Lo Siento, Te Amo

By UndeniablyGorgeous

3.2M 167K 259K

"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as s... More

Prologo
Kabanata 1 - Ang Kahilingan
Kabanata 2 - Ang Daan Pauwi
Kabanata 3 - Lihim
Kabanata 4 - Balete
Kabanata 5 - Kanlungan ng Kasinungalingan
Kabanata 6 - Agunyas
Kabanata 7 - Sapantaha
Kabanata 9 - Panaginip
Kabanata 10 - Luha
Kabanata 11 - Pag-amin
Kabanata 12 - Kondisyon
Kabanata 13 - Larawang Kupas
Kabanata 14 - Patawad
Kabanata 15 - Talulot
Kabanata 16 - Lihim ng Sarili
Kabanata 17 - Pagkakamali
Kabanata 18 - Sa Kanya
Kabanata 19 - Simula
Kabanata 20 - Kung Sakali
Kabanata 21 - Ang Nagkukubli
Kabanata 22 - Estranghero
Kabanata 23 - Pagbisita
Kabanata 24 - El Barro
Kabanata 25 - Hangganan
Kabanata 26 - Ang Paru-paro at Adelpa
Kabanata 27 - Kaibigan
Kabanata 28 - Ang Huling Hudyat
Kabanata 29 - Panauhin
Kabanata 30 - Ang Ikinukubli ng Alaala
Kabanata 31 - Patay na Lupain
Kabanata 32 - Ang Hangarin
Kabanata 33 - Kasalanan
Epilogo
Lo Siento, Te Amo
Author's Note

Kabanata 8 - Adelpa

95.1K 5.2K 5.5K
By UndeniablyGorgeous

[Kabanata 8]

MABILIS na nilagok ni Mateo ang kinatas na ugat ng Valerian Safron na nakakatulong upang makatulog sa kanyang pagtulog. Dumaranas siya ng matinding pagkapuyat. Ang mga huling alaala niya sa dating kababata ay patuloy na nananatili sa kanyang isipan.

Kung sana ay hinarap niya ito noong dinalaw siya nito sa ospital. Kung sana ay nagawa niya itong kausapin at alamin kung ano ba ang bumabagabag sa isipan nito. Kung sana ay maaaring ibalik ang oras at ang huling sandaling iyon ay hindi na niya sasayangin pa.

"Señor Mateo, magtatakip-silim na ho, tiyak na naghihintay na sina Don Dario at Doña Lara sa hapunan" wika ng kutsero. Nanatiling nakatingin si Mateo sa bintana ng kalesa habang tinatahak nito ang bayan.

Karamihan sa mga tindahan na kanilang nadaraanan ay nagsasara na. Isa-isa na ring binubuksan ng mga tao ang lampara sa kanilang mga tahanan. Napatingin si Mateo sa isang tindahan na bukas pa at may mga tao pa sa labas.

Nakita ni Mateo ang mga bote ng alak na nakahelera sa mesang nasa labas. "Itigil mo sandali" wika niya sa kutsero. Bumaba si Mateo saka naglakad papalapit sa tindahan. Nakaramdam na siya ng pagkaantok dahil sa ininom na halamang gamot.

Ngunit batid niya na hindi na iyon mabisa tulad ng dati. Sa madalas niyang pag-inom ng ganoong uri ng gamot ay mas nasasanay na ang kanyang katawan sa epekto niyon. "Magandang gabi po, Ginoo. Ano pong inumin ang inyong nais?" tanong ng tindera.

Sandaling tinitigan ni Mateo ang mga bote ng alak, kinuha niya ang isa saka pinagmasdan. "Iyan po ay nagmula sa Pransiya" wika ng tindera. Kumuha pa ito ng ilang paninda upang ialok sa kaniya.

Napansin ng tindera na hindi naman binabasa ni Mateo ang pangalan ng alak. Tinititigan nito ang sariling repleksyon sa bote ng alak. "Ibig niyo po ba pumasok sa loob? Marami pa po kaming nakaimbak doon" patuloy ng tindera saka itinuro ang loob ng tindahan.

Ibinalik ni Mateo ang alak sa mesa saka naglakad papasok sa loob. Sandali niyang inilibot ang mga mata. May limang taong naroroon na abala sa pagpili. Nanlalabo na ang kanyang mga mata, dinadatnan na rin siya ng antok. Ibig niyang matulog nang maaga upang makahabol sa unang byahe ng barko patungo sa Maynila sa madaling araw.

Aalis na lang dapat siya ngunit napansin niya ang alak na madalas nilang pagsaluhan ni Teodoro. Naisip niyang bilhin iyon upang ipasalubong sa kaibigan. Nang aabutin na niya ang alak ay may kamay na unang humawak sa bote.

Agad binawi ng babae ang kanyang kamay at nagbigay-galang ito. Itinapat din ni Mateo ang suot na sumbrero sa kanyang dibdib. "Paumanhin, binibini---" hindi na natapos ni Mateo ang kanyang sasabihin dahil nang tumingala siya ay wala ng salitang lumabas sa kanyang bibig.

"Bibilhin niyo po ba ito, Ginoo?" tanong ng babae sabay turo sa alak na pareho nilang nahawakan. Nanatiling tulala si Mateo, napapikit siya at nang muling imulat ang kanyang mga mata ay hitsura pa rin ni Agnes ang nasisilayan niya.

"Kung hindi, ibig ko sanang bilhin para sa aming itay" patuloy ng babae saka ngumiti nang kaunti. Ngunit nawala rin ang ngiting iyon dahil hindi sumasagot si Mateo na gulat pa ring nakatingin sa kaniya.

