M

Av maxinelat

6.4M 292K 551K

#ProjectM II This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around... Mer

Disclaimer
PANIMULA
MAXPEIN MOON
MOON JIN AH
MAXIMOR MOON
MOON DEIB LOHR
MAXSPAUN MOON
MAXSPAUN MOON : PART 2
MAXSPAUN MOON: PART 3
MAXSPAUN MOON : PART 4
MAXSPAUN MOON : PART 5
MAXSPAUN MOON : PART 6
MAXSPAUN MOON : PART 7
MAXSPAUN MOON : PART 8
MAXSPAUN MOON : PART 9
MAXSPAUN MOON : PART 10

MAKSIMO MOON

334K 16.8K 46.3K
Av maxinelat


CHAPTER FOUR : MOKZ MOON

NAKANGITI AKONG nagmaneho patungo sa pamilyar nang lugar. Hindi ko alam kung dapat kong ipagpasalamat ang natural nang trapiko, dahil do'n ay nakikita ko ang pagbabago sa probinsya ng Laguna. May mga umaasenso, meron din namang hindi nagbabago. Kaliwa't kanan ang pampublikong sasakyan, may mababagal ngunit karamihan ay matutulin. Magkakasunod ang itinatayong exclusive village, kaliwa't kanan naman ang subdivision.

Bago tuluyang mawala ang mga kabahayan sa paningin ko ay binuksan ko ang bintana sa bubungan ng aking sasakyan. Sa parteng iyon ng Laguna ay presko at sariwa pa rin ang hangin. Bagay na nagpapaganda pa rin sa buong lalawigan.

Ang kaninang ngiti ay unti-unting nabahiran ng lungkot nang sa halip na pagbabago sa lugar ay masasakit na alaala ang nakita ko. Muli kong tinahak ang pamilyar na daan kung saan may hindi kaaya-ayang alaala ang aming pamilya. Masakit balikan, masakit maalala. Pero 'yon 'yong sakit na paulit-ulit kong pipiliing maramdaman, hindi ko kayang bitiwan. Sapagkat sa alaala ko na lang nababalikan at nakikita ang aming chairman. Inilingan ko na lang ang nakaraan saka tuluyang ipinarada ang mamahalin kong sasakyan.

Minsan ko pang sinalamin ang aking sarili, tiningnan kung may maipupuna ang sinumang makakita. Nang makontento ay kinuha ko ang mamahalin kong bupanda saka isinabit sa balikat ko. Matapos kong isuot ang brown kong shades ay pinatong ko ang brown ding hat sa aking ulo. Nang makababa ay doon ko pa lang inayos ang dark brown kong coat saka ako tuluyang lumapit sa entrada ng tatlong palapag na building.

"Magandang umaga," magiliw kong bati sa tauhan na sumalubong sa 'kin.

Sinuyod ako ng tingin ng tauhan, hindi ko siya mamukhaan. Alas otso pa lang nang umaga, nakasimangot na siya.

"Oh? Ano'ng kailangan mo?" istriktong tanong nito.

"Ang amo mo, natural," nakangiting sagot ko. "Mukha ba akong mangangailangan sa 'yo?"

Lalong sumama ang mukha nito. "Ayusin mo ang sagot mo, ah?" niyabangan ako nito. "Inaasahan ka ba ni Mr. Wood?"

"Hindi naman. Dumarating ako sa oras na hindi niya inaasahan."

"Hindi kami basta-basta tumatanggap ng bisita rito."

"Hindi rin naman ako basta-basta bumibisita sa isang tao."

"Oh, bakit ka narito? Piling tao lang ang nakakapasok dito."

"Sabihin mo na lang na may bisita siyang Moon."

"Moon?"

Bumuntong-hininga ako. "Hindi na 'ko bago sa lugar na 'to, ikaw ang bago kaya kumilos ka na. Paniguradong mabubulyawan ka kapag nalaman niyang ako ang bisita."

Kunot-noo akong tinitigan ng tauhan, nag-aalinlangan. Nakakainsulto sapagkat sa itsura kong ito, ipinagdadalawang-isip niya ang pagbisita ko. Sa huli ay pinili nitong sumunod sa akin dahilan para makapasok ako.

Panay ang iling at buntong-hininga ko sa bawat kwartong aking madaanan. Mula noon, hanggang ngayon ay hindi nagbabago ang kuta ni Mr. Wood. Nakakasulasok ang usok at iba pang amoy na nakukulob sa lugar na 'yon. Ganoon pa rin ang takbo niyon, sugalan, parausan at palitan ng iba't ibang mga ilegal na transaksyon. Wala talagang kadala-dala itong si Spider. Ginawang kabuhayan ang pagiging tuso.

Marami siyang koneksyon, marami ring kapit. Nalagay nga lang yata bingit ng kamatayan ang buhay nito nang magkapikunan sila ni Maxpein. Nagkamali ang mga Rewis nang isipin nilang mapasusunod nila ang isang Spider Wood dahil pera lang ang amo nito.

Dumeretso ako sa opisina ni Mr. Wood at sandaling iginala ang paningin sa silid. Nakangiwi akong tumango-tango nang kahit papaano ay may nagbago roon. Nadagdagan ang estante ng alak at nabawasan ang mga libro. Bukod doon ay naging mas maliwanag ang kaniyang opisina dahil mas malaki na ang kaniyang chandilier. Meron na rin siyang sofa set at bago ang kurtina.

"Sino sa mga Moon ang aking bisita?" 'ayun at nangibabaw na ang nagugulat na tinig ni Mr. Wood.

Nanatili akong nakatayo at nakatalikod sa iniwan kong bukas na pinto. Nang maramdaman ko ang pagpasok niya ay saka lang ako humarap.

"Chairman Mokz," natutuwang tumango si Mr. Wood dahilan para mapasunod ang tauhan na hindi na ako nagawa uling tingnan. "Pasensya na at bago ang tauhan ko."

Lumapit siya upang umakap ngunit umiwas ako. "Naiintindihan ko, wala namang tumatagal sa 'yo," tugon ko.

Sumama ang mukha ni Mr. Wood saka tuluyang lumapit sa kaniyang mesa. "Hindi ko inaasahan ang pagdating mo, Chairman Mokz. Nasisiguro kong may dahilan ang pagbisita mo."

Humalakhak ako. "Natural. Hindi naman tayo magkaibigan para dalawin."

"Ano'ng kailangan mo kung gano'n?"

"Makikikape ako."

Umawang ang labi niya. "Kape? Sa yaman ninyo, wala kayong kape?" ngumisi siya saka sinenyasan ang tauhan na magtimpla.

"Marami, sa katunayan ay may mga vending machine na kami sa bahay, meron sa 'taas at 'baba. Bukod do'n ay may kape pang galing sa iba't ibang bansa," pagmamalaki ko, lalong sumama ang kaniyang mukha. "Gusto ko lang matikman ang kape mo. Gano'n na lang talaga siguro kasarap kaya dito na halos tumira ang mga sindikato."

"Maksimo!" singhal niya.

Ngumiwi ako. "Oh?"

"Pumarito ka ba talaga para insultuhin ako?"

Umawang ang labi ko. "Hindi namin ugali 'yon, Wood, 'wag kang bintangero." Bumuntong-hininga siya, sumeryoso na talaga ako. "May nabuong grupo ng mga rebeldeng rango sa Emperyo, nabalitaan mo na siguro ang tungkol do'n?"sumulyap ako sa labas ng bintana at humigop sa kape. "Mumurahin itong kape mo," ibinaba ko ang tasa.

Umasim na naman ng mukha ni Mr. Wood. "Hindi na 'ko tumutuntong sa bansa ninyo, Maksimo, huwag mong maliitin ang kape ko. Nagmula iyan sa Morocco."

Humalakhak ako. "Kaya nga ako naparito." Saka muli ako sumeryoso. "Ikaw lang ang may kakilala sa mga bansang 'yon, Mr. Wood." Muli akong humigop ng kape at sinalubong ang tingin niya. "Ano ang nalalaman mo sa Domangja?"dineretso ko na siya.

Nakita ko siyang matigilan, nakita ko rin nang mabilis siyang magpalit ng reaksyon. "Domangja? Sino ang mga 'yon?"maang-maangan niya.

"Ang mga 'yon ang papatay sa 'yo kung hindi ka magsasabi nang totoo."

"Hindi ko alam ang sinasabi mo," nag-iwas siya ng tingin.

"May mga armas silang nagagamit sa pagrerebelde,"nakangiti kong sabi. "Ang kakayahan nila ay maaaring matutunan at mahasa sa Emperyo ngunit ang mga kagamitang meron sila ay sa labas ng norte lamang makukuha, Mr. Wood. Mas matalino ako sa 'yo, huwag mong kalimutan 'yon."

"Mukhang nagkakamali ka, Maksimo."

"Dinig ko ay delikado ang grupong 'yon."

"Iwasan mo, kung gano'n."

"May pinagkukunan sila ng mga armas at hindi na 'ko magugulat kung ikaw 'yon."

"Nambibintang ka na naman." Bumuntong-hininga siya. "Hindi ko alam ang tinutukoy mo, Moon. Ngayon, kung hindi mo 'ko paniniwalaan ay hihilingin ko na lang na irespeto mo ang oras ko ng trabaho."

"Ang lakas naman ng loob mong paalisin ako?"

"Maayos ang pakiusap ko, Maksimo," seryoso, nakikiusap nga niyang sinabi.

Inubos ko ang kape sa tasa. "Binabalaan kita, Mr. Wood,"nakangiti man ay seryoso ako sa sinabi. "Hindi mo kilala ang Domangja habang ang buo kong pamilya ay kilala mo na."

"Hindi ko alam ang sinasabi mo"

"Alam mo ang sinasabi ko, masyado ka lang gahaman at pinipilit mong tawaging trabaho ang masangsang na pamumuhay mo," angil ko. "Hindi mo 'ko maloloko."

Sumama ang tingin niya at humugot ng hininga. "Makakaalis ka na, Maksimo Moon."

Tumayo ako at isinara ang butones ng coat ko. "Huwag mong kalilimutang pumarito ako para magtanong sa 'yo."

"Ako na lang lagi ang pinagdidiskitahan mo sa t'wing may problema kayo."

"Na magiging problema mo rin sa mga susunod na buwan, nasisiguro ko," dagdag ko.

Natigilan siya at muling pinalis ang nakita ko na. Nagmamalaki siyang ngumisi. "Uulitin ko, hindi ko alam ang tinutukoy mo, 'wag mo nang ipilit."

Bumuntong-hininga ako. "Mahabang buhay para sa 'yo, Mr. Wood."

Hindi na siya sumagot ngunit nabasa ko ang alinlangan sa kaniyang mga mata bago ko siya tuluyang talikuran. Inihatid ako palabas ng kaniyang tauhan, panay pa rin ang panunuri nito sa kabuuan ko habang naglalakad kami papalabas.

"Pinasabog ng apo ko ang kwartong ito," itinuro ko sa tauhan ang kwarto sa kaliwa. "Maging ang kwartong ito," sabi ko sabay turo sa sumunod na kwarto. "Hanggang doon sa dulo," natatawa kong itinuro sa kaniya ang unang kwarto papasok.

Sandaling nagulat ang tauhan at naiinis na tumitig sa akin. Pero hindi ito nakapagsalita. Sa halip ay pinag-alinlanganan ang pagsasabi ko nang totoo at katinuan ko. Ang hangal na ito, iniisip na nagsisinungaling ako o nahihibang.

"May pamilya ka?" tanong ko nang makalabas kami ng tauhan.

Dumeretso ako palabas habang siya ay huminto na sa pintuan ng gusali. Hindi siya sumagot at sa halip ay tinitigan muli ako ng may alinlangan. Ngumiti ako at nakatalikod kong pinindot ang susi ng aking sasakyan.

"Mahabag ka sa mga anak at apo mo kung meron man,"ngumiti ako muli. "Kung wala naman ay ayusin mo ang buhay mo sa ibang paraan." Saka ko sinuyod ng tingin ang kabuuan ng building ni Mr. Wood. "Kung ako sa 'yo ay pipiliin kong mamatay sa katandaan kaysa karumaldumal na paraan." Iyon lang at tinalikuran ko na siya.

Nakangiti muli akong nagmaneho, walang kasing presko ang hangin sa gawing 'yon. Isinara ko na lang muli ang bintana ng sasakyan ko nang makarating sa bungad kung saan puro usok na ng tambutso ang malalanghap ko. Saka ako dumeretso sa bahay ng pinakamataas na rango.

"Eesa!" tumakbo si Spaun papalapit sa 'kin, hirap na hirap dahil sa bag na nakasabit sa likuran niya.

"Maxspaun!" pagtawag ko.

"The son of Maxpein," awtomatiko nitong sagot, hindi man lang nabulol.

"Mukhang may lakad kayo, ah?" nakangiti kong sabi sabay upo sa paanan ko upang salubungin ang yakap niya.

Tumango siya bilang tugon. Nakangiting tiningnan ni Maxspaun ang mukha ko saka napatitig sa bagong tubo na bigote at balbas kong nakalimutan ko na namang ahitan. Ipinatong niya ang maliit na mga daliri at inosenteng kiniskis doon.

"Nasa'n ang mommy't daddy mo?" nakangiting tanong ko ngunit tutok masyado si Spaun sa ginagawa, hindi na yata ako narinig.

Hindi naman nagtagal ay lumabas sina Maxpein at Deib Lohr, kasama nila ang cheotjae. "You're just in time," ani Maxpein, umayos ako ng tayo at tumango sa kanila.

"Saan ang punta natin?" nakangiting tanong ko.

"Sa mall. No'ng isang linggo pa nangungulit si Deib Lohr sa bagong painting materials niya, ngayon lang ako nabakante," sagot ni Maxpein. "Bibilhan na rin namin ng bagong laruan si Maxspaun."

"Let's eat lunch together," ngiti ni Deib Lohr.

"Ipagmamaneho ko kayo," presinta ko.

"It's okay, I'll drive." Pinagbukas kami ng gate ni Deib Lohr.

Sa mga dumaang taon, tinuruan namin ng ibang lenggwahe ang cheotjae. Unti-unti na rin nitong nakukuha ang pamumuhay sa bansang iyon. Maging ang mga pagkain at palabas sa telebisyon ay nagustuhan na nito. Iyon nga lang, hindi gaya namin, bibihira itong makalayo sa bahay. Tanging sa malls lang ito madalas maisama ng aming pamilya, mahirap na, baka may makakita.

Ang cheotjae ang nasunod sa lunch, ramen house ang pinili niyang restaurant. Hindi halos kami nagkausap-usap dahil sa dami ng in-order niya at sa lasa ng nakahain. Nagkakatinginan nga lang kami sa t'wing matutuwa kay Maxspaun dahil sa pagiging bibo nito.

Hindi ko malilimutang pagtuntong niya ng edad na isa ay marami na siyang kilalang bandera ng mga bansa bagaman bulol magsalita. Natutukoy niya ang mga kulay at naikakanta ang alpabetong Filipino at pagkakasunod-sunod ng mga numero nang tumuntong ng ikalawang taon. Hindi siya marunong kumanta ngunit panay ang paglundag at pagsayaw.

Nang ikatlong taon ay lumabas ang talento niya sa pagbuo ng kung ano-anong bagay. Madalas din ay nakakatulugan niya ang panonood pero gising na gising sa t'wing nagbabasa. 'Yon din ang panahon ng katakawan niya.

Sa edad na apat at kalahati, marunong nang gumamit ng chopsticks si Maxspaun, hindi nagkakamali. Marunong na siya ng wikang Filipino, Ingles at Hangeul bagaman hindi pa perpekto. Isang bagay na hinahangaan naming pare-pareho, napakahusay niya sa larong chess gayong wala namang nagturo sa kaniya niyon.

"Anong toys ang gusto mo, Spaun? Ibibili ng eesa sa 'yo," nakangiting sabi ko.

Sa halip na sumagot ay ngumiti si Maxspaun, ugali niya ang gano'n. Wala sa aming makahula kung kailan siya magsasalita, ang ama't ina lamang niya. Pero sinumang makakita sa ngiti niya ay makokontento na ro'n. Iyon kasi 'yong ngiti na literal na kumikislap ang matatalas niyang mga mata. Kahit anong kapal ng kaniyang pilikmata, kinang ang nakikita.

"Alam niya na 'yong building sets," buntong-hininga ni Maxpein. "Sa edad niya, 'yon pa lang dapat ang laruan niya pero mukhang kailangan niya na ng something educational."

"Like?" nilingon ni Deib Lohr ang asawa.

"A microscope?" ngiwi ni Maxpein.

Natawa si Deib Lohr. "Lalaking mayabang 'yang anak mo kapag sumobra sa talino, babe. How about...a drawing kit? Or a basketball?"

"What? Bakit 'yon?" simangot ni Maxpein. "Yeah, a globe!" nagkaideya si Maxpein. "Bibilhan ko siya ng sarili niyang globo sa kwarto niya. Tuturuan ko siya ng pangalan ng iba't ibang bansa hanggang sa mga kapital, kahit paunti-unti lang muna. Saka na 'yong history ng mga bansa kapag nag-aaral na siya."

Bumuntong-hininga si Deib Lohr. "Let my kid enjoy his preschool years, babe. Yes, he's not toddling around anymore but...he's still a baby. You're only gonna pressure him kung 'yan ang ituturo mo. Let him play."

Napabuntong-hininga ako. Kung bakit naman kasi pinagtatalunan pa kung anong bibilhing laruan, eh, remote control lang naman ng TV ang parating pinagdidiskitahan niyan?

Nagkatinginan kami ng cheotjae at pareho na lang nanahimik. Hindi ko alam kung ano ang mahirap. Iyong sitwasyon nina Maxpein at Deib Lohr na parehong magulang ngunit magkaiba ng gusto at iniisip. O kaming lolo at lola na parehong naiintindihan ang sitwasyon nilang mag-asawa.

Naiintindihan ko si Maxpein sapagkat nais niyang ihanda ang anak niya sa lalong madaling panahon. Sinumang magulang na tanggap ang pagpasok ng anak sa ensayo at proseso ay talagang sasanayin ito bago tumuntong sa tamang edad. Ako man ang nasa paanan niya ay talagang pipiliin kong manguna ang aking anak, hindi lang para maipagmalaki ito. Kundi para sa ikatatahimik ng isip at damdamin ko. Na kahit isandaang araw itong mawala sa paningin ko, sigurado akong matatagalan nito.

