Ang Nagkukubli
Kabanata 22 - Estranghero
Kabanata 23 - Pagbisita
Kabanata 24 - El Barro
Kabanata 25 - Hangganan
Kabanata 27 - Kaibigan
Kabanata 28 - Ang Huling Hudyat
Kabanata 29 - Panauhin
Kabanata 30 - Ang Ikinukubli ng Alaala
Kabanata 31 - Patay na Lupain
Kabanata 32 - Ang Hangarin
Kabanata 33 - Kasalanan
Epilogo
Lo Siento, Te Amo
Author's Note

Kabanata 26 - Ang Paru-paro at Adelpa

73.4K 3.6K 6.8K
By UndeniablyGorgeous

[Kabanata 26]

Sa isang malawak na lupain matatagpuan ang iba't ibang uri ng bulaklak tulad ng mirasol, orkidyas, krisantemo at palong-manok na napapalibutan din ng mga luntiang halaman. Samu't saring paro-paro at bubuyog ang lumilipad sa kilalang paraiso.

Kasabay ng pagsikat ng araw ang pagbukas ng talulot ng mga bulaklak at ang pagyuko ng mga ito pagsapit ng takipsilim. Sa bawat araw na lumilipas ay kariktan ang dala ng mga ito sa paligid. Hindi matawaran ang saya ng mga paru-paro at bubuyog sa dami ng magagandang bulaklak na kanilang nilalapitan.

Isang araw ay nagpahinga ang isang batang paru-paro na kulay puti sa hangganan ng malawak na lupain ng mga bulaklak. Pinagmasdan niya ang biyaya ng inang kalikasan. Buong buhay niya ay hindi siya nagkulang, binibigay nito ang lahat ng kanilang kailangan.

Nagawi ang tingin ng batang paru-paro sa kabilang bahagi ng lupain kung saan ay disyerto ito kung ituring. Ngayon lang niya nakita ang lugar na iyon kung saan ay sinasabi ng matatanda na patay na lupain. Walang ibang bulaklak o halaman ang nabubuhay doon.

Ngunit napansin ng batang paru-paro ang nakayukong bulaklak na nag-iisa sa gitna ng tinaguriang disyerto. Sa kaniyang kuryosidad ay lumipad siya papalapit sa nag-iisang bulaklak na nabubuhay sa lugar na iyon.

Nakilala niya ang bulaklak na tinatawag na adelpa. Kulay rosas, payat at walang sigla ang adelpa. Hindi tulad ng mga bulaklak sa paraiso. Nagunita ng batang paru-paro na nakalalason ang adelpa. Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit mag-isa lang itong nabubuhay sa patay na lupain.

Lumipad ang paru-paro sa palibot ng adelpa upang alamin kung buhay pa ito. Nakatayo ito ngunit matamlay. Pinagmasdan ng batang paru-paro ang paligid, walang ibang kasama ang adelpa, wala ring tubig na malapit sa kinatatayuan nito. Animo'y nabuhay ito mag-isa na walang sinuman ang kumalinga sa kaniya.

Nakaramdam ng awa ang batang paru-paro. Kung kanina ay buo ang paghanga niya sa kalikasan dahil sa nag-uumapaw na biyaya nito sa kanila sa paraiso, ngayon ay hindi niya maunawaan kung bakit may isang bulaklak itong pinabayaan sa kabilang lupain.

Tahimik na pinagmasdan ng batang paru-paro ang malungkot na adelpa. Ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit ito mailap, matamlay at puno ng kalungkutan. Hindi ito nabuhay sa paraiso, walang ibang kasama at walang kumakalinga.

Naging madalas ang pagbisita ng batang paru-paro sa nag-iisang adelpa. Sinubukan niya itong kausapin ngunit hindi ito tumutugon. Kung minsan ay nananatili lang siya sa tabi ng adelpa upang kahit papaano ay maramdaman nitong hindi siya nag-iisa.

Walang ideya ang batang paru-paro kung ano ang nangyari sa adelpa at kung bakit pinili nitong mabuhay sa lupaing walang nagnanais na mabuhay doon. Ngunit ang desisyon ng adelpa na mabuhay ay isang katapangan na para sa batang paru-paro. Mas madali ang sumuko ngunit hindi iyon pinili ng adelpa.

Sa paglipas ng araw ay unti-unting nakikilala ng batang paru-paro ang adelpa bagama't ni isang salita ay wala itong binitiwan. Masaya na siyang malaman na nagagawa nang iangat ng adelpa ang ulo nito at tingnan ang paligid. Kahit hindi maganda ang tanawin, hindi na iyon mahalaga. Ang mahalaga ay hindi na siya nag-iisa sa lupaing iyon.

Hindi namalayan ng batang paru-paro na naging bahagi na ng kaniyang pang-araw-araw na buhay ang pagbisita sa adelpa. Nagsimula sa kuryosidad na nauwi sa kagustuhan niyang makilala ito nang lubusan.

Kumpara sa ibang mga bulaklak sa paraiso ay walang ibang magandang katangian ang adelpa. Payat, matamlay, maputla, hindi ngumingiti at hindi rin siya nito kinakausap. Ngunit kahit ganoon ay hindi niya nakikitang masama o hindi kaaya-aya ang mga katangiang iyon. Naalala niya ang buhay sa paraiso, doon ay pinuno sila ng pagkalinga at pagmamahal. Hindi nagkulang ang Inang Kalikasan na ibigay ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Lumaki siya na tanging magagandang bagay ang laman ng kaniyang paningin at alaala. Nahahabag ang kaniyang damdamin sa sinapit ng adelpa. Natanim sa kaniyang isipan ang tanong na, bakit hindi lahat ay nabubuhay sa paraiso? Bakit may mga bulaklak na nakukubli sa dilim at kinalimutan na tila ba tinalikuran at kinalimutan ito ng mundo?

Tumingin ang adelpa sa batang paru-paro na ilang araw nang bumibisita sa kaniya. Sa pagsikat at paglubog ng araw ay nananatili ito sa kaniyang tabi. Hindi maunawaan ng adelpa kung bakit pinipili ng batang paru-paro na iyon na lumapit sa kaniya gayong wala naman itong makukuhang magandang bagay mula sa kaniya?

"Sila ay natatakot lumapit sa iyo dahil hindi ka ngumingiti" saad ng batang paru-paro sabay tingin sa iba pang mga paru-paro sa kabilang hangganan. Sumisigaw ang mga paru-paro at tinatawag ang batang paru-paro sa takot na malason ito sa adelpa.

Muling tumingin ang batang paru-paro sa kapwa niya mga paru-paro, "Lason, takot at hindi kaaya-ayang mga katangian ang nakikita nila sa 'yo. Ngunit hindi ako naniniwala na pinili mong maging lason sa iba" patuloy ng batang paru-paro saka muling tumingin sa adelpa.

"Hindi ako natatakot sa 'yo. Sabihin na nating may lason kang tinataglay ngunit hindi mo naman kagustuhan iyon, hindi ba?" ngumiti nang bahagya ang batang paru-paro saka lumapit sa adelpa dahilan upang sumigaw muli ang kapwa niya mga paru-paro sa pag-aakalang inaakit na ng adelpa sa kamatayan ang kanilang kapatid.

"Wala silang nalalaman. Pinili nilang husgahan ka nang hindi nila sinusubukang kilalanin kung sino ka talaga" ang mga salitang iyon ang nagpatigil sa adelpa. Nasanay na siya mag-isa, nasanay siya sa tingin ng ibang nilalang sa kaniya.

Hindi niya maunawaan kung bakit may isang masiglang paru-paro na piniling lumapit sa isang lason na tulad niya. Karaniwan sa isang nilalang ang piliin ang maligaya, mabuti at magandang bukas. Ngunit bakit tinalikuran ng paru-parong papalapit sa kaniya ang paraiso at piniling samahan siya sa patay na lupain?

"Hindi kita isasama sa paraiso, tayo ay bubuo ng ibang paraiso, malayo sa mundong ito" ngiti ng paru-paro dahilan upang mapatitig ang adelpa sa nakabibighaning ngiti nito. Taglay ng paru-paro ang kulay at liwanag, taglay naman niya ang lason at dilim. Pareho silang walang ideya kung ano ang magiging kahahantungan ng kanilang pagtuklas sa ibang paraiso ngunit kung hindi nila sisimulang hanapin iyon ay hindi nila ito masusumpungan kailanman.