"May napili na ho ba kayo?" tanong ng tindera nang makapasok ito sa loob ng tindahan. Napatingin si Agnes sa bote ng alak. Napatingin din siya sa lalaking kaharap. Tinanong niya muli ito ngunit nakatitig lang ito sa kaniya na tila ba may malalim itong iniisip at may taong hinahanap sa kanyang katauhan.

"Nag-iisa na lang ho iyan" saad ng tindera. Napakagat si Agnes sa kanyang labi sabay kuha sa bote ng alak. "Ako na lang ang ho ang bibili" maagap na wika ni Agnes saka mabilis na inabot ang bayad sa tindera.

Bago siya lumabas sa tindahan ay nakatingin pa rin sa kaniya ang lalaki. Tumango lang si Agnes bilang paghingi ng paumanhin dahil hindi na niya hinintay ang sagot ng lalaki bago niya bilhin ang alak.

Dali-daling lumabas si Agnes sa tindahan. Agad niyang hinila si Selio na nakatayo pa rin sa tapat ng tindahan habang nakatulala sa dalagitang tindera na kumausap sa kaniya. "Halika na!" nagmamadaling saad ni Agnes sa kapatid sabay hila sa manggas nito.

Napahawak si Mateo sa kanyang ulo. Madalas nangyayari iyon sa kaniya. Madalas niyang nakikita sa ibang tao si Agnes gayong malinaw na wala na ito. Nakadalo pa siya sa burol at libing ni Agnes.

Ngunit napatigil siya nang mapagtanto na maaaring may kahawig nga si Agnes ngunit malabong pati ang boses nito ay magkapareho. Agad tumakbo papalabas ng tindahan si Mateo. Tinanong pa siya ng tindera ngunit hindi na niya ito nilingon.

Inilibot ni Mateo ang kanyang mata sa paligid. Marami ng tao ang naglalakad sa gitnang kalsada. Dumaraan na rin ang iilang kalesa lulan ang mga mararangyang tao. Tila umiikot ang paligid at nanlalabo ang paningin ni Mateo.

Namataan niya ang isang dalagang nakatalikod at naglalakad papalayo. Agad niya itong hinabol "Binibini... Sandali!" wika ni Mateo, napalingon ang dalaga na may bitbit na sanggol. "Bakit po?" nagtatakang tanong nito. Gumuho ang kanyang pag-asa nang mapagtanto na nagkamali na naman siya ng hinala.

"Paumanhin" wika ni Mateo saka tumalikod at tulalang naglakad pabalik sa tindahan. Nayayamot sa sarili sapagkat hinahayaan niyang umasa ang sarili sa taong batid niyang hindi na magbabalik.


MAGILIW na nilanghap ni Agnes ang sariwang hangin nang buksan niya ang bintana sa kanilang tahanan. Papasikat na ang araw, ang tilaok ng mga tandang at ang huni ng mga ibon ay musika sa kanyang pandinig.

Nagsimula na siyang magluto ng almusal gaya ng dating nakagawian. Napagkasunduan nila ni Selio na ibigay sa kanilang itay ang alak na kanilang regalo ngayong umaga.

Napansin ni Agnes si Selio na tulalang naglalakad papalapit sa kanilang tahanan habang buhat-buhat nito ang dalawang balde ng tubig. "Ano iyan?" tanong ni Agnes nang makalapit ang kapatid at nang ilapag nito ang dalawang balde sa tabi ng pugon.

Napatingin si Selio kay Agnes nang may pagtataka. "Ang sabi ko, ano iyan?" ulit ni Agnes sabay turo sa nakasimangot na mukha ng kapatid gamit ang hawak na sandok.

Napakamot sa ulo si Selio. Ang totoo ay hindi siya nakatulog buong gabi. "Wala" pagtanggi nito. Napahalukipkip si Agnes saka napasingkit ang mga mata habang pinagmamasdan ang kapatid. "Talo mo pa si itay sa tuwing natatalo sa sabungan" saad ni Agnes saka napailing sa sarili.

"Huwag mo sabihing... Akin na ang iyong salapi!" wika ni Agnes saka pilit na kinukuha sa bulsa ni Selio ang pera nito. Mabilis na nakaiwas si Selio, tumapak sa silya saka lumundag sa kabilang bahagi ng mesa.

"Hindi ako nagsasabong, ate!" paliwanag ni Selio sabay kamot sa ulo. Ang tanging gusto niya lang gawin ngayon ay matulog. Muling napahalukipkip sa Agnes saka pinagmasdan ang kapatid. "Kung gayon... Bakit ganiyan ang iyong hitsura? Para kang nalugi ng ilang libo" puna ni Agnes.

Napasandal si Selio sa bintana sabay hinga nang malalim at napatingin sa magandang tanawin sa labas ng bintana. Natatanaw niya ngayon ang maliit na hardin sa tapat ng kanilang tahanan. Malagong nakatanim doon ang bulaklak ng adelpa at mga halamang gamot.

"Madalas kong makita ang bulaklak na iyan, ate. Hindi ba't iyan din ang itinanim mo sa hardin ni Doña Lara?" tanong ni Selio habang nakatitig sa mga bulaklak ng adelpa.

"Iyo bang nababatid kung ano ang kahulugan ng bulaklak na iyan?" tanong ni Agnes habang nakatitig na rin sa malalagong adelpa. Umiling si Selio.

"Sumisimbolo ang bulaklak na iyan sa hangarin ng isang tao. Lahat ng tayo ay may mithiin sa buhay. Kapag ibinigay mo iyan sa isang binibini, nangangahulugan iyon na siya ang hinahangad mong makapiling" ngiti ni Agnes. Napakamot si Selio sa kanyang ulo, nagsisimula nang manukso si Agnes tungkol sa kanyang buhay pag-ibig.

"Bukod doon, sumisimbolo rin ang adelpa sa tadhana at pag-iingat. May mga nakatadhanang mangyari na maiiwasan natin kung tayo ay mag-iingat. Ipinapaalala ng adelpa na mag-ingat ka sa bagay na dadalhin sa 'yo ng tadhana" patuloy ni Agnes, nagtatakang napalingon sa kanya si Selio.

"Bakit tila may dalang babala ang huli mong sinabi? Ate" natawa si Agnes dahil nalilito ang hitsura ni Selio. Ginulo niya ang buhok ng kapatid. "Sa madaling salita, iwasan mo ang taong maaaring magdulot sa 'yo ng pighati at kalungkutan" saad ni Agnes saka muling ginulo ang buhok ni Selio ngunit umiwas ito.

Muling napabuntong hininga si Selio, "Ako'y hindi makatulog dahil sumasagi lang sa aking isipan ang mga bagay na nawala sa loob ng mahabang panahon. Kung marami bang nawala o wala namang nagbago? Kung tama ba o mali ang pag-angkin sa pag-aari ng iba?" wika ni Selio habang nakatitig sa labas.

Nararamdaman ni Agnes na may mabigat na iniisip si Selio. "Maraming nagbabago sa bawat pagpatak ng oras. Wala na tayong magagawa sa mga nagdaang panahon na sa iyong palagay ay nasayang. Kung patuloy mong paghihinayangan iyon, ang oras na ginugugol mo kakaisip sa bagay na iyon ay nasasayang din" wika ni Agnes sabay tapik sa balikat ng kapatid.

"Kaya ikaw Selio, huwag mong ugaliing maging madamdamin sa agahan, hindi ka niyan matutunawan" paalala ni Agnes sabay kurot sa tiyan ng kapatid na lagi niyang pinanggigilan. Natawa si Selio dahil may kiliti siya sa sikmura.

Ilang sandali pa ay nagising na rin si Mang Pretonio. Mabuti na lang dahil nakaluto na si Agnes at nahanda na ni Selio ang hapag. Nagsimula na silang kumain. Tulad ng nakagawian ay sabay-sabay silang magtutungo sa butikaryo. Maghapong magbabantay doon si Agnes habang si Mang Pretonio naman ay tumatanggap ng ilang mga pasyente. Samantala, si Selio naman ay nag-aagwador sa umaga at nagpapanday sa hapon.

Nagkatinginan sina Agnes at Selio sabay tawa bago nila ibigay ang regalong alak para sa kanilang itay. Nanlaki ang mga mata ni Mang Pretonio sa bote ng alak na iyon na batid niyang mamahalin. "Para po iyan sa inyong wagas na pagsisikap na mabili ang lupang ito" ngiti ni Agnes.

"Huwag niyo na itanong kung magkano iyan, itay. Ang magtanong magbabayad ng piso sa amin" wika ni Selio dahil may ugali ang kanilang ama na itanong ang presyo ng lahat ng bagay na binibili ng mga anak para sa kaniya.

Napangiti si Mang Pretonio, hindi niya akalain na magiging masaya pa rin sila at mapapabuti ang kanilang buhay sa kabila ng trahedyang nangyari sa kanilang pamilya limang taon na ang nakararaan.

Nagpatuloy sila sa pagkain. Nakangiting napatitig si Mang Pretonio kina Agnes at Selio. Hindi niya lubos maisip kung anong mangyayari sa kaniya kung wala ang dalawang minamahal na anak. Napatingin siya muli kay Agnes, hindi niya nararamdamang iba ito sa kaniya. Ang pagmamahal niya sa totoong anak na si Liliana ay tulad din ng pagkalinga niya ngayon kay Agnes.

"Siya nga pala, itay. May espesyalistang doktor mula sa Europa na narito ngayon sa ating bayan. Siya ay pamangkin nina Don Dario at Doña Lara. Nais ko sanang ialok sa kaniya ang ating butikaryo at ang mga natuklasan niyong gamot. Tiyak na gaganda ang reputasyon ng ating butikaryo at mas maaaring tayo na ang magtustos sa kanyang pagamutan kung mayroon man" wika ni Agnes na animo'y may ipinapaliwanag siyang presentasyon sa mga namumuhunan.

Napatango si Mang Pretonio sa ideyang iyon. Wala namang maintindihan si Selio sa pagpapatakbo ng negosyo ngunit sa haba ng sinabi ni Agnes ay batid niyang magandang plano ang tinutukoy nito.

"Iyon nga lang, hindi ko nakausap kahapon ang doktor na iyon. Susubukan ko na lang muli..." napatigil si Agnes nang maalala niya ang lalaking lango sa alak at marijuana ay napailing siya sa sarili. Tiyak na nananatili rin doon ang lalaking iyon, maaaring kamag-anak din iyon ng gobernadorcillo. Mapanganib kung babalik siya muli roon.

"Hindi ko siya nakausap dahil..." napalunok si Agnes. Hindi niya batid kung dapat niya bang sabihin sa ama at kapatid ang nangyari sa hardin ni Doña Lara. Tiyak na iisipin ng mga ito na balak siyang pagsamantalahan o gawan ng masama ng lalaking iyon.

"Ako na ang kakausap sa doktor na iyon. Maaari ka pang malagay sa usap-usapan kung ikaw ang unang lalapit sa isang lalaki. May asawa o binata pa ba siya? At ano ang kanyang pangalan?"

"Doktor Mateo Ong daw po ang kanyang pangalan" tugon ni Agnes saka napaisip nang malalim, "Iyon nga lang, hindi ako nakatitiyak kung binata pa o may asawa na siya, itay" patuloy ni Agnes. Tumango ng ilang ulit si Mang Pretonio habang patuloy pa ring kumakain.

"Binata man o may asawa, iwasan mo pa ring maging malapit sa mga lalaki. Iyong nababatid kung gaano kabilis lumikha ng kuro-kuro ang mga tao sa paligid" paalala ni Mang Pretonio. Tumango si Agnes saka ngumiti. "Aking nararamdaman na nangangamba si itay na baka ako'y mag-asawa na" tukso ni Agnes sabay tingin kay Selio na sinang-ayunan at tinawanan din nito.

Tanging si Mang Pretonio lang ang nakakaalam na may asawa na si Agnes. Nakarating din sa kaniya ang balitang kinasal na muli si Alfredo ilang buwan matapos mailibing si Agnes na inakala nilang patay na.

Napatingin muli si Mang Pretonio kay Agnes, batid niyang isang malaking kasakiman ang kanyang ginawa ngunit ngayong si Agnes ay napamahal na rin sa kaniya ay hindi niya ibig na masaktan itong muli sa piling ng pamilya Salazar.


MARAHANG pinapaikot-ikot ni Alfredo ang maliit na bato sa kanyang palad. Nilalaro niya ito gaya noong paano sa kaniya itinuro iyon ng nakatatandang kapatid. Si Alfredo ay anim na taong gulang lang nang mamatay si Juan Gabriel Salazar.

Si Gabriel ay labing-isang taong gulang nang malunod ito sa ilog. Ang trahedyang iyon ay nasaksihan ni Alfredo dahil sila ang magkasama noong gabing iyon.

"Makinig ka nang mabuti sa akin, Alfredo. Huwag kang bibitaw sa aking kamay. Kapag sinabi kong takbo, tumakbo ka nang mabilis at huwag kang lilingon pabalik" seryosong wika ni Gabriel habang hawak ang magkabilang pisngi ng kapatid.

Nagtatago silang dalawa sa silong ng isang abandonang kubo. Malakas ang buhos ng ulan. Maputik na ang ilalim ng silong na kanilang pinagtataguan. Umiiyak na rin ang batang Alfredo ngunit pilit niya itong pinipigilan sa takot na marinig sila ng mga taong humahabol sa kanila.

Niyakap siya ni Gabriel. Hinubad nito ang suot na tsaleko saka ipinatong sa kapatid na nanginginig na sa lamig. Kalahating oras na silang nagtatago sa ilalim ng silong. Hinihintay nilang maghanap sa malayo ang mga kalalakihang namumugad sa abandonadong kubo.

"K-kailangan mabigyang hustisya ang pagkamatay ni Manang Sita. Nakuha na natin ang patunay na ninakaw ni Don Tomas ang lupain nila" wika ni Gabriel saka hinawakan nang mahigpit ang maliit na tampipi na pinaglalagyan ng mga orihinal na titulo ng lupa na nakapangalan sa mga taong naninirahan sa lupang ninakaw ni Don Tomas Romero.

Lumuluhang tumango si Alfredo. Ang kanyang kuya ay naghihinala kay Don Tomas at sa trahedyang sinapit ng pamilya ni Manang Sita at maging ng mga anak nito na malapit sa kanila. Hindi ibig ni Alfredo na lumakad mag-isa ang kanyang kuya Gabriel kung kaya't sinamahan niya ito nang magtungo sila sa hacienda Romero. Ngunit nakita sila ng isang tauhan nang matapos silang lumabas sa opisina ni Don Tomas.

Ang taktika ni Don Tomas ay dadakpin at papaslangin ang may ari ng titulo saka palalabasin na naibenta na ito sa kaniya. Ang taong dinakip ay palalabasing namatay sa natural na paraan.

"M-makakauwi rin tayo, Alfredo. Hindi kita pababayaan" pangako ni Gabriel saka niyakap nang mahigpit ang kapatid. Pareho na silang basa sa ulan. Tinapik ni Gabriel nang marahan ang balikat ni Alfredo upang pakalmahin ito gaya nang kung paano sila pinapatulog ni Manang Sita.

"Narito sila!" nagulat ang dalawang bata nang makita sila ng isang tauhan ni Don Tomas. Gumapang sa silong at kumaripas ng takbo sina Gabriel at Alfredo patungo sa kagubatan.

Pinaputukan sila ng baril ngunit agad pinatigil iyon ni Don Tomas dahil tiyak na maaalerto ang mga rumurundang guardia sibil sa oras na makarinig sila ng putok. "Tugisin at paslangin ang dalawang batang iyon!" sigaw ni Don Tomas. Hindi niya naaninag masyado ang hitsura ng dalawang bata dahil madilim ang paligid. Ang hinala niya ay isa sa mga maralitang mamamayan na naninirahan sa inagaw niyang lupa.

Umiiyak na si Alfredo habang hila-hila ni Gabriel na lumuluha na rin. Napatigil sila nang marating ang mabatong ilog. Malakas ang agos ng tubig dahil patuloy ang pagbuhos ng ulan. Nakakita sila ng malaking sanga ng kahoy.

Agad hinila ni Gabriel ang sanga ng kahoy saka binuhat ang kapatid, "Kumapit ka nang mahigpit!" wika ni Gabriel bago lumusong sa ilog at itinulak iyon upang sumabay sa malakas nitong agos.

