...

By yupina

35 1 4

Sa tuwing magtatagpo ang aming mga tingin, ako ang unang umiiwas. Kung hindi ako titingin sa ibang direksyon... More

.....

35 1 4
By yupina

Sa tuwing magtatagpo ang aming mga tingin, ako ang unang umiiwas. Kung hindi ako titingin sa ibang direksyon, ipinipikit ko ang aking mga mata ng ilang segundo. Sa mga sandaling iyon, inaalala ko ang nakalipas at kasabay ng ngiting mabubuo sa aking mga labi ay ang patak ng luhang kusang babagsak mula sa aking mga mata.

Gusto kong sabihing, 'ayos lang ako hangga't masaya siya'. Ngunit, hindi ko talaga kaya. Ngayong normal na ulit and kanyang buhay, gusto kong ako pa rin ang kasama niya; gusto kong ako pa rin ang mahal niya; pero higit sa lahat, gusto kong kahit saglit ay sumagi pa rin ako sa isipan niya.

Palagi ako sa kainan na ito. Hindi naman dahil paborito ko dito o dahil malayo ito sa matataong lugar. Hindi din dahil masarap ang pagkain o maayos makitungo ang mga nagta-trabaho dito. Palagi ako dito dahil sa iisang rason... Ang makita ang taong mahal ko.

Sa parehong upuan, lamesa, at pwesto siya palaging nag-aabang tuwing sabado. Iisa ang binibili niyang inumin. Kape. Hindi masyadong matamis at hindi din masyadong matapang. Alam na ng mga nagta-trabaho kung ano ang timplang gusto niya. Habang hindi pa niya nauubos ang kanyang kape, maglalaro siya sa kanyang cellphone. Nagpapalipas ng oras. At kapag naubos na niya ang kape, saktong darating ang kanyang nobya.

Nobya.

Dati, ako ang taong iyon. Ang taong masasabi mong mahal niya. Pero ngayon, bukod sa hindi na nga ako ang kasama niya, hindi na din niya kilala kung sino ako.

Ano nga ba ang aming nakalipas? Paano nagsimula ang lahat at paano humantong sa ganito?

Kaklase ko siya sa isang subject noong nasa kolehiyo ako. Hindi kami pareho ng kursong kinukuha ngunit, dahil sa general subject na iyon, nagkakilala kami at hindi kalaunan, nagka-igihan.

Naging katabi ko siya sa upuan. Pakiramdam pa niya malapit kami sa isa't isa at palagi siyang nakikipagkwentuhan, nagtatanong, at humihingi ng bolpen, papel, o kendi sa akin. Noong una ay ilang ako sa kanya sapagkat hindi ko nais ang pakikipag-lapit niya sa akin. Pakiramdam ko magkaibang-magkaiba kami at umaasa lang siya sa akin para sa kanyang grado. Nagkamali ako. Marami pala kaming pagkakapareho at dahil doon, gumaan din ang loob ko sa kanya. Hindi siya yung tipo ng estudyante na umaasa lang sa ka-grupo kaya naman nagustuhan ko din ang palagi niyang pag-hatak sa akin para maging magkasama kami sa mga proyekto. Naging kaibigan ko siya at hindi lang 'yun nagsimula at nagtapos sa isang semestreng naging mag-kaklase kami. Kahit sa mga lumipas na semestre na wala na kaming subject na mag-kasama, nagkikita pa din kami at gumagala o kung ano mang maisip na gawin para magkatuwaan. Hanggang sa nagtapos kami at nagkatrabaho ay malapit pa din kami sa isa't isa. Minsan nga inaasar na kami ng mga kaibigan namin. Bagay na bagay daw kami dahil alam na namin ang timpla ng bawat isa. Para sa akin may halong kirot ang mga birong iyon. Lalaki ako at lalaki din siya. Pagbibiro nga naman ng tadhana.

Para sa'kin, kuntento na ako na magkaibigan kami. Alam ko namang walang masayang kahahantungan kung magiging higit kami roon. Hanggang sa isang araw na lumabas kami para sana pumili ng magiging bagong tirahan niya.

"Ano sa tingin mo? Maganda ba?"

Tumingin siya sa akin at ngumiti.

"Oo. Saka, malapit pa ito sa opisina niyo."

"....At sa opisina mo."

Hindi ko nga napansin na malapit nga itong lilipatan niya sa opisina ko.

"Ahh... Oo nga. Pero hindi ba masyadong malaki ito para sa'yo?"

"Hindi lang naman kasi para sa akin ito."

Sa tono ng pananalita niya, kinabahan ako. Kumikirot ang puso ko. Ayokong isipin ngunit parang alam ko na saan hahantong ang usapang ito.

"Ha? Anong ibig mong sabihin?"

Tiningnan ko siya. Hindi siya nakatingin sa akin bagkus, nililibot niya ang kanyang paningin sa paligid at ngingiti-ngiting sinabing,

"Gusto kong makasama dito ang nobyo ko."

Hindi ako nakapagsalita. Nagdadalawang-isip pa ako kung tama ba ang narinig ko.

"Bakit ka natahimik diyan?"

Nagkatinginan kami. Pinilit kong ilabas ang kung ano mang katanungan ang bumabagabag sa aking isipan.

"Hindi ko maintindihan. May.... nobyo ka? Hindi ba.... straight ka?"

Tumawa siya ng bahagya pagkatapos ay ngumiti siya at lumapit sa akin. Kinuha niya ang aking mga kamay sabay sinabing....

"Nawalan tuloy ng sense ang proposal ko."

"Ano?"

"Gusto kitang makasama mula ngayon hanggang sa huli nating hininga. Maaari ba?"

"Kailan pa ako naging nobyo mo? Hindi ba masyadong mabilis ito?"

"Matagal ko ng nararamdaman na ikaw ang taong para sa akin. At, ngayon lang ako nagka-lakas ng loob na sabihin sa'yo."

"Sira ka ba!? Pinag-isipan mo ba talaga itong maigi? O niloloko mo lang ako?"

"Mahal kita.... mahal mo ba ako? Oo o hindi?"

Hindi ako makasagot. Alam ko sa sarili kong hindi biro ang pumasok sa isang relasyon lalo pa't pareho kaming lalaki. Kahit mahal ko siya, marami pa ding bagay na dapat isipin. Kung tatanggapin ko ang kanyang proposal, sigurado bang hindi ako masasaktan kung ako'y kanyang iwanan?

Napansin siguro niya ang pagkukubli sa aking mukha. Hinawakan niya ang aking pisngi.

"Bakit ganyan ang mukha mo? Ano pa bang inaalala mo?"

"Madami. Yung pamilya natin, mga kaibigan, mga ka-trabaho, kahit yung mga taong makakakita sa atin."

Kitang-kita sa kanyang mga mata ang pag-ngiti ng kanyang buong pagkatao.

"Ngayon mo pa inalala yun? Eh matagal na naman tayong nagkakasama at marami na ang nakakasaksi na kulang nalang ay magpakasal tayo kung pagkakalooban."

Biglang pumatak ang mga luha sa aking mga pisngi. Ito ay sa halong tuwa at lungkot. Tuwa dahil nag-bunga ang matagal kong kinimkim na damdamin at lungkot dahil sa pag-aalala kung ano ang bukas para sa amin.

"Ano na? Aayusin pa natin itong bahay. Tama na yang pagluha mo diyan."

Pinunasan niya ang bakas ng mga luhang tumulo mula sa aking mga mata at hinalikan ang aking pisngi.

"Mahal kita at ikaw lang ang mamahalin ko, ngayon at magpakailanman."

Iyon ang simula ng aming matamis at masayang relasyon. Hindi ko inaasahan na may mas isasaya pa pala ako simula ng mag-sama kami. 'Yung tipo na may taong nag-aalala sa'yo at nag-aalalaga. 'Yung nagagalit tuwing hindi ka kumakain o hindi mo na inaasikaso ang sarili mo kaya gagawa ng paraan para pagaanin ang trabaho mo at talagang nandiyan para sabihing magpahinga ka naman. 'Yung hindi lang dahil kaibigan mo siya kaya nag-aalala siya sa'yo kung hindi dahil mahal ka niya at mahal mo siya.

Pero anong nangyari sa amin? Sa kanyang sinabing magpakailanman?

Sinira ito ng tadhanang mapag-biro sa ating lahat. Noong ika-4 na taong anibersaryo namin, papunta siya sa paborito naming kainan. Hindi sinasadyang nadamay siya sa isang aksidente sa daanan. Nagtamo siya ng mga sugat sa kanyang katawan at ang malala dito ay nagtamo din ng tama ang kanyang ulo. Na-comatose siya ng isang taon. Sa loob ng isang taong iyon, dinadalaw ko siya sa ospital at kinakausap. Alam ko at pinaniniwalaan ko na naririnig niya ako. Madalas kasama ko ang kanyang mga magulang. Ramdam kong hindi nila tanggap ang aming relasyon ngunit para sa kanilang anak, hinayaan nila akong makasama siya. Nung mga panahong iyon, napapabayaan ko na ang sarili ko. Hindi biro ang mag-trabaho at 'yung bago at pagkatapos mo sa trabaho ay sa ospital ka didiretso hanggang sa maubos ang oras at pauuwiin ka na ng mga nars. Pero mas hindi biro 'yung makita siyang nakahiga sa kama na walang malay at hindi alam kung kailan gigising at kung anong magiging lagay niya pagkagising niya. Sa mga panahong iyon, wala akong ibang dinulog sa Panginoon kung hindi ang magising siya at mabuhay muli ng normal. Araw-araw at minu-minuto na kasama ko siya, hindi napapagod ang mata ko kakaluha habang iniisip na sana panaginip lang ang lahat ng ito at pagkagising ko, mukha niya ang unang makikita ko at magkatabi muli kami sa kama ng aming munting tahanan. Sa tuwing hahawakan ko ang kanyang mga kamay, at nararamdaman kong dumadaloy pa rin ang dugo sa kanyang katawan at tumitibok pa rin ang kanyang puso, umaasa akong balang araw ay magigising siya. Magkakasama muli kami at ngingiti muli siya sa akin habang hinahaplos ang aking pisngi.

Subalit, iba ang realidad. Ilang araw akong hindi nakadalaw dahil kinailangan kong pumunta sa ibang lugar para sa aking trabaho. Nagpaalam ako sa kanyang mga magulang kahit na alam kong mas ikatutuwa nilang hindi na ako magpakita pa sa harap ng anak nila kailanman. At isang araw, pagkabalik ko ay dumiretso kaagad ako sa ospital. Dala-dala ko ang ilang prutas na binili ko para sa araw na iyon. Kahit na pagod ay pilit ko pa ding pinuntahan ang ospital upang makita ang ikangingiti ko sa araw na 'yun... Ang kanyang maamong mukha. Pagbukas ko ng pinto ay agad kong nakitang nakaupo na siya sa kama at kausap ang kanyang mga magulang. Napansin nila ang presensya ko habang tumutulo ang mga luha sa aking mga pisngi. Nakatingin siya sa akin. Hindi ko napigilan ang sarili ko at agad akong nagpunta sa tabi niya at niyakap siya. Maya-maya pa ay ini-alis ko ang yakap ko at sinabi ang aking paumanhin sa aking pagkasabik. Subalit, hindi ko inaasahan na isang malaking pagsubok ang ibabato sa akin ng buhay.

"Pasensya na pero hindi kita maalala. Sino ka nga ulit?"

Ngumiti siya sa akin pagkatapos sabihin ang katanungang iyon. Napatingin ako sa kanyang mga magulang na umiwas naman ng tingin sa akin. Alam kong hindi siya nagbibiro at alam kong ang kanyang ngiti ay para magpakita ng paggalang sa isang taong alam niyang naging bahagi ng buhay niya ngunit hindi niya matandaan. Pinunasan ko ang aking mga luha at pinilit na itago ang kung ano mang negatibong nararamdaman sa mga oras na iyon. Naisip ko na lamang na mabuti at nagising siya. Akmang magsasalita na ako at magpapakilala ngunit nilapitan ako ng kanyang ina at nakiusap na lumabas muna kami saglit. Pumayag ako subalit ramdam kong may hindi maganda sa magiging usapan namin.

"Nakikiusap ako."

Ang bungad ng kanyang ina. May ideya na ako kung para saan ang usapang iyon.

"Gusto niyong umalis na ako sa buhay niya? Ganoon po ba?"

Nagsimula ng maluha ang kanyang ina. Kapit-kapit ang aking braso habang nakatungo at nakikiusap siya sa akin. Alam kong nais nilang mamuhay ng normal ang kanilang anak. Hindi mamuhay kasama ang kapwa niya lalaki bilang kabiyak ng kanyang puso.

"Alam mo ang pagmamahal ng isang ina. Nais ko lamang na bumalik sa amin ang aming anak.... Na maging katulad siya ng dati. Nakikiusap ako. Hindi mo kailangang umalis sa buhay niya. Sana, kung magpapakilala ka ay bilang isang kaibigan. Pakiusap."

Umiiyak ang kanyang ina ngunit hindi ba niya nakikitang lumuluha din ako? Masakit sa kanya pero masakit din para sa'kin. Alam ko ang pagmamahal ng isang ina sapagkat mayroon din akong ina na siya ding unang taong tumanggap sa aking katauhan. Alam ko 'yun. Ngunit, alam din kaya ng inang nasa harapan ko ang pagmamahal ko para sa kanyang anak at ang hirap ng kanyang pinapagawa sa akin? Hindi niya ako pinalalayo sa tabi ng aking minamahal ngunit para niya namang kinuha ang puso ko at pinatatapon sa kailaliman ng karagatan kung saan hindi na dapat pang hanapin ng kung sinoman.

"Naiintindihan ko po."

Tumingin sa akin ang kanyang ina at nagpasalamat. Iniwan niya ako sa sulok ng ospital na 'yun na nag-iisa at lumuluha. Kung makita kaya 'niya' ako sa kalagayang iyon, ano kaya ang kanyang gagawin? Iniwan ako ng kanyang ina at isinama nito ang katuwaan na dapat sana'y natatamasa ko rin ngayon.

Paano ako sasaya kung sa kabila ng paggising niya ay hindi naman niya ako maalala? Sinong nagsabing wala ng mas lalala pa sa mamatayan ng taong minamahal? Ano ba ang laban mo sa mga taong nagpalaki at nag-aruga sa taong dapat ay makakasama mo sa iyong buhay? Kakapitan ko pa ba ang 'magpakailanman' o nararapat na itong bitawan?

Tinanggap ko ang papel bilang isang kaibigan pero sadyang may ibubuhos pang pagsubok sa akin ang tadhana. Pinipilit ng kanyang mga magulang na ilayo sa akin ang taong mahal ko. Dumating na sa puntong hindi na nila ako hinahayaan pang makita siya. At, dumating din sa puntong ipapakasal na nila sa isang babae ang taong nag-alok sa akin na kami'y magsama habambuhay. Masakit na ngang hindi mo siya magawang makita o malapitan, mas masakit pa 'yung may kinakasama na siyang iba.

Nais kong kalimutan na siya pero hindi ko magawa sapagkat umaasa akong balang araw, hindi man maalala ng isipan niya ay maalala ng puso niya ang aming nakaraan. At dahil sa pag-asang iyon, dumating na ako sa puntong nakukuntentong pinagmamasdan nalang siya mula sa malayo. Basta alam ko na maayos lang siya, napapawi ang kirot sa aking puso.

"Dear, bakit ba lagi tayong kumakain at nagtatagpo sa kainang ito? Marami namang mas magandang kainan sa ibang lugar at mas malapit pa sa trabaho mo."

"Pag-uusapan na naman ba natin iyan? Hindi ba't sinabi ko na na gusto ko lang dito. Narerelaks kasi ako."

Hindi mo man maalala kung bakit pero dito tayo nagtatagpo tuwing lalabas tayo o tuwing may espesyal na okasyon. Dito mo kasi unang napagtanto na nais mo nang magsama tayo at dito mo din pinlano ang ating magiging kinabukasan.

Tumayo na ako sa aking kinauupuan para umalis ngunit natapunan ang aking damit ng konting kape mula sa hawak-hawak ng isang taong papunta sa ibang lamesa.

"Ay! Sorry p're!"

"Ayos lang. Paalis na din naman ako kaya wala ito."

"Hindi pwede 'yan. Sumama ka sa'kin at papalitan ko ang suot mo."

....At, kahit gaano pa natin isinusumpa ang tadhana, madalas nagpapasalamat tayo dito dahil gumagawa ito ng paraan upang pagtibayin ang ating loob at ilapit tayo sa tamang landas na dapat tahakin. -end

---

For the PDF file, please visit: https://ilovestrawberriesblog.wordpress.com/guide-and-links/

Continue Reading

You'll Also Like

4M 88K 58
Evangeline Yu went back to the Philippines only to find out that her house was sold, her sister had ran away with her money and her mother was in com...