Napangiti si Agnes sa harap ng kaniyang repleksyon sa salamin habang marahang sinusuklay ni Manang Oriana ang kaniyang mahabang buhok. "Hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagsasawa sa kuwentong ito" ngiti ng matanda, madalas hilingin noon ni Agnes na ikuwento sa kaniya ang kuwento ng Paru-paro at Adelpa noong bata pa ito, lalo na sa tuwing hindi ito makatulog sa gabi.

"Ako po'y natutuwa dahil hindi naging makasarili ang paru-paro. Hindi rin natakot sumubok ang adelpa. Kaya naniniwala ako na pareho nilang nahanap ang paraiso nang magkasama" ngiti ni Agnes, tumango ng dalawang ulit si Manang Oriana nang makita ang matamis na ngiti ng alaga. Labing-anim na taong gulang na ito ngunit para sa kaniya ay isa pa rin itong inosenteng bata.

Napahinga nang malalim si Agnes, "Iyon nga lang, nalulungkot po ako dahil naging mailap ang paraiso sa buhay ng adelpa. Ako'y nakatitiyak na naging masaya at maganda ang buhay niya sa simula pa lang kung lumaki rin siya sa paraiso" patuloy ni Agnes, tumingin si Manang Oriana sa hitsura ng alaga sa repleksyon ng salamin. Nagpapasalamat siya dahil hindi lumaking makasarili at walang pakialam sa ibang tao ang mga anak ni Don Rafael, hindi tulad ni Don Tomas na sinusumpa ng mga tao.

Napatuloy si Manang Oriana sa pagsuklay ng tuwid na buhok ni Agnes, "Hindi lahat ay pinalad na magkaroon ng magulang na mapagkalinga at mapagmahal. May mga magulang na kayang magbigay ng materyal na bagay at suportahan ang pangangailangan ng kanilang anak ngunit hindi ang oras at pagmamahal. May mga magulang din na hindi pa handa kung kaya't ang pagtustos sa pangangailangan ng pamilya at ang pag-aaruga sa mga anak ay nahahati. May mga magulang din na wala sa piling ng kanilang mga anak dahil kailangan nilang gumawa ng paraan upang masuportahan ang buong pamilya."

"Wala tayong karapatan na husgahan ang sinuman gayong hindi natin nalalaman kung paano sila nabuhay. Kung paano tumubo ang buto sa lupa. Hindi ba't wala ring ideya ang paru-paro kung paano nabuhay mag-isa ang adelpa sa patay na lupain?"

"Wala rin tayong karapatan na ipagmalaki sa lahat ang mala-paraisong buhay na tinatamasa natin. Dahil hindi natin nalalaman ang pinagdaanan ng mga taong nabubuhay sa patay na lupain. Madali sabihin na nauunawaan natin ang kalagayan nila, ngunit ang totoo ay hindi naman talaga natin nauunawaan ang nararamdaman nila dahil hindi naman natin naranasan ang mabuhay sa dilim at kakulangan."

"Iyong naalala ang ginawa ng paru-paro? Nanatili lang siya sa tabi ng adelpa nang walang panghuhusga. Malaking bagay ang presensiya ng paru-paro sa tabi ng adelpa. Walang salitang makapaglalarawan kung gaano kahalaga ang pakiramdam na may handang dumamay sa 'yo anuman ang mangyari."

Napangiti si Agnes, ang mga aral at salitang binitiwan ni Manang Oriana ay nagbigay sa kaniya ng bagong pananaw sa buhay. Hinawakan ni Manang Oriana ang magkabilang balikat ni Agnes saka tiningnan ito sa repleksyon ng salamin, "Kaya iyong tiyakin na maging isang mabuting magulang sa iyong mga anak balang-araw. Malaki ang gampanin ng magulang sa paglaki ng kaniyang anak. Iyong makikita sa mga anak kung paano sila pinalaki ng kanilang mga magulang."

Tumango at ngumiti si Agnes, nang sumapit ang kaniyang ika-labing anim na kaarawan ay napansin niya na marami na ang lumalapit sa kaniyang ama na mga magulang na may anak na kasing-edad niya. Nararamdaman niya na anumang araw ay kakausapin na siya ng ama tungkol sa pagpapakasal.

Bago sumapit ang tanghali ay sumakay na sila sa kalesa patungo sa kaarawan ng propesor ni Teodoro sa musika. Malapit din ito kay Don Rafael na naging guro rin niya noong nag-aral siya sa Maynila.

Napatingala si Agnes sa laki ng mansyon ng propesor pagbaba nila sa kalesa. Puno ng mga naglalakihang puno, halaman at bulaklak ang tahanan ng propesor na kilala ring mahilig sa mga halaman.

Nagtatakbuhan ang mga bata sa malawak na hardin. Habang ang mga dalaga, binata, may asawa at mga matatanda ay nasa loob ng mansyon at nagsasalo-salo. Kabi-kabila ang mga halakhakan, kumustahan at batian ng mga panauhin.

Nakaabang ang propesor sa pintuan upang salubungin at kamayan ang mga bagong dating na panauhin. Naunang maglakad papasok sa mansyon ang mag-asawang Romero habang nakasunod sina Manang Oriana at Teodoro.

Sa kabila ng samu't saring ingay sa paligid, ang musika mula sa piyano ang nakapukaw kay Agnes. Maraming tao ang nasa bukana ng pinto habang isa-isang binabati at sinasalubong ng propesor.

Tumingkayad si Agnes dahil nakasisiguro siya na sa loob ng bahay nanggagaling ang musikang naririnig. Sa kaniyang pananabik malaman kung saan nagmumula ang musika ay naglakad siya patungo sa gilid kung saan naroon ang isang malaking bintana.

Napatigil si Agnes nang makita ang binatang tumutugtog. Nakasuot ito ng puting polo at itim na tsaleko. Sa pagkakataong iyon ay naramdaman ni Agnes ang sandaling pagtigil ng paligid habang pinagmamasdan ang binata na matagal na niyang naririnig ang pangalan ngunit ngayon lang niya nasilayan nang malapitan.

Hindi niya namalayan ang marahang pagbagsak ng mga bulaklak mula sa mga nakapalibot na puno. Ang marahang pagkahulog ng mga ito ay tulad ng damdamin na hindi niya maipaliwanag. Natauhan si Agnes nang matapos ang pagtugtog ni Alfredo, tumingin ito sa gawing bintana nang maramdaman na may nakatingin sa kaniya mula roon.

Agad nagtago si Agnes sa tabi ng bintana. Hindi niya maunawaan kung bakit bigla siyang nakaramdam ng hiya gayong wala naman siyang ginawang masama. Masama ba ang pagtitig sa isang binata habang tumutugtog ito sa piyano? Hindi ba't tinititigan din naman nila ang mga manunugtog at mananayaw sa teatro?

Napatikhim si Agnes at marahang sumilip sa bintana, nakita niyang tumayo na si Alfredo at nagtungo sa hapag-kainan nang tawagin ito ng kaniyang ina. Sinundan ni Agnes ng tingin si Alfredo hanggang sa maglaho ito sa salas.

"Agnes!" gulat na napalingon si Agnes sa kaniyang likuran. Muntik pa siyang mapalundag sa matinding pagkabigla. "Kanina ka pa hinahanap ni ina, ano bang ginagawa mo rito?" inis na saad ni Teodoro habang nakapamewang. Kanina pa siya nagugutom at nang makapasok sila ay pumila na agad siya sa hapag ngunit inutusan siya ni Doña Vera na hanapin ang kapatid dahil hindi niya ito nakitang pumasok kasabay nila.

Napatikhim si Agnes, muli siyang napalingon sa bintana, mabuti na lang dahil wala na roon si Alfredo at wala ring ibang tao roon dahil halos nasa hapag ang mga bisita. "M-may sinundan akong ibon dito kanina, nakalipad na pala" ngiti ni Agnes saka dali-daling tumakbo patungo sa bukana ng pinto kung saan hindi pa rin matapos-tapos ang propesor sa pagsalubong sa mga bagong dating na panauhin.

Nang makapasok sila sa loob ay sinundan ni Agnes si Teodoro. Inilibot niya ang kaniyang paningin, dumating na rin ang banda na pumwesto sa salas at nagsimulang tumugtog ng nakakaindak na musika.

Dahil wala sa sarili ay nabangga si Agnes sa likod ni Teodoro nang tumigil ito sa pila. Kunot-noong lumingon si Teodoro kay Agnes saka tinuro ang noo nito at marahang inilayo sa kaniya. "Marahil ay nawawala ka na rin sa sarili dahil sa gutom," saad ni Teodoro sabay abot ng pinggan sa kapatid saka kumuha ng isa para sa kaniya.

"Dapat talaga kumain muna tayo sa bahay bago magtungo rito" patuloy ni Teodoro, ilang oras din ang nilakbay nila mula sa Escolta patungo sa bahay ng propesor. Ngumiti lang si Agnes, batid niyang nawawala na ang pagkainis ng kaniyang kuya kapag ngingitian niya lang ang sermon nito.

Napatuloy ang pag-usad ng pila, sandaling napukaw ang atensyon ni Agnes sa mga masasarap na pagkain na nakahain sa mahabang mesa. Naglagay siya ng mga putahe sa kaniyang pinggan, paminsan-minsan ay tinitingnan siya ni Teodoro upang sabihin na huwag kumuha nang marami kung hindi naman nito kayang ubusin.

Aagawin sana ni Teodoro ang pinggan ni Agnes upang ilayo ito sa putaheng sasandukin ng kapatid ngunit inilapit ni Agnes sa sarili ang pinggan saka binelatan sa mukha si Teodoro upang asarin ito ngunit napatigil siya nang mapagtanto na napatingin sa kanila si Alfredo na nasa katapat na mesa habang kumukuha ng kanin.

Napaayos ng tayo si Agnes at napatikhim, tila nanghina ang kaniyang kamay at naramdaman ang bigat ng babasaging pinggan na puno ng pagkain. "Kapag hindi mo 'yan naubos, huwag mong ilagay sa plato ko" saad ni Teodoro dahil kilala na niya ang kapatid na madalas takaw-mata sa handaan at kapag hindi na nito kayang ubusin ang kinuhang pagkain ay ipapaubos ng kanilang ina sa kaniya.

Nagpatuloy na sa pagkuha ng kanin si Alfredo na nagpanggap na walang nakita. Napapikit si Agnes at sumunod na lang sa agos ng pila. Hindi na niya nadagdagan muli ang pagkain sa kaniyang pinggan dahil sa hiya. Natanaw niyang bumalik na si Alfredo sa kabilang mesa kasama ang kaniyang mga magulang at iba pang bisita.

Nang matapos sila sa pila ay naupo sila sa katabing mesa ng pamilya Salazar. Kilala ni Agnes ang pamilya Salazar lalo na si Don Asuncion na unti-unting bumubuhay ng kalakalan ng kanilang bayan. Madalas niya ring makita sa simbahan si Doña Helen. Kilala niya sa pangalan si Alfredo na nag-iisang anak ng mag-asawang Salazar. Minsan na rin niyang nakikita ito sa mga pagdiriwang sa Maynila ngunit madalas ay sandali at malayo.

Ngayon niya lang nakita nang malapitan si Alfredo. Wala rin siyang ideya na magaling ito tumugtog ng piyano, hindi tulad ng kaniyang kapatid na walang talento pagdating sa musika kahit pa ginastusan ito ng kaniyang ama upang matutong tumugtog ng kung anong instrumento.

Hindi mabilang ni Agnes kung ilang beses nagawi ang kaniyang paningin sa katabing mesa. Napansin niya na ni minsan ay hindi niya narinig na nagsalita si Alfredo o sumali sa usapan ng mga kasama nito sa hapag. Hindi rin siya umiimik o tumatawa kapag tumatawa ang kaniyang mga magulang at ang mga kausap nito.

Pagkatapos nila kumain ay naghanda pa ng palabas ang propesor, may mga inimbitahan siyang magaling magtalumpati. Nakikinig ang mga bisita at namamangha sa galing ng lalaking nasa harapan.

Muling inilibot ni Agnes ang kaniyang mga mata, hindi siya interesado sa sinasabi ng lalaki na pinupuri ang kadikalaan ng kanilang propesor. Nakakatanggap ng sunod-sunod na palakpakan ang lalaki sa tuwing binibigkas nito ang sunod na linya. Nagulat si Agnes nang may kumapit sa kaniyang braso, "Narito ka rin pala!" ngiti ni Viola, ang matalik niyang kaibigan na ilang linggo na niyang hindi nakikita nang magbakasyon sila ng kaniyang mga magulang sa Maynila.

"Samahan mo ako, nasa hardin sila Fernando" ngiti ni Viola saka hinila si Agnes sa gitna ng mga taong tuwang-tuwa sa pakikinig sa talumpati. "Narito rin si Mateo?" tanong ni Agnes, tiyak na kasama na ngayon ng kaniyang kuya ang mga kaibigan nito na sina Fernando at Mateo.

Umiling si Viola, "Ang sabi ang iyong kapatid ay may eksamen daw sila bukas kung kaya't nag-aaral nang mabuti si Mateo" tugon ni Viola, kilalang nangunguna sa klase si Mateo at mas pinipili nitong mag-aral kaysa sumama sa mga pagdiriwang na hindi makakatulong sa kaniyang grado.

Narating na nila hardin kung saan naroon pa rin ang mga batang nagtatakbuhan. Napangiti si Viola nang makita si Fernando na kaniyang katipan. Magkausap sina Fernando at Teodoro, nakaupo sila sa mesa at silya sa hardin na gawa sa metal.

Agad nagbigay-galang at bumati si Fernando nang makita si Viola, kahit nanganganib ang kaniyang grado at hindi pa siya nakapag-aaral sa pagsusulit nila bukas ay pinili niyang dumalo sa kaarawan ng kanilang propesor dahil batid niyang dadalo rin doon si Viola.

"Sinasabi ko na nga ba, ang mabuti pa tigilan niyo na 'yan dahil tiyak na uupo rito si Manang Oriana sa oras na makita niya ang palitan niyo ng tinginan" suway ni Teodoro sa kaibigan at sa kasintahan nito, hindi niya maunawaan kung bakit parang naglalakad sa ulap ang mga magkasintahan.

Umupo si Agnes sa tabi ng kaniyang kapatid, samantala naupo si Viola sa kabilang silya, malayo kay Fernando dahil tiyak na sisitahin sila ng matatanda na nagkukuwentuhan sa azotea. "Palibhasa wala kang sinisinta, huwag mo kaming hawaan ng iyong kalumbayan" bawi ni Fernando kay Teodoro sabay tawa.

"Wala kang aasahang tulong sa'kin sa pagsusulit bukas" biro ni Teodoro, agad lumapit si Fernando sa kaibigan saka sinubukang hawakan ang kamay nito upang kunwaring pakiusapan. Nakasalalay ang kaniyang grado sa tulong ni Teodoro na batid niyang nag-aral naman ngunit hindi pa rin nito malalagpasan ang galing ni Mateo.

Natawa sina Agnes at Viola, kung narito lang si Mateo ay kompleto na ang kanilang pagbibiruan gaya ng madalas nilang libangan sa hardin ng hacienda Romero noong mga bata pa sila. Unti-unting nawala ang ngiti ni Agnes nang makita si Alfredo, nakaupo ito sa malayong silya habang nakatingin sa mga batang naghahabulan.

Sa pagkakataong iyon ay naramdaman ni Agnes ang malaking pader sa pagitan ng paraiso at patay na lupain. Sa gitna ng masayang pagdiriwang, kuwentuhan at mga taong kausap ang kani-kanilang mga kaibigan, naroon ang isang taong nag-iisa sa sulok ng hardin habang pinapanood kung gaano kakulay at kaliwanag ang paligid.

Napatikhim si Agnes saka tumingin sa kapatid at sa mga kaibigan, "Bakit hindi natin ayain dito ang anak ni Don Asuncion? Mag-isa lang siya roon" panimula ni Agnes dahilan upang mapatingin sina Teodoro, Fernando at Viola sa gawi ni Alfredo.

"Mas gusto niyang mapag-isa. Hindi rin naman siya sumasama kapag nagkakaroon kami ng pagpupulong o kainan. Kaya wala siyang kaibigan, e" tugon ni Fernando na malayong pinsan ni Alfredo.

Nagtatakang napatingin si Agnes kay Fernando, sa sinabi nito ay tila ba hinusgahan na nito ang isang tao na kasalanan niya kung bakit wala siyang kaibigan. "Sinubukan namin siyang kaibiganin kaya lang mas pinipili niyang mag-isa" paliwanag ni Teodoro nang mabasa sa hitsura ng kapatid na hindi nito nagustuhan ang sinabi ni Fernando at ang tono ng pananalita nito.

Napatingin muli si Agnes sa gawi ni Alfredo, naalala niya ang kuwento ng Paru-paro at Adelpa. Hindi niya maunawaan kung bakit gusto niya ngayon malaman kung bakit pinipili ni Alfredo mapag-isa.


ARAW ng Linggo, papasok sa simbahan ang mag-anak na Romero upang dumalo sa susunod na misa. Hawak ni Doña Vera ang kamay ni Agnes habang tinatanong ito kung anong kakanin ang gagawin nila mamaya para sa merienda. Nakasunod sa kanilang likuran si Don Rafael habang nakaakbay kay Teodoro at kausap ito tungkol sa resulta ng pagsusulit noong Lunes.

Nakita ni Agnes ang pamilya Salazar na papalabas sa simbahan, pauwi na sila pagkatapos dumalo sa kakatapos lang na misa. Mabilis ang lakad ni Don Asuncion habang pilit na sumasabay si Doña Helen sa asawa at nakakapit sa braso nito upang ipakita sa mga tao kung gaano sila kalapit sa isa't isa.

Nahuhuli si Alfredo na nakasuot ng puting polo, tsaleko, pantalon at sumbrero na kulay abo. Tumigil sina Agnes at Doña Vera sa tapat ng sisidlan ng Agua Bendita. Sinundan ni Agnes ng tingin ang pamilya Salazar, naunang sumakay sa kalesa ang mag-asawang Don Asuncion at Doña Helen.

"Uuwi na kami sa Kawit. Madali kang umuwi at mag-aral mabuti" bilin ni Doña Helen kay Alfredo habang nakasakay na ito sa kalesa. Ni hindi man lang nito niyakap ang anak at nagpaalam nang maayos. Animo'y nagbilin lang ito sa isang katiwala kung ano ang ihahandang putahe mamayang hapunan.

Samantala, walang sinabi si Don Asuncion, ni hindi man lang niya tiningnan si Alfredo, iritang binatukan pa nito ang kutsero at sinabing patakbuhin na ang kabayo dahil kailangan nilang makarating sa Kawit bago magtakipsilim.

Gulat na napatigil si Agnes sa kaniyang natunghayan. Nanatiling nakatayo si Alfredo sa labas ng simbahan habang tinatanaw ang papalayong kalesa na sinasakyan ng kaniyang ama't ina. Tanging ang alikabok mula sa kalesa ang kumaway sa kaniya ng paalam.

Tumigil ang isang kalesa sa tapat ni Alfredo ngunit tumanggi siya at piniling maglakad pauwi sa kanilang malaking tahanan sa loob ng Intramuros. Doon ay wala siyang ibang kasama kundi ang isang katiwala na naghahatid sa kaniya ng lutong pagkain na binibili lang nito sa panciteria.


BIYERNES nang maisipan ni Agnes na magdala ng pagkain sa paaralan ng kaniyang kapatid. Nagdala rin siya nang marami para kina Mateo, Fernando at sa iba pang kasama nito. Nanatili si Agnes sa labas dahil bawal pumasok ang hindi mag-aaral, propesor o nagtatrabaho roon.

Pilit na inilibot ni Agnes ang kaniyang mata sa bukana ng pintuan ng paaralan kung saan may mahabang pasilyo na walang katao-tao dahil oras ng klase. Iniabot ni Manang Oriana ang bakol na naglalaman ng niluto nilang pagkain.

"Bakit?" kunot-noong tanong ni Teodoro dahil halos humiwalay na ang leeg ni Agnes sa katawan nito kakatingkayad. Natauhan si Agnes saka ngumiti, "W-wala. Ang sabi ko ay ibahagi mo iyan sa lahat ng estudyante rito" ngiti ni Agnes saka sumenyas sa kapatid na pumasok na ito sa loob.

Nagtatakang tiningnan ni Teodoro ang dalang pagkain ni Agnes. Hindi siya nilulutuan nito at hinahatiran ng pagkain kailanman. Napabagsak ang balikat ni Agnes saka kumapit sa braso ni Manang Oriana nang isarado na ni Teodoro ang pinto.

Naglakad sila paikot sa paaralan na may dalawang palapag. Katabi ito ng simbahan at may malaking hardin na madalas tambayan ng mga estudyante kapag walang klase. Mabagal silang naglalakad pabalik sa kalesa na nakaparada sa tapat ng hardin. Nanlaki ang mga mata ni Agnes nang makita si Alfredo sa hardin, mag-isa itong nakaupo sa mahabang silya habang abala sa pagbabasa ng libro.

Hindi alintana ni Alfredo ang ibang estudyante na nag-duduelo at naghahabulan. May ilan ding nagkakantahan sa indak ng gitara. "Bakit? May nakaligtaan ka?" tanong ni Manang Oriana dahil tumigil si Agnes sa paghakbang.

"Agnes?" ulit ni Manang Oriana dahil tulala si Agnes sa hardin, "Hindi kaaya-ayang kilos ang pagmamasid ng ganiyan sa mga kalalakihan" paalala nito dahilan upang matauhan si Agnes. Namula ang kaniyang pisngi at nakaramdam ng hiya nang mapagtanto niya na hindi nga tama ang kaniyang ginawa.

Nagpatuloy na sila sa paglalakad, binilisan ni Manang Oriana ang paglalakad habang hawak ang kamay ni Agnes. Muling tinanaw ni Agnes si Alfredo na nakatuon pa rin sa binabasang libro. Hindi namalayan ni Agnes ang nakahambalang bato sa daan dahilan upang mapatid siya at madapa.

Napatigil ang mga kalalakihan sa kanilang paglalaro at pagkakantahan nang marinig ang maiksing sigaw at makita ang pagkadapa ni Agnes. Maging si Alfredo ay napatigil sa pagbabasa at napatingin sa babaeng nadapa.

Mabuti na lang dahil mabilis naalalayan ni Manang Oriana si Agnes patayo. Agad nagtaklob ng balabal si Agnes sa mukha, nakapatong ang balabal sa kaniyang balikat. Payukong silang naglakad ni Manang Oriana pasakay sa kalesa, tahimik lang ang lahat hanggang sa makaalis ang kalesang sinakyan ng dalawa.

Hindi man nila nakita ang hitsura ng babae ngunit kilala nila si Manang Oriana na nagsisilbi sa pamilya Romero. "Oh, kumain muna kayo, may dalang pagkain ang kapatid ko" wika ni Teodoro na bumasag sa katahimikan ng mga estudyante. Inilapag niya ang bakol sa mesa. Napatingin sa kaniya ang mga estudyante, ngayon ay malinaw na sa kanila na ang kapatid niyang babae ang nadapa kanina.


LUMIPAS ang ilang linggo, napangiti si Agnes habang dinidiligan ang bulaklak na adelpa na namatay sa tindi ng sikat ng araw. Nilipat niya ito sa paso at pinagtuunan ng pansin hanggang sa muling nanumbalik ang sigla nito.

Sunod niyang narinig ang pagkatok sa pinto ng kaniyang silid at narinig ang boses ng ama. "Pasok po kayo, ama" saad ni Agnes at sinalubong ng ngiti si Don Rafael.

"Ang sabi ni Manang Oriana ay wala na raw pag-asang mabuhay ang halamang ito. Ngunit pagmasdan niyo ama, bumalik ang kaniyang dating sigla at matingkad na kulay" ngiti ni Agnes saka pinakita ang adelpa na nasa porselanang paso.

Ngumiti si Don Rafael, natutuwa siya sa saya at liwanag na naidudulot ni Agnes sa sinuman. "Siya nga pala, darating bukas ang pamilya na naibigan kong maging kaisa ng pamilya natin. Mamamanhikan sila bukas" saad ni Don Rafael dahilan upang unti-unting mawala ang ngiti ni Agnes. Inaasahan na niyang malapit nang dumating ang araw na ipakasal na siya ng kaniyang ama sa mapipili nito ngunit hindi niya inaasahan na kay bilis ng pangyayari.