Sumigaw muli ang tauhan sabay turo sa sanga ng kahoy kung saan nakakapit ang dalawang magkapatid. Mabilis itong inaagos kung kaya't tumakbo ang mga tauhan sa gilid ng batuhan upang habulin ito.

Napamura sa inis si Don Tomas. Inagaw na niya ang mahabang baril na hawak ng isang tauhan saka itinutok sa sanga ng kahoy na kanyang naaaninag. Matanda na siya at malabo na rin ang kanyang paningin ngunit wala na siyang pakialam kung tamaan sa ulo ang dalawang bata. Mas mahalagang mapatahimik ang mga ito. 

Apat na magkakasunod na bala ang kanyang pinakawalan. Dalawa sa mga ito ang dumaplis sa kamay at binti ni Gabriel. Ang isa naman ay dumaplis sa braso ni Alfredo. Napasigaw si Alfredo nang makitang nakabitaw si Gabriel sa sanga na kanilang kinakapitan.

Paulit-ulit niyang tinatawag ang pangalan ng kanyang kuya ngunit tatlong beses niya lang nakitang lumitaw ang ulo nito. "A-alfredo..." buong sikap na sigaw ni Gabriel habang iwinawasiwas sa ere ang kanyang kamay.

Hindi naglaon ay hindi na natanaw ni Alfredo si Gabriel. Narinig niya ang sunod-sunod na putok ng baril. Dumating na ang mga guardia sibil na nakarinig sa mga balang umalingangaw sa kagubatan. Mabilis na nakatakas sina Don Tomas at ang mga tauhan nito. Ni isa ay walang nahuli sa kanila.

Narinig ng isang guardia ang boses ng batang lalaking tumatangis. Agad itong lumundag sa tubig at hinila sa pampang ang sanga. Nasagip si Alfredo ngunit kinabukasan pa ng umaga nakita ang lumulutang na bangkay ng kanyang kapatid.

Nabitiwan ni Alfredo ang batong nilalaro niya sa kanyang kamay. Itinuro iyon sa kanya ni Gabriel upang hindi siya mainip sa tuwing naghihintay siya nang matagal. Kapag abala ka sa ibang bagay, hindi mo napapansin ang pagpatak ng oras.

Nakatayo siya sa balkonahe ng silid na kanyang tinutuluyan habang hawak sa kaliwang kamay ang isang tasa ng mainit na kape. Papasikat na ang araw, balak niyang magtungo muli sa mansyon ng gobernadorcillo upang makausap ang espesyalistang doktor.

"Señor Alfredo, may liham po kayo mula sa inyong ama" wika ng kutsero na kumatok at nagbigay-galang nang buksan nito ang pinto. Naglakad ang kutsero papalapit kay Alfredo saka iniabot ang sobre.

Tahimik na binasa ni Alfredo ang nakasaad sa papel. Inatasan siya ng kanyang ama na asikasuhin ang lupaing inalok sa kanila noon ng kakilalang kapitan sa Bataan. "Magpadala ka ng liham ka ng liham kay ama na aasikasuhin ko iyon bago ako bumalik sa Maynila" wika ni Alfredo, agad tumango ang kutsero.

Aalis na dapat ang kutsero ngunit napatingin ito muli kay Alfredo, "Señor, ano pong ibig niyong kainin sa agahan?" tanong nito, maaari silang magpaluto ng agahan sa bahay-panuluyan na kanilang tinutuluyan.

"Hindi ako kumakain ng agahan. Sapat na ito" tugon ni Alfredo. Napatingin ang kutsero sa tasa ng kape na hawak ni Alfredo. Tumango na lamang siya saka naglakad papalabas sa silid. Kahit papaano ay naisip niyang mas maswerte pa rin silang mararalita dahil may oras sila upang lagyan ng laman ang kanilang tiyan.


MAGILIW na inaasikaso ni Agnes ang mga namimili sa kanilang butikaryo. May isang ina ang nagtanong kung ano ang mabisang gamot upang mawala ang kabag ng kanyang anak na apat na taong gulang. Humanga ito sa galing ni Agnes dahil nang magpakulo ito ng luya at ipainom sa bata ay guminhawa na ang pakiramdam nito makalipas lang ang ilang minuto.

Marahang hinawi ni Agnes ang buhok ng batang lalaki na nagpasalamat sa kaniya. Kumaway pa ito bago sila umuwi ng kanyang ina. Lingid sa kaalaman ni Agnes, pinapagmamasdan sila ni Mang Pretonio mula sa loob ng butikaryo kung saan ay abala ito kanina sa ginagawang pagtuklas.

Muling naalala ni Mang Pretonio ang sinabi ni Selio kagabi bago sila matulog.

Nailatag na ni Selio ang malaking banig at kumot na tutulugan nila ng kanyang ama. Humiga na si Mang Pretonio matapos masiguro na nakasarado na ang mga pinto at bintana sa kanilang tahanan. Maaga ring natulog si Agnes na nasa kabilang silid.

"Itay" panimula ni Selio, tumingin si Mang Pretonio sa anak. Magkatabi na silang nakahiga sa malawak na banig. "Bakit hindi mo pa pinapatay ang sindi ng lampara?" tanong ni Mang Pretonio dahil nasa tabi ni Selio ang lampara.

"Ano po ang ating gagawin sa oras na bumalik na ang alaala ni ate Liliana... Pasensiya na po, nasanay na akong tawagin siya sa pangalan ni ate" malungkot na saad ni Selio saka napatingin sa ama.

Sandaling hindi nakapagsalita si Mang Pretonio. Nabigla siya sa tanong ng anak. Ito ang unang pagkakataon na naungkat ni Selio ang tungkol sa totoong katauhan ni Agnes. "Ang mabuti pa ay matulog ka na" saad ni Mang Pretonio nang hindi sinasagot ang tanong ni Selio.

Hinila ni Mang Pretonio ang kumot saka ikinumot iyon nang mabuti kay Selio. "Kung ano ang kanyang piliin, buong puso nating tatanggapin iyon. Sa kanyang pananatili sa ating piling, ako'y hindi nagsisi na kupkupin siya. Makasarili man kung isipin ngunit kung mabubuhay muli siya sa kalungkutan sa oras na bumalik ang kanyang alaala, huwag na lang sana mangyari iyon. Makalimutan na lang sana niya ang lahat habambuhay" tugon ni Mang Pretonio habang tinatapik ang sikmura ng anak.

Napayuko si Selio, "Ang totoo po niyan... Nakita ko po ang lalaking tumulong sa atin noon" saad ni Selio, napatingin si Mang Pretonio sa anak. "Noong dinakip po tayo at dinala sa gitna ng kagubatan ngunit tinulungan po tayo ng tatlong kalalakihan. Ang marangyang lalaki na lulan ng kalesa noon ang nakita ko po kanina" patuloy ni Selio saka napakagat sa labi.

Madali makatanda ng hitsura ng tao si Selio, madalas siya ang nakakaturo ng mga taong pinaghahanap ng awtoridad gamit lamang ang iginuhit na mukha na ipinapaskil sa mga pamilihan.

"Ang nakakapagtaka po ay tila kilala po ng lalaking iyon si ate. May kakaiba po sa reaksyon ng kanyang mukha nang makita niya si ate kanina" napabangon si Mang Pretonio sa ibinalita ng anak.

Malabo na sa kanyang alaala ang hitsura ng lalaking tumulong sa kanila noon. Ni hindi rin nila naitanong kung anong pangalan nito. Ngunit hindi malabo na walang makakilala kay Agnes lalo na sa Maynila o Kawit.

Sa loob ng limang taon ay nanatili lamang sila sa Bataan. Batid ni Mang Pretonio na hindi maiiwasang may makakilala kay Agnes. Kung siya ang tatanungin ay mas gugustuhin na lang niyang bumalik sa Siam ngunit nakiusap si Agnes na manatili sila sa bansa at tulungan ang mga kababayan sa pamamagitan ng kanilang butikaryo.


ISANG Masigabong palakpakan ang bumungad kay Don Asuncion matapos mabuksan ang pagamutan na kanyang itinayo sa Santa Ana. Marami ang dumalo, karamihan ay mga matatalik na kaibigan, opisyal at mga doktor na kanyang kaibigan. Nais niyang palawigin ang pagtuklas at pag-aangkat ng mga gamot na tiyak na mas lalago sa bagong ospital na kanyang ipinatayo.

Nagkaroon ng salo-salo na dinaluhan ng lahat. Kaliwa't kanang pagbati ang tinanggap ni Don Asuncion na halos walang katapusan. Kung nasaan ang liwanag ay naroon ang mga gamo-gamo.

Marami ang nagtatanong kung nasaan si Alfredo, ngiti at buong pagmamalaking sinasagot ni Don Asuncion na abala ito sa iba pa nilang negosyo. Samantala, walang magawa si Doña Helen, labag sa loob niyang isama si Emma sa mga pagtitipon ngunit batid naman ng lahat na ito na ang bagong asawa ni Alfredo. Hindi niya ibig na masabihan ng mga tao na walang kwentang biyenan sa manugang.

Nakaupo sa magkatabing silya sina Doña Helen at Emma. Sa tuwing may pagtitipon ay palaging nakayuko lamang si Emma. Namamasa ang mga palad nito sa kaba. Hindi niya maatim ang mapanlibak na tingin sa kaniya ng mga tao. Madalas ay sinasadya pang iparinig sa kanya kung gaano kakapal ang kanyang mukha at hindi siya nababagay sa kanilang estado.

Pinagmamasdan ni Doña Helen ang apat na batang lalaki na nagtatakbuhan sa bulwagan ng ospital. Halos kaedad ng mga ito ang kanyang apo na si Carlos. Kung malakas at masigla lamang ito ay tiyak na masaya rin itong nakikipaghabulan sa ibang mga bata.

Nagpakawala ng malalim na paghinga si Doña Helen. Sa tuwing naaalala niya ang kalagayan ng apo ay sumisikip lamang ang kanyang dibdib. Napatingin siya kay Emma na hindi gumagalaw sa kanyang tabi. Sa kanyang palagay ay nagkaroon ng ganoong karamdaman ang apo dahil ang ina nito ay kulang sa nutrisyon at puno ng alalahanin. Kailangan niya ng masisisi upang gumaan ang kanyang loob.

"Umuwi ka na lang. Pinapahiya mo ako sa kilos mong iyan" saad ni Doña Helen habang nakatingin nang matalim kay Emma. Ilang beses na niyang pinagsasabihan ang manugang tungkol sa kilos at pakikitungo nito. Animo'y inaapi siya at sa kaunting bagay ay nangingilid agad ang luha bagay na kinaiinisan ng Doña.

Hindi nakapagsalita si Emma. Nanatili lang siyang nakayuko ngunit sa pagkakataong ito ay pilit niyang pinipigilan ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata.

Samantala, habang abala ang mga panauhin sa salo-salo ay nagpaalam sandali si Don Asuncion sa mga kasalo sa hapag. Sinabi niyang magtutungo siya sa palikuran ngunit ang totoo ay kailangan niyang harapin ang tauhan na nakita niyang diretsong pumasok sa bulwagan at nagtungo sa isang silid ng pagamutan.

Nang masiguro ni Don Asuncion na walang nakasunod sa kanya ay mabilis siyang pumasok sa silid at isinara ang pinto. Malinis pa ang silid, may tatlong kama sa loob. Agad nagbigay-galang sa kanya ang tauhan.

"Iyong tiyakin na maganda ang iyong ibabalita. Ano ang sinabi niya?" panimula ni Don Asuncion habang gumuguhit ng bilog sa sahig gamit ang hawak niyang baston. Nakagawian niya itong gawin lalo na sa tuwing nag-iisip nang malalim.

Napayuko ang tauhan, "Paumanhin po ngunit hindi ibig paunlakan ni Don Rafel ang inyong imbitasyon" tugon ng tauhan habang nakatitig sa sahig. Napapikit sa inis si Don Asuncion, napatigil siya sa pagguhit ng bilog sa sahig. Nais niyang ihampas sa tauhan ang baston ngunit nanatili ang baston sa ere.

Ibinaba na lang niya ito saka pinandilatan ang tauhan, "Nagmamatigas talaga ang Rafael na iyan. Kailangan ko ang kanyang lupain! Hindi ba siya makaunawa?! P*nyeta!" ang tinutukoy nito ay ang lupang natitira sa pamilya Romero na ninakaw lang din ni Don Tomas sa mga naninirahan sa barrio na iyon. Mas mahigpit na ang pagbili ng mga lupain ngayon at kailangan iyon ni Don Asuncion para sa bagong negosyo na kanyang itatayo kasama ang iba pang mga opisyal.

Hindi nagsalita ang tauhan. Sa loob ng limang taon ay nadagdagan din ang galos sa kanyang mukha at katawan sa dami ng mga mapanganib na pinapagawa sa kanya ni Don Asuncion. "Kung naghihinala siya na ako ang nasa likod ng pagkamatay ng kanyang anak, bakit hindi siya magsampa ng kaso laban sa akin?!" buwelta ni Don Asuncion. Halos tatlong taon na niyang sinusuyo si Don Rafael tungkol sa lupaing iyon.

Napatingin muli si Don Asuncion sa tauhan saka naglakad papalapit at dinuro-duro niya ang noo nito. "Kung hindi ka rin siraulo, ano ang napala natin sa pagkamatay ni Agnes? Hindi ba't ang utos ko lang ang iyong susundin?! May sinabi ba akong saktan mo ang batang iyon? Kahit kailan ay wala ka talagang kwenta!" patuloy ni Don Asuncion. Ang lahat ng kanyang inis at pagkadismaya ay palagi niyang binubunton sa mga taong mas nakakababa sa kanya.

Muling humingi ng paumanhin ang tauhan kay Don Asuncion. Ang totoo ay nais lang ni Don Asuncion na sunduin ng mga tauhan si Agnes sa daungan at pigilan ito sa pagbyahe patungo sa Zamboanga. Nalaman niya na nagtungo si Agnes sa kagawaran ng kalusugan upang hingiin ang talaan ng epidemya na nangyari sa barrio Sagpang ngunit hindi ito nakuha ni Agnes dahil naghigpit na ang kawani ng kagawaran ng kalusugan matapos ipagbigay alam ni Don Asuncion na hindi dapat pinamamigay kung kani-kanino ang datos na pag-aari ng gobyerno.

Kakausapin lang dapat ni Don Asuncion si Agnes kung ano ang hinala nito at kung bakit ibig nitong tuklasin ang tungkol sa epidemyang iyon. Mahalaga sa kanya ang ugnayan sa pamilya Romero. Ang pagkawala nito ay nagdulot din ng paghina ng kanyang kapit sa pamahalaan ng Kawit.

Napahilamos na lang si Don Asuncion sa kanyang mukha nang maalala ang araw kung saan dumating sa kanya ang balitang wala na ang manugang na kagagawan ng kanyang mga tauhan.

Binato ni Don Asuncion ng baston at sinipa ang tauhan nang makarating sa kanya ang nangyari kay Agnes. "Hindi ba't sinabi kong dalhin mo lang siya sa akin?!" sigaw ng Don saka muling himampas ng baston ang tauhan na nakadapa sa sahig at patuloy na humihingi ng tawad.

"N-nakilala niya ho ako. Nakilala niya na ako ang kausap niyo noong narinig niya ang ating usapan. Nasaksihan din po niya ang ginawa namin sa anak ng manggagamot" paliwanag ng tauhan na may balat sa likod ng tainga.

"Kahit na! Si Agnes ay anak ni Rafael! Siya ang asawa ng aking anak! Wala bang laman iyang utak mo?!" sigaw ni Don Asuncion saka muling sinipa ang tauhan. Namumula na ang mukha ng Don, nagpalakad-lakad siya sa silid-aklatan. Tiyak na kumalat na ang balitang pumanaw na si Agnes. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng takot. Nangangamba na siya ang maturo sa sinapit ng manugang.

"N-ngunit paano po kung trahidurin kayo ng inyong manugang? Inyong nababatid na hindi rin siya pinapatunguhan nang maayos ng inyong anak. Paano kung siya ang magpabagsak sa inyo sa oras na sabihin niya ang lahat ng kanyang nalalaman. Ang tungkol sa pagpapaslang niyo sa pamilya ni Pretonio upang makuha ang kopya ng talaan at ang nangyaring epidemya sa barrio Sagpang" saad ng tauhan saka dahan-dahang tumingala kay Don Asuncion upang tingnan ito sa mga mata.

Hindi nakapagsalita ang Don. Nanatili lang itong nakatingin sa nanlilisik na mata ng tauhang iyon na tila ba naghihimagsik at nagmamakaawa. "Ang pagkawala ng anak ni Don Rafael ay siyang katapusan ng inyong alalahanin" saad ng tauhan saka muling napayuko.

Ilang segundong hindi nakapagsalita si Don Asuncion. Pabagsak siyang napaupo sa kanyang silya at napahilamos sa kanyang mukha. "Nailgpit din po namin si Pretonio at ang dalawa nitong anak. Hindi man namin nakuha ang kopya ng talaan ngunit tiyak na nalusaw na iyon sa ilog" patuloy ng tauhan saka muling napatingin sa kanyang amo.

Ang pagsisinunggaling na kanyang ginawa ay daan upang maligtas ang kanyang buhay at ng kanyang mga kasamahan. Ngunit hindi iyon matatapos doon, gagawin nila ang lahat upang ang kasinunggalingan ay maging katotohanan sa oras na mahanap na nila si Pretonio at ang anak nitong lalaki.


HINDI mapakali si Agnes habang nagluluto ng pagkain para sa kanilang tanghalian. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi siya pinapapasok ngayon ng ama sa butikaryo. Isinara rin ni Mang Pretonio ang butikaryo at sinabing may lalakarin lang ito.

Sa palagay ni Agnes ay nagtungo ang kanyang ama sa pamangking doktor ni Doña Lara. Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pang isarado ang butikaryo. Nanghihinayang siya sa kikitain nito ngayong araw.

"Selio? Kailangan ko pala ng kamatis. Maaari mo ba akong hingian kay Aling Pacia?" tanong ni Agnes habang hinahalo ang niluluto. Napalingon si Agnes at muling inulit ang sinabi ngunit wala siyang tugon na narinig.

Napapamewang na lang si Agnes saka inilapag sa mesa ang hawak na sandok. "Tiyak na namitas na naman siya ng bayabas" saad ni Agnes sa sarili. Pinagpagpagan niya ang kanyang kamay saka kinuha ang bakol na nakapatong sa mesa.

Lumabas na siya ng bahay saka naglakad patungo sa bahay ni Aling Pacia na tatlong bahay lang ang layo sa kanila. Marami itong pananamin na mga kamatis, talong at oregano. Nang marating niya ang maliit na bahay kubo ni Aling Pacia ay naabutan niya itong nagwawalis sa labas.

Magiliw siyang kinumusta ng matanda saka ibinigay ang kamatis na kanyang hiningi. "Ako po ang bahala sa inyong tanghalian ngayon" ngiti ni Agnes sa matanda, kumaway muna siya bago nagpaalam. Tumango ang matanda sa kanya saka nakangiting nagpatuloy sa pagwawalis.

Bumagal ang lakad ni Agnes nang mapansin ang isang kalesa na nakatigil sa tapat ng kanilang tahanan. Wala silang kalesa at malabong sumakay sa kalesa ang kanyang ama o kapatid dahil kilalang matipid at praktikal ang mga ito.

Mababang kawayan ang nakatusok sa harapan ng kanilang bahay kubo. Napapaligiran din ito ng mga bulaklak ng adelpa sa harapan at mga pananamin na halamang gamot sa gitna. Nang makarating si Agnes sa tapat ng kanilang tahanan ay napansin niya ang matangkad na lalaking nakatalikod at nakaharap sa kanilang bahay.

Ilang sandali pa ay napatingin ang lalaki sa mga bulaklak na adelpa. Dahan-dahan nitong hinawakan ang isang bulaklak saka pumitas ng isa. Umihip nang marahan ang hangin dahilan upang magsayawan ang mga bulaklak at dahon sa lupa.

Nanatiling nakatitig ang lalaki sa adelpa na tila ba may malalim itong inaalala. Napatitig sandali si Agnes sa lalaki hanggang sa muling mapatingin ang lalaki sa bahay ngunit hindi ito nagsalita. Tumalikod na ang lalaki sa bahay saka humakbang papalabas sa tarangkahan ngunit napatigil ito nang makita si Agnes na nakatayo sa labas ng tarangkahan.

Nabitiwan ng lalaki ang adelpa na diretsong bumagsak sa lupa. Gulat at halos walang kurap itong nakatingin kay Agnes. Napatingin si Agnes sa bulaklak na ngayon ay nasa lupa na. Dahan-dahan siyang napatingin muli sa lalaking halos walang kurap pa ring nakatitig sa kanya.

Ito ay tulad ng adelpa na nagbibigay ng babala na kailangan niyang maging maingat sa mga bagay na magdadala sa kanya ng pighati at kalungkutan. At maaaring ang tinutukoy nito ay ang lalaking nakatayo ngayon sa kanyang harapan.


****************

#LoSientoTeAmo

Featured Song: "Paubaya" by Moira dela Torre

Continue Reading

You'll Also Like

680 59 6
Xeng is desperate for love. Kinda, sorta, maybe. Kaya ano pa nga ba ang gagawin ng isang taong maraming oras at naipong lakas ng loob? Go on dates, o...
3.3K 675 10
THE CALLALILY AWARDS SHORT STORY CHAMPION MAY 2020 Seira is a writer who used to write letters and poems about her "The One that Got Away". When 2020...
1.7M 89.9K 71
Wattys 2019 Winner in Historical Fiction Category Dahil sa isang pagkakamali, out of nowhere ay bumalik sa taong 1855 si Choleng. Nalayo man nang tul...
309K 8.8K 37
[COMPLETED] Not every love story ends with a "and they live happily ever after" Date started: May 15, 2014 Date Finished: November 22, 2016 Story C...