Nauunawaan ko rin nang lubos si Deib Lohr sapagkat gusto niyang maranasan ng anak ang pagiging normal. Kakatwang sinumang magulang ay hihilingin din 'yon. Siguradong maging si Maxpein ay gano'n ang pipiliin kung maaari. Ngunit hindi lumaki si Deib Lohr sa bansa na pinanggalingan namin. Oo nga't tanggap niya na ang batas ng mga rango, pero kahit hindi niya sabihin ay hindi pa siya handa para ro'n. Hindi niya mabitiwan ang anak, lalong hindi niya kayang ihatid ang anak patungo ro'n. Nauunawaan kong hangad niyang namnamin ni Maxspaun ang nalalabing mga oras na isa itong normal na bata, gaya ng nararapat sa edad nito.

Alam namin ng cheotjae ang pinagdaraanan nila at pagdaraanan pa. Pero kahit anong paliwanag ang gawin namin, idagdag man namin sina Maze at Maximor, nasisiguro kong hindi sila magkakaintindihan. Paniguradong darating ang panahong pagtatalunan pa nila ito nang higit pa rito. Isa ito sa susubok sa pagsasama nila bilang mag-asawa at hindi lang sila ang daraan dito. Maging sina Maxwell at Yaz, hanggang sa mga susunod na henerasyon ng pamilyang Moon.

"Bakit hindi na lang natin dalhin sa pamilihan ng mga laruan ang anak ninyo?" buntong-hininga mayamaya ng cheotjae. "Hayaan ninyong ang bata ang pumili ng magugustuhan niya." Nauna itong tumayo kaya agad akong sumunod.

Pinangunahan ko ang cheotjae papalabas habang si Deib Lohr naman ay inasikaso ang bill. Si Maxpein ay inalalayan ang anak at saka ito tinulungang tumayo.

Tahimik ang mag-asawa habang hinahanap namin ang toy store. Kaliwa't kanan ang paglingon ng mga tao sa 'min, naaasiwa ako sa atensyon. Madalang kami sa malls, hangga't maaari ay iniuutos namin sa tauhan ang aming mga kailangan. Pero simula nang magkaroon ng bata sa pamilyang ito, kinailangan namin silang dalhin sa iba't ibang lugar. Para lang maranasang maging normal.

Dumeretso kami sa pinakamalaking toy store. Nalito agad si Maxspaun kung saan lilingon. Ang mga paa niya ay umabante papakaliwa ngunit ang paningin niya ay naiwan sa kanan. Nakaangat ang pareho niyang kamay sa ama, nagpapakarga, pero ang mga paa ay handa nang tumakbo sa pinakamakulay na laruang namataan niya.

Kung ako ang masusunod ay bibilhin ko ang lahat ng laruang naaayon sa kaniyang edad. May parte rin kasi sa akin bilang lolo niya na gustong ibigay ang lahat ng makakaya, para sa ikasisiya niya bilang bata. Pero hindi papayag ang kaniyang ina na nasobrahan sa pagdidisiplina, akala mo hindi siya naging sakit sa ulo noong kabataan niya.

"Go ahead and pick whatever you want, Spaun,"nakangiting ani Deib Lohr sa anak.

Ngumiti si Maxspaun na animong naunawaan nang husto ang ama bago nag-angat ng tingin kay Deib Lohr. Sa isang iglap ay nagtatakbo ang aking apo na para bang matitigas na ang kaniyang mga buto. Lumapit ito sa mga bisikleta at sa isang maling kilos ay naitumba ang dalawa. Saka ito nagtatakbo papunta sa hilera ng mga bola na hindi naman maabot ng taas niya. Nagtatalon si Maxspaun at nakontento nang nadampian iyon ng kaniyang mga palad.

Nalilitong nagtungo ang aking apo sa mga laruang binubuo. Karamihan sa mga iyon ay lego na halos kasinlalaki ng mga braso niya. Pero hindi rin nagtagal ay napunta siya sa mga laruang de-gulong. May maliliit na pulang kotse, may malalaking itim na trucks. Sa huli ay pinili niya iyong puting motor na hindi rin basta niya na lang inilapag.

Hindi napagod sa kasusunod ang mag-asawa sa nag-iisa nilang anak. Ang ina ay nakaalalay sa pagtakbo ng anak patungo sa kung saan-saang laruan. Habang ang ama naman ay kaliwa't kanan ang pagbabalik ng mga laruang matapos tingnan ay basta na lang nitong iniiwanan kung saan.

Naupo kami ng cheotjae sa mahabang silyang naroon din sa loob ng toy store. Para sa mga tulad namin 'yon na mahihina na ang tuhod. Nakangiti naming pinanood ang pamilya ni Maxpein na sabay-sabay mahilo kapaparoo't parito.

"Naaalala mo ba 'yong panahong si Maxpein ang nasa ganyang edad, Maksimo?" mayamaya ay nakangiting anang cheotjae, nahawa ako. "Nahihilo lamang siya sa noon sa pagpili ng kakaining meryenda dahil sa dami ng ipinahahanda ko."

"Ang paborito niyang hangwa at tteok," tugon ko.

Tumango ang cheotjae. "Lalong lumalapad ang ngiti niya sa t'wing darating ang kanyang kuya at may pasalubong na tsokolate." Lahat ng sinabi niya ay nanumbalik sa isip ko. "Wala siyang pagpipiliang makukulay na laruan dahil pawang gawa sa kahoy ang meron sa Emperyo."

"Iba ang buhay sa bansang ito. Maging ang mahihirap dito ay may mumurahing laruan na hindi nalalayo sa itsura ng mga ito."

"Nasasabik akong matuto ang batang ito, Maksimo."Hindi maalis ng cheotjae ang paningin kay Maxspaun. "Nahigitan niya ang pakiramdam ko no'ng si Maxpein ang dalhin ni Maximor sa pamilyang ito. Kung hindi ako naitumba ng kaniyang ina ay baka hindi na talaga ako makabangon pa kapag siya na."

Nilingon ko ang cheotjae at doon ko lang uli napansin ang pag-edad niya. Nang mapagtanto naming buhay ito, lamang lang ang puti niyang buhok. Ngunit ngayon, wala nang itim sa mga iyon.

"Naiintindihan ko kung bakit gano'n na lang kasabik ang ating apo na simulan ang ensayo ng batang ito," patuloy ng cheotjae, pinukol ng tingin si Maxspaun. "Kung kakayahan ni Maxpein ang pagbabasihan ay ayos lang na siya ang pagdiskitahan."

Ngumisi ang cheotjae saka pinukol ng tingin ang aming apo. Hanggang ngayon ay hinahangaan ang galing ng pinakamataas na rango, sigurado ako. Gaano man katagal na panahong hindi nila nakita ang abilidad ng isa't isa.

"Natatakot siya," dagdag pa ng cheotjae, mahina ngunit gano'n kabigat na malaman. "Hindi lang para sa kaniyang pamilya kundi higit na sa kaniyang anak. Wala pang kakayahan ang batang ito na lumaban."

May kompyansa ako sa pamilyang ito, hindi kailanman mawawala iyon. May kani-kaniya kaming abilidad, may higit na magiling, meron din namang katamtaman. Pero dahil may mga paslit na bagong myembro ng aming pamilya, pare-pareho kaming kinakabahan. Sila ang aming kahinaan.

"Nanggaling ako sa isang kakilala, nagtatanong-tanong tungkol sa mga domangja." Nginiwian ko sa isip ang alaala ng maang-maangang itsura ni Mr. Wood. "Dahil sinabi ninyong may mga armas sila na hindi makikita sa ating bansa, umasa akong may nalalaman ang kakilala ko pero mukhang mas malakas sa kaniya ang grupong iyon."

Bumuntong-hininga ang cheotjae. "Gaya ng nabanggit ko na noon, kilala lamang sa norte ang grupo na 'yon. Pero wala ni isa, ni ang mga hukom, ang lubos na nakakikilala sa bawat myembro nila. Lalo na sa kanilang kakayahan."

Ngumiti ako. "Iyon ay dahil nasa Kaechon ang cheotjae,"pagmamalaki ko, pinupuri ang kaniyang kakayahan. "Kung sakaling nasa labas ka ng rehas, baka kilala na sila maging ng Presidente ng Pilipinas."

Gano'n na lang talaga kalalim ang buntong-hininga ng cheotjae, dala na rin marahil ng katandaan. Hindi ko tuloy maiwasang isipin kung kakayanin niya pa bang sanayin si Maxspaun? Oo nga't ilang buwan na lang at tutuntong na ito sa tamang edad. Pero kung ako ang tatanungin, masyado nang mahina ang cheotjae para gawin 'yon. Kabastusan namang itanong 'yon kaya pinili kong manahimik na lang.

Natawa man ay nakangiting sumeryoso ang cheotjae. "Hindi na marahil sa akin nakatakda iyon," aniyang malayo ang tingin. "Baka nasa batang ito na." Mas ngumiti pa siya.

Nakangiti kong nilingon ang kaniyang tinitingnan. Pero awtomatiko akong natigilan nang makita ang laruang hawak ng aming apo sa tuhod.

Maxspaun Thaddeaus...isa ka ngang Moon.

May hawak siyang pana at kung pumorma ay animong alam talaga ang ginagawa. Inaasinta ni Maxspaun ang dart board. Ang matataba niyang hita ay gegewang-gewang, anumang oras ay parang mawawalan na ito ng balanse. Ang isang mata niya ay nakapikit habang ang isa ay naglalaban sa pagsara at pagbuka. Kung saan niya nakuha at natutunan ito, gusto kong humanga.

Natigilan man ay napapailing akong nangiti. Nagkatinginan kami ng cheotjae at sabay na natawa. Pagkakataon lamang ba ito? O talaga ngang ibang klase ang dugong nananalaytay sa pamilyang ito?

"Babe?" 'ayun na ang nagrereklamong tinig ni Deib Lohr. Nasisiguro kong irereklamo niya ang laruang hawak ng kaniyang anak.

"Oh, ba't ako? Siya ang pumili niyan," nangibabaw ang tinig ni Maxpein mula sa likuran ng mga estante.

Namewang siya at kunot-noong nagbaba ng tingin sa anak niya. Napahawak pa si Maxpein sa kaniyang panga, saka sinipat ang postura ni Maxspaun, na noo'y abalang-abala pa rin, bagaman tutumba na.

"Stand up straight, anak," sabi ni Maxpein.

Dahilan para masapo ni Deib Lohr ang noo. "Tinuruan pa, ang tibay," naihilamos niya ang palad sa mukha saka pinanood ang kaniyang mag-ina.

Naupo si Maxpein sa kaniyang paanan at saka inayos ang postura ng kaniyang anak. Pinaglayo niya ang mga paa nito, kapareho sa layo ng mga balikat, saka niya itinagilid ang anak sa dart board. Natawa ako dahil paulit-ulit na bumabalik sa naunang pwesto si Maxspaun, doon sa kung saan siya komportable. Nakaharap sa dart board ang katawan at mga kamay, hirap na hirap tuloy siyang hawakan ang pana at palaso. Tuloy ay ipinupusisyon muli siya ng kaniyang ina, nakahilera ang katawan, mukha, palaso at pana sa kanan. Makailang ulit nila 'yong ginawa ngunit sa huli ay bumabalik si Maxspaun sa tindig na gusto niya.

"Mahaba na ang pasensya ni Maxpein," ngumiti ang cheotjae.

"Humahaba nga yata ang pasensya sa sandaling magbunga ang isang ina," tugon ko saka muling pinanood ang pamilya.

Naupo si Deib Lohr sa mga paanan saka hinarap ang anak. "Let's pick a different toy, Spaun," pinaganda niya ang ngiti, sa paraang makukumbinsi ang kaniyang anak.

"No," nakangiting tugon ni Maxspaun.

"A bigger toy," pang-uuto pa ni Deib Lohr. "Hot wheels."

Mas gumanda ang ngiting iginanti ni Maxspaun saka sumama sa ama. Mayabang na nilingon ni Deib Lohr ang asawa, tila sinasabing mas sumusunod ang anak nila sa kaniya. Pumunta sila sa naglalakihang sasakyan na pambata, saka kinuha ni Deib Lohr iyong pinakamagara.

Ngumisi si Deib Lohr nang muling madaanan ang asawa. Karga niya na si Maxspaun na noon ay hindi na maaalis ang paningin sa sasakyan.

"Of course, I'll pay for it. I am the father, babe," seryoso ngunit nagyayabang na ani Deib Lohr, pinigilan si Maxpein na dumukot mula sa kaniyang bag. "Give this to me, Spaun,"kinuha ni Deib Lohr ang palaso at pana.

Pero humigpit ang hawak ni Maxspaun doon. "No."

"Give it to papa, anak," nanlumo si Deib Lohr.

"No." Mas mariing tugon ni Maxspaun, inilayo na sa ama ang laruan niya.

"Tss." Gano'n na lang katindi ang pagmamalaki sa ngisi ni Maxpein.

Nakangiting hinawakan ni Deib Lohr ang pana, hindi inaalis ang tingin sa anak. Ngunit nangunot ang noo ni Maxspaun at ilang saglit lang ay namumula na ang palibot ng mga mata at tungko ng ilong nito. Hindi na ako magugulat kung umatungal ito ng iyak oras na magsalita pa muli ang kaniyang ama.

Gano'n na lang tuloy kalakas ang pagtawa ko nang matapos niyang bayaran ang sasakyang kinuha, hawak pa rin ng anak niya ang naunang laruang napili. Ang pana at palaso.

"Dito ka kay lola magpaturo," bulong ko kay Maxspaun, itinuro ko ang cheotjae. Ako na ang may hawak sa kaniya habang naglalakad kami papunta sa covered parking lot. "Mahusay ang cheotjae sa paggamit niyang laruan mo,"dagdag ko pa.

Nilingon ni Maxspaun ang cheotjae at saka muling ngumiti. "Cheotjae..."

Ngumiti ang cheotjae. "Maxspaun," ginulo nito ang buhok ng apo.

"Son of Maxpein," awtomatikong tugon ng batang bibo.

Iniabot niya sa kaniyang lola ang pana ngunit nang akma na itong aabutin ng cheotjae ay muli nitong binawi saka tumawa. Sabay rin kaming natawa ng cheotjae, aliw na aliw sa kaniya.

Pero sabay-sabay kaming natigilan nang may tila hanging dumaan sa aming harapan, tagiliran at likuran, sa di kalayuan. Iisa ang kilos, mabilis at hindi halos naramdaman, nagmamatyag ngunit ang presensya ay pinaaalam. Nang pare-pareho naming hanapin ang kanilang kinaroroonan ay wala kaming ibang nakita kung hindi gaya naming mamimili.

Binuhat ko si Maxspaun nang hindi inaalis ang ngiti sa aking labi. Gaya ng ugaling-ugali nito, ginantihan niya ako nang mas maganda pang ngiti. Saka umawang ang labi nito nang muling matuon sa pana ang buong atensyon.

"Cheotjae," bulong ni Maxpein.

"Mm," nagkaintindihan na ang maglola sa gano'n. Tumungo ang cheotjae at ibinalot sa ulo ang mamahaling bupanda na binili ko pa sa Europa. Hindi lang mahal, iilang piraso lang ang gano'ng klase ng bupanda sa buong mundo.

"Give me the keys," mahinang ani Maxpein, inilahad ang kamay sa asawa. "I'll drive."

Kumilos si Deib Lohr saka lumingon sa kanan niya. "Let's go."

Bahagyang lumingon si Maxpein sa gawi namin ng cheotjaesaka siya humakbang papalayo. Pinagbuksan kami ng guards saka kami sabay-sabay na lumabas. Ang cheotjae ay nakabantay sa kaliwa. Si Deib Lohr ay nakabantay sa kanan. Ako ang may karga sa aming kahinaan at nagbabantay sa likuran. Si Maxpein ang handang umatake sa harapan.

Pinilit naming maging kalmado, nagmamadali man ay prenteng naupo sa sasakyan. Awtomatikong nag-lock ang mga pinto. Napanood ko sa salamin sa harapan kung gaano kabilis na kumilos ang mga mata ni Maxpein sa harapan, magkabilang tagiliran at likuran. Pero dahil madilim na, sa likuran lang panigurado siya may nakikita.

"Naramdaman niyo ba 'yon?" naro'n pa rin ang gulat sa tinig ni Deib Lohr bagaman gusto kong humanga dahil hindi na siya nagpa-panic gaya noon. Kalmado siya, bagaman ang kaba ay nasa tinig at mga mata. 'Yon nga lang, hindi na siya madaling lapitan.

Walang sumagot bagaman nagpakiramdaman kami ng cheotjae. Nasa harapan man ang aming paningin ay nasa magkabilang gawi ang atensyon namin.

"Hindi ako pwedeng magkamali," bulong ni Deib Lohr. "Who are they?" nilingon niya ang asawa.

Nilingon ni Maxpein ang asawa. Batid kong gusto niyang magpaliwanag pero mauuwi lang 'yon sa takot para sa kanilang anak. Sa sandaling 'yon, nasisiguro kong may nagmamatyag sa amin. Hindi ko nga lang matukoy kung sino ang pakay. Si Maxspaun o ang cheotjae.

"Maxpein?" seryoso si Deib Lohr.

"I'm not sure," muling bumuntong-hininga si Maxpein. "Let's go home." Pinilit niyang ngumiti.

"They're gone, right?" umaasa si Deib Lohr.

Inilinga ni Maxpein ang paningin. "I think, wala na sila."

"Hindi kaya nagkamali lang tayo?" kung anong dahilan ni Deib Lohr para lokohin nang gano'n ang sarili, hindi ko alam.

Sa halip na sumagot ay binuhay ni Maxpein ang makina. Gano'n na lang ang gulat naming pare-pareho nang bumuhay ang ilaw at tumambad sa amin ang apat na taong nakatayo sa harapan ng aming sasakyan!

Pare-pareho ng suot ang mga iyon. Pula at mahahabang damit na may mataas na kwelyong tumatakip sa kanilang bibig. Mahahabang manggas na hindi halos makita ang kanilang mga kamay. May suot ang mga itong naglalakihang sombrero dahilan para hindi talaga makita ang kanilang mga mukha.

Ang tanging kaibihan sa mga iyon, ang isa ay may hawak na mahabang kahoy. Sa pinakadulo niyon ay may nakasabit na hindi matukoy na simbolo.

"'Wag kang bababa," nabasa agad ng cheotjae ang kilos ni Maxpein.

"Sino sila?" kalmadong tanong ni Maxpein.

Humugot ng hininga ang cheotjae saka mabigat iyong pinakawalan. "Domangja," mahina niyang tugon.

Nag-angat ng kamay ang isa sa apat, iyong may hawak ng mahabang kahoy. Saka bahagyang itinaas ang kanyang sombrero upang matingnan kami nang deretso. Awtomatiko kong niyakap ang aking apo nang makita kong dito tumama ang mata nito.

Itutuloy. . . 

Fortsett å les

You'll Also Like

4.7M 190K 31
"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Sa loob ng labinlimang taon, ang makasal sa kababata niyang si Enrique Alfonso ang tanging pinapa...