"Maghanda ka bukas. Asahan mo rin ang pagtutol ng iyong ina ngunit sabihin mo sa kaniya na buo na ang aking desisyon" patuloy ni Don Rafael saka tinapik nang marahan ang ulo ni Agnes bago siya lumabas sa silid.

Ilang segundong natulala si Agnes sa kawalan hanggang sa mapatingin siya sa adelpa. Nakaramdam siya ng lungkot nang mapagtanto niya na hindi niya makakasama sa ibang paraiso ang adelpa na nais sana niyang kilalanin.

Kinabukasan, wala sa sarili si Agnes habang nakatingin sa salamin. Wala na rin siyang lakas ng loob alamin kung sinong pamilya ang napili ng kaniyang ama dahil batid niya na ang anak ng abogado ang napili nito ayon sa ilang beses nitong pagbisita sa kanilang bahay nitong mga nakaraan.

Sa isip niya ay baka tanungin siya nito kung ano ang masasabi niya sa talumpati na ginawa niya sa kaarawan ng propesor sa musika. Wala siyang matandaan sa mga sinabi nito sa talumpati dahil nakatuon sa iba ang kaniyang atensyon.

Pumasok si Doña Vera sa silid ni Agnes saka inayos ang buhok nito. Busangot ang mukha at hindi umiimik ang kaniyang ina. Bakas sa hitsura nito na hindi siya pabor sa pamilyang napili ng kaniyang asawa.

Tumigil si Doña Vera saka tumingin sa anak, "Hindi pa naman huli, sabihin mo sa iyong ama na hindi mo nais maging kapamilya ang pamilya Salazar! Sabihin mo na hindi mo magugusutuhan ang anak nila" utos ni Doña Vera, gulat na napatayo si Agnes.

"A-ang pamilya Salazar na tinutukoy niyo po ba ina ay ang pamilya ni Don Asuncion?" hindi makapaniwalang tanong ni Agnes. Halos walang kurap siyang nakatingin sa ina na malapit nang magdugtong ang kilay.

Napapamewang si Doña Vera habang ang isang kamay ay ginamit niya upang ikumpas ang pamaypay at paypayan ang sarili, "Hindi ko makakasundo si Doña Helen. Kay raming gulo rin ang kinakaharap ng pamilyang 'yan" patuloy ni Doña Vera, kagabi niya pa hinarap ang asawa nang malaman na ang alok ni Don Asuncion ang tinanggap niya sa dami ng maaari nitong piliin.

Hindi mapalagay si Doña Vera, nauunawaan niya na kailangan din nila ang pamilya Salazar lalo na upang mapaunlad ang kanilang bayan at mas maging malakas din ang impluwensiya ng kaniyang asawa bilang alkalde.

Naistatwa si Agnes sa kaniyang kinatatayuan nang maging malinaw sa kaniya ang lahat. Si Alfredo lang ang nag-iisang anak nina Don Asuncion at Doña Helen. Sa pagkakataong iyon ay naramdaman niya ang mabilis na pagkabog ng kaniyang puso. Napatingin siya sa sariling repleksyon sa salamin, sa isip niya ay karaniwan lang kabahan ang sinuman pagdating ng oras ng pamamanhikan.

Dumudulas ang kamay ni Agnes sa hawakan ng hagdanan habang humahakbang pababa sa bawat baytang. Sinusundan niya ang kaniyang ina habang nasa likuran niya si Manang Oriana. Iniangat niya nang kaunti ang kaniyang saya sa takot na matisod muli siya sa harap ni Alfredo.

Sa salas ay natanaw niya sina Don Asuncion at Doña Helen na magkatabi sa mahabang silya habang kausap ang kaniyang ama. Samantala, si Alfredo ay nakaupo sa isang silya. Sabay na napatingin ang mga panauhin sa pagdating nina Agnes, Doña Vera at Manang Oriana.

Marahang nagbigay galang si Agnes, hindi niya magawang tumingin sa gawi ni Alfredo. Nagbigay-galang at bumati rin ang pamilya Salazar sa kanila. "Nakahanda na pala ang hapag, mabuti pa't doon na natin ipagpatuloy ang usapan" ngiti ni Don Rafael na tinugunan ng ngiti ni Don Asuncion, lubos ang kagalakan ni Don Asuncion na maugnay sa alkalde ng kanilang bayan.

Hindi makakain nang maayos si Agnes, hindi rin siya makahinga nang maluwag. Hinawakan ni Manang Oriana ang kamay niya sa ilalim ng mesa at ngumiti nang marahan upang iparating sa kaniya na wala itong dapat ikabahala o ipag-alala. Napatingin si Agnes kay Alfredo na wala ring gana kumain, ni hindi nito nababawasan ang pagkain sa pinggan.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Agnes, hindi niya nakitang dumalaw si Don Asuncion sa bahay nila kung kaya't wala siyang ideya na ang pamilya Salazar pala ang napili ng kaniyang ama. Wala rin siyang ideya na magkakilala o malapit pala ang dalawang Don sa isa't isa.

Muling sinulyapan ni Agnes si Alfredo na nakaupo sa tapat niya. Ni minsan ay hindi siya nito binalingan ng tingin. Tanging pagtango at pagtugon ng opo o hindi po ang sinasagot niya sa mga tanong ni Don Rafael.

Sandaling nagpaalam si Agnes na magtutungo sa palikuran nang makalahati niya ang kaniyang pagkain. Batid niyang matagal pa matatapos sa pagkain ang mga magulang nila dahil abala ito sa pag-uusap.

Muling tiningnan ni Agnes ang sarili sa malabong salamin sa loob ng palikuran. Ilang ulit siyang huminga nang malalim. Kailangan niyang lakasan ang loob niya na lapitan o kausapin si Alfredo kung ito ang magiging kabiyak niya. Gusto niyang malaman ang saloobin at nasa isipan nito.

Paglabas ni Agnes ng palikuran ay napaatras siya sa gulat nang makita si Alfredo na nakasandal sa dingding ilang hakbang ang layo sa kaniya. Sa tindig nito ay halatang kanina pa ito naghihintay. "P-pasensiya na, hindi ko alam na gagamit ka rin pala ng palikuran" saad ni Agnes dahil halos sampung minuto siyang nanatili sa loob ng palikuran upang pakalmahin ang sarili.

Tumayo nang maayos si Alfredo habang nakasuksok pa rin ang dalawang kamay nito sa magkabilang bulsa ng pantalon. "Maaari ba kitang makausap?" tanong ni Alfredo habang nakatingin sa kaniya, hindi namalayan ni Agnes na napatango na lamang siya at sumunod kay Alfredo na naglakad patungo sa azotea.

Maaliwalas ang kalangitan, umiihip din ang sariwang hangin dahilan upang marahang sumayaw ang mga puno't halaman sa hardin ng hacienda Romero. Tiningnan ni Agnes si Alfredo na tahimik na minalas ang magandang paligid. Sa isip ni Agnes ay marahil iniisip ngayon ni Alfredo kung ano ang hitsura ng paraiso.

Ilang minutong walang nagsalita. Hinihintay ni Agnes na magsalita si Alfredo, nang tingnan niya ito muli ay napansin niya ang lungkot sa mga mata nito. Iba ang hitsura niya ngayon kumpara sa karaniwang araw na nakita niya ang binata sa Maynila. Ngayon ay may halong paghihimagsik at kalungkutan ang hitsura nito.

Napatikhim si Agnes, kung hindi magsasalita si Alfredo tulad ng adelpa ay mas mabuti pang siya na ang magsimula, "Anuman ang iyong dahilan, handa kong tanggapin iyon. Pareho nating hindi iniibig ang isa't isa ngunit mahalaga sa akin ang kagustuhan ng aking mga magulang" saad ni Agnes, ginagalang at minamahal niya nang lubos ang kaniyang mga magulang lalo na ang kaniyang ama, nagtitiwala siya na hindi siya ilalagay ng sariling ama sa kapahamakan.

"Maaari naman nating turuan mahalin ang isa't isa, hindi ba?" patuloy ni Agnes, hindi niya ngayon malaman kung saan niya hinuhugot ang lakas ng loob.

Hindi tumingin sa kaniya si Alfredo, nanatili itong nakatingin sa malawak na hardin ng mga Romero. Sa bawat pagpatak ng segundo ay mas lumalakas ang kabog ng dibdib ni Agnes sa takot, hindi niya naisip na maaaring may malalim na dahilan si Alfredo kung bakit tila hindi ito masaya ngayong araw ng kanilang pamamanhikan.

"May nagmamay-ari na ng aking puso" saad ni Alfredo nang hindi tumitingin sa kaniya. Natigilan si Agnes, ang lakas ng loob na tinataglay ng kaniyang damdamin ay unti-unti siyang tinatalikuran. Maging ang mga salitang ibig niyang sabihin kay Alfredo ay humahakbang na rin papalayo mula sa kaniyang isipan.

"Kami ay magkababata. Sabay kaming bumuo ng aming mga pangarap. Matagal na akong may pagtingin sa kaniya at ganoon din siya sa akin" patuloy ni Alfredo. Napatahimik si Agnes, ang totoo ay wala siyang ideya sa pag-ibig. Ang paghanga ba ay katumbas ng pag-ibig? Umiibig ba ang paru-paro sa adelpa o humahanga lang siya sa kakayahan nito?

"Kilala mo siya. Tumutulong din siya sa kaniyang ina na nag-lalabandera sa inyo" dagdag ni Alfredo. Nanlaki ang mga mata ni Agnes nang maalala kung sino ang kanilang labandera at ang dalagang anak nito.

"Si Emma?" tanong ni Agnes. Hindi umimik si Alfredo ngunit batid na ni Agnes na ang magandang dalaga na anak ni Aling Ester na nililigawan ng mga kaklase ng kaniyang kuya Teodoro ay ang babaeng tinutukoy ni Alfredo na kasintahan nito.

Tumingin at humarap sa kaniya si Alfredo, "Pareho nating nalalaman na ang kasunduang ito ay kagustuhan lamang ng ating mga magulang. Sinasabi ko ito upang iparating sa 'yo ang aking saloobin sa kasal. Nawa'y pag-isipan mo nang mabuti" saad ni Alfredo saka nagbigay-galang bago naglakad pabalik sa hapag kung saan ay hindi pa rin natatapos sa pag-uusap ang kanilang mga magulang.

Naiwang tulala si Agnes at napahinga nang malalim. Kung may iba na pala itong minamahal, bakit sinasabi ng mga mata niya na hindi pa rin siya masaya?


NAPAATRAS si Agnes at muntik nang mawalan ng balanse. Mabuti na lang dahil nakabig niya ang kamay sa durungawan ng bintana. Napatigil si Alfredo sa pagtugtog ng piyano at napatingin sa bintana nang marinig ang ingay mula roon. Gulat siyang napatayo nang makita si Agnes, agad siyang nagtungo sa bintana at hinawakan ang kamay nito na nakakapit.

"Liliana? Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Alfredo. Nanatiling nakapikit si Agnes habang pilit na pinapakiramdaman ang sarili, ramdam niya ang pag-ikot ng paligid at sandaling pagkirot ng kaniyang ulo.

"Sandali. Hintayin mo ako" patuloy ni Alfredo saka lumundag sa bintana at hinawakan sa magkabilang balikat si Agnes. Napansin niyang namumutla at pinagpapawisan nang malamig si Agnes. "Dadalhin kita sa loob" saad ni Alfredo saka hinawakan ang baywang ni Agnes at binuhat ito papasok sa loob ng tahanan ng propesor.

"Anong nangyari?" gulat na tanong ni Manang Inda nang makitang buhat ni Alfredo si Agnes papasok at marahang ibinaba ni Alfredo si Agnes sa mahabang silya ng salas. "Kailangan niya po ng tubig" saad ni Alfredo, dali-daling naghanap ng malinis na tubig si Manang Inda. Hindi na nila inabala ang matandang propesor na nakahiga sa kama. Mahina na ito at hindi rin makabubuti ang mag-alala sa bisita.

Hinawakan ni Alfredo ang noo ni Agnes at hinawi ang ilang hibla ng buhok nito sa noo na basa na ng pawis. Kinuha niya ang kaniyang puting panyo at sinimulang punasan si Agnes. "Ito na po ang tubig, Señor" saad ni Manang Inda saka iniabot kay Alfredo ang baso ng tubig.

Iniangat ni Alfredo si Agnes at inalalayan itong uminom ng tubig. Sinimulang paypayan ni Manang Inda si Agnes at nagsimula rin siyang magdasal. Nang makainom ng kaunting tubig si Agnes ay marahan siyang inihiga ni Alfredo at pinunasan niya muli ang pawis nito.

Napansin ni Alfredo na nanlalamig at tila naninigas ang kamay ni Agnes, hinawakan niya ito at minasahe tulad ng kung paano minasahe noon ni Agnes ang kamay niya sa tindahan ng mga obra.

"Tatawag na ba ako ng doktor? Sino kayang maaaring magtungo kay Señor Mateo?" nag-aalalang wika ni Manang Inda na halos mangiyak na, hindi na ito mapakali sa kaba. "May sakit ba si Liliana? Nangyari na ba 'to sa kaniya?" tanong ni Alfredo habang patuloy na minasahe ang kamay ni Agnes.

"Nagsimula noong muntik na siyang mabangga ng kalesa, Señor. Doon ko rin siya nakitang matakot ng ganiyan at mawalan ng malay" tugon ni Manang Inda. "Maaari niyo po bang sabihan ang si Mang Lucio na magtungo sa ospital?" saad ni Alfredo, agad tumango si Manang inda at tumakbo papalabas.

Makalipas ang ilang minuto ay napansin ni Alfredo na unti-unti nang nahihimasmasan si Agnes hanggang sa umayos na ang paghinga nito. Naalala niya ang nangyari kay Agnes noong gabi na nagtalo sila. Muntik na rin itong masagasaan ng kalesang sinasakyan niya.

Animo'y nanghina ang kaniyang kamay hanggang sa isubsob na lang niya ang kaniyang mukha sa matres ng mahabang silya. Sunod-sunod na luha ang kumawala sa mga mata ni Alfredo dahil sa alaalang iyon. Ang huling alaala bago maaksidente ang asawa at magkaroon ng bagong buhay.


NANG imulat ni Agnes ang kaniyang mga mata, una niyang nakita si Mateo. Bakas ang matinding pag-aalala sa hitsura ni Mateo habang hawak nito nang mahigpit ang kaniyang kamay.

Tuluyan nang lumubog ang araw at iilang lampara lang ang nagbibigay liwanag sa buong bahay ng propesor. Dumating na ang katiwala na nag-aasikaso sa propesor na may sakit. Samantala, nagsimulang magluto ng hapunan si Manang Inda sa tahanang iyon.

"Kumusta ang iyong pakiramdam?" tanong ni Mateo saka niyakap si Agnes. Nang dumating si Mang Lucio sa ospital at ibalita ang nangyari sa kaniyang asawa ay hindi siya agad siyang nagtungo sa bahay ng propesor, hindi na niya nagawang magpaalam kay doktor Galvez.

Ramdam ni Mateo ang panghihina ni Agnes at ang mabagal nitong paghinga. Si Manang Inda lang ang naabutan niya sa bahay ng propesor. Kung walang ibang kasama si Agnes ay tiyak na mas malalagay sa panganib ang kalusugan nito.

Inilibot ni Agnes ang kaniyang paningin, tanging si Mateo lang ang kasama niya sa salas. Naririnig niya si Manang Inda sa kusina kausap ang katiwala ng propesor. "Anong nangyari? Bakit ka nawalan ng malay?" tanong ni Mateo, hinawi niya ang buhok ni Agnes.

Napatitig si Agnes kay Mateo, ang alaalang pumasok sa kaniyang isipan ay malinaw na nakaraang buhay ni Agnes. Ang pangalang tinatawag sa kaniya, ang kapatid nitong si Teodoro, ang mga magulang niya, at si Alfredo. Lahat ng iyon ay mga taong bahagi ng buhay ni Agnes.

Hindi nakapagsalita si Agnes at tuluyan nang bumagsak ang kaniyang mga luha. Tinakpan niya ang mukha gamit ang kaniyang dalawang palad at hindi na niya nagawang pigilan ang paghagulgol.

Muli siyang niyakap ni Mateo at marahan nitong hinagod ang kaniyang likod. Batid ni Mateo na marami pa silang pagdadaanan ni Agnes at ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi niya ito iiwan. Hindi niya ito hahayaan mag-isa sa unti-unting pagkawala ng sarili nitong alaala.


NAGLALAKAD pauwi si Teodoro nang mapatigil siya sa tindahan ng mga sapatos. Napansin niya na pudpod na ang sapatos na suot ng ama nang magtungo ito sa Maynila. Kinuha niya ang isang pares ng itim na sapatos na nakahelera sa mesa sa labas ng tindahan.

Ngunit naalala niya na ang salaping sasahurin niya ay ipambibili nila ng gamot para sa kaniyang ina. Kung may iba sana siyang pagkukunan ng salapi ay mabibilhan niya rin ng sapatos ang ama.

"Magandang gabi, Señor. May nais po ba kayong bilhin?" nakangiting tanong ng isang binatilyo. Ngumiti pabalik si Teodoro saka ibinalik ang hawak na sapatos.

"Sa susunod na buwan ba ay narito pa ang disenyong ito?" tanong ni Teodoro, tiningnan ng binatilyo ang sapatos na binalik ng lalaki. "Kung nais niyo po ay maaari ko pong ibilin sa sapatero at gawan niya kayo ng katulad nito sakaling mabili na ito ng iba" tugon ng bintaliyo na katiwala sa tindahan.

Ngumiti si Teodoro, kalimitan ay sasabihin ng mga tindero na wala ng iba at huli na ang produktong binebenta nila upang mapilitan ang parokyano na bilhin iyon. Ngunit iba ang binatilyong nagbabantay sa tindahan, ang suhestiyon nito na magkaroon ng kapareho ng gusto niyang disenyo sa susunod na buwan ay nakakagaan sa pakiramdam ng isang mamimili.

Magsasalita pa sana ang bintaliyo ngunit dumungaw ang isang binatang sapatero sa bintana, "Selio, kakain na tayo!" tawag nito. "Oo. Susunod na ako" tugon ng binatilyo saka yumukod sa harap ni Teodoro at nagsabing isasara na niya ang tindahan dahil kakain na sila ng hapunan.

Tumango si Teodoro at nagpasalamat saka nagpatuloy sa paglalakad pauwi sa tahanan nina Fernando at Viola. Napatigil si Teodoro nang mapadaan ang magarbong kalesa at nakita ang lulan niyon.

Nakilala niya ang babaeng nagpakilalang Nenita at humingi ng tulong na mahanap ang pamilya ng matandang manggagamot. Tumigil ang kalesa sa katabing tindahan ng mga damit. Nakita ni Teodoro na bumaba roon si Nenita kasunod si Don Asuncion at ang isa pang tagapagsilbi na nakasunod sa kanila.

Naunang pumasok si Don Asuncion sa loob ng tindahan, napatigil si Nenita nang makita si Teodoro. Nakilala niya ito dahil bukod sa matandain siya sa mukha ay naalala niya ito ang napagtanungan niya na nanggaling sa kwartel kung nasaan ang kaniyang kapatid na lalaki.

Ngumiti si Nenita at nagbigay-galang kay Teodoro, "Magandang gabi po, Ginoo!" ngiti ni Nenita, kung hindi dahil sa suhestiyon ni Teodoro na magtungo siya sa munisipyo ay hindi niya matatagpuan doon si Alfredo at ang asawa nito na nagbigay sa kaniya ng trabaho.

Tumango lang si Teodoro, hindi siya makapaniwala na totoo nga ang sinabi ni Celso tungkol sa mga babaeng namamalagi sa labas ng munisipyo o kwartel kung saan ay naghihintay sila ng mayayamang parokyano.

Sumunod na si Nenita papasok sa tindahan ng mga damit kasunod ang isa pang tagapagsilbi. Napapamewang si Teodoro, ngayon ay naghihinala na siya kung hinahanap ba talaga ng babaeng iyon ang matandang manggagamot o nagdahilan lang ito upang makausap siya at sakaling makuhanan siya ng salapi.

Nakita ni Teodoro ang binatilyo sa sapatusan, lumabas ito upang ayusin ang pagkakasara ng tindahan sa labas. Kinuha ni Teodoro ang maliit na papel na ibinigay sa kaniya ng may ari ng panciteria kung saan nakalagay ang lokasyon ng bahay ng pamilya Ong. 

Lumapit si Teodoro sa binatilyo, "Maaari ba akong makiusap? Pakibigay ng mensaheng ito sa babaeng iyon na nakasuot ng puti" saad ni Teodoro sabay abot ng papel sa binatilyo, napatingin si Selio sa nakatuping papel. Para sa kaniya ay mabait at katiwa-tiwala naman ang hitsura ng lalaki kung kaya't tumango siya at pumasok sa loob ng tindahan ng mga damit.

Nakatayo si Teodoro sa gilid ng pintuan habang tinatanaw ang pag-abot ng binatilyo ng papel sa babaeng tinutukoy niya. Nanlaki ang mga mata ni Nenita at Selio nang makilala ang isa't isa.

"Selio!"

"Ate Nenita! Anong ginagawa mo rito?!" gulat na tanong ni Selio, napalingon sa kanila si Don Asuncion at ang sastre. Maging ang isang kasambahay na sinama ni Don Asuncion upang bitbitin ng dalawa ang mga pinamili niyang damit.

Napatalon sa tuwa si Nenita, maging si Selio ay napangiti rin nang malaki dahil narito ang matalik na kaibigan ng kaniyang ate. "Hinahanap ko kayo, hindi ako makapaniwala na nakita na kita! Nasaan si Liliana at ang iyong itay?" halos mapunit ang labi ni Nenita sa laki ng kaniyang ngiti.

Magsasalita pa sana siya ngunit sinaway sila ng sastre at sinabihang lumabas muna kung mag-iingay lang sila sa loob ng kaniyang tindahan. Paglabas nilang dalawa ay halos walang kurap na nakatingin sa kanila si Teodoro na nakatayo sa labas. Hindi siya makapaniwala na ang Selio na tinutukoy ni Nenita ay ang binatilyong hiningan niya ng pabor na iabot ang kaniyang mensahe.

"Siya nga pala, ipinapaabot ng Señor na ito" saad ni Selio sabay abot kay Nenita ng maliit na papel na nakatupi ngunit natigilan sila nang mabilis na inagaw ni Teodoro ang papel sa kamay ni Selio at ibinulsa iyon.

"I-itatanong ko lang sana kung maaari ko bang makausap si Don Asuncion" pagdadahilan ni Teodoro sabay tingin sa loob at kunwaring may mahalagang sasabihin sa Don. Napatingin si Nenita sa loob, "Mainit ang ulo ngayon ni Don Asuncion, mas mabuti kung sa ibang araw niyo na lang po siya kausapin, Señor" tugon ni Nenita, nagpabalik-balik ang tingin ni Selio sa dalawa. Hindi niya akalain na magkakilala pala ang mga ito.

"Naninilbihan ka sa pamilya Salazar?" tanong ni Selio. Tumango ng dalawang ulit si Nenita saka ngumiti, ibinulong niya pa kay Selio kung gaano kalaki ang suweldo niya nang magtanong ito. Napatikhim si Teodoro, nahihiya siya ngayon sa sarili dahil nagawa niyang husgahan ang babae na may masamang motibo at layunin.

"Saan pala kayo nakatira?" tanong ni Nenita kay Selio, napahinga nang malalim si Teodoro dahil mabuti na lang hindi nabasa ni Selio ang laman ng mensahe niya at hindi rin ito naiabot kay Nenita, baka isipin nila na gumawa siya ng paraan upang mahanap ni Nenita ang pamilya De Guzman.

"Sa asawa ni ate Liliana" tugon ni Selio dahilan upang mapatigil si Teodoro. Nanlaki muli sa gulat ang mga mata ni Nenita. "Nag-asawa na si Liliana? Sino?!"

"Nakapangasawa siya ng doktor" ngiti ni Selio na animo'y iniinggit nito ang kaibigan ng kaniyang ate. Hindi nakakibo si Teodoro, ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit nakatira ang pamilya De Guzman sa bahay ni Mateo. Nag-asawa na nga ang matalik niyang kaibigan nang hindi man lang nagsasabi sa kanila.


KINABUKASAN, nagising si Agnes sa kaniyang silid at napatingin sa asawa na mahimbing pa ring natutulog. Naalala niya na sinamahan siya nito buong gabi at natulog sa tabi niya sa takot na muli siyang mawalan ng malay at manlamig ang kaniyang buong katawan.

Dahan-dahang bumangon si Agnes at napahawak sa kaniyang sentido. Nakatulong ang gamot na pinainom sa kaniya ni Mateo kung kaya't hindi na sumasakit ang kaniyang ulo. Maingat siyang bumangon saka marahang kinumutan si Mateo.

Sandali niyang tinitigan ang hitsura ng asawa. Minsan niyang nabanggit ang pangalan ni Mateo sa alaalang pumasok sa kaniyang isipan. Ipinikit niya ang mga mata saka naglakad palabas sa silid.

Napatigil si Manang Inda sa paglilinis sa salas at lumapit kay Agnes, "May liham ka mula sa kumbento, hija" saad ni Manang Inda sabay abot ng sobre kay Agnes. Binuksan ni Agnes at binasa ang nilalaman niyon. Inimbitahan siya ni Sor Fernanda sa kumbento para sa isang mahalagang bagay.

Alas-nuwebe ng umaga nang makarating si Agnes sa kumbento, hindi na niya pinagising si Mateo at hindi na rin niya pinasama si Manang Inda. Sa karaniwang araw ay maaliwalas na dapat ang langit at maliwanag na ang paligid ngunit iba ang araw ngayon, nasusumpungan ito sa langit ngunit hindi ang liwanag na taglay nito.

Tumuloy si Agnes sa tanggapan ni Sor Fernanda, mas maliit ang opisina nito kumpara sa punongmadre. Kumatok siya ng tatlong beses at nang marinig ang tugon ni Sor Fernanda ay marahan na niyang binuksan ang pinto. Naabutan niya si Sor Fernanda na may isinusulat na liham.

Tumigil ito nang makita si Agnes. Nagbigay-galang si Agnes saka naglakad papalapit kay Sor Fernanda at nagmano. Tumayo si Sor Fernanda at inimbitahan niya si Agnes na maupo sa mahabang silya. Napansin ni Sor Fernanda na malaki ang ipinayat ni Liliana kumpara noong nakatira ito sa kanila. Hindi palaimik si Sor Fernanda ngunit ang bawat detalye sa paligid at sa taong kausap ay kaniyang napapansin.

Napatikhim si Sor Fernanda, "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, ipinatawag kita rito upang ipakita sa 'yo ito" saad ni Sor Fernanda saka iniabot kay Agnes ang isang baul na kulay kayumanggi.

Binuksan ni Agnes ang kayumangging baul at tumambad sa kaniya ang magkakahalong papeles, liham, dokumento na may kalumaan na. May kinuhang liham si Sor Fernanda sa kaniyang bulsa, inilapag iyon sa mesa at kinuha ang isa pang liham sa loob ng baul at inilapag din iyon sa mesa.

Napatingin si Agnes sa dalawang magkaibang liham na nasa mesa, "Ang isang liham ay isinulat ni Agnes, ang isa naman ay liham na isinulat mo" patuloy ni Sor Fernanda, nagsimulang kumabog muli nang malakas ang puso ni Agnes habang nakatitig sa dalawang papel.

"Ako'y nagtaka nang hingiin ni Señor Alfredo ang mga nakatagong liham at dokumento ng kaniyang dating asawa sa kumbento. Nakita kong ikinumpara niya ang sulat-kamay niyong dalawa. Wala siyang sinabi sa kaniyang natuklasan, ngunit..." tumingin si Sor Fernanda kay Agnes.

"Aking nababatid kung bakit umalis siya nang walang sinasabi. Maging ako ay hindi makapaniwala. Hindi ko rin maitatanggi ang laki ng pagkakapareho ng iyong sulat-kamay sa yumao niyang asawa" napalunok si Agnes, muli niyang naramdaman ang panlalamig ng kaniyang buong katawan.

"Humingi rin ako ng tala sa munisipyo at aking napag-alaman na limang taon pa lang naitatala ang inyong pangalan sa Bataan. Hindi ba't kay laking pagkakataon na ang limang taon na iyon ay ang limang taon din mula nang yumao si Agnes?"

"Bukod doon ay napag-alaman ko rin sa tagapangasiwa ng sementeryo ng Paco na nawawala ang labi ni Agnes sa libingan." Patuloy ni Sor Fernanda. Napatulala si Agnes sa dalawang liham habang marahang dumaloy ang luha sa kaniyang mga mata.

Hinawakan ni Sor Fernanda ang kamay ni Agnes, "Wala man akong matibay na katibayan ngunit sa aking palagay ay mapapatunayan ng pamilya Romero kung sino ka ba talaga" saad ni Sor Fernanda saka marahang niyakap si Agnes. Napapikit si Agnes habang patuloy pa rin ang tahimik na pagbagsak ng kaniyang mga luha.

Unti-unti nang kumakawala ang katotohanan sa likod ng kaniyang nakaraan. Hindi niya na ngayon alam kung sino at ano ang dapat paniwalaan ngunit hindi niya maikakaila ang samu't saring emosyon na nararamdaman niya sa tuwing nakikita si Alfredo.

Nang mahismasan siya ay nagpaalam na siya kay Sor Fernanda. Lumabas na siya sa tanggapan at marahang isinara ang pinto sa kaniyang likuran. Mabagal siyang naglakad sa mahabang pasilyo. Nagtatalo ang kaniyang isipan kung dapat na ba niyang kausapin si Mateo at ang kaniyang itay. Ngunit natatakot siya sa katotohanan. Natatakot siyang malaman na may mga bagay na hindi ipinagtapat sa kaniya.

Napatigil si Agnes sa paglalakad sa mahabang pasilyo nang matanaw ang lalaking makakasalubong niya. Maging si Alfredo ay napatigil din sa paglalakad patungo sa tanggapan ni Sor Fernanda nang matanggap niya ang mensahe nito kaninang umaga na ipinatawag siya sa kumbento.

Ilang segundong walang nagsalita sa kanilang dalawa, nanatili lang silang nakatitig sa mga mata ng isa't isa. Parehong hindi alam kung sino ba ang mauunang humakbang papalapit, palayo o pabalik.

Naunang humakbang si Agnes dahilan upang magpatuloy na rin si Alfredo. Nagpatuloy sila sa paghakbang hanggang sa malagpasan nila ang isa't isa.

Unang tumigil si Agnes at lumingon kay Alfredo, "P-paano kung totoo ang iyong hinala?" tanong ni Agnes dahilan upang mapatigil din sa paghakbang si Alfredo. Pinili niyang umalis kahapon nang dumating na si Mateo upang samahan si Agnes dahil gulo lang ang maidudulot niya sa bagong buhay na nais simulan ng dating asawa.

"Paano kung buhay nga siya?" patuloy ni Agnes dahilan upang dahan-dahang mapalingon si Alfredo sa kaniya. Napansin ni Alfredo na namamaga ang mga mata ni Agnes. Ang katiting na asul na liwanag na tumatagos sa bintana ng pasilyo ay tumatama sa mga luhang namumuo sa mga mata ni Agnes habang nakatingin sa kaniya.

"A-ang totoong dahilan kung bakit hindi ko nasasagot ang iyong mga katanungan ay dahil wala akong nalalaman." Pag-amin ni Agnes na sinabayan ng tahimik na pagdaloy ng kaniyang luha. 

"Wala akong maalala sa aking nakaraan" patuloy nito na nagpatigil kay Alfredo. Sa pagkakataong iyon ay malinaw na sa kaniya kung bakit mula sa mga mata ni Agnes ay tila hindi siya nito nakikilala.

Naalala niya ang huling sinabi ni Agnes noong gabing magtalo sila, hiniling nito na mawala na siya sa buhay at alaala niya kailanman. At nangyari nga iyon, nabura siya sa alaala ng kaniyang dating asawa.


*************************

#LoSientoTeAmo

Featured Song: "Maibalik" by JBK

Continue Reading

You'll Also Like

3.3K 675 10
THE CALLALILY AWARDS SHORT STORY CHAMPION MAY 2020 Seira is a writer who used to write letters and poems about her "The One that Got Away". When 2020...
31.5K 972 15
THAT SUMMER WITH A GHOST SERIES #3
11.7K 305 8
What's meant to be will always find a way
125M 2.6M 56
Si Carmelita Montecarlos ay ang bunsong anak ng pinakamayamang angkan sa San Alfonso. Habang si Juanito Alfonso naman ay ang anak ng pinakamaimpluwen...