Kabanata 2: EAGLE CAMP, DAVAO CITY

551 16 5
                                    

HINDI PA RIN makapaniwala si Kiko.

Para siyang namatay at nakatayo sa harap ng pintuan ng Langit na naghihintay na papasukin sa paraiso.

Hindi nga siguro siya magugulat kung may balbasaradong lalaki na may hinihimas pang manok ang biglang lumitaw sa tabi ng gate.

Pero isang naka-asul na uniporme ng security guard ang bumati kina Kiko. “Welcome sa Philippine Eagle Conservation Camp.”

“Kiko,”saway na bulong ni Jo sa kaibigan. “Nakakahiya ka na, ha. Hindi na nga bale kung halos lumuwa ‘yang mga mata mo pero huwag mo nang ternuhan ng nakabukang bunganga.”

Hindi pinansin ni Kiko ang kantiyaw ng kasamang dalagita. Ang tagal na yata niyang inasam na makapunta rito. Kaya kahit halos maubos ang savings niya sa pamasahe sa barko ay ayos lamang basta’t makasama sa biyaheng ito. Kaya walang makapipigil kahit tumulo pa ang laway niya.

Inilabas ni Kiko sa case ang mamahaling kamera na pilit niyang hiniram sa kanyang tatay. “Rafa, nasaan ang mga agila?” sabik na tanong niya sa isa pang kasamang dalagita.

Napatawa ang mestisang espanol na si Rafa. “Sandali lang, Kiko. Pupuntahan muna natin si Uncle Jim sa opisina para may guide tayo,”sabi nito sa Tagalog na may puntong Bisaya.

Taga-rito sa Davao City si Rafa. Inimbitahan nitong mag-summer vacation ang kinakapatid at kasing-gulang na si Jo. Inaanak ng sikat na investigative journalist na si Mike Rodrigo si Rafa.

Nang maikuwento ni Jo na Camp Manager at biologist ng Eagle Camp and Research Laboratory ang tiyuhin ni Rafa ay nakiusap ---lumuhod at nagmakaawa!--- si Kiko na isama siya.

Kahit daw sa sahig ng bahay nina Rafa siya matulog ay titiisin niya, kahit pa katabi ang aso nina Rafa ay malugod niyang gagawin makapunta lamang sa Eagle Camp sa Malagos, Davao City.

Hindi nga siya tinigilan noon ng panunukso nina Gino at Boging. “Kunwari ka pa, Kiko, kung hindi siguro naikuwento ni Daddy na pugad ng mga tisay ang Davao City eh hindi ka magiging interesadong sumama... Oo nga, baka si Rafa pa ang type mo...! Hoy, Kiko, sasapakin talaga kita pag kinatalo mo ang kinakapatid ko!”

Humupa lamang ang pangangantiyaw ng barkada nang isa-isa niyang ipinakita ang mga poster niya ng mga Philippine Eagles, na dating tinatawag na Monkey-Eating Eagles.

“O sige na, Kiko,”sabi ni Jo na nakataas ang dalawang kamay. “Suko na ‘ko. Die-hard fan ka nga ng mga monkey-eating eagles. Hayaan mo’t itatanong ko kay Rafa kung okey lang na magsama ako ng yaya,”pang-aasar pa nito.

Kaya ngayon, palakad pa lamang sila sa tanggapan ng Eagle Camp ay walang tigil na sa pagkuha ng litrato si Kiko. Iba’t-ibang klaseng filter pa ang ikinakabit niya sa hiniram na kamerang Leica ng tatay niya.

Naroong tumuntong si Kiko sa bangko, sumilip sa pagitan ng mga pananim at dumapa sa damuhan para makakuha ng iba’t-ibang anggulo.

Ngunit sa inis ng mga dalagita ay ayaw silang isama ni Kiko sa mga kinukuhanan. Matatabingan lamang daw nila ang view.

“Halika na nga, Rafa,”mataray na sabi ni Jo sabay hila sa kamay ng kinakapatid. “Iwan na natin ang buang na ‘yan. Biruin mong ipagpalit ang beauty natin sa mga puno.”Nauna nang pumasok ang dalawa sa Administration building.

“Uncle Jim!” tawag ni Rafa sa isang mestisuhin at nakasalaming lalaki. May binabasa itong papel sa bulletin board ng opisina. Lumingon ang tinawag. “Rafaela! Kanina pa ba kayo?”nakangiting sagot ng lalaki.

“Ngayon lang. Uncle, natatandaan mo pa ba si Jo? Anak ni Ninong Mike?”pagpapakilala ni Rafa sa kasama.

“Good morning po, Uncle Jim,”bati ni Jo.

“Aba, talaga yatang matanda na ‘ko. Kailan lang ay naglalaro pa kayo sa kalye nang walang salawal. Ngayon siguro’y may pila pa ang mga manliligaw n’yo,”tukso ng lalaki.

“Si Uncle talaga,” namumula ang pisnging sabi ni Rafa nang biglang bumukas ang pinto. Humahangos na pumasok si Kiko na may nakadikit pang mga dahon ng damo sa suot na t-shirt. Nakasabit pa rin sa leeg ng binatilyo ang kamera.

“Uncle, siya si Kiko. Barkada ni Jo.”

“Good morning po, sir. Mag-tu-tour na ho ba tayo?”humihingal na tanong ni Kiko.

“Teka muna. May tatapusin lang ako bago tayo umikot ng Camp,”natatawang sagot ng lalaki kasabay ng pagpasok sa silid na may nakasulat na ‘Camp Manager’ sa pintuan.

“Uncle, sa labas na lang kami maghihintay,”habol ni Rafa sa lalaki. “Bilisan mo, ha?”

Noong una’y naiilang si Kiko sa pananagalog ni Rafa. Bukod sa puntong bisaya, hindi rin ito gumagamit ng salitang ‘po’ kahit na mas matanda ang kausap.

Ipinaliwanag ni Jo na hindi naman nambabastos si Rafa. Wala kasing salitang ‘po’ at ‘opo’ sa mga wikaing Bisaya kaya kahit sa pananagalog ay hindi nakagawian ng mga Bisaya ang gumamit nito.

Pagkalabas ng gusali ay naupo ang mga kabataan sa damuhan. Nagkuwentuhan sina Rafa at Jo pero si Kiko ay halatang atat na atat nang mag-ikot. Palipat-lipat ang sulyap ng binatilyo sa relo at sa pinto ng gusali.

“Kiko, ang sinaing na binabantayan ay matagal mainin,”paalala ni Jo sa pagkainip ng kasama.

“Mukha ka tuloy kawawa, Kiko,”salo ni Rafa nang mapansin nito ang isang grupo ng damong makahiya sa dakong likuran ng kinauupuan nila.

Naisip ni Rafa na ituro kina Jo ang isang laro para mabawasan ang pagkabagot ni Kiko.

“Kung sino ang makakapitas ng dahon ng makahiya nang hindi ito tumitiklop ang panalo,”paliwanag ni Rafa.

Si Jo ang na unang sumubok pero kahahawak pa lamang niyon sa tangkay ay tumiklop na ang makahiya. Si Kiko ay ganoon din. Si Rafa man ay bigo rin. Umulit sila sa pagpitas.

“Ang pangit namang laro ‘to,”reklamo ni Kiko dahil mauubos na ang mga dahong nakabuka ay wala pang nananalo.

“Hindi mo lang magawa kaya sinasabi mong walang kuwenta,”pang-inis pa ni Jo.

“Ang hirap eh,”patuloy ni Kiko. “Tingnan n’yo nga. Bumubuka na ulit ang mga dahong---”

“Yeesss!!”putol ng sigaw ni Jo sa litanya ni Kiko. May hawak iyong tangkay ng nakabukang makahiya.

“Ako ang nagwagi!”kanta pa ni Jo na kunwaring mikropono ang hawak na makahiya.

Nakisakay si Rafa. “Speech! Speech!” sigaw nito. Nagkakagulo ang tatlo kaya hindi nila namalayang nasa likod na nila si Uncle Jim.

 “Shall we go, kids o baka may hahamon pa sa bagong kampeon?”nakangiting panunukso nito.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.4: Hiwaga ng Nawawalang AgilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon