Dayari: Part One

20 1 0
                                    

March 21, 2007


Kahapon ng gabi biglang sumagi sa isip ko na kailangan ding magsulat ako ng dayari o talaarawan, gamit ang lengguwaheng Filipino, kung gusto kong masanay sa pagsusulat sa wikang ito. Araw-araw ko itong gagawin. 

Sinulat ko ito bandang alas-sais ng umaga ngayong araw na ito. Ito na ang simula ng isang mahabang tala sa aking sarili. Ngayon ko lang ginawa ito at umaasa akong may mapupulot akong ginto (hmm, sumagi sa isip ko iyong una kong nobela tungkol sa ginto) o makadiskubre ng ibang mahika sa paglalakbay na ito.

Ang una kong "diary" o iyong mga nakalipas na dayari ay nakasulat sa Ingles. Pinilit kong magsulat araw-araw kahit walang gaanong insidente. Para akong nagpepenitensiya araw-araw. Bawat salitang gamitin ko'y pahirap sa aking utak. Pero tinapos ko at nang basahin ko uli ay maganda naman pala. Iyon lang ang aking konsuwelo sa pagsusulat–sa kahit anong uri ng literatura.

Sana'y hindi na maulit iyong karanasan na iyon dahil gagamitin ko na ang sariling wika. Gano'n pa man, sumisingit pa rin sa isipan ang bokabularyong Ingles habang sinusulat ko ang pahinang ito. Sa mga susunod na pahina, hindi ko masasabi na makakapagsulat ako ng purong Filipino, kahit anim na diksiyonario ang katabi ko ngayon.

Alam kong hindi sapat ang mga ito. Isang halimbawa'y hindi ko maisalin sa Filipino ang Ingles na salitang entry, kahit anong hanap ang gawin ko. Napakasimpleng salita pero naaaksaya ang oras ko sa pagta-translate (see?).

Binubuklat ko ang diksiyonario ngayon at tinitingnan ko ang kahulugan ng translate sa Filipino. Isalin lang pala. Ito ang bago kong penitensiya sa pagsusulat sa dayaring ito, palagay ko.

Sa isang banda, maaaring lantarang gumamit ako ng Ingles hindi dahil sa hindi ko alam magsalin kundi mas ginagamit ito ng karamihan. Common sense ang aking gabay. Hindi ko hangad na lituhin ang mambabasa dahil ang hangad ko'y magsulat nang makatotohanan, kahit ano pa ang tingin ng buong mundo.

Alas-kuwatro ng hapon. Dumating ang bunso, si Meli, galing sa eskuwela. Nalalanghap ko sa ibaba ang niluluto ni Donn, pangalawa sa panganay. Pero may "tawag ng kalikasan" sa akin. Kailangan ding pagbigyan ang mundo sa labas kaya titigil muna ako sa entry na ito pansamantala.

DAYARI NG ISANG MISANTROPOWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu